[DIWA E-Journal Tomo 1, Bilang 1, Nobyembre 2013] Kasaysayan, Lipunan, at Sikolohiyang Pilipino
Atoy M. Navarro
Faculty of Allied Health Sciences
Thammasat University (TU), Rangsit, Thailand
Jayson D. Petras
Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas
University of the Philippines (UP), Diliman, Quezon City
Maria Theresa Ujano-Batangan, Ph.D.
Department of Psychology
University of the Philippines (UP), Diliman, Quezon City
Mahigit 40 taon matapos nang unang lumabas ang Diwa bilang “dyornal sa sikolohiya, agham, kultura, at lipunang Pilipino,” muling binubuhay ito bilang DIWA E-Journal, ang opisyal na refereed e-journal ng Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino (PSSP). Unang lumabas ang Diwa noong 1972 na may temang “Katipunan ng mga Lathalaing Pansikolohiya” sa pamamatnugot nina Virgilio Enriquez, Ama ng Sikolohiyang Pilipino at Lilia Antonio. Simula 1972 hanggang sa pagkakatatag ng PSSP noong 1975, naging patnugot ng serye si Enriquez. Kasunod ni Enriquez, naging patnugot din ng serye at patnugot ng mga isyu sina Antonio at Rogelia Pe-Pua. Samu’t sari ang pinaksa ng Diwa na kadalasang tematiko bawat isyu. May pumaksa sa iba’t ibang usaping sikolohikal (Enriquez at Antonio 1972; Enriquez at Alfonso 1973), malayang paggunita (Alfonso 1974), sikolinggwistikang Pilipino (Enriquez 1974b), lipunan at panitikan (Antonio 1975), sosyo-sikolohikal na pagsusuri sa pagkakaingin (Velasco 1976), lihis na pagkilos (David 1976), pagbabago at pag-unlad ng mga Agta (Bennagen 1977), pandarayuhan (Enriquez-Alejo 1980), panitikang popular (Samson 1981), karanasan ng mga anak ng bilanggong pulitikal (Protacio-Marcelino 1985), at iba pa. Hindi ganap na nailimbag ang lahat ng mga isyu ng Diwa at nanatiling salansanang may kaunting kopya lamang ang ilan sa mga ito. Pinamatnugutan ni Grace Aguiling-Dalisay (1993) ang pinakahuling nalathalang isyu ng Diwa na may temang “Sekswalidad at Lipunang Pilipino.” Sa pagpanaw ni Enriquez noong 1994, nahinto na ang paglalathala ng Diwa bilang seryal ng PSSP. Sa halip, inilathala ng PSSP ang Binhi bilang serye ng monograp (Pe-Pua at Protacio-Marcelino 2002; Pe-Pua 2005; Javier 2005; Ong 2007) at Isip bilang serye ng pinamatnugutang libro (Cantiller at Yacat 2011) (tingnan ang Larawan 1 at 2).
Larawan 1
Mga Pabalat ng mga Nalathalang Isyu ng Diwa noong 1977 at 1980
Larawan 2
Mga Pabalat ng mga Nalathalang Isyu ng Binhi noong 2002/2007 at Isip nitong 2011
Ngunit ngayong 2013, kasabay ng patuloy na paglalathala ng Binhi at Isip, muling binubuhay ang naunang journal ng PSSP bilang DIWA E-Journal sa layuning maglathala ng mga makabuluhan at makatuturang pag-aaral sa Sikolohiyang Pilipino (SP)na nagsusuri at umuunawa sa diwa at pagkataong Pilipino mula sa oryentasyon at perspektibong Pilipino tungo sa pagpapalawak ng pambansang kamalayan at kamulatan ng sambayanang Pilipino. Bilang opisyal na refereed e-journal ng PSSP, magtatampok ang DIWA E-Journal ng mga pinakabagong pag-aaral sa SP. Nagsisilbing tagagabay ng patnugutan ng refereed e-journal na ito ang pamunuan ng PSSP at lupong tagapayo ng DIWA E-Journal na kinabibilangan din ng mga dating patnugot na sina Antonio, Pe-Pua, at Aguiling-Dalisay. Mula sa kasapian ng PSSP ang bubuo sa patnugutan ng DIWA E-Journal na manunungkulan sa loob ng isang taon. Magmumula sa kasapian ng PSSP at kapanalig sa SP ang mga referee ng DIWA E-Journal na magtatasa sa mga pananaliksik ayon sa mga sumusunod na pamantayan: (a) kahalagahan ng pag-aaral; (b) kaparaanan sa pananaliksik; (c) kalidad o kahusayan ng pagkakasulat; at (d) kontribusyon sa SP.
Sa inawgural na isyung ito ng DIWA E-Journal, matutunghayan ang iba’t ibang artikulo at rebyu na nagtatampok sa kasaysayan, lipunan, at SP. Hinahati sa dalawang tema ang nilalamang walong artikulo ng isyung ito: (a) loob at kapwa sa kasaysayan at SP at (b) wika, pananampalataya, pamumuno, at SP. Samantala, may nilalaman ding limang natatanging rebyu ang isyung ito.
Loob at kapwa sa Kasaysayan at SP
Ang loob at kapwa ang dalawa sa pinakamahahalagang katutubong konseptong dinalumat, dinadalumat, at patuloy na dinadalumat hindi lamang sa SP kundi sa iba pang agham panlipunang Pilipino (APP) na kinabibilangan ng bagong kasaysayan (BAKAS), pilosopiyang Pilipino (PP), teolohiyang Pilipino (TP), at Pilipinolohiya.
Malalim ang pagkakaugat ng loob at kapwa sa kalinangan at kasaysayang Pilipino na pinatutunayan ng pagkakatala at pagkakatukoy sa mga ito sa mga sinaunang bokabularyo, diksyunaryo’t tesauro. Sa mga bokabularyong Ilokano-Español ni Andres Carro (1849, 1888), pinakahulugan niya ang kasingkahulugan ng loob na “naquem” o nakem bilang huwisyo, katatagan ng pag-unawa, paggamit ng pangangatwiran, at pagboboluntaryo o pagkukusa (juicio, cordura, entereza de entendimento, uso de razon, y voluntad). Samantala, pinakahulugan naman ang katumbas ng loob na “boot” o “buot” o buut bilang may kahusayan o karunungan sa isang bagay, pagboboluntaryo o pagkukusa, pagkagusto, at paghusga (ser alguno ducho diestro esperimentado en alguna cosa, voluntad, desear, querer, ser de gusto, juzgar) sa mga diksyonaryong Bisaya-Español nina Juan Felix de la Encarnacion (1851) at Antonio Sanchez de la Rosa (1895). Sa bokabularyong Tagalog-Español naman nina Juan de Noceda at Pedro de Sanlucar (1860), pinakahulugan ang “capoua” bilang pagtukoy sa parehong dalawa (ambos á dos igualmente) at “loob” bilang pagpasok, pagkagusto, at pagboboluntaryo o pagkukusa (adentro, entrar aposento, querer, voluntad, hacer algo voluntariamento). Patuloy na itinala’t tinukoy ang buot, buut o kabubut-on; loob; nakem o pakinakem; at kapowa, kapuwa, kapwa o pakikipagkapuwa-tao sa mga sumunod pang bokabularyo, diksyunaryo’t tesaurong Tagalog, Pilipino, at Filipino nina Pedro Serrano Laktaw (1914), Jose Villa Panganiban (1966, 1972), Leo James English (1977), Vito Santos (1978), at ng Linangan ng mga Wika ng Pilipinas (LWP) (1989), Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) (1996), at University of the Philippines (UP) Sentro ng Wikang Filipino (SWF) (Almario 2001, 2010).
