[DIWA E-Journal Tomo 1, Bilang 1, Nobyembre 2013] Mga Babasahin sa Sikolinggwistikang Filipino (2011) nina Lilia F. Antonio, Anatalia G. Ramos, at Aura Albano-Abiera

ANG PAG-ANGKLA NG SIKOLINGGWISTIKANG FILIPINO SA KULTURA

Ma. Althea T. Enriquez, Ph.D.
Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas
University of the Philippines (UP), Diliman, Quezon City

Dalawampung artikulo ang bumubuo sa aklat na Mga Babasahin sa Sikolinggwistikang Filipino.  Nagmula sa iba’t ibang larangan ang mga manunulat ng mga napiling babasahin na tumatalakay sa mga paksang may kinalaman sa sikolohiya, wika, kultura, at pagsusuring pampanitikan.  Walang tuwirang paghahating ginawa sa katipunan ng mga babasahin bagama’t mababanaag ang paglalagay ng mga impluwensiyal na iskolar sa kani-kanilang larangan sa iba’t ibang bahagi ng listahan.  Maaaring hatiin ang mga artikulo sa tatlong kategorya batay sa pangunahing tuon ng pagtalakay.

Matamang inuna sa aklat ang artikulong “Sikolinggwistikang Pilipino: Pananaw at Tunguhin”ni Virgilio Enriquez na tumalunton sa pagsisimula ng larangan at mga naging pag-aaral nito sa Pilipinas.  Binigyang-pansin ni Enriquez ang pagpapaunlad ng mga katutubong konsepto na maaaring gamitin ng larangan at ang paghimok na gumawa ng mga pag-aaral na hindi kinakailangang sumunod sa mga Kanluraning konsepto at pamantayan kung ano ang mga maaaring pag-aaralan sa sikolinggwistika.  Nagsisilbi itong gabay sa aasahang paksain at tunguhin ng kalipunan ng mga babasahin na isinali sa libro.

Ang unang kategorya ng katipunan ng mga babasahin ay nagtangkang iugnay ang sikolohiya at wika, kadalasan sa pamamagitan ng pagsusuri sa ilang katutubong salita o katangiang istruktural ng wika at bumubuo ng mga konklusyon tungkol sa pag-iisip at kamalayan ng mga Pilipino bunga nito.  Sa “Wika at Diwa: Isang Pansikolinggwistikang Analisis sa Konsepto ng ‘Hiya’” ni Zeus Salazar, sinuri ang iba’t ibang panlaping ikinakabit sa salitang-ugat na “hiya” at nakabuo ng isang modelong pansikolinggwistika na umaambag sa pagkaunawa ng konseptong ito sa lipunang Pilipino.  Nalalaman ni Salazar na kinakailangan ang mas malalim na pagtingin at pag-uugnay sa iba pang konseptong ito upang mas makabuo ng masaklaw at buong larawan ng kamalayang Pilipino.  Sa ganang ito, nag-iwan siya ng mga suhestyon at rekomendasyong gamitin at subukin ang kaangkupan ng modelo sa pamamagitan ng paggamit nito sa iba pang katutubong konsepto.

Sinubukan namang ipaliwanag ni Silvino Epistola sa kanyang “Wika at Kamalayan” ang pagsasawika ng mga bagay-bagay na nararanasan ng ating kamalayan.  Kumbaga, sinasabi niyang ang paggamit ng isang partikular na wika ay nagdudulot ng ibang kamalayan o pagsilip sa kamalayan ng wikang sinasalita.  Sinasabi ring nakatali ang pagbibigay ng tawag sa isang bagay sa kulturang ginagalawan.  Makikita ito sa sistema ng “etiketang” ibinibigay ng mga tao na nakabatay sa kanilang kultura at kung gayon ay nag-iiba ito sa bawat kultura.

