[DIWA E-Journal Tomo 3, Nobyembre 2015] Epekto ng Uri ng Impormasyon Mula sa Mass Media sa Pagbuo ng Atityud tungkol sa Bangsamoro

Diwa Malaya A. Quiñones

Departamento ng Sikolohiya

University of the Philippines (UP), Diliman, Quezon City

Abstrak

Tinitingnan sa repeated-measures experiment na ito kung papaanong nabubuo ang atityud tungkol sa Bangsamoro mula sa impluwensiya ng mga impormasyong galing sa mass media. Sa unang pagsukat ng pangkalahatang atityud tungkol sa Bangsamoro, lumabas na may tila nyutral na atityud ang mga kalahok. Pagkatapos naman silang pabasahin ng mga obhektibo at walang pinapanigang pagbabalita tungkol sa Bangsamoro, nagkaroon ng bahagya ngunit hindi makabuluhang pagbaba ang kanilang mga atityud. Sumunod naman ay pinapanood sila ng mga pagbabalita tungkol sa marahas at madugong pagtutol ng Moro National Liberation Front (MNLF) sa panukalang Bangsamoro at mga nakalulungkot na sinapit ng mga residente ng Zamboanga dahil sa bakbakan ng MNLF at mga sundalo ng Pilipinas. Nang sukating muli ang atityud sa Bangsamoro, nakitang may makabuluhang pagbabago tungo sa negatibong direksyon na idinulot ang maemosyong impormasyong huli nilang natanggap. Maipaliliwanag ang mga kinasapitang ito sa pamamagitan ng hot cognition hypothesis at motivated social cognition patungkol sa mga pulitikal na bagay.

Abstract

Formation of attitudes toward the Bangsamoro through different types of mass media communicated information was explored in this repeated-measures experiment. A baseline measure revealed that participants held neutral Bangsamoro attitudes. There was a slight but not significant downward shift in the attitudes after the participants read an objective and factual reporting about the Bangsamoro. Next, participants watched two news clips that reported on the violent and bloody opposition of the Moro National Liberation Front (MNLF) on the Bangsamoro, and on the sad experience of the Zamboanga residents brought about by the armed confrontation of the MNLF and Philippine armed forces. The third measure showed that there was a statistically significant drop in their atittudes toward the Bangsamoro after the negative emotion filled information delivered though the news clips. The findings are discussed in the context of how motivated social cognition and the hot cognition hypothesis influence the formation of political attitudes.

PANIMULA

Ang Bangsamorong ipinapanukala sa ilang bahagi ng Mindanao ay sentral sa kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF). Hinuhubog ang Bangsamoro bilang isang pulitikal na istrukturang may antas ng awtonomiya sa pambansang gobyerno ng Pilipinas. Ito ay sa pamamagitan ng pagdedesentralisa ng ilang pulitikal at ekonomikong kapangyarihan sa pamamagitan ng isang parliyamentaryong pamahalaan sa mabubuong rehiyon na ito. Ito ang papalit sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) na itinatag noong 1990 (ARMM 2013). Ang Bangsamoro ay hindi magiging estadong may sariling kasarinlan na hiwalay sa Pilipinas dahil, bagaman magkakaroon ito ng ilang eksklusibong kapangyarihan, mananatili itong nasa ilalim ng gobyerno ng Pilipinas (Casauay at Mercado 2014; OPAPP 2014).

Mabuti man ang layunin ng Bangsamoro, katulad ng iba pang mga isyu sa lipunan, may mga grupong pabor at mayroon ding mga hindi pabor sa pagtatag nito sa Mindanao. May mga sumasang-ayon dahil sa nakikita nilang magiging tulay ito sa pagkakamit ng tunay na kapayapaan sa Mindanao; mayroon ding tumututol sa kadahilanang sa tingin nila ay lalabag ito sa konstitusyon at hindi nito lubos na nakokonsidera ang kasaysayan at kultura ng mga sasakupin nito (basahin si Sakili 2012). Sa isang nasyonal na pag-aaral tungkol dito, napag-alamang positibo ang opinyon sa pinaplanong Bangsamoro ng mga Pilipinong nakatira sa kung saan ito itatatag, samantalang negatibo naman ito sa karamihan ng iba pa sa Pilipinas (SWS 2015).

Kung susumahin, ang higit at direktang maaapektuhan ng panukalang Bangsamoro ay ang mga residente ng Mindanao. Gayumpaman, dahil iisang nasyon-estado pa rin ang Pilipinas, mahalaga ring alamin kung ano ang mga pananaw tungkol dito ng mga Pilipinong wala sa Mindanao. Partikular, dahil sa centre-periphery configuration ng pag-unlad [i.e., culture industry ng Frankfurt School (Horkheimer et al. 2002)] sa Pilipinas, na kung saan ang Kalakhang Maynila ang sentro, mainam na mapag-aralan kung paanong ang mga Pilipinong nasa sentro ay bumubuo ng kanilang mga atityud dahil malaki rin ang nagiging impluwensiya nila sa kung ano ang umaangat na atityud sa pambansang lebel. Dagdag pa rito, nakakapukaw ng interes ang paraan kung paano kayang ang mga residente ng Kamaynilaan, na malayo at hiwalay sa karanasan ng mga taga-Mindanao, ay nakabubuo ng kanilang pananaw tungkol sa Bangsamoro mula sa madalas ay limitado at may kulay na pananaw mula sa mass media.

