[DIWA E-Journal Tomo 4, Nobyembre 2016] Paano ba Maging Mabuti? Pagpapakahulugan sa Pagiging Mabuting Tao at Makataong Pagtrato

Joseph Dominic S. Liao
Departamento ng Sikolohiya
University of the Philippines (UP), Diliman, Quezon City

Abstrak

Para sa maraming Filipino, hindi maikakaila ang kahalagahan ng pagiging mabuting tao at ng makataong pagtrato sa kapwa. Subalit, wala pang pananaliksik na ginalugad ang lalim at lawak ng pagpapakahulugan sa dalawang konsepto at nagtatag ng kahalagahan ng mga ito sa mga Filipino. Sa pamamagitan ng siyam na unstructured interview sa mga propesyonal na nakikipagtrabaho sa mga Children in Conflict with Law (CICL), inalam kung paano binibigyan ng kahulugan ang dalawang konsepto at kung tunay ngang value o pamantayang Filipino ang mga ito. Nahinuha mula sa Thematic Analysis na ang “pagiging mabuting tao” ay isa ngang pamantayan na tumutukoy sa isang virtue na rurok ng pangkabuuang pagkamoral batay sa pagkakaroon ng tiyak at obhetibo na mga “tamang” katangian sa “Loob” na marapat ay nakikita sa kilos sa “Labas”; kasama rito ang “makataong pagtrato.” Ang makataong pagtrato naman ay isa ring pamantayan; siyang nakabatay sa kasadyaan ng kilos at sa mga tiyak at obhetibong mga “tamang” paraan ng pagtrato sa kapwa. Mahihinuha na ang mga pamantayang Filipino ay may tiyak at obhetibong batayan, may elemento ng Virtue Ethics, at maaaring naglalangkapan sa isa’t isa sa paraang bukod sa pagkakaroon ng parehong core value na “Kapwa.” Maaaring ipinapahiwatig ng mga resulta na malaki ang impluwensiya ng dalawang pamantayan sa pagkilos, pananaw, at nadarama ng mga Filipino sa kanilang lipunan.

Abstract

For many Filipinos, the importance of pagiging mabuting tao (being a good person) and makataong pagtrato (humane treatment) of fellow men is undeniable. However, no research has sought to explore the depths of the definitions of these two concepts as well as establish these as important to the Filipinos. Through nine unstructured interviews from professionals working with Children in Conflict with the Law (CICL), conceptualizations of the two concepts, as well as whether they may be considered Filipino values, were determined. Using Thematic Analysis, it was found that “pagiging mabuting tao, as a value, pertains to a virtue considered as the highest form of one’s overall morality based on possessing definite and objective “right” characteristics in your “Loob” that is imperative to be manifested in the actions of your “Labas”; these include “makataong pagtrato”. On the other hand, makataong pagtrato is a value that is based on intentionality of actions and congruence to specific and objective “right” ways of treating others. It can be inferred that Filipino values have specific and objective bases, may have elements of Virtue Ethics, and may overlap with each other in ways more than having the common core value of “Kapwa.” These findings imply a great influence from the two values in the Filipinos’ actions, views, and feelings as they move about in their society.

Ang mga CICL at mga Isyung Pangmoralidad

Noong taong 2000, lumabas ang isang pelikula sa Pilipinas patungkol kay Sonny, isang labing-anim na taong gulang na batang inaresto, ikinulong kasama ang mga presong nasa legal na edad, at hinatulang bitayin. Si Sonny ay kathang-isip lamang, pero ang dinadanas ng mahigit libong mga kagaya niyang menor-de-edad na nasangkot sa ating sistemang panghustisya­—o ang mga tinatawag na Children in Conflict with the Law (CICL)—ay isang katotohanan noong mga panahong iyon. Sa pag-aaral nila Etemadi, Ye, at Bermudez, Jr. (2004), tinatayang mahigit 5900 na kabataan ang naikulong sa Cebu City, Mandaue City, Lapulapu City, Talisay City, at Consolacion pa lamang sa pagitan ng 1999 hanggang 2001. Ilan pa sa kanila ay nakaranas ng police brutality, kakapusan sa natatanggap na mga pangunahing pangangailangan, at pagsasailalim sa impluwensiya ng mga presong nasa legal na edad.

Ang ganitong sitwasyon ng mga CICL ay nagliyab ng isang debate ng moralidad: kung ano ba ang matatawag na “tama” o “mali,” kung kalian nga ba may pananagutan ang tao sa mga “mali” na nagawa, at kung ang pagkukulong ­—lalo na sa bata­—ay  magdudulot ng mabuti o mas makasasama pa sa “nagkasala.” Higit itong maigting sa mga propesyonal na nakikipagtrabaho sa kanila kagaya ng mga kawani ng batas at mga social worker. Dahilan nito, ang mga propesyonal na nakikipagtrabaho sa mga CICL ay tinatawag ng kanilang propesyon na kumapit sa mga pundasyong moral na maaaring gumabay sa kanilang pakikipagtrabaho.

Ang mga Pamantayan

Isa sa mga pundasyong moral na maaaring gumabay sa kanila ay ang kanilang mga values, o sa wari ni Jocano (1997), tinatawag na pamantayan sa Filipino. Ito’y dahil ang mga pamantayan ang nagsisilbing gabay sa pagdanas at pagtingin natin sa mundo at sa kung ano ang mabuti; ginagamit na saligang prinsipyo at patakaran sa pagkilos sa lipunan; nagbibigay ng direksiyon sa ating mga pananaw at nadarama patungkol sa ating mga kilos; at nagsisilbing kabuuan ng mga kinikilingang uri ng pagsasama at pagtugon sa lipunan (Jocano, 1997). Makikitang malaking bahagi ng sikolohiya ng mga Filipino ang naiimpluwensiyahan ng mga pamantayan. Sa gayon, ang mas malalim na pagkilala sa mga ito ay maaaring mahalaga sa pag-intindi ng mismong sikolohiya ng mga Filipino.

