By | 09/20/2025

Matibay na tumitindig ang Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino (PSSP) sa kahalagahan ng pananagutan sa pamahalaan, lalo na sa usapin ng wastong paggamit ng pondo ng bayan para sa kapakanan ng sambayanan.

Sa harap ng patuloy na banta ng mga kalamidad, naniniwala ang PSSP na ang sistemikong katiwalian sa mga proyektong impraestruktura at pangkontrol sa baha ay hindi lamang usapin ng maling pamamahala, kundi direktang panganib sa kaligtasan, kabuhayan, at sikolohikal na katatagan ng mamamayan. Ang pagwawaldas at maling paggamit ng pondong nakalaan para sa disaster preparedness at flood control ay nagbubunga ng mas matinding pinsala, mas mabagal na pagbangon, matinding pangamba, at kawalan ng tiwala sa mga institusyong dapat sana ay nangangalaga at nagtatanggol sa bayan.

Ngunit ang katiwalian sa flood control ay sintomas lamang ng mas malawak at walang habas na pang-aabuso ng mga nasa kapangyarihan. Patuloy ang pag-alingasaw ng iregularidad sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno—mula sa edukasyon at kalusugan, hanggang sa agrikultura, transportasyon, at serbisyong panlipunan. Sa bawat ibinubulsang pondo, sa bawat ghost project, at sa bawat kalamidad na mas pinatindi ng kapabayaan, nasasalamin ang isang sistema ng pamamahalang inuuna ang pansariling interes kaysa ang kapakanan ng bayan.

Ang malawakang katiwalian ay hindi lamang teknikal na pagkukulang, kundi isang malalim na sikolohikal at panlipunang kanser na patuloy na tumitibag sa tiwala, dignidad, at katatagan ng mamamayan. Sa halip na magsilbing sandigan ng lipunan, ang mga institusyong nababahiran ng katiwalian ay nagiging dahilan ng ating panghihina ng loob, kawalang pag-asa, at pagkahapo sa paulit-ulit na pagharap sa parehong suliranin taon-taon.

Bunsod nito, nananawagan ang PSSP sa pamahalaan na panagutin ang lahat ng opisyal at indibidwal na sangkot sa katiwalian. Ang kawalan ng pananagutan ay lalo lamang nagbibigay-daan sa mas malawakang pang-aabuso at nagpapahina sa tiwala ng taumbayan. Mahalaga ang mabilis, masinop, at maaasahang pagpapatupad ng mga proyekto, ngunit higit na mahalaga ang pagsisiguro na ang mga nagkasala ay mananagot at hindi muling makakapinsala sa bayan.

Nananawagan kami sa media na isapuso ang kanilang tungkuling magsiwalat ng katotohanan at hindi maging kasangkapan sa pagtakip at paglilinlang ng mga sangkot sa katiwalian. Ang media ay dapat magsilbing sandata ng mamamayan, hindi ng mga mapagsamantala.

Higit sa lahat, nananawagan ang PSSP sa agaran, buong lakas-loob, at kongkretong pagkilos ng mamamayan. Hindi sapat ang pagkabahala—kailangan ang sama-samang pagtindig. Hinihikayat namin ang aming mga kasapi—mga propesyonal, guro, mananaliksik, estudyante, at tagapagtaguyod ng Sikolohiyang Pilipino—at ang bawat mamamayang Pilipino na patuloy na makiisa sa pagpapalakas ng diskurso ukol sa katiwalian, kaligtasan, at katatagan ng sambayanan sa pamamagitan ng:

  • Paglahok sa mga kilos-protesta sa Setyembre 21, bilang pagtutol sa katiwalian, pang-aabuso ng kapangyarihan, at kawalang pananagutan sa pamahalaan.
  • Pakikibahagi sa mga community forum, teach-in, at diskusyong publiko na tumatalakay sa ugnayan ng katiwalian at sikolohikal na katatagan.
  • Paggamit ng social media at iba pang plataporma upang ipahayag ang paninindigan, magbahagi ng impormasyon, at magpalakas ng kolektibong kamalayan.
  • Pagsuporta sa mga inisyatiba para sa transparency at accountability, kabilang ang citizen audits, independent investigations, at mga panukalang reporma.
  • Pagsagawa ng mga aktibidad sa paaralan, komunidad, at institusyon na nagpapalalim ng diskurso sa Sikolohiyang Pilipino bilang sandata sa paglaban sa katiwalian.

Sa huli, masidhing ipinaaalala ng PSSP na ang katiwalian ay hindi lamang isang pampolitikang usapin, kundi isang sikolohikal at panlipunang sugat na dapat harapin at lunasan. Ang pagpiglas  dito ay isang mahalagang hakbang tungo sa isang lipunang ligtas, matatag, maginhawa, at mapagkalinga.