[DIWA E-Journal Tomo 2, Bilang 1, Nobyembre 2014] Ang mga Kabihasnang Pangkaisipan: Mga Kognitibo-Replektibong Prosesong Hinalaw mula sa Pakikipag-usap sa Piling Retiradong Guro sa Unibersidad
Noahlyn C. Maranan
Department of Social Sciences
University of the Philippines (UP), Los Baños, Laguna
Abstrak
Tinalakay at binigyan ng mga halimbawang-sipi ang mga kabihasnang pangkaisipang gaya ng pagsasalugar, paghugot, pag-aninaw, pagtumbok, at pagkakawing. Mga kognitibo-replektibong proseso ang mga ito na tinatayang bahagi ng isang kaisipang bihasa’t may malawak at malalim na pagtunghay sa mga bagay-bagay. Ang mga kabihasnang pangkaisipang ito ay hinalaw mula sa panayam sa mga retiradong guro ng University of the Philippines na bahagi ng isang panimulang pananaliksik hinggil sa wisdom o karunungan. May iba’t ibang paraan ng manipestasyon ng mga prosesong ito. Ang pagsasalugar ay maaaring sa pinagmumulan, kasalukuyan o masaklaw na mga kairalan. Ang paghugot ay maaaring ginagawa naman sa mga karanasang dinaan, binalikan, at hinagap. Ang pag-aninaw ay maaaring sa mga elementong di pangkaraniwan, di nakikita, o di nababatid ng iba. Ang pagtumbok ay maaaring sa simula o kahahantungan, pinakamahalaga o pinakamatingkad, o iyong nasa pinakapuso o kaibuturan ng isang kairalan. Ang pagkakawing naman ay maaaring sa antas ng ideya o kaalaman, panahon at pangyayari, o kaya ay tao at institusyon. Tinataya ng awtor na ang mga kabihasnang pangkaisipang ito ay maaaring humantong sa mainam na pagtingin sa mga bagay-bagay, pagdadala ng sarili, paggampan, at paghahawak ng damdamin o emosyon. Hinihimok niya ang dagdag pang pag-unawa at pag-aaral ng mga kabihasnang pangkaisipan mula sa kasalukuyang panimulang pag-aaral—o sa higit na masaklaw na pagkilala at pag-unawa pa kung paano nga ba mag-isip ang Pinoy.
Abstract
This article discusses and gives examples for kabihasnang pangkaisipan which includes pagsasalugar (putting elements into its place), paghugot (extracting elements from a context), pag-aninaw (seeing things more sharply and clearly), pagtumbok (zeroing in on a particular element) and pagkakawing (connecting). The kabihasnang pangkaisipan are cognitive-reflective processes that are presumed to underlie wise thoughts and a healthier perspective about life. These processes were culled from a discovery-oriented research involving interview-conversations with a select group of retired University of the Philippines professors. These processes manifest themselves in different ways. For pagsasalugar, it may involve the past, the present and a bigger context or reality. For paghugot, elements could be culled from experiences that one previously encountered, reminisced, or heard about. Pag-aninaw could involve the beginning and the end, the most significant and important, or the heart and the core elements of a bigger reality. For pagkakawing, it may involve concepts and ideas, time and events, or people and institutions. The author thinks that these processes could lead to a better appreciation of reality, better management of one’s self, actions and emotions. It is recommended that further studies be done on the kabihasnang pangkaisipan—or to generate more research about the cognitive psychology of the Filipinos in general.
PANIMULA
Marami nang sumulpot sa literatura kaugnay ng mga kaparaanan ng pag-iisip sa kanluran. Ang iba ay may kinalaman sa tuwirang pag-aaral halimbawa ng mga konseptong gaya ng wisdom (Sternberg 2001/2005; Achenbaum 1997; Ardelt 2004), pagkamalikhain (Helson at Srivastava, 2002), talino, paraan ng pagpoproroseso ng impormasyon, istilong pangkaisipan, atbp. Gayunpaman, wala gasinong pag-aaral nito sa Pilipinas. Kung meron man, hindi direktang may kinalaman ito sa pagpoproseso ng impormasyon gaya halimbawa ng pag-aaral ni Yacat (2013) ng identidad, ng pagdalumat ni Alejo (1990) ng “loob” at ang pagtalakay ni Salazar (1983) sa kaisipang nakapaloob sa faith healing. Sa partikular na pananaliksik naman na ito, tutunghayan ang mga kognitibo-replektibong prosesong pinapalagay na bahagi ng isang malawig at malalim na kaisipan.
Ang kaisipan ay ang lunduyang nagpapagalaw sa kaisipan, pagdadala ng sarili, paggampan, pakiramdam, paghahawak ng sarili at emosyon. Kaya naman, mahalagang pagtuunan nang pansin ang aspetong ito ng kakanyahan. Hindi maiaalis na ang maraming sikolohikal na disposisyon ay nakakabit sa disposisyong pangkaisipan ng indibidwal. Kaya, ano nga ba ang pinapalagay na halaga at pakinabang ng mga kabihasnang pangkaisipang ito? Pinapalagay na maaaring magamit ang mga ito upang lumalalim at mapalawak ng isang indibidwal ang kanyang pag-unawa at pagtingin sa mga bagay-bagay. At nang sa gayon ay maging mainam ang kanyang perspektiba, pagdadala ng sarili o paggampan, at paghahawak ng damdamin.
PAMAMARAAN
Ang mga kabihasnang pangkaisipang ito ay hinalaw mula sa mga transkrip ng panayam sa sa piling grupo ng labing-isang retiradong guro mula sa University of the Philippines na bahagi ng isang mas masaklaw na pag-aaral hinggil sa wisdom (na kahingian sa tesis masterado ng awtor). Ang panayam sa kanila ay kinasangkutan ng mga tanong na may kinalaman sa kanilang buhay, pananaw, estudyante, trabaho, atbp. May gabay na mga tanong ang interbyu bagama’t hinayaan ng mananaliksik na lumihis ang usapan kung kinakailangan. Kabilang sa mga hinandang mga tanong ay “What were you like when you were 25 years and how did you change since then?” o kaya ay “What advice can you give young students right now?” Nagiging partikular ang paghahayin ng tanong sa mga kalahok depende naman sa partikular na kairalan ng kanilang larangan, at iba pang mga kahingiang kinaharap nang mismong interbyu. Kabilang sa mga tanong na partikular sa mga kalahok ay may kinalaman sa opinyon ng kalahok hinggil sa kairalan ng isang Diyos sa konteksto ng empirikal na pananaliksik sa biolohiya (para sa kalahok mula sa College of Medicine/ M3), opinyon ng kalahok hinggil sa mga partikular na kairalang panlipunan nang panahong ginagawa ang pananaliksik (para sa kalahok mula sa College of Social Sciences and Philosophy/ M5), o kaya ay mga tanong hinggil sa mga palabas sa telebisyon at mensaheng maaring makuha mula sa mga palabas at popular na midya (para sa babaeng kalahok mula sa College of Arts and Literature (F2). Ang mga tanong at pagsagot ay kadalasang sa pinaghalong lenggwaheng Tagalog at Ingles (Taglish), bagama’t matimbang ang paggamit ng wikang Ingles. Kinalap ang mga datos, sa lugar at oras na sinang-ayunan ng mga kalahok noong 2008 hanggang unang mga buwan ng 2009.
