Lubos na nakikidalamhati ang Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino (PSSP) sa mga mag-aaral, pamilya, guro, kawani ng paaralan, at mga pamayanang naapektuhan ng mga nagdaang insidente ng karahasan sa mga paaralan sa bansa. Ang paaralan ay dapat maging ligtas na espasyo kung saan malayang natututo, nakikipagkapwa-tao, lumalago, at nangangarap ang kabataan. Kapag ang karahasan ay pumapasok sa loob ng paaralan, hindi lamang buhay at kaligtasan ang nawawasak. Nasisira rin ang tiwala ng mga bata sa mga nakatatanda at institusyong inaasahan nilang magtatanggol sa kanila.
Sa gitna ng takot, galit, at pagdadalamhati, nauunawaan namin ang kagustuhan ng marami na makahanap agad ng paliwanag. Ngunit bilang mga mamamayang nagmamalasakit sa kapwa at nagsusulong ng Sikolohiyang Pilipino, nais naming magbigay ng isang mahalagang paalala: walang payak na paliwanag kung bakit nagkakaroon ng mga insidente ng karahasan sa mga paaralan.
Hindi sapat na sabihing bunga lamang ito ng bullying. Hindi rin sapat na sisihin ang social media, online games, pagpapalaki ng magulang, kakulangan sa seguridad, o suliranin sa lusog-isip. Ang karahasan ay karaniwang bunga ng paghuhugpong ng maraming salik. Maaaring kabilang dito ang karanasan ng pang-aapi at pagtatakwil, galit at hinaing, karahasan sa tahanan o komunidad, suliranin sa pakikipag-ugnayan, kakulangan ng makabuluhang suporta, impluwensiya ng barkada o online communities, pagkakalantad sa marahas na media content, pagbibigay-katwiran sa pananakit, online grooming, madaling access sa mga nakamamatay na armas, at iba pang personal, pampamilya, panlipunan, at institusyonal na kondisyon.
Dahil dito, tinututulan namin ang anumang pagtatangkang ilarawan ang isang bata bilang likas na marahas o likas na masama. Ang pag-unlad ng bata ay bunga ng patuloy na ugnayan ng kaniyang biyolohiya, karanasan, relasyon, at kapaligiran. Ang pagkakaroon ng galit, trauma, depresyon, pagkabalisa, o iba pang suliranin sa lusog-isip ay hindi awtomatikong nangangahulugan na magiging marahas ang isang tao. Mapanganib ang ganitong pag-uugnay sapagkat lalo nitong binibigyan ng mantsa ang mga taong nangangailangan ng tulong at maaari pang maging dahilan upang matakot silang humingi nito.
Gayundin, hindi dapat gawing kasingkahulugan ng karahasan ang kabataan. Ang utak, kakayahang magpasya, pangangasiwa sa sarili, moralidad, at pagkilala sa pangmatagalang bunga ng kilos ay patuloy pang umuunlad sa pagkabata at pagdadalaga o pagbibinata. Hindi nito inaalis ang pananagutan. Sa halip, hinihingi nitong ang ating pagtugon ay sabay na nagtataguyod ng pananagutan, rehabilitasyon, proteksiyon, at pag-unawa sa mga kondisyong humubog sa mga trahedyang naganap. Ito rin ang dahilan kung bakit mahalaga ang masusing sikolohikal at sikopanlipunang pagtataya at ang interbensiyong nakabatay sa pangangailangan ng bawat batang sangkot.
Ang pag-iwas sa karahasan ay nagsisimula bago pa magkaroon ng krisis
Hindi natin dapat hintaying may batang magdala ng armas sa paaralan bago natin tanungin kung ano ang nangyari sa kaniya.
Ang tunay na pag-iwas sa karahasan ay nagsisimula sa tahanan, paaralan, komunidad, institusyong panlipunan, at maging sa digital na mundong ginagalawan ng kabataan. Kailangan ng mga bata ng mga nakatatandang marunong makinig bago humusga, nakakapansin sa pagbabago ng kanilang kilos, damdamin, at pag-iisip, at handang seryosohin ang kanilang hinaing. Mahalaga ang responsableng pagpapalaki na may malinaw na hangganan ngunit hindi nakabatay sa takot, pamamahiya, pananakit, o labis na pagkontrol. Ang positibo, sensitibo, at responsableng pagpapalaki ng anak ay hindi nangangahulugang kailangang maging perpekto ang mga magulang. Nangangahulugan itong patuloy na pagkilala sa mundong ginagalawan ng anak, paglalaan ng oras upang makipag-usap, at pagtuturo ng empatiya, pangangasiwa ng emosyon, pagharap sa pagkabigo, at mapayapang paglutas ng suliranin. Ito ang matingkad ding lumilitaw sa mga pahayag ng mga sikolohista at psychiatrist na nagtuturo sa mga magulang na sabayan ang pag-unlad ng kanilang mga anak at unawain maging ang kanilang digital na buhay.
