[DIWA E-Journal Tomo 2, Bilang 1, Nobyembre 2014] “Sulit ba o Okey lang?” Isang Pagtuklas sa Konsepto ng “Sulit” ng mga Pinoy

April J. Perez
Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas
University of the Philippines (UP), Diliman, Quezon City

Abstrak

Sa araw-araw na pakikipagtalastasan ng mga Pilipino sa isa’t isa, hindi na bago sa pandinig ang malimit na paggamit o pagsambit ng mga salitang “sulit” gayundin ng “okey lang.”  Kadalasan sa mga diksyunaryo, isa sa mga pakahulugan sa salitang sulit ay “hindi pagiging lugi.”  Karaniwang nakaangkla ang konsepto ng pagiging sulit sa mga produkto o serbisyong tinatangkilik sa araw-araw.  Sa pamamagitan ng metodong pagtatanong-tanong na ginawa ng mananaliksik sa mga mag-aaral ng ilang piling klase Filipino 40 (Wika, Kultura, at Lipunan) sa UP Diliman, deskriptibong inilahad ang mga pagpapakahulugan at implikasyon sa paggamit ng mga nasabing kataga batay na rin sa paggamit nito ng mga kalahok.  Hindi maihihiwalay ang konsepto ng sulit sa pagtatakda ng pamantayan ng mga Pilipino sa kung ano ang itinuturing nilang mahalaga.  Sinasabing sulit ang isang produkto kung hindi nalugi ang isang tao sa kanyang binayad sa natamong serbisyo o kaya’y sa produktong kanyang binili.  Naiuugnay rin ito kung abot-kaya ito kasabay ng pagiging de kalidad ng isang bilihin o kaya’y sa mga bagay na nagdudulot ng kasiyahan sa kabila ng halagang inilaan para rito.  Magkaagapay ang sulit at okey lang.  “Okey lang” ang kadalasang sinasambit kung ang tugon ay nasa pagitan ng dalawang katangiang magkasalungat gaya ng oo at hindi, tama o mali at iba pa.  Masasalamin ang kultura at pagka-Pilipino sa likod ng mga katagang ito na maaaring nagtataglay ng positibo o negatibong implikasyon.  Makikita sa paggamit nito ang pagiging madaling makuntento at sumaya, pagiging matatag sa kabila ng mga hamon sa buhay at maging ang hindi kagustuhang makasakit ng damdamin ng kapwa.  Maaari rin itong iugnay sa konsepto ng halaga o value ng mga Pilipino, kung ano ang sukatan upang maituring na “okey” ang isang bagay o pangyayari na sumasalamin sa kultura, wika at pagka-Pilipino.

Abstract

The concepts of “sulit” and “okey lang” are commonly used in the daily conversations of Filipinos.  The usual meaning of “sulit” in dictionaries is “getting the worth of what the people pay for.”  More often than not, the concept of “sulit” is usually associated with the products and services people can avail.  The researcher used the method of “pagtatanong-tanong” to students of selected Filipino 40 (Language, Culture, and Society) at UP Diliman.  The data will be presented descriptively, from the participants’ understanding of the concept to the specific applications and usage of “sulit”.  The concept of “sulit” reflects its correlation to the concept of “pamantayan” or standards of Filipinos and to what they consider essential or important where the concept of “halaga” is attributed.  Based on the participants’ responses, a specific product or service is considered “sulit” if a person gets the worth of what he or she paid for or even more in some cases.  Satisfaction and affordability go with being “sulit” as well.  On the other hand, “okey lang” depicts some characteristics and values of Filipinos such as appreciation, contentment, sensitivity to others’ feelings and emotions and resilience.  However, these might portray positive and negative implications at times.  The findings of this paper manifest aspects of Filipino culture, language and identity.

PANIMULA

Rasyunal

Sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga Pilipino, hindi maitatanggi ang pagtangkilik sa iba’t ibang mga produkto o serbisyong inihahain sa ating paligid.  Kaugnay nito, hindi na rin bago sa pandinig ang mga kataga o ekspresyon tulad ng “sulit” o “okey lang” na madalas at madaling sambitin ngunit may kahulugang hatid at angkin sa mga sandaling mamutawi sa ating mga bibig. Subalit ano nga kaya ang kahulugan ng mga ito at ang implikasyon sa malimit na paggamit at pagiging bahagi ng mga katagang ito ng ating wika?  Bukod pa rito, ano nga ba ang kaugnayan nito sa ating kultura at pagka-Pilipino?

Sa Pilipinas, mayroong isang websayt na may pangalang olx.ph, dati itong tinatawag na sulit.com.ph na unang nakilala noong 2006.  Pinangalanan itong sulit.com.ph dahil sa dalawang rason, una, dahil nangangahulugan ang sulit na worth it sa Ingles na siya ring naglalarawan sa pagiging abot-kaya ng mga produktong mabibili online.  Ikalawa, nagsisilbi itong akronim na nangangahulugang “Super Low Internet Trading.”  Noong Marso, 2014, tuluyan itong nakuha ng OLX, isang online na kumpanyang nakabase sa New York kung kaya’t pinangalanan itong olx.ph. Nagtataglay ang nasabing website ng sistemang buy and sell ng iba’t ibang mga produkto.  Ilan sa mga ito ay real estate, automotive, computer, libro, gamit sa bahay, laruan, at marami pang iba. Naging lunsaran din ang olx.ph ng mga patalastas at pabatid hinggil sa iba’t ibang oportunidad na trabaho o hanapbuhay maliban sa mga produkto at serbisyong iniaalok nito sa mga mamimili. Bukod pa rito, mayroon ding mga forum kung saan nagkakaroon ng palitang-kuro ang mga taong may akses sa websayt.

Mayroon din namang sulitdito.net at sulitpinas.com, mga websayt na parehong nagtataglay ng mga patalastas hinggil sa mga produktong ipinagbibili.  Samantala, ang ilan pa sa mga produktong Pilipino ay gumagamit din ng sulit bilang paglalarawan sa kanilang mga promosyon o produkto. Isang halimbawa ang Sulitxt15 ng Globe Telecom, isang paraan kung paano higit na makatitipid at maisusulit ang pagte-text.  Sa promosyong ito, sa halip na magbayad ng piso sa bawat text message na ipadadala ay maaaring makapagpadala ng hanggang 100 na text message sa halagang labinlimang piso lamang.  Samakatuwid, nakatipid ang isang kostumer ng tinatayang 85 piso. Dagdag pa rito, ang isa pang kilalang haligi ng telekomunikasyon sa bansa, ang Talk ‘N Text ay mayroon namang tinatawag na Tipid-Sulit Sim, isang sim card na maaaring magtaglay ng 72K na kapasidad, 25 libreng text message sa lahat ng network at mabibili sa halagang 30 piso lamang. Makikita rin ang mga pahayag na “tipid-sulit together,” “tipid-sulit offer,” at “tatak tipid-sulit” sa ilang mga patalastas ng Talk ‘N Text.

Isa sa mga kinikilalang kumpanya sa larangan ng medisina ang Pfizer, ito ay may tinatawag ding Pfizer Sulit Patient Care program na naghahatid ng tulong pangmedikal sa mga pasyenteng tumatangkilik sa kanilang mga gamot.  Gamit ang Pfizer Sulit card ay maaari rin silang magkaroon ng diskwento kung bibili ng mga gamot na gawa ng kumpanya maliban sa mga ibinibigay na konsultasyon ng mga doktor na makatutulong sa higit pang pagpapabuti ng kalagayan ng isang pasyente.

Sa websayt naman ng Fiesta, isang tatak ng pasta sa Pilipinas ay makikita ang kanilang mga mungkahing “sulit-sarap recipe” na ang pangunahing sangkap ay ang nasabing pasta.  Ginagamit naman ng kumpanyang Minute Burger ang mga katagang “sulit-sarap kasama.” Marami ring mga kainan sa bansa ang naglalarawan sa kanilang mga produktong pagkain bilang “sulit-sarap.”