Ang mga minsanang panayam ay umabot ng isa hanggang higit sa dalawang oras na humantong sa transkrip ng panayam na mula labing-lima hanggang humigit sa trenta pahina ang haba (1.5 na spacing, 12 font size, sa A4 na papel). Mula sa mga tinaranskrayb na mga panayam, ay pinasadahan nang hindi bababa sa tatlong beses ang mga transkrip nang makita ang mga lumilitaw na mga obserbasyong may kinalaman sa wisdom. Nilapatan ng mga pananda ang mga lumilitaw na mga obserbasyong ito at pagkatapos ay sinalansan nang naayon sa mga nagtatahing tema. Madaming mga naobserbahang mga datos o tema mula sa panayam na may kinalaman sa paggampan, pagpapahalaga, o atitud ng mga kalahok. Subalit, matingkad sa lahat ang umuulit na obserbasyon na may kinalaman sa pinapalagay na tinatahak ng kanilang pagrarason o pag-iisip—na sa papel na ito nga ay tinatawag na ‘kabihasnang pangkaisipan.’
Ang mga kabihasnang pangkaisipang ito (e.g., pagsasalugar, paghugot) ay sarili kong mga katawagan sa mga nakita kong tinahak ng pag-iisip/pagrarason ng mga kalahok batay sa kanilang mga sinabi. Sapagkat proseso ang mga ito ng pag-iisip, ang mga ito ay di-hayag, at sadyang naririyang mga kabihasnang bahagi ng kanilang disposisyong pangkaisipan.
Sa ibaba ay ang dagdag na pagpapaliwanag at pagtalakay sa mga kabihasnang pangkaisipan. Hindi iisa o eksklusibong nakapaloob sa iisang proseso ang marami sa mga halimbawang-sipi. Bagama’t hiwa-hiwalay na tinunghayan ang mga ito, kadalasang may overlap ang mga ito sa hindi iisang proseso. Binanggit rin ang mga pinapalagay na kabaligtaran ng mga ito nang higit na mapatingkad ang ibig sabihin ng mga prosesong ito. Gumamit ng mga panandang pangalan o code name ng mga kinapanayam sa mga halimbawang-sipi. Makikita naman sa Talaan 1 ang buod ng mga kabihasnang pangkaisipang isa-isang tatalakayin sa mga susunod na talata.
Kabihasnang Pangkaisipan(Punong-Kategorya) | Kaugnay na mga Kategorya | Nagtatahing mga obserbasyon |
1. PAGSASALUGAR sa | a. pinagmumulang kairalanb. kasalukuyang kairalanc. masaklaw na kairalan | Paglalagay ng isang obserbasyon (gaya ng kairalan, tao, sitwasyon, kinahantungan) sa isang kalalagyan (na maaaring ang pinagmumulan, kasalukuyang kaligiran, o ang mas malaking larawan). |
2. PAGHUGOT sa | a. dinaanang karanasanb. binalikang karanasanc. nahagap na karanasan | Pagkuha ng pagkatuto (gaya ng aral, insight, realisasyon) mula sa karanasan (na dinaanan, binalikan o nahagap sa iba). |
3. PAG-ANINAW sa | a. di pangkaraniwan o palasakb. di nakikita o tagoc. di nababatid ng iba | Pagkakita ng mga elemento ng isang kairalan (gaya ng esensiya o payak na kaanyuan, panloob na damdamin) na hindi lantad (dahil di pangkaraniwan, tago, di nababatid ng iba). |
4. PAGTUMBOK sa
|
a. simula at kahihinatananb. pinakapuso at kaibuturanc. pinakamahalaga at matingkad
|
Pagsapol sa elementong (na maaaring ang puno’t dulong simula, pinakapuso, kaibuturan, pinakamatingkad, pinakamahalaga) nasa sentro ng isang kairalan (gaya ng paggampan, pagtingin, pag-unawa, sitwasyon o suliranin). |
5. PAGKAKAWING sa
|
a. ideya at kaalamanMga paraan ng pagkakawing: -pagkakabit, pagtutuhog, pag-iisa-isa,b. panahon at pangyayari Mga paraan ng pagkakawing: paghahantong, pagsasala-salabit, paghuhugpong, pagpapasa paghahalintulad c. tao at institusyon |
Pagdurugtong ng isang elemento (gaya ng kairalan, sitwasyon, ideya, konsepto, kaalaman, tao, institusyon, panahon, pangyayari) sa iba pang elemento.
|
ANG MGA KABIHASNANG PANGKAISIPAN
Sa diksyunaryo (Almario 2011), ang “bihasa” ay ang “tao na mahusay sa isang gawain,” na singkahulugan ng “dalubhasa” o “eksperto,” samantala, ang “kabihasnan” naman ay ang “pagkasanay sa kaugalian at pamamaraan,” “maunlad na estado ng lipunan…,” atbp. Sa isang lumang diksyunaryo naman nina Noceda at Sanlucar (1860), may iba’t ibang gamit nito sa “napapamisanhan” o pinamimisanhan” o “quinabibihasaan”na tumutukoy sa gawing nakakaugalian gaya ng siniping pangungusap na “Houag papamisanhin ang catao-an sa masama.” Gayundin ay ang gamit naman ng “pagcabihasa” O “pamimihasa” na higit na kaugnay naman ng karanasan sa isang larangan gaya ng sa mga pahayag na “bihasang gomaua” at “bihasang tomacbo.” Mula sa mga kahulugan ng “bihasa” at “kabihasnan,” mapapansing pinakamahalagang aspeto ng mga kahulugang ito ay ang matagal-tagal nang karanasan at pagkakalantad sa isang sitwasyon, paggampan, buhay at iba pa upang maabot ang mataas na antas ng kairalan nito. Sa mga nasulat nina Salazar et al., (1990), ang “kabihasnan” ay “may kinalaman sa uri ng pamumuhay at pag-uugali na kinabihasaan o kinagisnan na pinapino ng maraming pangkat ng tao.” Buo at mas malawak ang kahulugan nito kumpara sa ‘sibilisasyon.” Gayundin, ito ay patungkol sa “kalawakan,” “kasalimuutan” at “kataasan” ng “natamong uri ng buhay at pagsasamahan—na hindi nalilimitahan ng pisikal na kaunlaran at ng iba pang mga ispisipikong katangian ng kinikilingang mga kultura. Ang “kabihasnan” para kina Salazar et al. (1990) ay mas malawak rin sa “kalinangan” na nakatutok lamang sa “limitado ang saklaw” na “paglilinang o pagpapabuti.” Bagama’t may pagtutok ang kasalukuyang papel sa kabihasnang kaugnay ng husay pangkaisipan—may punto ng pagkakapareho ng kahulugan na kaugnay ng pagiging higit na malawak, masalimuot o mataas ng kaisipang natamo na ang mga kabihasnang tinutukoy sa papel na ito. Sa kasalukuyang papel naman, sapagkat may pagtutok sa indibidwal na mga kaso, diniriin ang matagal-tagal nang karanasan—sa buong kurso ng buhay ng isang indibidwal—at pagkakalantad sa isang sitwasyon na pinapalagay na mahalagang aspeto sa pag-abot ng mataas na antas ng isang kairalan o ‘kabihasnan.’
