[DIWA E-Journal Tomo 1, Bilang 1, Nobyembre 2013] Philippine Cultural Disasters: Essays on an Age of Hyper Consumption (2010) ni R. Kwan Laurel
SA LOOB AT LABAS NG KULTURANG SAWI
Adonis L. Elumbre
Asia-Europe Institute
University of Malaya (UM), Kuala Lumpur, Malaysia
Sa isang tingin, mahirap bigyan ng masinop na pagbasa ang aklat ni R. Kwan Laurel na pinamagatang Philippine Cultural Disasters: Essays on an Age of Hyper Consumption. Tubog ito sa ideolohikal na lenggwahe sa pagsusumikap na imapa ang panunuot ng kapitalismo—sa huling yugto nito (i.e., late capitalism)—sa iba’t ibang larangang kultural sa Pilipinas. Hindi nito inalintana kapwa ang mga tanyag na institusyon at indibidwal na sa tingin ng may-akda ay malayo sa oposisyunal na iskolarsyip, bagay na siyang diumano’y iminamatuwid ng mga ito. Sa ganitong sentido, madali namang ipook ang aklat bilang isang anyo ng kontra-diskurso sa mga higit na laganap at popular na kontra-diskurso, isang pagsisiwalat sa kinahantungan ng intelektwal na kapital sa hanay ng mga tumutunggali mismo sa kapitalismo. Hindi nakapagtataka kung gayon ang pagkakatubog din nito sa kontrobersya hindi lamang dahil sa panduduro sa mga ipinalagay na kontradiksyon, kundi maging sa paghamon nito sa kasalukuyang lagay ng kapantasan at produksyong kultural sa bansa.
Mula sa kanyang karanasan bilang guro, manunulat, editor, iskolar sa Araling Ingles, at aktibista, inihapag ni Laurel sa kasalukuyang kalipunan ng mga sanaysay ang kanyang kritisismo sa umiiral na kalakaran sa mga institusyon at indibidwal na may matatatag na ahensiya o gahum, sa pagbubuo ng kulturang Pilipino. Sa kabalintunaan, ani Laurel, ang mga ito ay pawang nabitag na ng lohika ng kapitalismo at sagad-sagarang konsumerismo. Idinetalye sa unang kabanata ng kanyang akda kung papaanong binura ang kasaysayan sa piling akdang pampanitikang nasa Ingles na nagwagi sa premyadong Palanca Awards. Hindi rin pinalampas ni Laurel maging ang ilang lumitaw na sanaysay sa Philippine Free Press, tanyag na alternatibong magasin na naglalathala ng mga piyesang pampanitikan. Gayundin, sa parehas na balangkas, inusisa ni Laurel para sa kanyang ikalawang kabanata ang mga nanalong nobela sa Centennial Literary Awards noong 1998. Paksa naman ng ikatlong kabanata ang University of the Philippines (UP), kinikilalang pambansang pamantasan, at kung papaanong sa kabila ng tanyag nitong reputasyon sa radikalismo ay sumaliw rin ito sa ideolohiya ng pamilihan (market). Maituturing namang pinakatampok sa mga sanaysay ang kanyang ikaapat na bahagi kung saan sinuri ang tinawag sa akdang academic entrepreneurship sa pagkakaugnay nito kay Caroline Hau, kilalang manunulat ng librong Necessary Fictions (2000) at isa sa mga napatanyag sa koneksyon nito sa Paaralang Cornell sa Estados Unidos ng Amerika sa ilalim ng pamamatnubay ni Benedict Anderson, popular na teoretista ng nasyonalismo. Ang ikalima at huling kabanata ay pumatungkol sa isinusulong na Pinoy English ni Laurel, usaping aniya’y tutugon sa usaping pangwika hindi lamang sa bansa kundi sa iminamatuwid din niyang Marxistang bersyon ng internasyonalismo.
Sa naunang rebyu ni Frances Mae Carolina Ramos (2011) sa akda, tumpak nitong binigyan ng karikatura ang salaysay ni Laurel bilang isang mapangahas na paksa, kaiba sa mga naglipanang kontra-diskurso ng mga higit na mas abstraktong usapin kaugnay ng hagupit ng globalisasyon, gaya ng McDonaldisasyon o di kaya ng alingawngaw ng postmodernismo sa mga anyo ng popular na kultura. Hindi rin kalabisan nang sabihin nitong marahil ay maituturing pa ngang persona non grata si Laurel sa akademikong komunidad na minsan niyang kinabilangan.
Liban sa tila pagkabitin ni Ramos sa paglalantad ng mekanismo ng anti-komunismong propaganda ng Estados Unidos ng Amerika at pagkakaugnay nito sa Palanca Awards, masasabing may maluwag na pagtanggap ang naunang rebyuwer sa kabuuang tesis ni Laurel. Para sa kanya, sa kabila ng sala-salabat na usaping ideolohikal, nararapat lamang na bigyan ng karampatang pagkilala ang bisa ng mismong pamagat ng aklat. Gayundin, ipinalagay niyang namumukod-tangi si Laurel bilang siyang maaaring nauna sa pagdedetalye ng mga kritisismo hinggil sa kinasadlakan ng mga intelektwal na elit.
Para sa kasalukuyang rebyu, magsisilbing lundagan ng pagtalakay ang mismong iskematikong prinsipyo sa likod ng mga sanaysay ni Laurel—kung paano nakaambag ang mga paksa niya sa aklat sa itinuring na cultural disaster ng bansa. Isinalin ang pamagat bilang “Kulturang Sawi,” tatangkain ng rebyung ito na isakonteksto ang mapanghamong akda ni Laurel sa pananaw na panloob, bilang pakikipagpatintero sa intelektwalismo sa panig ng mga elit; at panlabas, na siyang larangan ng bayan sa sarili nitong lohika ng kalinangan.
