[DIWA E-Journal Tomo 2, Bilang 1, Nobyembre 2014] Ang Konsepto ng “Pagsasaayos” bilang Panimulang Postkolonyal Pagdalumat Pulitikal sa Panahong Postmoderno
Antonio P. Contreras, Ph.D.
Department of Political Science
De La Salle University (DLSU), Manila, Philippines
Abstrak
Inihahain ang papel na ito bilang panimulang pagtatangka at upang pag-aralan ang konsepto ng “pagsasaayos” bilang pangunahing diskursong pulitikal na angkop sa diwa at kamalayan ng Pilipinong sa simula pa, bago pa nabigyan ng pangalan ng Kanluran, ay meron nang angking kakanyahang matatawag natin na postmoderno. Isa itong pagpupunyagi na itulay ang isang postmodernong pananaw sa konteksto ng isang postkolonyal na diskurso, isang tila kontradiksyon subali’t maaaring maisakatuparan sa pamamagitan ng pagtingin sa pang-araw-araw na daloy ng kung paano natin isinasaayos ang ating mga buhay. Ang konsepto ng “pagsasaayos” ay nagpapalitaw ng maraming usapin na maaaring magpabago sa kaparaanan kung papaano natin inaaral at dinadalumat ang mga ugnayan ng kapangyarihan sa Pilipinas. Ang pagkilala sa “pagsasaayos” bilang pangunahing prosesong pulitikal ay angkop sa mga sitwasyong ang ugnayan ng kapangyarihan na kumikilos sa konteksto ng pagbubuo ng pamayanan ay nagmumula sa iba’t ibang katayuan at pagkatao. Dito nagiging matingkad ang pagiging totoo, at hindi lamang kathang-isip, ng konsepto ng kapwa, lalo pa’t ang kaibahan na nakikita sa pakikipag-ugnay sa mga ibang tao ay hindi balakid sa pagbubuo ng pamayanan, bagkus ito ay nagbibigay ng pagkakataon na pairalin ang pakikipagkapwa. Sa mas mataas na antas ng pagdalumat, lalong tumitingkad ang patunay na hindi likas sa kamalayan ng Pilipino ang konsepto ng estado (“state”) at nasyon o kabansaan (“nation”). Bagkus, mas lantay sa ating pananaw sa mundo ang komunidad o pamayanan (“community”) na kung saan ang pagpapanatili ng kaibahan, at pakikibagay na ayon sa konsepto ng pakikipagkapwa ay mas likas. Ang konsepto ng “pagsasaayos,” lalo na ang salin nito sa ibang wika katulad ng “pagpapakarahay” sa Bikolano o “pag-aayo” sa Cebuano, ay mas angkop na proseso sa pagpapanatili ng kaayusan sa lipunan sapagkat ito ang kumakatawan sa diwa ng kapwa at pakikipagkapwa na ayon sa etikal na dimensyon ng pagbibigayan, pakikiramdam, at pagpapakabuti.
Abstract
This paper offers the theory of “pagsasaayos” as a base political discourse that is more nuanced to the consciousness of the Filipino, which is also being argued to possess characteristics of the postmodern. Hence, it is an attempt to link postmodern theory to post-colonial discourses, which may appear contradictory but could in fact have more grounding if one simply looks at the realities of ordinary and everyday experiences of how we put order into our lives. The theory of “pagsasaayos” reveals a new domain in understanding power relations in Philippine society. This theory is consistent with the reality that the process of nation-building in Philippine society is confronted by a pluralism of identity positions. This then becomes a base for the operationalization of “kapwa.” It also embodies the fact that the concepts of the state and nation are not natural in the ordinary consciousness of the Filipino. Instead, the source of social and political order lies in the sense of community, where we are able to maintain our positions of otherness and difference according to our sense of “pakikipagkapwa.” Furthermore, “pagsasayos,” and its translation into other Filipino languages such as “pagpapakarahay” in Bikolano or “pag-aayo” in Cebuano, is a more appropriate construct for maintaining social order, as it is able to embody the ethical dimensions associated with acts of giving, empathy and pursuing the good.
PANIMULA
Taong 1986 nang mapatalsik sa pamamagitan ng isang mapayapang pag-aklas ang diktadurang Ferdinand Marcos. Ang kaganapang ito, na tinagurian natin sa ating kasaysayan bilang “EDSA Revolution” o “People Power Revolution,” ay pinuri sa pagiging mapayapa, na kung saan halos walang dumanak na dugo (Thompson 1995). Ang larawang lumitaw ay ang mga nakangiting mukha ng mga tao, mga madre at paring nakikapit-bisig sa militar, at mga batang may hawak na bulaklak na inialay sa paanan ng mga tangkeng pandigma na sa una ay handang bumuga ng tinggang apoy na papatay na sana sa mga inosenteng mamamayan, subali’t napipi at nagpalukob sa isang pag-aklas na kakaiba at naging isa pa ngang pang-madlang piging. Bagama’t meron ding mga imahen ng karahasan, malinaw na umiral ang isang maayos na kaganapan. Malayong-malayo ito sa mga nangyari sa ibang bansa katulad ng Ehipto at Libya na kung saan dumanak ang dugo at kung saan ang mga naghihingalong rehimen, sa huli nitong mga hininga, ay nagpakawala ng dahas sa mga naglakas-loob na hamunin ang kanilang mga abusadong kapangyarihan. Hindi sa pinupuri ko si Marcos, subali’t sa kabila ng karahasang umiral sa mahabang panahon ng kanyang panunungkulan, sa huling sandali ng kanyang rehimen ay mapayapa niyang tinanggap ang hatol ng bayan. Kung meron pa ngang karahasang nangyari, ito ay nakita sa umaalimpuyo at nangangalit na damdamin ng mga taong sumugod sa Malacañang at pinagtatapakan ang mga larawan at iba pang nagpaalala sa kanila ng diktadurang pinalayas. Subali’t malinaw na ang mga ito ay itinutok lamang sa mga anino at bakas na iniwan ng gumuhong rehimen, at hindi sa kapwa Pilipino. Walang nakitang malawakang pagnanakaw o kaguluhan, kahit na sa mga panahong ang balangkas at pamunuan ng pamahalaan ay di pa tiyak. Umiral ang kaayusan, kahit na ang mga kaganapan sa mga sandaling iyon ay nagbadya ng kaguluhan.
Ang likas na pag-iral ng kaayusan sa lipunang Pilipino sa gitna ng nakaambang kaguluhan ay muling nakita noong 2009, kung kailan nanalasa ang bagyong Ondoy na nagdulot ng matindi at malawakang pagbaha sa Metro Manila at mga karatig-pook, at nitong 2013 nang humagupit ang malakas na bagyong Yolanda. Sa gitna ng trahedya, na kumitil sa daan-daang buhay at sumira sa milyun-milyong ari-arian, ang muling lumitaw ay ang mga mukha ng Pilipino na bagama’t nakaharap sa krisis ay handa pa ring ngumiti kahit na nahihirapan. Kabilang sa mga larawan na nagpakita ng ganitong kakanyahan ng Pilipino ay ang mga taong bagama’t lubog na sa baha, o kaya ay nasa gitna ng mga nasirang ari-arian, at ng labis na pait dulot ng mga nasawing mahal sa buhay, ay nakahanap pa rin ng pagkakataong tumawa. Naroong nakuha pang ipagdiwang ang kaarawan ng isang kapamilya, o ang kumaway at ngumiti sa kamera ng telebisyon habang pilit na sumusuong sa maruming tubig, o sa mga nasirang mga bahayan, patungo sa kaligtasan. Nakita natin ang napakaraming taong handang dumamay kahit sa di-kakilala sa panahon ng pangangailangan. Ang kawalan ng presensya ng pamahalaan ay hindi naging balakid upang ang pamayanan ay kumilos at alagaan ang kanilang kapwa. Bagkus, ang ordinaryong mamamayan, sa tulong ng internet at ibang makabagong teknolohiya, ay tumugon upang punan ang puwang na iniwanan ng isang pamahalaang tila nagulat at hindi kaagad nakapamahala, o kaya naman ay pinigilan ng kawalang kahandaan na pinalala ng katiwalian at bangayan ng mga magkatunggaling panig sa pulitika. Muli, sa gitna ng nakaambang panganib at sa di-tiyak na kamay ng isang pamahalaang mahina, ang kaayusan ay napanatili.
Ang mga ito ay matitingkad na patunay na nakatahi na sa ating kamalayan ang likas na kakayahang mapanatili ang isang uri ng kaayusang panlipunan na labas at hindi sakop ng dalumat ng isang matatag na estado. Ito ay isang katotohanang pilit binubura o kaya ay pinapawalan ng saysay ng mga Kanluraning konsepto at teorya sa Agham Pampulitika na patuloy iniaasa ang kaligtasan at kaunlaran ng ating bansa sa isang matatag na estado ayon sa mga Kanluraning pamantayan. Sisikapin ng papel na ito na ihayag ang isang panimulang pagdalumat ng isang postkolonyal na konsepto sa pulitika na kikilala sa mga katutubong naratibo na inihain na sa mga larangan ng Sikolohiya bilang Sikolohiyang Pilipino o SP, Araling Pilipino bilang Pilipinolohiya, at Kasaysayan bilang pantayong pananaw (Mendoza 2002; Navarro at Lagbao-Bolante, 2007) subali’t ilulugar sa panahon na kung saan matingkad ang kawalan ng matatayog na salaysay ng kabansaan, at kung saan mayroong pluralismong kultural na nakikita sa napakaraming grupong etnolingwistiko.
Marami nang pagtatangka na dalumatin ang pulitika at mga kaakibat nitong proseso na gamit ang mga katutubong lente. Nangunguna na rito si Remigio Agpalo, sa kanyang pagsasalarawan ng pulitika sa Mindoro Occidental bilang kawangis ng sayaw na “pandanggo sa ilaw” (1969) at ang kanyang paghain ng pamumunong ayon sa dalumat ng “pangulo” (1981). Ang litaw sa mga pagdadalumat na sumunod sa yapak ni Agpalo ay ang patuloy na pagtutok sa pamumuno at sa kultura ng pamunuan, kagaya ng mga sinulat nina Anselmo Lupdag (1984), F. Landa Jocano (1990), ng Education for Life Foundation (1997) at ni Gerardo Cabochan (2012). Ang iba naman ay mga pag-aaral sa mga pulitikal na ugnayan, institusyon, at prosesong nangyayari sa mga lokal na pamayanan sa bansa, katulad ng mga sinulat ni Benedict Kerkvliet (1991, 1995), Myrna Alejo et al. (1996), Albert Alejo (2000), at Soon Chuan Yean (2008).