Kapansin-pansin ang pagkakabit ng katagang “sulit” sa iba’t ibang mga produkto sa Pilipinas. Patunay lamang ito na marahil nakadaragdag ito ng posibilidad na tangkilikin ng mga mamimili ang isang produkto dahil sa mga katangiang tinataglay nito, una na nga rito ang pagiging sulit. Malaking kaugnayan ang makikita sa pagiging sulit sa presyo ng isang produkto, mas sulit kung mas mura o abot-kaya.  Kadalasan ding ikinakabit ang salitang sulit sa konsepto ng tipid at sarap.  Sa ganang ito, nakatitipid ang mga mamimili nang hindi isinasakripisyo ang pakinabang o kalidad na tinataglay ng isang produktong binili.  Sa mga inilahad na halimbawa, hindi maitatangging kaalinsabay ng paggamit ng salitang “sulit” sa karaniwang usapan ng mga Pilipino, sinasalamin din ng nasabing konsepto ang mga sitwasyong may kinalaman sa kulturang popular at konsumerismo sa lipunang Pilipino.

Layunin ng Pag-aaral

Nilalayon ng papel na itong: (1) malaman ang pagpapaliwanag ng konseptong sulit; (2) mailahad ang iba pang kasingkahulugan nito; (3) matukoy ang mga sitwasyon kung kailan ito kadalasang ginagamit o naririnig; (4) mailahad ang ilan sa mga karaniwang pahayag o ekspresyong may kinalaman sa nasabing paksa; at (5) makita ang ugnayan ng nasabing konsepto sa kultura ng mga Pilipino.

Rebyu ng mga kaugnay na pag-aaral

Inalam ng mananaliksik ang kahulugan ng sulit mula sa mga piling diksyunaryo upang makita kung may ugnayan ba ito sa isinasaad ng konseptong sulit para sa mga Pilipino.  Ayon sa Diksyunaryo ng Wikang Filipino, Sentinyal Edisyon (1998), ang salitang “sulit” ay maaaring magpakahulugan ng una, paghaharap ng ulat sa isang dapat tumanggap niyon; ikalawa, pagsasauli nang maluwag ng anumang hiniram; ikatlo, pagsampa ng puhunan o hindi pagiging lugi (kung sa pangangalakal); ikaapat ay pagsiyasat sa isang pinaghihinalaan; at ikalima ay iksamin.  Halos katulad din nito ang isinasaad na mga kahulugan sa ilan pang mga diksyunaryo tulad ng Vicassan’s Pilipino-English Dictionary Abridged Edition (2006) at sa Diksyunaryo-Tesauro Pilipino-Ingles ni Jose Villa Panganiban (1973) at UP Diksiyonaryong Filipino ni Virgilio Almario (2001).  Lumalabas na sa pag-aaral na ito, ang paggamit sa salitang “sulit” ay may pinakamalapit na relasyon sa kahulugang “hindi pagiging lugi” o “ang antas ng pakinabang sa puhunan.”

Maididikit sa “sulit” ang ideya ng pagiging “okey.”  Ayon sa aklat na Mga Hugis ng Kaisipang Pilipino ni Florentino Timbreza, ang salitang “okey” ay hango sa wikang Ingles at pinaikling baybay ng pabirong pagsasabi ng salitang “Oll Korrect” na ang ibig sabihi’y tama, wasto, o nagpapakita ng pagsang-ayon o pagpapatibay o nagsasabi ng salitang “oo” (1989).  Malaki ang naiambag ni Allen Walker Read sa kasaysayan ng salitang O.K.  Sinasabing sa mga unang pagkakataong lumabas ang salitang ito nang nakalimbag sa Estados Unidos ay kasabay ng nausong mga “comical misspelling” at pagbubuo ng mga akronim at mga inisyal sa nasabing lugar kung saan ang orihinal na all correctay napalitan ng mga baybay tulad ng “Ole Kurreck” at maging “Oll Korrect” na sinasabing ginamit ng isang Democrat na si Andrew Jackson (Heflin 1962).  Nakabase umano ang penomenong ito sa mga direct phonetic representation o mismong tunog na kumakatawan sa pagbigkas ng kolokyal na pattern ng pananalita ng ilan sa mga tao roon. Bago pa man lumabas sa mga pahayagan ay ginamit na rin ito sa paraang pasalita at impormal na pasulat ng Wikang Ingles.

Subalit sa kabila ng pagpapakahulugan ng mga Pilipino, ang kasabihang ito ay pagpapamalas ng magaan at walang ligalig na saloobin sa buhay.  Gayundin naman, ang salitang ayos ay ugat ng katawagang kaayusan o maayos.  Sa madaling sabi, ang mga Pilipino ay hindi pesimistiko kundi positibo ang pananaw sa kahihinatnan ng sitwasyong nararanasan o kinapapalooban nila.  Kung minsa’y ipinagkakaila pa kahit na medyo masama o alanganin ang pakiramdam at sa halip na madilim, ang maliwanag na panig ng buhay ang nakikita kaysa kawalan ng pag-asa.

Magaan lamang ang damdamin ng mga Pilipino sa gitna ng anumang suliranin, pambuhay man o pangkabuhayan, malakas ang loob, naniniwalang may mabuting kahihinatnan ng mga pangyayari.  Ang kasabihang okey, ayos lang ay isa pang lihim ng pagkamatiisin at kagaanang-loob ng mga taong-bayan, kauganay din nito ang kahandaan at determinasyon.  Madalas ding maririnig mula sa mga Pilipino ang mga kasabihang “Umanugu la yuri” (Okey lang ‘yon), ayon sa mga Ibanag, at “Ananugu ka laman tatun” (Ayos lang sa akin); “Rapavaori diakin” (Okey lang sa akin) sa mga Ivatan, “Osto di sak-en” sa mga Kankanaey, at “Ayos mu kanaku” sa mga Pampanggo (Timbreza 1989).

Marahil ang ganitong pananaw ay may bakas ng sinasabing pagiging mapag-angkop ng mga Pilipino at may relasyon din sa impluwensiya ng Kristiyanismo, ang pag-aaral ng buhay ni Hesukristo sa sangkatauhan at sa makasaysayang pagkamatay nina Rizal, GomBurZa, Bonifacio, Ninoy Aquino at ng iba pang nagbuwis ng buhay alang-alang sa kanilang mga kababayan, dagdag pa ni (Timbreza 1989).

Sinasabi ring ang kasabihang ito ay may kabutihan- ang katatagang-loob at tiwala sa sarili na kailangan sa panahon ng kagipitan o kahirapan habang ang kasamaan naman nito ay ang sobrang pagtitiis o pagkamartir, karaniwang dahilan kung bakit pinagsasamantalahan ng mga taong may hawak na kapangyarihan ang maraming mamamayan (Timbreza 1989).

Gayundin naman, sa serye ng mga pananaliksik ukol sa mga kaugaliang Filipino na pinamagatang Notion of Value in Filipino Culture ni F. Landa Jocano, binigyang-diin ang konsepto ng pamantayan.  Batay sa kanyang isinagawang pag-aaral, tumutukoy ang konseptong ito sa set ng mga standard na kadalasang ginagawang batayan sa pamimili ng isang bagay o pagdedesisyon ng mga indibidwal.  Nakapaloob din dito ang mga itinuturing na katanggap-tanggap o nararapat na paraan ng pagkilos, pamumuhay o paniniwala na nagiging batayan ng pagiging tama o mali, maganda o hindi, makatarungan o ‘di makatarungan, atbp. para sa isang grupo sa lipunan (Jocano 1992).