SA LOOB NG KULTURANG SAWI:
PAKIKIPAGPATINTERO SA INTELEKTWALISMO
Kaiba sa naipalagay sa naunang rebyu, hindi si Laurel sa katunayan ang unang nagsiwalat ng sanga-sangang kontradiksyon sa hanay ng mga intelektwalisado. Maging si Laurel mismo ay nagbigay ng kaukulang pagkilala sa mga naunang tradisyon ng panunuring kritikal, partikular na kay Zeus Salazar (2000), pasimuno ng kaisipan at kilusang Pantayong Pananaw at Bagong Kasaysayan. Ang mga ganitong tipolohiya ng pag-aaral na kumuwestyon sa kinasapitan ng intelektwalismo sa bansa ay natunghayan na rin sa mga akda ng aktibistang historyador na si Renato Constantino (1970) at sikolohistang si Virgilio Enriquez (1992). Maging ang mahihinuhang kapanalig sa ideolohiya ni Laurel na si Jose Ma. Sison (1966), tagapagtatag ng Maoistang Communist Party of the Philippines (CPP) ay may pagbanggit na rin sa konserbatibo at progresibong katayuan ng mga intelektwal bilang peti-burges at potensyal na kaagapay sa pambansa-demokratikong rebolusyon.
Namumukod-tangi ang akda ni Laurel gayunpaman sa tuon ng saliksik (sa literatura partikular na) at sa talim ng kritisismo nito (sa walang kakurap-kurap na pagpapangalan ng mga diumano’y kasangkot o may implisitong pagpanig sa kapitalismo sa kabila ng kanilang progresibong kredensyal). Nagpamalas din ito hindi lamang ng matatag na pagkiling sa Marxismo kundi maging ng malawak na kaalaman sa larangang pampanitikan kapwa sa Pilipinas at sa ibayong dagat.
Interesanteng gamitin bilang kagamitang analitikal ang “pakikipagpatintero” sa pagsusuri ng akda ni Laurel. Sa isang mainit na talakayan sa Facebook (Chua 2010), masusumpungan ang pagkakagamit ni Salazar sa pakikipagpatintero upang ilarawan ang para sa kanya’y gawain ng maraming akademiko sa bansa. Alinsunod sa naging palitan nila ni Patricio Abinales, na isa rin sa mga naging puntirya ni Laurel sa kanyang aklat, lumitaw na tila isang normatibong gawain ang pakikipagpatintero sa hanay ng mga intelektwal laluna sa konteksto ng pagpopondo mula sa labas ng mga gawaing akademiko gaya ng pag-aaral at pananaliksik. Maipapalagay rin batay sa pagpapakahulugan ni Salazar na walang mali sa pakikipagpatinterong intelektwal per se, ngunit marapat aniyang may sariling pagpapasya ang iskolar—paninindigang hinahango niya sa kanyang sariling pook [para sa isang halimbawa ng kaugnayan ng pook sa paninindigan, maaari ring sangguian ang akda ni Ramon Guillermo (2009)].
Maituturing na tagapagsiwalat ang akda ni Laurel ng masalimuot na lohika at lohistika ng pakikipagpatinterong intelektwal ng mga sinuri niyang nobelista, akademiko, at administrador ng pamantasan. Sa kabuuan, inakusahan niya ang mga ito ng pakikipagsabwatan, malay at tuwiran man o hindi, sa nananaig na kaayusang kapitalista. Malalang kontradiksyon ito para sa may-akda, gayong ang panitikan at pamantasan aniya’y itinuturing na alternatibo sa kultura ng di-maampat na konsumerismo at komodipikasyon. Tumiwalag para sa kanya kapwa ang ilang akademiko at artistikong gawain upang sundan ang ethos ng akumulasyon ng capital—sa kaso nila, kultural at intelektwal na kapital sa porma ng gantimpala at prestihiyo sa “literary community,” tenure sa tinawag niyang “academic metropole,” pribelihiyadong posisyon sa kapantasang Pilipino, at iba pa. Inspirado sa kaisipan ng Marxistang palaisip mula sa India na si Aijaz Ahmad (2000), ang ganitong mga kontradiksyon ang nais isiwalat ni Laurel at nang sa proseso ay masipat ang lawak at lalim ng pagkakalubog ng lohika ng kapital sa lahat ng lipunan at mga sangay nito.
Sa unang dalawang kabanata, tinukoy ni Laurel ang mga nakipagpatinterong manunulat sa mga tanyag na gawad pampanitikan, ang taunang Palanca Awards at Centennial Literary Awards. Partikular niyang binatikos ang mga indibidwal na nagsipagwagi sa kategoryang Ingles. Ang kanilang mga inilahok na akda, para kay Laurel, ay depolitisado at malabnaw, kundi man sadyang wala, ang kamalayang pangkasaysayan. Bilang halimbawa, ang mga nanalo sa patimpalak ng maikling kuwento sa pinakaunang Palanca noong unang hati ng dantaon 20 na sina Francisco Arcellana at Edith Tiempo, pawang mga hinirang na Pambansang Alagad ng Sining kinalaunan, ay nagtampok ng mga kuwento sa ganitong esensya. Sa kaso ng kay Arcellana (Flowers of May), nangingibabaw diumano ang sentimentalismong bulag sa panlipunang tunggalian ng panahong kinabibilangan. Rasismo naman sa akda ni Tiempo (The Black Monkey) ang kanyang tinuligsa kaugnay ng di-makatarungang paglalarawan sa mga Hapon. Sang-ayon sa kanya, pag-uulit lang ito ng propagandang Kanluran noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Bagama’t maaaring bigyang-kritisismo ang mga akdang ito gamit ang iba pang balangkas panunuri, sinukat ni Laurel ang halaga nila sang-ayon sa kanyang tendensyang pulitikal. Hindi nakapagtataka sa gayon na makita niya ang kawalan ng materyalismo sa una, at ang kawalan ng internasyunalismo (bilang Marxistang kategorya) sa pangalawa. Ganito rin ang ginawa niyang panghuhusga sa mga kalahok na nagwagi sa Philippine Free Press taong 1951.