May pag-aaral din kung saan mas tahasang ginamit ang mga lente ng “kapwa” at “loob” sa pagsuri ng uri ng pamumuno ayon sa mga talumpati ng mga naging Pangulo na sinulat ni Jalton Taguibao (2013). May pag-aaral na rin tungkol sa pulitika na iniugnay sa katutubong pagdalumat na isinagawa ni Ramon Guillermo sa kanyang pagsusuri sa pantayong pananaw ni Zeus Salazar sa konteksto ng dalawang konseptong pulitikal, ang “himagsikan” at “rebolusyon” (Guillermo 2009a).
Ang papel na ito ay kakaiba, sapagkat hindi ko lamang susuriin ang mga umiiral na konseptong pulitikal na gamit ang mga katutubong pagdadalumat, o kaya ay isalarawan ang mga prosesong pulitikal na nagaganap sa mga lokal na pamayanan. Bagama’t ipagpapatuloy ko ang ginawa na ni Agpalo at ng mga sumunod sa kanya sa paglapat ng mga katutubong metapora sa prosesong pulitikal, iiwanan ko ang pagdadalumat na nakatuon sa pamumuno, at sa halip ay palalawakin ko ang sakop. Ihahain ko sa hapag bilang panimulang pagtatangka at upang pag-aralan ang konsepto ng “pagsasaayos” bilang pangunahing diskursong pulitikal na angkop sa diwa at kamalayan ng Pilipinong sa simula pa, bago pa nabigyan ng pangalan ng Kanluran, ay meron nang angking kakanyahang matatawag natin na postmoderno. Isa itong pagpupunyagi na itulay ko ang isang postmodernong pananaw sa konteksto ng isang postkolonyal na diskurso, isang tila kontradiksyon subali’t maaaring maisakatuparan sa pamamagitan ng pagtingin sa pang-araw-araw na daloy ng kung paano natin isinasaayos ang ating mga buhay.
Bilang isang papel na may layuning makapanday ng isang alternatibong teorya o dalumat, nakalugar ito sa dalawang espasyo ng teorisasyon na magkaiba subali’t maaaring maiugnay sa konteksto ng “pagsasaayos.” Ang una ay ang pagkilala na ang gawaing ito ay nakalugar sa isang postkolonyal na diskurso na halaw sa dalumat ni Franz Fanon (1963, 1967), dahil ang adhikain ay ang magpanday ng makabagong mga hulmahan, lente sa pagsipat, at mga paraan kung paano ang isang pamayanan ay nabubuo at kung paano naitatatag ang kaayusan nito, na kakaiba sa mga tinuran na ng Agham Pampulitikang pinaghaharian ng mga Kanluraning dalumat at kaparaanan. Ang ikalawa ay ang pagkilala sa kapangyarihan ng mga lokal, espisipiko, at pang-araw-araw na mga espasyo ng pagtatag ng kaayusan sa sitwasyong mahina ang estado at ang rasyonalistang pananaw na halaw sa agham na siya namang pinalitaw ng postmodernistang pananaw. Sa madaling salita, ang paggamit ng postkolonyal na lente ay kapwa bilang isang panahon sa kasaysayan ng bansa at bilang lapit sa pag-aaral, na ginagabayan ng lapit ni Fanon, samantalang ang paggamit ng postmodernismo ay nakabatay sa angking karakteristiko ng lipunang Pilipino.
Ang mga karakteristiko ng isang lipunang mahina ang estado (Abinales 2008) at agham (Pertierra 2006), at malakas naman ang mga lipunang sibilyang nakabase sa mga lokal na pamayanan (Coronel-Ferrer 1998) ay mga salik na kaakibat ng postmodernong pagkiling ng lipunang Pilipino. Ang pananaw na ito ay ayon sa dalumat ni Jean-Francois Lyotard (1984) na nagsabing ang kawalan ng matayog na salaysay na sa usaping ito ay isinasalarawan ng mahinang estado at agham, at ni Michel de Certeau (1984) na nagsabing ang malalakas subali’t pluralistang pamayanan na kadluan ng mga pang-araw-araw na ugnayan ng kapangyarihan at lugar na kung saan sinusuong ang mga hamon ng buhay, ang siyang mga pangunahing karakteristiko ng isang postmodernong panahon.
Ang pagkilala sa postmodernong kakanyahan ng lipunan ay lumilikha ng isang hamon kung paano gagamitin ang isang postmodernong lapit sa pag-aaral na ang pinakabasehan ay ang pagbasag sa mga esensyalistang argumento, na malimit makita sa simplistikong dualismo, na siya namang nasa mga dalumat ng pagsasakatutubo. Ang papel na ito ay isang pagtatangkang ilugar ang paghahanap ng mga katutubong konsepto sa paraang dinamiko at historikal, na kikilala rin sa pluralismong umiiral sa lipunan. Marami na ring pag-aaral na napapaloob mismo sa mga kapanalig ng pantayong pananaw at Sikolohiyang Pilipino na mismong kumilala sa usaping ito katulad nina S. Lily Mendoza (2011) at Jay Yacat (2013). Dito ko sasamahan si Guillermo (2009a, 2009b) sa kanyang panawagan sa lahat ng nagtatangkang maghanap ng mga katutubong dalumat na iwasang ireipika ang kasaysayan at kultura, dahil ito ay nauuwi sa isang di-makatotohanang pagbasura sa epekto ng mga dalumat mula sa labas at sa karanasan ng ibang lugar at maging ng mga Pilipino sa kasalukuyang panahon.
Sa kabuuan, ang papel na ito ay isang teoretikal na adhikain, na ang lapit ay para magdalumat sa paraang normatibo, at hindi ayon sa isang empiriko-positibistang kaparaanan. Sa madaling salita, bagama’t pagtitibayin ang mga argumento sa pamamagitan ng paggamit ng ilang sitwasyon o karanasan, ang pagdulog ng “pagsasaayos” bilang panimulang dalumat ay isang paglalaro sa kaisipan. Ito ay isang “thinking piece” na kung saan gagamitin ang kahulugan ng “pagsasaayos” at ihahambing ito sa mga kaugnay na termino na ginagamit sa larangan ng Agham Pampulitika. Gagamiting saligan ang mga naratibo ng pagsakatutubong napanday na sa ibang larangan—ang Sikolohiyang Pilipino, Pilipinolohiya, at pantayong pananaw—upang harapin ang kolonyal at Kanluraning konsepto ng pulitika, at ng Agham Pampulitika. Papandayin ang dalumat ng “pagsasaayos” mula sa teoretikal na larangang ito, bagama’t ilulugar ito sa konteksto ng iilang pagkakataon kung saan naghahanap tayo ng kaayusan sa ating mga buhay, hindi lamang sa matayog na larangan ng pulitika kundi sa larangan ng pang-araw-araw sa napakarami nating mga pamayanan.
ANG KOLONYAL NA KONSEPTO NG PULITIKA
Hindi maitatangging ang pulitika at ang akademikong disiplinang nakatuon sa pag-aaral nito, ang Agham Pampulitika, ay kapwa hinulma hindi lamang ng ating kolonyal na karanasan, kundi ang mga ito ay pinanday mula sa karanasan ng mga sumakop sa atin. Sa kalakarang ito, ang umiiral na lente, o dominanteng lapit, sa Agham Pampulitika sa ating bansa ay nakatuon sa pag-aaral ng estado at ng mga prosesong kaakibat nito. Dito, ang pulitika ay nakakahon sa larangang publiko at pinag-aaralan lamang bilang isang prosesong nagkakaroon ng saysay at anyo sa mga usaping panlipunan at tungo sa pagtatag at pagpapanatili ng kaayusang nakasuhay sa isang matibay na estado at matuwid na pamumuno. Hindi nakapagtatakang ang dominanteng mga dalumat o teorya ay ang mga Kanluraning konsepto ng kapangyarihan na iniuugnay lamang sa estado at pangangasiwa, at sa pakikipag-ugnayan sa ibang bansa.
Dahil dito, ang mga pamantayan ng isang “mabuting” estado at “matuwid” na pangangasiwa ay nakahulma sa mga konseptong halaw sa karanasan ng mga Kanluranin. Ang isang halimbawa nito ay ang konsepto ng katiwalian na nakabase sa isang porma ng ugnayan na nagpapahalaga sa burukrasya at sa mga impersonal na pakikutungo. Ayon sa Transparency International (2014), ang korupsyon o katiwalian ay ang pang-aabuso ng ipinagkatiwalang kapangyarihan para sa pansariling interes at kasama na rito ang pagsulong sa interes ng kamag-anak at mga kaibigan.
Sa larangang diskursibo, naging talamak ang imahen ng isang tiwaling pamahalaan na halos nakaukit na at tila isang di-mababagong kalakaran. Ang mga patuloy na imbestigasyon sa Kongreso, halimbawa, na nagbubunyag sa katiwalian ng mga opisyal, na kung saan ang salaysay ay nauuwi sa pakikinabang ng kanilang mga mahal sa buhay sa kanilang pag-abuso ng kanilang mga katungkulan, ay may kaakibat na panganib. Ito ay nauuwi sa nakalulungkot na representasyon o pagsasalarawan na kung saan naiguguhit na tila likas na sa kalakarang Pilipino ang katiwalian. Sa ganitong pananaw na kung saan talamak ang mga karanasan at salaysay ng isang tiwaling pulitika sa bansa, na lalo pang pinaigting ng kultura ng walang habas na pangungulimbat at lantarang kakapalan ng mukha na nakita sa isyu ng Priority Development Assistance Fund (PDAF), hindi malayo na madaling maiugnay sa mga popular na pagsasalarawan ng “pulitikang Pinoy” ang di maayos na pagpapatakbo na kalimitan naisisisi ng mga Kanluraning dalubhasa sa di-umano’y pag-iral ng mga katutubong pag-uugali na ayon sa kanila ay salungat sa tinatakda ng mga Kanluraning disiplina ng Agham Pampulitika at Pamamahalang Administratibo.