Bilang batayan ng pagiging katanggap-tanggap, nakalagom sa konsepto ng pamantayan ang etikal, moral, ispiritwal at estetikal na aspekto ng lipunang Pilipino.  Itinuturing din bilang value paradigm ang pamantayan kung saan nagtataglay ng tatlong pangunahing antas, ang halaga (worth), asal (character) at diwa (spiritual domain) (Jocano 1992).

Tinatalakay naman sa ikatlo sa serye ng pananaliksik ni Jocano ang hinggil sa konsepto ng halaga na siya ring pamagat ng monograp.  Sa akdang ito sinasabing isang value concept ang halaga na pumapatungkol sa esensya at importansya ng isang bagay, ideya o kilos na siya ring nagiging batayan ng mga tao sa kung ano ang kanilang pinapahalagahan (Jocano 1993).

Dagdag pa ni Jocano, kung iniuugnay ang konsepto ng halaga sa isang bagay, nagsasaad ito ng presyo ng isang bilihin, kadalasang maitutumbas sa numerikal na halaga.  Kung iuugnay naman sa mga ideya o kilos, isinasaad nito ang esensya o mismong kahalagahan ng mga ito.  Ikinakabit din ang halaga sa panlabas na pagtatangi sa isang ideya, kilos o bagay sapagakt ito ay itinatakda ng mga tao batay sa kanilang panlabas na pagtanggap o pagpili sa mga ito (Jocano 1993).

Inilahad din sa pananaliksik ang iba’t ibang evaluative criteria sa konsepto ng halaga.  Ginagamit ang halaga bilang batayang konsepto, kung lalapian naman ito ay maaaring mabuo ang kahalagahan at pagpapahalaga na tumutukoy sa pagbibigay-halaga; mahalaga at pinakamahalaga na nagsasaad ng antas o pagkakasunud-sunod at ang mga salitang pahalagahan at huwag bigyang halaga na nakatuon naman sa pagbibigay ng ibinungang desisyon o aksyon (Jocano 1993).

Kaugnay nito, binigyang pagtalakay naman ni Tereso Tullao, Jr. sa bahagi ng kanyang artikulong may pamagat na Ekonomiks sa Diwang Pilipino: Halo-Halo, Tingi-Tingi at Sari-Sari ang hinggil sa hilig ng mga Pilipino.  Ayon sa kanya, magkaiba ang hilig pantao kaysa sa pangunahing pangangailangan sa kadahilanang ang nauna ay mga pinag-ibayong pangangailan na pinagbago ng iba’t ibang salik gaya ng kapaligiran, kultura, edukasyon, estado sa lipunan at iba pa.  Dagdag pa niya, hindi maunawaan ng mga Kanluranin ang mga hilig, kaugalian at gawi na pinag-uukulan ng pagpapahalaga ng mga Pilipino sapagkat bahagi ang mga ito ng pagkatao at kaluluwang Pinoy (Tullao 2009).

Sa librong Pahiwatig ni Melba Maggay, tinalakay ang tungkol sa kagawiang pangkomunikasyon ng Filipino.  Bahagi ng pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino ang pakikipagtalastasan sa ibang tao, sa anumang uri, berbal o ‘di berbal.  Ito ang paraan ng pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang tao sa lipunan. Hindi rin nawawala ang paglalaro ng salita sa bawat buhay na wika.  Katulad halimbawa sa binuo ni Prospero Covar, ang iskema ng pagpapasiya batay sa pagsasabi ng “oo” at “hindi” ay maaaring mahati sa lima: tiyak na oo, alanganing oo, pag-aalinlangan, alanganing hindi at tiyak na hindi (Maggay 2002).

Sa ganang ito, magiging saligan ng pananaliksik na ito tungkol sa konsepto ng sulit ang mga nagawa nang pag-aaral sa itaas na siyang magpapalawak sa mismong pagpapakahulugan sa konsepto at sa pagbibigay kaugnayan nito sa pagbibigay halaga, pamumuhay, at pakikipagtalastasan ng mga Pilipino kakabit ng kultura at lipunang Pilipino.

Kahalagahan ng Pag-aaral

Hindi kadalasang nabibigyang-pansin ang mga katagang malimit nating sambitin at tila nagiging ekspresyon na lamang ito na bahagi ng idyolek o ang baryasyon sa estilo ng pananalita ng isang indibidwal.  Kaya naman, mahalaga ang pananaliksik na ito upang makita at maunawaan ang kaugnayan ng konsepto ng “sulit” at “okey lang” sa wika at kulturang Pilipino.

Metodolohiya

Nagsagawa ng pagtatanong-tanong ang mananaliksik hinggil sa paksa na siyang sinagutan ng mga kalahok na mag-aaral.  Nagmula ang mga nakalap na datos sa mga estudyante sa apat na klase sa Filipino 40 na may kabuuang bilang na pitumpu’t siyam (79) na kalahok noong ikalawang semestre, taong 2010 na pawang may edad na labing-anim hanggang labinsiyam.  Tumatalakay sa Wika, Kultura at Lipunan, ang nasabing kurso sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman.  Ayon kay Rogelia Pe-Pua, pakikilahok sa isang pag-uusap ang pagtatanong-tanong kung saan maaaring magtanong ukol sa mga bagay-bagay.  Kadalasan din itong itinutumbas sa informal interview sa kabila ng pangunahing kaibahan ng dalawa sapagkat ang pagtatanong-tanong ay kadalasang kaalinsabay ng pakikipagkuwentuhan na isa rin sa mga itinuturing na metodo ng pananaliksik (Pe-Pua 1985).

Dagdag pa ni Pe-Pua, maaaring suriin batay sa tatlong aspekto ang organisasyon ng pagtatanong-tanong.  Tumutukoy ang tatlong aspektong ito sa mga sumusunod: a) impormal na kultura, b) pormal na istruktura at c) pamamaraan.  Nakapaloob sa impormal na kultura ang pagtamo sa pagiging katanggap-tanggap o valid ng impormasyong nakalap na nakasalalay sa patutunguhan ng mananaliksik at kalahok.  Sa pormal na istruktura naman ng pagtatanong-tanong binibigyang-pansin ang pagkakahati ng mga gawain ng mananaliksik at mga tinatanong o kalahok.  Gayundin naman, mahalaga sa aspektong ito ang pagiging pantay ng tungkulin ng dalawa gayong kapwa may kapangyarihang magpasiya.  Samantala, napakahalaga ng pamamaraan ng pagtatanong-tanong sapagkat dito umiinog ang proseso ng pagkuha ng datos, pagsusuri at paggamit sa kinasapitan (Pe-pua 1985).

Sa isinagawang pagtatanong-tanong ng mananaliksik sa mga kalahok na mag-aaral, masasabing natamo ang organisasyon ng metodong ginamit batay sa tatlong inilahad na aspekto.  Una, kaugnay ng impormal na kultura, nakamit ang antas ng pakikipagpalagayang-loob sa pagitan ng mananaliksik at kalahok.  Ginawa ang pagtatanong-tanong ilang buwan na ang nakalipas matapos ang simula sa semestre kung kaya’t magkakakilala at may nabuo nang samahan ang klase sa kanilang guro.  Bukas din sila sa pagpapalitan ng ideya sa isa’t isa at dahil dito, masasabing nakakalap ang mapagkakatiwalaang datos.  Sinasabing participatory ang pagtatanong-tanong kung saan kasama sa pagbuo ng mga tanong sa isip ng mananaliksik ang mga kalahok.  Sa pananaliksik na ito, hindi inabiso sa mga kalahok ang gagawing pagtatanong-tanong.  Hindi rin naman inilaan ang isa’t kalahating oras ng klase para rito kundi bahagi lamang na sa tingin ng mananaliksik ay sapat upang maayos na makuha ang mga kailangang datos.  Samakatuwid, impormal at magaan ang naging daloy ng proseso kung saan nagkaroon din ng palitan ng mga ideya at impormasyon ang mga kalahok at mananaliksik hinggil sa paksa.  Patunay lamang itong natamo ang ikalawang aspekto, ang pormal na istruktura ng pagtatanong-tanong.  Panghuli, nakamit ang pamamaraan ng ginamit na metodo batay sa mga sumusunod na kadahilanan tulad ng pagiging simple ng wikang ginamit ng mananaliksik, nakatitiyak na may pagkakaunawaan sa pagitan niya at ng mga kalahok sapagkat wikang komon sa kanila ang ginamit, ang Filipino.  Maliban dito, nailahad ang layunin at saklaw ng pag-aaral, naging banayad ang palitan ng impormasyon at maayos na naitala ng mga kalahok ang kanilang mga kasagutan sa paraang hiniling ng mananaliksik.  Kaakibat ng metodong ginamit, deskriptibo ang presentasyon ng mga nakalap na kwalitatibong datos para sa pananaliksik na ito upang maipaliwanag ang konsepto ng “sulit” sa kontekstong Pilipino.  Upang higit pang maipaliwanag ang konsepto, naglahad din ng mga kaugnay na literatura sa paksa at ilang mga nakalap na datos sa mga diksyunaryo at websayt.

