[DIWA E-Journal Tomo 2, Bilang 1, Nobyembre 2014] Rogelia Pe-Pua: Panayam kay Doc E at SP

Mario R. Sto. Domingo, Ph.D.
Department of Psychology
University of Maryland, Baltimore Country, U.S.A.

PAGPAPAKILALA*

Kinikilala bilang isa sa mga pangunahing tagapagtaguyod ng Sikolohiyang Pilipino at nag-ambag sa katutubong sikolohiya sa Pilipinas si Rogelia Pe-Pua, isang Pilipinong sikolohista na nakabase sa Australia.  Ipinanganak sa Maynila noong ika-15 ng Hunyo 1956, pang-anim siyang anak nina Loreto Pe at Rogelia Eben.  Nagtapos si Pe-Pua ng kanyang primarya at sekondaryang edukasyon sa Uno High School.  Nag-aral siya sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) kung saan tumanggap siya ng mga digring Bachelor of Science sa Sikolohiya, cum laude, noong 1977; Master of Arts sa Sikolohiya noong 1981; at Doctor of Philosophy sa Pilipinolohiya noong 1988.

Nagsilbi si Pe-Pua na research assistant kay Virgilio Enriquez, Ama ng Sikolohiyang Pilipino, sa panahon ng pagkakatatag ng Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino (PSSP) noong 1975.  Dalawang taon matapos ito, naging guro siya sa UP Departamento ng Sikolohiya.  Kaugnay ng kanyang gawain sa PSSP bilang kasaping tagapagtatag at bilang guro sa UP, aktibong nakilahok si Pe-Pua sa pamamahala ng mga kumperensya at pamamatnugot ng mga lathalaing nagsusulong ng Sikolohiyang Pilipino.  Sa mga publikasyong pinamatnugutan niya at naging kapatnugot siya, namumukod-tangi ang Sikolohiyang Pililpino: Teorya, Metodo at Gamit (1982), na nagkaroon na ng apat na edisyon at ilan pang pagpapalimbag, bilang pinakaimportanteng teksbuk para sa mga mag-aaral ng Sikolohiyang Pilipino.  Naging associate professor siya sa UP at Pangulo ng PSSP mula 1991-1992 bago tuluyang nangibang-bayan sa Australia kasama ang kanyang kabiyak na si Eduardo Pua at mga anak na sina Daniel at Adrian.

Sa Australia, naging lecturer at research fellow si Pe-Pua sa University of Wollongong bago lumipat sa University of New South Wales kung saan siya ay kasalukuyang honorary associate professor at naging tagapangulo ng School of Social Sciences.

Bilang mananaliksik, may-akda si Pe-Pua ng mga publikasyon hinggil sa katutubong sikolohiya, sikolohiya ng migrasyon, at kros-kultural at kros-katutubong sikolohiya.  Nakilala siya sa kanyang mga kontribusyon sa paglilinang ng metodolohiya sa katutubong pananaliksik, at sa mga isinagawa niyang pananaliksik hinggil sa mga katutubong sikolohiya sa Pilipinas, Taiwan, at Japan gamit ang kros-katutubong balangkas.  Nakatungtong ang proseso ng kros-katutubong sikolohiya sa pagkilala sa halaga ng mga katutubong sikolohiya sa tunguhing paghambing-hambingin ang mga ito.  Kaiba ito sa nakagisnang pamamaraan sa kros-kultural na sikolohiya kung saan ipinapataw ang istruktura ng isang dominanteng kultura at isinasama na lamang ang ibang kultura upang pagkunan ng datos para sa pagpapatibay nito.  Nakapag-ambag si Pe-Pua ng mga kabanata sa mga aklat gaya ng Pilipinolohiya: Kasaysayan, Pilosopiya, at Pananaliksik (Pe-Pua, 1991a); The University Experience: Essays on the 82nd Anniversary of the University of the Philippines (Pe-Pua, 1991b), Wife of Worker? Asian Women and Migration (Pe-Pua, 2003); The Horizon and Focus in Urban Cultural Theory: Compilation of Papers and Seminar Proceedings (Pe-Pua, 2005b); at Indigenous and Cultural Psychology: Understanding People in Context (Pe-Pua, 2006) at mga seryal tulad ng International Journal of Intercultural Relations (Pe-Pua, 1988); Binhi (Pe-Pua, 2005a); at Revista CIDOB d’Afers Internacionals (Pe-Pua, 2005c).