Dapat ding palakasin ang whole-community approach sa pag-iwas sa bullying at karahasan. Hindi sapat ang poster, seminar, o parusa matapos ang insidente. Kailangang may malinaw at ligtas na reporting mechanism, patas na imbestigasyon, aktibong Child Protection Committee, guidance at mental health services, socioemotional learning, conflict resolution, restorative interventions, at sistematikong pagbuo ng kulturang hindi kinukunsinti ang pang-aapi. Ang batang binu-bully ay nangangailangan ng proteksiyon at suporta. Ang batang nambu-bully ay nangangailangan din ng interbensiyon, pananagutan, at pagkakataong baguhin ang kaniyang kilos. Maging ang mga nakasaksi ay maaaring makaranas ng takot at kawalan ng kakayahang kumilos. Kaya ang buong komunidad ang dapat umaksiyon.
Kailangang matutong makiramdam sa mga senyales bago sila maging krisis
Hindi lahat ng batang tahimik, galit, nalulungkot, nahihirapang makibagay, nalantad sa marahas na media content, o naglalaro ng marahas na online games ay magiging marahas. Kaya hindi makatarungan at hindi siyentipiko ang paggawa ng simpleng profile ng isang “school shooter.”
Ngunit may mga kilos at pahayag na hindi rin dapat balewalain. Ang malinaw na banta ng pananakit, paghahanda para sa isang marahas na pagkilos, pagpapahayag ng intensiyong pumatay o magpakamatay, paghahanap ng paraan upang makakuha ng armas, at iba pang kongkretong palatandaan ng nalalapit na panganib ay kailangang seryosohin at agad na maiparating sa mga taong may kakayahang tumugon.
Subalit ang layunin ng threat assessment ay hindi tukuyin kung sino ang “masamang bata.” Ang layunin nito ay malaman kung may banta, gaano ito kaseryoso, ano ang pinagmumulan nito, at anong suporta at proteksiyon ang kailangang agarang maibigay. Samakatuwid, iminumungkahi namin ang pagbuo ng multidisciplinary school threat-assessment at violence-prevention teams na maaaring binubuo ng school administrators, guidance counselors, psychologists o iba pang mental health professionals, social workers, barangay officials, mga magulang, mga mag-aaral kung naaangkop, at law-enforcement representatives kapag may makatwirang banta sa kaligtasan.
Kaugnay nito, nais din naming magbigay ng pag-iingat sa mga panukalang gawing kondisyon sa pagpasok sa paaralan ang psychological assessment o psychological clearance upang patunayang ang isang bata ay “psychologically fit” o “mentally stable” bago siya payagang mag-enroll o pumasok sa paaralan.
Bagama’t maaaring nagmumula ang ganitong panukala sa lehitimong hangaring mapangalagaan ang kaligtasan ng mga mag-aaral, maaari itong magkaroon ng mga hindi inaasahang bunga. Maaari itong lumikha ng isang sistema ng eksklusyon kung saan ang mga batang may kasalukuyan o dati nang suliranin sa lusog-isip, developmental differences, behavioral difficulties, trauma, o iba pang sikopanlipunang pangangailangan ay maaaring tingnan bilang potensiyal na panganib sa halip na mga batang nangangailangan ng pag-unawa at suporta. Maaari rin nitong lalong palakasin ang stigma laban sa mental health conditions sa pamamagitan ng maling pagpapahiwatig na ang pagkakaroon ng suliranin sa lusog-isip ay nangangahulugang ang isang bata ay marahas o hindi ligtas kasama ng iba.
May malaki rin itong implikasyon sa pagkakapantay-pantay at access sa edukasyon. Hindi lahat ng pamilya ay may pantay na kakayahang kumuha ng psychological assessment. Hindi rin pantay ang distribusyon ng mga sikolohista at iba pang mental health professionals sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Kung ang psychological clearance ay magiging karagdagang hadlang bago makapag-aral ang isang bata, may panganib na ang mga batang higit na kapos sa yaman at serbisyong pangkalusugan ang siya pang higit na mahihirapang makapasok sa paaralan.