Sa kolonyal na diskurso, ang pagpapahalaga sa kamag-anak, na isang katangiang dapat sana ay ginagantimpalaan, ay nabalutan ng negatibong representasyon. Ito ay nauwi, halimbawa, sa mapanlait na kahulugan na ibinigay sa “Kamag-anak, Inc.” na nagpapahiwatig ng di-pagtanggap sa lohiko ng pagpapahalaga sa pamilya at ang pag-alis sa likas na halaga nito sa larangan ng pamamahala. Hindi sa ipinagtatanggol ko ang mga tiwaling opisyal na ginamit ang mga posisyon nila upang biyayaan ang kanilang mga asawa, anak, kamag-anak, at kaibigan. Ang sinasabi ko lamang dito ay ang disartikulasyon o di-pagkatutugma ng kolonyal na diskurso ng burukrasya sa katutubong dalumat ng pakikitungo sa kapwa at sa pagbuo ng isang pamayanan. Ayon kay Leonardo Mercado:
…the Filipino is less-individualistic because he wants to be in harmony with his fellowmen… it is harmony which also explains the Filipino’s communitarian nature (Mercado 1974, 100).
Ito ay sinusugan pa ng resulta ng pag-aaral ni Celeste Botor (1997) na kakaiba sa Kanluraning pamamaraan ang umiiral sa Pilipinas, na nakikitang buhay na buhay sa mga lugar na malakas pa rin ang tradisyunal na mga kagawian. Sabi ni Botor:
…the infrastructure of traditions and customs found in rural areas relies on primary groups to solve individual problems, respect for social structure rather than personal achievement, and emphasis on primary group interest rather than on individual interest (Botor 1997, 36).
Sa isang kulturang ang popular na larangan ay dinilig ng mga simbolo ng pagkakawing-kawing na isinasalarawan sa diskurso ng “kapuso,” “kapamilya,” at “kapatid,” isang malaking palaisipan na dapat pag-aralan ng malalim ang sitwasyon kung paano sa larangan ng pamamahala, ang pagiging mabuting kapamilya, kapatid, at kapuso ay maaaring mauwi sa pagiging isa namang tiwaling opisyal sa pamahalaan. Ito ang trahedyang dulot ng pilit na paglukob sa ating kamalayan ng isang kolonyal na diskurso na iba ang lohiko sa pagpanday kung paano natin dapat ayusin ang ating mga sarili habang tayo ay bumubuo ng ating mga pamayanan, na ayon nga kay Fanon (1967), ay nauuwi sa isang naguguluhang kaisipan.
Kaugnay na rin dito ang pagtatangis ng mga Kanluraning dalubhasa sa Agham Pampulitika sa kawalan ng isang matatag na estado at matutuwid na pinuno sa ating bansa. Matagal na naging hulmahan ng pagbatikos ang “strong society-weak state” na argumento. Naging talamak ang paggamit ng mga salitang “dysfunction,” “corruption,” “democratic deficit,” “patron-client,” at kung anu-ano pa mula sa mga pag-aaral ng maraming dalubhasa sa Agham Pampulitika na karamihan ay mga dayuhan, na ang pinapahiwatig ay ang mga di-umano’y pagkukulang natin sa timbangan ng Kanluraning diskurso ng mabuting pamamahala (Doronilla 1985; Wurfel 1988; Hutchcroft 1991; Timberman 1991; Abinales 2008; Kasuya 2009; Carlos et al. 2010).
Napapanahon na upang baligtarin ang lohiko ng pagdalumat at tigilan na natin ang pagsisisi sa ating mga pagkukulang at simulan na ang pagbaling sa kabilang ibayo, at umuwi na tayo sa lugar at panahon na kung saan sapat at angkop sa ating napakaraming hulmahan ng pagkatao ang pagtatag natin ng ating kaayusan. Sisikapin kong ihayag na sa lugar at panahong ito, ang diwa ng pulitika ay hindi na matatagpuan sa proseso ng pamamahala ng isang pamahalaan, at sa halip ito ay nasa kadluan na ng “pagsasaayos” nating lahat sa ating napakaraming pamayanan.
MGA DAPAT MATUTUNAN
SA MGA KATUTUBONG PAGDALUMAT SA IBANG LARANGAN
Ang pagpunyagi upang hamunin ang kolonyal na mga diskursong akademiko ay hindi na bago sa Pilipinas, bagama’t ang mga ito ay nangyari sa ibang larangan sa Agham Panlipunan, at hindi pa sa Agham Pampulitika. Ang pagtatag ng mga katutubong naratibo ay bilang reaksyon sa malalim na pagkakaugat ng mga kolonyal na karunungan na may mga kaakibat na pag-aglahi sa mga lokal na karunungan at kagawian, na binalutan naman ng lehitimong anyo at pagkilala, bagkus isinalarawan pa na walang bahid pulitika, sa pagpapairal ng kaisipan at kaparaanang positibista. Sa mga kolonyal na pagsasalarawan, ang Pilipino ay tinuklas ng mga Kanluranin, at nilikha sa pamamagitan ng pagpapalayas sa kaibahang katutubo at sa pilit na pagpapalit dito ng mga makabagong anyo at kalakaran na nakita sa larangan ng pananampalataya at pamamahala. Pinalakas ito sa paglaganap ng mga porma ng karunungan na ang diwa at hulma ay galing sa kanluraning karanasan at pananaw.
Ayon kay Virgilio Enriquez (1992), mayroong dalawang uri ng pagsasakatutubo. Ang pagsasakatutubong mula sa labas ay nagsisimula sa panlabas o Kanluraning kultura, at maaaring makita sa pagsasakatutubo at pagbabago ng nilalaman ng mga Kanluraning dalumat, na maisasakatuparan halimbawa sa pamamagitan ng pagsasalin sa wikang sarili ng mga naisulat na sa wikang dayuhan. Subali’t para sa kanya, ito ay hindi sapat sapagkat ang pananaw na umiiral ay nagmumula pa rin sa panlabas na pagtingin. Ang mas malalim na pagsasakatutubo ay yung nagmumula sa loob, kung saan ang katutubong kultura ang siyang pinagkukuhanan ng mga konsepto, paraan, at dalumat. Ang layunin ng ganitong uri ng pagsasakatutubo ay ang makabuo ng mga bagong lapit at paraan sa pagdalumat sa larangan ng Agham Panlipunan at maging sa larangan ng mga Sining.
Sa ganitong paraan naiiba ang Pilipinolohiya sa “Philippine Studies” o Araling Pilipino. Ang huli ay isang uri ng pag-aaral mula sa labas, na kung saan ang karunungan ay pinapanday ng at para sa gamit ng mga tagalabas. Ang Pilipinolohiya ay mula sa loob, bilang isang sistematikong pag-aaral sa pagkatao, kultura, at lipunang Pilipino ayon sa mga paraan at kaisipang likas sa Pilipino. Ayon nga kay Prospero Covar (1981), ang Pilipinolohiya ay ang pag-aaral sa mundo ng mga Pilipino, sa Pagkapilipino, at sa iba’t ibang paraan ng pagiging Pilipino. Upang ito ay maisakatuparan, kailangang gamitin ang wika na kung saan ang kulturang Pilipino ay nakahulma at nabubuhay. Bagama’t may layong magsakatutubo, bukas ang Pilipinolohiya sa isang kritikal na pagtanggap sa mga Kanluraning konsepto at teorya at sa pagsasakatutubo at pag-aangkop sa kanila sa konteksto ng kulturang Pilipino.
Napapaloob din sa pagsasakatutubo kung paano itinatag ni Enriquez (1992) ang Sikolohiyang Pilipino (SP) na naglayong hamunin ang pagpanggap ng Kanluraning disiplina ng Sikolohiya bilang isang diumano’y neutral na larangan at walang pagkiling sa anumang pananaw sa mundo. Inilahad ni Enriquez ang katotohanang ang Sikolohiya ay nakabalot sa Kanluraning pagdalumat at ito ay nakaugat naman sa pagpakilos ng kapangyarihang pilit itinatago sa maskara ng positibistang pagdalumat. Hindi tuluyang ibinasura ng SP ang pag-angkin ng Kanluraning Sikolohiya sa isang unibersal at malawakang gamit, at kinilala pa rin itong mahalagang batayan sa kros-katutubong pananaw o mga katututubong perspektibo sa mundo. Subali’t inilahad nito ang paniniwala na mas may saysay sa karanasan ng mga Pilipino ang isang uri ng Sikolohiya na kumikilala sa ating mga kakanyahan. Upang maisagawa ito, hinimok ng SP ang pagtalikod sa nakagisnan nang pagsamba sa mga Kanluraning paraan ng pagtuklas at pag-aaral ng mga dalubhasang dayuhan, at ang pagtuon sa mga sariling salaysay at kaisipan hindi lamang ng mga lokal na dalubhasa kundi pati na rin ng mga pangkaraniwang tao. Bagama’t hindi ganap na tinalikuran ang mahahalagang kontribusyon ng Kanluraning disiplina ng Sikolohiya, mahigpit na niyakap ng SP ang isang makabayang lapit sa pamamagitan ng paggamit ng Pilipino bilang wika sa pakikipagtalastasan, pagtuturo, at pananaliksik. Pinalakas din nito ang pagpapalaganap at pagpapayaman ng mga katutubong dalumat at paraan sa pagtuklas at pananaliksik na nakatuon sa mga katutubong pananaw sa mundo.
Ang pinakasentrong dalumat ng SP, ayon pa kay Enriquez (1992), ay ang konsepto ng “kapwa” na siyang nagsisilbing pangunahing hibla na nagtatahi sa pagbuo ng ugnayan sa pagitan ng mga tao hindi lamang sa mga di-iba sa kanila kundi maging sa mga iba sa kanila. Malinaw sa dalumat ng SP na bagama’t mas malalim ang ugnayan sa pagitan ng mga di-ibang tao, na nakikita sa pakikipagpalagayang-loob, pakikisangkot, at pakikipagkaisa, ang pakikipag-ugnayan sa mga ibang tao ay balot pa rin ng diwa ng pakikipag-kapwa. Ayon kay Enriquez (1992), ang likas na pakikipag-ugnayan sa ibang tao ay nakikita kung paano tayo nakikitungo, nakikisalamuha, nakikilahok, nakikibagay, at nakikisama. Malinaw sa kaisipang ito ni Enriquez na kakaiba ang paraan kung paano tayo nakikipag-ugnayan sa iba (o “other”) sa atin kung ihahambing sa Kanluraning ontolohiya na kung saan pangunahing salaysay ang subordinasyon at paglukob sa “other” o kaibahan. Litaw rin sa SP ang mga konsepto ng “pakikiramdam,” kung saan ginagamit natin ang “damdam” bilang pangunahing gabay sa pakikitungo sa ibang tao at ang “kagandahang loob” na siya namang umiiral na pamantayan sa pakikipag-ugnayan sa ibang tao sa panahon ng kanilang pangangailangan.