Bilang pagkilala sa kanyang kontribusyon sa katutubong sikolohiya at sikolohiya ng migrasyon, nakatanggap si Pe-Pua ng Gawad Sikolohiyang Pilipino (PSSP, 1998) at Outstanding Achievement in Research (Australian Philippine Association Illawarra Welfare Service, 2001).

PANAYAM

Mario Sto. Domingo (MSD): Ano ang mga pangunahing nagbunsod sa iyo para tahakin ang landas ng Sikolohiyang Pilipino?

Rogelia Pe-Pua (RPP): Mula ako sa mahirap na pamilya. Noong oras ng paga-apply sa college, sa UP lang ako nag-apply dahil merong grant-in-aid para sa mahihirap na estudyante. Hindi ako kayang paaralin ng nanay ko; mula high school pa lang ay nagtatrabaho na akong parttime, tutor sa mga estudyante sa elementary, at iyon lang ang maaasahan ko para makapag-college. Ni wala kaming perang pang-matrikula. Kaya kung hindi ako natanggap sa UP, hindi siguro ako makakatuntong sa college. So tinuloy ko pa rin ang pagtu-tutor noong first year college ako (1973). Noong second year college ako, meron akong nakitang advertisement na naghahanap ng student assistant si Dr Virgilio Enriquez. Ni hindi ko siya kilala, pero gusto kong magkatrabaho na me relasyon sa inaaral ko. Inaplayan ko ito, at ito na ang ipinalit ko sa trabaho ko na pagtu-tutor. Dito nagsimula ang aking landas ng SP. Sa simula ay taga-proof read lang ako ng mga compilation na sinimulan ni Doc E. Taga-mimeograph din ng mga handouts para sa klase niya. Tapos, nandoon ako noong inorganisa ang Unang Pambansang Kumperensya sa Sikolohiyang Pilipino. Nakasama din ako sa mga field research, katulad ng pilot-testing ng Panukat ng Ugali at Pagkatao. Lubos akong naniwala sa SP, kaya noong naka-graduate ako at natanggap na magturo sa UPDP, itinuloy ko ang ganitong landas. Dahil sa sobrang paghanga ko kay Doc E, lagi akong nandoon kapag meron siyang mga lectures at seminars. Ganoon ko na-immerse nang husto ang SP – straight from Doc E, the best mentor I can ever have.

MSD: Bilang isa sa mga naging mag-aaral at kaibigan ni Doc E, ano ang pagkilala mo sa kanya, o ang masasabi mong pinakamahalaga niyang mga katangian bilang Ama ng Sikolohiyang Pilipino, iskolar, propesor at kapwa-tao.

RPP:

a. Bilang propesor, masigasig si Doc E na i-debelop ang SP. Ginawa niyang katuwang ang mga estudyante niya dahil naniniwala siya sa kakayahan nilang umambag sa pagdebelop ng SP. Binigyan niya kami ng kumpiyansa na kaya naming gawin ito. He debunked the concept that students follow their professors. He always believed that professors learn a lot from their students. He made his students think for themselves and have confidence in contributing their ideas; and to go out and search the knowledge from ordinary Filipinos

b. Bilang leader ng SP, very inclusive siya at charismatic din. Hinikayat niya ang mga iskolar sa iba’t ibang agham panlipunan at pilosopiya na lumahok sa pagpapalaganap at pagpapaunlad ng SP. Magaling siyang mang-engganyo. Sa ganitong paraan nakasama namin sina Zeus Salazar (Kasaysayan), Prospero Covar (Antropolohiya), Lilia Antonio (Filipino), Manuel Bonifacio (Sosyolohiya), Armando Bonifacio (Pilosopiya), at iba pa.