Halos kalahating siglo ang nakalipas matapos nito, sa konteksto naman ng patimpalak pampanitikan ng estado upang gunitain ang sentenaryo ng kalayaan noong 1998, matutunghayan din diumano ang pamamayani ng kawalan ng matimtimang pagpapahalaga sa kasaysayan sa mga kalahok ng Centennial Literary Awards. Itinumbas niya ang mga ito sa larangang teoretikal bilang alimpuyo ng postmodernismo kung saan binabansot ang kasaysayan bilang isang simpleng naratibong nabibilang sa laksa ng iba pang naratibo. Kabalitunaan ito, ayon kay Laurel, sapagkat nagbigay ng pagkakataon ang sentenaryo upang balikan ang kolonyal na karanasan at makapaglatag ng daan sa hinaharap. Sa halip, makikita sa sinuri niyang mga kaso, ang unang tatlong nagwagi sa nabanggit na patimpalak, ang diumanong pagtalikod sa kasaysayan kahit na ng kanilang kathang-isip na pagsasalaysay. Mapapansin umano ito sa eksotisasyon ni Eric Gamalinda (A Sad Republic) sa rebolusyunaryong si Papa Isio, sa reduktibong pagpapalabo ng kolonyal at neokolonyal na karanasan sa kaso ni Charleson Ong (Embarrassment of Riches), at sa simplistikong pagtanggap sa imperyalismo at kapitalismong transnasyonal ni Alfred Yuson (Voyeurs and Savages). Para kay Laurel, mapanganib ang instrumentalisasyon nila ng kasaysayan, na habang gumamit sila ng mga aktwal na kaganapang historikal ay nililihis naman nila ang nararapat na pagpapakahulugan sa mga ito. Bagama’t nakikiamot sa mga temang binuksan ni Jose Rizal sa Noli Me Tangere (1887) na naisaaklat mahigit isang siglo na ang nakakalipas, kinapos pa rin aniya ang mga ito sa malalim na pangkasaysayang pananaw.
Magkahalintulad ang dalawang kabanata sa aspekto ng pakikipagpatintero ng mga manunulat sa kanilang patron, ang Palanca Awards at ang mismong estado. Makatwirang inilapat ni Laurel ang kasaysayan kung saan mismo naganap ang mga naturang patimpalak pampanitikan. Iniugnay niya ang kalakaran ng kultural na produksyon sa unang taon ng Palanca sa namamayaning kaayusang anti-komunismo sa bansa. Panahon ito ng pamamayagpag ng nasyonalismo, bagay na kinamumuhian ni Laurel sa maraming bahagi ng kanyang aklat. Kapalit nito, pursigido niyang ipinapanukala ang internasyonalismo sa diwang Marxista. Sa kabilang banda, itinali naman niya ang Centennial Literary Awards ng Pamahalaang Joseph Estrada sa teknokratikong direksyon ng inaasam na globalisadong Pilipinas na nakaugat sa programang Philippines 2000 ng naunang Pangulong Fidel Ramos. Dismayado niyang iginiit ang sana’y mapagpalayang katangian ng mga naratibo. Sa kaso ng mga nagwaging lahok ng patimpalak, makikita ang pakikibagay sa mismong direksyong pampulitika at ekonomiko ng estadong elit.
Sa pinal na pagsusuri, hindi lamang mga manunulat at intelektwal ang may ganansya sa patinterong ito. Maging ang pamilya Palanca mismo ay may insentibo sa pagpapatatag nila ng kanilang kultural at simbolikal na kapital. Gayundin ang masasabi niya sa estado sa pagpapatibay ng lohika ng pag-iral nito alinsunod sa namamayaning ideolohiya ng panahon.
Wala ring takas sa ganitong laro maging ang kilalang radikal na pamantasan, ang UP, kung saan naging kabahagi rin mismo si Laurel bilang dating guro. Partikular niyang binanatan ang mga komplisitong gawain ng UP sa pandaidigang pamamayani ng ideolohiya ng pamilihan. Higit pa, pinuna niya ang diumano’y pretensyong makaKaliwa ng administrasyong Francisco Nemenzo, sampu ng mga opisyal at tagasuporta nito na kinabibilangan nina Randy David, Ma. Serena Diokno, Jose Dalisay, Priscellina Legasto, maging si Abinales, at iba pa. Binanggit niya bilang suporta sa argumentong ito ang pagtataguyod ng Revitalized General Education Program (RGEP) na aniya’y nakatunton sa postmodernong kaisipan, ang internasyonalisasyon ng mga publikasyon nang walang anumang pasubali sa lokal na publikasyon, obsesyon sa teknolohiya at pagsandig sa mga pribadong kompanya para rito (laluna na ang korporasyong Ayala), at ang tuon at mismong direksyon ng intelektwalismo sa pamantasan kung saan ang produksyon ng kaalaman ay nauwi sa elistismong akademiko at pagkakatali sa kung anong mabentang kaisipang global (laluna na ni Richard Rorty na kilala sa kanyang pragmatismo). Hindi ito atipikal sang-ayon kay Laurel gayong matutunghayan din sa ibang panig ng daigdig ang kontradiksyon sa mga namamandila ng progresibong kaisipan, mula sa komodipikasyon ng rebolusyon sa pagbebenta ng imahen ng mga gaya ni Mao Tse Tung, hanggang sa pagtanggap sa kahit na konserbatibong manunulat ng radikal na journal na Dissent o di kaya ang pagpailanlang ng Rethinking Marxism sa kalakaran ng akademikong negosyo ng subskripsyon ng journal.
