[DIWA E-Journal Tomo 3, Nobyembre 2015] Si Doc E, ang SP, at ang PSSP: Panayam kay Grace Aguiling-Dalisay

Jayson D. Petras
Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas
University of the Philippines (UP), Diliman Quezon City

PAGPAPAKILALA

Iginagalang na propesor sa Sikolohiya at pangunahing tagapagtaguyod ng naaayon-sa-kulturang praktis at kawanggawa para sa panlipunang pagbabago si Grace Aguiling-Dalisay.  Nagtapos siya ng kaniyang digri sa B.S. Psychology (1977), M.A. Psychology (1983), at Ph.D. Psychology: Developmental (1990) sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman. Mayroon din siyang Professional Diploma in Family Ministries mula sa Center for Family Ministries, Loyola School of Theology, Loyola Heights at naging Visiting Scholar sa Bank Street College of Education, New York.

Mag-aaral at katuwang na mananaliksik ni Virgilio G. Enriquez, naging impluwensiyal kay Aguiling-Dalisay ang mga kaisipan at paninindigan ng Sikolohiyang Pilipino.  Litaw ito sa kaniyang naging pagtuturo sa nakalipas na 37 taon sa UP Departamento ng Sikolohiya at sa kaniyang adbokasiya kaugnay ng bolunterismo sa loob at labas ng unibersidad.  Ilan sa kaniyang mga hinahawakang kurso at isinasagawang pananaliksik, programa sa pagsasanay, konsultasyon, at kawangggawa ay umiinog sa mga larangan ng Sikolohiya ng Pag-unlad, Pagka-ama, at Pagkamagulang, Sekswalidad at Pagkatao, Kabataaang Nahaharap sa Krisis, Bolunterismo at Panlipunang Pananagutan, Kwalitatibong Pamamaraan ng Pananaliksik, at Sistema ng Pamamahala sa Kawanggawa.  Dagdag pa rito, naging tagapanayam at tagapayo siya sa iba’t ibang larangan ng katutubong sikolohiya sa mga programa ng simbahan, pamahalaan, akademya, at negosyo.

Nagsilbi si Aguiling-Dalisay bilang Direktor ng UP Diliman Ugnayan ng Pahinungod noong 1994-1996 at Ugnayan ng Pahinungod System Office noong 1995.  Siya rin ang Pinuno at Pangulong Tagapagtatag ng Volunteer Organizations Information, Coordination and Exchange (VOICE) Network simula 2001. Taglay ni Aguiling-Dalisay ang ekstensibong karanasan sa pagkakaloob ng kultural na pagsasanay sa mga expatriate ng iba’t ibang kompanyang multinasyonal sa Pilipinas at mga banyagang boluntaryong naglilingkod sa bansa. Nagsisilbi rin siya bilang Resource Person para sa Cadetship Program of the Foreign Service Officers ng Department of Foreign Affairs.

Hindi matatawaran ang naging kontribusyon ni Aguiling-Dalisay sa pagtataguyod sa Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino (PSSP).  Naglingkod siya bilang Miyembro ng Lupon at kabilang din sa Kasaping Panghabambuhay ng samahan.  Tatlong termino rin niyang hinawakan ang pagka-Pangulo ng PSSP sa mga taong 1993-1994 at 2003-2007. Bukod dito, nasa ilalim din ng publikasyon ng PSSP ang dalawa sa kaniyang pinangunahang pag-aaral: Usapang Lalake: Paglalahad ng mga Lalaking Cuyonon (2000) kasama si N. Jagmis-Socrates; at, Pagkalalake: Men in Control? Filipino Male Views on Love, Sex & Women (2000), kasama sina R. Mendoza, J. Mirafelix, J. Yacat, E. Sto. Domingo, at R. Bambico.   Kontribusyon din sa larangan ng Sikolohiyang Pilipino ang kaniyang mga librong Luto ng Diyos: Mga Kuwento ng Buhay Mag-asawa (1995/1996), kasama sina R. Mendoza, J. Santos, at A. Echevaria, na inilathala ng Philippine Psychology Research and Training House (PPRTH), at ang Extending the Self: Volunteering as Pakikipagkapwa (2004), kasama sina J. Yacat at A. Navarro, sa ilalim ng publikasyon ng UP National College of Public Administration and Governance Center for Leadership, Citizenship, and Democracy.

Kaugnay naman ng kaniyang akademikong gawain bilang developmental psychologist, naglingkod si Aguling-Dalisay bilang Direktor sa Pananaliksik ng Philippine Sesame Street Project na siyang responsable sa pagkakabuo ng programang pantelebisyong Batibot. Nagsisilbi rin siya bilang Philippine Country Director ng International Children in Crisis Research Project. Bukod dito, siya ang tumatayong Consultant ng Wyeth Academic Series on Giftedness and Child Development.

Humawak at patuloy na humahawak si Aguling-Dalisay ng iba’t ibang gawaing administratibo na kinapapalooban ng pagiging Pangalawang Pangulo para sa mga Gawaing Akademiko ng Miriam College (2005-2008), Pangulo ng Republican College (2008-2010), Tagapangulo ng UP Departamento ng Sikolohiya (2012-2014), at Dekano ng UP Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya (2014-kasalukuyan). Ang kaniyang mga boluntaryong gawain sa pangangasiwa at edukasyon ay kinapapalooban ng kaniyang pagiging kasapi ng iba’t ibang tuon-sa-edukasyong samahan. Sa katunayan, siya ang Trustee ng Center for Educational Measurement (CEM) at ng Philippine Association of Private Schools, Colleges and Universities (PAPSCU).

PANAYAM*

Jayson D. Petras (JDP): Ano-ano ang pangunahing bagay na nagbunsod sa iyo upang tahakin ang landas ng Sikolohiyang Pilipino?

Grace Aguiling-Dalisay (GAD):  Pwedeng sabihing hindi ko siya awtomatikong pinili.  Nagsimula ang aking interes nang maging estudyante ako ni Doc E sa maraming asignatura.  Noong araw naman kasi, maraming itinuturo ang titser.  Bahagi nun ang mga klase ko sa kaniya.  Estilo niya sa klase ay ‘yung ipinapasalin niya ang mga aklat kasi kahit noon pa, ang sinasabi ng mga tao ay hindi pwedeng gumamit ng P/Filipino kasi wala namang mga aklat sa P/Filipino.  Na hindi naman siya wikang ginagamit ng pormal sa mga pag-uusap kaya hindi siya wikang pwedeng gamitin sa unibersidad.  Kaya ‘yung isang naging, sabihin na nating proyekto niya, ay isinasalin ‘yung mga aklat.  Halimbawa, ‘yung “Introduction to Psychology” na teksbuk na Hilgard’s. Ayun, may kanya-kanyang tsapter.  So, parang nagsimula sa ganun.  Tsaka nung bumalik si Doc E, estudyante ako noon.  Very passionate siya sa Sikolohiyang Pilipino na itinuturo niya.  Don nagsimula talaga, bilang estudyante n’ya sa undergrad at pagkatapos nun ay bilang estudyante niya sa graduate school.  Pagtagal, na-involve rin ako sa PSSP at kinalaunan ay sa PPRTH.

JDP: Sa iyong pakikipagtrabaho at pakikipag-unayan kay Doc E, ano ang pagkakilala mo sa kaniya, o ang masasabi mong pinakamahalaga niyang katangian?

GAD: Si Doc E e simbolong masasabing inspirasyon sa mga estudyante niya kasi malinaw kung ano ang paniwala n’ya.  Malinaw kung ano ‘yung gusto niyang mangyari.  So, madaling sundan kung ano ‘yung gusto n’ya at sino s’ya.  Generous siya sa mga alam niya.  Hindi niya ipinapagkait ang mga alam niyang teorya. Kapag may ganitong libro s’ya, sasabihin niya sa lahat.  Pwede mong tingnan ‘yung mga libro niya.  Kung meron siyang mga bagong ideya, mahilig nga siya doon sa uupo siyang kasama mo tapos, “Anong tingin mo dito?” Tapos, mag-uusap kayo tungkol don sa mga paksa. So, mentor siya na siguro sa tradisyunal na pamamaraan. Kaya lang, binabalanse niya ito kasi mahilig rin siyang mag-enjoy sa buhay.  Estrikto siya sa kung ano ‘yung hinihingi n’ya para sa klase.  Meron din siyang isang mukha o buhay na gusto niyang nag-e-enjoy.  Kakain sa labas. 

Naalala ko rin, nung graduate student na ako.  Kasi pumasok ako agad ng grad school pagkatapos ng bachelor’s, so meron na akong mga kaklase noon na nagtatapos na ng Ph.D. Makikita mo na kahit sila, itong mga propesyunal na at ‘yung mahaba-haba na ang karanasan sa kanilang pagiging sikolohista, pero kitang-kita nila ‘yung kahalagahan ng sinasabi ni Doc E na importanteng isakonteksto ‘yung gawain at mahalagang tingnan ang kulturang Pilipino.

JDP: Ano-anong mga piraso ng kabuuan ng SP (pilosopiya, teorya, metodo, gamit, at iba pa) ang itinuturing mong pinakamahalaga?

GAD: Siyempre magsisimula don sa konsepto, ‘yung kaisipan, at saka ‘yung paniniwala.  ‘Yung paninindigan na hindi maaaring maunawaan ang Pilipino nang hiwalay sa kaniyang kulturang ginagalawan.  Sabihin pa na may mga pagbabago na sa mundo, na nasa iba’t ibang lugar na ang mga Pilipino, na may iba’t ibang grupo man sa Pilipinas, pero nandun ‘yung pagkilala na gumagalaw tayo sa isang kultura na humuhubog sa kung sino tayo.  Kaugnay nito ay ‘yung pananaliksik.  Sa tingin ko, sa SP nanggaling ‘yung hamon na kapag gagawa ka ng pag-aaral o pananaliksik sa sikolohiya, kailangang lumabas ka sa unibersidad.  Kailangan mong alalahanin na may iba’t ibang sektor sa lipunan at mahalagang maunawaan din nila ‘yung kahalagahan ng sikolohiya, ‘yung sikolohiya na kabahagi sila.  Mahalagang kabahagi sila ng pagiging Pilipino.  Siguro sa trabaho ko, mas naroon ako sa mga paraan kung paanong ginagamit ‘yung Sikolohiyang Pilipino sa pagtuturo at saka sa paggamit ng mga metodo, sa kung paano mo makikita ang kahalagahan ng SP sa iba’t ibang gawain, nasa sikolohiya man o hindi.  Don ko nakikita ‘yung angking ambag ng Sikolohiyang Pilipino.

JDP: Para sa iyo, alin ang mas matimbang, SP bilang disiplina o SP bilang kilusan?

GAD: Sa tingin ko, magkatuwang sila.  Mahirap siyang paghiwalayin sa kaso ng Pilipinas.  Halimbawa, kung titingnan, kahit naman sa ibang disiplina, laging may professional organization.  Ito kasi ‘yung nagtutulak doon sa mga ginagawa sa loob ng akademya.  Ito rin ‘yung paraan paano mo maaabot ‘yung iba pang mga grupo.  Ito ‘yung paraan kung paano nagtitipon ang mga taong nandoon sa larangan na iyon – iba’t ibang sektor mula sa iba’t ibang unibersidad sa iba’t ibang lugar.  Sa tingin ko, mahalaga ‘yung professional organization sa kilusan, lalo’t higit sa SP.  Bakit? Dahil hanggang ngayon, nasa punto pa rin siya na may ipinaglalaban, na hindi pa rin malinaw sa mga tao kung ano ba ‘yung kaibahan niya doon sa ibang larangan ng sikolohiya.

Kaugnay nito, ‘yung Sikolohiyang Pilipino bilang disiplina, siyempre kailangan mong i-assert sa Psych na ‘yun ay isang disiplina.  Madalas diyan, tila di nakikita ang kaibahan nito sa iba pero kailangan ding tandaan, na bago pa lang ang SP.  Ilang dekada pa lang kung ikukumpara sa malalaking teorya – Piaget, Freud, etc.  Hindi makatarungan talaga na pagbungguin.  Kailangan lang e ipagpatuloy ‘yung pag-aaral para matugunan o masagot ‘yung mga bagay na hindi pa rin malinaw sa ngayon. 

JDP: Mula sa panahong nailunsad ang SP, ano-ano ang mahahalagang pangyayari o pagbabago sa kilusang pang-akademiko, kung mayroon?

GAD: Okey. ‘Yung isa, sa larangang akademya, ay naging required subject ang Psychology 108.  So, ‘yung Sikolohiyang Pilipino ay naging bahagi na ng kurikulum sa sikolohiya.  Meron nang subject at naituro na rin ito sa ibang paaralan.  ‘Yun nga lang, iba-iba pa rin ang paraan ng pagtuturo nito.  Sa UP, nakatulong din na merong mga disiplina na requirement din ang Sikolohiyang Pilipino gaya sa NCPAG, at sa iba ay elective naman.  Sa UP Psych, merong Ph.D. in Philippine Psychology.  Ibig sabihin nun, nakikitang mahalaga at bukod na larangan sa pag-aaral sa sikolohiya ang Sikolohiyang Pilipino.

Mahalaga rin ‘yung mga tao sa labas ng akademya. Nakita nila kung ano ‘yung kahalagahan ng SP sa aplikasyon sa kanilang mga organisasyon at institusyon.  So, kahit sa akademya ay may hindi naniniwala at may tumutuligsa, nakakatuwa na sa mga NGOs sa labas at mga business corporations, may nagsasabi na kita nila ang pagkakaiba sa pamamalakad sa Pilipinas ayon sa kultura at pagpapahalaga.  Tapos, sila ‘yung humihingi ng mga pagsasanay sa Sikolohiyang Pilipino.  Ito ‘yung pangyayaring nakatulong.

JDP: Bilang isa sa mga naging pangulo ng PSSP, ano-anong mga hamon ang kinaharap/kinakaharap ng SP at PSSP at paano tinutugunan/tinugunan ang mga hamon na ito?

GAD:  Sa SP, ang laging hamon ay ang pananaw na wala namang theory ang SP.  Ang tugon diyan ay depende sa kung ano ang ibig mong sabihin ng teorya.  Kung ang hanap mo ay malaking teorya e siguro nga ay wala.  Pero, kung ang ibig mong sabihin ay ang sistematikong pagsasama-sama ng mga ideya, meron.  Kung sinasabi na hindi pa ito malinaw, siguro dahil na rin sa he [Doc E] did not live long enough to do it.  ‘Yung sinimulan niya, ganun ang pagsisimula ng bagong ideya.  So with this, hindi siya nabuhay nang may sapat na panahon para itulak talaga iyon.  Alam naman natin, kahit doon sa malalaking teorya, sila [teorista/iskolar] mismo ay binabago nila ‘yung ilang mga aspekto ng teorya nila.  Pero sa tingin ko ay unti-unti naman, mayroon namang mga pag-aaral na ‘yun talaga ang tinitingnan – ‘yung kapwa, ‘yung sa personality theory.  Laging may nagsasabing kulang ang theory.  Well, hindi pa siya tapos.  Nililinang pa siya, kaya’t kailangan pa siyang ipagpatuloy.  Hindi ako naniniwala sa pananaw na kasi malabo siya ngayon, kasi may kulang pa, kaya bitiwan na natin, kasi wala namang mangyayari diyan.  Hindi ganoon ang paraan natin sa pagtitiyak ng teorya.