Isa sa mga paraan kung paano nawalan ng saysay ang mga katutubong naratibo ay sa pamamagitan ng isang uri ng kasaysayan na sinulat sa pananaw ng mga dayuhan at ng mga elitista. Ayon kay Fanon (1963), ang proseso ng dekolonisasyon, o ang paglaban sa kolonyalismo ay nangangailangan ng pagbawi ng mga kolonisado sa kanilang kasaysayan mula sa mga negatibo at di-makatotohanang pagsasalarawan nito sa kamay ng mga kolonyalista. Sentral sa argumento ni Fanon na hindi sapat na palitan lamang ng mga katutubo ang mga mananakop. Sa halip, ang kailangan ay ang pagpanday ng mga makabagong lente at kaparaanan na tunay na magsasalarawan ng katutubong kaayusan.
Ang pantayong pananaw sa kasaysayan, sa pangunguna ni Zeus Salazar (1991), ay sumang-ayon sa ganitong lapit, bagama’t mismong si Salazar ay tumututol na bansagan ito na isang postkolonyal na diskurso. Inadhika ng pantayong pananaw na maipanday ang isang talastasang bayan sa kabihasnan tungo sa pagtatag ng isang kabuuan na sinusuhayan ng isang matatag at malawakang pag-unawa sa kasaysayang isinulat ayon sa katutubong lente at pagdalumat. Nakaugat sa pulitika ng pagkatao ang pantayong pananaw, bilang pamalit sa isang elitistang paraan, na ayon kay Salazar ay kaakibat ng isang “pangkaming” pananaw sa paglahad ng kasaysayan na binigyan ng buhay sa pamamagitan ng elitistang porma ng nasyonalismo. Sa “pangkaming” pananaw, patuloy na isinusulat ang kasaysayan ayon sa mga pamantayan ng mga dayuhang paglalahad, konteksto, at pananaw. Likas sa “kami” ang diwa na kung saan ang mga Pilipino ay kumakausap sa iba, na ayon kay Salazar ay ang mga dayuhang Kanluranin. Sa pantayong pananaw, litaw ang diwa ng “tayo” sa paraang ang mga Pilipino ay nakikipagtalastasan sa kapwa Pilipino, na kung saan gamit natin ang sarili nating wika, kaisipan, at dalumat.
Kinilala ng pantayong pananaw na isang hamon kung papaano bubuuin ang isang talastasang bayan sa mukha ng isang dambuhalang pagkakahating kultural (o “great cultural divide”). Sa isang panig ng pagkakahating ito matatagpuan ang mga elitistang Pilipino, kasama na ang mga intelektwal mula sa gitnang uri at mga teknokrat na hinubog ng mga kolonyal na karunungan mula sa mga Kanluraning disiplina, samantalang sa kabila naman ay ang masa na ang diskurso ay nahulma ng mga katutubong wika at may mga kamalayang malaya sa mga impluwensyang kolonyal (Maggay 1994, na sinangguni ni Mendoza 2002). Iniugnay ng mga tagapanalig ng pantayong pananaw ang una sa elitistang dalumat ng “nasyon” at ang ikalawa naman sa katutubong dalumat ng “bayan.” Ayon sa pantayong pananaw, magiging ganap lamang ang pagkakaroon ng talastasang bayan kapag ang elitistang nasyon ay magpapasakop sa katutubong puwersa ng bayan upang maitatag ang isang bansa. Para kay Salazar, bagama’t layunin ang mapagtagpo ang elitistang nasyon (na mas malapit sa estado at gobyerno) at ang bayan (na malapit naman sa pamahalaan gaya ng Haring Bayan na tinukoy ni Andres Bonifacio), ang pagtatag ng bansa ay mas nakabatay sa mga bayan, na kanyang tinukoy na banua o banwa (Salazar 2006).
ANG TUGON SA POSTMODERNONG HAMON
Makapangyarihan ang mga katutubong dalumat na pinanday ng mga tagapanalig ng Pilipinolohiya, SP, at pantayong pananaw. Hitik sa kritikal na salik ang mga ito kung susuriin sa konteksto ng araling kultural (o “culture studies”). Subali’t ang pagtawid ng mga ito mula sa larangang teoretikal tungo sa pagiging mga praktikal na sandata upang tuwirang sagupain ang gahum ng modernista at Kanluraning karunungan sa panahong postkolonyal ay nahaharap sa isang malaking hamon. Ito ay sa kadahilanang ang tila esensyalismong nakapaloob sa mga dalumat ng SP at pantayong pananaw ay dapat buhayin at magkamit ng saysay sa konteksto ng kasalukuyang lipunang Pilipino na binubuo ng napakarami at hindi lamang ng iisang salaysay. Hindi naging ganap ang pagtatag ng kabansaan, maging ito man ay sa pananaw ng mga elitista sa nasyon, o maging ito ay sa pananaw ng mga puwersa ng bayan. Hindi rin gaano katingkad ang dapat sana ay dambuhalang pagkakahating kultural, sa kadahilanang mahirap nang makakita ng purong “bayan” na walang bahid ng kolonisasyon. Talamak ang pagkataong di-puro o di-lantay (o “hybridized”) maging sa mga pamayanang katutubo. Ang panahong ito, na kung tawagin sa Kanluraning diskurso, ay panahong postmoderno, ay hindi na lamang isang teoretikal na dalumat, kundi isa nang totoong panahon sa kasalukuyan.
Bagama’t ang dalumat na kaakibat ng postmodernismo ay pinanday ng mga dayuhan, ang mga pangunahing kaanyuan ng panahong ito—ang kawalan ng matatayog na salaysay, na maaaring makita sa kahinaan ng estado (Abinales 2008) at agham (Pertierra 2006), at ang pag-usbong ng malalakas na pamayanang bilang pangunahing lugar sa paghulma sa mga ugnayan ng mga tao sa kapwa tao, na kinilala maging ni Salazar (2006) sa kanyang dalumat ng “banwa/banua”—ay mga bagay na angking kakanyahan ng lipunang Pilipino. Bagama’t hindi nito pinapasubalian ang patuloy ring pag-okupa ng espasyo sa kamalayan ng bansa ng mga naratibo ng nasyonalismo, progreso, at pagsulong na nagsisilbing mga unibersal na diskurso, hindi maiiwasang makita na ang mga ito ay humaharap sa krisis. Patunay rito ay ang patuloy na pag-aaway tungkol sa wikang pambansa (San Juan 2008; Mendoza 2011) at ang pagpinta ng mga dalubhasa sa Agham Pampulitika sa kahinaan ng estado sa Pilipinas (Doronilla 1994; Montinola 1999; Abinales 2008).
Kaakibat din ng postmodernismo ang mahalagang papel na ginagampanan ng representasyon sa ugnayan ng mga tao, na kung saan ang mga modernong teknolohiya ng komunikasyon ay nagpabago hindi lamang sa pakikipagtalastasan kundi pati na rin sa pagbuo ng pagkatao (Pertierra 2006). Sa panahong ito, natitibag ang dapat sana ay malinaw na pinagkaiba ng katotohanan sa kathang-imahen o simbolo, isang sitwasyon na kung tawagin sa postmodernistang pagdalumat ay “simulasyon” (Baudrillard 1983). Nakatagos na sa araw-araw at pangkaraniwang buhay ng Pilipino ang mga di-tiyak at maramihang simulasyon. Sa panahong ito, maging ang matatayog na naratibo ng estado, nasyon, at pulitika ay gumuguho, at nagiging mga simulasyon na lamang at napapalitan ng mga kathang-imahen na tila mas nagiging makatotohanan na at patuloy na nakikita ng mamamayan sa pamamagitan ng telebisyon at iba pang daluyan ng mass media. Sa pananaw ng ordinaryong mamamayan, ang pulitika ay nagiging isa na lamang na palabas sa telebisyon, at lalo pang tumitingkad ang pagkawala ng pinagkaiba ng katotohanan at kathang-imahen kapag ang tumatambad sa kanilang mukha ng pulitika ay ang mga artista na naging pulitiko, na sinasabayan naman ng mga pulitiko na para na ring mga artista kung kumilos.
Bilang isang mag-aaral ng Agham Panlipunan, pangangatawanan ko nang mariin na ang Pilipinas ay matagal nang postmoderno. Sa kontekstong ito dapat ilugar ang pagpanday ng dalumat na makabuluhan sa larangang ng pulitika, lalo na at kapansin-pansin ang kawalan ng konsepto ng estado sa tatlong nabanggit ko nang pagsasakatutubo ng pagdalumat. Bagama’t binigyan ng pansin sa pantayong pananaw ang mga konsepto ng elitistang nasyon at katutubong bayan, ang kawalan ng pagdalumat sa konsepto ng estado ay isang malinaw na patunay na maaaring wala tayong malay sa totalisasyon ng kapangyarihan, at ang ating pinag-uukulan ng pansin ay ang pagsasakatuparan ng mga panglokal na kaayusan at ugnayan. Dito makabuluhan ang dinalumat ni Salazar (2006) na konsepto ng “banua/banwa.” Gaya na nga ng nabanggit ko na, bagama’t mariing isinusulong ni Salazar ang adhikaing maitatag ang isang bansa sa pamamagitan ng pag-iisa ng bayan, kanya namang kinilala ang hindi lamang iisa, bagama’t magkakaugnay na mga “banua/banwa” na ayon sa kanya ay pinakasimula at pinakabatayan ng Kapilipinuhan, bilang “madamdamin at malalim na konsepto ng pamumuhay at pagsasama-sama bilang komunidad hindi lamang ng mga tao kundi ng kabathalaan, mga anito, at ibang naninirahan/gumagala sa kalawakan” (Salazar 2006, 163). Sa pagtukoy ni Salazar sa pagbuo ng bansa, kanyang pinahalagahan ang pagkilala sa “banua/banwa.” Bagama’t nasa gitna ng kanyang pagdalumat ang pag-iisa ng diwa ng pagbuo ng bansa mula sa bayan na nakabatay ba “banua/banwa,” hindi ko nababasa kay Salazar na ang prosesong ito ay nangangailangan ng isang matayog na estado o pamahalaan, lalo na kung ito ay may porma na hinubog ng kolonyal na diskurso. Ang nasa gitna ng dalumat ni Salazar ay ang ugnayan sa bayan at hindi ang porma ng pamunuan. Sabi nga niya:
Banua ang Bayan sa malalim na nakalipas at kung tutuusin, para sa marami pa sa kasalukuyan; Bansa itong magiging bilang inaadhikang kinabukasan para sa buong Kapilipinuhan. Kung walang Banua sa kabuuran hindi matatamo ang Bayan—lalo’t higit, dahil sa pagkawala ng kaelitan sa nasyon—ang Bansa (Salazar 2006, 165).