Marahil dala ng pagkilala ng kahalagahang ito kung bakit naging laganap ang mga naging akda kaugnay ng mga pamantayang Filipino. Isang linya ng mga pananaliksik na nagbunga ay yaong sinusubukang tukuyin kung ano-ano ba ang mga pamantayan ng mga Filipino. Kasama sa mga natagpuan ay ang respeto, pagmamahal sa pamilya (Mendez et al., 1984, mula sa De Leon, 2012), pagrespeto at pagmamahal sa magulang, pagpapahalaga sa samahan (Mercado, 1994), asal na hindi nakapipinsala sa kapwa, hindi nakasasakit ng damdamin, at hindi nakadudungis ng karangalan (Jocano, 1997), at ang tinatayang core value, ang “Kapwa” (Enriquez, 1992).

Masasabing ang larangan ng pamantayang Filipino ay isang larangang mayaman na sa literatura. Ngunit, kailangan nating banggitin na karamihan sa mga nasusulat tungkol sa mga ito ay, kung hindi nanggagaling sa metodong rationalization, ay nanggagaling sa pagsiyasat sa mga oral na anyo ng kultura o kahulugan mula sa mga diksiyonaryo. Bihira ang bumubuo ng pagpapakahulugan ng mga pamantayan mula sa mga karaniwang mamamayan. Isa pa, karamihan ng mga nasusulat dito ay nasa wikang Ingles. Ito ay magbubunga ng hirap sa pagtukoy ng mga kahulugang tanging ang wika lang ng mismong konsepto ang makapagdadala. Isa pang obserbasyon, sa lahat ng mga nabanggit na literatura ay mayroong dalawang konseptong nababanggit lang nang pahapyaw ngunit may pagpapahiwatig ng kahalagahan para sa pag-intindi sa pamantayang Filipino: ang Pagiging Mabuting Tao at Makataong Pagtrato.

Ang Pagiging Mabuting Tao at Makataong Pagtrato

Para sa maraming Filipino, hindi maikakaila ang kahalagahan ng “pagiging mabuting tao” at ng “makataong pagtrato” sa kapwa. Ang pananaw sa pagiging mabuti o makatao ng isang tao o kilos ay maaaring iniimpluwensiyahan ng anumang klaseng kilos na gagawin sa anumang klaseng tao. Halimbawa, sa kaso ng mga CICL, maaaring sila ay binibigyan ng tulong o parusa upang matiyak ang kanilang pagiging mabuting tao. Ang mga nakikipagtrabaho naman sa kanila ay inaasahang sila’y tratuhin nang makatao. Bagama’t ganito ang maaaring halaga, kaunti ang nasulat tungkol sa dalawang konsepto.

Ayon kay Miranda (1994), ang “buti” ay “moral goodness or virtue.” Batay sa panlapi na “ma” sa “mabuti,” ang “mabuting tao” ay siyang taong may taglay na “moral goodness or virtue.” Kagaya ito ng kanluraning konsepto ng Virtue Ethics na ibinabatay ang pagiging tama o mali ng aksiyon hindi sa katangian ng aksiyon mismo kundi sa kung anong klaseng tao ka kapag ginawa ang partikular na aksiyon (Moral Psychology: Empirical Approaches, 2006). Ang mabuting tao din aniya ay ang masasabing “ethically ideal person,” o ang isang taong masasabing rurok ng pagiging etikal, at sa gayo’y nais maabot ng lahat.

Ginamit din ni Miranda (1994) ang “mabuti” upang maglarawan ng virtue ng tao nang iugnay niya ito sa pagiging “makatao.” Sinabi niya na maaaring mahinuha na ang “quintessential Pinoy value” ay binubuo ng pagkamakatao o “humanness.” Dagdag pa niya, kapag ang tao ay naging makatao, siya ay nagiging taong may halaga o mabuti. Samakatwid, ang pagiging makatao ng pagtrato sa iba ay isang paraan upang makamit ang virtue ng pagiging mabuting tao.

Hindi lang dahil kalangkap ito ng “pagiging mabuting tao,” ang mismong konsepto ng “makataong pagtrato” ay mukhang mahalaga sa ating kultura. Sa pagdalumat ni de Mesa (mula sa Alejo, 1990) sa utang-na-loob, sinabi niya na “Sa bisa ng pagkakapantay-pantay, ang utang na loob ay maaaring maunawaan bilang ‘utang na makataong kapatiran’ na maisasalin bilang ‘pananagutan sa ngalan ng makataong pagbubuklod sa isa’t isa.” Binigyang kahulugan naman ni Jocano (1997) ang pagkamakatao bilang “having compassion towards fellow men” at pinaliwanag ito bilang isang “intrinsic quality.” Mula rito, makikita natin na ang makataong pagtrato ay tinitingnan bilang imperative o lubos na mahalagang gawin, at innate o likás sa atin bilang tao.

Mula sa pagiging taong rurok ng etika at taong pinakaninanais maabot ng “mabuting tao” at sa pagiging “utang” sa kapwa ng “makataong pagtrato,” maaaring napakalaki ng impluwensiya ng dalawang konsepto sa mga kilos, pananaw, paglilinang ng sarili, at pakikipagkapwa ng mga Filipino sa kanilang lipunan. Subalit, walang nakitang pananaliksik na nagtatatag o nagpapatunay na ang mga konsepto ay pinahahalagahan nga ng mga Filipino o itinuturing na pamantayan. Wala pa ring nakitang sumusubok na intindihin ang lalim at lawak ng mga konsepto, lalo na sa paraang empirikal at nanggagaling sa karaniwang mamamayan.