Saklaw at Delimitasyon ng Pag-aaral

Sinasaklaw ng pag-aaral na ito ang mga ipinapalagay na kahulugan sa mga konseptong “sulit” at “okey lang” ng mga Pilipino, mga karaniwang ekspresyong ginagamit na may kaugnayan sa nasabing paksa at mga kadalasang sitwasyon kung kailan ginagamit ang mga ito.  Gayunpaman, masasabing probisyonal lamang ang kongklusyon sa pananaliksik na ito dahil sa limitadong interpretasyon ng mga datos na nakalap mula sa mga kalahok at maging sa mga nasuyod na akademikong sulatin.

PAGLALAHAD AT PAGSUSURI NG DATOS

Kahulugan ng sulit

Maliban sa mga nakalap na kahulugan sa mga diksyunaryo kung saan lumalabas na sa pag-aaral na ito, ang paggamit sa salitang “sulit” ay may pinakamalapit na relasyon sa kahulugang “hindi pagiging lugi” o “ang antas ng pakinabang sa puhunan,” inalam ng mananaliksik ang sariling pakahulugan ng mga kalahok sa salitang “sulit.”

Katulad ng ibang mga salita sa ating wika, ang kosepto ng sulit ay maaaring maikabit sa iba pang mga salita. Hindi man lahat denotatibo o literal na kasingkahulugan, tiyak na may kaakibat na kaugnayan ang bawat salita sa pagiging sulit.

Maliban sa mga nakalap na kahulugan sa mga diksyunaryo kung saan lumalabas na sa pag-aaral na ito, ang paggamit sa salitang “sulit” ay may pinakamalapit na relasyon sa kahulugang “hindi pagiging lugi” o “ang antas ng pakinabang sa puhunan,” inalam ng mananaliksik ang sariling pakahulugan ng mga kalahok sa salitang “sulit.”

 

Katulad ng ibang mga salita sa ating wika, ang kosepto ng sulit ay maaaring maikabit sa iba pang mga salita. Hindi man lahat denotatibo o literal na kasingkahulugan, tiyak na may kaakibat na kaugnayan ang bawat salita sa pagiging sulit.

Pigura 1
Pagpapakahulugan sa Sulit

Perez

Lumalabas naman sa mga naging pahayag ng mga estudyanteng kalahok na ang “sulit” ay maaaring magpakahulugan sa mga sumusunod na salita: ayos, swak, okey, sakto, tipid, hindi sayang ang pera, kuntento, mura o praktikal, epektibo at kapaki-pakinabang, de kalidad na produkto at serbisyo. Pinakananaig ang tugon na nagsasabing “ayos” kung sulit ang isang bagay.  Maikakabit din sa konsepto pagiging sulit ang mga katangian o paglalarawan sa isang bagay na itinuturing na sulit ng mga kalahok.  Makikita ang mga ito sa nasa kaliwa at kanang bilog sa Pigura 1.  Kung susuriin ang mga salitang ito, bawat isa’y maituturing na positibo ang isinasaad na kahulugan, ibig sabihin, positibo ring maituturing ang konseptong sulit.  Kaalinsabay naman ng pagiging buhay at dinamiko ng wika, lumitaw din ang salitang astig bilang katumbas ng pagiging sulit.  Kung noong mga nakalipas na dekada, ang astig ay nangangahulugang “tigasin,” sa kasalukuyan, para sa mga kalahok na pawang mga teenager o kabataan, ang astig ay nangangahulugang “cool.”  Samakatuwid para sa ilan, kapag sinabing sulit, ito’y astig talaga.

Maiuugnay rito ang ginawang paglalarawan ni Covar sa aklat ni Maggay, katulad sa pagsasabi ng “tiyak na oo,” mababakas ang katiyakan sa mga salitang iniuugnay sa konsepto ng sulit.  Tuwiran ang pagkakalahad ng mga salita kung kaya’t masasabing walang kakabit na pag-aalinlangan o ‘di kasiguruhan sa mga lumitaw na salitang maituturing na kasingkahulugan ng sulit.

Ang halaga at pagiging sulit

Inalam din ng mananaliksik mula sa mga kalahok na tinanong-tanong kung paano masasabing sulit ang isang produkto o serbisyo.  Sa bahaging ito maiuugnay ang mga pag-aaral nina Jocano at Tullao na may kinalaman sa pamantayan, halaga at ekonomiya.  Bilang mga Pilipino, bahagi na ng ating kultura ang pagtatakda ng pamantayan upang maituring na tama o mali, maganda o hindi ang isang bagay, ideya o kilos.  Kaugnay nito, may mga katangiang kaakibat ang isang produkto o serbisyo upang maituring na sulit, ayon sa mga kalahok.  Masasabing ang mga ito rin ang nagsisilbing pamantayan sa pagiging sulit ng isang produkto o serbisyong kanilang nararanasan.

Pigura 2
Pagiging sulit ng mga produkto at serbisyo

Perez 2

Masasabing sulit ang isang produkto kung mura ngunit de kalidad, nasa Pigura 2.  Ito ang pangunahing katangian upang masabing sulit ang isang produkto, batay sa mga kalahok—abot-kaya ang presyo upang mabili ng kahit sinong ibig tumangkilik at magkaroon nito.  Gayunpaman, may mga produktong sa kabila ng pagkakaroon ng mababang halaga ay nagtataglay naman ng mataas na kalidad.  Sa kabilang banda, hindi lang naman ang mga murang produkto ang matatawag na sulit. Kahit pa ang mga bagay na nagtataglay ng higit na mataas na presyo ay maaari pa ring maituring na sulit basta’t tinataglay rin nito ang iba pang katangiang iniuugnay sa mga produktong sulit katulad ng mahusay na pagkagawa.  Ang kaibahan nga lamang, mas marami ang may kakayahang tumangkilik ng mga produktong sulit na, mura pa kaysa sa mga produktong maituturing na sulit subalit may kamahalan ang halaga.  Sa aspektong ito ng pagiging sulit makikita ang kaugnayan ng halagang binanggit ni Jocano, ang batayang konseptong tumutukoy sa presyo o halagang katumbas ng isang produkto at serbisyo na siya namang binabayaran o binibili ng mga ibig magkaroon nito.

Kaugnay rin ng pagiging sulit ang pagiging maganda ng pangkabuuang anyo ng isang produkto, pagiging matibay o hindi agad-agad na pagkasira at kung ang mga ito’y kakikitaan ng pagiging epektibo.  Ayon pa rin sa mga kalahok, matatawag ding sulit ang isang produkto kung nasiyahan at nakuntento ang mga mamimili nito at nakamit nila ang mga inaasahan sa produktong kanilang binili.  Bukod pa rito, masasabi ring kung sulit ang isang produkto, hindi lugi sa ginastos na pambili ang isang isang tao.  Ibig sabihin, hindi panghihinayangan ang perang ginamit na pambili nito. Gayundin naman, kung sulit ang isang produkto, praktikal itong bilhin sapagkat mura man o mahal, ika nga ay nagagamit naman hanggang sa huling patak o nang pangmatagalan.