Higit sa lahat, ang isang psychological assessment ay hindi garantiya na walang magaganap na karahasan sa hinaharap. Ang sikolohikal na kalagayan ng tao ay maaaring magbago sa paglipas ng panahon at hindi maihihiwalay sa kaniyang mga relasyon, karanasan, kapaligiran, at mga pangyayaring maaari pang maganap pagkatapos ng sikolohikal na pagtataya. Walang psychological test na makapagbibigay ng ganap na katiyakan na ang isang bata ay hindi kailanman magiging marahas. Ang isang sertipikasyong nagsasabing “psychologically fit” ang lahat ng naka-enroll ay maaari pang magbigay ng maling pakiramdam ng seguridad at mailihis ang atensiyon mula sa mas mahahalagang hakbang tulad ng patuloy na pagmamasid sa pagbabago ng kilos, damdamin, o pag-iisip, accessible mental health services, child protection mechanisms, responsible firearm storage, digital safety, anti-bullying programs, threat assessment, at pagbuo ng ligtas at mapagkalingang kultura sa paaralan at komunidad.
Hindi namin sinasabing walang lugar ang psychological assessment sa pagpapanatili ng kapakanan at kaligtasan ng mga bata. Mahalaga ito kapag may malinaw na pangangailangang maunawaan ang kalagayan, kakayahan, panganib, o pangangailangan ng isang mag-aaral at kapag ang resulta nito ay gagamitin upang makapagbigay ng naaangkop na suporta, intervention, referral, accommodation, at safety planning.
Ngunit kailangang malinaw ang prinsipyo. Ang psychological assessment ay hindi dapat maging instrumento ng eksklusyon. Dapat itong maging instrumento ng pagkalinga. Sa halip na itanong na, “Mentally stable ba ang batang ito upang makapag-aral dito?”, mas makabuluhang itanong kung, “Ano ang kailangan ng batang ito upang matuto, umunlad, ligtas na makilahok, at ganap na mamukadkad sa paaralang ito?”
Mahalaga ang pagbabagong ito ng tanong. Inililipat nito ang pananagutan mula sa pagsusuri lamang kung “karapat-dapat” bang makapasok ang bata sa paaralan tungo sa pagsusuri kung handa ba ang paaralan na tugunan ang pangangailangan ng batang nasa pangangalaga nito. Sa ganitong pananaw, hindi magkalaban ang inclusion at school safety. Ang tunay na inklusibong paaralan ay may kakayahang makapansin ng pangangailangan, magbigay ng suporta, tumugon sa panganib, at bumuo ng mga kondisyong nagbibigay sa bawat bata ng pagkakataong matuto at umunlad nang may dignidad at kaligtasan.
Ang online na mundo ay bahagi na rin ng ating mga paaralan
Hindi nagtatapos sa bakod ng paaralan ang karanasan ng isang bata. Ang bullying, paghihiganti, pagkalantad sa marahas na content, pakikipag-ugnayan sa mga grupong maaaring mag-normalisa o magbigay-katwiran sa karahasan, at kawalan ng tiwala sa mga umiiral na pagpapahalaga, institusyon, at ugnayang panlipunan ay maaari nang magpatuloy anumang oras sa digital na espasyo.
Dahil dito, hindi sapat ang simpleng utos na “bawasan ang paggamit ng social media at huwag maglaro ng marahas na online games.” Kailangang palakasin ang digital literacy, digital parenting, platform accountability, cybercrime prevention, at mabilis na sistema ng pag-uulat ng mapanganib na online content at threats. Makabuluhan ang pagsusuri sa digital footprint kapag bahagi ito ng lehitimong imbestigasyon sa isang partikular na banta, ngunit hindi ito dapat maging dahilan para sa walang habas na surveillance ng lahat ng kabataan.
Mahalaga ring kumilos ang mga technology platform. Kasama rito ang mas mabilis na pagtanggal ng graphic at mapanganib na content, mas mahusay na child-safety mechanisms, age-appropriate safeguards, parental controls, at pakikipagtulungan sa mga awtoridad kapag may nagbabadyang banta. Kamakailan ay itinulak din ng mga awtoridad sa cybercrime ang pagharang sa mga site na nagkakalat ng marahas na materyal at ang mas mabilis na koordinasyon sa social media platforms.