Pagiging Mabuting Tao at Makataong Pagtrato Bilang Pamantayan

Kung tama ang hinalang ang “pagiging mabuting tao” at “makataong pagtrato” ay itinuturing na pamantayan ng mga Filipino, ang kakulangan sa mas malalim na pag-unawa sa kanila ay maaaring punan pansamantala ng ating mga nalalaman tungkol sa mga pamantayan.

Bukod sa linya ng pananaliksik na sinubukang tukuyin kung ano ang mga pamantayan ng mga Filipino, ang isa pang linya ay yaong tinutukoy kung ano ang mga katangian ng mga pamantayang Filipino. Halimbawa nito ay ang mga akda na dinadalumat ang iba’t ibang pamantayan ng mga Filipino bilang nauugnay sa isa’t isa sa loob ng isang sistema, tinatawag ni Jocano (1997) na “pamantayan system.” Subalit, sa paghahanap ng literatura, mukhang kakaunti ang talagang naglalahad kung paano nauugnay ang mga pamantayan ng mga Filipino. Ang pinakamalapit na tumugon dito ay ang teorya ni Enriquez ng isang “core value” o isang pamantayan kung saan nakaugat ang iba pang mga pamantayan: ang “Kapwa” o shared identity (Enriquez, 1992). Sa ganitong wari, ang iba’t ibang mga pamantayang Filipino ay tinitingnang magkaugnay sa gawi ng kanilang parehong core.

Mahihinuha din ang katangian ng mga pamantayan mula sa mga akdang naglalarawan kung paano ba tinitignan ng mga Pilipino ang pagiging tao. Isang halimbawa nito ang mga akda na sinasabing dinadalumat ng mga Pilipino ang tao bilang binubuo ng tambalang “Loob” at “Labas”. Ayon sa pananaw na ito, sa Loob nakasalalay ang mga ideya, damdamin, pagkilos, mga mithiin at pagpapahalaga ng isang tao. Ang Loob na ito ay tintignang masidhing nakatali sa Labas o ang mga salita, gawa, at performance ng isang tao (Covar, 1995; de Mesa, 1984, mula kay Alejo, 1990; de Mesa, mula sa Baquiano at Lopez, 2011; Baquiano at Lopez, 2011). Samakatuwid, maaaring ang mga pamantayan kagaya marahil ng Pagiging Mabuting Tao at Makataong Pagtrato ay mayroong elementong panloob at katumbas na manipestasyong panlabas.

Isa pang katangian ng mga pamantayan na napagtuunan ng interes ay ang pagtukoy kung mga pamantayan ba ay objective o may iisang tiyak na depinisyon, o ito ba ay subjective o nakadepende sa interpretasyon ng bawat tao. Para kay Miranda (1994), ang ethical value ay may elemento ng pareho. Hinati niya ang ethical value sa dalawa: ang “pinagpapakatauhan” at ang “pagpapakatauhan.” Ang “pinagpapakatauhan” ay ang esensiya ng pagiging tao, na may kaakibat na pagtugon. Dagdag pa niya, ito ay isang “batas” sa loob ng isang nilalang na “bukal sa kaibuturan” at “galing sa kaloob-looban.” Sinabi niya rin na ito ay mga “value” na obhetibo. Samakatwid, ang mga pamantayan ay tinitingnan bilang obhetibo, mahalagang-mahalagang tugunan, at likás sa tao.

Sa kabilang banda naman, ang “pagpapakatauhan” ay ang subhetibo na bahagi ng ethical value. Ito ay ang mga bagay na pinaniniwalaan ng isang tao na mabuti para sa kaniya. Binanggit din ni Miranda (1994) na mukhang may pagkakaisa sa mga manunulat sa paniniwalang ang etika para sa mga Filipino ay “personalist, even subjectivist” sa halip na obhetibo. Kung ilalapat sa mga konsepto ng “pagiging mabuting tao” at “makataong pagtrato,” maaring asahan na kung sakaling pamantayan nga ang dalawa, sila ay mga elementong tiyak at obhetibo, at subhetibo.

Kasalukuyang Pananaliksik

Para punan ang mga nabanggit na kakulangan sa literatura, nais ng kasalukuyang pananaliksik na hugutin mula sa mga karaniwang Filipino at sa paraang empirikal kung paano dinadalumat ang mga konspeto ng “pagiging mabuting tao” at ng “makataong pagtrato,” at kung maaari bang ituring ang mga ito na pamantayang Filipino. Para ibaba ang mga konseptong abstrakto sa lebel ng kongkreto, hinugot ang mga pagpapakahulugan sa mga karanasan at pananaw sa trabaho ng mga propesyonal na nakikipagtrabaho sa mga Children in Conflict with the Law (CICL).

MGA METODO

Mga Kalahok

Sinubukang tugunan ang mga layunin sa pamamagitan ng isang pananaliksik sa kuwalitatibong lapit kasama ang mga propesyonal na nakikipagtrabaho sa mga CICL. Ang tanging naging batayan sa pagpili ng kalahok ng mga propesyonal ay ang sumusunod: (1) ang pagiging mula sa National Capital Region (NCR); at (2) ang pagkakaroon ng karanasan sa paghawak ng isa o higit pang kaso kung saan nangailangan ng direktang pakikipagtrabaho sa CICL. Gamit ang Purposive Snowball Sampling, nakakalap ng siyam na kalahok: ang lima ay lalaki at ang apat ay babae; ang lima ay nasa larangan ng Social Development Work, at ang apat ay nasa larangan ng Law Enforcement.