Pinapalagay na mga kognitibo-replektibong mga proseso ang mga kabihasnang pangkaisipang tatalakayin sa papel na ito. “Kognitibo” ang mga ito na nangangahulugang kaugnay ng tendensyang pangkaisipan o kaparaanan sa pag-iisip. Ang “replektibo” naman ay isang paraan ng pag-iisip na may pagninilay-nilay at matamang pag-iisip. Samantala, ang “proseso” ay “ang serye ng mga kaganapan” na humahantong sa isang resulta. Di ito malayo sa kahulugan nito sa diksyunaryo (Almario 2001; 2010) kung saan ang “proseso” ay may kahulugang “sistematikong serye ng mga pagkilos,” o kaya ay “tuluy-tuloy na serye ng mga pagbabago na nagaganap alinsunod sa isang tiyak na paraan.” Gaya rin ito ng mga “proseso” sa pananaliksik na ito na tinatayang mga “serye ng mga kaganapan” sa antas ng kaisipan na maaaring humantong sa pagpapalalim at pagpapalawig ng dunong.
Kabilang sa mga natukoy na mga kabihasnang pangkaisipan ay ang mga sumusunod:
1. pagsasalugar
2. paghugot
3. pag-aninaw
4. pagtumbok
5. pagkakawing
Pagsasalugar
Sa pagsasalugar ay ang paglalagay ng isang obserbasyon sa isang kalalagyan. Ang “obserbasyon” ay maaaring tungkol sa tao, sitwasyon, kinahahantungan, paniniwala, gawi, ugali, kasanayan, paggampan, atbp. Samantala, ang “kalalagyan” naman ay maaaring ang (1) pinagmumulan, (2) kasalukuyan o (3) ang masaklaw na kairalan. Iisa-isahin ang mga ito sa mga halimbawang-sipi.
Una ay ang pagsasalugar sa pinagmumulang kairalan. Ang pinagmumulang kairalan ay maaaring ang pinanggalingang kasanayan, ginisnang pamilya, pinagbubuhatang estado, pinagsisimulang paniniwala at atitud o kalalagyan sa isang mas maagang panahon.
Sa halimbawang-sipi rito, pinakilala ng isang guro mula sa College of Fine Arts (M2) ang inklinasyon sa larangan ng kanyang dating guro sa Unibersidad. Kwento niya “When I was in the School of ***** *****, we have a very good professor, the late ***** *****. He was a very good professor. Of course, as far as his personal style was concerned, it’s classical. He didn’t like contemporary modern.” Inunawa at inintindi niya ito at ang kaibhan nito sa kanyang personal na istilo sa pamamagitan ng pagsasalugar ng istilo ng kanyang dating guro at ng kaniyang sariling istilo sa kanilang magkaibang pinagmumulang kasanayan. Aniya “which is understandable because he was schooled in the old school. Because in my case I’ve been more exposed to contemporary [medium]. Well, that’s a matter of exposure, one’s liking. But it gives me a very good background as to the things that are demanded in the craft, in sculpture.” Naiiba ito sa higit na mapanghusga, isteriotipikal o nakakahong pagtingin ng pangkaraniwang mga tao sa mga taong naiiba sa kanila.
Ikalawa naman ay ang pagsasalugar sa kasalukuyang kairalan. Ang kasalukuyang kairalan ay maaaring ang estado, kalagayan, kakanyahan, puntong-buhay, paniniwala o atitud sa kasalukuyang panahon.
Sa ikalawang halimbawang-sipi, naging batayan o salalayan ng realistiko at kagawa-gawang tuon ng paggampan ang pagsasalugar ng isang kalahok mula sa College of Medicine sa UP Manila (M3) ng kanyang mga kayang gawin at limitasyon sa kanyang kasalukuyang kakanyahan bilang guro. Aniya “Of course you feel so helpless? Because I’m only a poor professor, also trying to eke out a living, how can I contribute positively? I’m giving my talent most of it, individual people, teaching people, motivating people, but there must be something more that you can do because the agenda for that is bigger than anyone or any group, it’s got to be a national agenda.” Patuloy pa niya “Therefore without thinking that ikaw is a major player, or that you’re really going to make a big splash, that’s beside the point. Do what you can within your sphere of influence. No matter how small magcontribute ka.” May pagsasalugar siya ng mga kakayanan at limitasyon sa paggampan sa kairalan ng kakanyahan niya at ng kanyang mga kasamahan bilang guro. Pagdiriin pa niya “As we said, we’re all limited. We are academicians. We’re not social workers. We don’t have the resources like the major foundations, etc.” May pagsalalay rin siya ng mainam na tuon ng paggampan sa kanyang pagsasalugar na ito. Aniya “All we can give is our brain, yung product ng thinking [at] critical analysis. So that’s all that we can give, we try our best to give it.” Kaiba ito sa maaaring di realistikong tuon ng mga taong hindi magawang isalugar sa kasalukuyang kairalan ang kanilang mga paggampan.
Ikatlo naman ay ang pagsasalugar sa masaklaw na kairalan. Ang masaklaw na kairalan ay maaaring ang malaking larawan o kaligiran ng isang sitwasyon, karanasan, kalagayan, paggampan, obserbasyon, atbp. Maaaring ito ay ang buong kurso ng buong buhay na mas malaki kaysa sa isang instansiya ng karanasan lamang. Maaari ring ito ay ang mas malaking kaligiran ng isang indibidwal na mas malaki kaysa sa mga ispesipikong elemento lamang nito. At maaari rin namang ito ay ang mahabang kairalan ng panahon na iniiralan ng lahat na mas malaki kaysa sa isang ispesipikong yugtong-buhay lamang.
Sa ikatlong halimbawang-sipi, may pagsasalugar ang isang kalahok mula sa College of Arts and Letters (M1), isang manunulat, ng kanyang kakayanan sa masaklaw na kairalan ng iba pang mga mahuhusay na manunulat. Kwento niya “Even now as a writer, I can name almost a hundred or more who can do better that I can in writing.” May pagsalalay dito ang kanyang mainam na paghahawak o pagdadala ng sariling atitud at damdamin. Patuloy niya, “That should keep you humble. Humble ka lang. There are others who are better than you are. Don’t resent it. Wish them well. Ganun kailangan yung attitude na wala kang bitterness. You’re secured that way.” Kaiba ito sa kawalang kakayanang maghaya at tumanggap ng mga taong hindi magawang isalugar ang sariling mga kakayanan at limitasyon sa mas masaklaw na kairalan nito.