Sa mga kadahilanang ito, ang kasalukuyang panimulang pananaliksik ay nagnanais na maintindihan kung paanong ang iba’t ibang uri ng impormasyong galing sa mass media ay nakaaapekto sa klase ng atityud na nabubuo ng mga kolehiyong mag-aaral sa Kamaynilaan tungkol sa panukalang Bangsamoro sa Mindanao.

MGA ATITYUD

Ang atityud ay isa sa mga pangunahing inaaral sa sikolohiyang panlarangan (social psychology). Tumutukoy ang mga atityud sa mga ebalwasyon tungkol sa mga bagay-bagay sa lipunan (Eagly at Chaiken 1993; Fiske at Taylor 2013). Ang bawat atityud ay may direksyon (negatibo o positibo) at antas ng hina o lakas (Eagly at Chaiken 1993). Ito ay maaaring binubuo ng mga elementong kognitibo, apektibo, at pagkilos (Rosenberg at Hovland 1960).

Kung titingnan ang mga ebalwasyon sa Bangsamoro, makikitang ang mga sumasang-ayon sa pagpapatupad nito ay may positibong atityud tungkol dito, samantalang ang mga tumututol dito ay malamang na may maigting na negatibong atityud.

Mga Silbi ng mga Atityud

Simula pa noon (Allport 1935) at maging hanggang sa kasalukuyan, kinokonsidera ang mga atityud bilang sentral na konstrak sa sikolohiyang panlarangan dahil sa mga silbi nito sa pagkilos ng mga indibidwal sa iba’t ibang konteksto. Kinikilalang tinutulay ng mga atityud ang ugnayan ng mga kognisyon at mga pagkilos sa pamamagitan ng mga silbi nito sa kaalaman (knowledge), pagpapahalaga (value), at pakikitungo (sociality) (Fiske at Taylor 2013).

Pagdating sa silbi sa kaalaman, nasisinagan ito sa kung paanong ang mga atityud ay nagagamit upang bigyang-kahulugan ang mga bagay-bagay sa kontekstong kinikilusan at gawing gabay sa pag-aangkop sa mga kontekstong ito. Sa isyu ng Bangsamoro, maaaring nabubuo ang patuloy na pagpapakahulugan dito mula sa mga impormasyong nakakalap at inaangkla sa kung ano ang atityud tungkol dito.

Ang silbi sa pagpapahalaga ay nakikita sa kung paanong nagiging paraan ng pagpapahayag ng mga pinanghahawakang halaga ang mga atityud na mayroon ang isang indibidwal. Sa ilang pagkakataon, maaaring ang positibong atityud sa Bangsamoro ay repleksyon ng pagpapahalaga sa kapayapaan.

Ang silbi sa pakikitungo ay tumutukoy sa kung paanong sa pamamagitan ng mga atityud ay nakabubuo at nakapagpapatuloy ang mga tao ng mga positibong klase ng mga relasyon at ugnayan. Sa pamamagitan marahil ng positibong atityud sa Bangsamoro ng isang kasapi ng MILF (na pabor sa Bangsamoro), nagiging tulay ito upang patuloy itong maging tanggap sa kanilang grupo.

Habang nakikitang may mahahalagang silbi ang mga atityud, mahalaga ring alamin kung paanong nabubuo ang mga ito. Iba’t iba ang daan sa paghubog ng mga atityud ngunit lahat ng ito ay sa pamamagitan ng unibersal na pagproseso ng mga impormasyon sa isip ng tao.

Pagbuo ng Atityud sa Pamamagitan ng mga Proseso ng Pag-impluwensiya at Kognitibong Panlipunang Pagproseso ng Impormasyon

Sa mga mamamayan sa Mindanao, maaasahan na ang kanilang atityud tungkol sa Bangsamoro ay bunga ng kanilang mas direktang karanasan tungkol sa pagbuo nito. Para naman sa mga residente ng Kamaynilaan, na malayo at hindi pa gaanong apektado ng Bangsamoro, malamang ay nabubuo ang kanilang atityud tungkol dito mula sa mga impormasyong galing sa karanasan at pananaw ng iba na nakukuha nila sa maraming tsanel ng impormasyon, partikular sa mga makabagong mass media.

Sa antas ng indibidwal, anuman at saanman nanggagaling ang mga impormasyong maaaring makaimpluwensiya sa pagbuo ng atityud, lahat ng ito ay dumaraan sa pundamental na mga prosesong kognitibo (Wegener at Carlston 2005). Sa prosesong ito, una ay nasasala ng sistemang pang-atensyon ang mga impormasyon sa paligid ng indibidwal. Kung anumang impormasyon ang pumasok sa atensyon, ang mga ito ay itinatala sa komplikadong sistemang pangmemorya sa loob ng isipan. Kasama sa mga proseso dito ay ang pag-angkla ng mga impormasyong pumasok sa mga iskima at representasyong nasa loob na ng isipan na konektado sa bagay na ginagawan ng atityud. Kapag nabuo na ang kognitibong representasyon ng bagay, maaaring masinagan ito sa mga pagkilos at pag-uugali ng indibidwal (Sternberg et al. 2012; Fiske at Taylor 2013).

Ang mga pinoprosesong impormasyon ay dumaraan din sa dalawang moda ng operasyon sa kaisipan ng indibidwal—kontroladong operasyon at awtomatikong operasyon (Eagly at Chaiken 1993; Smith at Collins, 2009; Fiske at Taylor 2013). Sa pagkakabuo ng mga atityud, dalawang prominenteng halimbawa kung saan makikita ang mga operasyong ito ay ang elaboration likelihood model (Petty at Cacioppo 1981) at ang heuristic-systematic model (Chen at Chaiken 1999).