Pagkalap ng Datos

Kumalap kami ng aking dalawang research partner ng datos mula sa mga kalahok gamit ang one-on-one unstructured interview: isang metodo ng pakikipagpanayam na gumagamit ng interview guide o gabay sa pakikipagpanayam. Nilayon ng panayam, una na mapakuwento ang mga kalahok tungkol sa kanilang trabaho kasama ang mga CICL. Ito’y upang maitali sa sitwasyong kongkreto ang ikalawang layunin: ang pag-alam sa kanilang pagdalumat sa “pagiging mabuting tao” at “makataong pagtrato.” Ito naman ay tinugunan sa pamamagitan ng pagtatanong ukol sa mga katangian at iba pang kaugnay ng pagiging: (1) Mabuti at hindi mabuting bata; (2) Mabuti at hindi mabuting tao, bata man o matanda; (3) Makatao at hindi makataong pagtrato sa mga CICL; (4) Makatao at hindi makataong pagtrato sa mga tao, CICL man o hindi. Sa huli, nilayon din ng panayam na alamin kung pinahahalagahan ba ng mga kalahok ang pagiging mabuting tao at makataong pagtrato sa pamamagitan ng pagtatanong kung kanilang pinahahalagahan ang pagiging: (1) Mabuti ng isang bata; (2) Mabuti ng isang tao, bata man o matanda; (3) Makatao na pagtrato sa mga CICL; (4) Makatao na pagtrato sa mga tao, CICL man o hindi.

Pagsusuri sa Datos

Ang mga panayam ay ginawan ng verbatim na transkripsiyon, binigyan ng code bilang mga buod, at sinuri gamit ang Thematic Analysis. Gamit ang metodong ito, ang mga code ay pinaghiwa-hiwalay batay sa maaaring masagot na layunin ng papel at pinagpangkat-pangkat batay sa mga temang nababanaag namin.

Mga Hakbang Etikal

Matapos ang pagpapakilala, pagpapaliwanag ng mga detalye ng pananaliksik, at pagiging kalahok, pagpayag sa interview, pagbibigay ng pahintulot na mairekord, at paglagda sa informed consent form, saka lamang nagsimula ang interbyu. Sa pagpapaliwanag ng pananaliksik, piniling hindi muna banggitin ang layuning alamin ang kahulugan ng mga konsepto upang hindi mapangunahan ang mga magiging sagot ng mga kalahok. Agad naman itong nilinaw matapos ang panayam, kasabay ng paghingi ng paumanhin sa hindi agad na pagsasabi. Sa buong panayam, kami ay naging mapagmatyag sa mga non-verbal cues, tiniyak na payag ang kalahok na ituloy ang panayam sa gitna ng matinding emosyon o pagkatapos ng interupsiyon dahil sa trabaho, at iginalang sa kahilingang gawing off the record ang bahagi o buong panayam. Para protektahan ang identidad ng mga kalahok, walang impormasyon ang ilalahad sa papel na ito na maaaring magamit upang tukuyin ang kanilang identidad at kanilang mga institusyon.

MGA RESULTA AT PAGTATALAKAY

Nang tingnan nang maigi ang datos tungkol sa pagdalumat sa mga konsepto, wari namin’y magiging mas malalim ang magiging pagtalakay kung ilalahad ang bawat konsepto sa dalawang bahagi. Una, tatalakayin ang mga pangkabuuang katangian (general properties) ng mga konsepto. Ito ang mga kaalaman tungkol sa kung paano tintitingnan ng mga kalahok ang konsepto. Ikalawa, tatalakayin ang mga ispesipikong nilalaman (specific content) ng mga konsepto. Ito ang mga partikular na mga katangian at kilos na naiuugnay sa mga konsepto.

Pagiging Mabuting Tao: Mga Katangian ng Konsepto

Sa aming wari, ang “pagiging mabuting tao” ay may limang katangian:

Batay sa Pangkabuuang Moralidad

Mapapansin na kapag tinanong ang mga kalahok tungkol sa pagiging mabuti at hindi mabuti ng isang tao, nagmimistulang ang pinag-uusapan ay kung ang isang tao ba ay sa pangkabuuan (in general), gumagawa ng tama o mali, o di kaya’y taglay ang tama o maling katangian ng tao. Makikita ito sa mga pahayag kagaya ng sa Social Development Worker na si Ma’am Lea tungkol sa pagigng mabuting bata:

“Ngayon kung ang direksiyon na pinupuntahan niya at ang ipinapakita niyang prinsipyo niya sa buhay ay hindi naaayon sa…tamang moralidad, yun yung maaaring hindi ka maging isang mabuting bata.”

Makikita rin ito sa pagiging madalang, minsan nga’y pagkawala ng paggamit ng salitang “mabuti” at pangingibabaw ng mga salitang “tama” o “mali” kapag tinatasa ang pagiging mabuti ng isang tao. Waring kapag binanggit ang “mabuting tao,” ang nasasaisip ng mga kalahok ay “tamang klaseng tao” o “moral na tao.”

Ito marahil ay patunay ng pagtawag ni Miranda (1994) sa mabuting tao bilang “ethically ideal person” o isang taong nagkamit ng pinakarurok ng moralidad. Sa gayon, masasabing masidhi ang halaga ng mga kaalamang sunod na ihahatid patungkol sa “pagiging mabuting tao.” Kung ipagpapalagay na ang mga Filipino ay gumagalaw patungo sa pagiging pinakaideyal na uri ng tao, ang pag-alam kung ano ang mga katangian ng ideyal na taong ito ay maaaring malaki ang maitutulong sa pag-intindi ng mga damdamin, pananaw, at kilos ng mga Filipino kaugnay ng paghubog ng sarili at pakikihalubilo sa ibang miyembro ng lipunan.

