[DIWA E-Journal Tomo 1, Bilang 1, Nobyembre 2013] Sikolohiyang Pilipino, Sikolohiyang Maka-Filipino: Ang Ambag ni Virgilio G. Enriquez sa Pagsusulong ng Wikang Filipino sa Sikolohiya
Jayson D. Petras
Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas
University of the Philippines (UP), Diliman, Quezon City
Kasabay ng panahon ng makabayang protesta, saksi ang dekada ‘70 sa mainit na usaping pangwikang dulot ng nalikhang tensyon sa nakaraan hinggil sa akusasyong pagpapalaganap ng “puristang Tagalog” bilang wikang pambansa (Almario 1997). Nagbunsod ito ng kamalayan sa higit na bukas at mapagbuong wikang pambansa na tatawaging “Filipino,” ayon sa atas ng Konstitusyong 1973. Sa ganitong kaligirang panlipunan, isang maalab na pagtugon naman sa “Pilipinisasyon ng Agham Panlipunan” ang pagkasilang sa Sikolohiyang Pilipino sa akademiya na ipinakilala ni Dr. Virgilio G. Enriquez (Rodriguez-Tatel 2008). Mula rito, maituturing na halos kasintada ng mapanlahat na konseptwal na “wikang Filipino” ang isinusulong na mapagpalayang “Sikolohiyang Pilipino.”
Ang kapwa pagsisimula at pag-iral ng wikang Filipino at Sikolohiyang Pilipino ay patunay ng pagiging mahahalagang elemento ng mga ito sa pagsusulong ng kamalayang makabayan. Sa ganitong katunayan, si “Doc E” ay hindi lamang naging tagapagtaguyod ng Sikolohiyang Pilipino bagkus maging ng wikang P/Filipino at ang proseso ng intelektwalisasyon nito sa akademiya. Naniniwala siyang sa wika ng mamamayan nakapaloob ang mahahalagang aspekto ng kanyang pag-iisip at pananaw (Enriquez at Alfonso 1980), isang katotohanang hindi kayang saklawin ng Ingles sapagkat hindi ito nakaugat sa Kapilipinuhan. Sa kabila nito, taliwas ang nagaganap sa akademiya. Nakita niya ang misedukasyong umiiral sa mga unibersidad dulot ng pagtangkilik nito sa wikang Ingles at kadikit nito, ang pagtalima sa interes at kulturang Anglo-Amerikano. Patunay rito ang maling pananaw na nalikha sa mga konseptong gaya ng “hiya,” “bahala na,” “pakikisama,” at “utang na loob” (Enriquez 1981).
Dahil sa diglosikong sitwasyon sa pagitan ng wikang Ingles at wikang P/Filipino kasama ang mga wika sa Pilipinas, naging masigasig si Doc E sa pagdadalumat, pagbubuo, at pagsasalin ng mga materyales sikolohikal sa wikang Pilipino simula sa kanyang pagdating mula sa pag-aaral sa Estados Unidos ng Amerika noong 1971 (Pe-Pua at Protacio-Marcelino 2002). Kasabay nito, dinokumento rin niya at ng kanyang mga kasamahan ang mga pananaliksik na nasusulat sa mga katutubong wika at diyalekto. Tinatayang higit sa 10,000 sanggunian hinggil sa sikolohiya, kasaysayan, kultura, at sining ng mga Pilipino na nasa wikang Filipino ang nakalap ng Sikolohiyang Pilipino mula 1976 (Enriquez 1992; Pe-Pua 2005) at patuloy pa itong dumarami dulot ng paggamit ng mga katutubong lapit at konsepto sa mga pananaliksik hindi lamang sa sikolohiya kundi maging sa larangan ng Araling Pilipino (Rodriguez-Tatel 2008).