c. Bilang kaibigan, kakaiba ang trato niya sa ilan sa amin na estudyante niya (graduate students kami noon), o kaya’y katuwang sa trabaho (student/research assistants) bilang kapantay niya, kabarkada. Isinasama niya kami na kumain sa labas, pumupunta kami sa disco, at sa mga pub house para makinig sa musika. Marami kaming masasayang alaala ng mga paglalamiyerdang ito. Lagi rin siyang handang makinig at sumuporta kapag meron kaming mga problema sa trabaho o kaya’y personal. Ang ganitong samahan ay hindi nakakasagabal sa aming ‘training’ dahil kapag usapang akademiko, propesor ang kilos niya at di niya kami binibigyan ng special treatment just because magkaibigan kami.

d. Bilang kapwa-tao, matulungin si Doc E. Marami sa naging staff niya sa PPRTH ay nagmula sa ‘humble beginnings’, hindi nakatapos ng kolehiyo pero dahil inilapit sa kanya at gusto niyang makatulong, binigyan niya ng pagkakataon na magkaroon ng karanasan sa pagtatrabaho. Malaki ang utang na loob nila kay Doc E dahil sa kanyang kabutihan at sa kanyang matiyagang pagturo sa kanila ng mga skills na naging dahilan upang magtagumpay sila sa buhay.

MSD: Anong mga piraso ng kabuuan ng SP (pilosopiya, teorya, metodo, gamit, atbp)  ang itinuturing mong pinakamahalaga?

RPP:

a. katutubong metodo ng pananaliksik

b. katutubong konsepto at teorya

MSD: Para sa iyo, ang SP ba ay isang disiplina o isang kilusan?

RPP: Kilusan. Hindi siya disiplina kundi sikolohiya pa rin na nagpapahalaga sa katutubong perspektibo. Kilusan siya dahil sa kasaysayan nito ng pagdebelop ng sikolohiyang mas makabukuhan para sa mga katutubo at sa katutubong kultura. 

MSD: Mula sa panahong nailunsad ang SP, anu ano ang mahahalagang pangyayari o pagbabago sa kilusang pang-akademiko, kung meron man?

RPP:

a. Ang kritikal na pag-assess sa SP mismo. Ang pagdadala sa SP to a higher level na kinakailangan upang mapatunayan ang baliditi nito. Halimbawa, sinusuri nang mabuti at hinihimay nang husto ang mga konsepto katulad ng kapwa.

b. Kinikilala ang SP bilang nangunguna sa mga katutubong sikolohiya sa mundo.

MSD: Anu anong mga hamon ang kinakaharap ng SP at paano tinutugunan ang mga hamon na ito?

RPP:

a. Kailangang balikan natin kung sino nga ba ang ‘katutubo’ sa SP. Ang pokus at nagpapagalaw ng SP ay mga Pilipino na hindi naman talaga ‘katutubo’, i.e. indigenous, first people of the land. Hindi gaanong nare-represent ang mga tunay na katutubong Pilipino.

b. Kailangang harapin ang indigenous theorising. Kailangan ng stock-take dahil nagmumukhang kalat ang area na ito dahil walang nagsi-synthesise, at wala ring nag-iisip ng research agenda na ikasusulong ng SP theorising.

c. Generally, kailangang maglathala nang mai-disseminate ang kaalamang SP, at higit pang madebelop ito.

MSD: Mayroon bang pagkakaiba ng teorya, gamit at aplikasyon ng SP sa ibang bansa?

RPP: Kailangan pa ng masusing pananaliksik bago masagot nang maayos ito. Sa aking pananaliksik sa Pilipinas, Hapon at Taiwan, merong mga pagkakapareho akong nakikita, halimbawa, sa larangan ng social self, or relational self.