Sa konteksyong ito, maaari pa nga nating sabihing ang diwa ng pagbuo ng kabuuan ay hindi nakasentro sa itaas bagkus ito ay nakaugat sa matibay na ugnayan sa pamayanan. Dito nagiging mahalaga ang gamit ng “kapwa” at “pakikipagkapwa,” bilang mga konseptong nabibigyang-buhay sa isang mas malalim na pagtingin sa pang-araw-araw na ugnayan ng mamamayan, at hindi sa mga proseso at istruktura na kaakibat sa pagtatag at pananatili ng estado, na ang pangunahing lohiko naman ay nakahulma sa usapin ng pagkontrola, pagrasyonalisa, at pagpapareho ng kaibahan na kaakibat ng proseso ng simplikasyon at homogenisasyon, na siyang naging pangunahing proyekto ng mga kolonyal na puwersa ng pagtatag ng estado-nasyon. Sa halip, ang konsepto ng kapwa ay nakaukit sa pagtangkilik sa pagkakaiba-iba, at hindi sa pagpapareho, at hindi layunin ng pagpapairal ng kapwa na gawing katulad ang iba, at sa halip ay kilalanin ang mga ito na may angking kakanyahan na dapat igalang kahit iba. Sa dakong huli, ito ay marahil sa kadahilanang ang pananaw sa mundo ng Pilipino ay mas angkop sa lokal at pang-araw-araw, at hindi sa matatayog na salaysay ng estado at kasaysayan. Dito sa mga dalumat na ito bubuuin ko ang konsepto ng “pagsasaayos” bilang panimulang dalumat sa isang pangunahing prosesong pulitikal.
ANG KONSEPTO NG “PAGSASAAYOS”
Karamihan sa dayuhang pagdalumat sa proseso ng pagtatag ng nasyon ay nakatuon sa layuning magkaroon ng iisang kolektibong identidad ang isang bansa. Sa paraang ito, ang lohiko ng proseso ay nagiging isang tunggalian na kung saan may umuusbong na dominanteng uri o lahi na siyang nagkakaroon ng kapangyarihang magdikta. Sa ganitong kalakaran, ang proseso ng pagtatag ng nasyon o kabansaan ay patungo sa pagwalis ng mga kaibahang banta o kaya ay mahina. Ang pagtingin sa kaibahan ay bilang isang panganib na dapat pasukuin, o kaya ay mahinang puwersa na dapat alisin. Ang lohikong ito ay di katanggap-tanggap sa katutubong konsepto ng pagtatag ng pamayanan at kaayusan, na kung saan ang kaibahan ay nakikita sa konteksto ng kapwa, na maaaring makita sa pakikipagkapwa hindi lamang sa di-ibang tao, kundi maging sa ibang tao.
Ang patunay nito ay kung paano nilaro ng mga kalahok, tinanggap ng manonood, at pinakita ng mga prodyuser ang reality game show na “Survivor Philippines” sa unang beses nitong pagtatanghal sa telebisyon na kung saan ang isang birtwal na komunidad ay inaasahan sanang kumikilos ayon sa lohiko ng “survival of the fittest” na siya namang kapantay na lohiko ng Kanluraning pagdalumat sa pagtatag ng nasyon at estado (Contreras 2010). Kakaiba ang naging reaksyon ng mga Pilipinong manlalaro, manonood, at maging ng mga prodyuser kung ihahambing natin sa Kanluraning kaparaanan na kung saan ang pagiging tuso, ganid, at makasarili na likas sa laro ay tanggap ng manonood at pinalilitaw ng mga prodyuser sa mga imaheng nakikita sa palabas. Sa bersyong Pilipino, kinakitaan ng pag-aangkop hindi lamang ng mga manlalaro, kundi pati na rin ng prodyuser at editor, na bigyan ng tatak “Pinoy” ang palabas, marahil dahil na rin ito sa matingkad at kakaibang reaksyon ng mga manonood na kung saan ang likas na lohiko ng laro ay tinutulan. Kahit na di maiiwasang laruin ang laro ayon sa lohiko nito, mas maraming pinalitaw na ugali ng pakikipagkapwa ang bersyong lokal kung ihahambing sa bersyon ng dayuhan. Sa parte ng manlalaro nakita ang pagdalamhati sa proseso ng pagtanggal ng kasapi sa panahong ang tribo ay natalo sa isang tunggalian, bilang pagsasalarawan ng kultura ng damayan at “walang iwanan” sa panahon ng krisis. Lumitaw rin ang pakikipag-ugnayan na parang pamilya sa kapwa manlalaro, kahit na nga ang mga ito ay di pa lubos na kakilala, o sa konteksto ng larong ito ay mga katunggali pa nga sa pagkamit ng tatlong milyong piso. Sa parte ng manonood, naging pangunahing reaksyon ang pagpugay sa mga manlalarong mabuti ang kalooban at etikal ang istratehiya, at pagkondena sa mga manlalarong masasama ang pinakita. Sa parte ng prodyuser at editor, lumitaw ang pagpapakita sa masasayang bahagi ng buhay at ang paglagay ng tatak “Pinoy” sa palabas, kahit na ito ay kinukutya ng mga manonood na makakanluranin ang pag-iisip.
Maliban sa pagtangkilik sa isang teorya ng pagbubuo ng nasyon na nakabase sa tila baga “survival of the fittest” na lohiko, ang isa pang angking kakanyahan ng Kanluraning Agham Pampulitika ay ang tradisyunal na tuon ng mga kasalukuyang pagdalumat sa pulitika sa “itaas,” o sa larangan ng pamumuno. Litaw rito ang mga konsepto ng pamahalaan (“government”), pangasiwaan (“administration” o “management”), at pamunuan (“leadership”) bilang mahahalagang pundasyon sa pagtatag ng kaayusang panlipunan (“social order”). Sa kalaunan, at sa Kanluraning pagdalumat, lumitaw ang pagtuon sa pamayanan at sa palahukang sistema ng pagpapanatili ng kaayusang panlipunan bilang isa na lamang reaksyon sa mga pagkukulang ng pamahalaan, at sa mga limitasyon nito na tugunan ang mga hamong kaakibat ng kaunlaran. Dito nagsimulang gamitin ang salitang “governance” bilang ibang konsepto sa “governing,” na kung saan ang huli ay sumasangkot lang sa pamahalaan (itaas) samantalang ang una ay may layuning maisama pati ang pamayanan sa pagtatag ng kaayusan sa lipunan.
Nagiging usapin ang salin ng salitang “governance” sa wikang Filipino sa kadahilanang malimit gamitin ang “pamamahala” bilang direktang salin, samantalang ang nasabing salita ay salin din ng “governing” na kung saan ang “pamahalaan” nga ay salin ng “government.” Nais kong ipanukala na mayroong katumbas ang “governance” sa kamalayang Pilipino na higit pa rito kung tutuusin, at ito ay ang konsepto ng “pagsasaayos.” Kaiba sa “governance” na isang konseptong sintetiko, ang “pagsasaayos” ay hindi isang imbensyon o likhang-isip lamang, kundi isang konseptong nakaugat na sa kamalayang Pilipino, may sariling diwa, at hindi lamang malayang salin ng salitang “governance.” Kung susuriin ang pinagmulan nito, ang salitang “governance” ay nilikha ng Kanluraning pagdalumat upang maiba sa “government.” Ito ay isang sintetikong konsepto na nabigyang-kahulugan lamang sa kamalayan ng mga dalubhasa sa akademya at sa mga sangkot sa usaping pangkaunlaran, subali’t hindi ito organikong nakalugar sa pang-araw-araw na imahenasyon at gamit ng mamamayan.
Sa kabilang banda, ang “pagsasaayos” ay isang organikong salita na may saysay hindi lamang sa mga nasa itaas, kundi maging sa mga nasa ibaba at sa pangkaraniwan. Ang ugat na salita ng “pagsasaayos” ay “ayos,” na may dalawang uri ng kahulugan. Kung ito ay gagamitin bilang pangngalan, ito ay tumutukoy sa lagay o kalagayan, tayo o katayuan, paraan ng pagkakalatag, porma o kaanyuan. Kapag naman ito ay ginagamit bilang pang-uri, ito naman ay tumutukoy sa pagiging bagay, tama, husto o kasya. Ang “pagsasaayos” ay katulad ng “pag-ayos” na ang ibig sabihin ay ang paglagay sa tamang pagkakalatag, o ang pagtatag at pagpapanatili ng kaayusan (o “order”). Ang resulta ng proseso ng “pagsasaayos” ay isang mabuti at tamang kalakaran o kalagayan.
Ang isang angking kapangyarihan ng konsepto ng “pagsasaayos,” kung ihahambing sa pamamahala, na umuusbong sa di nito paglagay sa pamahalaan bilang sentro ng pagdalumat, ay ang mas malawak nitong sakop at kahulugan sa konteksto ng pagsagupa sa katiwalian, o mga bagay na hindi maayos. Isang malaking usapin sa Kanluraning Agham Pampulitika, at sa kaugnay nitong disiplinang Administrasyon at Pamamahalang Pampubliko kung papaano isakatuparan ang mabuting pamamahala (o “good governance”) kung ang pamahalaan mismo ang tiwali. Sa madaling salita, kinilala mismo sa mga disiplinang ito na bagama’t may matuwid na pamamahala, ang higit na nakakabagabag ay ang tiwaling pamamahala. Kaya nga kailangan pa ng pang-uring “good” ang proseso ng “governance” sa kadahilanang ito. Hindi ito matatagpuan sa konsepto ng “pagsasaayos,” na kung saan likas na ang katwiran, at isang malaking kabalintunaan ang katagang “masama” o “maling” “pagsasaayos.” Kaya nga “pagsasaayos,” kasi tama at mabuti. Sa usaping ito, maging ang pamamahala ay nagiging larangang ng “pagsasaayos,” lalo na kung ito ay hindi matuwid.