Ang susunod na apat na artikulo ay makikita sa kalagitnaan at ang isa ay nasa bandang huli ng aklat bagama’t maituturing na kabahagi ng kategoryang ito na sinubukang tingnan ang istruktura o ilang katangian ng wika at nakabuo ng mga konklusyon at pagpapahiwatig mula rito.  Magkasunod ang ginawang pag-aaral na “Ang Pananaw sa Buhay at Weltanschauung na Mahihiwatigan sa Sikolohiya ng Wikang Tagalog” nina Enriquez at Amelia Alfonso na sinundan ni Amelia Alfonso-Tynan sa kanyang “Ang Pananaw sa Buhay at Sariling Wika.”  Inilista at sinuri nina Enriquez at Alfonso ang mga naunang pag-aaral na ginawa sa Sikolohiyang Pilipino na tumalakay rin sa wikang Tagalog.  Naging karaniwang puna ang paggamit ng Kanluraning lapit sa pag-aaral ng mga awtor.  Nagbigay sila ng panguna at sariling pagsusuri sa pag-aaral na mahihiwatigan sa tinatawag na Weltanschauung o pananaw sa mundo ng mga Tagalog batay sa mga pinakamayamang bokabularyo na mayroon ang wika tungkol sa isang konsepto (o set nito) at pinakakaunti.  Nakabuo ng ilang haka batay rito: 1) mahalaga ang tunguhan ng tao sa isa’t isa, 2) mahalaga ang damdamin at kapakanan ng iba, at 3) para sa lahat ang tagumpay at hindi pansarili lamang.  Sinundan ang kaisipang ito, ang sariling wika ay may kinalaman sa pag-iisip at pananaw sa buhay, ni Alfonso-Tynan na siyang pinakaesensya ng kanyang artikulo.  Tinalakay rito kung bakit wala masyadong pananaliksik sa sikolinggwistika sa panig ng mga linggwist at dahil raw ito sa modelo ni Noam Chomsky na maimpluwensiya sa larangan ng linggwistiks sa bansa na nagsasabing pantay-pantay ang lahat ng wika.  Nagpakita ang awtor ng mga halimbawang kumakalaban dito tulad ng pagmarka ng kasarian sa mga wika at ang pangkalahatang tono ng pananalita kung titingnan ang lapit ng iba’t ibang kultura sa paggamit ng mga pangkomunikasyong midyum sa internet.  Pinag-aralan din ang bilinggwalismo bilang isang paksang maaaring saliksikin sa sikolinggwistika at naipakita na malaki ang kaibahan ng pag-iisip na nag-umpisa sa isang wika kaysa sa kung ito’y isasalin lamang.

Ang dalawang artikulo rito ay may halos magkaparehong tema: “Ang Pananaw sa Mundo ng mga Ilukano Mula sa Kanilang Wika” ni Ernesto Constantino at “Ang Pananaw sa Daigdig ng Cebuano” ni Leonardo Mercado.  Tinalakay ni Constantino ang pagiging produktibo ng aspetong panghinaharap sa wikang Ilukano.  Maaari raw itong maiugnay sa kultura ng mga Iluko na nagbibigay-halaga sa hinaharap.  Ikinumpara rin niya ito sa Tagalog na kung saan mas maraming gamit ang progresibo at maaaring mahinuhang magkaiba ang kultura ng dalawa batay na rin sa gamit ng kanilang wika.  Sa kabilang banda, isang pagpapatuloy ng naunang pag-aaral ni Mercado ang artikulong isinama sa aklat at ngayon nama’y tumutuon sa tatlong aspeto ng wika at ang mahihiwatigan dito tungkol sa pananaw ng mga Cebuano tungkol sa sarili at sa mundo.  Ang tatlong paksang pinagtuunan niya ng pansin ay tungkol sa mga salitang may kinalaman sa pandama, konsepto ng “mabuti,” at mga numero na binigyang-halimbawa rin niya ng mga paradaym na nagpapakita sa pagtrato sa numero higit pa sa matematikal na katangian nito.

 

Ang “Mga Singit-Pangungusap Kaugnay ng Wika, Emosyon, Sitwasyon, at Tao Ayon sa Ilang Taga-UP Diliman (Isang Panimulang Pag-aaral)” ni Reginald Hao ay tungkol sa mga tinatawag na singit-pangungusap na kadalasang nagagamit sa mga sitwasyong balisa o may agam-agam ang mananalita.  Ikinategorya ang mga nakalap na singit-pangungusap at nailista ang mga iyon ayon sa mga salik na wikang ginamit, sitwasyon, at kung sino ang nagsasabi ng ganoon.  Naipakita na gumagamit ang mga Pilipino ng mga singit-pangungusap hindi lang dahil sa matinding emosyon kundi dahil na rin sa likas na di-tuwirang magpahayag o magsalita ang isang Pilipino upang hindi siya makasakit ng damdamin ng iba.