Sa elaboration likelihood model (Petty at Cacioppo 1981), maipaliliwanag na ang pagbuo ng atityud sa Bangsamoro ng mga taga-Kamaynilaan ay sa pamamagitan ng sentral at periperal na mga proseso. Puwedeng mas kontrolado at maigting ang pag-iisip (high elaboration) kung ang bibigyang-pansin ay mga impormasyong gumagamit ng mga sentral na argumento tungkol sa isyu ng Bangsamoro. Kung mga periperal na impormasyon naman ang higit na pagtutuunan, mas awtomatiko at mabilisang pag-iisip (low elaboration) ang nangyayaring pagbuo ng atityud sa Bangsamoro.

Sa lente ng heuristic-systematic model (Chen at Chaiken 1999), sinasabing kadalasan ay nabubuo ang mga atityud sa pamamagitan ng mga heuristikong pagpoproseso. Madalas na nakabase ang indibidwal sa mga asosasyong mabubuo sa mga bagong impormasyon at sa mga iskima at representasyong matagal nang nasa isipan na konektado sa Bangsamoro. Nagkakaroon lang ng mas sistematikong pagpoproseso kung may sapat na oras, motibasyon, at abilidad upang bumuo ng atityud sa Bangsamoro.

Hindi naman hiwalay ang mga modelong ito sa pagbuo ng mga atityud dahil sa naipakita nang maaaring sabay na dumadaloy sa mga modelong ito ang proseso ng pagbuo ng atityud. Habang may heuristiko at sistematikong mga pagpoproseso, maaaring nagkakaroon din ng sentral at periperal na mga pag-iisip (Smith at Collins 2009).

Sa sitwasyon ng pagbuo ng mga taga-Kamaynilaan ng atityud tungkol sa Bangsamoro, mas malamang na periperal at heuristiko ang pagpoproseso sa kanilang isipan dulot ng kakulangan sa kabuluhan at halaga ng nasabing isyu dahil na rin sa pamamalagay na malayong maapektuhan sila nito. Partikular sa pagproseso ng impormasyong galing sa makabagong mass media, malamang na mas nabibigyang-konsiderasyon nila ang mga periperal na bagay at ang mga asosasyon nito sa mga kaisipang mayroon na sila tungkol sa kung ano ang konektado sa Bangsamoro. Hindi rin magiging kataka-taka kung, bagaman may mga impormasyong makatotohanan at tiyak silang matatanggap, mas mabigat pa rin ang magiging impluwensiya ng mainit at maramdaming uri ng impormasyon sa pagbuo nila ng atityud sa Bangsamoro.

Pagbuo ng Atityud sa Bangsamoro sa Paraan ng Malamig at Mainit na Kognisyon Tungkol sa Impormasyong Galing sa Mass Media

Para sa mga nasa Kamaynilaan, ang pangunahing napagkukunan nila ng impormasyon tungkol sa Bangsamoro ay ang mass media—partikular marahil sa mga pahayagan, telebisyon, at Internet. Sa kalayaang makapaghayag sa mga media na ito, lalo na sa Internet, lahat ng uri ng impormasyon sa Bangsamoro—makatotohanan man o mapanlinlang—ay maaaring makita.

Tulad ng natalakay tungkol sa kung paanong nabubuo ang atityud, mas madalas na ito ay sa paraang mabilisan o awtomatiko, maliban na lamang kung higit na mataas ang motibasyong makaalam ang indibidwal tungkol sa Bangsamoro, kung may oras na maigugugol, at kung may kakayanang higit pang maiproseso ang impormasyong nakukuha. Kung kaya naman, sa panahong madalas ay mula sa mass media nagmumula ang impormasyon, mabilisan lamang ang pagbubuo ng atityud, depende sa kung ano agad ang impormasyong nakukuha.

Maaaring tingnan din ang pagkakadebelop ng atityud sa pamamagitan ng malamig at mainit na kognisyon tungkol sa impormasyong galing sa mass media. Ang malamig na kognisyon ay tumutukoy sa pagpoproseso ng impormasyong walang emosyonal na bigat, samantalang ang mainit na kognisyon ay tumutukoy sa pagpoproseso ng impormasyong emosyonal, positibong klase man o hindi (cold and hot cognition; Kunda 1999; para sa hot cognition, tingnan sina Abelson 1963 at Redlawsk 2002). Sa mga klase ng impormasyong galing sa mass media, nakakakuha ng mga uri ng paglalahad tungkol sa Bangsamoro na nais lamang makapaghayag ng makatotohanang mga argumento, ngunit mayroon ding inihahayag ang mga argumento o impormasyong hawak nila sa paraang nakaaantig sa damdamin.

Pagdating sa mga pulitikal na isyu katulad ng Bangsamoro, marami na ang nakapagpatunay na matindi ang impluwensiya ng mainit na kognisyon sa pagbubuo at paghahayag ng mga atityud tungkol sa mga ito (Redlawsk 2002; Morris et al. 2003; Lodge at Taber 2005). Pagdating sa pagpoproseso ng impormasyong tungkol sa mga pulitikal na lider, grupo, at isyu, mas may tendensiya ang mga tao na iproseso ito sa pamamaraang awtomatiko at emosyonal (Lodge at Taber 2005).

Atityud Bilang Resulta ng Motivated Social Cognition

Hindi lamang basta-basta ang pagbuo ng atityud tungkol sa Bangsamoro. Sinusuportahan ito ng perspektibo ng motivated social cognition na nagsasabing ang mga proseso ng pag-iisip na ginagawa natin, kasama na ang mga produkto nito (katulad ng mga atityud, pananaw, paniniwala) ay bunga ng pagnanais na mapamahalaan nang maayos ang pagtingin sa sarili (Dunning 1999; Operario at Fiske 1999). Sinasabing napakahahalagang mga motibasyon ang maintindihan, makontrol, at mapagtiwalaan ang kapaligiran, ang maramdamang kabilang sa mga grupong pinahahalagahan, at ang maging buo ang pagtingin sa sarili (Operario at Fiske 1999) sa mga proseso ng pag-iisip na nalilikha ng indibidwal kaugnay ng mga representasyon at iskima tungkol sa mga bagay-bagay sa kaniyang kapaligiran (Dunning 1999). Dahil ang mga atityud ay kasama sa mga bumubuo ng mga representasyon at iskimang nalilikha dahil sa motivated social cognition, masasabing ang mga ito ay produkto rin mismo ng mga motivated social cognition (Jost at Amodio 2012; Prislin at Wood 2005).

Pagdating sa usapin ng Bangsamoro, maging ang mga taong hindi naman nakikitang maaapektuhan sila nito ay nagkakaroon at nakikitaan pa rin ng mga motibasyon na nag-uudyok sa klase ng kanilang pag-iisip, na siyang bubuo sa klase ng atityud nila sa Bangsamoro. Maaaring sa pagbuo nila ng atityud sa Bangsamoro, uudyukan sila ng pagnanais na makitang buo at konsistent ang pagtingin nila sa kanilang sarili.

Sa pananaliksik na ito, nilalayong maintindihan kung paanong marahil nabubuo ang mga atityud tungkol sa ipinapanukalang Bangsamoro para sa ilang kabataang Pilipinong mula sa Kamaynilaan. Dahil sa inaasahang nagmumula ang higit ng kaalaman nila tungkol sa Bangsamoro mula sa mass media, partikular sa telebisyon at Internet, titingnan kung paanong ang iba’t ibang uri ng impormasyong nanggagaling sa mga ito—makatotohanan man o emosyonal—ay nakaiimpluwensiya sa pagbuo nila ng atityud tungkol dito.

Inaasahang kung anuman ang mabubuong atityud ay higit na daraan sa mas awtomatikong pagpoproseso, dahil sa higit na impluwensiya ng mga heuristiko, periperal, at emosyonal na mga impormasyon. Gayundin, inaasahang maipaliliwanag ng motivated social cognition ang klase ng proseso sa pagbuo ng atityud tungkol sa Bangsamoro, partikular ang pagnanais na makitang konsistent ang sarili.

METODO

Disenyo ng Pananaliksik

Ang pag-aaral na ito ay isang repeated-measures experiment. Tatlong beses sinukat ang atityud sa Bangsamoro—sa simula ng eksperimento, pagkatapos makapagbasa ng makatotohanang impormasyon tungkol sa Bangsamoro, at pagkatapos makapanood ng emosyonal na mga palabas tungkol sa Bangsamoro. Repeated measures analysis of variance ang pamamaraang estatistikang ginamit upang intindihin ang datos. Ginamit ang tradisyonal na null hypothesis testing at ang practical significance testing (Cumming 2014) upang talakayin ang kinasapitan ng pag-aaral.

Mga Kalahok

Dalawampu’t siyam (N=29) ang mga kalahok sa pag-aaral na ito. Lahat ay mga mag-aaral mula sa isang pampublikong unibersidad sa Kamaynilaan na nanggaling sa iba’t ibang mga kurso at kumukuha ng Psychology 101 sa unang semestre ng akademikong taong 2014-2015. Mula sa dalawang klaseng may bilang na animnapu’t dalawang mag-aaral, ang dalawampu’t siyam ang nagboluntaryong lumahok. Ang katampatang gulang ay nasa 19.55 (SD=1.7). Labinlima ay mga kababaihan at labing-apat ang kalalakihan. Karamihan ay mga Romano Katoliko (n=25).

Mga Instrumento

Mga Panukat ng Atityud

Tatlong panukat ng mga atityud ang dinebelop para sa pag-aaral na ito.

Ang unang panukat ay isang aytem na tinitingnan ang kabuuang atityud sa Bangsamoro (In all, I believe that the proposed Bangsamoro autonomous political entity will bring peace and development in Mindanao and the Philippines). Sinagutan ang aytem na ito gamit ang isang 7-puntong iskala na kung saan ang bawat kalahok ay tutugon batay sa kanilang lubos o hindi lubos na pagsang-ayon.

Ang pangalawa at pangatlong panukat ng atityud sa Bangsamoro ay kapwa may labintatlong aytem at masasabing magkahalintulad sa porma. Gabay sa pagsulat ng mga aytem ang depenisyon ng atityud na binubuo ng tatlong elemento—kognitibo, apektibo, at pagkilos. Nakita rin na mataas ang katapatan (reliability) ng parehong panukat sa pamamagitan ng Cronbach’s Alpha (0.93 para sa ikalawang panukat, at 0.88 para sa huling panukat). Tulad din ng naunang panukat, sinagutan ng mga kalahok ang mga aytem batay sa kanilang pagsang-ayon o hindi pagsang-ayon gamit ang 7-puntong iskala.

Mga Estimulo o Impormasyong Ipinresenta

  • Unang Estimulo: Walang Pinapanigan at Hindi Emosyonal na Impormasyon

Pagkatapos ng unang pagsukat ng atityud, ipinresenta sa mga kalahok ang mga pundamental na mga impormasyon tungkol sa Bangsamoro. Ang mga impormasyong inihain at ipinabasa sa mga kalahok ay ang infographic na mula sa isang online news site (Casauay at Mercado 2014) kung saan inilalatag ang mga saligan ng ipinapanukalang Bangsamoro. Kasama rin sa ipinresenta ang mga kasagutan ng gobyerno tungkol sa mga madalas na naitatanong sa panukalang Bangsamoro (OPAPP 2014). Lahat ng ito ay ipinakita sa pamamagitan ng isang powerpoint presentation, kasabay na rin ng kopyang nakaimprenta para sa bawat kalahok.

  • Ikalawang Estimulo: Emosyonal na Impormasyon

Nang matapos ang ikalawang pagsukat ng atityud, ipinapanood sa mga kalahok ang tatlong emosyonal na mga pagbabalita kaugnay ng marahas na pagtutol ng Moro National Liberation Front (MNLF) sa planong Bangsamoro ng gobyerno. Naging madugo ang naging bakbakan na ito sa Zamboanga sa pagitan ng MNLF at ng mga sundalo ng gobyerno. Natigil ang mga negosyo at marami ang inilikas na mga residente dahil sa kaguluhang naganap.

Ang unang ipinakita (ABS-CBN Zamboanga 2013) ay tumutok sa madugong rebelyon. Masasaksihan ang barilan, ang mga bangkay ng mga nasawi, at mga taong nagtatakbuhan at nagsisilikas dahil sa takot. Sa dulo ng pagbabalita, ipinapakita ang isang armadong miyembro ng MNLF na mariing idinedeklara ang kanilang pagtutol sa Bangsamoro dahil sa pagiging taliwas nito sa kanilang kagustuhang maging hiwalay na estado sa Pilipinas.

Ang dalawang sunod pang ipinresenta ay tungkol sa mga karanasan ng mga residente ng Zamboanga kaugnay ng nangyaring bakbakan sa pagitan ng mga miyembro ng MNLF at mga sundalo ng Pilipinas. Ipinakikita ng mga ito ang paghihirap na dinaranas noon ng mga namatayan at mga nilikas sa kani-kanilang kabahayan. Ang mga ito ay ipinalabas din sa pamamagitan ng awdyo-biswal na presentasyon (Rappler 2013a; Rappler 2013b).

Proseso ng Pananaliksik

Ang eksperimento ay ginanap sa bandang dulo ng semestre sa dalawang seksyon ng klase ng Psychology 101. Ang mga mag-aaral ay inimbitahang boluntaryong lumahok.

Nang makaalis na ang mga nagdesisyong hindi lalahok, ipinrisenta na ang powerpoint presentation sa pader ng silid-aralan. Ang parehong presentasyon ay inilimbag din at ipinamigay sa bawat kalahok. Sinabi sa kanilang ang pamagat ng pananaliksik ay “Research on People’s Views about Current Social Issues.”

Pagkatapos ng pagpapakilala sa pananaliksik at paghingi ng pahintulot ng mga mag-aaral, hiningi din ang ilan sa kanilang mga demograpikong impormasyon.

Sumunod dito, ibinigay ang mahahalagang detalye ng pag-aaral. Sinabi sa kanilang tututok sa isyu ng Bangsamoro ang pananaliksik at bawat isa ay tatanungin tungkol sa mga opinyon nila rito.

Nang matapos ang panimula, ipinasagot sa mga kalahok ang unang panukat ng kanilang atityud sa Bangsamoro. Ang unang estimulong nagbibigay ng kaalaman tungkol sa panukalang Bangsamoro ay ipinakita at ipinalabas matapos ang unang pagsukat ng atityud. Binasa rin nang malakas ng mananaliksik ang teksto, kasabay ng tahimik na pagbabasa ng mga kalahok. Sumunod dito ay sinagutan nila ang ikalawang panukat ng atityud sa Bangsamoro.

Ang sumunod na bahagi ay ang pagpapalabas ng mga emosyonal na estimulong awdyo-biswal tungkol sa pagtutol ng MNLF at sa hirap at pighating dinanas ng mga residente ng Zamboanga. Ang huling pagsukat ng atityud tungkol sa Bangsamoro ay isinagawa matapos nito.

Matapos ay ipinaliwanag ang kabuuan ng pananaliksik at nagpasalamat sa mga kalahok.

KINASAPITAN AT PAGTALAKAY

Sinukat nang tigatlong beses ang atityud sa panukalang Bangsamoro sa bawat isa sa dalawampu’t siyam na kalahok (tingnan ang Hanayan 1 at Pigura 1). Sa unang pagsukat, lumabas na ang kabuuang grupo ay may nyutral na atityud sa Bangsamoro (M=4.3, SD=1.2). Sa sumunod na pagsukat, pagkatapos na sila ay pinagbasa ng mga makatotohanang mga impormasyon tungkol sa Bangsamoro, bahagyang bumaba ang kanilang atityud tungkol sa Bangsamoro (M=4.1, SD=1.1). Bagaman may maliit na pagbaba, masasabing nyutral pa rin ang kabuuang atityud nila. Nang sukatin ng pangatlong beses ang atityud matapos ang presentasyon ng mga balitang emosyonal, bumaba at naging negatibo na ang atityud ng mga kalahok patungkol sa panukalang Bangsamoro (M=3.9, SD=0.9).

Mula sa repeated-measures analysis of variance, makikitang may makabuluhang kaibahan sa pagbabago ng atityud sa Bangsamoro, F (1.9, 52.31) = 5.03, p=0.011, partial η2=0.152.

Sa post-hoc na pagsusuri ng tatlong pagsukat ng atityud, may makabuluhang pagkakaiba kung ikukumpara ang atityud matapos ang emosyonal na presentasyon at atityud sa panimula ng pananaliksik (tingnan ang Hanayan 2). Makabuluhan din ang pagkakaiba kung ang mga atityud matapos ang emosyonal na presentasyon at matapos ang hindi emosyonal na pagbabalita ang ipinagkukumpara.

Hanayan 1
Sukat ng Atityud sa Bangsamoro

Sukat ng Atityud sa Bangsamoro

Pigura 1
Sukat ng Atityud sa Bangsamoro

Sukat ng Atityud sa Bangsamoro 2

Hanayan 2
Post-hoc Pairwise Comparisons ng mga Atityud

Post-hoc Pairwise Comparisons ng mga Atityud

Hindi makabuluhan ang pagkakaiba kung ang panimulang atityud at ang atityud matapos ang hindi emosyonal na pagbabalita ang pinagkukumpara.

Mula sa estadistikang pagtingin sa datos, malinaw na lumalabas na ang makabuluhang pagbabago sa atityud ay dulot ng presentasyon ng emosyonal na balita tungkol sa kaguluhan sa Zamboanga bunga ng pagtutol ng MNLF sa panukalang Bangsamoro. Naging negatibo ang atityud nila sa Bangsamoro dulot na rin ng negatibong emosyong kasama ng mga kaalamang nakalap nila tungkol sa isyung ito.

Kung ibabatay naman sa praktikal na laki ng epekto (practical effect size), masasabing may maliit ngunit makabuluhang epekto ang parehong uri ng impormasyong natatanggap at pinoproseso sa pagkakabuo ng atityud ng mga kalahok kaugnay ng Bangsamoro.

Alinmang batayang estatistikal, null-hypothesis testing o practical significance testing, lumalabas na ang pagbuo at pagbabago sa atityud ay naipapaliwanag ng uri ng impormasyong natatanggap at ipinoproseso ng indibidwal.

Dahil sa ang mga kalahok ay mga mag-aaral sa Kamaynilaan, na malayo at walang direktang karanasan tungkol sa binubuong Bangsamoro, inasahan talagang ang panimulang atityud nila ay nasa nyutral. Ang ganitong klase rin ng panimulang atityud ay nakapaglatag ng ideyal na kondisyon sa pag-aaral ng pagbuo at pagbabago ng mga atityud. Dahil wala pa silang buo at ganap na atityud at pananaw patungkol sa Bangsamoro, mas malinis na masusuri kung nagkakaroon talaga ng epekto ang mga ibinahaging impormasyon sa konteksto ng eksperimento sa pagbuo ng kanilang mga atityud.

At ganoon nga ang naganap. Ang naging patuloy na pagbaba at pagiging negatibo ng atityud ay dahilan sa uri ng impormasyong nakakalap mula sa mass media. Mahusay na naipakita na bagaman ang mga atityud ay nabubuo sa mga pundamental na proseso ng pag-iisip, ang mga ito ay naaapektuhan ng mga uri ng impormasyong natatanggap mula sa kapaligiran.

Maipaliliwanag ang direksyon ng pagbabago ng atityud sa pamamagitan ng haka tungkol sa mainit na kognisyon sa mga pulitikal na isyu (Redlawsk 2002; Lodge at Taber 2005). Ipinapanukala ng haka na ito na madalas ay napoproseso sa paraang emosyonal ang mga pulitikal na bagay. Kabilang ang panukalang Bangsamoro sa mga pulitikal na bagay na ito at mariin ding naiparating ito sa mga kalahok sa pamamagitan ng mga impormasyong nakuha nila tungkol dito. Sa ganitong kalagayan, mas aktibong naproseso sa paraang emosyonal ang Bangsamoro. At dahil sa negatibong mga emosyon tulad ng lungkot at takot na naramdaman, partikular sa pangalawang estimulo, sa direksyong negatibo rin umangkla ang pagbabago ng atityud sa Bangsamoro.

Ang mainit na kognisyong ginamit sa proseso ng pagbuo ng atityud sa Bangsamoro ay maipapaloob din sa mga kaakibat na prosesong ipinapanukala sa elaboration likelihood model (Petty at Cacioppo 1981) at sa heuristic-systematic model (Chen at Chaiken 1999).

Sa pagsusuring gamit ang elaboration likelihood model, lumilitaw na mas tinutukan ng mga kalahok ang mga periperal na uri ng impormasyon, kung kaya mas mababaw ang elaborasyon nila tungo sa pagdebelop ng atityud sa Bangsamoro. Tulad ng sinasabi ng modelo, mas mababaw ang elaborasyon kung hindi naman gaanong mataas ang motibasyon upang suriin nang maigi ang mga impormasyon. Nakikitang dulot ito ng kawalan ng direktang epekto sa mga kalahok na mula sa Kamaynilaan ng isyu ng Bangsamoro sa Mindanao.

Kahalintulad nito, gamit ang heuristic-systematic model, ang pagkabuo ng negatibong atityud ay maipapaliwanag din ng mas heuristikong pagpoproseso ng impormasyon. Sa maiksi at mabilisang panahon ng pagtanggap at pagpoproseso ng kapiraso at piling impormasyon tungkol sa Bangsamoro, kasama na ang pamamaraang emosyonal ng pag-impluwensiya tungkol dito, masasabing higit na awtomatiko ang naging pagpoproseso ng heuristikong impormasyon kaysa mas masusi at mas sistematikong pamamaraan.