Likas din sa “pagsasaayos” ang pagkakaugnay sa dalumat ng katarungan, na binigyang-kahulugan ng SP bilang isang kalagayang umiiral ang pagkapantay-pantay. Ang isang maayos na lipunan ay may katarungan, hindi lamang dahil sa pagkapantay-pantay ng lahat, kundi dahil ang bawa’t isa ay nasa isang maayos na kalagayan. Sa usaping ito, ang “pagsasaayos” ng lipunan ay hindi lamang tungo sa pagsulong at pag-unlad, subali’t ito rin ay para sa kapakanan ng lahat, at hindi lamang ng iilan. Hindi maayos ang pag-unlad kung ito ay hindi para sa lahat, at kung ito ay nakakasira halimbawa ng kalikasan, o kung nauuwi ito sa pagyurak sa karapatang pantao ng ilang mamamayan.
Ang paggamit ng “pagsasaayos” sa larangang panlipunan, o pamayanan, ay hitik sa katutubong diwa. Ang konsepto ng “pagsasaayos” ay ayon sa konsepto ng “kapwa,” sapagkat ito ay nabibigyan ng saysay sa mga ugnayan ng mga indibidwal na sama-samang kumikilos para ayusin ang isang sistemang pulitikal, at hindi sa pamamagitan ng mga herarkikal na ugnayan ng kapangyarihan na nagdidikta mula sa itaas, gamit ang awtoridad, upang mapanatili ang kaayusan. Ang pamamahala ay gawaing herarkikal na kung saan ang isang nasa itaas ay may kapangyarihan at awtoridad na mamahala. Sa kabilang banda, ang “pagsasaayos” ay isang gawaing kolektibo, bagama’t maaari rin itong maging herarkikal kung kinakailangan. Bilang karagdagan, ang “pagsasaayos” ay angkop sa diwa ng isang pamayanang ang likas na pagkakawing-kawing ay hindi nakaugat sa isang matatag na pamunuan, bagkus ito ay ginagabayan at pinagyayaman ng mga ordinaryong ugnayang sangkot sa pagtatag ng pamayanan.
Ang “pagsasaayos” ay walang likas na institusyon at ahensya sa itaas na may kapangyarihan, hindi katulad ng “pamamahala” na may “pamahalaan” at “tagapamahala” o ng “pangangasiwa” na may “pangasiwaan” at “tagapangasiwa” o ng “pamumuno” na may “pamunuan” at “pinuno.” Ang kawalan ng institusyon o ahensya sa itaas ay nagpapatingkad sa pagtuon sa proseso ng pag-aayos, at sa malawak na espasyo sa pamayanan para makasama, hindi lamang bilang mga obheto na dapat pamahalaan, o pangasiwaan, o pamunuan. Sa “pagsasaayos,” ang institusyon ay ang “kaayusan” mismo, at ang ahensya, ay ang “taga-ayos,” na kung sisipatin ang diwa ay walang angking likas na kapangyarihan mula sa itaas. Ang isang konsepto na maaaring maging kasama ng “pagsasaayos” ay ang konsepto ng “pag-ugnay” at ang ahensya nitong “tagapag-ugnay.” Ang isang taga-ayos ay masasabi pa ngang isang tagasilbi, at ang gawaing pag-ayos ay isang porma ng paninilbihan, na hindi mo masasabi na likas sa gawaing pamumuno, o pamamahala, o pangangasiwa. Kailangan pang gabayan ng isang etiko ng paninilbihan ang proseso ng pamamahala, na nakalahad sa kung tawagin natin ay “code and ethical standards of public officials,” at kailangan pang pairalin ang diskurso na ang “public office” ay “public trust” at dapat isadiwa rito ang paninilbihan. Sa proseso ng “pagsasaayos,” likas na sa kahulugan ng pagiging “taga-ayos” ang gawaing manilbihan para sa ikabubuti hindi lamang ng sarili kundi pati na ng iba.
Ang kagandahan pa ng konsepto ng “pagsasaayos” ay ang mayamang mga metapora at mga dalumat na nananahan sa mga katutubong kamalayan na maaaring gamitin sa pagpapalalim nito. Kahanay ng konsepto ng “kapwa” halimbawa ang napakayamang mga konsepto ng mga Teduray tungkol sa pagtatag ng kaayusan. Sa wikang Teduray, ang “kefiyo fedew,” na ang ugat ay ang salitang “kef” na ang ibig sabihin ay “yakap,” “fiyo” na ang kahulugan naman ay “mabuti/maganda” at ang “fedew” na tumutukoy sa “apdo” bilang katumbas ng “pagkatao,” ang katawagan nila sa isang kaayusang mabuti ang kalagayan dahil yumayakap sa pagkatao ang bawa’t mamamayan. Ang tawag pa nga ng mga Teduray sa kanilang mga hukuman ay “kefeduwan,” bilang isang institusyon na nagsasalarawan ng malalim na pakikipagkapwa, at maging ang sistemang pangkatarungan ay napapalooban ng pagyakap sa pagkatao ng kapwa (Schlegel 1998; Dumlao 2014).
Kung ilulugar natin ang pagdalumat sa ilang rehiyunal na wika, mas nagiging matingkad ang elemento ng kapwa at pamayanan. Halimbawa ay ang Bikolano, na kung saan ang katumbas na salin ng “pagsasaayos” ay “pagpapakarahay.” Ang ugat na salita ng “pagpakarahay” ay “rahay” na ang ibig sabihin ay “buti,” at ang “karahayan” ay “kabutihan.” Mangyari pa, ang “pagpapakarahay” ay nagkakaroon ng kahulugan na katumbas ng “pagsasaayos” kahit ito ay ginagamit din na katumbas ng “pagpapakabuti.” Sa madaling salita, ang “pagpapakarahay” ay higit pa sa “pagsasaayos,” sapagkat may kaakibat itong kahulugan ng pagpapakabuti, at hindi lamang kaayusan ng isang sistema ang tinutukoy, kundi maging ang papapanatili ng kabutihan sa/ng sistema. Ganito rin ang sa Cebuano, na kung saan ang isa sa mga katumbas ng “pagsasaayos” ay ang “pag-aayo,” at ang kahulugan ng “ayo” ay “buti” rin.
Lalong tumitingkad ang kapangyarihan ng “pagsasaayos” bilang isang postkolonyal na dalumat na nagpapahalaga sa pamayanan at pakikipagkapwa kung susuriin naman ang salin ng “government” sa mga wikang katutubo sa Pilipinas. Gamit ang onlayn na talasalitaang Ingles-Tagalog, Ingles-Cebuano, Ingles-Waray, Ingles-Hiligaynon, at Ingles-Ilokano, makikita na talamak ang pagtukoy sa “gobyerno” bilang isang salin ng “government” na hindi naman katutubo, bagkus ay halaw sa wikang Español. Gayunpaman, may mga ginagamit na salitang katutubo na tumutukoy sa gobyerno, kagaya na “pamahalaan” sa Tagalog, “kagamhan” o “pangagamhan” sa Cebuano, “punuan” sa Waray, at “panguluhan” sa Hiligaynon. Sa Ilokano, mas espisipikong tinutukoy ang antas ng gobyerno sapagkat ang salin ng “government” ay “pangulo ti probinsya” o “pangulo ti Pilipinas” (The Filipino.com 2014). Malinaw na sa mga salitang ito, ang lohiko ng pamahalaan maging sa salin ng “government” sa mga wikang sarili ay naisasalarawan pa rin sa pamunuan o sa itaas, at sa kapangyarihan (kagaya ng “gahum” sa Cebuano na ugat na salita ng “kagamhan” o “pangagamhan” na ang ibig sabihin ay kapangyarihan) ng mga tao o institusyong nasa poder. Kakaiba ito sa diwa ng “pagsasaayos” na walang likas na sentro, o itaas.
Dito lalong lumilitaw ang kawalan ng organikong pundasyon ng konsepto ng estado o ng gobyerno sa mga kamalayang katutubo, isang bagay na hitik naman ang konsepto ng “pagsasaayos” at ang mga katumbas nito sa iba pang wikang katutubo. Malinaw na nakaugat sa kamalayang katutubo ang salitang “ayos” o “ayo” sapagkat ang mga ito ay nabanggit na sa mga naunang talasalitaang ginawa ng mga Español sa mga wikang katutubo. Patunay nito ay ang “ayos” ay matatagpuan sa pahina 20 ng Vocabulario de la Lengua Tagala (Noceda at Sanlucar 1860) samantalang ang “ayo” naman ay matatagpuan sa pahina 24 ng Diccionario Bisaya-Espanol (Encarnacion 1851).
ISANG KONGKRETONG HALIMBAWA:
ANG PAG-UUGALING PILIPINO PATUNGKOL SA TRAPIKO
Bilang isang nagmamaneho, araw-araw kong binubuno ang masalimuot na trapiko sa mga lansangan sa Metro Manila. At sa paghananap ko ng isang empirikal na pagpapatotoo ng kakaibang paraan kung paano natin isinasaayos ang ating mga sarili ayon sa ating mga likas na kaparaanan, natagpuan ko ang isang mayamang halimbawa sa pag-uugali nating mga Pilipiino sa lansangan habang tayo ay nagmamaneho. Sa isang dayuhang lente, walang disiplina ang mga Pilipino at malimit hindi sundin ang mga batas trapiko, tulad ng pagsignal kapag magpapalit ng lane, o kaya ay ang pagtingin sa likuran bago gawin ito, na siyang pinapairal sa ibang bansa. Kasama na rin dito ang hindi pagsunod sa mga ilaw pantrapiko, o ang hindi pagsunod sa mga guhit sa daan, na nakikita nga sa parang magulong sitwasyon na maraming sasakyan ang nagsisiksikan sa lansangan. Sa mata ng Kanluranin, ang lumilitaw ay isang magulong sistema na bunsod ng kawalan ng kaayusan.
Subali’t ang payak kong etnograpiya, bilang isang kasangkot sa karanasang ito, na nahalaw ko rin mula sa isang penomenolohikal na pagdalumat mula sa mga datos na nakalap ko ay nagluwal ng isang napakainteresanteng patunay na may kakaiba tayong kaparaanan sa “pagsasaayos” na nakabatay hindi sa institusyon ng estado, at sa halip ay nagsasalarawan ng malakas na daloy ng pakikipagkapwa. Ang mga datos na ito ay hindi lamang mula sa aking personal na karanasan kundi pati na rin sa mga naririnig kong diskurso, at sa nakikita kong pag-uugali ng mga kapwa ko drayber.