Isang pagsusuring pampanitikan ang kumukumpleto sa unang kategorya ng mga babasahin.  Sa “Estruktura ng Trawmatikong Kamalayan sa ‘Adobo’ ni Faye Cura: Pagsusuring Sikolinggwistika sa Isang Modernistang Tula” ni Romulo Baquiran Jr., sinubukang langkapan ng gramatikal na analisis ang mga pangungusap ng bawat linya ng tula.  Kapaki-pakinabang ang pagsusuri sa mga mag-aaral ng panitikan dahil ang paggamit ng sintaktik na pagsusuri ay di kadalasang ginagamit sa mga tula na talaga namang nagpapakita ng mga pangungusap na nasa di-karaniwang ayos.

Ang ikalawang kategorya ng mga babasahin ay mas tumutuon sa mga pag-aaral na may kinalaman sa ugnayan ng kultura at wika ngunit mas mababanaag ang paglutang ng makakultural na lapit sa mga pagsusuring ginawa.  Gaya ng naunang paghahati, makikita ang pagsisimula nito sa “Kultura ng Wika” ni Prospero Covar.  Isinaad ni Covar ang pagkakaugnay ng kultura at wika bagama’t ang pangkalahatang presentasyon ay nakahati sa paglalarawan ng mga bahagi ng pananalita at pagbabalanghay (domain) na binigyang-halimbawa sa paggamit ng “bahay.”

Isinalaysay ni Mary Jane Rodriguez-Tatel sa“Ang Pilipino Bilang ‘Tribu,’ ‘Pagano,’ at ‘Nativo’: Hermeneutika ng Pananakop sa Usapin ng Etnisidad at Kabansaan” ang paggamit ng mga salitang “tribu,” “pagano,” “nativo,” at iba pang kagaya nito upang ipangibabaw ang kaisipang pagiging di-sibilisado ng mga di-binyagang Pilipino noong panahon ng mga Amerikano.  Ang mga katawagang ito ay nagkaroon ng ganitong konotasyon sa tulong ng pagpapalaganap ng mga kolonisador at nagbunga rin ng self-actualization sa mga Pilipino, i.e. naniwala sila sa ganitong pagtatangi at naimpluwensiyahan kung paano sila nag-iisip tungkol sa sarili nila kung sila ay kasama sa grupong “minorya” at kung paano nila ituturing ang kanilang kapwa kung hindi sila magkasama sa isang grupo.  Sa huli, may suhestyon si Rodriguez-Tatel na kilalanin ang kapangyarihan ng wika sa pagtatakda sa kaisipan ng tao at kung gayon ay maiaayos ang mga nagawang pagkakamali noon.

May halos na katulad na tema sa“Ang Ebolusyon ng Salitang ‘Orag’ mula Sinaunang Panahon hanggang sa Kolonyalistang Pagsasalin sa Kasaysayan sa Kabikolan” ni Victor Dennis Nierva.  Inilahad at sinuri ng awtor ang kasaysayan ng salitang ‘orag’ mula sa magandang konotasyon nito at ugnayan sa maharlikang grupo ng mga sinaunang pamayanan tungo sa masamang konotasyon nito dahil sa mga gawain ng mga kolonisador na Español.  Ipinakita rin niya ang muling panunumbalik ng ‘orag’ sa orihinal nitong ibig sabihin sa modernong panahon dala ng mga post-kolonyal na pag-iisip at impluwensiya.

Sinimulan ni Jayson Petras ang kanyang “Ang Tagalog-Marikina sa Wikang Filipino: Isang Panimulang Talakay” sa pamamagitan ng pagpapakita ng ilang katangian ng wika at kulturang Pilipino at ang ugnayan nila sa isa’t isa.  Ito ang ginamit na pagsipat sa pagpapakita ng kulturang Marikenyo batay sa bokabularyo ng mga tagaroon.  Naging maikli lang ang pagtalakay rito at hindi gaanong napalawak at nasuri ang pagsasalamin ng bokabularyong inilista sa kultura ng bayan bagama’t gaya ng sinabi, isa itong panimulang pagtalakay at mayaman ang nailista at naikategoryang bokabularyo mula sa iba’t ibang domeyn ng pamumuhay at lipunan.

Naging mas tiyak ang pagtalakay ni Covar sa ugnayang kultura at wika sa kanyang “Kaalamang Bayang Dalumat ng Pagkataong Pilipino.”  Tinalakay at ginamit niya rito ang kaalamang bayan upang ipaliwanag ang pagkataong Pilipino.  Pinakasentro sa analisis ang paggamit ng mga konseptong “loob,” “labas,” at “lalim” na ipinakitang iba ang pagdukal sa pagkataong Pilipino batay sa mga katutubong konseptong ito.