Kasabay nito, nananawagan kami sa publiko at sa media. Huwag nating labis na palakihin ang trahedya sa pamamagitan ng sensasyonalismo. Ang paulit-ulit na pagpapakalat ng video ng pamamaril, larawan ng mga nasawi, personal na detalye, o dramatikong pagsasalaysay tungkol sa gumawa ng karahasan ay maaaring muling makasakit sa mga pamilya at nakaligtas. Maaari rin nitong palakihin ang notoriety na hinahanap ng ilang gumagawa ng karahasan at makapag-ambag sa paggaya ng iba. Mas makabuluhang ituon ang kuwento sa mga buhay na nawala, mga taong tumulong, mga sistemang kailangang baguhin, at mga paraan upang maiwasang maulit ang trahedya. Parehong nanawagan ang mga organisasyon kagaya ng Department of Education (DepEd), Psychological Association of the Philippines (PAP), Philippine Psychiatric Association (PPA), Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP), at Philippine National Police (PNP) laban sa pagpapakalat ng sensitibong larawan at video hinggil sa mga insidenteng ito.
Ang usapin ng armas ay usapin din ng proteksiyon sa bata
Hindi magiging nakamamatay ang maraming sandali ng matinding galit, impulsivity, o sikolohikal na krisis kung walang madaling mapagkukunan ng nakamamatay na armas.
Dahil dito, hinihikayat namin ang mahigpit na pagpapatupad at pagsusuri ng mga patakaran hinggil sa ligtas na pagtatago at pagkontrol sa baril at iba pang armas, lalo na sa mga tahanang may mga bata at kabataan. Kailangang tiyakin na hindi madaling makuha ng bata ang baril ng magulang, kamag-anak, o ibang kasama sa bahay. Ang pananagutan sa wastong pagtatago ng armas ay hindi lamang isyu ng gun ownership. Isa rin itong mahalagang bahagi ng child safety. Maging ang mga imbestigasyon at child-protection statements pagkatapos ng mga nagdaang insidente ay nagbigay-diin sa pangangailangang suriin kung paano nagkaroon ng access ang mga menor de edad sa mga armas.
Kailangan ang paghahanda, ngunit hindi dapat dagdagan ng paghahanda ang takot at trauma
Sinusuportahan namin ang pagkakaroon ng malinaw na emergency protocols sa mga paaralan. Kailangang malaman ng guro, mag-aaral, kawani, magulang, at law enforcement officers kung paano makikipag-ugnayan kapag may agarang panganib. Mahalaga ang mabilis na paglikas kapag ligtas itong gawin, pagtatago at pagbabarikada kapag walang ligtas na ruta, malinaw na communication system, reunification procedures, at mahusay na koordinasyon sa mga unang reresponde.
Gayunman, binibigyang-diin namin na ang active attack o active shooter drills ay kailangang trauma-informed, naaayon sa edad ng bata, malinaw na ipinapaalam, at nakatuon sa pagtuturo ng kasanayan sa halip na paglikha ng takot. Hindi kinakailangan ang labis na makatotohanang scenario kagaya ng putok ng baril, pekeng dugo, aktor na tila totoong umaatake, panlilinlang sa mga bata na totoong may nagaganap na pamamaril, o iba pang hyper-realistic na simulation upang maituro ang wastong pagtugon. Ang ganitong pamamaraan ay maaaring magdulot ng hindi kinakailangang distress, takot, o retraumatization. Ang layunin ng drill ay palakasin ang pakiramdam na may magagawa ang bata sa panahon ng panganib, hindi kumbinsihin siyang anumang oras ay maaari siyang mamatay sa loob ng kaniyang paaralan.
Hindi rin dapat maging mukha ng ligtas na paaralan ang labis na militarisasyon. Maaaring kailanganin ang mas maayos na access control, visitor protocols, communication systems, at koordinasyon sa pulisya, ngunit ang pinakamahalagang proteksiyon ay nananatiling isang paaralang may tiwala, ugnayan, pakikipagkapwa, at mga batang naniniwalang may nakatatandang makikinig kapag may problema. Maging ang Commission on Human Rights (CHR) ay nagbigay-diin na dapat palakasin ang school safety nang hindi ginagawang militarisadong espasyo ang mga paaralan.
Pagkatapos ng karahasan, hindi natatapos ang responsibilidad kapag natapos ang imbestigasyon
Ang epekto ng isang insidente ng karahasan ay maaaring manatili nang matagal matapos bumalik sa klase ang mga mag-aaral, guro, at kawani ng paaralan. Maaaring makaranas ng dalamhati, takot, pagkakonsensiya, pagkabalisa, bangungot, pagiging magugulatin, hirap mag-concentrate, pag-iwas sa paaralan, at iba pang reaksiyon ang mga nakaligtas, kaklase, guro, magulang, at maging ang mas malawak na komunidad.