Kadalasan din, kapag tinatangkilik ang isang produktong sulit ay masasabing nakatitipid at makamumura pa rin ang mga tao sa kabila ng halagang taglay nito at dahil nga kuntento ang mga mamimili, mas nakalalamang na bilhin muli ito sa hinaharap at irekomenda pa sa ibang kakilala. Samakatuwid, mas magiging mabili pa ang mga produktong ito kung napatunayang sulit ng mga tumatangkilik.  Ayon nga kay Tullao (2009), maraming hilig ang mga tao ngunit limitado lamang ang mga kayamanang tutugon sa mga ito kung kaya’t nagkakaroon ng problemang iskarsidad.  Kaugnay nito, pinapahalagahan ng mga Pilipino ang pagiging matipid sa paggamit ng mga yamang-bayan kung kaya’t higit nilang pinipili ang mga produktong abot-kaya.

Samantala, hindi lamang mga produkto ang maituturing na sulit kundi pati na ang mga serbisyong tinatangkilik ng mga tao.  Maituturing na sulit ang mga ito kung nagawa o naibigay ang mga inaasahan ng mga taong sinerbisyuhan at dahil dito’y naramdaman nila ang kasiyahan.  Kung mahusay din ang gumawa o nagbigay ng serbisyo, taglay niya ang pag-aalaga sa kostumer, masipag magtrabaho, tapat ang paglilingkod o pagbibigay ng serbisyo at walang nasayang na oras.  Sa ganang ito, masasabi ring sulit ang serbisyong natamo.

Kaugnay pa nito, kung sulit ang isang serbisyo, hahanap-hanapin, tatangkilikin at babalik-balikan ito ng mga tao.  Walang pagsisisi at panghihinayang na mararamdaman ang mga tao sa kabila ng maraming beses na pagtangkilik dito.  May mga pagkakataon din na ang pagiging sulit ng isang serbisyo ay nagiging dahilan upang bigyan pa ng karagdagang bayad o tip sa taong gumawa ng serbisyo bukod sa maayos na sahod na kanilang natatanggap.  Patunay lang din ito na ang paglalaan ng dagdag na halaga maliban sa ibinayad sa natamong serbisyo ay hindi pinaghihinayangan kung kapalit naman ay ang pagkamit sa inaasam na kagustuhan.  Sa bahaging ito makikita ang mga epekto ng pagiging sulit ng isang serbisyo alinsunod sa mga nakalap na datos.

Gayundin naman, para sa mga tinanong ng mananaliksik, matatawag na sulit ang edukasyon o ang pagkuha ng isang asignatura.  Ayon sa paglalarawan ng mga mag-aaral, masasabi nilang sulit ito kung sila ay maraming natutunan sa klase at nakatulong ang mga bagay na ito sa kanilang kinabukasan.  Hindi rin nakapanghihinayang ang pagkuha sa kursong ito kapag sila’y nasiyahan dito, kung mahusay magturo ang guro rito at kung hindi nakababagot ang klase.  Lumalabas na kakabit pa rin ng pagiging sulit ng edukasyon ang kalidad nito o ang kabutihang maidudulot sa mga estudyante matapos nilang makapag-aral.  Ibig sabihin, hindi lamang mga materyal na produkto ang maituturing na sulit kundi maging ang iba pang ‘di materyal na pangangailangan ng isang indibidwal.

Ang wika at pagiging sulit

Bahagi ng kultura ng mga Pilipino ang araw-araw na pakikipagtalastasan.  Gamit ang wika na siyang itinuturing na pinakamabisang midyum ng komunikasyon, hindi nawawala ang mga karaniwang pahayag na may kaugnayan sa pagiging sulit.  Kadalasang ginagamit ang “sulit” bilang isang salitang naglalarawan, maaaring sa isang bagay, ideya o kondisyon.  Batay pa rin sa mga nakalap na datos mula sa pagtatanong-tanong sa mga kalahok, makikita sa Pigura 3 ang mga kadalasang maririnig na mga ekspresyon tulad ng “sulit ang binayad,” “sulit ang pagod,” “sulit ang paghihirap,” at “sulit ang pagkain.”  Kabilang din sa mga ito ang pagiging sulit ng panonood, paghihintay, pag-aaral, pagpupuyat at anumang pangyayari o bagay na sa isang pagkakataon sa buhay ay itinuring na hindi nakapanghihinayang sa kabila ng ibinigay nating kabayaran, sakripisyo o oras.  Wala ring pagsisising nararamdaman sa anumang inilaan kapalit ng pagkamit sa isang bagay o serbisyo.

Pigura 3
Mga Ekspresyong kaugnay ng Pagiging Sulit

Perez3

Masasalamin sa mga nabubuong ekspresyong ito na ang pagiging sulit ay hindi lamang nakabatay sa halaga o kalidad ng isang produkto o serbisyo.  Sa halip, bahagi ang konseptong sulit sa wika ng mga Pilipino na siyang itinatakda ng kultura at lipunang ginagalawan ng mga Pilipino.  Gayundin naman dahil sa patuloy na ebolusyon ng wika, hindi malayong magkaroon ng mga panibagong ekspresyong may kinalaman dito sa paglipas ng panahon.  Bukod pa rito, bukas din sa posibilidad na magbago ang pakahulugan sa salitang sulit sa hinaharap para sa ilang gumagamit ng wika bilang patunay ng patuloy na pagiging buhay nito.

Ang “okey lang” bilang kaagapay ng sulit

Datapwat malimit na ginagamit ang salitang sulit, tila higit na madalas na marinig sa usapan ng mga mamamayang Pilipino ang mga katagang “okey lang;” tila ba ito’y isa sa mga karaniwang kasagutan o reaksyon ng mga tao sa isang katanungan o sitwasyon.  Subalit sa kabila ng pagiging palasak ng mga nasabing kataga, mainam na malaman ang pakahulugan sa likod ng pagsambit nito.

Batay sa isinagawang pagtatanong-tanong, nangangahulugan ang “okey lang” na una, nasa pagitan ng dalawang kasagutan (oo at hindi, tama at mali, sapat at kulang, gusto at ayaw maganda at pangit, etc.), na kung papansinin ay pawang mga magkakasalungat ang isinasaad na katangian.  Sa mga tipikal na usapan, kalimitang naririnig na kasagutan ng mga tao, una, sa mga pagkakataong hinihingan sila ng opinyon, hal. Tanong: “Maganda ba ang damit ko?” Sagot: “Okey lang”, maaaring nangangahulugan itong nasa pagitan ng oo at hindi o sa kasong ito ay pagiging hindi pangit ngunit hindi rin naman talaga lubos na kagandahan ng damit na itinatanong.

Ikalawa, kung walang espesyal o ekstraordinaryo sa isang pangyayari, normal lamang ang lahat, hal. Tanong: “Kumusta ang araw mo?” Sagot: “Okey lang.”  Gayundin naman bilang pagkukubli sa tunay na nararamdaman, sinasabing “okey lang” kahit ang totoo ay hindi mabuti ang nararamdaman, hal. Tanong: “Masaya ka ba ngayon?” Sagot: “Okey lang.”

Samantala, sa mga pagkakataong walang epektong masama kung hindi nakamit ang layunin o ibig makuha, sinasabi ring “okey lang” ito, hal. Hindi ko napanood yung bagong pelikula sa sinehan, pero okey lang, bibili na lang ako ng DVD.”  Maaari ring isaad sa halimbawang ito na hindi man natamo ang pangunahing layunin, ang panonood ng bagong pelikula ay nagkaroon naman ng pangyayaring maaaring maituring na kapalit nito, ang pagbili ng DVD.  Sa kasong ito ay maaari ring masalamin ang hindi kaagad na pagkabigo ng mga Pilipino sa halip ay ang paghahanap ng alternatibo upang manatiling maayos ang pakiramdam.  Bukod pa rito, nagsisilbi rin itong pagbibigay ng pag-asa sa oras ng kagipitan, halimbawa’t may hindi gaanoong magandang nangyari sa kinakausap, sinasabi pa ring “okey lang” upang lumakas pa rin ang loob ng kausap, hal. “Okey lang kahit hindi ka nakapasa sa unang exam, may mga susunod pa naman, pwede ka pang makabawi.”  Nagpapakahulugan din itong walang dapat ipag-alala dahil kayang lutasin ang isang problema o katanggap-tanggap pa ang isang bagay, hal. “Okey lang ang score ko sa quiz”, marahil ang ibig sabihin nito ay hindi mataas ang nakuha sa quiz ngunit hindi naman bagsak.

Sa mga pagkakataon din kung kailan hindi kuntento ang isang tao, ito ang kadalasan niyang sinasambit, hal. Tanong: “Masarap ba yung mga pagkain sa party?” Sagot: “Okey lang.”  Sa ganitong pagkakataon, tila ba ang ibig sabihin ay “makakain naman ang mga ito subalit hindi talaga kasarapan o kaya’y kulang pa sa lasa o sarap.”  Sa kabilang banda, maaari rin namang masalamin sa pagsasabi ng “okey lang” ang pagiging kuntento, halimbawa, “Okey lang kahit saan basta may matuluyan.”  Sa kabila ng salungatan sa pagitan ng dalawang isinasaad ay magagamit sa pareho ang pahayag.  Sa kasong ito, makatutulong sa pagtitiyak ng kahulugang ipinahihiwatig ang pakikiramdam na ayon kay Maggay ay “matalisik na pagsalat sa niloloob ng kinakausap ayon lamang sa pagdama at hindi sa tahasang pananalita” (Maggay 2002).  Sadyang malaking tulong ang hindi berbal na uri ng komunikasyon upang matiyak ang pagbibigay interpretasyon sa mensahe ng kausap.

Para rin sa mga mag-aaral, ang “okey lang” ay may katulad din na kahulugan at gamit sa mga salitang ayos lang, sakto lang, nakakaraos (nahihirapan ma’y kinakaya pa naman), okey naman, ayos naman, pwede na, sapat lang, tama lang at kung minsan pa nga’y ginagamit na rin ang mga katawagang hango sa mga salitang patok sa kasalukuyan tulad ng go lang (sige lang), keri/keribels (kaya o kinakaya), kebs lang (keber o walang pakialam) na kalimitang itinuturing na halimbawa ng gay lingo o sa madaling salita’y walang espesyal.  May mga pagkakataon din kung kailan ang “okey lang” ay pinapaikli patungong “K lang,” lalo pa kung ginagamit sa text message o marahil sa iba pang mga social networking site.  Muli, matingkad na patunay lamang ito na sadyang dinamiko ang wika at patuloy ang pagbabago nito batay sa hinihingi ng sitwasyon o pagkakataon kung kailan ito gagamitin.

Dagdag pa rito, lumalabas sa mga nakalap na datos na pangunahing ginagamit ang “okey lang” sa mga sumusunod na sitwasyon: kapag ang mga tao’y kinakamusta, ito ang kadalasang isinasagot; kung hindi alam kung saan papanig halimbawa’t hinihingan ng opinyon; kung hindi gaanong naunawaan ang katanungan o sitwasyong hinihingan ng kasagutan; kung ayaw makasakit ng damdamin ng iba kung kaya’t “okey lang” na lamang ang sinasabi; kung hindi nakasisiguro sa pagsagot at kapag kahit nasa mahirap na sitwasyon ay kinakaya pa naman ang sitwasyong dinaranas.

Sa kabila ng pagiging magkaagapay ng mga konseptong “sulit” at “okey lang,” lumalabas na kung ang isang bagay o pangyayari ay “okey lang,” hindi ito tuwirang maitutumbas sa pagiging sulit sapagkat may kulang pa rito upang maituring na sulit batay sa mga pamantayang nailahad sa mga naunang bahagi ng pananaliksik na ito.

ANG SULIT AT “OKEY LANG” SA KULTURA AT PAGKA-PILIPINO

Kung susuriin ang mga inilahad na datos, makikitang sadyang may mga dahilan kung bakit partikular ang mga Pilipino sa pagpili ng mga produkto at serbisyong tatangkilikin.  Kapansin-pansin din kung bakit mahalaga para sa kanila na ang mga ito’y sulit at hindi okey lang.  Hindi maitatanggi na ang kalimitang paggamit ng mga katagang ito’y may kaakibat na kaugnayan sa kultura ng mga Pilipino.  Malinaw na ipinapakitang ang malaking kaugnayan ng mga serbisyo at produktong tinatangkilik ng mga Pilipino sa halagang tinataglay ng mga ito.  Gayundin naman, ang sukatan ng pagiging sulit ay nakabatay sa mga pamantayang itinatakda rin mismo ng mga taong tumatangkilik ng mga produkto at serbisyong ito na siya namang nabibigyang manipestasyon sa wikang ginagamit upang maipahayag ang mga katangian katulad ng pagiging sulit.

Pagpapahalaga sa halaga.  Sa pangkalahatan, esensyal para sa mga Pilipino ang pagbibigay importansya sa halaga, maaaring mismong presyo o numerikal na halaga o kaya’y ang mismong saysay o silbi ng isang produkto o serbisyo.  Ginagawa ito sa kadahilanang nagtitipid ang mga Pilipino at dahil nga sa hirap ng buhay sa kasalukuyan na nagdudulot ng iskarsidad o kakulangan sa pera man o iba pang yamang-bayan sa ilang mga pagkakataon, hindi maiaalis ang pagbibigay ng halaga sa kinikitang pera ng mga taong naghahanapbuhay lalo pa sa isang pamilya.  Karaniwan sa isang pamilyang Pilipino ay kumikita lamang ng sapat upang matustusan ang pinakabatayang pangangailangan ng pamilya sa araw-araw at may ilan ding hindi sapat ang kinikita o kaya’y wala talagang regular na hanapbuhay.  Dahil dito, malaki ang pagpapahalaga sa bawat sentimong tinataglay at hindi basta-basta pinagkakagastusan ang mga bagay lalo pa’t sa tingin nila’y wala naman itong saysay.  Bukod pa rito, hindi rin maiaalis na maging praktikal ang mga Pinoy sa pagpili ng mga produkto at serbisyong tatangkilikin kung saan mas pinipili nila ang mga bagay kung saan hindi sila malulugi.  Sinasabi ring wais ang mga Pinoy, ayaw nang nalalamangan at sigurista pagdating sa pagpili at pagbili ng mga produkto, ibig nilang makakuha ng maraming benepisyo mula sa isang bagay na kanilang bibilhin.  Kakabit din nito ang pagiging mapanuri ng mga Pinoy na nagpapatunay ng malaki ang pagpapahalagang ibinibigay ng mga Pilipino sa mga bagay na bibilhin at ituturing na kanila.  Nais nilang makatiyak na magtatagal at de kalidad ang mga produktong kanilang binibili.  May mga pagkakataon ding nasasabing kuripot ang mga Pinoy, kadalasan kasi ay mas tinatangkilik nila ang mga bagay na mas mura ang halaga at hindi basta-basta naglalabas ng malaking halaga sa isang produkto na alam nilang iisa o kakaunting benipisyo lamang ang maaring makamit.  Katulad nga ng inilahad ni Tullao (2009) sa kanyang papel, maraming hilig ang mga Pilipino ngunit iba ito sa mga pangunahing pangangailangan kung kaya’t higit nitong pinatitingkad ang pagiging limitado ng ating yamang bayan.

Ramdam ang pakiramdam.  Sadyang talamak pa rin ang paggamit ng mga katagang “okey lang” sa mga Pinoy.  Marahil may kaugnayan ito sa pagiging sensitibo nila sa damdamin ng kapwa na sa halip na sabihin ang tunay na saloobin hinggil sa isang bagay ngunit alam nilang makakasakit sa damdamin ng iba ay mas pinipili na lamang na gamitin ang “okey lang” upang hindi masaktan o sumama ang loob ng kanilang kapwa. Likas din sa mga Pilipino ang pagiging emosyonal.  Berbal man o ‘di berbal, tila ba nararamdaman din ng isang tao kung ano pakiramdam ng kanyang kapamilya, kaibigan, kasamahan sa trabaho o kahit pa sinong kapwa-Pilipino kung kaya’t magkakasama sa kaligayahan, kalungkutan, tagumpay at iba pang emosyong maaaring maramdaman ng isang indibidwal.

Iyon na ’yon.  Kadalasan din ay ayaw nang pahabain pa ng mga Pinoy ang pagsagot sa ilang mga katanungang ibinabato sa kanila kung kaya’t nasasabing tamad magpaliwanag ang mga ito, ibig sabihin, sa halip na magbigay ng elaborasyon o mas detalyadong pagpapaliwanag hinggil sa isang paksang pinag-uusapan, babanggitin na lamang nito ang “okey lang,” pagkatapos nito, tapos na rin ang usapan.  Sa sitwasyong ito, mahihinuhang hindi lamang sa pera matipid ang mga Pilipino kundi maging sa oras din.  Sinasabing mahilig makipagkwentuhan ang mga Pinoy ngunit hindi rin naman sa lahat ng pagkakataon ay nakahandang ibahagi ang lahat ng nangyayari tungkol sa kanilang buhay sa ibang tao.  Makikita pa rin ang pagpapahalaga ng mga Pilipino sa privacy o pagiging pribado ng mga personal na pangyayari sa kani-kanilang mga buhay.  Sa paliwanag nga ni Maggay, magkaiba ang pakikipag-uganyan ng mga Pilipino sa mga itinuturing nilang “ibang tao” kumpara sa mga “’di ibang tao” kung saan mas tuwiran ang paraan ng pagpapahayag sa ikalawa kaysa sa nauna (Maggay 2002).

Ang sa akin lamang.  Maiuugnay rin ito sa kakulangan ng diskriminasyon sa pagpapahalaga ng mga Pilipino.  Sa madaling salita, binibigyang importansya ng mga Pilipino ang saloobin ng kanyang kapwa.  Kadalasan, madali para sa mga Pilipino ang tumanggap ng mga bagay at opinyong inihahain sa atin, hindi pangkaraniwan ang pagtutol o pagsasabi ng mga negatibong komento o puna sa isang bagay, pangyayari lalo’t higit sa isang taong malapit sa atin.  Sa halip, madali sa atin ang pagtanggap sa mga ito, kadalasa’y “okey lang” ang ating nagiging tugon na tila nangangahulugang hindi man natin sandaang porsyentong tinatanggap ang isang bagay, tanggap pa rin ito.

Kaya natin ‘yan.  May mga Pilipino ring mahilig magtago ng nararamdaman, kinikimkim na lamang sa sarili ang mga sama ng loob sa halip na ibahagi sa ibang tao kaya naman kahit hindi naman talaga mabuti ang pakiramdam, kariringgan pa rin ng “okey lang.”  Katulad umano ng ilang bansa sa Silangang Asya, may ganitong pagkiling din sa pagtatakip ng marubdob na damdamin ang ating kultura ngunit hindi ito nangangahulugang mapanikil ang kultura, sa halip, may mga mekanismo kung saan minamarapat na idaan ang paghahayag ng damdamin (Maggay 2002).  Kakabit nga nito ang katangiang nagpapakita ng pagiging positibo sa buhay na kahit may dinaramdam o nararanasang problema, nananatiling matatag, hindi nawawalan ng pag-asa at naniniwalang malalampasan ang mga pagsubok na dinaranas.  May kaugnayan din ang katangiang ito sa ating malakas na pananampalataya sa Diyos at sa paniniwalang anuman ang mangyari ay nariyan ang Panginoon upang tumulong at magbigay ng biyaya sa araw-araw.  Kaya nga hindi rin maitatanggi ang pagiging masayahin ng mga Pinoy na kahit pa may dinaramdam ay nakukuha pa ring ngumiti, tumawa at patuloy na mabuhay nang masaya, hindi basta-basta nagpapatalo sa kalungkutan bagkus ay nakagagawa ng paraan upang manatiling maligaya.  Mapatutunayan ito ng mga nagdaan nang unos sa bansa, hinagupit man ng bagyo at nahaharap man sa iba pang mga pagsubok, kitang-kita sa mga Pilipino ang pagiging matatag.  Palaging naroon ang pag-asa at pagbangon pagkatapos ng pagkalugmok nang dahil sa mga unos.

Wala ‘yon.  Kaugnay din nito ang pagiging madaling magpatawad ng mga Pilipino, kahit pa may nagawang hindi kanais-nais ang isang tao sa atin ay napapatawad din siya agad, hindi na pinagtatagal o pinahahaba pa ang gulo at alitan, sa oras na humingi ng tawad, sagot agad ng “okey lang, wala kang dapat alalahanin.”  Hindi mapagtanim ng galit ang mga Pinoy at mas pinipiling magpatawad at panatilihin ang pagiging mapagpakumbaba.  Maririnig ito kadalasan na kung may magsasabi ng “sorry”, mas malamang sa hindi ay may tugon itong “okey lang.”  Masasalamin din sa ganitong mga sitwasyon ang ugnayan ng damdamin at kapwa, pawang mga konseptong may kinalaman sa pamantayan ng pagkakaroon ng mabuti o masamang asal (Jocano 1992).

Okey ba ang pwede na?  Samantala, hindi rin maitatanggi na ang madalas na paggamit ng mga Pilipino sa pahayag na “okey lang” ay nakaangkla sa ating konsepto ng pamantayan sa pagtanggap o pagiging kuntento.  Halimbawa, sa pagkilatis ng mga binibiling produkto, kahit pa hindi naman ito gawa sa “purong” materyal na ating hinahanap, kapag ang itsura nito ay katulad naman sa tunay o orihinal, tinatangkilik pa rin ito at sasabihing “pwede na” ito.  Hindi mahirap para sa mga Pilipino ang pagtanggap at hindi rin likas ang paghahangad ng pagiging perpekto ng kung ano mang mga bagay na kakamtin.  Masasalamin din dito ang pagiging madaling makuntento ng mga Pinoy, na maaaring magkaroon ng positibo at negatibong implikasyon.  Positibo dahil mula sa mga simpleng bagay ay nakakamit na ang kaligayahan ngunit negatibo naman sapagkat kung minsan ay hindi na nagsisikap pa ang ilan upang makamit ang higit pa sa kung ano ang nasa sa kanila na.  Sa mga halimbawang ito maiuugnay ang konsepto ng halaga ni Jocano kung saan sinasabing bago maibigay ang halaga sa isang bagay, ideya o kilos ay kinakailangan munang makamit ang kagalingan na maaaring tumukoy sa mataas na kalidad ng serbisyo o trabaho, karangalan o kakayahang intelektuwal o moral (Jocano 1993).