Itong akademikong negosyo naman ang siyang pamagat ng lumilitaw na sentral na sanaysay ni Laurel sa kanyang aklat. Malinaw ang puntirya niya sa ikaapat na kabanata: ipakita ang pulitika ng distansya (ng iskolar sa kanyang pinapaksa) at baklasin ang nakababahala diumanong intelektwalismo ni Caroline Hau at pagkamangha ng maraming iskolar dito. Nakatunton si Laurel sa paniniwalang ang espasyo sa pagitan ng mananaliksik at sinasaliksik ang siyang naghuhugis ng iskolarsyip. Dito niya nakitang nabigo si Hau na nahinto na umano sa pag-usisa ng kalagayan ng bayan mula sa kanyang komportableng posisyon sa academic metropole. Dagdag pa para sa kanya, personipikasyon si Hau ng kontradiksyon—isang Marxista na hindi Marxista.
Bilang paglalahad ng sariling pinanggagalingan, inamin ni Laurel ang kanyang pagkakaugnay sa ilan sa mga naging akda ni Hau, primarya na ang libro nitong On the Subject of the Nation (2005). Sa isang mahaba at malamang e-mail ni Laurel na sinipi sa kabanatang ito, isiningaw niya ang kawalan daw ng sapat na kaalaman sa pulitika ng Kaliwa sa Pilipinas ni Hau, sa kabila ng sinita rin niyang pakikipag-ulayaw sa “ultra-leftism” nito. Bilang ehemplo, niromantisa lamang raw ni Hau sa kanyang libro ang CPP sa konteksto ng pagtugon niya sa kritisismo ni Robert Francis Garcia hinggil sa kinasapitan ng rebolusyunaryo-armadong kilusan (kaugnay ng purging). Kinaligtaan diumano ni Hau ang kompleksidad ng Kaliwa sa kasalukuyan, bagay na diniin ni Laurel sa maraming bahagi ng naturang e-mail. Ang tanging paraan lamang raw ng kontra-diskurso kay Garcia ay palitawin ang kasalimuotan ng paksa at hindi ang ikubli ito sa romantisasyon ng rebolusyon ng pambansa-demokratikong kilusan. Distansya ang idinahilan ni Laurel sa likod ng ganitong pagkukulang ni Hau. Hindi raw naging epektibong tagapagtanggol ng CPP si Hau sa nasabing libro. Mas malala pa, ayon kay Laurel, ginamit lang raw ni Hau ang On the Subject of the Nation (2005) upang makamit ang tenure sa Kyoto University (KU).
Maging ang nauna at kilalang obra ni Hau na Necessary Fictions (2000) ay di rin pinalampas ni Laurel sa kabanatang ito. Binansagan niyang hindi gagap ni Hau ang globalisasyon labas sa isteryotipikong pagkakagamit nito bilang islogan. Sa nabanggit na akda, maling atribusyon raw ang ginawa ng manunulat sa ipinalagay na kritisismo sa mga migranteng Pilipinong nag-aaral, nagtatrabaho o nanatili na sa ibang bansa. Sa katunayan, ayon kay Laurel, narsisistiko at depensibong pagpapaliwanag lang ang kanyang ginawa upang bigyang-katwiran ang posisyon niya sa “academic metropole” na milya-milya ang layo sa Pilipinas. Ni hindi nga raw mabanaag ang internasyunalismo sa inaastang Marxismo ni Hau. Sa gayon, inakusahan siyang sangkot sa globalisasyon sa anyo ng tinawag mismo ni Laurel na “neoliberal leftism.” Makikita rin umano ito sa pagmamatigas ni Hau sa ideya ng nasyon at nasyonalismo.
Kanonikal kung tutuusin ang posisyon sa akademiya ni Hau kaya’t para kay Laurel, nakakaambag umano siya sa patuloy na depolitisasyon ng mga salaysay nang walang matimtimang pagsasaalang-alang sa kasaysayan. Nagpatuloy ang paglilista ni Laurel ng mga gawain at sulatin ni Hau, partikular na ang umano’y kaliwa’t kanan niyang pagsusulat ng mga blurb sa kahit anong akda nang walang pasubali sa bagaheng pulitikal ng mga ito [isa sa mga pinuna ang Jolography ni Paolo Manalo (2003)]. Bilang isang kritiko ng pulitika, nakakabahala diumano ang walang patumanggang pagbukas at sara ng “political antenna” ni Hau upang paboran ang kanyang mga kaibigan. Ang ganitong kompromiso ay hindi lang personal sang-ayon kay Laurel dahil ang paglalabas ng blurb ay isa ring anyo ng pagpapatatag ng kapangyarihan sa akademikong komunidad bilang pagwawagayway ng intelektwal at kultural na kapital.
Sa kabanatang ito, iminapa ni Laurel ang sala-salabat na tema sa pakikipagpatintero ni Hau bilang Pilipinong intelektwal na nasa diaspora. Sinikap niyang ilahad ang antagonismong nagmumula sa distansya ng iskolar at ang pinapaksa nito. Lumilitaw sa gayon na ang pakikipagpatinterong ito ni Hau ay literal at metaporikal na akto ng pag-alis sa pook, at samakatwid, nagbubunsod ng kwestyunableng paninindigan. Importanteng sipiin mismo ang kabuuang hatol ni Laurel sa kabanatang ito na tila sentro ng kanyang aklat:
A close study of Hau is very important for Philippine literary criticism to move forward. It must stop being enamored with First World academic credentials, and see Hau for what she has become: a cautionary tale of the problem of politics without praxis, of geographic distance from one’s subject, and the pitfalls of academic entrepreneurship where big grants and positions and fellowships are involved, thus the search for truth and demarcation lines become muted in the desire to be everything to everyone.
Bagama’t lumilitaw na tila isang personal na vendetta sa kung anumang dahilan ang pagsasalaysay na ito ni Laurel, masasabing nagbubukas siya ng isang importanteng paksa ng debate at repleksyon sa hanay ng mga intelektwal at manggagawa ng kultura. Masalimuot ang pulitika ng distansya kung tutuusin at hindi awtomatiko ang pagkakawalay sa sariling pook (pangkalinangan) sa harap ng pisikal na paglipat sa ibang pook.