Kaakibat ng mainit na kognisyon, mas mababaw na elaborasyon, at mas heuristikong pag-iisip, nasisinagan pa rin ang dual process model sa pagdebelop ng atityud sa panukalang Bangsamoro. Kahit pa mas angat ang awtomatikong pag-iisip sa pagdebelop ng atityud sa Bangsamoro, may mga kasabay pa ring sistematiko at hindi apektibong pagpoproseso ng impormasyon (Smith at Collins, 1999). Ang pagkaawtomatiko ng pag-iisip ay sinasabing produkto ng mga nakaraang mga kaisipan na dahil sa lakas ng koneksyon sa mga elemento na nabuo sa memorya ay napadadali at napabibilis ang pagbuo ng mga ebalwasyong tulad ng mga atityud (Bargh et al. 2012). Sa mga kalahok ng pag-aaral, malamang ay napag-isipan na nila noon ang ilang bagay na may kinalaman sa Bangsamoro tulad ng usapang pangkapayapaan, ang MILF, MNLF, gobyerno ng Pilipinas, at mga Pilipino sa Mindanao. Sa pag-iisip nila rito, marahil ay may mga pananaw na silang bahagyang nabuo sa bawat isa rito. At dahil ang ating memorya ay masasabing magkakaugnay, maaaring may mga koneksyon na ang mga elementong ito sa pag-iisip ng mga kalahok, kung kaya nang tinignan ang kanilang ebalwasyon tungkol sa Bangsamoro matapos ang pagpresenta ng mga estimulo, mas mabilis na silang (awtomatiko) nakabuo ng atityud tungkol dito sa kanilang pag-iisip.

Ang lahat ng mga pagpoproseso ng mga impormasyong ito upang madebelop ang atityud ay masasabi ring tumatakbo sa ilalim ng balangkas ng motivated social cognition (Dunning 1999). Tulad ng ipinapanukala, kailangang tingnan kung ano ang nagtutulak sa proseso ng pag-iisip ng mga tao kung nais na maintindihan at maipaliwanag ang kanilang pagkilos (Operario at Fiske 1999). Dahil pinaniniwalaang ang mga tao ay parating may mga motibasyon sa kanilang pag-iisip (Fiske at Taylor 1991), gumagamit sila ng maraming klase ng estratehiya sa pagpoproseso ng impormasyon, may malay man sila o wala tungkol dito, upang kung anuman ang magiging produkto ng kanilang pag-iisip ay nakahanay pa rin ito sa pananaw nila tungkol sa kanilang sarili. Ang mga motibasyon upang mapabahagi, maintindihan, at magkaroon ng kontrol sa kapaligiran, at upang pamahalaan ang pagkakaroon buong pananaw sa sarili (Operario at Fiske 1999) ang nagtutulak sa kung paano at ano ang mga atityud na nabubuo tungkol sa Bangsamoro. Ang mga motibasyong ito ay nakahanay rin sa mga nabanggit na mga silbi ng mga atityud—pagdating sa kaalaman, pagpapahalaga, at pakikitungo (Fiske at Taylor 2013).

Sa pagsusuri ng pagkabuo ng negatibong atityud tungkol sa Bangsamoro sa pag-aaral na ito, marahil mas matingkad na motibasyon ang pagnanais na maintindihan ang kapaligiran at ang pagnanais na mapamahalaan nang matiwasay ang pananaw tungkol sa sarili. Dahil sa nakitang halos wala pa silang kaalaman at buong pananaw tungkol sa Bangsamoro, lumalabas na ang pagbuo ng kanilang atityud tungkol dito ay nakaangkla sa pagnanais nilang makabuo rin ng mas malinaw na kaalaman at iskematikong representasyon nito sa kanilang memorya. Sa ganito ring paraan, binubuo nila ang atityud sa Bangsamoro na dapat ay nakahanay at nakaangkla sa kung anong mga matatag nang paniniwala at pananaw nila tungkol sa kanilang sarili.

KONGKLUSYON AT REKOMENDASYON

Naipakita sa pauna at eksploratoryong pananaliksik na ito na tunay na malakas ang impluwensiya ng mass media sa pagbuo ng pananaw ng mga tao sa mga isyung pulitikal, partikular sa ipinapanukalang Bangsamoro.

Lumalabas din na ang emosyonal na klase ng presentasyon ng impormasyon ay matinding nakaaapekto sa klase ng atityud na nabubuo kumpara sa hindi emosyonal na klase ng impormasyong natatanggap. Partikular pa, nang ang mga negatibong emosyon tulad ng lungkot, pagkabahala, at takot na dala ng impormasyon ang naproseso, naging negatibo ang klase ng atityud na nabuo tungkol sa Bangsamoro.

Kaakibat nito, ang pagkabuo ng mga atityud ay masasabing naipaliliwanag din ng haka tungkol sa mainit na kognisyon kaugnay ng mga isyung pulitikal sa pamamagitan ng pagpoprosesong may mas mababaw na elaborasyon at gamit ang mga heuristiko sa memorya. Ang mga prosesong ito na nagaganap sa isipan ng mga kalahok ay tumatakbo sa mga motibasyon para mas maintindihan ang kapaligirang kanilang ginagalawan at upang mapamahalaan nang matiwasay ang pananaw nila sa kanilang sarili.

Ang mga impormasyong ito ay naobserbahan sa mga kalahok mula sa Kamaynilaan, malayo sa kung saan balak itatag ang Bangsamoro. Sa hinaharap, maiging imbestigahan din ang mga bagay sa paligid na nakaaapekto sa pagbuo ng mga atityud sa Bangsamoro ng mga taong direktang masasangkot sa ipinapanukalang Bangsamoro sa Mindanao. Dagdag pa rito, mainam ding makita kung may pagkakaiba ang dinaraanang kognitibong pagpoproseso ng mga taong direktang maaapektuhan kumpara sa mga hindi gaanong maaapektuhan.

