By | 05/07/2026

Ipinahahayag ng Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino (PSSP) ang mariing pagtutol nito sa panukalang Reframed General Education Program ng Commission on Higher Education (CHED) Technical Panel for General Education (TPGE).

Sa ilalim ng panukalang ito, mababawasan ang mga yunit ng General Education (GE) mula 36 yunit tungong 18 yunit, at mapapahina, kung hindi man tuluyang mawalala, ang mahahalagang kurso sa Agham Panlipunan at Humanidades. Kabilang dito ang Understanding the Self (UTS), isang pangunahing kursong malawakang itinuturo ng mga guro at iskolar sa larangan ng Sikolohiya.

Naniniwala ang PSSP na mahalaga ang UTS sa holistiko, mapanuri, at makataong paghubog sa mga Pilipinong mag-aaral. Sa pamamagitan ng kursong ito, nagkakaroon ng mas malalim na pag-unawa ang mga kabataan sa sarili sa konteksto ng kasaysayan, kultura, lipunan, at Sikolohiyang Pilipino. Dito rin napag-uusapan ang mahahalagang konseptong Pilipino tulad ng loob, dangal, ginhawa, pagpapahalaga, at pakikipagkapwa-tao, gayundin ang paggamit ng mga katutubong lapit at metodo sa pag-unawa ng pagkatao, kapwa, at lipunan.

Higit pa rito, mahalagang espasyo ang UTS para sa pagtalakay ng lusog-isip o mental health, kaginhawaan o wellbeing, at iba pang usaping may kinalaman sa pag-unlad at pagpapabuti ng tao. Sa panahong patuloy na tumataas ang bilang ng mga nakararanas ng stress, pagkabagabag, depresyon, at iba pang suliranin sa lusog-isip, lalong nagiging mahalaga ang pagkakaroon ng mga kursong nagtuturo sa pag-unawa sa sarili, emosyon, ugnayan, at pakikibagay sa mga hamon ng buhay.Kaugnay ito ng adhikain Republic Act No. 11036 o Philippine Mental Health Act at ng CHED Memorandum Order No. 05, s. 2026 na naglalayong paigtingin ang “Health and Wellbeing” sa mas mataas na antas ng edukasyon.

Sa kontekstong ito, ikinababahala ng PSSP ang lumalakas na neoliberal na pagtingin sa edukasyon kung saan binibigyang-halaga ang mabilis na produksiyon ng mga manggagawa at mga kasanayang agad na mapakikinabangan sa merkado, habang unti-unting isinasantabi ang mga kursong humuhubog sa kritikal na pag-iisip, pagkamakatao, at kamalayang panlipunan. Ang edukasyon ay hindi lamang dapat naghahanda para sa trabaho; dapat din nitong ihanda ang mga mag-aaral upang maging etikal, mapanuri, maka-kapwa, makabayan, at may kakayahang unawain ang kanilang sarili at lipunan.

Para sa PSSP, ang GE ay pundasyon ng malaya, mapagpalaya, at mapagkalingang edukasyon. Ang pagkapon sa Agham Panlipunan at Humanidades ay nangangahulugan din ng paghina ng kakayahan ng mga mag-aaral na unawain ang kasaysayan, kultura, lipunan, at mga umiiral na suliranin ng bayan.

Sa halip na tanggalin o pahinain ang UTS at iba pang kurso sa Agham Panlipunan at Humanidades, dapat pa ngang palakasin ang mga ito at higit na iugat sa mapanuri, malaya, mapagpalaya, at mapagkalingang oryentasyon ng Sikolohiyang Pilipino. Sa ganitong paraan, higit na mahuhugpong ang mga pag-aaral ng GE sa mga kahingian at kalagayan ng kagyat na konteksto ng lipunang Pilipino. Mahalaga ang paghuhugpong ng tao sa kanyang kalagayan at kairalan upang maging buo, makabuluhan, at may direktang kaugnayan sa kanyang pagkatao at pagka-Pilipino ang kanyang pagkatuto.

Kaugnay nito, mariing inirerekomenda ng PSSP ang sumusunod:

  1. Ipagpaliban ang implementasyon ng anumang panukalang rebisyon sa GE Program na hindi sumasailalim sa mas malawak, ingklusibo, at makabuluhang konsultasyon kasama ang mga guro, organisasyon, at mga sektor na higit na nagsusulong ng Agham Panlipunan at Humanidades, lalo na’t sila ang direktang maapektuhan sa usapin sa empleyo, seguridad sa trabaho, at sapilitang pang-aangkop ng kanilang mga kasanayan sa mga programang maaaring malayo sa kanilang disiplina at espesyalisasyon;
  2. Gawing core course ang UTS sa GE Program;
  3. Pagtibayin ang pagpapaloob ng mental health at health and wellbeing sa UTS;
  4. Palakasin ang oryentasyon ng Sikolohiyang Pilipino sa UTS;
  5. Palawakin at pangalagaan ang espasyo ng Agham Panlipunan at Humanidades sa GE Program;
  6. Suportahan at protektahan ang mga guro at programang nakapaloob sa Agham Panlipunan at Humanidades sa kolehiyo.

Naninindigan ang PSSP na ang edukasyong nagbibigay ng kapangyarihan at nakapagbabago ng buhay ay hindi lamang nakabatay sa teknikal na kasanayan o kahingian ng merkado, kundi sa kakayahang umunawa, magnilay, makipagkapwa-tao, at kumilos para sa bayan.

Para sa malaya, mapagpalaya, at mapagkalingang GE Program, panatilitihin at palakasin ang kursong Understanding the Self, pangalagaan ang espasyo ng Agham Panlipunan at Humanidades, at tutulan ang Proposed Reframed GE Program ng CHED.