Bunsod ng mga obserbasyon sa itaas, tinawag na “pagsasalugar” ang unang prosesong naobserbahan sa hanay ng mga kinapanayam. Mula sa unlaping “pagsasa” at salitang ugat na “lugar,” nangangahulugan ito ng “paglalagay ng isang bagay sa isang lugar.” Sa una, inilagay ang mga obserbasyon sa pinagmumulang kairalan ng isang sitwasyon. Sa pangalawa, inilagay mga ito sa kasalukuyang kairalan nito. At sa ikatlo nama’y inilagay ang mga ito sa inaanibang higit na masaklaw na kairalan nito.
Pinapalagay na isang kabihasnang pangkaisipan ng isang taong wise ang pagsasalugar kung saan nagagawang makita ng isang indibidwal ang pinagmumulan, kasalukuyan at mas masaklaw na kairalang kinapapalooban ng isang obserbasyon. At sa pamamagitan ng pagsasalugar, mas nauunawaan at naiintindihan ng isang tao ang iba pang tao o sitwasyon, naisasaperspektiba ang mga ito at nailalabas sa isang limitadong perspektiba ng pag-unawa, nagkakaroon ng maalwang pakiramdam at nagbibigay-gabay sa mainam na tuon ng paggampan at paggawa.
Paghugot
Sa paghugot ay ang pagkuha ng mga pagkatuto mula sa mga karanasan. Ang mga pagkatutong ito ay maaaring ang mga nagbibigay-linaw na mga obserbasyon at realisasyon, mga inputs galing sa iba na naghahatid ng mahalagang mga pagbabago, mga aral at obserbasyong nagpapalawak o nagpapalalim ng pag-unawa at iba pa.
Kasama naman sa maaaring paghugutan ng pagkatuto ang mga (1) dinaanang karanasan, (2) mga binalikang mga karanasan, at (3) ang mga nahagap na karanasan. Kasama sa dinaanang karanasan ang sariling mga karanasang kinapulutan ng mga pagkatuto—kasama rin ang mga payo, puna o sinabi ng iba na may pinaghugutan ring karanasan. Kasama sa binalikang karanasan ang mga personal na karanasan ng mas maagang panahon na binalik-tanaw at pinangibabawan sa kasalukuyang panahon. At kabilang naman sa mga nahagap na karanasan ang mga narinig na sinabi, pananaw o opinyon ng iba na tinatayang may pinagbuhatan ring karanasan. Isa-isang tutunghayan ang mga ito sa mga halimbawang-sipi.
Una ay ang paghugot sa dinaanang karanasan. Ang dinaanang karanasan ay ang personal na mga karanasang pinagdaanan ng isang indibidwal na kinapupulutan ng mga pagkatuto para sa pag-unlad at pagbuti ng pag-unawa, paggampan o pagdadala ng sarili. Ang dinaanang karanasan ay maaaring buhat sa sariling mga karanasan o sa payo, puna o sinabi ng ibang-taong nakasalamuha. Ang mga payo, puna o sinabing ito ay tinatayang may pinaghugutan ring karanasan sa buhay ng mga taong ito.
Sa isang yugto ng buhay ng kalahok mula sa IRRI ng UP Los Banos (F3), dumaan siya sa mahabang proseso ng gamutan para sa kanyang sakit na tuberculosis. Kwento niya “And I have to go through a lot because when you have tuberculosis that’s tough. I went through so many X-rays and so many lab exams, and what have you but Dra. ***** never gave up. Sige lang kung anong kailangan.” May paghugot si Meroon ng pagkatuto mula sa puna ng doktorang itong maituturing na higit na makakaranasan kaysa sa kanya. Aniya “And then after that, on my final interview, Doktora said ‘You have very good grades, I’m worried about you.’ ‘Why should you worry?’ Sabi niya, ‘Because there might be so much pressure on you baka ka magkasakit ulit.’ So I kept that in mind.” Pinakinggan, at tinalima ni Meroon ang tagpong iyon para sa mainam na pagdadala ng sarili at pagpapahalaga sa kalusugan. Kaiba ito sa taong hindi nagagawang humugot ng pagkatuto mula sa mga puna ng iba at na hindi nagpapabuti ng mga nakagawian nang mga tendensya.
Ikalawa ay ang paghugot sa binalikang karanasan. Ang “binalikang karanasan” ay ang sariling mga karanasang binalik-tanaw at pinangibabawan para kapulutan ng mga obserbasyong higit pa sa kongkretong detalye lamang ng mga karanasang iyon.
Ibinahagi ng kalahok mula sa College of Social Sciences and Philosophy (M5) ang kasalukuyang kalagayan ng kanyang buhay. Kwento niya “I live only on my pension but it’s enough to keep me going…. All my children are already professionals but for the need of my wife and family [it] is more than sufficient. We are not living comfortable lives, we don’t have air-conditioned rooms….” Makikitang nauunawaan niya ang kaligiran ng kanyang kasalukuyang buhay sa kanyang pagbabalik-tanaw at pangingibabaw sa mga desisyong ginawa niya noong maagang yugto ng kanyang buhay. Aniya, “When I was ****** I did not want to live in the executive house because I didn’t want to live in a certain degree of opulence and then at the end of your term you go back to your little home.” Nakita rin na hinigitan ni Wark ang mga kongkretong mga detalye ng kanyang paggampan sa dinaanang buhay sa pamamagitan ng pangingibabaw sa mga ito at paghugot ng mga pagsasapantaha sa mga di niya ginawang mga desisyon. Patuloy pa niya: “so I stayed in my faculty house and sweated it out rather than live in airconditioned rooms in the ***** House. I go to the ***** House only when there’s a party and I have to entertain people but after that, I go back to where I was so I am still not used to these things otherwise I would be craving for it and I would be tempted to accept corporate directorships. Kaiba ito sa kawalan ng malalim na pag-unawa ng ibang mga tao sa kanilang paggampan at ginawang mga desisyon sa buhay.
Ikatlo naman ay ang paghugot sa nahagap na karanasan. Ang nahagap na karanasan ay ang mga naobserbahan o nababatid na mga karanasan ng iba. Kasama rin dito ang mga opinyon at palagay ng ibang taong may pinaghuhugutan ring karanasan bagama’t hindi direktang sinabi sa kanya.
Ibinahagi naman ng kalahok mula sa IRRI (F3) ang kanyang obserbasyon sa mga ginagawa at sinasabi ng mahuhusay na mga tao sa kanyang larangan. Kwento niya “We have Nobel Laureates in these meetings… One of them nagkwento siya na how she felt nung she got the award. One of them siya pa ang magdadala ng bag ko. Then all you could talk about are community-based health system.” At mula rito’y ang kanyang pangingibabaw sa obserbasyong ito at paghugot sa taal na obserbasyong kaugnay ng matapat na damdamin ng paghanga at pagkasiya. Patuloy pa niya “What do I say to these guys? But these people are very human…. So they are very humanitarian. After they got the award, they want to be able to do something. So that was very inspiring you know when you see them.” Kaiba ito sa kawalan ng paghugot sa matapat na damdamin mula sa mga pinagdaraanang karanasan ng mga taong hindi wise.