Makabuluhang banggitin halimbawa ang pagpupunyagi ni S. Lily Mendoza (2006) na habang nasa Estados Unidos ng Amerika ay hindi napatid ang pagkakaugnay sa kanyang pook. Higit pa, pinakita niya sa kanyang aklat hinggil sa pagsasaPilipino ng Agham Panlipunan ang masalimuot na pananaig ng kalinangang Pilipino maging sa mga ipinalagay na nawalay na sa bayan mismo (i.e., mga Pilipino-Amerikano sa Estados Unidos ng Amerika). Ang problema sa gayon sa balangkas pangkaisipan ni Laurel ay ang posibleng tendensya ng di-makatwirang panlalahat. Hindi pinasusubalian ang katotohanan ng pulitika ng distansya, ngunit kailangang palalimin ang ideyang ito na tumatawid sa personal (biyograpikal) at tekstwal (produksyong intelektwal). Sa kaso ni Hau, liban sa sinita ni Laurel na kawalan ng kaalaman bunsod ng kakulangan sa pananaliksik sa mismong larangan (field work man o pakikipanayam) at maya’t mayang depensibong pagtatanggol sa sarili, maitatanong halimbawa sa papaanong paraan bumibitaw ang kanyang katapatan sa bayan? Ano ang mekanismo ng pakikipagpatintero na taliwas sa interes ng pinagmumulang pook? Anu-ano sa personal at tekstwal ang nagsasambulat ng reyalidad na nilamon na ng globalisasyon ang isang intelektwal?
Tila sa huli kasi, mas tunggalian ng aling bersyon ng Marxistang ideolohiya ang buod ng pagtatalo nina Laurel at Hau. Iginigiit ng una ang kanyang pinaninindigang internasyunalismo, samantalang nakaipit naman sa nasyon ang ikalawa. Kritikal din ang pareho sa kilusan ng pagsasaPilipino, bagama’t may kani-kanyang pasubali o disclaimer sa kani-kanilang sulatin. At dahil implisito ang pook sa usapin ng distansya, at ang pook ay higit pa sa simpleng pisikal na lokasyon, kahit ang mga nasa Pilipinas pa mismo ay maaari ring nakalutang ang pagpopook at posibleng may pangkamalayang distansya sa kanilang sinusuri. Sa gayon, mahalagang basahin at bigyang-kritika ang kritika (ni Laurel) ng mga kritika (ni Hau).
Si Laurel, sa pagsisiwalat ng iba’t ibang anyo ng pakikipagpatintero sa larangang kultural ay masasabing nakikipagpatintero rin. Nagsilbi siyang “patotot” (pangunahing tagataya sa larong patintero) sa loob ng kuwadro kung saan nagaganap ang mismong laro. Masalimuot at matiyaga niyang inusisa ang daluyong ng lohika ng kapital at ang lohistika ng pagpapatianod dito ng ilan sa mga intelektwal na kanyang binanggit (kapansin-pansin ang madetalyeng talahuli ng kanyang aklat).
Sa akdang ito, hinamon ni Laurel ang mga intelektwal na bagama’t kaiba niya ng ideolohiya ay kapareha niya ring nakapaloob sa status quo ng produksyong kultural, ang pagsusulat sa wikang Ingles. Hindi rin mahirap ipook ang kanyang ikalimang kabanata hinggil sa Pinoy English kaugnay nito. Sa kontekstong ito, ang unang kailangang pansinin sa kanyang aklat ay ang mismong pamagat, bahagyang kaiba sa adulasyon na binigay ng naunang rebyuwer (Ramos 2011). Hindi mali per se ang Philippine Cultural Disasters, gaya ng hindi rin mali per se ang panunuri sa mga sulating Ingles o pagsusulat gamit ang wikang ito, ngunit may panganib itong hatid kung hindi mabibigyan ng pagsasakonteksto, bagay na mauunawaang hindi kabilang sa layon ng aklat. Mapanganib kasi kung maikakahon ang tinatayang pagkakasawi ng kultura sa Pilipinas sa kasawian ng mga intelektwal sa wikang Ingles.
Kung gayon man, mainam na sadyang lumikha ng distinksyon sa pagitan ng kultura at ang pinakamalapit na Pilipinong konsepto rito, ang kalinangan (Salazar et al. 1981). Kaiba sa kultura na may implisitong paghihirarkiya ng kung alin ang mataas at mababang anyong-buhay, mas isinasaalang-alang sa kalinangan ang nalinang na pamumuhay ng bayan, mula sa wika ng pagtatalastasan o paglikha ng panitikang bayan, hanggang sa sariling pagkakagagap sa halaga ng pagkamakabayan. Kung ang pinakita ni Laurel ay ang loob ng kulturang sawi, mainam ding lumabas mula rito at tingnan ang kanyang mga kaso alinsunod sa ritmo ng umiiral na kalinangan.
SA LABAS NG KULTURANG SAWI:
ANG BISA NG KALINANGANG BAYAN
Matapos ang laksang kritisismong ipinarada ni Laurel sa naunang apat na kabanata, pumihit siya sa ikalima upang ipapanawagan ang pagkilala at paggamit ng Pinoy English. Nakikita niya ito bilang konsistent sa pinipuntuho niyang internasyunalismo, sang-ayon sa diwang Marxista na isinusulong din niya. Para sa kanya, historikal ang pag-angat ng Ingles bilang isang global na wika. Hindi kagaya ng ibang panatiko ng wikang ito, malinaw kay Laurel ang pagiging wika nito ng mga elit, o ang imperyal na karakter nito. Dagdag pa, hindi rin siya nanawagang isantabi ang wikang Filipino at iba pang wikang rehiyunal sa Pilipinas at bagkus, idiniin pa ngang paunlarin din ang produksyon ng kaalaman, partikular na ng panitikan, sa mga ito.