Kasunod naman ng akda ni Covar ang “Ang Kamalayan at Kaluluwa: Isang Paglilinaw ng Ilang Konsepto sa Kinagisnang Sikolohiya” ni Salazar.  Tinalakay rito ang magkatuwang na mga konseptong umaayon sa pagsipat na “loob” at “labas” ng mga bagay-bagay at pinakabatayan ang konsepto ng “kaluluwa” at “ginhawa” na magkaugnay sa sinaunang kulturang Pilipino bago naiugnay ang kaluluwa sa maka-Kristyanong pananaw.  Sa ganitong mga pagsusuri maaaring bumatay ng mga pag-aaral sa Sikolohiyang Pilipino.

Masasabing ikatlong kategorya ang mga babasahing tumatalakay sa istruktura o gramar ng wika na pinasimulan ng dalawang artikulong nagbuod at sumuri sa mga naisulat tungkol sa gramatika at linggwistikang Pilipino.  Sa“Ang mga Gramatikang Tagalog/Pilipino na Isinulat ng mga Pilipino” ni Lydia Fer. Gonzales-Garcia, tinalunton niya ang mga naging pag-aaral sa gramatika ng Tagalog/Pilipino sa konteksto ng pagkakaroon ng pambansang wika.  Nagbigay siya ng kaligiran sa panahon at pangyayari nang maisulat ang mga akdang ito, sino at ano ang nakaimpluwensiya sa mga sumulat nito, at ang naging lapit ng kanilang pag-aaral.  Nais patunayan na nagkaroon ng masasabing gramatikang Filipino at pananaw na maka-Pilipino sa pagsusuri ng gramatika ng Tagalog/Pilipino.

Sa kabilang banda, tinutukan naman ni Nelly Cubar ang mga pag-aaral sa Tagalog/Pilipino/Filipino na sinulat ng mga Pilipino sa “Ang Linggwistikang Filipinong Nasulat sa Tagalog/Pilipino/Filipino.”  Ipinakita batay sa yaman ng mga nasulat na tunay ngang may disiplinang Filipino sa lawak at sakop ng mga erya tungkol sa pag-aaral nito di lamang sa istruktura nito kundi pati na rin sa pag-aaral sa pagsasalin, diksyunaryo, pagtuturo, at intelektwalisasyon.  May kritisismong ibinigay tungkol sa pag-aaral ng istruktura at iyon ay ang pagbatay nang malaki sa mga Kanluraning konsepto.  Hinihimok na makatuklas ng bagong ideya o bagay na makakatulong sa pagrebisa ng mga dating ginagamit na teorya na siyang magiging ambag na malaki sa linggwistikang Filipino.

Ang “Mga Pag-aaral sa Barayti ng Wika” ni Rosario Alonzo ay naglalahad at nagkakategorya ng mga pag-aaral na nagpapakita ng barayti ng wika na sumasaklaw hindi lamang sa lugar kundi pati rin sa panahon, katayuang panlipunan, gawain, propesyon, at iba pa.  Ipinapakita nitong may barayti ang wikang pambansa na nagpapatunay ng kakayahan nitong magamit sa iba’t ibang antas at uri ng komunikasyon.  Samantalang isang tiyak na barayti ang inilarawan ni Teresita Semorlan sa “Chavacano Filipino: Varayti ng Filipino sa Siyudad ng Zamboanga.”  Inilarawan dito ang Filipino ng mga Chavacano at kung paano nito naiimpluwensiyahan ang paggamit nila ng Filipino.  Ipinakita ang katangian ng barayting ito sa lahat ng lebel ng gramar, pati na rin sa bokabularyo at ispeling.  Pinatutunayan nito na hindi lamang Tagalog ang nakakaimpluwensiya ng pag-unlad ng Filipino.  Ganito rin ang naging tema sa “Varayti at Varyasyon ng Wikang Filipino sa Cebu at iba pang lugar sa Mindanao” ni Angelina Santos na kung saan ipinaliwanag kung ano ang varayti at varyasyon ng wika at ipinakita ang kaso ng paggamit ng mga Cebuano ng wikang Filipino.

