By | 03/23/2026

Sa pagwawakas ng pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan, mariing ipinahahayag ng Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino (PSSP) ang aming pakikiisa sa laban kontra sa seksismo at iba’t ibang anyo ng karahasang nakabatay sa kasarian na patuloy na nararanasan ng kababaihan sa ating lipunan.

Ang mga karahasang pisikal, sikolohikal, emosyonal, sekswal, o istruktural laban sa kababaihan ay hindi lamang usaping indibidwal. Ito ay nakaugat sa mas malalim na sistemang panlipunan na nagpapahintulot sa hindi pagkakapantay-pantay, diskriminasyon, at pang-aapi. Ang mga ganitong karanasan ay may malubhang epekto sa lusog-isip, dignidad, at pangkalahatang kaginhawaan ng kababaihan.

Bilang mga tagapagtaguyod ng Sikolohiyang Pilipino (SP), kinikilala namin na ang pag-unawa sa karanasan ng kababaihan ay hindi maaaring ihiwalay sa kontekstong panlipunan, kultural, at historikal. Kaugnay nito, mahalagang kilalanin ang ugnayan ng SP at Maka-Peministang Sikolohiya bilang mga kritikal na lapit sa sikolohiya. Pareho nilang hinahamon ang mga dominanteng balangkas na kadalasang nakabatay sa Western, Educated, Industrialized, Rich, at Democratic (WEIRD) na pananaw at patriyarkal na sistema.  

Sa halip, itinataguyod ng SP at Maka-Peministang Sikolohiya ang mga lapit na nakaugat sa karanasan ng tao, nakasandig sa konteksto, at nagbibigay-lakas sa mga boses na matagal nang naisasantabi. Binibigyang-diin nila ang kahalagahan ng pakikipagkapwa-tao, katarungan, at pagkakapantay-pantay sa pag-unawa sa pag-iisip, damdamin, at pagkilos ng isang indibidwal. 

Sa ganitong diwa, ang SP at Maka-Peministang Sikolohiya ay hindi lamang mga lente ng pagsusuri, kundi mga landas ng pagkilos. Sila ay mga daan tungo sa pagkamit ng isang lipunang tunay na malaya, mapagpalaya, at mapagkalinga. 

Nananawagan ang PSSP sa lahat ng sektor ng lipunan – pamahalaan, midya, akademya, komunidad, at bawat mamamayan – na aktibong labanan ang seksismo at lahat ng anyo ng karahasang nakabatay sa kasarian. Kailangan nating lumikha ng mga ligtas na espasyo, magpatibay ng mga programang sumusuporta sa kababaihan, at palakasin ang kamalayan upang tuluyang mabuwag ang mga istrukturang naglilimita sa kanilang karapatan at kakayahan.

Ang pagtatanggol sa karapatan at dignidad ng kababaihan ay hindi lamang usapin ng kababaihan. Ito ay usapin ng buong lipunan. Sa pagtatapos ng Buwan ng Kababaihan, nawa’y magsilbi itong paalala na ang ating pakikiisa ay hindi nagtatapos sa isang buwan lamang. Ito ay isang patuloy na paninindigan sa katarungan, pagkakapantay-pantay, at ginhawa para sa lahat.