Pinalawak at pinalalim ang mga pagpapakahulugan sa mga katutubong konseptong ito sa mga konseptwal at teoretikal na talastasan sa SP, BAKAS, PP, TP, at Pilipinolohiya. Sa kanyang hermeneutikal na pagsusuri sa buut-loob-nakem na nagpatampok sa iba’t ibang tema (intelektwal, bolisyunal, emosyunal, etikal, at samu’t sari) batay sa gamit ng mga katagang ito at mga kaugnay na salita, itinuring ni Leonardo Mercado (1972, 1974) ang mga katutubong konseptong ito bilang holistiko at interyor na sarili na kaugnay ng pagkataong Pilipino. Sa kaso naman ni Enriquez (1977), kinilala niyang mayamang larangang teoretikal ang loob na makikita sa implikasyong panlipunan ng mga konseptong sikolohikal na gaya ng kusang loob, lakas ng loob, sama ng loob, at utang na loob. Ngunit bukod sa pagdadalumat sa loob, higit na nakilala si Enriquez (1978) sa pagtatampok niya sa kapwa bilang “batayang konsepto sa ugnayang panlipunan” na nakasalalay sa pagpapakahulugan dito bilang pagkakaisa ng “sarili” at “iba.” Karaniwang ginagamit ang “sarili/self” bilang kasalungat ng “iba/others,” ngunit sa kapwa, may iisa o magkatulad na pagkakakilanlan ang “sarili” at “iba.” Sa kanyang pagbabalangkas ng pagpapahalagang Pilipino, tinukoy ni Enriquez (1987, 1992) ang hiya, utang na loob, at pakikisama bilang paayong paimbabaw na pagpapahalaga; biro, lambing,at tampo bilang mga kaugnay na kilos; at bahala na, lakas/sama ng loob,at pakikibaka bilang palabang paimbabaw na pagpapahalaga. Binigyang-empasis niya sa pagbabalangkas na ito ang kapwa bilang “buod na pagpapahalaga” na kaugnay ng pakiramdam bilang pagpapahalagang tulay ng sarili at iba at kagandahang-loob bilang pagpapahalagang tulay ng sarili at lipunan. Iniugnay sa mga nabanggit ang mga pagpapahalagang panlipunan tulad ng karangalan, katarungan, at kalayaan. Bukod pa rito, tiningnan ni Enriquez (1977, 1978, 1987, 1992) na may dalawang kategorya ang kapwa na salalayan ng pakikipagkapwa: hindi ibang tao (kabilang sa atin o tagaloob) at ibang tao (tagalabas) na tungtungan din sa pagtutunguhan sa makapilipinong pananaliksik. Samantala, sa sikolinggwistikal na pagsusuri ni Zeus Salazar (1977) sa pagkakaugnay ng kaluluwa at ginhawa na sinasabing bumubuo sa kalooban ng tao at naglalarawan sa pagkatao mula sa loob, malawakang ipinakita ang tambalan ng loob at labas. Sinasabing tinataguriang “mahina” o “malakas,” “malambot o matigas” ang loob bilang “damdamin” batay sa kinalabasang “gawa” o “kilos.” Mas pinagyaman pa ni Salazar (1981) ang pag-aaral sa tambalan ng loob at labas sa kanyang sikolinggwistikal na pagsusuri sa hiya at mga panlaping maaaring ikabit dito. Sa kanyang pagsisiyasat, napansin niyang may isang pangkat ng mga katagang kinabibilangan ng “hiyain,” “ikahiya,” at “mapahiya” na kaugnay ng “gawa” o “kilos,” ibig sabihin, labas, at may isang pangkat naman ng mga salitang kinabibilangan ng “kahihiyan” at “mahiyain” na pumapatungkol sa “damdamin,” samakatwid, loob. May pagtukoy rin sa loob sina Roque Ferriols (1979) at Jose De Mesa (1987) sa kanilang pag-aaral sa PP at TP ukol sa pagkatao at kulturang Pilipino. Mahusay namang nilagom, pinalawak, at pinalalim nina Dionisio Miranda (1989) at Albert Alejo (1990) ang talastasan ukol sa loob lalo na sa konteksto ng kultura at pananampalatayang Pilipino. Sa pagsisiyasat ni Serafin Talisayon (1990), lumitaw na mahahalagang sabklaster ng pagpapahalagang Pilipino yaong mga umiikot sa loob at pakikipagkapwa-tao na kaugnay ng iba’t ibang makroklaster na may kinalaman sa papaloob na pagtingin, pagiging optimistiko, pagkakaroon ng kaugnayan o relasyon, at panlipunang pagtingin. Sa pag-aaral sa pamantayang Pilipino, itinuring ni F. Landa Jocano (1997) na pamantayang pang-ugnayan ang kapwa at pakikipagkapwa-tao na kaugnay ng mga buod na elementong halaga at asal samantalang kinalalagyan at luklukan naman ng buod na elementong diwa ang loob. Sa Pilipinolohiya, ipinaloob naman ni Prospero Covar (1991, 1993, 2004) ang loob-labas at pakikipagkapwa sa isang pagbabalangkas ng pambansang kaisipan, kultura, at lipunang Pilipino na nagsasaalang-alang sa pagkataong Pilipino at istrukturang panlipunan na kinabibilangan ng kamag-anakan/angkan/sambahayan, samahan/kapisanan/simulain, pamayanan, at sambayanan. At sa pagsisiyasat naman ni Clemen Aquino (1999, 2013), pinag-ugnay-ugnay ang mga katutubong konsepto ng kapwa sa SP sa pangunguna ni Enriquez, kapatiran sa Pilipinolohiya sa pangunguna ni Covar, at bayan sa BAKAS sa pangunguna ni Salazar. Pinaksa ni Aquino (1999, 2013) ang kapwa bilang panlipunang pagpapakahulugan at ipinaloob ito sa panlipunang pagbabanghay na isang mabisang paraan sa pag-unawa sa sariling lipunan.
Sumasayapak sa mga pagpupunyaging ito, tampok sa e-journal na ito ang limang artikulong naglalapat ng mga pagpapakahulugan sa loob at kapwa sa pag-aaral ng kasaysayan na nagpapayaman sa historikal at empirikal na talastasan sa SP, BAKAS, PP, TP, at Pilipinolohiya. Inayos sa kronolohikal na paraan, pinatutunayan ng mga sanaysay na magagamit ang mga katutubong konsepto sa pag-aaral, pagsusuri, at pag-unawa sa iba’t ibang yugto ng ating kasaysayan. Inuumpisahan ang unang bahagi ng e-journal na ito sa artikulo nina Ignatius Vinzons at Mary Dorothy Jose na pumapaksa sa pagtatalaban ng kagandahang panloob (pagmamalasakit, pakikipagkapwa, at kalinisan ng loob) at kagandahang panlabas (pagiging maputi, makinis, maganda, at mahinhin) sa paglalarawan ng kababaihan sa piling epikong Pilipino na itinuturing na sinaunang anyo ng kasaysayan (Gallardo at Ramos 1986; Veneracion 1990; Navarro 2000). Tatlong epiko ang pinili (Hudhud hi Aliguyon mula sa Luzon; Epiko ni Labaw Donggon mula sa Visayas; at Ang Paghahanap ni Matabagka sa Diyos ng Hangin mula sa Mindanao) at sinuri na nagpalitaw na bagama’t masasabing sa pangkalahatan mas mataas ang katayuan ng kababaihan sa sinaunang kabihasnan kumpara sa panahong kolonyal, masasabing may seksistang pagtingin pa rin laban sa kababaihan kahit na sa sinaunang lipunan pa lamang na ipinahiwatig ng mas maigting na paglalarawan sa kagandahang panlabas na may pagturing sa kababaihan bilang obheto na kailangang maging kaaya-aya sa paningin lalo na ng kalalakihan. Hindi niroromantisa ang sinaunang kabihasnang Pilipino, ipinakita sa sanaysay na may diskriminasyon at opresyon na rin laban sa kababaihan sa sinaunang lipunan.