Kaugnay ng Pinoy English, ito ang nakikita ni Laurel na kasagutan sa debate hinggil sa wika sa Pilipinas. Ang paiba-ibang patakaran sa wikang panturo halimbawa ay nakapokus daw hindi sa nilalaman mismo ng mga aralin kundi sa kung wikang Ingles ba o Filipino ang gagamitin. Ikinatwiran din niyang hindi naman Ingles ang gumagapos sa sangkaPilipinuhan, dahil mananatili at mananatili umano ang mga kawatan at kurakot kahit na wala ang wikang Ingles. Isinisi niya ang pangmamata sa wikang Ingles sa mga diskurso ng nasyonalismo simula pa noong dekada ‘70. Magkakaroon lamang daw ng kaganapan ang mapagpalayang potensya ng wikang banyagang ito kung aangkinin natin ito (i.e., bilang Pinoy English).
Habang makatotohanan ang pandaigdigang presensya ng Ingles at may linggwistikong batayan naman ang baryasyong Pinoy English, hindi nito lubusang napalitan ang wikang Filipino bilang pinakalaganap na wika sa Pilipinas (Navarro 2000). At dahil ang pakikilahok sa talastasang pambansa ay usapin ng kapangyarihan, ang wikang Filipino bilang sinasalitang wika ng mas malaking bahagdan ng populasyon ay di maitatangging may kapasidad sa pagsasakapangyarihan ng mamamayan. Liban pa, malalim ang bisa ng wikang ito sa kamalayan, bagay na siyang paksa ng ilan sa mga pag-aaral ngayon sa Agham Panlipunan at partikular na sa Kasaysayan. Sa mga kadahilanang ito, maaapuhap ang solidong direksyon ng wikang Filipino bilang wika ng diskursong pangkabihasnan. Tunay na sa labas ng kulturang nag-iIngles ay ang kalinangang bayang nagfiFilipino.
Sa kabilang banda, kahit sa hanay ng mga nagsusulong ng wikang Filipino, laluna sa mga nagsusulong ng pagsasaPilipino ng Agham Panlipunan, mayroon ding pagkilala hindi lang sa Ingles kundi sa iba pang banyagang wika bilang behikulo sa pag-unawa o pakikipagbukluran pa nga sa ibang lipunan at kalinangan. Matutukoy bilang mga halimbawa nito ang Kros-Katutubong Sikolohiya na patungo sa isang Sikolohiyang Global o Unibersal (Enriquez 1993; Pe-Pua 2005) at Kasaysayang Kabanwahan na nasa direksyon ng pakikipag-ugnayan at pakikipagtalastasan sa iba’t ibang etnisidad sosyo-pulitikal (Salazar 2006; Navarro 2012). Heto ang bersyon ng kanilang internasyunalismo, kaiba ngunit kaugnay ng isinusulong naman ni Laurel. Sariling kalinangan ang lunsaran ng dalawang inihalimbawa, samantalang mas sa Pinoy English at istruktural na kaisahan ng mga bansang papaunlad (Third World) ang kay Laurel. Tinukoy niya kaugnay nito ang kalakaran ng mga intelektwal ng India na sa kabila raw ng maraming debate kaugnay ng subaltern (i.e., sa kung papaano “pasasalitain” ang bayan sa mga produksyong tekstwal) ay may pagkilala naman umano sila sa kahalagahan ng Ingles bilang bahagi ng kanilang kasaysayan at kabuuang lipunan. Gaya ng pinakiwari na, walang kuwestyon mismo sa Ingles, ngunit sa kung gaano ito kabisa bilang wikang nag-uugnay sa mga intelektwal at sa bayang dapat na kinakausap at pinaglilingkuran nila. Kung ito nga naman ang pinakaangkop na wikang gamitin sa nabanggit na pagtutulay, bakit hindi? Sa kontekstong Pilipino gayunman, malinaw na umiiral ang kamalayang bayan sa wikang Filipino at iba pang wika ng Pilipinas bilang daluyan ng talastasan. Ang ganitong pagbabaitang ay maaaring masumpungan: wikang rehiyunal sa sariling pamayanan, wikang Filipino bilang pambansang talastasan, at wikang Ingles (kasama na ang iba pang wikang banyaga) bilang wika ng pakikipag-ugnayan sa labas. May bisa rin itong huling wikang ito na dapat kilalanin sa isang seksyon ng lipunan, halimbawa na, ngunit hindi limitado sa, mga nag-aaral at nagsusulat sa Araling Ingles at/o nakikipagtalastasan sa o naghahanapbuhay gamit ang wikang ito. Dito maaaring ipasok ang pag-aangkin sa wikang Ingles bilang Pinoy English ni Laurel.
Wika ni Laurel: “That the language Filipino needs to undergo a process of ‘intellectualization,’ a process of building a body of scholarly and scientific works using that language, is true and must be supported and encouraged: not by attacking the development of Philippine English, but by making sure Filipino writers in Filipino are given the opportunity to write their best and to publish these works.” Nasapul niya rito ang pangangailangan ng paglilinang sa sariling wika, ngunit ito ay nakatunton pa rin sa pamamalagay na nasa parehas na plataporma ang Filipino at Ingles. Hindi ito ang reyalidad. Bilang kongkretong halimbawa, nananatiling mahina ang institusyunal na suporta sa publikasyon sa wikang Filipino kumpara sa mas suportadong Ingles. Sa gayon, mahalagang isaprayoridad pa nga ang wikang Filipino bunsod ng kontradiksyon na sa kabila ng pagiging pinakalaganap na wika nito ay napakalimitado pa rin ang institusyunal na suporta rito.