Isang malaking bentahe ng libro ang pagsisimula sa pamamagitan ng pagtatampok sa artikulo ni Enriquez na siya namang muhon at Ama ng Sikolohiyang Pilipino sa bansa.  Naisama rin ang mga impluwensiyal na iskolar sa kani-kanilang larangan na sina Salazar, Covar, at Constantino.  Gaya ng nabanggit sa simula, walang tuwirang paghahati sa mga artikulong isinama sa libro, di tulad ng ginawang paghahati sa isang naunang inilimbag na katipunan din ng mga babasahin para sa Sikolohiya ng Wikang Filipino (Antonio at Tiamson-Rubin 2003).  Ang mga nagawa ng mga tanyag na iskolar na ito ang nagsisilbing tanda at modelo di lamang sa pinanggagalingang perspektiba kundi pati rin sa maaaring maging tunguhin ng mga pananalisik sa sikolinggwistika.

Pinakamalaki ang bulto ng mga artikulo na tumatalakay sa ugnayan ng kultura, lipunan, at wika.  Kahit ang mga artikulo nina Constantino at Mercado na tuwirang tiningnan ang ilang katangian ng istruktura ng wika ay mas naiugnay ito sa pananaw ng grupo sa kanilang kultura, isang penomenon na maaaring ugatin sa mga teorya sa sosyolinggwistika, partikular ang Whorfian hypothesis.  Bagama’t hindi naman maitatanggi na konektado talaga sa kultura ang sikolohiya ng mga Pilipino, ang kaisipang may matinding ugnayan ang indibidwal na psyche at ang kultura ay umiiral at inaaral sa larangan ng sikolohiyang pangkultura (cultural psychology) na tumitingin din sa pagtanggi sa ugnayang ito dahil sa indibidwalistikong pagsipat na kadalasang nakikita sa mga pag-aaral sa Hilagang Amerika (Markus at Hamedani 2010).  Lumalabas kung gayon na parang aksidental at nasa gilid lang sa karamihan ng mga isinamang pag-aaral ang mga implikasyon at ambag sa sikolinggwistika mismo.

Masasabing ang ilan sa mga paksang tinatalakay sa mga babasahing ito ay mas nasa erya ng sikolohiyang pangkultura, etnosikolohiyao kaya nama’y sa sosyolinggwistika kaysa sa sikolinggwistika mismo.  Ipinapaliwanag ang mga naunang pag-aaral sa sikolinggwistika gamit ang mga tuntuning itinakda at sabay sa mga pag-unlad sa linggwistiks (Fodor et al. 1974).  Bagama’t may mga naisamang pag-aaral mula sa panig ng gramar at linggwistiks, ang pagtalakay ay kapansin-pansing mas nakatuon sa paglalarawan ng gramar at barayti ng wika mismo imbes na tumalon sa pag-unawa kung paano nauunawaan at nagagamit ng mananalita ang kanyang wika, ito ang mga batayang paksain at tinatalakay sa sikolinggwistika (Caroll 1994).  Maaaring ikumpara ang mga nakalap na babasahin sa kalipunan na tinipon nina Leon Jakobovits at Murray Miron (1967).  Ang mga paksain gaya ng bilinggwalismo, pagkatuto ng wika, mga problemang dulot ng depekto sa bahagi ng utak na may kinalaman sa wika, at iba pang paksa na masasabing mas pundamental sa ugnayan ng sikolohiya at wika ay wala.  Nabanggit ni Enriquez ang ilang pag-aaral na nagawa ng kanilang departamento tungkol sa sikolinggwistika ngunit hindi naisama ang isa man sa katipunan ng aklat.

Totoong kailangang susugan ang sinabi ni Enriquez at ang mga gawa ng iba pang iskolar na dapat gumawa at lumikha ng mga pagsipat at pamamaraan na nag-uugat sa mga katutubong konsepto at hindi dapat ilapat kung ano ang natutunan sa mga Kanluraning pag-aaral.  Ganito ang naging pagkiling sa karamihan ng mga tinipong pag-aaral nina Lilia Antonio at Ligaya Tiamson-Rubin (2003) na tumatalakay sa ugnayan ng kultura at wika gamit ang mga pamamaraan sa Sikolohiyang Pilpino o mga katutubong konsepto.  Ngunit ang paniniwalang kinakailangang makabuo ng sariling pamamaraan at pagtatasa sa proseso ng pag-iisip at kamalayang nakaangkla sa mga katutubong konsepto at kulturang ginagalawan ay hindi na bago at hindi malayo sa mga panuntunan halimbawa ng sikolohiyang pangkultura.

Makikita ang mga paksang gaya nito sa katipunan ng mga artikulo na pinamatnugutan nina Uichol Kim et al. (2006).  Halimbawa nito ang pag-aaral nina Susumu Yamaguchi at Yakari Ariizumi (2006) sa amae (“ang pagtanggap sa di-akmang gawi o pakiusap”) na bagama’t katutubong salita sa Nihongo, ang sikolohikal na konsepto sa likod nito ay makikita rin sa ibang kultura.  Kung gayon, ipinapakitang hindi nangangahulugang ang mga katutubong konsepto ay halimbawa na ng katutubong sikolohiya.