Batay sa Moralidad na Tiyak at Obhetibo

Kung ang pagiging mabuting tao ay nakabatay sa pangkabuuang moralidad, saan nakabatay ang kabuuang moralidad na ito? Batay sa mga pananaw ng kalahok, mukhang ang pagiging mabuting tao ay nakabatay sa “tama” o “mali” na tiyak at obhetibo (definite and objective) ang mga batayan. Makikita ito sa paraan kung paanong kapag tinanong ang mga kalahok kung paanong masasabing mabuti ang isang tao, kadalasa’y naglilista ang mga kalahok ng espesipikong mga katangian at kilos na dapat nilang taglayin o ipinapakita. Waring ang mga espesipikong ito ay tinitingnan bilang siyang nag-iisang pamantayan na marapat sundin ng lahat. Patunay rin dito ang nabanggit na pahayag ni Ma’am Lea na may pahiwatig ng isang “tamang moralidad.” Dagdag pa ni Ma’am Lea, ang tama at maling ito ay “alam na natin” na mga matatanda, na para bang likás itong umuusbong sa pagtanda. Interesanteng makikita dito ang pag-ayon sa literatura na nagpapahiwatig ng ethical value bilang objective at innate o obhetibo at likás sa tao (Jocano, 1997). Kaugnay ng mga naunang punto, ang pagiging obhetibo ng mga katangian at kilos na batayan ng taong rurok ng moralidad ay nagbibigay ng diin sa kahalagahan na maláman kung ano ang mga batayan na ito. Ito nga ang tutugunan ng papel na ito paglaon.

Bagama’t isa lang ang nagbanggit, mayroon ding pananaw na ang tama at mali na pinagbabatayan ng pagiging mabuting tao ay subjective o nag-iiba depende sa tao at sitwasyon. Kagaya ito ng sinabi ni Miranda (1994) na nagkakasundo ang mga manunulat na ang moralidad para sa mga Filipino ay subjective at ang ethical value para sa mga Filipino ay may elementong subhetibo at obhetibo. Sa kabila nito, ang pagiging obhetibo ng moralidad para sa mga Filipino ang mukhang nangingibabaw sa aming mga resulta. Magandang maging tunguhin ng mga susunod na pananaliksik ang pagtuon ng pansin partikular sa usaping ito.

Nakakamit Sa Pamamagitan ng Salik sa Loob at Labas ng Desisyon

Ang pagiging mabuting tao para sa mga kalahok ay isang estadong maaaring makamit dala ng panlabas na salik kagaya ng gabay ng pamilya, at maaaring hindi makamit dahil sa negatibong impluwensiya gaya ng pamamalagi sa kalye. Maaari rin itong aktibong nakakamit sa pamamagitan ng sariling desisyon, tulad ng nasasaad sa pahayag na: “Siguro masasabi na lang na masama kung yung batang yun, yun na yung pinili niyang landas.” [Kuya Russel, larangan ng Social Development Work]. Sabi naman ni Ma’am Madonna, propesyonal ng larangang Social Development Work, ang sariling pagkamit ng mabuti ay hindi lang maaari kundi talagang kinakailangan: “Kailangan din, matuto rin siyang ma-realize sa sarili niya na yung ginawa niya pala ay…tama, o kaya yung ginawa niya ay mali.”

May Magkatambal na Elementong Loob at Labas

Isang interesanteng pagtingin sa mga datos ay ang pagdalumat sa pagiging mabuting tao bilang parehong nagtataglay ng mga katangian sa “Loob” ng tao at nagpapamalas ng mga ito sa pamamagitan ng nakikita sa pang-“Labas” ng tao. Ayon nga kay Ma’am Lea, hindi sapat ang pagtataglay ng mga katangiang “tama.” Nakasalalay din ang pagiging mabuting tao sa “kung paano natin isasabuhay” ang tama at maling katangian. Ito ay sa pamamagitan ng paggawa ng mga kilos na “alam natin” na tama. Ito ay kaayon ng teorya ni Covar (1995) na tinitingnan ang pagkatao bilang mga nilalaman na tinatawag na Loob na naipapamalas gamit ang mga katambal na parte ng katawan, at iba pang anyong Labas kagaya ng gawa at salita (Baquiano at Lopez, 2011). Ang mga datos ng pananaliksik na ito ay maaari ding tingnang patunay sa tambalang Loob at Labas sa pagdalumat na Filipino.

Kung iuugnay sa hinuha na ang Pagiging mabuting tao ay batay sa moralidad na tiyak at obhetibo, masasabing ang “pagiging mabuting tao” ay batay sa mga tiyak at obhetibong katangiang panloob na tinitignan bilang virtue na tamang taglayin at ang mga kilos panlabas bilang rules o code ng tamang pagpapamalas ng mga elementong loob na ito. Ang mga espesipikong elementong “Loob” at “Labas” na ito ang tatalakayin sa susunod na bahagi ng papel.

Mabuting Tao: Nauugnay na mga Katangian at Kilos

Nakikitang Kakayahan at Kagustuhan na Umayon sa Tama

Kung ang pagiging mabuting tao ang rurok ng pagiging moral, maaaring sabihin na ito ay isang tunguhin (goal) na nais makamit. Anang mga kalahok, para makamit ito, dalawang kasangkapan (tool) ang kailangan mong taglay sa iyong “Loob.” Una ay ang pagkakaroon ng kakayahang maláman ang tama at mali. Kaugnay ito ng konsepto ng discernment na ginagamit sa pakikipagtrabaho sa mga CICL: ang pagkakaroon ng sapat na pag-iisip upang maintindihan ang implikasyon ng mga kilos sa ibang tao, sa sariling hinaharap, at sa kung ano ang tama at mali. Hindi lang kakayahan, ang panagalawang sangkap tungong pagiging mabuting tao ang kagustuhan na magbago at umayon sa tama. Ngunit hindi sapat na taglayin lang ang kakayahan at kagustuhang ito. Anang mga kalahok, kailangan nakikita ang pagsang-ayon sa tama, ang pagbabago, at ang pagsisikap.