‘Yung ikalawang hamon sa SP ay ‘yung sa wika.  Nagsimula si Doc E na talagang Filipino ‘yung inilalaban niya kasi sa tingin niya, ito ang wika ng mga Pilipino.  Kailangan ding sumulat sa Ingles para maunawaan nung mga tao na nakikiisa sa diwa ng SP, kaya lang sa kasaysayan nila at sa personal na edukasyon nila ay hindi sila marunong mag-Filipino.  At sa pagtagal, ang tingin ni Doc E dun ay oo, siguro praktikal na bakit mo oobligahin nang mag-aral muna sila ng wika para maintindihan ang isinusulat mo? Kung sinasabing, “Oo, aminado kami. May pagkukulang kami, kasi hindi namin nauunawaan ‘yung wika,” bakit mo ipagkakait ang SP? Alam naman natin ‘yung naging pagtatalo nila ni Salazar.  Malalim na pagtatalo na kaugnay sa wika.  At ngayon naman, meron pa ring nagsasabi na hindi naman siya [SP] Filipino, Tagalog naman siya. Kaya nga hinihikayat ‘yung mga iskolar sa labas ng Metro Manila na gumawa ng pag-aaral.  Gumawa ka ng pag-aaral kung pinaniniwalaan mo ang SP.  Hayun at lahat ng maynoridad na wala sa mainstream, ‘yan ang kinakaharap ng SP.  Kaya, kailangan talagang ipagpatuloy at kaya mahalaga ‘yung organisasyon [PSSP]. 

Sa totoo lang, sa akin, hindi naging mahirap ‘yung pagiging Pangulo ng PSSP.  Ang hamon naman noon ay pondo para sa kumperensiya. ‘Yun naman ‘yung laging hamon natin noong araw.  Kaya, talagang kayod doon sa pag-oorganisa ng kumperensiya.  Naghahanap ng pondo pero marami ang tumutulong.  Ang isang hamon din don ay syempre ‘yung dadalo sa conference.  Marami ring natutunan sa ganon.  Kaya mahalaga talaga na merong mga tao don sa lugar kung sa’n mo gustong ganapin ‘yung conference.  ‘Yung host kasi, sila ang magtatrabaho at hindi lang trabaho sa conference, sila ‘yung magpapaliwanag kung ano ang SP.  Kasi, kailangan mo rin ‘yon ipaliwanag sa mga Presidente, sa Dean, kung sinuman.  Kumbaga, kaya dito sa lugar na ito natin ginagawa ‘yan kasi ganito, na alam niya kung ano ang SP.  Hindi pwedeng teknikal lang na “masipag ‘to kaya gagawa.” Isa pa, “Sa dami-dami ng conferences, bakit ‘yan ang ioorganisa natin?”  So, importante na maipaliwanag ‘yon.  Mahalaga ‘yon, kagaya sa research, na may sinasabi tayong tulay.  Sa conferences din, importante ‘yung tulay.  Merong naging diskusyon din non kung bukas ba ito [kumperensiya] sa mga hindi sikolohista.  Hindi ko lang din tiyak pa kung paano tinutugunan ‘yon ngayon dahil sa PRC requirements ng Psychology na bago ka mabigyan ng CPE points, kailangan muna na ‘yung speaker ay Registered Psychologist din. 