Sanggunian

Abelson, R. (1963). Computer simulation of “hot” cognition. Nasa S. Tomkins at D. Messick (Mga pat.), Computer simulation of personality (pp. 277-298). New York: Wiley.

ABS-CBN Zamboanga. (2013, Setyembre 9). Watch: Zamboanga clash 2013 (MNLF) [Bidyo]. Nakuha mula sa https://goo.gl/rkSh21

Allport, G.W. (1935). Attitudes. Nasa C. Murchison (Pat.), Handbook of Social Psychology (pp.798-844). Worcester, Mass.: Clark University Press.

Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM). (2013). ARMM history. Nakuha mula sa http://goo.gl/aXhDtG

Bargh, J. A., Schwader, K. L., Hailey, S. E., Dyer, R. L., at Boothby, E. L. (2012). Automaticity in social cognitive processes. Trends in Cognitive Sciences, 16(12), 593-605.

Casauay, A. at Mercado, M. (2014, Marso 28). Infographic: The Bangsamoro peace deal at a glance. Nakuha mula sa http://goo.gl/LAlqas

Chen, S. at Chaiken, S. (1999). The heuristic-systematic model in its broader context. Nasa S. Chaiken at Y. Trope (Mga pat.), Dual process theories in social psychology (pp. 73-96). New York: Guilford Press.

Cumming, G. (2014). The new statistics: Why and how. Psychological Science, 25(1), 7-29.

Dunning, D. (1999). A newer Look: Motivated social cognition and the schematic representation of social concepts. Psychological Inquiry, 10(1), 1-11.

Eagly, A.H. at Chaiken, S. (1993). The psychology of attitudes. Fort Worth, TX: Harcourt.

Fiske, S. at Taylor, S. (2013). Social cognition: From brains to culture (2nd ed.). London: Sage.

Horkheimer, M., Adorno, T. W., at Noerr, G. S. (2002). Dialectic of enlightenment: Philosophical fragments. Stanford: Stanford University Press.

Jost, J.T. at Amodio, D. M. (2012). Political ideology as motivated social cognition: Behavioral and neuroscientific evidence. Motivation and Emotion, 36(1), 55-64.

Kunda, Z. (1999). Social cognition: Making sense of people. Cambridge, Mass.: MIT Press.

Lodge, M. at Taber, C. S. (2005). The automaticity of affect for political leaders, groups, and issues: An experimental test of the hot cognition hypothesis. Political Psychology, 26(3), 455-482.

Morris, J. P., Squires, N. K., Taber, C. S., at Lodge, M. (2003). Activation of political attitudes: A psychophysiological examination of the hot cognition hypothesis. Political Psychology, 24(4), 727-745.

Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP). (2014, Setyembre 10). Frequently asked questions on the draft Bangsamoro Basic Law. Nakuha mula sa http://goo.gl/Un9Nvf

Operario, D. at Fiske, S. T. (1999). Social cognition permeates social psychology: Motivated mental processes guide the study of human social behavior. Asian Journal of Social Psychology, 2(1), 63-78.

Petty, R. at Cacioppo, J. (1981). Attitudes and persuasion: classic and contemporary approaches. Dubuque, Iowa: W.C. Brown.

Prislin, R. at Wood, W. (2005). Chapter 16: Social influence in attitudes and attitude change. Nasa D. Albarracin, B.T. Johnson, at M.P. Zanna (Mga pat.), The handbook of attitudes ([mga pahina]). New Jersey: Lawrence Erblaum Associates.

Rappler. (2013a, Setyembre 26). The children of Sta. Barbara | Zamboanga crisis [Bidyo]. Nakuha mula sa https://goo.gl/5EIuzP

Rappler. (2013b, Setyembre 26). Captive [Bidyo]. Nakuha mula sa https://goo.gl/MyxF6S

Redlawsk, D. (2002). Hot cognition or cool consideration? Testing the effects of motivated reasoning on political decision making. The Journal of Politics, 64(4), 1021-1044.

Rosenberg, M. J. at Hovland, C. I. (1960). Cognitive, affective and behavioral components of attitudes. Nasa Rosenberg, M.J., C.I. Hovland, W.J. McGuire, R.P. Abelson and J.W. Brehm (Mga pat.), Attitude organization and change: An analysis of consistency among attitude components (pp. 1-14). New Haven, Westport: Greenwood Press.

Sakili, A. P. (2012). The Bangsamoro framework agreement and the Mindanao problem: Foregrounding historical and cultural facts and concepts for social justice and peace in the southern Philippines. Asian Studies, 48(1-2), 1-18.

Smith, E. at Collins, E. (2009). Chapter 9: Dual-process models: A social psychological perspective.   Nasa J. Evans at F. Keith (Mga pat.), In two minds: Dual processes and beyond (pp. 197-216).  Oxford: Oxford University Press.

Social Weather Stations (SWS). (2015). Filipino public opinion on the Bangsamoro Basic Law and the Mamasapano incident: SWS February, March, and June surveys. Quezon City: Social Weather Stations.

Sternberg, R., Sternberg, K., at Mio J. (2012). Cognition (6th ed.). Belmont, California: Wadsworth/Cengage Learning.

Wegener, D. T. at Carlston, D. E. (2005). Chapter 12: Cognitive processes in attitude formation and change. Nasa D. Albarracin, B.T. Johnson, at M.P. Zanna (Mga pat.), The handbook of attitudes (pp. 671-706). New Jersey: Lawrence Erblaum Associates.