Sa sanaysay naman ni Amelia Ferrer tungkol sa sanduguan nina Katunao at Miguel Lopez de Legazpi, na nagsilbing pangunahing hudyat sa higit na masalimuot na ugnayan ng mga Pilipino sa mga Español, isinakonteksto ang naturang sanduguan sa uri ng pamumuhay ng mga Bol-anon noong dantaon 16 na hindi kadalasang binibigyang-diin sa mga pinakahuling malawakang pagtalakay sa paksa (Abrera 1994, 1995; Almario 2003; Aguilar 2010). Sa sinaunang panahong ito, umusbong bilang sentro ng kalakalan ang maraming komunidad baybayin at kailugan sa kapuluan na gaya ng Bohol na naging bahagi ng masalimuot na ugnayang pangkalinangan, pangkabuhayan, at pangkapangyarihan ng mga pamayanan sa Timog Silangang Asya. Mula sa ganitong konteksto tiningnan ang sandugo bilang anyo ng makig-ingon-ingon o pakikipagkapwa na maiiugnay rin sa katutubong konseptong buut ng mga Bisaya. Sa harap ng paglawak ng interes ng mga Europeo tulad ng mga Español sa Timog Silangang Asya, nalansag ang balanse ng kapangyarihang namamayani noon sa maraming pamayanan sa rehiyon. Kaugnay nito, binago ng mga Bol-anon ang kahulugan at gamit ng sandugo bilang pakikipagkapwa sa kanilang pagtatangkang pag-ibayuhin ang posisyon sa harap ng nagbabagong reyalidad na dala ng mga Español.
Pag-uugnay-ugnay naman ng iba’t ibang katutubong konseptong Bisaya’t Pilipino tungo sa pag-unawa sa katatagan ng buut ng mga bayani ng himagsikang Pilipino sa Panay noong 1896-1898 ang pinagtuunan ng pansin sa artikulo ni Vicente Villan. Pagpapatuloy ito ng naunang pag-aaral ni Villan (2013) ukol sa bisa ng kinagisnang sikolohiya sa pagsisiyasat hinggil sa kasaysayan at himagsikang Pilipino. Sa kasalukuyang sanaysay, tinukoy ni Villan ang ilub (pagpapakumbaba at pagpaparaya sa lahat ng uri ng dalamhating sosyolohikal), unong (pagiging maaasahan at matapat sa sinumang itinatanging nilalang), at amok (pagiging makatarungan at makatwirang pagpapahayag ng niloloob para sa inaasam na ginhawang pangkatawan, pangkaisipan, at pangkalooban) bilang mabibisang daan sa pag-unawa sa katatagan ng buut ng mga bayani. Pinatunayan niya ito sa pamamagitan ng pag-uugat sa pagpapakahulugan sa kabuuan ng tao na binubuo ng lawas (katawan), huna-huna (kaisipan), at batyag (pakiramdam). Sinundan ito ng pagtalakay sa pagkakaugnay ng buut sa pakig-abian (pakikipagkaibigan) at pakig-anghod (sanduguan) lalo na sa harap ng kolonyalismo. Inuugnay rin niya ang kabuhi (buhay), kinaayo (ginhawa/pag-uswag), at dungog (dangal) sa pagsasalaysay sa mga isinagawang paghihimagsik na tinitingnang pagsasakabuluhan ng paglilingkod-bayan tungo sa inaadhikang pagbabagong panlipunan noong himagsikang Pilipino. Sa kabuuan, daluyan, luklukan, at tagapaglikha ng panlipunang halagahin ang ilub, unong, at amok na mga panlipunang kasangkapan sa pagpapahayag ng katatagan ng kalooban ng mga bayani ng bayan.
Kung sa kanyang naunang pag-aaral tiningnan ni Ayshia Kunting (2012) ang pagkakaugat ng dalumat at praktis ng sabil (tagapagtanggol ng bayan sa ngalan ni Allah) sa konsepto ng jihad (pakikibaka para kay Allah) at pananampalatayang Islamiko na naggiit na hindi juramentado kundi mujahid (nagsasagawa ng Islamikong jihad) ang mga mandirigmang Moro, sa kasalukuyang pagsisiyasat, iniugay naman niya ang praktis ng sabil sa katutubong konsepto ng loob (pangatayan). Tungtungan ang mahabang kasaysayan ng pakikibakang Moro, ipakita ni Kunting sa kanyang artikulo na mali ang persepsyong isang walang kaisipang pakikibaka ang juramentado kundi nakaugat ito sa sabil. Nilinaw niya ang mga pananaw ng mga Moro sa Sulu ukol sa loob at ang kaugnayan nito sa pakikibakang Moro noong panahon ng Digmaang Pilipino-Amerikano. Iniugnay rin niya ang sabil sa pangkalahatang konsepto ng loob ng mga Pilipino at ipinakita ang mga manipestasyon ng kalinisan ng loob (kalissinan sin pangatayan), lakas o tapang ng loob (isug sin pangatayan), at tibay ng loob (hughut sin pangatayan) sa praktis ng sabil sa Sulu noong digmaang Pilipino-Amerikano. Matapos ito, sinasabing nagpatuloy pa rin ang sabil bilang paglaban para sa pagbabagong panlipunan at tunay na kalayaan ng bayan.
Bagama’t maihahanay ang pag-aaral ni Jalton Taguibao sa mga nauna nang pagsisiyasat sa kultura at pulitika ng retorika ng pamumuno sa kasaysayan at lipunang Pilipino (Ileto 1984; Javier 2012), naiiba pa rin ang kanyang pag-aaral sa tuwirang pagtukoy nito sa mga katutubong konsepto ng kapwa at loob sa konteksto ng ugnayang pulitikal sa pagitan ng pangulo at mamamayan. Sa kanyang sanaysay, sinuri niya ang mga representasyon ng kapwa at loob sa mga talumpati at pagtatalumpati ng pangulo ng Pilipinas mula 1986 hanggang 2013. Naging tungtungang teoretikal ni Taguibao ang malawakan at malalimang talastasan sa kapwa at loob na iniugnay niya sa mga pagdadalumat sa ugnayang pulitikal sa Pilipinas. Mula sa talastasang ito, iniharap niya ang mga talumpati at pagtatalumpati ng pangulo sa pamamagitan ng paglalarawan, paghahambing, at pag-uugnay sa mga ito. Sa kanyang pangkalahatang pagtalakay sa representasyon ng kapwa at loob sa mga talumpati at pagtatalumpati, sinabi niyang iba’t iba ang antas at uri ng pakikitungo ng pangulo sa okasyon ng kanyang pagtatalumpati. Sinasabing maaaring magkaroon ang pakikipagtunguhan sa ugnayang pulitikal na ito ng iba’t ibang katangian tulad ng pagbibigay-alam, pag-aaruga, pagmamalasakit, at pakikiisa. Ngunit bagama’t madarama ang kapwa/pakikipagkapwa sa pagtatalumpati ng pangulo kasabay ng mga hayag at matatag na tendensya sa kanyang pakikipag-usap sa mamamayan, mahirap namang makita kung tunay nga bang sinasalamin ng kapwa/pakikipagkapwa ng pangulo ang kanyang loob/kalooban. Nagtatapos ang artikulo sa paanyayang pagyamanin ang mga pilosopikal, metodolohikal, at praktikal na usapin sa pananaliksik ukol sa retorika ng pamumuno sa kasaysayan at lipunang Pilipino.
Mula sa pagsasakasaysayan sa sinaunang kabihasnan hanggang sa kontemporaryong panahon, sa bisa ng interdisiplinaryo at multidisiplinaryong ugnayan ng mga APP, ipinakita ng limang artikulo sa unang bahagi ng e-journal na ito na makabuluhan at makatuturan ang paglalapat ng mga katutubong konsepto ng loob at kapwa sa pag-aaral, pagsusuri, at pag-unawa sa ating kasaysayan.
WIKA, pananampalataya, pamumuno, at SP
Kabilang sa mga larangang nilinang ng SP ang pag-aaral ng wika (Enriquez 1974a, 1974b; Cipres-Ortega 1981; Enriquez at Protacio-Marcelino 1983; Javier 2000; Antonio at Tiamson-Rubin 2003; Antonio et al. 2011), pananampalataya (Mercado 1977), at pamumuno (Lupdag 1984; ELF 1997). Tampok sa e-journal na ito ang tatlong artikulong nagpapayabong pa sa pagsisiyasat sa mga larangang ito.