Kahit sa hanay ng mga progresibong mas malapit sa ideolohiya ni Laurel, may ganito ring pagkilala sa halaga ng wikang Filipino (Kimuell-Gabriel 2007; Guillermo 2013). Pagtugon pa nga kung tutuusin sa obhektibong kondisyon ng lipunan ang paggamit nito. Kahit ang mga kilalang bersyon ng Marxismo, gaya ng sa Rusya, Vietnam o kahit Tsina ay nakalubog din sa wika’t kalinangan ng kanilang masa. Ngunit tila tumataliwas pa rin si Laurel sa ganitong reyalidad pangkasaysayan. Aniya, sa wikang Ingles posibleng maganap ang isang pandaigdigang pagbubukluran ng mga bansang papaunlad para sa katarungang panlahat. Ngunit paano magaganap ang pagbabahaginang ito kung walang matatag na loob?
Hindi na rin nakapagtataka ang posisyong ito ni Laurel kaugnay sa wika. Mauuwi ito sa konsistent na kritisismo niya sa usapin ng pangkabuuang sosyo-pulitikal at ang damdaming kaakibat nito: nasyon/bayan at nasyonalismo/pagkamakabayan. Sa ganitong sentido, hindi rin siya naiiba sa ilan pang intelektwal na tutol sa proyekto ng pagbubuo ng bansa gaya ni Abinales (Chua 2010) o ni Lisandro Claudio (2013). Nagkakaisa sila sa pananaw na instrumento lamang ito ng dominasyon at pinupusyaw nito ang para sa kanila’y mga higit na nakapangyayaring usapin. Kay Laurel: “The internationalism of Marxism and communism are impossible to appreciate and implement because of this inability to transcend the nation.”
Ang ganitong pagkamuhi sa kabansaan at pagkamakabayan, at ang tila urong-sulong na paninindigan sa wikang Filipino ni Laurel ang siyang kontekstong maaaring makapagpaliwanag ng nauna niya pang mga kabanata. Bagama’t eksplisito naman ang kanyang layuning suriin ang mga akdang pampanitikan sa wikang Ingles, mapapaisip pa rin ang mambabasa sa proseso ng pagsasakonteksto, kung ang kritisismo ba niya sa produksyong kultural ay naaakma rin sa mga nasusulat sa wikang Filipino. Nagdadala rin ba ito ng tema ng depolitisasyon ng teksto o sumasang-ayon sa lohika ng kapitalismong transnasyonal at imperyalismo? O baka nagsilbi itong daluyan ng kontra-diskurso sa karahasang sikolohikal ng kolonyalismo at neo-kolonyalismo (Mendoza 2006)? Awtomatiko ba talagang komplisito sa status quo ang anumang akdang pampanitikang kalahok sa mga tinukoy na patimpalak kahit na naggigiit ang akda ng kapakanan ng mga nasa laylayan ng kasaysayan at bayan? Isang posibleng halimbawa nito ang nagwaging sanaysay ni Nancy Kimuel-Gabriel (2011) sa Palanca Awards na nagpatampok sa “kubeta” gamit ang pinagbuklod na pangkasaysayan at pangkalinangang pananaw, makauring paninindigan, at sariling pagdadalumat ng karanasan. Sa paglalantad ni Laurel ng ideolohiya ng pamilihan ng UP, pinansin ba niya ang ilan sa mga radikal na tinig sa kasagsagan ng debate sa pamantasan na nagsusulong ng pag-aaral ng kasaysayan para sa pagtataguyod ng pagkamakabayan (Navarro 2001)? Hindi rin ba makita ni Laurel ang bisa ng pagpook ng Marxismo sa kalinangan ng bayan (Salazar 2000; Guillermo 2009) o kahit na nga sa kanyang tila pinapanigang pambansa-demokratikong ideolohiya (Sison 1966)?
Subalit sadyang hindi bayan ang larangan para kay Laurel. Sa kabila ng lubos na pagtanggi niya rito, hindi maikakailang ang pagkamakabayan ay anyo rin ng pagpapatatag ng loob sa harap ng daluyong ng labas bilang globalisasyon. Masasabing may potensya pa rin ang bayan bilang salalayan ng pagkakakilanlan at pagkilos tungo sa kaginhawaan, bagay na siya rin namang inaadhika niya. Hindi bulag na sentimentalismo ang pagpapahalaga sa bayan dahil maging sa hanay ng mga nagsusulong nito, partikular na sa Pantayong Pananaw, malinaw ang pagkakilala na hindi ito monolitiko, hindi ito isang kabuuang-walang-lamat at hindi ito sarado sa pakikipag-ugnayan. Ibig sabihin, proseso ng pagbubuo ang bayan (Rodriguez-Tatel 2005) na kakikitaan kapwa ng ugnayan at talaban hindi lang ng mga nakapook sa loob nito kundi maging sa konteksto na rin ng pakikipag-ugnayan sa ibang kabihasnan. Bagama’t simpatetiko si Laurel sa ganitong tendensya sa Agham Panlipunan sa ilang bahagi ng kanyang akda, nalunlungan naman ito ng mas matatag niyang pananalig sa ideolohikal na balangkas ng kanyang bersyon ng Marxismo. Itong huli sa katunayan ang siyang tagapagbigkis ng sanga-sangang kaso na inatupag niya sa aklat.
Liban pa sa komitment na ito, malinaw ring personal na naratibo ni Laurel hinggil sa kanyang pagkaakademiko ang aklat. Maituturing itong katarsis niya na tila simbolikong redempsyon sa kanyang pagiging bahagi ng komunidad pampanitikan sa bansa, dating guro sa UP, at dating editor ng akda ni Hau.
Bilang pagtatapos, kaiba sa minsang ipinanukala sa kasalukuyang rebyuwer ng isa sa mga kinikritika ni Laurel na nagwikang walang anumang mapapala sa pagbabasa ng Philippine Cultural Disasters, masasabing kailangang pagtiyagaang namnamin at isakonteksto ang pagbubulalas ni Laurel sa akdang ito. Mahalaga ang pagsasakonteksto upang matunghayan kapwa ang saklaw at hangganan nitong sinasabing kulturang sawi. Sa paglalapat sa mas malawak na kanvas ng sangkaPilipinuhan, mapahahalagahan pati sa proseso ang mas matimbang pa ngang pagbubuong pangkalinangan na lampas pa sa produksyong kultural ng mga elit.