Tinawag na paghugot ang prosesong naobserbahan para sa bahaging ito. Sa pananaliksik na ito, ang paghugot ay ang pagkuha ng mga obserbasyon (input, aral, realisasyon, pagkatuto, obserbasyon) mula sa kongkretong mga karanasa’t pangyayari o kaya’y mula sa mga interaksyo’t pakikipag-ugnayan sa iba. Sa diksiyonaryo, ang “hugot” ay may pakahulugan bilang “pagkuha mula sa isang lalagyan” at na singkahulugan ng “hila,” “bunot” o kaya ay “hirang.” Sa pananaliksik na ito, gaya ng nabanggit na, may “paghirang” o “pagkuha” ng mga mahahalagang mga pagkatuto mula sa naranasan, naobserbahan o narinig ng isang indibidwal.
Pinapalagay na isang kabihasnang pangkaisipan ng taong wise ang paghugot kung saan nagagawang kapulutan ng pagkatuto at mahahalagang mga obserbasyon ng mga taong wise ang dinaanang karanasan, binalikang karanasan at ang nahagap na mga karanasan. Nagdudulot ang prosesong ito ng mahahalagang mga input o impormasyon, bagong mga ideya, obserbasyon, at ideya para sa mas mainam na pagdadala ng sarili o mga pagganap, o maging pakiramdam.
Pag-aninaw
Ang pag-aninaw ay ang pagkakita ng mga elementong hindi lantad sa isang kairalan. Ang elemento ay maaaring mga alternatibong paraan ng pagtingin, di kaagarang napapansing mga anyo, ang payak na kaanyuan o esensiya, mga panloob na damdamin atbp. Ang kairalan naman ay maaaring ang karanasan, sitwasyon, ugnayan, kakanyahan, paggampan atbp. Kadalasang hindi lantad ang mga elemento sa mga kairalan nito dahil (1) di palasak o di pangkaraniwan, (2) di nakikita, tago, natatabingan at (3) di nababatid ng iba.
Una para sa ikatlong kabihasnang pangkaisipan ay ang pag-aninaw sa di pangkaraniwan o palasak. Maaaring di pangkaraniwan o palasak dahil hindi ito ang nakagawian at nakasanayang pagtingin, kaparaanan sa paggampan o paghahawak ng sarili o dahil hindi ito ang pagtingin, kaparaanan at ginagawang paggampan at paghahawak ng sarili ng nakararaming mga tao.
Nilagpasan ni ng kalahok mula sa IRRI (F3) ang pangkaraniwang tendensya sa paggampan ng nakararami sa kanyang larangan. Aniya, “I have to study. A lot of people who are invited to these places, first thing they want to do is they want to be a tourist. They want to shop. When you do that, how can you be bright the following day?” Nababatid ni Meroon ang kahingian sa kanyang gumampan sa kanyang paglabas sa bansa bagama’t may temptasyong umaktong turista. Aniya “Because you cannot afford to be stupid. They pay your way to Geneva. They pay your way to all these places. You have to be able to say something that makes sense.” Kaya naman pinaghahandaan niya ang mga imbitasyong ito. Aniya “I always have to study. I read every document that they sent me so that when I got there I am confident I will understand what’s going on.” Mapapansin ang paglagpas niya sa pangkaraniwang tuon ng paggampan at ang pag-aninaw niya sa halaga ng mahusay na paggampan sa kanyang larangan. Kaiba ito sa wala sa isip na paggawa/paggampan na basta lamang tumatalima sa subok na at nakagawiang mga kaparaanan.
Ikalawa para sa ikatlong kabihasnang pangkaisipan ay ang pag-aninaw sa di nakikita at tago. Hindi nakikita at tago ang mga ito dahil (1) hindi matingkad, tahimik, at kadalasang nakakaligtaan sa isang kairalan, (2) natatabingan, nakukubli, di lantad at may kalabuan ang payak na kaanyuan o kaya’y (3) hindi pa nagagagap ng ano mang ekspresyon o salita.
Sa kasunod na sipi ay ang pagkasiya ng kalahok mula sa kolehiyo ng medisina (M3) sa dinaanang-buhay na may pag-aninaw sa payak na kaanyuan ng mga bagay na karaniwang pinahahalagahan. Aniya “I’m lucky na yun ang nagawa ko. For example, the value of things are not always the same when you are younger but once you’ve experienced, because nakita mo na, then you begin to see it for what it is. It is stripped already of the glamour. You are now face to face with the real reality because what is reality ba? Illusion lahat naman yan.” Paliwanag pa niya “Kala mo pag nakagawa ka ng 1000 sq. m. house solve na yung problem mo, ang saya-saya mo. You didn’t realize that to maintain a house like that is pain in the neck. Sa dami na lang ng bumbilyang napupundi diyan at sa faucet na nagleleak, you need a fortune to keep it and the question is kailangan mo ba yang 5 beds, 10 bedrooms?” Di ba isa lang ang bedroom mo”? Patuloy pa niya “Maisipan mong puntahan yung parte ng bahay na hindi mo napupunta, pag punta mo sasama lang ang loob mo, nakita mo madumi, ang maraming sira, maraming kalat. What? Therefore, you ask yourself: Diyos ko, ano ba ito? Kailangan lang ba yung ganun? It just aggravates my condition. It does not reinforce the good feelings…” Sa kasunod na linya, tila hinubdan niya ang kairalan ng pag-aakumula ng materyal na mga bagay nang makita ang payak at di lantad na kaanyuan nito. Aniya “Facing death, Diyos ko, pagkamatay ko’t kineremeyt ako, anong madadala ko, [ni] wala ngang balot e. Sayang.” Patuloy niya “E why am I doing all of these? For this? One more car? One more resort house na hindi ko naman pupuntahan throughout the year. Gagamitin ko for less than a week, mayroon akong nagmementain, sinuswelduhan then [I] have to work like a slave to support this?” Para sa kanya, tila ‘kabaliwan’ lamang ang pag-aakumula ng mga ito. Aniya “Ha, I must be crazy to do that. You really must be crazy to do that. But you didn’t realize you’re crazy until you’re there. Wala naman palang silbi yung inacquire mo.” Kaiba sa kadalasang hinahangad ng marami at nagpapairal sa pagganap ng pangkaraniwang tao, nalalagpasan ni Minica ang pangkaraniwang kahingia’t paghahangad sa mundo ng mga materyal na bagay. Nagawa niya ito sa pamamagitan ng pag-aninaw sa totoong kaanyuan ng mga ito.