Matingkad ang pagkiling ng SP sa paglalahad ng mga pag-aaral at kaalaman sa mga lokal na wikang siyang sumasalamin, nagbubuod, at nagbabansag ng mga karanasan ng mga Pilipino. Nauugat ang pananaw na ito sa paniniwalang ang wikang ginagamit ay nakakaimpluwensiya sa paraan ng pag-iisip at saloobin ng mga tao. Sa kasalukuyang kalakaran ng paggamit ng wikang Filipino at wikang Ingles ng kabataang Pilipino, mahalagang tingnan ang mga saloobin at pananaw tungo sa paggamit ng mga nasabing wika. Ito ang pinagtuunan ng pansin sa pag-aaral ni Krupskaya Añonuevo. Sinimulan ng may-akda ang kanyang artikulo sa pamamagitan ng paglalahad sa pinag-ugatan ng paggamit ng wikang Filipino at wikang Ingles, gayundin ang usapin ng bilinggwalismo. Sa pamamagitan ng kanyang pagsisiyasat sa mga saloobin ng kabataang Pilipino, nakita ang dalawang paglalarawan sa mga wikang ito. Ang Filipino ay kadalasang iniuugnay sa konsepto ng “kapamilya” habang ang Ingles naman ay iniuugnay sa konsepto ng “kaibigan.” Sa usapin ng paggamit, nakita ang pagbabalangkas ng Filipino bilang wika ng pagpapahayag ng damdamin at pakikipag-ugnayan. Sa kabilang banda, ang Ingles naman ay kadalasang ginagamit sa akademikong diskurso ng pagbabasa at pagsusulat, gayundin sa panonood ng mga palabas. Mahihinuha mula sa kinahinatnan na kinikilala ng mga kalahok sa pag-aaral ang kahalagahan ng paggamit ng Filipino, bagama’t nagpahiwatig ang ilan sa kanila ng hirap sa pag-unawa sa nasabing wika. Mahalaga ring ikunsidera ang positibong pagtingin ng mga kalahok sa bilinggwalismo, ang kakayanang magpahayag ng sarili sa Filipino at Ingles, na ayon sa kanila ay nakapagbibigay ng iba’t ibang paraan sa pagpapahayag ng kanilang sarili.
Alinsunod sa pagtatalaga ng pagkakahalintulad at pagkakaiba ng konseptong sikolohikal, mahalaga ang ambag ni Homer Yabut sa paglilinaw ng paniniwala at pagpapahalaga sa ispiritwalidad at relihiyon ng mga Pilipino. Sa pamamagitan ng pagtatanong-tanong, nakita ang dalawang matitingkad na tema ng pagkaranas at pagbibigay-pakahulugan ng mga Pilipino sa ispiritwalidad at relihiyon. Ang unang tema ay ang pagiging penomelohikal ng karanasan ng ispirtwalidad. Nakita mula sa mga tugon ng kalahok na ang ispiritwalidad ay bahagi ng karanasang panloob at hindi panlabas. Itinatalaga itong kaibuturan ng tao na may iba’t ibang katangian at paraan ng pagkaranas. Ang pangalawang tema ay nakatuon sa pag-uugnay nito sa Diyos at kapwa. Ang ispiritwalidad ay sinasalamin ng ugnayan ng tao sa isang mataas na entidad at sa kanyang kapwa-tao. Makikita ang panloob na aspekto nito sa konteksto ng pagbabahagi ng sarili sa relasyong binubuo ng tao sa kanyang kapwa. Ang pakikipagkapwa-tao ay kalakip ng pagkaranas ng ugnayan ng tao sa kanyang Diyos. Kung lalagumin ang ugnayan ng ispiritwalidad at relihiyon, may paniniwala ang mga kalahok na ang daan ng paglalahad ng ispiritwalidad ay sa pamamagitan ng relihiyon. Ang huli ay ang bahaging panlabas na nag-uugnay sa mga paniniwala at pananampalataya.
Samantala, ang pag-aaral naman ni Darren Dumaop ukol sa pamumuno ay nagsimula sa pamamagitan ng paghahambing ng mga batayang pag-aaral sa Pilipinas ukol sa leadership. Ayon sa kanyang obserbasyon, marami sa mga naunang pag-aral sa larangan ay ginamitan ng balangkas na Kanluranin sa pag-unawa sa pagiging lider ng mga Pilipino. Inihambing niya ang mga naunang pag-aaral sa mga pananaliksik na tumingin sa pamumuno gamit ang lente ng kultura. Inilahad mula ritong madalas na ang pagtingin sa namumuno ng mga Pilipino ay nakaugnay sa pagtataglay ng mga katangian tulad ng pagiging palakaibigan, katiyagaan, pagmamalasakit, pagkadominante, at pagkaresponsable. Sa pamamagitan ng paggamit ng Panukat ng Pagkataong Pilipino (PPP) ni Annadaisy Carlota (1985, 1997) at Masaklaw na Panukat (MAPA) ng Loob ni Gregorio del Pilar III (2011, 2012), inihambing ng mananaliksik ang katangian ng mga lider (pulitikal na lider) at di-lider (mamamayang walang pulitikal na posisyon). Mula sa kinahinatnan ng pananaliksik ay nakitang ang mga lider ay may katangiang mas mayabang, mas hindi maayos, mas palakaibigan, at mas matulungin, kumpara sa mga di-lider. Mapapansin ding may mga sosyo-demograpikong katangiang nauugnay sa pagiging lider, tukoy rito ang edad (karamihan ay mas matanda), kasarian (karamihan ay kalalakihan), at antas ng edukasyon (karamihan ay nakatuntong ng kolehiyo).
Ang mga nabanggit na pag-aaral ay nagbukas ng mga bagong tunguhin sa pananaliksik upang lalong maunawaan ang sikolohiya ng wika, pananampalataya, at pamumuno. Inihayag ang pangangailangan sa pagpapatuloy ng pagsisiyasat upang lalo pang mapagtibay ang mga kaalaman sa mga nasabing paksa. Nag-iwan ng mga hamon ang mga pagsisiyasat sa nakagawiang pananaw at pagbabalangkas sa wika, pananampalataya, at pamumuno.
Panunuring SP
Dikit sa pagtatampok sa SP bilang sikolohiya ng kapwa ang tunguhin nito sa isang malaya at mapagpalayang sikolohiya. Kaganapan ng ganitong mithi ang pagbaklas ng tanikalang dulot ng mga mananakop sa kaisipang Pilipino, pag-ilanlang sa kumunoy ng imposisyong hatid ng mayayamang bansa sa iba’t ibang aspekto ng reyalidad ng mga naghihikahos, at pagbalikwas mula sa mapanupil na papel ng sikolohiya sa mga walang boses o piniping bahagi ng lipunan (Enriquez 1992; Yacat 2013). Sa ganitong konteksto, napatitibay ang dalawang magkasalikop na mukha ng SP bilang disiplina at kilusan na tinalakay at patuloy na binabagtas ng iba’t ibang iskolar sa sikolohiya at iba pang larangan ng agham panlipunan (Pe-Pua at Protacio-Marcelino 2002; Torres 2002; San Juan 2006; Yacat 2013).