Malinaw na sa lansangan, ang batas trapiko, ang mga ilaw pantrapiko, at ang mga nagpapatupad nitong mga opisyal ay kumakatawan sa estado. Sa halip na ang mga ito ang pinagkukunan ng kaayusan, malinaw na ang mga drayber ay umaasa sa pakikiramdam at bigayan bilang mga pangunahing batayan kung paano kikilos. Hindi na kailangang lumingon sa likod ang isang drayber upang lumipat ng lane dahil umaasa siya na ang drayber sa likod niya ay makikiramdam sa kanyang galaw. Sa isang masikip na interseksyon, ang diwa ng pagsasaayos na nakikita sa maayos na daloy ng trapiko ay batay sa antas ng pagbibigayan at pakikipagkapwa na umiiral, at hindi sa presensya ng mga ilaw pantrapiko, o kaya ng mga tagapagpasunod ng batas trapiko. Mas malimit pa ngang maririnig sa mga drayber na isinisisi sa ilaw pantrapiko o sa mga ahenteng nagpapatupad sa batas trapiko ang paninikip at pagbagal ng daloy nito. At higit sa lahat, ang kawalan ng pagbibigayan ang mas nakikitang dahilan ng paninikip sa lansangan, at hindi ang di pagsunod sa mga batas trapiko.
Malinaw sa simpleng etnograpiyang ito ang patunay na mas malakas ang paggamit sa mga konsepto ng pakikipagkapwa at pagbibigayan bilang mga batayan ng “pagsasaayos,” sa halip na ang pormal na mga simbolo at ahente na kumakatawan naman sa estado.
MGA IMPLIKASYON SA PAGDALUMAT PULITIKAL
Ang konsepto ng “pagsasaayos” ay nagpapalitaw ng maraming usapin na maaaring magpabago sa kaparaanan kung papaano natin inaaral at dinadalumat ang mga ugnayan ng kapangyarihan sa Pilipinas. Ang pagkilala sa “pagsasaayos” bilang pangunahing prosesong pulitikal ay angkop sa mga sitwasyong ang ugnayan ng kapangyarihan na kumikilos sa konteksto ng pagbubuo ng pamayanan ay nagmumula sa iba’t ibang katayuan at pagkatao. Dito nagiging matingkad ang pagiging totoo, at hindi lamang kathang-isip, ng konsepto ng kapwa, lalo pa’t ang kaibahan na nakikita sa pakikipag-ugnay sa mga ibang tao ay hindi balakid sa pagbubuo ng pamayanan, bagkus ito ay nagbibigay ng pagkakataon na pairalin ang pakikipagkapwa.
Sa mas mataas na antas ng pagdalumat, lalong tumitingkad ang patunay na hindi likas sa kamalayan ng Pilipino ang konsepto ng estado (“state”) o nasyon o kabansaan (“nation”) na kung saan mayroong puwersang tumutulak sa pag-iisa ng identidad na siya namang tumutulak upang ang kaibahan, lalo na kung ito ay mahina o kaya ay banta, ay tingnan bilang isang bagay na dapat alisin. Bagkus, mas lantay sa ating pananaw sa mundo ang komunidad o pamayanan (“community”) na kung saan ang pagpapanatili ng kaibahan at pakikibagay na ayon sa konsepto ng pakikipagkapwa ay mas likas. Ang konsepto ng “pagsasaayos” ay mas angkop na proseso sa pagpapanatili ng kaayusan sa lipunan sapagkat ito ang kumakatawan sa diwa ng kapwa at pakikipagkapwa.
Nakalugar ang kaayusang ito hindi sa estado o pamahalaan kundi sa pamayanan, o kung sa dalumat ni Salazar (2006), sa maraming bakas ng “banua/banwa.” Ito ang pinaghuhugutan ng lakas ng kung tawagin natin ay “civil society.” Dahil dito kaya hindi ngayon nakapagtataka kung bakit ang Pilipinas ay kinikilala bilang isang bansang malakas ang mga puwersa ng pamayanan, hindi lamang sa mga batayang sektor, kundi pati na rin sa mga tagapag-ugnay na mga organisasyon katulad ng mga non-government organization (NGO) at people’s organization (PO) (Coronel-Ferrer 1998).
Subali’t ang isang dapat pagtuunan ng pansin ay ang katotohanang bagama’t ang “pagsasaayos” ay isang alternatibong paraan sa pagbuo ng pamayanan, hindi na rin natin maiiwasan ang kapangyarihan ng estado. Ang una rito ay ang kilalanin na bagama’t matingkad ang lohiko ng pagsasaayos sa maliliit, lokal, at espisipikong mga pagkakataon, isang malaking hamon kung paano ito magkakaroon ng hugis at anyo kapag nagsimula nang lumaki ang usapin. Ayon nga kay John Gowdy (1998), lahat ng populasyon sa mundo ay may pananaw na nakatuon sa pang-araw-araw at hindi sa matatayog na salaysay, at ito ay nagbago lamang sa panahon pagkatapos ng rebolusyong Neolitiko. Ang ikalawang dapat kilalanin ay kung paano pagtatagniin ang herarkikal na ugnayang likas sa estado at ang kakaibang konsepto ng “pagsasaayos,” lalo na at, ayon nga kay James Scott (1998), may angking kakayahan ang estado na lukuban ang mga lokal na proseso.
Bagama’t isang malaking hamon ito, ang nakikita kong lugar na puwedeng pagsimulan para mahanap ang lohiko ng pagsasanib, ay kung paano ang “pagsasaayos” ay dumadaloy maging sa mga prosesong napapaloob sa estado. Sa madaling salita, kailangang tingnan ang mga pagkakataon kung saan ang diwa ng “pagsasaayos” ay hindi na lamang nananahan sa mga lokal na pamayanan, kundi pati na rin mismo sa mga proseso at organisasyong sakop ng estado. Ang mga pagkilos sa loob ng pamahalaan, at sa iba’t ibang sangay nito, at sa mga pormal at impormal na proseso ng pulitika sa tradisyunal at estatista nitong kaanyuan ay maaaring nagiging daluyan na rin ng “pagsasaayos” na hindi naaayon sa pagkilos ng diwa ng batas, at sa halip ay nagiging kadluan ng diwa ng pakikipagkapwa at pakikiramdam. Sa ganitong kaayusan, ang lohiko ng isang pamayanan ay maaaring nakikita na rin mismo sa loob ng estado. Bagama’t ayon nga kay Scott (1998), may angking kakayahan ang estadong lusawin ang mga elementong lokal at espisipiko, isang malaking usapin kung paano patuloy na nabubuhay ang tradisyong kaakibat ng pamayanan maging sa loob ng estado, dahil mahirap naman paniwalaan na total ang pagsakop ng estado at walang puwang na naiiwanan upang magkaroon man lamang ng bakas o lugar ang mga sistemang katutubo o nauna bago pa ang estado ay nabuo. Isa itong bagay na dapat pang saliksikin at alamin. At dito babalik ang usapin hindi lamang sa banggaan ng mga pamantayan ng estado, katulad ng impersonal at burukratisadong kaparaanan laban sa kulturang may pagkiling sa pamilya, kaibigan, at kababayan, kundi sa kung paano iniiba ng kulturang Pilipino ang mga kaparaanan sa loob ng estado o pamahalaan.
Dapat ipagpatuloy ang pagdalumat sa proseso ng “pagsasaayos” hindi lamang bilang isang postkolonyal na tugon sa gahum ng mga Kanluraning konsepto, pamantayan, at teorya na umiiral sa Agham Pampulitika, kundi bilang isa ring uri ng dalumat na bukas sa pagkilala sa mga angking postmodernong kakanyahan sa lipunan sa kasalukuyan. Bagama’t hindi pa rin dapat iwaksi ang adhikaing makabuo ng isang bayan ng mga Pilipino, ang dapat maging hamon sa ngayon ay kung papaano ito gagawin hindi lamang sa teoretikal na pagtingin, kundi maging sa makatotohanang pagdalumat. Nasa gitna nito ang usapin kung paano nilalaro ng mga Pilipino ang mga postkolonyal na diskurso ng pag-aangkop at paghahalo, lalo na sa sitwasyong malakas ang impluwensya hindi na ng mga bansang kolonyal, kundi ng mga diskursong mula sa labas na wala nang pinagmumulang mga bansa at mas higit na makapangyarihan kesa sa mga naunang porma ng kolonyalismo. Dapat ding suriin ang mga epekto sa pagkataong Pilipino ng mga umiiral na mga simulasyon sa larangan ng mass media, na siyang nagpaparami hindi lamang ng mga representasyon ng kaibahan, kundi pati na rin ng pinagkukunan ng katwiran at bait ng mga mamamayan sa panahon ng di-katiyakan at kalungkutan. Dito natin makikita ang kakayahan ng Pilipino na makibagay sa at mag-angkin ng kaibahan, hindi upang lukuban nito, kundi upang gamitin ito sa pagpapayaman ng kabuuan ng pamayanan at ng kaayusan nito. Nararapat ding pag-ibayuhin ang pagkilala mula sa kritikal na lente sa mga pagdalumat ng tagalabas at mula sa mga iba sa atin at kung papaano ito magagamit sa pagyabong ng mga naratibong katutubo.
Ang likas na pakikipagkapwa ng Pilipino ay nakita na sa kawalan ng karahasan sa EDSA at sa mga nakangiting mukha ng mga handang tumulong sa panahon ng pangangailangan na nakita hindi lamang sa panahon ng Ondoy at Yolanda kundi sa napakarami pang pagkakataong ang Pilipino ay nasa bingit ng trahedya. Ang mga ito ay hindi nangailangan ng matatayog na naratibo o salaysay ng estado o pamahalaan, bagkus ay humulagpos pa nga sa gapos ng mga institusyong ito upang maging kadluan ng “pagsasaayos” na sumakop sa poot na dapat sana ay mamayani sa mga taong inabuso ng diktadura, o kaya naman sa pait at kawalan ng pag-asa na dapat sana ay maramdaman ng mga pamilyang nawalan ng tahanan o kaya ng mga mahal sa buhay.
Subali’t hindi dapat isipin na ang “pagsasaayos” ay isang porma ng ideolohiya ng pananahimik o pagpapanatili ng gahum, na kung saan ang pakikipagkapwa na nakikita sa mga ngiti at pagtulong ay magiging lambong na tatakip sa mga mapaniil na ugnayan sa lipunan. Kaakibat ng dalumat ng “pagsasaayos” ang adhikaing ayusin ang lipunan. Ang katiwalian at kawalan ng katarungan ay isang kalagayang hindi ayon sa isang maayos na pamayanan. Ito ay kailangang ilagay sa kaayusan, bagama’t ang “pagsaaayos” ay hindi kailangang umaayon lamang sa dalumat ng mga Kanluraning konsepto ng paglaban, o sa matatayog na salaysay ng pag-aklas. Madaling sabihin na ang pananahimik ng mamamayan ay tanda ng pagtanggap at pagpayag sa umiiral na kalagayang pulitikal. Subali’t maaari rin itong makita bilang tanda ng di pagpansin, o kung sa wikang kanto, “pagdedma” sa isang sistemang kung susuriin ay hindi naman lehitimo o kaya naman ay walang saysay. Higit pa rito, ang di-pagpansin ay maaaring tanda na may iba pang pinagkukunan ng katinuan at kaayusan ang mamamayan.