Sa adbokasiyang tangan ni Doc E, masasabing naging kadikit at impluwensiyal din siya sa mga adhikain at programa ng University of the Philippines (UP) Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas (DFPP). Taong 1983 nang matapos niya ang kanyang tesis na pinamagatang Ang Pagsusulat at Paglalathala sa Wikang Filipino sa mga Piling Larangan ng Sikolohiya para sa digring M.A. Filipino. Isang mahalagang dokumento ito partikular sa mga mag-aaral ng Pagpaplanong Pangwika dahil pumapaloob ito sa proseso ng elaborasyon o pagpapaunlad sa wikang Filipino sa disiplina ng sikolohiya. Gayundin, sa pakikipag-ugnayan kay Dr. Lilia F. Antonio, propesor sa DFPP, sa pagtitipon ng mga saliksik tungkol sa sikolohiya ng wika, nagsimulang ituro ang Filipino 195 o Sikolohiya ng Wikang Filipino sa DFPP noong Hunyo 1981. Mula sa pagiging seminar, ganap itong naging regular ng kurso ng DFPP nang marebisa ito noong Agosto 3, 1991 (Antonio 2000).
Hindi matatawaran ang naging ambag ni Doc E sa pagtataguyod ng wikang Filipino. Isa siya sa mga naging tagapaghawan ng landas sa mga pananaliksik gamit ang pambansa at mga katutubong wika. Tumugon siya sa panawagan ng fungksyunal na pagpapalaganap nito sa akademiya tungo sa pagtibag sa “toreng garing” ng mga sikolohista at maging ng iba pang disiplina. Sa kasalukuyan, makikita ang naipunlang kaisipan ni Doc E sa mga tagapagtaguyod ng Sikolohiyang Pilipino sa patuloy na pagsalunga sa gahum ng Westernisasyon at globalisasyon. Patunay rin dito, naglalagak ng panibagong muhon sa kasaysayan ng Sikolohiyang Pilipino ang Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino (PSSP) sa pagbubuo nito ng patakarang pangwika, isa sa mga una kundi man ang nauna sa mga propesyunal na organisasyon sa bansa na pormal na nagtatakda sa bisa ng wikang Filipino.
Sanggunian
Almario, V.S. (1997). Tradisyon at wikang Filipino. Quezon City: University of the Philippines Sentro ng Wikang Filipino.
Antonio, L.F. (2000, Agosto). Mga malikhaing lapit sa pagtuturo ng sikolohiya ng wikang Filipino. Nasa L.F. Antonio at L. Tiamson-Rubin (mga pat.), Sikolohiya ng wikang Filipino. Quezon City: C&E Publishing, Inc., 2003, 31-49.
Enriquez, V.G. (1981). Nanganib nga ba ang sikolohiyang Pilipino dahil sa wikang Ingles? Nasa L.F. Antonio at L. Tiamson-Rubin (mga pat.), Sikolohiya ng wikang Filipino. Quezon City: C&E Publishing, Inc., 2003, 50-58.
Enriquez, V.G. (1992). From colonial to liberation psychology; The Philippine experience. Quezon City: University of the Philippines Press.
Enriquez, V.G. at A.B. Alfonso (1980). Ang pananaw sa buhay at weltanschauung na mahihiwatigan sa sikolohiya ng wikang Tagalog. Nasa L.F. Antonio, A.G. Ramos, at A. Albano-Abiera (mga pat.), Mga babasahin sa sikolinggwistikang Filipino. Quezon City: C&E Publishing, Inc., 2011, 77-92.
Pe-Pua, R. (2005). Kros-katutubong perspektibo sa metodolohiya: Ang karanasan ng Pilipinas. Binhi, 2 (1).
Pe-Pua, R. at Protacio-Marcelino, E. (2002). Sikolohiyang Pilipino: Pamana ni Virgilio G. Enriquez. Binhi, 1 (1).
Rodriguez-Tatel, M.J.B. (2008, Hulyo 23-26). Araling Pilipino/Pilipinolohiya/Philippine studies sa wikang Filipino: Mulang lenteng kolonyal tungo sa pagdalumat mula sa loob. Di-nalathalang papel, 8th International Conference on Philippine Studies, Philippine Social Science Center, Diliman, Quezon City.