PSSP dumalaw sa New Era University
Jay Yacat, 18 Marso 2011
Prop. Yacat, nagsalita ukol sa katutubong metodo
PINAUNLAKAN ng PSSP ang paanyaya ng klase sa Sikolohiyang Pilipino sa New Era University na magbigay ng maikling panayam ukol sa mga katutubong metodo, ika-18 ng Pebrero 2011. Kaugnay ito ng pagbubukas ng kanilang eksibit na proyekto sa mga naturang klase. Si Prop. Jay A. Yacat, Pangalawang Pangulo ng PSSP, ang naging kinatawan ng PSSP sa okasyong ito.
Sa kaniyang panayam, tinalakay ni Prop. Yacat ang pangangailangan ng paggamit ng mga katutubong metodo ng pananaliksik tungo sa pag-unlad ng disiplina ng sikolohiya sa Pilipinas. Idiniin niya na mas epektibong gamitin ang mga metodong ito sa pagkalap ng mas makatuturang datos mula sa mga Pilipino. Nagbigay din siya ng maikling kasaysayan ng paggamit at pagdebelop ng mga katutubong metodo tulad ng pagtatanung-tanong, pakikipagkuwentuhan at ginabayang talakayan.
Pagkatapos ng panayam, pinasinayaan din ni Prop. Yacat ang eksibit ng mga estudyante na nagtatanghal ng mga kultural na produkto ng iba’t ibang lugar at rehiyon na pinuntahan ng iba’t ibang grupo ng mga estudyante sa mga klase sa Sikolohiyang Pilipino. Ilan sa mga lugar na itinampok sa eksibit ay: Baguio, Benguet, Mt. Province, Dagupan, Bataan, Pampanga, Bulacan, Albay. Pinangasiwaan nina Prop. Nanette Calaor-Tamayo at Prop. Felida Tucker-Rustia ang dalawang klase ng Sikolohiyang Pilipino na naghanda ng eksibit.