Maihuhulma sa nasabing pagdalumat sa SP ang limang pagsusuring nakapaloob sa nagbabalik at nagbabagong-bihis na publikasyon ng DIWA E-Journal. Mula sa iba’t ibang larangan at praktis, maaaninaw ang kawing ng SP sa pagsusuri ng mga usaping akademiya at panlipunan na isinagawa ng mga kasalukuyang rebyuwer. Una na rito ang pagbalangkas ni Adonis Elumbre sa mga proposisyon at argumentong isinambulat ni R. Kwan Laurel (2010) bilang kontra-diskurso sa mga kontra-diskursong muhon sa kanyang aklat na Philippine Cultural Disasters: Essays on an Age of Hyper Consumption. Gamit ang dimensyong loob at labas ng kulturang sawi sa konteksto ng “pakikipagpatintero” sa akademiya (loob) at ng lohika ng kalinangang bayan (labas), isiniwalat ng pagsusuri ang katotohanan at kabalintunaan ng mga pahayag ni Laurel hinggil sa kapantasan at produksyong kultural sa bansa—na habang may pagkilala sa matatag na pundasyong Marxista sa may-akda ay aninag ang hibo ng pakikipagpatintero nito sa pagtataguyod sa sariling bersyon ng ideolohiya na nagsisilbing tabing sa higit na malawak na pagtanaw sa mga lubog-sa-bayang usapin ng wikang Filipino, kabansaan, at pagkamakabayan. Sa huli, sa kabila ng mga puna, nakita ni Elumbre ang bisa ng akda sa patuloy na pagdaloy ng mahahalagang paksa ng talastasan hinggil sa “pagbubuong pangkalinangan na lampas pa sa produksyong kultural ng mga elit.”
Ang usapin ng wikang Filipino at mga wika sa Pilipinas na nakapaloob sa suri ni Elumbre ay malaon nang bitbit sa mga balitaktakan sa akademiya. Hindi naiiba rito ang kaso ng SP na tumitindig sa pagpapayaman at pagsusulong ng wikang Filipino at iba pang wika sa Pilipinas sa pamamagitan ng paghubog ng mga katutubong konsepto, teorya, at lapit at pamamaraan ng pananaliksik bilang ambag sa ganap na sikolohiyang unibersal at sa mapagbuong sikolohiyang kumilala sa pagkakapantay-pantay (Enriquez 1981; Antonio 2000; Pe-Pua at Protacio-Marcelino 2002; Pe-Pua 2005; Yacat 2013). Ibinunga nito ang pagsasanga ng SP sa larangan ng sikolohiya ng wikang Filipino na nagluwal ng iba’t ibang kalipunan ng mga pananaliksik (Enriquez at Antonio 1972; Enriquez 1974a, 1974b; Antonio at Tiamson-Rubin 2003). Katuloy sa mithiin ng pagtatampok at paglilinang sa wikang Filipino at mga wika sa Pilipinas sa larangan ng sikolohiya ang sinuring aklat ni Ma. Althea Enriquez na Mga Babasahin sa Sikolinggwistikang Filipino nina Lilia Antonio, Anatalia Ramos, at Aura Albano-Abiera (2011). Bagama’t walang tiyak na paghahati ang dalawampung artikulong lahok sa aklat, isinalansan ni Enriquez sa kanyang pagtalakay ang mga kontribusyon sa tatlong kategorya: 1) ugnayang sikolohiya at wika; 2) ugnayang kultura at wika; at 3) istruktura o gramar ng wika. Isa-isang binuod at sinuri ang bawat artikulo sa bawat klasipikasyon upang palitawin ang kalakasan at kahinaan ng aklat sa kabuuan. Aniya, higit na lumilitaw sa mga babasahin ang pagkakaugnay nito sa sikolohiyang pangkultura, etnosikolohiya, at/o sosyolinggwistika kaysa sa sikolinggwistika na nagdudulot upang sa kabila ng husay ng mga kontribusyon ay nagkaroon ng agam-agam sa kaangkupan ng mga ito sa mismong idinadambanang larangan ng aklat. Sa ganang ito, mahalagang linawin at sinsinin ang kasaklawan ng pananaliksik sa sikolinggwistikang Filipino—ang angkla sa kabuuang larangan ng sikolinggwistika at sa partikular na karanasang kultural. Makatutulong sa pagsasakatuparan ng ganitong panawagan ang kolaborasyon sa pagitan ng iba’t ibang disiplina gaya ng sikolohiya, linggwistika, at komunikasyong pangmadla na minsan na ring idinulog ni Virgilio Enriquez sa artikulong “Sikolinggwistikang Pilipino: Pananaw at Tunguhin” na mismong pangunahing artikulo sa sinuring aklat.
Isa pang mayamang larangan ng mga pananaliksik at pagsusuring SP ang usaping kasarian at sexualidad (Aguiling-Dalisay et al. 1996; Aguiling-Dalisay at Jagmis-Socrates 2000; Aguiling-Dalisay et al. 2000; Ong 2011) na kinalalagakan ng tatlong magkakasunod na rebyung nakapaloob sa e-journal. Hindi ito nakapagtataka sapagkat lantad itong lunan ng tunggalian at ng relasyong nakapangibabaw-pinangingibabawan. Sa pagsusuri ni Carl Dellomos sa akdang Love Triangles: Understanding the Macho-Mistress Mentality nina Margarita Go Singco Holmes at Jeremy Alan Frank Baer (2012), inapuhap niya ang iba’t ibang pamamaraang paggabay-pagpapayo na kinasangkapan ng mga may-akda upang epektibong matugunan ang katanungan at mga suliraning inihahapag ng mga sumulat-nagtanong. Naging tungtungan ni Dellomos ang mga tanong, sitwasyon, at maging mga tugon dito upang ipook ang usapin ng trayanggulong pag-iibigan sa lente ng pagkataong Pilipino, tambalang katawan at kaluluwa, at dimensyong loob at labas. Mula rito, nakita niya ang bisa ng higit pang pagsasakonteksto at paglalapit sa mambabasa ng mga paggabay-pagpapayo hinggil sa usaping pag-ibig na isang katotohanan sa lahat, anuman ang kanilang uri ng pamumuhay.
Gaya ng nauna, umiinog din sa trayanggulong pag-iibigang nakapaloob sa heterosekswal na romantikong relasyon ang dulang sinuri ni Jose Antonio Clemente na pinamagatang Sa Wakas: A New Pinoy Rock Musical na handog nina Andrei Nikolai Pamintuan, Charissa Ann Pammit, at Mariane Abuan (2013). Bilang isang jukebox musical, isinakongkreto ng mga eksena ang mga awiting pinasikat ng Sugarfree, ang bandang aminadong kinagigiliwan ni Clemente. Kalakasan at kahinaan ang ganitong taktika sa dula ayon sa rebyuwer dahil kawing ng mga kanta ang mga alaalang nabuo sa isipan ng mga tagapakinig nito at kung gayon, maaaring kaaliwan ang mga lapat na tagpo samantalang ikadismaya ang hindi. Gayunman, lagpas sa saklaw ng musika ang nalilikhang mukha ng dula hinggil sa heterosekswal na romantikong relasyon. Sa paghimay ni Clemente sa naratibo ng dula, napagtanto niyang hindi pa rin ito kumakawala sa mga muhong pamamalagay hinggil sa relasyon, trayanggulong ugnayan, at pag-iimahen sa kasarian.
Kung may mga obrang nanatili sa de-kahong pamantayan ng kasarian, mayroon namang humaharap at tumutunggali sa opresyon. Ito ang nakita ni Eugene Evasco sa aklat na Anong Pangalan mo sa Gabi? At iba pang Tanong sa mga LGBT nina Tetay Mendoza at Joel Acebuche (2013). Binansagan ni Evasco bilang aklat ng masasalimuot na tanong, inilatag sa akda sa pamamagitan ng mga larawan ng mga personalidad mula sa iba’t ibang larangan ang mga mapangmatang katanungang ipinapataw sa mga lesbian, gay, bisexual o transgender (LGBT) kakabit ang masisisteng tugon na kung lilimiin ay nagsusumikap na “wasakin ang mga mito at pag-aalinlangan kaugnay sa mga LGBT.” Sa ganang ito, makikita ang bisa ng aklat sa pag-alpas sa espasyong itinatakda sa kasarian at sexualidad tungo sa pagpapabuti ng kalagayan ng mga LGBT.