Kaya kinakailangan ang Psychological First Aid at Mental Health at Psychosocial Support sa mga unang yugto, kasunod ang patuloy na monitoring, referral, counseling o psychotherapy kapag kailangan, at makatuwirang academic at workplace accommodations. Hindi lahat ng nakaranas ng trahedya ay nangangailangan agad ng counseling, psychotherapy, o assessment ngunit bawat isa ay nangangailangan na maibalik ang kanilang pakiramdam ng kaligtasan, tamang impormasyon, koneksiyon sa mga taong pinagkakatiwalaan, maayos at ligtas na silid-aralan, madaling lapitang suporta, gumaganang emergency at communication protocols, at maayos na sistema ng seguridad na naaayon sa pangangailangan at konteksto ng paaralan. Ito rin ang mga inirirekomendang prinsipyong pinag-aangklahan ng mga psychosocial response pagkatapos ng mga nagdaang trahedyang naganap sa Cavite, Tacloban, at Zamboanga.
Hinihikayat din namin ang mga paaralan na huwag madaliin ang “pagbabalik sa normal.” Ang paggaling ay hindi pare-pareho ang bilis. Ang ilan ay maaaring handang bumalik agad sa klase. Ang iba ay maaaring mangailangan ng panahon, flexibility, at karagdagang suporta. Ang trauma-informed na paaralan ay hindi lamang nagtatanong kung kailan makakabalik sa klase ang bata. Tinatanong din nito kung ano ang kailangan niya upang muling maramdaman na ligtas siyang bumalik.
Mula sisihan tungo sa sama-samang pananagutan
Sa huli, walang isang magulang, guro, guidance counselor, psychologist, pulis, paaralan, o ahensiya ang kayang pigilan nang mag-isa ang lahat ng uri ng karahasan.
Kailangan natin ng magkakaugnay na sistema ng pag-iwas, maagang pagkilala, maagap na pagtugon, at pangmatagalang paghilom. Kailangan nating palakasin ang child protection at anti-bullying systems, mental health at guidance services, responsible, sensitive, at positive parenting, safe firearm storage, digital literacy at platform accountability, credible threat-reporting mechanisms, trauma-informed emergency preparedness, at malinaw na koordinasyon ng paaralan, pamilya, komunidad, pamahalaan, mental-health professionals, at law enforcement.
Ngunit higit sa lahat, kailangan nating muling paigtingin ang pakikipagkapwa-tao sa loob at labas ng paaralan.
Ang batang may pakiramdam na siya ay napapansin, pinakikinggan, at may lugar sa kaniyang pamilya at pamayanan ay mas may pagkakataong humingi ng tulong bago maging desperasyon ang kaniyang mabigat na nararamdaman. Ang kaklaseng naturuang makialam kapag may inaapi ay maaaring maging unang proteksiyon ng isang bata. Ang gurong marunong makiramdam ay maaaring makapansin ng pagbabagong hindi napapansin ng iba. Ang magulang na marunong makinig nang hindi agad hinuhusgahan ang anak ay maaaring maging ligtas na kanlungan bago pa lumala ang isang suliranin. At ang isang pamayanang hindi binabalewala ang paghihirap ng kabataan ay lumilikha ng mas maraming pagkakataon upang maagapan ang panganib.
Hindi natin mapipigil ang karahasan sa pamamagitan lamang ng pagtuturo sa mga bata kung paano tumakbo at magtago kapag nagsimula na ang pamamaril. Mas malalim ang hamon sa atin. Paano tayo bubuo ng mga tahanan, paaralan, digital na espasyo, at pamayanang mas kaunti ang batang humahantong sa puntong nais niyang manakit ng sarili o ng kapwa?
Ito ang pananagutang hindi maaaring iasa sa iisang sektor lamang.
Sa Sikolohiyang Pilipino, ang kaligtasan ng bata ay hindi lamang indibidwal na usapin. Ito ay pananagutan ng kapwa. Ang sikolohikal na sugat ng isang bata ay hindi hiwalay sa kaniyang pamilya, paaralan, at lipunan. Gayundin, ang paghilom at pag-iwas sa karahasan ay kailangang maging sama-samang gawain.
Ang ligtas na paaralan ay hindi lamang paaralang mahigpit ang bantay. Ito ay paaralang may malasakit, may pakikinig, may pananagutan, at may pakikipagkapwa-tao.
PAMBANSANG SAMAHAN SA SIKOLOHIYANG PILIPINO (PSSP)
Para sa isang sikolohiyang malaya, mapagpalaya, at mapagkalinga
