Gawad Sikolohiyang Pilipino
Lorenzo M. Tañada (Pulitika) [Gawad SP 1988]
Kinilala si dating Sen. Lorenzo M. Tañada bilang Ama ng Pulitikang Pilipino na ipinakita niya sa kanyang pagiging abogado at serbisyo publiko, dalawampu’t apat na taong panunungkulan bilang Senador ng Pilipinas, at pagiging lider ng oposisyon lalo na sa panahon ng Batas Militar.
Virgilio G. Enriquez (Sikolohiya) [Gawad SP 1994]
Pinarangalan si Dr. Virgilio G. Enriquez bilang Ama ng Sikolohiyang Pilipino na may natatanging kontribusyon bilang: (1) propesor ng sikolohiya, antropolohiya, pilosopiya, at wikang Filipino; (2) awtor ng mga artikulo at libro na bumabandila sa katutubong kultura, lipunan, at sikolohiya; (3) iskolar na masusing nagmatyag at nagsuri sa mga penomenong kultural ng Pilipino; at (4) guro at gabay ng mga estudyante at kapwa-guro tungo sa malaya at mapagpalayang sikolohiya.
Rogelia E. Pe-Pua (Sikolohiya) [Gawad SP 1998]
Kinilala si Dr. Rogelia E. Pe-Pua sa kanyang pagiging kabalikat sa pagpapatatag at pagpapaunlad ng Sikolohiyang Pilipino. Aktibo niyang pinalaganap ang Sikolohiyang Pilipino sa pamamagitan ng kanyang pagtuturo, pananaliksik at paglalathala (kabilang na ang Sikolohiyang Pilipino: Teorya, Metodo, at Gamit), at gawaing pang-organisasyon, sa ilalim ng Akademya ng Sikolohiyang Pilipino at Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino (PSSP) na katulong niyang itinatag.
Prospero R. Covar (Antropolohiya) [Gawad SP 2000]
Pinarangalan si Dr. Prospero R. Covar sa kanyang pagiging Ama ng Pilipinolohiya na sistematikong pag-aaral sa kaisipan, kultura, at lipunang Pilipino. Aktibo siyang tagapagsulong ng pag-aaral sa pagkatao at sikolohiyang Pilipino sa kanyang mga pag-aaral sa agrikultura, antropolohiya, at sosyolohiya.
Zeus A. Salazar (Kasaysayan) [Gawad SP 2002]
Kinilala si Dr. Zeus A. Salazar bilang pangunahing Pilipinong historyador, antropologo, teoriko, at tagapasimuno ng Pantayong Pananaw at Bagong Historiograpiyang Pilipino. Aktibo niyang sinaliksik ang mga dalumat gaya ng kaluluwa, ginhawa, loob, labas, hiya, bayani, at iba pang konseptong Pilipino na malaki ang ambag sa pagtataguyod ng Sikolohiyang Pilipino.
Lilia F. Antonio (Wika at Panitikan) [Gawad SP 2004]
Kinilala si Dr. Lilia F. Antonio sa pagiging kasaping tagapagtatag, kasaping panghabambuhay at natatanging tagapagsulong ng adhikain ng PSSP. Kinilala siya sa kanyang malaki at patuloy na ambag sa paglilinang ng sikolohiya ng wika sa pamamagitan ng kanyang mapanghamong pananaliksik, pagsusulat, paglalahatla ng pangunahing larangang ito ng Sikolohiyang Pilipino. Patunay rito ang kanyang napakaraming lathalain sa Sikolohiyang Pilipino. Sa pagkilala sa kanyang kontribusyon sa Sikolohiyang Pilipino, tumanggap na siya ng Gawad ng Pagkilala mula sa samahan noong 1980 sa kanyang “malikhaing pagkilos sa pag-unlad ng Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino sa mga ulat at lathalain hinggil dito; dahil sa kanyang pagbibigay-buhay sa diwang Pilipino sa pagtuturo at pagpapaunlad ng pagsasaling-wika sa Pilipinas at sa pamamagitan ng pagsasalin ng mga akdang pampanitikan at pang-agham panlipunan; at higit sa lahat, dahil sa kanyang mahalagang pangunguna sa pananaliksik at paglalahatla sa larangan ng sikolohiya ng wika at panitikan.” Kinilala na rin siya sa panunungkulan niya bilang Pangulo ng PSSP noong 1989-1990 at Pangulo ng Samahang Pilipino sa Sikolohiya ng Wika noong 1990-1991.
Estefania Aldaba-Lim (Sikolohiya) [Gawad SP 2009, Posthumous]
Pinarangalan si Dr. Estefania Aldaba-Lim para sa kanyang mga natatanging kontribusyon sa: (1) pagpapaunlad ng sikolohiya sa Pilipinas bilang kauna-unahang clinical psychologist at tagapagtatag ng Institute of Human Relations sa Philippine Normal University, at kasamang tagapagtatag ng Philippine Mental Association at Psychological Association of the Philippines; at may-akda ng humigit kumulang sa 100 artikulo na may kinalaman sa human relations at isyung pangkabataan; (2) pagsusulong ng serbisyo publiko bilang isa sa mga kauna-unahang babaeng naglingkod sa pamahalaaan bilang kalihim ng Department of Social Welfare and Development mula 1971-1977; (3) pagtataguyod ng karapatan, kapakanan, at kagalingan ng mga bata sa kanyang paglilingkod bilang Special Ambassador ng United Nations para sa International Year of the Child noong 1972; at tagapagtatag ng Museo Pambata noong 1994 na isa na ngayon sa pangunahing institusyong nagsusulong ng alternatibong edukasyon para sa mga bata.
Carmen Santiago Enrile (Sikolohiya) [Gawad SP 2011]
Pinangaralan si Carmen Enrile para sa kanyang mga artikulo na “Tungo sa Makapilipinong Pananaliksik” at “Pakapa-kapa: Paglilinaw ng Isang Konsepto sa Nayon” na nagpabago ng landas ng pananaliksik sa Sikolohiya at Agham Panlipunan sa Pilipinas, at sa nakapaloob ditong Iskala ng Mananaliksik, Iskala ng Pakikitunguhan ng Mananaliksik at Kalahok at pagtukoy sa antas ng pakikipagpalagayang-loob bilang mahalagang palatandaan ng katatagan at katapatan ng datos na nakalap sa pananaliksik, at sa pangkalahatang ambag nito sa paglalapat ng Sikolohiyang Pilipino sa paghubog ng teorya, metodo, at praktis.
F. Landa Jocano (Aghamtao) [Gawad SP 2014, Posthumous]
Kinilala si Dr. F. Landa Jocano para sa kanyang pagiging tagapagsulong ng makabuluhang aghamtao lalo na sa pag-aaral ng prehistorya, kultura, at pagpapahalagang Pilipino sa pamamagitan ng kanyang mapanghamon at masigasig na pananaliksik, pagsusulat, paglalathala, pagsasanay, at pagtuturo sa mga larangang ito na malaki ang naging ambag sa pagtataguyod ng Sikolohiyang Pilipino.