Kasama rin sa ikatlong kognitibo-replektibong proseso ang pag-aninaw sa di nababatid ng iba. Maaaring hindi nababatid ang mga ito dahil kailangan ng pag-ukilkil sa panloob na damdamin, motibasyon, iniisip o mga dahilan at iba pang di lantad na mga kairalan ng sarili o kaya’y kailangan ng lapit ng tumutunghay sa kairalang ito nang magawa niyang makita ang mga bagay na maaaring wala sa posisyon ang iba upang makita.
Sa halimbawang-sipi sa ibaba, ibinahagi ng kalahok mula sa College of Music (M6) ang kaligiran sa kanyang ginisnang pamilya ng mas bata pa siya. Kwento niya “Ever since I remember even during my youth I belong to a family of more or less musically inclined family. My mother was a piano teacher and my sisters and brother all took lessons in music. I was the youngest and in fact I was the most deprived because I did not have those opportunities that my older brother and older sisters had.” Sa kabila ng inklinasyon ng kanyang pamilya sa musika, nagulat ng mga ito nang ipahayag niya ang kanyang interes sa akademikong pag-aaral ng musika. Patuloy pa niya “And so after finishing highschool when I told my mother I wanted to take up music, everybody was flabbergasted. What in the world, where in the world did you get that idea?” Sa kasunod na linya, makikita ang pagsalalay ni Ngoon ng kanyang desisyon sa kanyang na-aninaw na taal na damdamin para sa paggampan sa larangan ng musika. Muling pagpapatuloy pa niya “But there was this thing about me, you know, even when I was in the primary school that attracted me in music and I knew that and even if I was on the side line all the time listening to my sisters play the piano and things like that, there was something that was starting to burn there inside.” May pag-aninaw si Ngoon sa kanyang kalooban na wala sa posisyon ang iba para mabatid. Naging salalayan ang kanyang pagkilalang ito sa kanyang taal na damdamin sa kanyang ideya sa mainam na tuon ng paggampan. Kaiba ito sa hindi malalim na pagkilala sa sariling damdamin at hindi pagsungguni sa tapat na damdamin para sa mainam na paggampan ng taong hindi nagawang aninawin ang kaloobang siya lamang ang nasa posisyon para mabatid ito.
Sa diksyunaryo, ang “aninaw” ay nangangahulugan ng “nakikita sa kabila ng kalabuan.” Hindi ito nalalayo sa gamit sa pagtalakay rito kung saan, pinapalagay na nagagawang makita ang (1) mga di pangkaraniwan sa gitna ng di pagiging obyus at palasak ng mga ito, ang (2) mga di nakikita at tagong bahagi ng isang kairalan at ang (3) mga elementong bahagi ng malapit na kairalan ng isang indibidwal—panloob man (e.g. damdamin, motibasyon) o panlabas (e.g., bahagi ng kasanayan ng isang indibidwal). Dahil dito tinawag na “pag-aninaw” ang ikatlong kabihasnang pangkaisipang naobserbahan sa hanay ng mga kinapanayam.
Tinuturing na isang mainam na kabihasnang pangkaisipan ang pag-aninaw na naghahatid ng mga ideyang lumalagpas sa pangkaraniwang nalalaman na, nagpapatingkad ng mga ideyang hindi madalas napapansin o nababatid sa pangkaraniwang kalakaran, at naghahatid ng ideya ng alternatibong paggampan at pagdadala ng sarili, atbp.
Pagtumbok
Ang pagtumbok ay ang pagsapol sa elementong nasa sentro ng isang kairalan. Ang kairalan ay maaaring isang problema, kalagayan, sitwasyon, karanasan o kaya’y dinaanang-buhay. Ang elemento sa kairalang ito naman ay maaaring ang (1) simula at kahihinatnan, (2) pinakapuso at kaibuturan o (3) ang pinakamahalaga at pinakamatingkad. Iisa-isahin ang mga halimbawang-sipi para rito.
Kasama sa ika-apat na kabihasnang pangkaisipan ang pagtumbok sa simula at kahihinatnan. Ang simula ay maaaring ang umpisa ng isang problema, ang instrumento at iba pang mga sangkap na nakapangyayari sa tuon. Ang kahihinatnan naman ay maaaring ang lohikal na kahahantungan ng umiiral na kairalan, ang ninanais na marating ng isang paggampan, atbp.
Sa kasunod na sipi may pagtumbok ng babaeng kalahok mula sa College of Music (F1) sa mahalagang pinagsisimulang “passion” o pagkagusto sa larangan at disiplina upang makapangyari sa mainam na paggampan. Aniya “The only advice I can give is discipline and passion….” Diniin niya ang halaga ng disiplina at pagmamahal sa ginagawa sa mga panimulang kahingian para sa mahusay na paggampan sa larangan sa kabila ng iba pang mga kahingian gaya ng talento. Sapagkat aniya “They can develop the talent. I mean, of course, they won’t become big if they don’t have that extra something. They won’t reach the very top. They won’t go somewhere. But without the discipline and without the passion, you won’t get anywhere at all.” Kaiba ito sa kawalan ng pagsangguni sa pinagsisimulang damdamin at disiplina ng mga taong walang pagtumbok sa damdamin at disiplinang nagpapairal sa mga paggampan.
Kasama rin sa ika-apat na kabihasnang pangkaisipan ay ang pagtumbok (paggagap at pagpiho) sa kaibuturan at pinakapuso ng isang sitwasyon. Ang pinakapuso at kaibuturan ng sitwasyon ay ang pinakabuod, kalikasan, esensiya at pinakasentro ng kairalan, paggampan at pagkilos.
May lohikal na pagsusuri ang kalahok mula sa kolehiyo ng medisina (M3) hinggil sa eksistens ng Diyos. Aniya “But then let’s say that premise ang question lang is: There’s a God. Let’s not call him God. Let’s call him a Creator if you want to, a higher being that is the cause of it all. It’s just a question of: Can things the way you see them have happened without any Creator doing it and for that matter, an intelligent Creator? Alright, the answer is either yes or no.” Mula sa kanyang pagtatayang ito ay ang kanyang pagtumbok sa kalikasan ng ating paniniwala—na ito ay isa lamang “leap of faith.” Aniya “Now is there a process by which you can make a choice based on very sound reasoning just like when you study physics? The answer is: I’m convinced there’s none. It is a leap of faith. It is not something you can discover, argue about. It is something you take or leave depending on your choice. I chose to believe that there is.” Pinaliwanag rin niya na hindi salungat ang palagay niyang ito sa mga nalalaman na sa agham. Aniya “Now is that incompatible with what I’m talking about that the mind? Fully compatible. Hundred percent compatible. How? If I were the Creator, and I gave you a soul and I want a mechanism by which the soul is given to you, I will not pull a magic. I will follow my own natural law since I was the author of the natural law governing the brain… I will wire the brain so that in effect, we will have a soul. I will not pick a soul na parang air and throw it to him.” Sa kanyang pagsasalohika ng tanong tungkol sa pagkakaroon ng isang Manlilikha, humantong si Minica sa pinakasagad na kayang maabot ng ating pag-unawa sa isang Manlilikha—na isang “leap of faith” ito at na wala nang ibang paraan para makasigurado tayo sa pag-iral Niya. May malinaw at depinitibong pagtataya si Minica hinggil sa paniniwala sa Diyos. Kaiba ito sa di pagiging malinaw ng pag-unawa at pagkalito ng mga taong hindi magawang matumbok ang pinakapuso ng isang kairalan.
Gayundin, bilang panghuli, kasama sa ika-apat na kabihasnang pangkaisipan ay ang pagtumbok sa pinakamahalaga at pinakamatingkad na elemento ng isang sitwasyon. Sa gitna ng maraming mga hindi mahahalaga at matitingkad nagagawang matumbok ng mga wise ang pinakamahalaga at pinakamatingkad sa isang kairalan o karanasan. Dagdag pa, sa pagtumbok, nangingibabaw rin ang pinakamahalaga at pinakamatingkad sa gitna ng iba pang mahahalaga at matitingkad na elemento sa isang karanasan o kairalan.
Nababatid ng kalahok mula sa College of Arts and Letters (M1) ang pinakamahalagang layon ng ginagawang aktibidad sa klase—ang pag-iisip at pag-unawa sa binabasa. Aniya “You have to develop that—reading with real comprehension.” Bagama’t natumbok niya ang pinakamahalaga para sa pagkatuto ng kaniyang mga estudyante, kinikilala rin niyang hindi ito madaling gawin. Aniya “Mahirap yan. Sa College pagdating dito, masyadong maraming distraction. They do their research thru the internet, fine no, pero kung minsan nahahalata ko cut and paste lang e. Walang synthesis. These are all factual information. Walang thinking. Saka kailangan may mga power point presentation. Kailangan may mga visuals. Come on guys. Stay with the page can you? Just a page….” Sa gitna ng maraming mga palamuti sa pagprepresenta sa klase at sa gitna ng maraming distraksyon, may pagtumbok si Dera sa pinakamahalagang matutuhan ng mga estudyante at higit na dapat pagtuunan sa pag-aaral—ang pagbabasa nang may pag-unawa. Kaiba ito sa bara-barang paggampan ng mga taong walang pagtumbok sa pinakamahalagang tuon ng paggampan.
Sa diksyunaryo, ang “tumbok” ay nangangahulugan ng “deretsong tama sa gitna o malapit sa gitna.” Hindi ito nalalayo sa pakahulugan ng “pagtumbok” sa mga ginawang pagtalakay kung saan napiho (1) ang simula o kahihinatnan sa gitna ng maraming mga “panggulo” sa isang kairalan, (2) ang pinakapuso o kaibuturan ng isang kairalan sa gitna ng mga kasamang elemento ng kairalang ito, (3) at ang pinakamahalaga at pinakamatingkad sa gitna ng maraming mga impresyong maaaring kapwa mahahalaga o matitingkad rin.
Tinuturing na isang kabihasnang pangkaisipan ng mga taong wise ang pagtumbok na nakakatulong para magkaroon ng kalinawan ang puno’t dulong simula, ang kalikasan o kaanyuan ng isang kairalan at ang matingkad at mahalaga.
Pagkakawing
Ang pagkakawing ay ang pagdurugtong ng mga elemento sa iba pang mga elemento. Ang mga elementong ito ay maaaring mga konsepto, panahon, pangyayari, ideya, tao at institusyon. Maaaring pinagdurugtong ang konsepto o ideya sa kapwa konsepto o ideya, ang tao sa iba pang tao, ang pangyayari sa kapwa pangyayari o kaya nama’y ang tao sa institusyon, ang pangyayari sa panahon, ang ideya sa tao atbp.
Higit na matiltil at kumplikado ang resulta sa bahaging ito sapagkat maraming paraan ng pagkakawing sa:
- antas ng konsepto at ideya,
- antas ng panahon at pangyayari,
- antas ng tao at institusyon.
Bagama’t sinalansan sa iba’t ibang antas ang mga paraan ng pagkakawing, may mga pagkakataong ang mga ito ay masusumpungan rin sa iba pang mga antas. Para sa bahaging ito, magbibigay ng iisa lamang na halimbawa para sa bawat antas ng pagkakawing.
Una dito ay ang pagkakawing sa ideya at kaalaman. Ang ideya o kaalaman ay maaaring mga obserbasyon, paniniwala, opinyon, pananaw atbp. Ang pagkakawing naman ay maaaring sa pagitan ng ideya at isa pang ideya, ng isang kaalaman sa isa pang kaalaman, atbp.
Sa sumusunod ay ang pag-alam sa pagkakapareho at kaibhan ng isang kairalan sa iba pang mga kairalan na naghahatid ng linaw sa natatanging kakanyahan ng mga kairalang ito. Para sa kalahok mula sa mula sa College of Fine Arts (M2), kumpara sa larangan ng paglililok aniya “Sometimes, I think writers are better off because once they have typed in the computer it’s there, no. It has to see publication but at least the idea is already there.” Samantalang sa kanyang larangan, aniya “But in an art they say good intentions are not good enough. That idea has to be interpreted in form, in wood, in bronze, or in metal. You will really have to execute, follow it up because if you stop, it will stop by itself.” Samantala, di gaya ng kanyang sining, sa pagsasaka aniya “Again, this is where the farmers are better off because once they plant, it will certainly grow. Of course, you will have to take care [of it] but nature has its own [ways].” Samantalang sa kanyang larangan at sa iba pang katulad na sining, aniya “But in an art if you stop, it will stop by itself. That’s why in music, you have heard about unfinished symphony? It’s unfinished because it was not terminated or it was not completed so it has to be what you call from concept to reality. That’s why they say good intentions in art is not good enough it has to be expressed.” Pinakilala ni Erdeen ang pagkakaiba at pagkakatulad ng kanyang sining sa iba pang mga paggawa’t sining at diniin ang halaga ng mainam at matiltil na paggampan sa kanyang larangan. Kaiba ito sa kawalang-kakayanang linawin ang natatanging kakanyahan ng isang kairalan gaya ng sining sa iba pang mga kairalan.
Para naman sa pagkakawing sa panahon at pangyayari ang panahon ay maaaring ang nakalipas, kasalukuyan o ang darating pa lamang. Kaakibat ng panahon ang mga pangyayari na maaaring tungkol sa buhay, paggampan, mga pagbabago, desisyon atbp. Ang pagkakawing naman ay maaaring sa pagitan ng isang panahon sa isa pang panahon, ng pangyayari sa kapwa-pangyayari, ng pangyayari sa panahon, atbp.
