Sinuri, tinalakay, itinampok, at ibinahagi sa ika-44 Pambansang Kumperensiya sa Sikolohiyang Pilipino na may temang “Pinoy Netizen: Ang Papel ng Social Media at Digital Technology sa Kultura, Lipunan at Sikolohiyang Pilipino” ang sumusunod: ang papel ng social media at mga digital technology sa iba’t ibang aspekto ng buhay Pilipino; ang papel ng social media at mga digital technology sa pagsusuri ng lipunan, kultura at sikolohiyang Pilipino; mga bagong pananaliksik sa kultura, lipunan at sikolohiyang Pilipino; at mga kaalaman at kasanayan sa Sikolohiyang Pilipino. Dinaluhan ito ng 293 na mga kalahok.
Sa umaga ng Nobyembre 14, isinagawa ang plenaryong sesyon sa NISMED Auditorium. Nagsilbing pangunahing tagapagsalita si Dr. Cherrie Joy F. Billedo ng University of Amtersdam at plenaryong tagapagsalita naman si Dr. Divine Love A. Salvador.
Ibinahagi ni Dr. Billedo ang mga pag-aaral at karanasan sa pananaliksik sa social media gamit ang perspektibo ng mga disiplinang panglipunang sikolohiya at communication science. Nagbigay siya ng pangkalahatang kaalaman tungkol sa Cyberpsychology bilang isang larangan, kabilang na ang mga paksang kadalasan at pausbong na inaaral. Nagkaroon din ng pagtalakay sa kasaysayan at pag-unlad ng internet at ang kaakibat na computer-mediated communication na naging daan sa paglago ng anyo ng kasalukuyang social media. Pinag-usapan ang mga katangian ng social media at digital technology na batayan ng mga affordances sa komunikasyon at pakikipag-ugnayan maging ang mga pagbabago sa komunikasyon at pakikipagrelayson kaugnay ng paggamit ng social media at digital technology. Pinagtuunan ni Dr. Billedo ng kahalagahan at saysay ang mga pagbabagong ito sa lipunang Pilipino, partikular na sa larangan ng close relationships, wellbeing, migration, at politika. Inilahad din niya ang mga implikasyon at mga hamon kaakibat ng social media at digital technology sa Sikolohiyang Pilipino bilang disiplina, kilusan, at pakikibaka.
Tinalakay naman ni Dr. Salvador ang impluwensiya ng social media sa kalusugang pangkaisipan bilang double edged sword o espadang may magkabilang talim. Sa isang banda, may ebidensiyang nagpapakita ng mga negatibong kahihinatnan sa mental health ng sobra at reaktibong paggamit ng social media. Sa kabilang banda, may ebidensiyang tumutukoy sa posibleng nakagiginhawang paggamit nito. Ayon sa panayam ni Dr. Salvador, mahalaga ang usapin ng nakagiginhawang paggamit ng social media para sa: 1) mga indibiduwal na may mental health problems, 2) kanilang mga mahal sa buhay at tigapangalaga, 3) mga propesyonal na may tungkulin ng pangangalaga’t pamamatnubay, at 4) sinomang nakikisali o nasasama sa mga diskurso tungkol sa mental health. Dagdag pa niya, tatlong aktibidad ang nasasaklaw sa paggamit ng social media na may kinalaman sa mental health: pakikitungo, pamamatnubay, at pakikipagdiskurso. Ang nakagiginhawang paggamit ng social media ay naka-angkla sa etika ng pagsasagawa ng tatlong aktibidad na ito.
Isinagawa ang mga sabayang sesyon (paglalahad ng papel/symposium/panel discussion) sa hapon ng Nobyembre 14 at umaga ng Nobyembre 15 sa Lagmay Hall. Ito ang naging pagkakataon ng mga mananaliksik, guro, at mga mag-aaral na maibahagi ang kanilang mga pag-aaral sa mga delegado ng kumperensiya. Nagkaroon ng kabuuang 31 sesyon sa dalawang araw na mga sabayang sesyon.
Muling nagkaroon ng plenaryong sesyon sa hapon ng Nobyembre 15 sa NISMED Auditorium. Nagsilbing mga tagapagsalita sina Dr. Ma. Rosel S. San Pascual ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman at Dr. Jason Vincent A. Cabañes ng Pamantasang De La Salle.
Inilahad ni Dr. San Pascual na sa kasalukuyan tila napahihina ang bisa ng social media bilang lunan kung saan teoretikal na maaaring maisakatuparan ang deliberatibong demokrasya. Sa halip na isang demokratikong espasyong kumikilala sa multiplisidad ng nagtatalabang tinig, nagsilbing arena ang social media ng kawalan ng pagpaparaya at paggalang. Tila bumabalikwas ang kumbensiyon ng ugnayan at napagmumukhang normal ang kagaspangan. Naglatag siya ng isang panukala na nakabase sa teorya at ebidensiya sa kung paano puwedeng magtulungan ang mga netizen na gawing buhay at hindi nakapipinsala ang espasyo ng social media.
Binalangkas naman ni Dr. Cabañes ang mga susing kaparaanan upang mas maunawaan ang panlipunang kalidad ng kontemporaryong dis-impormasyong dihital (digital disinformation), partikular sa konteksto ng Pilipinas. Tinatalakay rin niya ang mga implikasyon ng mga inobasyong konseptuwal sa kung paano maaaring makabuo ng tiyak at lokal na mga solusyon sa nakapipinsalang penomenong ito.
*****
Iba pang mga larawan: