[DIWA E-Journal Tomo 1, Bilang 1, Nobyembre 2013] Si Doc E, ang SP, at ang Pag-aaral ng Sikolohiya
Maria Theresa Ujano-Batangan, Ph.D.
Department of Psychology
University of the Philippines (UP), Diliman, Quezon City
Kapag naririnig ko ang katawagang Doc E, samu’t saring alaala at imahen ang pumapasok sa aking isipan. Maraming hindi malilimutang karanasan ang nakakabit sa pangalang ito mula sa mga panahon na ako ay estudyante hanggang ako ay maging guro sa Departamento ng Sikolohiya ng Unibersidad ng Pilipinas (UP). Mahirap isa-isahin lahat ito, kung kaya’t pagtutuunan ko ng pansin sa salaysay na ito ang ilan sa mahahalagang pananaw at pagpapahalagang natutunan ko mula sa kanya na humubog at umambag sa aking sariling pagtingin sa pag-aaral at pagtuturo ng sikolohiya.
Nasa ikalawang taon ako bilang estudyante ng sikolohiya sa UP nang makilala ko si Dr. Virgilio G. Enriquez, na mas kilala sa katawagang Doc E, ang kinikilalang Ama ng Sikolohiyang Pilipino. Hindi ko siya naging pormal na guro sa anumang asignatura sa departamento subalit naging di-pormal na tagapagturo siya ng mga mag-aaral ng sikolohiya sa panahong yun. Madalas siyang pumunta sa tambayan ng aming organisasyon (ang UP Bukluran sa Sikolohiyang Pilipino o Buklod-Isip) para makipagkuwentuhan at makipagtalastasan ukol sa mga nabubuo niyang kaisipan at katanungan. Madali siyang makausap, mahilig siyang makipagpalitan ng mga pananaw, at hindi siya mapanghusga sa mga nabubuong kaisipan. Nakatulong din nang malaki na palabati siya at masayang kausap. Ito ang dahilan kung bakit kahit na mga baguhan pa lang kami sa larangan ng sikolohiya, nagkalakas-loob na kaming makipagtalakayan sa kanya. Naging napakahalaga ng mga kaisipang nabuo mula sa mga impormal na usapang ito sa aming henerasyon ng mga mag-aaral.
Isa sa matitingkad na butil ng karunungang mula kay Doc E (para sa akin) ay ang malinaw na pagkiling niya sa pagsusulong ng sikolohiya na nagsasalamin ng kamalayang Pilipino. Itinakda rin niya na ang Sikolohiyang Pilipino o SP ay hindi mahihiwalay sa tunguhin ng isang malaya at mapagpalayang sikolohiya. Upang tunay na maunawaan ang kasalukuyan, mahalaga para sa kanya ang pag-uugat nito sa pagdaloy ng kasaysayan ang mga Pilipino. Inihanay niya ang pagyabong ng SP sa konteksto ng sikolohiya na critical, postcolonial, at liberational. Sa dekada ‘80 ang pagtinging ito ay lalo pang pinaigting ng pagkilala sa panlipunang pananagutan naming mga iskolar ng bayan, na pinatingkad ng mga kaganapan at tunggalian sa lipunan. Maraming pagkakataong tinalakay at binatikos ni Doc E ang pagtatalaga ng ating kasaysayan at namamayaning sistemang panlipunan upang hugutin at iugat ang mga implikasyon nito sa pagsulong ng SP bilang pamamaraan ng buhay at bilang siyentipikong larangan. Hindi rin mabibilang ang mga pagkakataong walang pag-aalinlangan niyang tinuligsa ang mga naisagawang pananaliksik sa kulturang Pilipino na nagpapanatili ng mababang pagtingin at makaKanlurang pananaw sa pagsusuri ng katutubong sikolohiya.