Sa sumusunod, naiisip ng isa pang kalahok mula sa College of Arts and Letters (M4) ang pagpapasa o pagpapanatili ng mga elemento sa kasalukuyang kairalan hanggang sa hinaharap. Sa umpisa, may nakikitang tuon ng paggampan ni Anda—ang maabot muna ang kamalayan ng mga kapareho niyang uri sa lipunan. Aniya “Siguro, because I belong to the middle class, so first layer of that audience would be middle class like me. I want them to see things, think things out the way I do.” Pero higit pa rito ang nais niyang maabot. Aniya “But then beyond this immediate audience, I’m thinking of the greater masses of Filipinos.” Kaugnay rin ito ng kanyang tuon sa paggamit ng wikang pambansa—ang maabot at mahagip ang kamalayan ng masang Pilipino. Aniya “And yung aking advocacy for the use of the national language for writers and scholars derives from that fact na in the long-run, it’s the Filipino masses who know only Filipino or Tagalog whom I want to reach, that the Filipinos whose consciousness I want to touch.” Kaiba ito sa mas makitid na perspektiba upang makapangyari ng mga taong hindi wise.
Sa pagkakawing sa tao at institusyon, ang tao ay maaaring ang sarili, mga kakilala, mga estudyante, mga kasamahan sa trabaho atbp ng ating mga kinapanayam. Ang institusyon ay maaaring ang mga kilalang mga pamunuan, ang mga kinaanibang kumpanyang pinagtratrabahuha atbp. Ang pagkakawing ay maaaring sa pagitan ng tao sa tao, ng tao sa institusyon, atbp.
Sa sumusunod ay ang paglilinaw ng lugar ng isang elemento sa gitna ng kaligiran nito gaya ng ating halimbawang-sipi mula sa panayam sa kalahok mula sa IRRI (F3). Nag-umpisa siya sa pagpapakilala ng kanyang kaligiran sa paggampan kung saan aniya “But during that time because I was a member of the Board, I went from one Board to another… At the same time that these things were going on, I was also invited to join the ***** ***** ***** program.” Sa gitna nitong lahat ay ang kanyang pagkilala sa kanyang natatanging kakanyahan bilang siyentipikong pang-agham panlipunan at bilang babae sa gitna ng kaligiran nito. Aniya “I was the only social scientist. And in these international research centers I was the only female board member. At that time there were 12 international centers. I was the only female in that entire collection of boards.” Pinakilala niya ang kaligiran ng kanyang paggampan, ang koneksyon niya sa mga lupong kinaaaniban at ang natatangi niyang posisyon dito gaya ng kanyang pagiging natatanging babae at eksperto ng agham panlipunan sa grupong ito. Kaiba ito sa kawalan ng kalinawan ng kakanyahan sa gitna ng kaligiran nito para sa ibang tao.
Dahilan sa koneksyon, ugnayan, pagtatahi, pagtatagni o paghuhugpong sa bahaging ito, tatawagin ang prosesong ito bilang “pagkakawing.” Sa diksyunaryo, ang “kawing” ay ang “pagkadugtong-dugtong” ng mga bagay tulad ng bagon ng tren, tanikala atbp. Tatawagin ditong “pagkakawing” ang pag-uugnay ng isang elemento sa iba pa.
Tinuturing na isang kapaki-pakinabang na kabihasnang pangkaisipan ng mga taong wise ang pagkakawing kung saan nagagawa nilang makita ang ugnayan o koneksyon ng ideya, konsepto, panahon, pangyayari, tao, institusyon atbp na higit na nagpapayaman ng kanilang pag-unawa o kaya’y naghahatid ng higit na malawak na perspektiba ng pag-unawa, paggampan at pagdadala ng sarili.
PANGWAKAS
Sa gitna ng panimulang resultang kaugnay ng mga kabihasnang pangkaisipang nabanggit, inaasahang higit pang mapapalalim ang pagkilala sa mga ito sa pamamagitan ng dagdag pang mga pag-aaral. Mainam ring susugan kung paanong ang lenggwaheng naging daluyan ng sagot ng mga kalahok ay nakaapekto (o hindi nakaaapekto) sa mga naobserbahang mga kabihasnang pangkaisipan. O kung ang mga ganitong prosesong kaisipan kaya ay maoobserbahan rin sa grupo ng mga taong iba ang kaligiran at kairalan (e.g., hindi mga guro, hindi nanomineyt na wise, hindi nalantad sa edukasyon sa labas ng bansa). O kung hindi man, paano nga ba mag-isip ang mga Pinoy? At paano ito nagkakapareho o naiiba sa konteksto’t kalugarang kinakaharap niya? Inaasahang higit na pupukaw ang pananaliksik na ito ng higit pang interes upang mapag-aralan ang sikolohiyang pangkaisipan ng mga Pilipino.
Talahuli
* Kinikilala at pinasasalamatan ng awtor si Dr. Edwin T. Decenteceo ng Departamento ng Sikolohiya, UP Diliman, ang kanyang tagapayo sa tesis masterado na nakakausap niya noong mga panahong ginagawa niya at sinusulat ang tesis kung saan hinalaw ang papel na ito.
Sanggunian
Achenbaum, W. (1997). The wisdom of age: An historian’s perspective. Distinguished Lecture Series of the UNC Institute on Aging.
Alejo, A. (1990). Tao Po! Tuloy! Isang landas ng pag-unawa sa loob ng tao. Quezon City: Ateneo de Manila University Office of Research and Publications.
Almario, V.S. (pat.) (2001). UP diksiyonaryong Filipino. Quezon City: University of the Philippines Sentro ng Wikang Filipino-Diliman at Anvil Publishing, Inc.
Almario, V.S. (pat.) (2010). UP diksiyonaryong Filipino; Ikalawang Edisyon. Quezon City: University of the Philippines Sentro ng Wikang Filipino-Diliman at Anvil Publishing, Inc.
Ardelt, M. (2004). Wisdom as expert knowledge system: A critical review of a contemporary operationalization of an ancient concept. Human Development, 47, 257-285.
Helson, R., at S. Srivastava (2002). Creative and wise people: Similarities, differences, and how they develop. Personality and Social Psychology Bulletin, 28 (10), 1430-1440.
Noceda, J.D. at P. de Sanlucar (pat). (1860). Vocabulario de la Lengua Tagala. Manila: Imprenta de Ramirez y Giraudier.
Salazar, Z.A., J.B. Veneracion, W.E. Tamayo, at E.A. Pastores (1990). Kabihasnang Asyano: Isang Pangkasaysayang Introduksyon (Binagong Edisyon). Manila: Cacho Publishing House, Inc.
Sternberg, R. (2001). Why schools should teach for wisdom: The balance theory of wisdom in educational settings. Educational Psychologists, 36 (4), 227-245.
Sternberg, R. at J. Jordan (Eds.). (2005). A Handbook of Wisdom: Psychological Perspectives. USA: Cambridge.
Salazar, Z.A. (1980). Faith healing in the Philippines: A historical perspective. Asian Studies, 18, 27-41.
Yacat, J.A. (2013). Making Sense of Being and Becoming Filipinos: An Indigenous Psychology Perspective. Philippine Journal of Psychology, 38 (2), 19-37.