Sa pamamagitan ng pagsasakonteksto ng iba’t ibang akda at likhang sining sa lente ng karanasan, kaisipan, at oryentasyong Pilipino na pinasimulan at nalinang sa SP, tinutugunan ng mga rebyu ang mas malalim at kritikal na pag-unawa sa mga usapin ng kultura, wika, at kasarian at sexualidad bilang pagbaklas sa opresyon at pagsasantabi. Nagsisilbi rin ang mga itong panawagan sa patuloy pang pagsusuri ng lipunan sa tunguhing kumawala sa misedukasyon at kamangmangan tungo sa pagbabangong-dangal ng bayan (Enriquez 1994).
PANGKALAHATANG PAG-UUGNAY
Kumakawala sa matagal nang preokupasyong pag-aralan lamang ang sikolohiya ng mga dominanteng katayuan at uri, etnisidad at lipi, pananampalataya at relihiyon, kasarian at sekswalidad, at gulang, nagtatampok ang inawgural na isyung ito ng mga pagsisiyasat hindi lamang sa SP ng mga galing sa nakapangyayaring sektor panlipunan kundi lalo’t higit mula sa mga isinagilid, sinasamantala, at walang kapangyarihang sektor panlipunan. Sa isyung ito, may mga pag-aaral sa SP kapwa ng mga pinuno at karaniwang mamamayan (Taguibao, Dumaop) bukod pa sa pagpaksa sa mga akademiko at isyu ng katayuan at uring panlipunan (Elumbre). May mga pagsisiyasat din sa SP mula sa iba’t ibang panig ng kapuluan (Vinzons at Jose) lalo na sa Kabisayaan (Ferrer, Villan) at Kamindanaoan (Kunting) na kinakatawan din ng kasalimuotan ng sikolinggwistikang Pilipino (Enriquez). May mga pagtalakay rin sa SP ng mga Kristiyano, Moro, at iba pang pananampalatayang Pilipino (Kunting, Yabut). May mga pag-uusisa rin sa SP ng iba’t ibang kasarian at sexualidad (Dellomos, Clemente) lalo na kaugnay ng kababaihan (Vinzons at Jose) at lesbian, gay, bisexual, transgender (LGBT) (Evasco). At may pag-aaral sa pananaw sa wika ng kabataang Pilipino (Añonuevo). Sa pagtatampok sa iba’t ibang sektor panlipunan, lalo’t higit sa mga isinagilid, sinasamantala, at walang kapangyarihan sa kasaysayan at lipunang Pilipino, masasabing ganap na naisabubuhay ng SP ang pagiging malaya at mapagpalayang sikolohiya nito.
Sa pagsusulong ng SP, nagkakaugnay ang mga artikulo at rebyu sa inawgural na isyung ito sa pagkuha ng inspirasyon kay Enriquez. Bilang paunang handog sa paggunita sa ika-30 taon ng pagpanaw ni Enriquez sa sunod na taon, tinatapos ang isyung ito sa tatlong natatanging talang nagpapahalaga kay Enriquez na pangunahing tagapasimuno ng SP bilang malaya at mapagpalayang sikolohiya.
Sanggunian
Abrera, M.B.L. (1994). Ang sandugo sa Katipunan. Nasa F.C. Llanes (pat.), Katipunan: Isang pambansang kilusan. Quezon City: Trinitas Publishing, Inc., 93-104.
Abrera, M.B.L. (1995). Sandugo sa Katipunan. Nasa Z.A. Salazar, E.C. Yulo, at A.M. Navarro, Talaarawan 1996; Handog sa sentenaryo; Himagsikang 1896. Quezon City: Miranda Bookstore, Mr3/Mr4 [35].
Aguilar, F.J. (2010). The pacto de sangre in the late nineteenth-century nationalist emplotment of Philippine history. Philippine Studies, 58 (1-2), 79-109.
Aguiling-Dalisay, G. (pat.) (1993). Sekswalidad at lipunang Pilipino. Diwa: Dyornal sa Sikolohiya, Agham, Kultura, at Lipunang Pilipino, 10 (1-4).
Aguiling-Dalisay, G., R.M. Mendoza, J.B. Santos, at A. Echevaria (1996). Luto ng Diyos: Mga kuwento ng buhay mag-asawa. Manila: De La Salle University Press.
Aguiling-Dalisay, G. at N. Jagmis-Socrates (2000). Usapang lalake: Paglalahad ng mga lalaking Cuyonon. Quezon City: Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino.
Aguiling-Dalisay, G., R.M. Mendoza, E.J.L. Miraflex, J.A. Yacat, M.R. Sto. Domingo, at F.R. Bambico (2000). Pagkalalake: Men in control? Filipino male views on love, sex, and women. Quezon City: Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino.
Alejo, A.E. (1990). Tao po! Tuloy! Isang landas ng pag-unawa sa loob ng tao. Quezon City: Office of Research and Publications, Ateneo de Manila University. Binagong edisyon, 1992.
Alfonso, A.B. (1974). Malayang paggunita (Ang epekto ng agwat, pag-uulit, at pagsasalin). Diwa: Dyornal sa Sikolohiya, Agham, Kultura, at Lipunang Pilipino, 3 (1-2).
Almario, V.S. (pat.) (2001). UP diksiyonaryong Filipino. Quezon City: University of the Philippines Sentro ng Wikang Filipino-Diliman at Anvil Publishing, Inc.
Almario, V.S. (pat.) (2003). Pacto de sangre: Spanish legacy in Filipinas. Manila: Philippine-Spanish Friendship Day Committee.
Almario, V.S. (pat.) (2010). UP diksiyonaryong Filipino; Ikalawang Edisyon. Quezon City: University of the Philippines Sentro ng Wikang Filipino-Diliman at Anvil Publishing, Inc.
Antonio, L.F. (1975). Lipunan at panitikan (Ang ugnayan ng lipunan at panitikan sa mga maikling kuwento ni Brigido C. Batungbakal: 1935-1975). Diwa: Dyornal sa Sikolohiya, Agham, Kultura, at Lipunang Pilipino, 4 (1-4).
Antonio, L.F. (2000, Agosto). Mga malikhaing lapit sa pagtuturo ng sikolohiya ng wikang Filipino. Nasa L.F. Antonio at L. Tiamson-Rubin (mga pat.), Sikolohiya ng wikang Filipino. Quezon City: C&E Publishing, Inc., 2003, 31-49.
Antonio, L.F., A.G. Ramos, at A. Albano-Abiera (mga pat.) (2011). Mga babasahin sa sikolinggwistikang Filipino. Quezon City: C&E Publishing, Inc.
Antonio, L.F. at L. Tiamson-Rubin (mga pat.) (2003). Sikolohiya ng wikang Filipino. Quezon City: C&E Publishing, Inc.
Aquino, C.C. (1999). Mula sa kinaroroonan: Kapwa, kapatiran, at bayan sa agham panlipunan. Nasa A.M. Navarro at F. Lagbao-Bolante (mga pat.), Mga babasahin sa agham panlipunang Pilipino: Sikolohiyang Pilipino, Pilipinolohiya, at pantayong pananaw. Quezon City: C&E Publishing, Inc., 2007, 201-240.
Aquino, C.C. (2013). Panlipunang pagbabanghay: Piling usapin sa pag-unawa sa sariling lipunan. Daluyan: Journal ng Wikang Filipino, 19 (2), 133-167.
Bennagen, P.L. (1977). Pagbabago at pag-unlad ng mga Agta sa Palanan, Isabela. Diwa: Dyornal sa Sikolohiya, Agham, Kultura, at Lipunang Pilipino, 6 (1-4).
Cantiller, J.C.R. at J.A. Yacat (mga pat.) (2011). Gaan at gana sa buhay: Sikolohiya ng sarap, ligaya, at ginhawa. Isip: Mga Kaisipan sa Sikolohiya, Kultura, at Lipunang Pilipino, 1.
Carlota, A.J. (1985). The development of the Panukat ng Pagkataong Pilipino (PPP). Philippine Journal of Educational Measurement, 4 (1), 55-68.
Carlota, A.J. (1997). Panukat ng pagkataong Pilipino (Manual). Quezon City: University of the Philippines.
Carro, A. (1849). Vocabulario de la lengua Ilocana, trabajado por varios religiosos del orden. Manila: Establecimiento Tipografico del Colegio de Santo Tomas.