Nakikitang Pagiging Makakapwa at Makapamilya

Napapaloob din sa “pagiging mabuting tao” ang pagtaglay ng malasakit at awa, ang pag-intindi sa kapakanan ng marami, at ang pagmamahal sa pamilya. Anang mga kalahok, mapapamalas ang mga ito sa pamamagitan ng paggalang at pagrespeto sa kapwa, paggalang sa magulang, pagiging mabuting anak, hindi pananakit at pagpapahiya, pagiging tapat, at pagsisilbi’t paggabay sa kapwa. Interesanteng punahin na ang pagiging mabuting tao sa temang ito ay makikitang lumalangkap sa ibang mga pamantayang nauna nang natukoy kagaya ng respeto, pagmamahal sa pamilya (Mendez et al., 1984, mula sa De Leon, 2012), pagmamahal sa magulang (Mercado, 1994), at hindi paggawa ng nakakapinsala sa kapwa, nakakasakit ng damdamin, at nakakdungis ng karangalan (Jocano, 1997). Lumalangkap din ang pagiging mabuting tao sa tinataguriang core value na “kapwa” (Enriquez, 1992).

Mula rito, makikitang bukod sa pagkakaugnay ng mga konsepto sa isang core kung saan sila pare-parehong sinasabing nakaugat, maaaring ang mga pamantayan ay naglalangkapan din sa isa’t isa sa ibang paraan: marahil may mga bahagi silang nagkukrus, o maaari ring ang buong pamantayan mismo ang pumapaloob sa isa pang pamantayan. Ang resultang ito ay maaaring ambag sa kakulangan sa mga akda na humihinuha sa kung paano magkakaugnay ang iba’t ibang pamantayan ng “pamantayan system” ng mga Filipino, at sa gayo’y makatutulong na mas maintindihan ang sistema na may malaking kapangyarihang hubugin ang ating pananaw at paggalaw sa ating lipunan.

Makataong Pagtrato

Interesante rin na isang inaasahan ng mga kalahok na makita sa kilos pang-Labas ng “pagiging mabuting tao” ay ang “makataong pagtrato.” Patunay ito sa hinala na nakakamit ang pagiging mabuting tao sa pamamagitan ng pagtrato sa iba nang makatao (Miranda, 1994). Ayon nga sa salita ni Ma’am Daisy, isang Social Development Worker, “mukhang, ang pagiging mabuting tao ay laging nakabatay sa makataong pagtrato.”

Sa ibang salita, ang pamantayan ng Makataong Pagtrato ay nasasaloob ng pamantayan ng pagiging mabuting tao. Dagdag suporta ito sa tinalakay kanina na posibilidad ng mga pamantayan na maglangkapan sa isa’t isa sa ibang paraan bukod sa pagkakaroon ng parehong core.

Mabuting Tao: Isang Pamantayan

Nagkakasundo ang lahat ng aming mga kalahok na ang “pagiging mabuting tao” ay mahalaga na taglayin ng tao, bata man o matanda. Samakatwid, maaaring ituring na pamantayang Filipino o Filipino value ang pagiging mabuting tao. Makikita din natin na pumapaloob sa pagiging mabuting tao bilang pamantayan o value ang iba pang pamantayan tulad ng paggalang, pagiging makakapwa, at hindi pananakit. Maaaring mangahulugan ito na ang pagiging mabuting tao ay isang pamantayan na nakasasaklaw ng ilan, kung hindi marami sa mga pamantayang Filipino. Kung ganito, hindi malayong isipin na malawak ang epekto ng konsepto ng pagiging mabuting tao bilang konsepto sa paggalaw ng mga indibidwal sa lipunang Filipino. Isa pang implikasyon ng pagiging pamantayan ng pagiging mabuting tao ay ang pagkakaroon ng mga elemento ng Virtue Ethics ng pamantayan system ng mga Filipino kung saan ang gumagabay sa kilos ng tao ay hindi ang paggawa ng tama mismo kundi ang paggawa ng tama tungo sa pag-abot ng isang katangian o virtue (Moral Psychology: Empirical Approaches, 2006).

Makataong Pagtrato: Mga Katangian ng Konsepto

Limang katangian naman ang sa aming wari’y taglay ng “makataong pagtrato”:

Batay sa Moralidad ng Pagtrato

Kung ang pagiging mabuting tao ay nakabatay sa kabuuang moralidad, ang “makataong pagtrato” naman ay nakaugat sa tama at mali na espesipiko sa paraan ng pagtrato. Pareho nga rin ng nabanggit sa pagiging mabuting tao, ang tama at mali ay tinitingnan bilang obhetibo at natural sa mga tao kagaya ng sa pahayag ni Ma’am Daisy, Social Development Worker

“Ewan ko nga ’no, nararamdaman talaga natin parang… parang may nagawa akong hindi maganda. Yung parang ganun… parang may natural na sistema or may built-in na sistema na nakakatulong sa atin na maramdaman na may nagawa tayong mali at tama.”

Batay sa Moralidad na Tiyak at Obhetibo

Kagaya ng sa pagiging mabuting tao, ang makataong pagtrato ay iniuugnay rin sa espesipikong paraan ng pagtrato sa mga tao. Makikita rin ito sa paraang naglilista ang mga kalahok ng mga espesipikong kilos na makatao o hindi makatao sa tuwing sila’y tinatanong ng pagpapakahulugan ng mga ito. Marahil dagdag suporta ito sa hinuhang ang moralidad para sa mga Filipino ay nakabatay sa tiyak at obhetibong mga batayan. Ang mga tiyak at obhetibong pagtrato na iniuugnay sa makataong pagtrato ang tatalakayin sa susunod na bahagi.

Nakabatay sa Kasadyaan ng Kilos

Mukhang malaking batayan ng makataong pagtrato ang kasadyaan ng kilos. Nagkakasundo ang mga kalahok na ang mga kilos na hindi tama ngunit hindi sinadya ay hindi matatawag na hindi makataong pagtrato. Marahil dala na rin ito ng mismong salitang hinahanapan ng pakahulugan, ang makataong “pagtrato,” na may panlapi na “pag”: panlaping nagpapahiwatig ng kasadyaan. Sa gayon, maaari natin mahinuha na ang moralidad para sa mga Filipino ay hindi lang batay sa resulta ng isang kilos kundi maging sa kasadyaan o intensiyon ng isang kilos.

