By | 12/05/2018

Ginanap noong 15-17 Nobyembre 2018 sa Pamantasang Ateneo de Manila ang ika-43 Pambansang Kumperensiya sa Sikolohiyang Pilipino na may temang “Katinuan, Kalihisan, Kalusugan: Ang Mental Health sa Konteksto ng Kultura, Lipunan, at Sikolohiyang Pilipino”.  Ito ay dinaluhan ng may 300 kalahok.

Sa unang araw, isinagawa ang plenaryong sesyon sa Leong Hall Auditorium.  Nagsilbing pangunahing tagapagsalita at panauhing pandangal si Sen. Risa Hontiveros.  Tinalakay ni Sen. Hontiveros ang bagong lagdang Mental Health Law.  Ayon sa kanya, napakaimportante para sa Pilipinas ng nabanggit na batas dahil nagbibigay-daan ito para sa lalong malawak na pag-unawa at edukasyon, tamang suporta hindi lamang sa mga indibidwal kundi sa mas malawak na komunidad at sa bayan.

Samantala, naging mga plenaryong tagapagsalita naman sina Dr. Ronald T. Del Castillo (Unibersidad ng Pilipinas Maynila), Dr. Violeta V. Bautista (Unibersidad ng Pilipinas Diliman), Dr. Raymond John S. Naguit (Youth for Mental Health Coalition), at Dr. Ma. Regina M. Hechanova (Pamantasang Ateneo de Manila).

Binigyang-tuon ni Dr. Del Castillo ang Community-Based Mental Health.  Ayon sa kanya,  pagkakataon ang Mental Health Law na hamonin ang kinukwestyong pamamalagay ng Kanluraning sikolohiya sa paglalarawan sa Pilipino at magbigay pokus sa isang pambansang identidad at kamalayan na batay sa karanasang Pilipino.  Dagdag pa niya, kung ang mental health care ng Pilipinas ay naglalayong matugunan ang mga pangangailangan ng mga mamamayan, nararapat na ito ay para sa Pilipino at gawa ng mga Pilipino.

Pinaksa ni Dr. Bautista ang hamon ng Mental Health Law (RA 11036) sa larangan ng Sikolohiya.  Ibinahagi niya na may dalang malawak at lapat sa realidad na pag-unawa sa konsepto ng mental health ang bagong batas.  Tinalakay niya ang halaga ng Sikolohiya bilang isang disiplina at propesyon sa pagbibigay buhay sa layunin ng nasabing batas.  Nilinaw niya rin ang mga potensyal na hadlang at mga suliranin na kailangang malagpasan ng mga sikolohistang nagnanais na makibahagi sa paglalatag at pagsusulong ng mga panimulang palisi, proseso at mga programang uusbong mula sa pagbibigay bisa sa ispiritu at nilalaman ng RA 11036.

Ibinahagi ni Dr. Naguit ang kanyang karanasan sa Youth for Mental Health Coalition sa pagtataguyod ng kalusugang pangkaisipan.  Batay kay Dr. Naguit, ang kolektibong pagkilos ng mga kabataan at mga propesyonal ang isang malaking bahagi ng pagkakapasa ng RA 11036, ang unang batas para sa kalusugang pangkaisipan.  Inilahad niya rin ang mga praktikal na aral ukol sa adbokasiya, ang iba’t ibang anyo ng konkretong pagtugon ng mga kabataan sa nasabing paksa, at kung bakit kailangang palakasin at palalimin pa lalo ang usapin ng kalusugang pangkaisipan.

Tinalakay naman ni Dr. Hechanova sa kanyang sesyon ang mga bagong hamon at tungkulin ng mga sikolohista sa pampublikong kalusugan pangkaisipan.  Ikinuwento niya rin ang kanyang naging karanasan sa pagbuo ng mga programa tulad ng Katatagan Kontra Droga sa Komunidad.

Nagkakaroon ng pitong sabayang sesyon (paglalahad ng papel) sa ikalawang araw.  Sa ikatlong araw, isinagawa ang limang workshop, isang learning session at symposium.  Ipinakilala ni Prop. Avegale C. Acosta ng Pamantasang Ateneo de Manila sa mga kalahok ng kanyang workshop ang teorya sa likod ng Mindfulness.  Ibinahagi niya ang iba’t ibang paraan ng pagharap sa stress sa pamamagitan ng Mindfulness.  Ibinahagi nina Dr. Violeta V. Bautista, Dr. Divine Love A. Salvador, at Dr. Anna Cristina A. Tuazon ang programa ng UP Diliman Taskforce for Psychosocial Services (UPD PsycServ) kung saan tinuruan ang mga guro ng pangunahing kasanayan upang matukoy ang palatandaan ng pagkabalisa sa mga mag-aaral, makinig sa mga alalahanin nila, magbigay ng makabuluhang impormasyon kung saan makakahingi ng tulong, magtanim ng pag-asa, at maghatid ng mensahe na ang paaralan ay isinasaalang-alang ang mental health at psychological wellbeing ng mga mag-aaral nito.  Gamit ang BarOn EQ:i-S test, pinag-usapan, sinukat at binigyang paliwanag ang mga nakuhang tala at itinampok ang mga facet na hinahanap sa isang manggagawa at kung anong implikasyon mayroon ito sa kanila sa workhop na isinagawa nina Prop. Silfa C. Napicol (Pamantasang De La Salle-Dasmariñas), Prop. Florabel S. Suarez (Central Philippine University), at G. Howell B. Calma (Clark Electric Distribution Corporation).  Binigyan din ng gabay ang mga kalahok kung paano ang tamang paggawa ng psychological report gamit ang nabanggit na panukat.  Ipinakilala ni Prop. Darren E. Dumaop  ng Pamantasang De La Salle sa kanyang workshop ang lingkod-aral bilang istratehiya ng pagtuturo sa sikolohiya, pangunahin sa Sikolohiyang Pilipino. Binigyang-tuon naman sa workshop ni Prop. Jayson D. Petras ng UP Diliman ang kalakaran at kaparaanan sa pagsasalin sa Sikolohiyang Pilipino  Sa learning sesyon, ibinahagi ni G. Jan Gabriel M. Castañeda ng ASEAN SOGIE Caucus ang mga natunan ng kanilang organisasyon mula sa mga aktibistang LGBT tungkol sa kanilang mga karanasan at iba’t ibang halimbawa ng guided visualization na maaaring gamitin upang tumugon sa mga karanasan ng trauma sa mga konteksto na walang access sa pormal na sikolohikal o klinikal na serbisyo.  Itinampok naman sa isang symposium ang mga pag-aaral na isinagawa ng PSSP kasama ang iba’t ibang organisasyon at kompanya kagaya ng Save the Children Philippines, Pharex Health Corporation, at Ateneo Pathways to Higher Education.  Ang mga pag-aaral ay tungkol sa treatment adherence, positive discipline, at mga karanasan ng transpormasyon at paglilingkod sa kapwa.

Makikita ang iba pang larawan ng sa Facebook account ni G. Bon Jasper Taligatos.

Leave a Reply