Carro, A. (1888). Vocabulario Iloco-Español, trabajado por varios religiosos del orden. Manila: Establecimiento Tipo-litografico de M. Perez, Hijo.
Cipres-Ortega, S. (pat.) (1981). Ulat ng ikalabindalawang seminar sa sikolohiya ng wika. Quezon City: University of the Philippines Department of Psychology.
Covar, P.R. (1991). Pilipinolohiya. Nasa V.V. Bautista at R. Pe-Pua (mga pat.), Pilipinolohiya: Kasaysayan, pilosopiya, at pananaliksik. Manila: Kalikasan Press, 37-45.
Covar, P.R. (1993). Kaalamang bayang dalumat ng pagkataong Pilipino. Diliman Review, 41 (1), 10-15.
Covar, P.R. (2004). Pilipinolohiya, larangan, at kalinangan ng pagkataong Pilipino. Daluyan: Journal ng Wikang Filipino, 12 (2), 41-50.
David, K.C. (pat.) (1976). Lihis na pagkilos sa lipunang Pilipino. Diwa: Dyornal sa Sikolohiya, Agham, Kultura, at Lipunang Pilipino, 5 (4-6).
De Mesa, J.M. (1987). In solidarity with culture: Studies in theological re-rooting. Quezon City: Maryhill School of Theology.
Del Pilar, G.E.III. (2011, Agosto 17-19). The development of the Masaklaw na Panukat ng Loob (MAPA ng Loob). Di-nalathalang papel, 48th Annual Convention of the Psychological Association of the Philippines, Central Philippine University, Jaro, Iloilo City.
Del Pilar, G.E.III. (2012, Agosto 15-17). Further development of the Masaklaw na Panukat ng Loob (MAPA ng Loob). Di-nalathalang papel, 49th Annual Convention of the Psychological Association of the Philippines, University of San Carlos, Cebu City.
Education for Life Foundation (ELF) (1997). LIDER; Pamunuang bayan: Karanasan, katanungan, at kinabukasan. Quezon City: Education for Life Foundation.
Encarnacion, J.F.dla. (1851). Diccionario Bisaya-Español. Manila: Tipografia de Amigos del Pais, 1885.
English, L.J. (1977). Tagalog-English dictionary. Quezon City: Congregation of The Most Holy Redeemer, 1986.
Enriquez, V.G. (pat.) (1974a). Philippine Studies on the Psychology of Language (Series of 1971-1974). Quezon City: University of the Philippines Press.
Enriquez, V.G. (pat.) (1974b). Sikolinggwistikang Pilipino. Diwa: Dyornal sa Sikolohiya, Agham, Kultura, at Lipunang Pilipino, 3 (3-6).
Enriquez, V.G. (1977). Filipino psychology in the third world. Quezon City: Philippine Psychology Research House.
Enriquez, V.G. (1978, Enero-Disyembre). Kapwa: A core concept in Filipino social psychology. Philippine Social Sciences and Humanities Review, 42 (1-4), 100-108.
Enriquez, V.G. (1981). Nanganib nga ba ang sikolohiyang Pilipino dahil sa wikang Ingles? Nasa L.F. Antonio at L. Tiamson-Rubin (mga pat.), Sikolohiya ng wikang Filipino. Quezon City: C&E Publishing, Inc., 2003, 50-58.
Enriquez, V.G. (1987, Nobyembre). Filipino values: Towards a new interpretation (Using local language as a resource). Tagsibol, 1 (1), 8-13.
Enriquez, V.G. (1992). From colonial to liberation psychology; The Philippine experience. Quezon City: University of the Philippines Press.
Enriquez, V.G. (1994). Pagbabangong-dangal: Indigenous psychology and cultural empowerment. Quezon City: Akademya ng Kultura at Sikolohiyang Pilipino.
Enriquez, V.G. at A.B. Alfonso (mga pat.) (1973). Panayam sa sikolohiya: Mga piling papel. Diwa: Dyornal sa Sikolohiya, Agham, Kultura, at Lipunang Pilipino, 2 (1-4).
Enriquez, V.G. at E. Protacio-Marcelino (1983). Neo-colonial politics and the language struggle in the Philippines. Philippine Social Sciences and Humanities Review, 47 (1-4), 265-300.
Enriquez, V.G. at L.F. Antonio (mga pat.) (1972). Katipunan ng mga lathalaing pansikolohiya. Diwa: Dyornal sa Sikolohiya, Agham, Kultura, at Lipunang Pilipino, 1 (1-4).
Enriquez-Alejo, C. (1980). Ginintuang pangako: Mga sanaysay ng pandarayuhan. Diwa: Dyornal sa Sikolohiya, Agham, Kultura, at Lipunang Pilipino, 9 (1-4).
Ferriols, R.J. (pat.) (1979). Magpakatao: Ilang babasahing pilosopiko. Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1999.
Gallardo, M.A.A. at E.S. Ramos (1986, Setyembre). Kasaysayan ng kasaysayan bilang disiplina sa Pilipinas ayon sa klase ng historiograpiya ni Dr. Salazar. Nasa A.M. Navarro, M.J.B. Rodriguez, at V.C. Villan (mga pat.), Pantayong pananaw: Ugat at kabuluhan; Pambungad sa pag-aaral ng bagong kasaysayan. Mandaluyong: Palimbagang Kalawakan, 1997, 159-170.
Holmes, M.G.S. at J.A.F. Baer (2012). Love triangles: Understanding the macho-mistress mentality. Mandaluyong City: Anvil Publishing, Inc.
Ileto, R.C. (1984). Orators and the crowd: Philippine independence politics, 1910‑1914. Nasa P. Stanley (pat.), Re‑appraising an empire: New perspectives on Philippine‑American history. Cambridge: Harvard University Press, 85-114.
Javier, R.E.Jr. (pat.) (2000). Filipino ang wika; Pilipino ang diwa. Quezon City: Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino.
Javier, R.E.Jr. (2005). Pangpamamaraang kaangkinan ng pakikipagkuwentuhan. Binhi, 2 (2).
Javier, R.E.Jr. (2012). Mga tiwala sa daang matuwid at ang mga talinghaga’t tema sa talumpati ni P-Noy. Malay, 25 (1), 19-34.
Jocano, F.L. (1997). Filipino value system: A cultural definition. Quezon City: PUNLAD Research House.
Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) (1996). Diksyunaryo Filipino-English. Pasig: Komisyon sa Wikang Filipino, 1998.
Kunting, A.F. (2012). Hindi juramentado, kundi mujahid: Ang dalumat at praktis ng sabil sa isla ng Sulu (1876-1913). Nasa A.M. Navarro, M.F. Orillos-Juan, J.S. Reguindin, at A.L. Elumbre (mga pat.), Kasaysayang pampook: Pananaw, pananaliksik, pagtuturo. Quezon City: Limbagang Pangkasaysayan, 226-240.
Laktaw, P.S. (1914). Diccionario Tagálog-Hispano; Segunda parte. Manila: Imp. Y Lit. De Santos y Bernal.
Laurel, R.K. (2010). Philippine cultural disasters: Essays on an age of hyper consumption. Pasig: Willing Ox Publishing.
Linangan ng mga Wika sa Pilipinas (LWP), Instructional Materials Corporation (IMC), at National Book Store, Inc. (NBS) (1989). Diksyunaryo ng wikang Filipino. Mandaluyong: Cacho Hermanos, Inc.
Lupdag, A.D. (1984). In search of Filipino leadership. Quezon City: New Day Publishers.
Mendoza, T. at J. Acebuche (2013). Anong pangalan mo sa gabi? At iba pang tanong sa mga LGBT. Quezon City: University of the Philippines Center for Women’s Studies.
Mercado, L.N. (1972). Reflections on buut-loob-nakem. Philippine Studies, 20 (4), 577-602.
Mercado, L.N. (1974). Elements of Filipino Philosophy. Tacloban City: Divine Word Publications.
