Mariing binibigyang-diin ng Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino (PSSP), bilang isang organisasyong nagsusulong ng maka-Pilipino, makatao, at makatarungang pananaw sa lipunan, ang kahalagahan ng pananagutan sa pamahalaan, lalo na ng mga pinunong may mandato mula sa taumbayan.
Sa gitna ng isinasagawang proseso ng impeachment laban kay Pangalawang Pangulong Sara Z. Duterte, naninindigan ang PSSP na ang mabilis, patas, at bukas na pag-usad ng mga kaso ay mahalaga hindi lamang para sa ikauunlad ng lipunan kundi para rin sa moral at sikolohikal na kalusugan ng sambayanan. Ang pagkabalam o sadyang paghadlang sa mga demokratikong proseso tulad nito ay may malalim at pangmatagalang sikolohikal na epekto, kabilang ang pagkawala ng tiwala sa mga demokratikong institusyon at ang pagtibay ng paniniwalang walang saysay ang mekanismo ng pananagutan, na posibleng humantong sa kawalan ng interes sa anumang pampulitikang diskurso at pagtalikod sa ideya ng makabuluhang pagbabago.
Itinuturing ng PSSP na mahalaga ang impeachment hindi lamang bilang isang legal na mekanismo kundi bilang espasyo ng pambansang pagninilay kung ano ang tunay na diwa ng mabuting pamamahala, tapat na paglilingkod, at pananagutan sa bayan at kababayan. Isa itong pagkakataon para mapalalim ang pambansang kamalayan sa kung ano ang inaasahan ng taumbayan sa mga pinunong inihalal nila โ na ang kapangyarihan ay hindi pribilehiyo, kundi tungkuling may kasamang integridad at pananagutan.
Kaya aming hinihikayat ang isang masinsin at bukas na pag-uusap hinggil sa mga isyung kaakibat ng impeachment. Hindi ito upang pagwatak-watakin ang bayan, kundi upang muling pagtibayin ang kolektibong adhika para sa isang makatarungan at mapagkalingang pamahalaan na itinataguyod, una sa lahat, ang kapakanan ng bansa at mga mamamayan nito.
Nanawagan kami sa Senado at sa Kamara na pairalin ang katotohanan, katarungan, at kapakanan ng sambayanan sa pagtitiyak ng agaran, malinaw, at patas na pagpapatupad ng proseso ng impeachment.
Nananawagan kami sa mga miyembro ng media na magsagawa ng patas at balanseng pag-uulat sa impeachment upang maiwasan ang disinpormasyon at mapalakas ang pampublikong kamalayan.
Hinihikayat namin ang aming mga kasapi – mga propesyunal, guro, mananaliksik, estudyante, at mga tagapagtaguyod ng Sikolohiyang Pilipino – na patuloy na gamitin ang kaalaman upang mapalalim ang diskurso ukol sa impeachment.
Hinihikayat namin ang bawat Pilipino na maging responsable sa paggamit ng social media lalo na sa pagkalap at pagsisiwalat ng inpormasyon kaugnay ng impeachment. Mahalaga ang kritikal na pagsusuri ng balita, pagsangguni sa mapagkakatiwalaang mga batis ng inpormasyon, at pag-iwas sa pagpapakalat ng disinpormasyon o propaganda na maaaring magpalala ng polarisayon sa ating lipunan. Ang malay, maingat, at mapanuring paggamit ng social media ay isang mahalagang tungkulin sa pagpapalakas at pagtatanggol ng ating demokrasya.
Ang hindi makatarungang paghadlang sa mga demokratikong proseso para sa kapakanan ng mga nasa kapangyarihan ay pagtapak sa kolektibong dignidad ng sambayanan. Sa huli, ang pagpapanagot sa kapangyarihan ay hindi lamang tungkulin ng batas, kundi ng bawat mamamayang may malasakit sa kinabukasan ng bayan.