Isa pa siguro sa pinakamainit na pag-uusap noon ay ano ba ‘yung pagkakaiba ng PSSP at PAP.  May panahon kasi nun na parang pinagtatalo o iniisip na magkatunggali ‘yung dalawang organisasyon, bagama’t simula’t sapul ay hindi naman talaga.  Si Doc E, PAP ‘yan.  Tapos, nag-a-attend naman siya ng board meeting.  Kaya lang, ‘yung ibang tao na wala sa PSSP, di nila makita ‘yung kaugnayan ng dalawa.  Presidente yata ako noong panahong lagi itong napag-uusapan.  Malinaw naman na magkaiba ang layunin ng dalawang organisasyon.  Malinaw na ‘yung PAP ay para lamang sa mga sikolohista, ‘yung PSSP ay hindi lamang sa mga akademikong sikolohista o mga sikolohistang may digri, kundi sa mga taong interesado sa sikolohiya at kultura.  So, may pag-uusap nga noon na, “Gagawin na ba natin ‘yung pangalan ng PSSP na sikolohiya at kultura?”  Kasi mahalagang bahagi naman ‘yon at may isang kwento rin na ‘yun ang sabi ni Doc E, na palaging dapat ang psychology at culture ay magkadikit.  Pero ang naaalala ko e napagdesisyunan noon na magkaiba talaga [ang dalawang organisasyon].  Magkaiba ‘yung layunin, ‘yung mga taong gumagalaw sa loob nito.  Dapat maging kampante ang PSSP na ganun siya.  So, hindi mai-benchmark ‘yun sa PAP kasi magkaiba ‘yung organisasyon. 

Sa kumperensiya, nairaraos naman.  Maganda rin ‘yung sa PSSP ay napagdesisyunan nang maaga na iikot siya – meron sa Manila tapos meron sa labas ng Manila.  Maagang ginawa ‘yon ng PSSP.  Noong araw, halimbawa sa Mindanao, maganda kasi lumitaw ‘yung pagkakakilala doon sa ambag ng mga tao sa labas ng Katagalugan.

‘Yung hamon pa sa PSSP, may nagtatanong na sino ‘yung pumalit kay Doc E.  May pagtingin na parang dapat isang tao lang ‘yung kapalit at sabi nito, wala namang naririnig na papalit kay Doc E, na walang nangyayari sa PSSP.  Hindi naman kailangang isa lang ‘yan kasi ‘yung isa sa pinakamagandang nagawa ni Doc E, marami siyang naturuan.  Marami siyang sinanay.  Kaya, meron nang mga tao o maraming tao na nagtutulak ng SP.  So, kung may lumutang na isa lang, kung sakaling meron, e di mabuti.  Pero, hindi iyon indikasyon o pamantayan ng sigla ng SP.  Hindi ka maghahanap ng isang tao lang.  Dapat maintindihan kung paanong naipapakita ‘yung sama-samang ginagawa ng mga tao bilang patuloy na pagsasabuhay ng pag-aaral sa SP.  Minsan, iba-ibang grupo at iba-iba rin ‘yung kakilala nila.  So, hamon na rin sa atin na kilalanin kung sino ‘yung mga nag-e-SP.  Hanapin sino pa ‘yung mga tao sa pagkaalam nila ay SP ang ginagawa nila at kilalanin.  Pwedeng proyekto na gawin din na hanapin ang mga estudyante ni Doc E.

JDP: Ano ang iyong maipapayo sa mga nagsisimulang mag-aaral o mga kabataang iskolar ng SP? sa kasalukuyang pamunuan ng PSSP?

GAD:  Sa mga mag-aaral sa Sikolohiyang Pilipino, importanteng makita kung ano ‘yung mga naging development sa SP at tingnan kung paano sila makakaambag don sa gawain.  Dahil nabanggit ko nga na mas doon ako sa kung paano ‘yung aplikasyon ng SP, mahalagang siguruhin din sa mga estudyante, lalo na kung Psych siguro o kung sinuman, na tanungin ang sarili sa anong larangan, kumbaga, magagamit ‘yung SP.  “Paano ko nakikita ‘yung SP dito sa ginagawa ko?”  Kasi, tingin ko, kapag naipon natin ‘yon, malaking kontribusyon ‘yon doon sa paglago ng SP at sa pag-unawa ng SP. Kasi, ang tinatanong palagi ay, “Papaano ba naman nasabing SP ‘yan?”  So, palagay ko, with social media e baka mas madali nang gawin ‘yon.  Dapat alamin din ang mga puntong ibinabato sa SP kasi mahalaga ‘yun para matugunan.  Minsan nga lang ba ay nakakapagod at saka, minsan, ‘yung nambabato ay di naman updated. 