MSD: Kung may pagkakataon ka para iedit ang SP: TMG, ano ang babaguhin mo?

RPP:  Ire-retain ang ilang classical articles, at idagdag ang mga bago. Gagawin ko ring 2 bolyum, para bawat field of psychology ay ma-represent, na kung saan, isasama ko ang mga key articles na siyang achievements ng SP.

MSD: May payo ka ba sa mga nagsisimulang mag-aaral o mga kabataang iskolar ng SP?

RPP: Alamin ang basic history at philosophy ng kilusan. Magbasa nang malawakan, kasama ang mga kritiko ng SP. At huwag matakot magsimula ng sariling pananaliksik. Huwag ding mahiyang lumapit sa mga guro at sabihing interesado silang matuto at makipag-collaborate sa kanilang pananaliksik (mentorship).

Talahuli

* Salin ni Adonis L. Elumbre ng Atoy M. Navarro, “Pe-Pua, Rogelia,” na nasa Kenneth Keith (pat.), The Encyclopedia of Cross-Cultural Psychology, New Jersey: John Wiley & Sons, Inc., 2013, 989.

Sanggunian

Pe-Pua, R. (pat.) (1982).  Sikolohiyang Pilipino: Teorya, metodo, at gamit.  Quezon City, Philippines: Philippine Psychology Research and Training House.

Pe-Pua, R. (1988).  Pagtatanong-tanong: A cross-cultural research method.  International Journal of Intercultural Relations, 13, 147-163.

Pe-Pua, R. (1991a).  Ang mga balikbayang Hawayano ng Ilocos Norte: Pandarayuhan at pagbabalik.  Nasa V.V. Bautista at R. Pe-Pua (mga pat.), Pilipinolohiya: Kasaysayan, pilosopiya, at pananaliksik (mpah. 171-173).  Quezon City, Philippines: University of the Philippines College of Social Sciences and Philosophy.

 

Pe-Pua, R. (1991b).  UP pioneers in indigenous Filipino psychology.  Nasa B.A. Aquino (pat.), The university experience: Essays on the 82nd anniversary of the University of the Philippines (mpah. 152-164).  Quezon City, Philippines: University of the Philippines Press.

Pe-Pua, R. (2000).  Implications of government policies on working conditions of Filipino workers in Hong Kong, Singapore, and Taiwan.  Pilipinas: A Journal of Philippine Studies, 34, 63-90.

Pe-Pua, R. (2003).  Wife, mother, and maid: The triple role of Filipino domestic workers in Spain and Italy.  Nasa N. Piper at M. Roces (mga pat.), Wife or worker? Asian women and migration (mpah. 157-180).  Lanham, Maryland: Rowman and Littlefield Publishers.

Pe-Pua, R. (2005a).  Kros-katutubong perspektibo sa metodolohiya: Ang karanasan ng Pilipinas.  Binhi, 2 (1), 1-37.

Pe-Pua, R. (2005b).  Migration and cross-cultural issues.  Nasa Urban-Culture Research Center (pat.), The horizon and focus in urban cultural theory: Compilation of papers and seminar proceedings (mpah. 30-52).  Osaka, Japan: Osaka City University Press.

Pe-Pua, R. (2005c).  Vinculos entre Filipinas y Espana: Migraciones y relaciones bilateral (Links between the Philippines and Spain: Migrations and bilateral relations), Revista CIDOB d’Afers Internacionals, 68, 53-65.

Pe-Pua, R. (2006).  From decolonizing psychology to the development of a cross-indigenous perspective in methodology: The Philippine experience.  Nasa U. Kim, K. S. Yang, at K. K. Hwang (mga pat.), Indigenous and cultural psychology: Understanding people in context (mpah. 108-137).  New York, New York: Springer.

Karagdagang Babasahin

Navarro, A.M. (2002).  Tala tungkol sa mga may-akda: Rogelia Pe-Pua.  Binhi, 1 (1), 41.