KONKLUSYON AT REKOMENDASYON

Hindi lang basta-basta ang pagtangkilik ng mga Pilipino sa mga produkto at serbisyong itinuturing na sulit.  Mayroong mga dahilan at katangian ang mga Pilipinong maiuugnay kung bakit ganito ang kadalasang sinusuportahan.  Sa madaling salita, mayroong mga pamantayan upang ang isang produkto o serbisyo ay maituring na sulit.

Ang pagiging sulit ay maaaring mangahulugang hindi nasayang ang isang bagay na inilaan o ibinigay kapalit ng mga bagay na nakamit ng tagatangkilik nito.  Kaakibat nito ang praktikalidad, pagiging mapanuri at pagpapakita ng importansya sa halaga ng mga bagay na ating nararanasan.  Masasabi ring upang maituring na sulit ang isang bagay, may inilalaan tayong halaga o sakripisyo upang makuha ang ating inaasam na kasiyahan o kakuntentuhan.

Hindi na rin bago ang mga katagang “sulit” at “okey lang” sa mga Pilipino.  Marahil sa ilan ay bukambibig na rin ang mga ito. Maging ang ilan sa mga kinikilalang kumpanya sa Pilipinas ay gumagamit ng “sulit” upang bigyang diin ang katangian ng mga produkto at serbisyong inihahain nila sa mga mamimili.  Sa pamamagitan nito, nagkakaroon ng higit na positibong dating ang mga produkto para sa mga nakakarinig o nakakabasa ng kanilang mga patalastas.  Maaari ring magkaroon ng pakiramdam na nakatipid ng pera o maging oras ang isang mamimili.  Maliban dito ay ang kasiyahang kanyang naramdaman sa pagbili, paggamit o pagdanas ng isang produkto o serbisyong itinuturing niyang “sulit.”  Malinaw na hindi lamang konsepto ng halaga o pamantayan ang sinasaklaw ng pagiging sulit kundi maging ang pagiging bahagi nito sa wika at pang-araw-araw na komunikasyon ng mga Pilipino.

Samantala, itinuturing na kaagapay ng pagiging sulit ang paggamit ng “okey lang.”  Katulad ng una, may mga ispesipikong dahilan din kung bakit bahagi na ng usapan ng mga Pilipino ang paggamit ng “okey lang,” na maaaring magkaroon ng positibo o negatibong implikasyon.  Ilan sa mga positibong implikasyon nito ay ang pagiging sensitibo sa damdamin ng kapwa kung saan ayaw ng mga Pilipinong makasakit ng damdamin ng iba kung kaya mas madalas na “okey lang” ang tugon ang mga sitwasyong hinihingan ng opinyon kahit pa ang katotohana’y baka hindi naman talaga ito okey o may kakulangan pa.  Isang patunay rin ito na nananatiling positibo ang pananaw ng mga Pinoy na sa kabila ng mga suliraning pinagdaraanan, hindi kaagad nawawalan ng pag-asa at tiwala sa Diyos na gagawin Niyang maayos ang lahat.  Maiuugnay rin dito ang pagtatago sa tunay na nararamdaman ng mga Pinoy sa ilang mga pagkakataon na maaaring maging positibo o negatibo depende sa konteksto.

Ang mga konseptong “sulit” at “okey lang” ay maaaring ipailalim sa konsepto ng halaga (value) ng mga Pilipino, dito ay masusukat kung paano tayo magpahayag ng halaga batay sa kalidad o katangian ng mga produkto at serbisyong ating dinaranas o tinatangkilik.  Malimit ding marinig ang pahayag na “mababaw ang kaligayahan” ng mga Pinoy; ito nga ay makikita sa ating madaling pagtanggap at pagiging kuntento sa mga bagay na mayroon ang mga Pilipino.  Sa isang banda, ang pagiging kuntento sa mga bagay na mayroon ang mga Pilipino ay mabuti at magandang gawin sapagkat hindi na naghahangad pa ng sobra sa kung ano ang mayroon o nakamit.  Gayunpaman, may ilang pagkakataon kung kailan ang madaling pagkakuntento ay nagtutulak naman upang hindi na tuluyan pang magsikap ang isang indibidwal kahit pa sa katotohana’y kaya pa niya tungo sa higit pang ikabubuti.

Mainam na bigyang-pansin na maaaring sa paggamit ng “okey lang” ay isang maituturing na implikasyon ng pagkakaroon ng mababang pagpapahalaga sa konsepto ng pamantayan o standard ng mga Pilipino.  Dahil sa nasanay na tayo sa paggamit ng “okey lang,” tila lumalabas na lahat ay nagiging katanggap-tanggap, lahat ay puwede o lahat ay maaaring payagan.  Para bang nawawalan na ng harang o boundary sa pagitan ng okey at hindi okey at lahat na lamang ay nasa gitna ng dalawa na baka magresulta sa pagsasakripisyo sa kalidad ng isang produkto o serbisyo na sa katotohanan ay kaya naman palang maibigay.  Hindi lamang sa usapin ng mga produkto o serbisyong maaaring tamasahin ng mga mamamayan kundi posibleng makaapekto rin sa mismong pamumuhay ng mga indibidwal sa iba’t ibang grupong kanilang makakasalamuha sa lipunan.

Marahil kung sasangguni sa mga mamimili, mas pipiliin nilang tangkilikin ang isang bagay na sadyang mapapasambit sila ng “sulit” kaysa magtiis sa pagiging “okey lang” ng mga bilihin o serbisyong kanilang nararanasan sa araw-araw.

Para sa mga susunod pang pag-aaral hinggil sa paksang ito, iminumungkahi ng mananaliksik na higit pang alamin ang mga ispesipikong sitwasyon na maituturing na sulit lalo pa ang mga bagay na hindi nangangailangan ng kabayaran, tulad ng pag-ibig, pagkakaibigan, at iba pa sitwasyong hindi tuwirang nasusukat.  Maganda rin marahil na maimapa ang iba’t ibang mga emosyon na maiuugnay sa paggamit ng mga salitang “sulit” at “okey lang” upang higit na mapagtulad o mapag-iba ang dalawa kaakibat ng higit pang masusing pagsusuri sa pagka-Pilipino ng isang indibidwal sa hinaharap.

Sanggunian

Almario, V.S. (pat.) (2001).  UP diksiyonaryong Filipino.  Quezon City: Unibersidad ng Pilipinas Sentro ng Wikang Filipino.

Heflin, W.A. (1962).  ‘O.K.’ and its incorrect etymology. American Speech, 37 (4), 243-248.

Komisyon ng Wikang Filipino (1998).  Diksyunaryo ng wikang Filipino sentinyal edisyon.  Lungsod Quezon: Merylvin Publishing House.

Jocano, F.L. (1992).  Notion of value in Filipino culture.  Quezon City: Punlad Research House.

Jocano, F.L. (1993).  Halaga: The evaluative core of Filipino value system.  Quezon City: Punlad Research House.

Maggay, M.P. (2002).  Pahiwatig: Mga kagawiang pangkomunikasyon ng Filipino. Quezon City: Ateneo De Manila University Press.

Panganiban, J.V. (1973).  Diksyunaryo – Tesauro Pilipino – Ingles.  Lungsod Quezon: Manlapaz Publishing Co.

Pe-Pua, R. (1985).  Ang Pagtatanong-tanong: Katutubong metodo ng pananaliksik.  Nasa A. Aganon & M.A. David (mga pat.), Sikolohiyang Pilipino: Isyu, pananaw at kaalaman.  Manila: National Bookstore, Inc., 417-432.

Santos, V.C. (2006).  Vicassan’s Pilipino-English dictionary abridged edition.  Pasig: Anvil Publishing Inc.

Timbreza, F.T. (1989).  Mga hugis ng kaisipang Pilipino.  Lungsod Quezon: Rex Printing Company Inc.

Tullao, T.S.Jr. (2009).  Ekonomiks sa diwang Pilipino: Halo-halo, tingi-tingi at sari-sari.  Malay  22 (1): 101-112.