Simulan sa paghahanap nung mga pag-aaral – sa mga tesis, mga disertasyon.  Sa SP, ang tingin ni Doc E ang pinanggagalingan at pangangailangan sa karanasan ay magkasinghalaga.  Sinasabi niya, kung ang gusto mong pag-aralan ay ‘yung mga konsepto na maaaring hindi naman dating kinikilalang mahalaga don sa ibang kultura pero nakikita mong mahalaga siya sa isa.  Nakikita mo kung paano ito gumagalaw sa araw-araw na buhay o ito ba’y nakikita mo na kaugnay ng iba pang konsepto pero may sarili pa ring kakanyahan.  Importante ‘yong pag-aralan at hindi nangangahulugan na kapag wala pang naisusulat tungkol sa gusto mong pag-aralan ay hindi siya nararapat pag-aralan, bagkus baka dapat mo nang simulan kasi mahalaga ito pero wala pang nagkakainteres.  So, ‘yun ‘yong isang sa tingin ko rin na malaking nabago niya [Doc E] sa anumang pananaliksik.  So, sana magkaroon ng research agenda at lahat ng pagtingin sa kurikulum at silabus.  Mahalaga ring isipin kasi na ang SP naman ay multidisciplinary talaga.  ‘Yun ‘yung isang alas ng SP.  Mahalagang tingnan pa rin ito.

Sa board, hindi ako gaanong aktibo ngayon sa PSSP pero ang nakita ko lang naman ay maganda na may mga bagong mukha sa board.  Sa isang banda kasi gusto nating isipin na may hatid itong bagong ideya.  Importante lang din sa board na maging malinaw kung ano ba ‘yung pag-unawa sa SP kasi hindi katulad dati na ‘pag SP, Doc E version.  Ngayon naman e marami na.  So, sana ‘yung board din ay merong pagkakataon na mag-usap nang bukas tungkol sa kung ano ‘yung SP para sa kanila.  Kumbaga, saan sila nagkakaisa sa kung ano ang SP.  Kasi, sa tingin ko, di naman kailangang eksaktong pare-pareho.  Iba-iba ‘yun. 

‘Yung sa administrative, sana mahanapan ng paraan para mas dumami ‘yung SP na gawa ng iba’t ibang eskwelahan.  Pwedeng pagtitimbang sa kani-kaniyang eskwelahang ginagalawan.  So, ano ang stand ng SP sa kanilang mga eskwelahan?  Sino ba ‘yung mga kaalyado, kumbaga?  Sino ang pwedeng champion at ano ‘yung hamon? Ano ang state ng SP don sa eskwelahan nila? Baka magandang simulan siya para matugunan ‘yung mga pangangailangan.  Kasi, maaaring sa eskwelahan mo, ikaw lang ang board member ng PSSP at ang nakakaalam tungkol sa PSSP at naniniwala sa SP.  Hindi iyon pagbawas sa kakayahan, pero sa akin, importanteng malaman ‘yun.  Kasi dun din maaaring magmula ‘yung tugon ng SP sa mga pagtitipon at para maging pro-active kasi ang hirap naman kung nag-iisa ka lang.  Lagi ko ngang tinatanong kung ano ang gagawin natin? Ano ang isasagot natin dito?  Ano ba ang gustong maabot ng board ngayong taon?  Ano ba ‘yung SP na gusto natin? 

Talahuli

* Pasasalamat para kay Jesame D. Domingo para sa transkripsiyon ng panayam.