Maaaring suriin ang sikolinggwistika mula sa iba’t ibang perspektiba, gaya ng paggamit ng katutubong konsepto sa pagsipat, ngunit hindi lang dapat paglalarawan gamit ang mga konseptong ito ang maging hantungan ng pag-aaral.  Kinakailangang maiugnay at makaambag din ito sa pangkalahatang kaalaman ng larangan ng sikolinggwistika bilang isa sa mga larangan ng Agham Panlipunan.  Gaya na lamang ng modelong dinebelop ni Salazar mula sa kanyang paghihimay sa konsepto ng “hiya,” naipakita na produktibo ang modelo at makikitang maaaring gamitin ito para sa iba pang katutubong konsepto gaya ng “awa” at “lungkot.”  Mas mainam at kapaki-pakinabang ang modelo sa larangan ng sikolinggwistika kung magagamit din ito sa pagsusuri ng ibang di-katutubong konsepto.  Ganito rin sana ang pangako ng pagbabalanghay at pagtatalatag na ginawa ni Covar ngunit hindi naging malinaw kung paano nagkakaroon ng paglalangkapan ang pagtalakay sa pormal na istruktura ng wika at ang pagtalakay sa balanghay ng mga salita sa wika, at ang mahihiwatigan kung gayon mula rito tungkol sa sikolinggwistikang Filipino.  Hindi maitatangging napakalaki ng magiging ambag nito sa mga pamamaraang magagamit sa larangan.

Sa pangkalahatan, mahusay at de-kalidad ang mga artikulo sa libro at walang kritisismong masasabi sa kalikasan ng naging pag-aaral nila.  Ngunit kitang-kita na ang ilan sa mga pag-aaral ay hayag na mas tumatalakay sa larangang pinanggalingan ng awtor gaya na lamang ng mga ginawang buod na pag-aaral nina Gonzales-Garcia at Cubar kaysa sa ambag nito sa larangan ng sikolinggwistika.  Ang problema at pag-aalinlangan ay nasa kaangkupan ng karamihan sa mga babasahin na mapasama sa isang libro na may layuning tipunin ang mga pag-aaral na kakatawan sa mga paksa at tunguhin ng pananaliksik sa sikolinggwistikang Filipino.  Kung babasahin lang bilang pag-aaral ang ilan sa mga artikulo na hindi iniuugnay sa sikolinggwistika, makikita ang kahusayan nito at ambag sa pinanggagalingan larangan.  Masasabi kung gayon na ang pinakakalakasan ng libro ay siya ring kahinaan nito kung kahinaan nga itong matatawag dahil kung hindi naging ganoong kalinaw ang mga paksain ng pananaliksik sa sikolinggwistikang Filipino, makikita naman ang yaman at kasaklawan ng matutunan tungkol sa mga pag-aaral sa Pilipinas.

Sanggunian

Antonio, L. at L. Tiamson-Rubin (mga pat.) (2003).  Sikolohiya ng wikang Filipino.  Quezon City: C&E Publishing, Inc.

Fodor, J., T. Bever, at M. Garrett (1974).  The psychology of language: An introduction to psycholinguistics and generative grammar.  New York: McGraw-Hill.

Caroll, D.W. (1994).  Psychology of language.  Pacific Grove: Brooks/Cole Publishing.

Jakobovits, L.A. at M.S. Miron (mga pat.) (1967).  Readings in the psychology of language.  Englewood Cliffs, NJ: Prentice-Hall.

Kim, U., K.S. Yang, at K.K. Hwang (mga pat.) (2006).  Indigenous and cultural psychology: Understanding people in context.  New York: Springer.

Markus, H.R. at M. Hamedani (2010).  Sociocultural psychology: The dynamic interdependence among self systems and social sSystems.  Nasa Kitayama, S. at D. Cohen (mga pat.), The handbook of cultural psychology.  New York: Guilford Press.

Yamaguchi, S. at Y. Ariizumi (2006).  Close interpersonal relationships among Japanese: Amae as distinguished from attachment and dependence.  Nasa U. Kim, K.S. Yang, at K.K. Hwang (mga pat.), Indigenous and cultural psychology: Understanding people in context.  New York: Springer, 16.