Kontrobersyal man at kuwestyunable ang ilan o marami sa mga proposisyon, makikinabang sa kanyang pagsusuri, at sa pagsusuri ng kanyang pagsusuri, hindi lang ang komunidad ng mga nasa Sining at Panitikan kundi maging ang mga nasa Agham Panlipunan at iba pang interesado, seryoso, at nagmamalasakit na mga mag-aaral para sa bayan.
Sanggunian
Ahmad, A. (2000). In theory: Classes, nations, literatures. London at New York: Verso.
Chua, M.C.B. (ttpn.) (2010). Akademikong debate/talastasan ng dekada, nasa Facebook!!! Nakuha noong Setyembre 4, 2013, mula sa History 166 Website: http://goo.gl/7zECIr.
Claudio, L.E.E. (2013). Postcolonial fissures and the contingent nation: An antinationalist critique of Philippine historiography. Philippine Studies, 61 (1), 45-75.
Constantino, R. (1970). Dissent and counter-consciousness. Quezon City: Malaya Books.
Enriquez, V.G. (1992). From colonial to liberation psychology. Quezon City: University of the Philippines Press.
Enriquez, V.G. (1993). Developing a Filipino psychology. Nasa A.M. Navarro at F. Lagbao-Bolante (mga pat.), Mga babasahin sa agham panlipunang Pilipino: Sikolohiyang Pilipino, Pilipinolohiya, at pantayong pananaw. Quezon City: C&E Publishing, Inc., 2007, 34-53.
Kimuell-Gabriel, N. (2007, Nobyembre 19-20). Ang pantayong pananaw at ang usapin ng agenda sa harap ng iba’t ibang kilusang pang-akademiko at sosyo-pulitikal. Di-nalathalang papel, Ikalawang BAKAS-LIKAS Sampaksaan sa Historiograpiyang Pilipino, University of the Philippines, Diliman, Quezon City.
Kimuell-Gabriel, N. (2011). Kubeta. Nakuha noong Setyembre 18, 2013, mula sa Carlos Palanca Memorial Awards for Literature Website: http://goo.gl/Cb6XRS.
Guillermo, R.G. (2009). Pook at paninindigan: Kritika ng pantayong pananaw. Quezon City: University of the Philippines Press.
Guillermo, R.G. (2013, Mayo 28-29). Ang awtonomong komunidad pangkomunikasyon sa disiplinang araling Pilipino. Di-nalathalang papel, Sampaksaan: Ang Araling Pilipino sa Larangang Pambansa at Pandaigdigang Pagbabago, University of the Philippines, Diliman, Quezon City.
Hau, C.S. (2000). Necessary fictions: Philippine literature and the nation, 1946-1980. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.
Hau, C.S. (2005). On the subject of the nation: Filipino writing from 1981-2004. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.
Manalo, P.M. (2003). Jolography. Quezon City: University of the Philippines Press.
Mendoza, S.L.L. (2006). Beyond the homeland and diaspora: The politics of theorizing Filipino and Filipino-American identities. Manila: University of Santo Tomas Publishing House.
Navarro, A.M. (2000). Ang bagong kasaysayan sa wikang Filipino: Kalikasan, Kaparaanan, Pagsasakasaysayan. Bagong Kasaysayan: Mga Pag-aaral sa Kasaysayan ng Pilipinas,11.
Navarro, A.M. (tlgm.) (2001, Hulyo 15). Pagpapahalaga sa Kasaysayan 1: Kasaysayan ng Pilipinas (Laban sa panukalang gawing opsyonal na asignatura ng General Education Program). Di-nalathalang papel, Talakayan ng Kaguruan ng Departamento ng Kasaysayan, University of the Philippines, Diliman, Quezon City.
Navarro, A.M. (2012, Setyembre). Araling kabanwahan, kasaysayang kabanwahan, at Araling Timog Silingang Asya. Saliksik E-Journal, 1 (2), 1-32.
Pe-Pua, R. (2005). Kros-katutubong perspektibo sa metodolohiya: Ang karanasan ng Pilipinas. Binhi, 2 (1).
Ramos, F.M.C. (2011). Review of Philippine cultural disasters: Essays on an age of hyper-consumption. Journal of Contemporary Asia, 41 (4), 674-678.
Rizal, J.P. (1887). Noli me tangere. Berlin: Setzerinnenschule des Lette-Vereins.
Rodriguez-Tatel, M.J. (2005). Ang dalumat ng bayan sa kamalayan at kasaysayang Pilipino. Bagong Kasaysayan: Mga Pag-aaral sa Kasaysayan ng Pilipinas, 15.
Salazar, Z.A. (pat. at tsln.) (2000). Karl Marx at Friendrich Engels; Manifesto ng Partido Komunista. Bagong Kasaysayan: Mga Pag-aaral sa Kasaysayan ng Pilipinas, 10.
Salazar, Z.A. (2006). Ang Pilipinong banua-banwa sa mundong Malayo-Polinesyano. Quezon City: Palimbagan ng Lahi.
Salazar, Z.A., J.B. Veneracion, W. Tamayo, at E. Pastores (1981). Kabihasnang Asyano: Isang pangkasaysayang introduksyon. Manila: Miranda and Sons.
Sison, J.M. (1966, Disyembre 26). The national democracy and the political activist. Di-nalathalang papel, Third Annual Conference of the National Students’ League, Iloilo City Colleges, Iloilo City, Philippines. Nakuha noong Setyembre 4, 2013, mula sa Websayt ng Arkibong Bayan: http://goo.gl/wE4oR9