Ginagawa sa Lahat ng Tao nang Pantay-Pantay

Nang tanungin ang mga kalahok kung kailan ginagawa ang makataong pagtrato, maraming nagsabing ito’y ginagawa sa lahat ng tao, kahit pa sa mga maituturing na “hindi mabuting tao.” Ayon muli kay Kuya Russel na isang psychologist at counselor, “kahit na malaki yung nagawa niyang kasalanan, hindi mo dapat gawin yun.” Dagdag pa, ang paraan din ng makataong pagtrato ay ang pagtrato sa lahat nang pantay-pantay. Sabi ni Kuya Gilbert, isang Law Enforcer, “Ako kasi, mahirap, mayaman iisa sa akin. Yun bang kinakausap ko sila, nilalapitan ka. Di ba. Tinutulungan ko sila. Ganun.”

Ito ay tumpak na tumpak sa pagdalumat ni de Mesa (mula sa Alejo, 1990) sa utang-na-loob na “‘utang na makataong kapatiran’ na maisasalin bilang ‘pananagutan sa ngalan ng makataong pagbubuklod sa isa’t isa.” Mula rito, ang krayterya lang sa pagtrato nang makatao sa iba ay ang simpleng pagiging tao niya; kagaya din ng dalumat ni Jocano (1997) sa pagkamakatao bilang “having compassion towards fellow men” o malasakit na dala ng pagkilala ng pagiging parehong tao.

Nakakatulong sa Kapwa na Makamit ang Pagiging Mabuting Tao

Nakita din na ang makataong pagtrato ay tinitignan bilang daan patungo sa pagiging mabuting tao ng mga tinatrato nang makatao, katulad ng sinabi ni Miranda (1994). Ayon kay Kuya Russel, psychologist at counselor, nang tanungin kung mahalaga ang makataong pagtrato, “Oo. Kasi kung, masama na nga siya tapos hindi pa maganda ang trato mo sa kaniya, ano na lang ang mangyayari? Lalo na lang siyang sasama.” Lumilinaw dito ang ugnayan ng makataong pagtrato at pagiging mabuting tao: ang pagiging mabuting tao ay nakitang nakakamit sa pamamagitan ng salik sa loob at labas ng desisyon. Para sa tumatrato, siya ay magiging mabuti dahil sa panloob na desisyon na tratuhin ang iba nang makatao; para sa tinatrato, ang salik panlabas na pagtratong makatao mula sa iba ay makatutulong din na makamit niya ang pagiging mabuti.

Makataong Pagtrato: Nauugnay na Kilos

Pagkilala sa Karapatan

Ayon sa ilang kalahok, ang makataong pagtrato ay lubhang nakaugat sa mga karapatang pantao. Marahil ang dahilan kaya may katangian ang makataong pagtrato na ginagawa sa lahat ng tao nang pantay-pantay ay dahil tinitingnan ng mga kalahok ang lahat ng tao bilang pare-parehong nagtataglay ng mga karapatang hindi maiaalis at hindi dapat labagin. Halimbawa, nang tanungin kung sa lahat ng oras ginagawa ang makataong pagtrato, tumugon ang pulis na si Kuya Inggo na “Oo, kailangan. Kasi karapatan din nila ’yan, tao din sila. Mabuti man ’yan o hindi mabuti, pare-parehas pa rin dapat ang pagtrato.”

Maayos na Pagtrato

Ang makataong pagtrato rin para sa mga kalahok ay nangangahuluguan din ng pag-iwas sa pagtratong hindi maayos. Kasama dito ang hindi pananakit, hindi pagpapahiya, pagprotekta sa dignidad ng kapwa, hindi paghihiwalay sa tao sa kapwa, at hindi negatibong pakikipag-usap o pakikitungo. Bukod sa pag-iwas sa negatibong pagtrato, kailangan din ang paggawa ng positibong pagtrato kagaya ng maayos na pakikitungo at pagrespeto sa iba bilang tao. Muli, maaaninag natin ang pagkakaroon ng mga pamantayan sa loob ng isa pang pamantayan; nasa loob ng makataong pagtrato ang mga pamantayan tulad ng respeto (Mendez et al., 1984, mula sa De Leon, 2012) at asal na hindi nakakapinsala sa kapwa, hindi nakasasakit ng damdamin, at hindi nakadudungis ng karangalan (Jocano, 1997).

Pagpapanatili sa Maayos na Samahan

Mukhang para sa mga kalahok, kailangan pang higitan ang maayos na pagtrato bilang kapwa-tao. Hindi lang ang paraan ng pagtrato ang kailangang bigyan ng pansin kundi pati ang mga samahang mabubuo kasama ang ibang tao. Ito diumano ay sa pamamagitan ng pag-intindi sa kalagayan ng kapwa, hindi panghuhusga sa kanilang mga aksiyon, maayos na pakikisama, at pakikibagay. Mahalaga din sa pagpapanatili ng samahan ang pagpapatawad kung nagawan ng mali, pagpapakumbaba, at pagiging tapat sa isa’t isa. Makikita muli dito ang paglalangkap ng makataong pagtrato sa pamantayan ng pagpapahalaga sa samahan (Mercado, 1994).

