By | 09/14/2011

SP Seminar Workshop Matagumpay na Idinaos
Kenneth Rives, 14 Setyembre 2011

linangan3Matagumpay na idinaos noong ika-10 ng Setyembre ang Sikolohiyang Pilipino (SP) Seminar Workshop na pinamagatang “Ang Pagbabago ng Sikolohiyang Pilipino sa Nakalipas na Panahon”. Ito ay ginanap sa Bulwagang Palma, Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman mula ika-1 hanggang ika-5 ng hapon na dinaluhan ng mahigit kumulang isang daang mag-aaral ng Sikolohiya mula sa iba’t ibang Unibersidad gaya ng Centro Escolar University, De La Salle University, Eulogio “Amang” Rodriguez Institute of Science & Technology, Far Eastern University, Holy Angel University-Pampanga, Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, Polytechnic University of the Philippines, San Beda College, University of Assumption-Pampanga, University of the East at University of the Philippines.

 

 

 

 

 

linangan4

Layunin ng programa na bigyang kaalaman ang mga mag-aaral ng Sikolohiya tungkol sa Sikolohiyang Pilipino. Sa pangunguna ng Alyansa ng mga Mag-aaral sa Sikolohiyang Pilipino (Tatsulok), sinimulan ang programa sa isang panalangin mula kay Bb. Maria Alexandra Joy Bonevie na sinundan ng panimulang salita mula sa Pangulo ng Tatsulok na si Bb. Ivee Fernandez. Pagkatapos ng isang palaro ay ipinakilala na ng mga tagapagdaloy ng programa, na sina Bb. Jayne Lacson at G. Miguel Moreno, ang tagapagsalita na si Propesor Jose Antonio Clemente, na kasalukuyang nagtuturo ng Sikolohiyang Pilipino sa UP Diliman at tagapayo ng Tatsulok.