Sa mga nangyayari sa ating bansa sa ngayon, mukhang wala sa pamahalaan, o sa mga pultiko ang diwa ng kaayusang panlipunan. Patuloy na nababagabag ang mga dalubhasang hinubog ng isang Kanluraning Agham Pampulitika sa tila kawalan ng isang maunlad na pulitika sa bansa, na nakikita sa mga litanya ng mga pagbatikos halimbawa sa di-umano’y kawalan ng matatag na sistema ng partido pulitikal, o ang pagboto hindi ayon sa isyu kundi ayon sa personalidad. Subali’t ang mga ito ay maaaring patunay lamang na hindi nakaugat sa kamalayan ang mga dalumat ng Kanluraning pulitika, bagkus ang mga ito ay walang saysay, o kaya naman ay hindi gamay, o kaya naman ay isa lamang manipestasyon ng pagbabagay ng isang Kanluraning salik sa daloy ng katutubong kagawian. Ang mga ito ay bunga ng katotohanang sa pananaw ng ordinaryong mamamayan, ang diwa ng pagtatag ng isang maayos na pamayanan ay hindi lamang dapat iasa sa pamahalaan o sa mga pulitiko. Sa payak na halimbawa ng kung paano tayo kumilos sa lansangan habang nagmamaneho ng ating mga sasakyan, nakita ang isang malinaw na halimbawa na magpapatunay kung saan nakaugat ang ating kaayusan. Ito ay natatagpuan sa pakikipagkapwa at pakikiramdam, sa pagbibigayan sa mga napakaraming lugar, sa bawa’t pamayanan, sa mga bakas ng “banua/banwa” na dapat galugarin natin sa lahat ng sulok ng ating pagkatao at pagkapamayanan, maging ito man ay sa mga bulwagan at tanggapan ng pamahalan, o sa bawa’t puso ng mga taong kahit di tiyak ang pamahalaan, ay may angking kakayahang sama-samang kumilos tungo sa “pagsasaayos” ng buhay, may pamahalaan man o wala.
Sanggunian
Abinales, P.N. (2008). The Philippines: Weak state, resilient president. Southeast Asian Affairs, 293-312.
Agpalo, R.E. (1969). Pandanggo-sa-ilaw: The politics of Occidental Mindoro. Ohio: Ohio University Center for International Studies.
Agpalo, R.E. (1981). The Philippines: From communal to societal pangulo regime. Philippine Law Journal, 56 (1), 56-98.
Alejo, A.E. (2000). Generating energies in Mount Apo: Cultural politics in a contested environment. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.
Alejo, M.J., M.E. P. Rivera, at N.I.P. Valencia (1996). [De]scribing elections: A study of elections in the life-world of San Isidro. Quezon City: Institute of Popular Democracy.
Baudrillard, J. (1983). Simulations. New York: Seimotext(e).
Botor, C.O. (1997). Essays in the philosophy of education. Manila: Rex Bookstore.
Cabochan, G.V. (pat.) (2012). Forging management excellence on the anvil of culture (Pananagutan, malasakit, bayanihan, pakikipagkapwa). Quezon City: Philippine Management Association of the Philippines at Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino.
Carlos, C.R., D.M. Lalata, D.C. Despi, at P.R. Carlos (2010). Democratic deficits in the Philippines: What is to be done? Quezon City: Center for Political and Democratic Reform.
Contreras, A.P. (2010). Building communities and simulating the nation: Politics of engaging the other in the first season of Survivor Philippines. Philippine Political Science Journal, 31 (54), 1-30.
Coronel-Ferrer, M. (pat.) (1998). Philippine democracy agenda; Volume 3; Civil society making civil society . Quezon City: University of the Philippines Third World Studies Center.
Covar, P.R. (1991). Pilipinolohiya. Nasa V.V. Bautista at R. Pe-Pua (mga pat.), Pilipinolohiya: Kasaysayan, pilosopiya, at pananaliksik. Manila: Kalikasan Press, 37-45.
De Certeau, M. (1984). The practice of everyday life. Tsln. S. Rendall. Berkeley: University of California Press.
Doronilla, A. (1985). The transformation of patron-client relations and its political consequences in postwar Philippines. Journal of Southeast Asian Studies, 16 (1), 99-116.
Doronilla, A. (1994). Reflections on a weak state and the dilemma of decentralization. Kasarinlan, 10 (1), 48-54.
Dumlao, E. (2014, Hunyo 17). Pagninilay: Bakit tutol ako sa CHED Memo 20. Nakuha noong Hunyo 20, 2014, mula sa Facebook: http://goo.gl/etRjxX.
Education for Life Foundation (ELF) (1997). LIDER; Pamunuang bayan: Karanasan, katanungan, at kinabukasan. Quezon City: Education for Life Foundation.
Encarnacion, J.F.dla. (1851). Diccionario Bisaya-Español. Manila: Tipografia de Amigos del Pais, 1885.
Enriquez, V.G. (1992). From colonial to liberation psychology; The Philippine experience. Quezon City: University of the Philippines Press.
Fanon, F. (1963). The wretched of the earth. Tsln. E. Farrington. New York: Grove Press.
Fanon, F. (1967). Black skin, white masks. Tsln. C. Markmann. New York: Grove Press.
Gowdy, J. (1998). Limited wants, unlimited means: A reader on hunter-gatherer economics and the environment. Washington, D.C.: Island Press.
Guillermo, R.G. (2009a). Pantayong pananaw and the history of Philippine political concepts. Kritika Kultura, 13, 107-118.
Guillermo, R.G. (2009b). Pook at paninindigan: Kritika ng Pantayong Pananaw. Quezon City: University of the Philippines Press.
Hutchcroft, P. (1991). Review: Oligarchs and cronies in the Philippine state: The politics of patrimonial plunder. World Politics, 43 (3), 414-450.
Jocano, F.L. (1990). Management by culture. Quezon City: Punlad Research House.
Kasuya, Y. (2009). Presidential bandwagon: Parties and party systems in the Philippines. Pasig City: Anvil Publishing, Inc.
Kerkvliet, B.J.T. (1991). Everyday politics in the Philippines: Class and status relations in a central Luzon village. Quezon City: New Day Publishers.
Kerkvliet, B.J.T. (1995). Toward a more comprehensive analysis of Philippine politics: Beyond the patron-client, factional framework. Journal of Southeast Asian Studies, 26, 401-419.
Lupdag, A.D. (1984). In search of Filipino leadership. Quezon City: New Day Publishers.
Lyotard, J.F. (1984). The postmodern condition: A report on knowledge. Manchester: Manchester University Press.
Maggay, M.P. (1994). Philippine country paper: Issue paper on social integration. Di-nalathalang papel, World Summit for Social Development, Copenhagen, Denmark.
Mendoza, S.L. (2002). Between the homeland and the diaspora: The politics of theorizing Filipino and Filipino American identities. New York at London: Routledge.
Mendoza, S.L. (2011). Ang usaping pang-wika sa bagong yugto ng pantayong pananaw: Ang panloob na hamon ng pluralismo. Social Science Diliman, 7 (1), 37-62.
Mercado, L.N. (1974). Elements of Filipino philosophy. Tacloban City: Divine Word Publications.
Montinola, G.R. (1999). Politicians, parties, and the persistence of weak states: Lessons from the Philippines. Development and Change, 30, 739-774.
Navarro, A.M. at F. Lagbao-Bolante (mga pat.) (2007). Mga babasahin sa agham panlipunang Pilipino: Sikolohiyang Pilipino, Pilipinolohiya, at pantayong pananaw. Quezon City: C & E Publishing Co.
Noceda, J.d. at P.d. Sanlucar (1860). Vocabulario de la lengua Tagala. Manila: Imprenta de Ramirez y Giraudier.
Pertierra, R. (2006). Transforming technologes, altered selves: Mobile phone and internet use in the Philippines. Manila: De La Salle University Press.
Salazar, Z.A. (1991). Ang pantayong pananaw bilang diskursong pangkabihasnan. Nasa V.V. Bautista at R. Pe-Pua (mga pat.), Pilipinolohiya: Kasaysayan, pilosopiya, at pananaliksik. Manila: Kalikasan Press, 37-45.
Salazar, Z.A. (2006). Ang Pilipinong banua/banwa sa mundong Melayo-Polynesiano. Quezon City: Palimbagan ng Lahi.
San Juan, E. (2008). Sneaking into the Philippines, along the rivers of Babylon: An intervention into the language question. Kritika Kultura, 11, 64-73.
Schlegel, S.A. (1998). Wisdom from a rainforest: The spiritual journey of an anthropologist. Athens, Georgia: University of Georgia Press.
Scott, J.C. (1998). Seeing like a state: How certain schemes to improve the human condition have failed. New Haven: Yale University Press.
Soon, C.Y. (2008). Politics from below: Culture, religion, and popular politics in Tanauan City, Batangas. Philippine Studies, 56 (4), 379-384.
Taguibao, J.G. (2013). Ang kapwa, loob, at ugnayang pulitikal ng pangulo at mamamayan batay sa pagsusuri ng mga talumpati ng pangulo mula 1986 hanggang 2013. DIWA E-Journal, 1 (1), 110-143.
The Filipino.com (2014). Filipino dictionary. Nakuha noong Hulyo 9, 2014, mula sa The Filipino.com Website: http://goo.gl/loCtI.
Thompson, M. (1995). The anti-Marcos struggle: Personalistic rule and democratic transition in the Philippines. New Haven: Yale University Press.
Timberman, D. (1991). A changeless land: Continuity and change in Philippine Politics. Singapore: Institute of Southeast Asian Studies.
Transparency International (2014). What is corruption perceptions index? Nakuha noong Hulyo 3, 2014, mula sa Transparency International Website: http://goo.gl/IfLXOM.
Wurfel, D. (1988). Filipino politics: Development and decay. Ithaca: Cornell University Press.
Yacat, J.A. (2013). Tungo sa mas mapagbuong sikolohiya: Hamon sa makabagong sikolohiyang Pilipino. Daluyan: Journal ng Wikang Filipino, 19 (2), 5-32.