Ang kahalagahan ng kritikal na pananaw ay binigyang-halaga ni Doc E sa pagsisiyasat ng karanasan ng mga Pilipino. Makikita ito hindi lamang sa kanyang pilosopikal na pagtatasa ng batayan ng kaalaman sa nabubuong pananaw sa SP at sa sikolohiya bilang disiplina. Pinaalalahanan din niya ang mga batang sikolohistang tulad ko na huwag maging palatanggap sa mga katawan ng kaalaman at metodolohiyang pinag-aaralan, kundi magtasa at maging mapanuri sa kahalagahan at kaangkupan ng mga ito sa katutubong sikolohiya. Pinahalagahan niya ang paggamit ng mga wika at diyalektong Pilipino sa pag-aaral ng sikolohiya. Maging sa mga pagpapalitan namin ng kuwento ay makikita ito. Minsan tinanong niya ako kung ano ba ang ibig kong sabihin nang sinabi kong “natutuwa ako” at ang pagkakaiba nito sa “nasisiyahan ako,” at kung alin sa dalawang ito ang dapat kong gamitin sa paghahayag ng aking nararamdaman. Ito ang mga uri ng pagkakataong naipakita niya sa akin ang halaga ng masusing pagpili ng mga salita at ng wika bilang mayamang lagakan at salamin ng mga saloobin at kaisipang Pilipino.
Sa pagpapatibay ng kanyang pananaw na mahalagang bumaba ang mga sikolohista sa kanilang toreng garing, sinikap niyang ilapit ang mga mag-aaral sa ibang sektor sa lipunan. Binuo niya ang Bulacan Field Station (BFS) na kung saan nabigyan ang mga estudyante ng pagkakataong makipamuhay at magsagawa ng mga pananaliksik sa larangan. Hinikayat niya ang mga estudyanteng lumabas sa UP at gawing laboratoryo ang malawakang lipunang kanilang ginagalawan. Kasama ang mga kapanalig sa SP, itinatag din niya ang Philippine Psychology Research and Training House (PPRTH) at ang Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino (PSSP), na naging mga pandayan ng mga batang sikolohista na kanyang kinalinga at kumalinga rin sa kanya. Ang ugnayan ni Doc E sa mga mag-aaral, guro, at mananaliksik (sa loob at sa labas) ng sikolohiya ang nagtaguyod din sa pagbubuo ng aklatan ng mga katutubong pananaliksik, mga makaPilipinong pagsusuri at panukat, at maiinit na talakayan sa larangan ng SP. Ang PPRTH na siya ring tahanan ni Doc E ay nagsilbi hindi lamang bilang pisikal na espasyo (na kung saan puwede kang magpalipas ng oras, kumain, at matulog), kundi isang lugar na nagpadaloy ng patuloy na pagtatanong, maiinit na debate, at walang humpay na pagpapaunlad ng SP sa harap ng mga batikos sa pagpapatibay ng larangan.
Ilang dekada na ang nakakaraan mula nang matapos ako ng kolehiyo at ilang taon na rin ang nagdaan sa pagpanaw ni Doc E, marami nang bungang idinulot ang mga unang binhing kanyang ipinunla sa larangan. Kasama na rito ang pagyabong ng pag-aaral sa SP, ang pagtanggap dito bilang lehitimong larangan ng pagpapakadalubhasa, at ang pagsama nito bilang required course sa di-gradwadong kurikulum ng mga mag-aaral sa UP. Bagama’t marami nang pangalan ang nakilala at nauugnay sa larangang ito ngayon, malakas pa ring gabay sa aking sariling paglalayag bilang isang sikolohista ang mga natutunan ko bilang mag-aaral mula kay Doc E. Sa pamamagitan ng pagsulong ng pedagohiya ng pag-aaral at pagtuturo na nagpapahalaga sa papel ng SP sa pagpapalalim ng panlipunang pananagutan at pagbabago, sana sa aking munting paraan ay nakaambag ako sa patuloy na pagtugon sa hamon ng SP—isang hamong naging matingkad sa akin mula sa maikling dedikasyong sinulat ni Doc E sa aklat na ibinigay niya sa akin noon:
Tungo sa siyentipiko at mapagpalayang sikolohiya.
Ver Enriquez