Pagtulong na Mapabuti ang Kapwa

Lampas pa muli sa pagtuon sa magandang samahan, ang makataong pagtrato din ay ang pagtulong sa pagpapabuti ng kapwa, lalo na kung nangangailangan. Ayon kay Kuya Gilbert, “Oo, ’pag distressed ang isang tao, kailangang tulungan. Yung kahit, ke Muslim, ke Iglesia ni Kristo, ke Katoliko, kailangan tulungan n’yo.” Kasama para sa mga kalahok sa pagpapabuti ng kapwa ang pag-aalaga, pagbibigay ng batayang pangangailangan (basic needs), at pagtulong sa maaabot ng kakayahan sa pamamagitan ng pag-eengganyo at pagsisilbing ehemplo. Ang mga nangangailangan rin ay kailangan diumanong gabayan patungong tama, lalo kung nalilihis, sa pamamagitan ng pagdidisiplina, pangangaral, at pagbibigay ng angkop na parusa.

Makataong Pagtrato: Isang Pamantayan

Katulad ng sa pagpapahalaga sa pagiging mabuting tao, ang makataong pagtrato rin ay pinahahalagahan ng lahat ng kalahok. Nangangahulugan ito marahil na ang makataong pagtrato ay isang pamantayang gumagabay sa pakikisalamuhang Filipino, partikular bilang kumpol ng codes o rules ng mga dapat o hindi dapat sadyaing gawin sa kapwa. Sa pamamgitan ng pagsunod sa ganitong pagtrato, maisasabuhay ng parehong tinatrato at tumatrato ang pagiging mabuting tao. Ang pamantayan din ng makataong pagtrato ay nagpapaloob ng iba pang mga pamantayan. Kagaya ng sa pagiging mabuting tao, ang ganitong resulta ay nagpapahiwatig na may malaking saklaw ang pamantayang ito sa pamantayan system, at sa gayo’y may malaking impluwensiya sa ating pananaw, pagkilos, at nadarama habang gumagalaw sa lipunan.

PAGLALAGOM

Batay sa mga pananaw ng mga propesyonal na nakikipagtrabaho sa mga CICL, nakitang ang pamantayan o value ng pagiging mabuting tao ay isang virtue na rurok ng pangkabuuang pagkamoral ng indibidwal batay sa pagkakaroon ng tiyak at obhetibo na mga tamang katangiang pang-“Loob” na marapat ay nakikita sa kilos pang-“Labas.” Ang makataong pagtrato naman ay isang pamantayan na nakabatay sa mga tiyak at obhetibong mga tamang paraan ng pagtrato sa kapwa at sa kasadyaan ng kilos. Interesanteng makita na ang pamantayan ng makataong pagtrato ay pumapaloob sa pamantayan ng pagiging mabuting tao.

Maaaring implikasyon ng mga resulta na ang mga pamantayang Filipino ay batay sa tiyak at obhetibong mga batayan, may elemento ng Virtue Ethics, at maaaring naglalangkapan sa isa’t isa sa paraan bukod sa pagkakaroon ng parehong core value na “Kapwa.” Maaaring ipinapahiwatig ng mga resulta na ang dalawang konsepto ay malaki ang saklaw na impluwensiya sa ating mga pagkilos at pananaw sa mga pagkilos sa ating lipunan bilang Filipino.

MGA LIMITASYON AT REKOMENDASYON

Ang kasalukuyang pananaliksik ay humango ng pagpapakahulugan sa mga konsepto mula sa  pananaw ng siyam na propesyonal na nakikipagtrabaho sa mga CICL. Sa ganitong paraan, wari’y tiningnan ang siyam na propesyonal na ito bilang representante ng pagpapakahulugan at pamantayan ng lahat ng Filipino. Bagama’t batid naming malayo sa milyong may iba’t ibang perspektiba ang siyam lamang sa isang grupo sa lipunan, nakikita namin ang paunang pananaliksik na ito bilang mainam na panimula at pansamantalang pundasyon sa paghinuha tungkol sa mga pamantayang Filipino sa kabuuan, at partikular sa dalawang konsepto. Ang panimulang mga hinuha na ito ay maaaring pag-ambagan, patunayan, o baguhin ng mga susunod na pananaliksik. Hamon nito na sundan ang pagsiyasat mula sa mas maraming mga representante ng lipunang Filipino at mula sa iba’t ibang konteksto. Partikular, maaaring gawin ito katulad ng sa ginawa na pagsasakongkreto at paglapit sa pang-araw araw na karanasan ng isang grupo, ngunit sa iba namang mga grupo na napapalibutan rin ng mga moral dilemma. Maaari ding magpokus sa pagpapatunay sa iilang mga resulta ng pananaliksik, partikular ang tunggalian sa pananaw kung ang moralidad ng mga Filipino ay batay sa obhetibo at/o subhetibo na moralidad.

Sanggunian

Alejo, A. (1990). Tao po! Tuloy!: Isang Landas ng Pag-Unawa sa Loob ng Tao. Quezon City: Office of Research and Publications, Ateneo de Manila University.

Baquiano, M., Lopez, G. 2011. Dimensions of Loob: Can Politicians be Used as Exemplars? Philippine Journal of Psychology, 44 (2), pp. 181-204.

Covar, P. (1995). Kaalamang Bayang Dalumat ng Pagkataong Pilipino. Professorial Chair Papers, Series 95-4. Quezon City : College of Social Sciences and Philosophy Publications, University of the Philippines-Diliman.

De Leon, M. P. (2012). Methods and Practices of Urban Filipino Parents in Promoting Mabuting Asal among Preschool Children. Social Science Diliman 8:2, 41-46

Etemadi, Ye, at Bermudez, Jr. (2004). Children in Conflict with the Law in Cebu: Profile and Experience with the Juvenile Justice Process. Save the Children UK. Quezon City, Philippines.

Enriquez, V. G., (1992). Kapwa and the Struggle for Justice, Freedom, and Dignity. From Colonial to Liberation Psychology: The Philippine Experience, p. 52. University of the Philippines Press.

Jocano, F. L. (1997) Filipino Value System: A Cultural Definition. Punlad Research House.

Mercado, L. (1994). Environmental Ehtics. The Filipino Mind. Cultural Heritage and Contemporary Change. Series III, Asia ; Vol. 8.