Mercado, L.N. (pat.) (1977). Filipino religious psychology. Tacloban City: Divine Word Publications at Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino.
Miranda, D.M. (1989). Loob; The Filipino within: A preliminary investigation into a pre-theological moral anthropology. Manila: Divine Word Publications.
Navarro, A.M. (2000). Ang bagong kasaysayan sa wikang Filipino: Kalikasan, kaparaanan, pagsasakasaysayan. Bagong Kasaysayan: Mga Pag-aaral sa Kasaysayan ng Pilipinas, 11.
Noceda, J.d. at P.d. Sanlucar (1860). Vocabulario de la lengua Tagala. Manila: Imprenta de Ramirez y Giraudier.
Ong, M.G. (2007). Sama-samang pagtuklas at paglilimi: Ang workshop bilang pamamaraan ng maka-pilipinong pananaliksik. Binhi, 3 (1).
Ong, M.G. (2011). Katawan, sarap, babae (Hindi ito porno). Nasa J.A.R. Cantiller at J.A. Yacat (mga pat.), Gaan at gana sa buhay: Sikolohiya ng sarap, ligaya, at ginhawa. Isip: Mga Kaisipan sa Sikolohiya, Kultura at Lipunang Pilipino, 1, 47-87.
Pamintuan, A.N. (direktor at manunulat), C.A. Ann Pammit (prodyuser), at M.A.R.T. Abuan (manunulat). Sa wakas: A new Pinoy rock musical [Dulang musikal]. Quezon City: Culture Shock Productions at FringeMNL.
Panganiban, J.V. (1966). Talahuluganang Pilipino-Ingles. Manila: Bureau of Printing.
Panganiban, J.V. (1972). Diksyunaryo-tesauro Pilipino-Ingles. Quezon City: Manlapaz Publishing Co.
Pe-Pua, R. (2005). Kros-katutubong perspektibo sa metodolohiya: Ang karanasan ng Pilipinas. Binhi, 2 (1).
Pe-Pua, R. at Protacio-Marcelino, E. (2002). Sikolohiyang Pilipino: Pamana ni Virgilio G. Enriquez. Binhi, 1 (1).
Protacio-Marcelino, E. (1985). Pag-angkop sa kagipitan at ligalig: Isang panimulang pag-aaral sa karanasan ng mga anak ng bilanggong pulitikal. Diwa: Dyornal sa Sikolohiya, Agham, Kultura, at Lipunang Pilipino, 14 (1-2).
Salazar, Z.A. (1977). Ang kamalayan at kaluluwa: Isang paglilinaw ng ilang konsepto sa kinagisnang sikolohiya. Nasa L.F. Antonio, L.L. Samson, E.S. Reyes, at M.A. Paguio (mga pat.), Ulat ng ikalawang pambansang kumperensya sa sikolohiyang Pilipino. Quezon City: Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino, 131-144.
Salazar, Z.A. (1981). Wika at diwa: Isang panglinggwistikang analisis sa halimbawa ng konsepto ng “hiya.” Nasa S. Cipres-Ortega (pat.), Ulat ng ikalabindalawang seminar sa sikolohiya ng wika. Quezon City: University of the Philippines Department of Psychology, 38-43.
Samson, L.L. (1981). Kahirapan at ideyolohiya sa panitikang popular: Isang pagsusuri sa panlipunang implikasyon ng mga larawan at pilosopiya ng kahirapan sa maikling kuwento ng Liwayway. Diwa: Dyornal sa Sikolohiya, Agham, Kultura, at Lipunang Pilipino, 10 (1-4).
Sanchez de la Rosa, A. (1895). Diccionario Bisaya-Español para las provincias de Samar y Leyte. Manila: Imp. Y. Lit. de Santos y Bernal, 1914.
San Juan, E.Jr. (2006). Toward a decolonizing indigenous psychology in the Philippines: Introducing sikolohiyang Pilipino. Journal for Cultural Research, 10 (1), 47-67.
Santos, V. (1978). Pilipino-English dictionary. Manila: National Book Store, Inc.
Talisayon, S.D. (1990, Marso). Teaching values in the Philippine context in the natural and physical sciences. Pantas: A Journal of Higher Education, 3 (2), 3-10.
Torres, A.T. (2002). Methods, mind or meaning: Shifting paradigms in Philippine psychology. Philippine Journal of Psychology, 35 (1-2), 17-37.
Velasco, A.B. (1976). Ang ikabubuti ng mga kainginero: Isang pagsusuring sosyo-sikolohikal ng pagkakaingin sa Pilipinas. Diwa: Dyornal sa Sikolohiya, Agham, Kultura, at Lipunang Pilipino, 5 (1-3).
Veneracion, J.B. (1990). Ang kasaysayan sa kasalukuyang henerasyon. Historical Bulletin, 27-28 (1983-1984), 13-27.
Villan, V.C. (2013). Lawas, buut, patugsiling, ‘ag dungan: Isang pag-unawa sa papel ng kinagisnang sikolohiya sa kasaysayang kolonyal at himagsikang Pilipino sa Panay, 1896-1898. Daluyan: Journal ng Wikang Filipino, 19 (2), 73-110.
Yacat, J.A. (2013). Tungo sa isang mas mapagbuong sikolohiya: Hamon sa makabagong sikolohiyang Pilipino. Daluyan: Journal ng Wikang Filipino, 19 (2), 5-32.
PASASALAMAT
Lubos na nagpapasalamat ang patnugutan ng inawgural na isyung ito sa mga nag-ambag ng mga artikulo na sina Krupskaya M. Añonuevo (Teach for the Philippines), Darren E. Dumaop (De La Salle University, Dasmariñas, Cavite, Philippines), Amelia S. Ferrer (University of the Philippines, Los Baños, Laguna), Mary Dorothy dL. Jose (University of the Philippines, Manila), Ayshia F. Kunting (Western Mindanao State University, Zamboanga City, Philippines), Jalton G. Taguibao (University of the Philippines, Diliman, Quezon City), Vicente C. Villan, Ph.D. (University of the Philippines, Diliman, Quezon City), Ignatius H. Vinzons (University of the Philippines, Manila), at Homer J. Yabut, Ph.D. (De La Salle University, Manila, Philippines) at nagkontribyut ng mga rebyu na sina Jose Antonio R. Clemente (University of the Philippines, Diliman, Quezon City), Carl O. Dellomos (Central Colleges of the Philippines at University of Caloocan City, Philippines), Adonis L. Elumbre (University of Malaya, Kuala Lumpur, Malaysia), Ma. Althea T. Enriquez, Ph.D. (University of the Philippines, Diliman, Quezon City), at Eugene Y. Evasco, Ph.D. (University of the Philippines, Diliman, Quezon City).
Gayundin, nagpapasalamat ang patnugutan sa mga nagsilbing referee ng mga artikulo na sina Faina Abaya-Ulindang, Ph.D. (Mindanao State University, Marawi, Philippines), Clemen C. Aquino, Ph.D. (University of the Philippines, Diliman, Quezon City), Lilia F. Antonio, Ph.D. (University of the Philippines, Diliman, Quezon City), Michael Charleston B. Chua (De La Salle University, Manila, Philippines), Prospero R. Covar, Ph.D. (retirado, University of the Philippines, Diliman, Quezon City), Adonis L. Elumbre (University of Malaya, Kuala Lumpur, Malaysia), Jely A. Galang (University of the Philippines, Diliman, Quezon City), Ma. Angeles Guanzon-Lapeña (De La Salle University, Manila, Philippines), S. Lily L. Mendoza, Ph.D. (Oakland University, USA), Nilo S. Ocampo, Ph.D. (University of the Philippines, Diliman, Quezon City), Elizabeth Protacio-De Castro, Ph.D. (University of the Philippines, Diliman, Quezon City), Janet Reguindin-Estella (Miriam College, Quezon City, Philippines), Zeus A. Salazar, Ph.D. (retirado, University of the Philippines, Diliman, Quezon City), at Carlos P. Tatel Jr., Ph.D. (University of the Philippines, Diliman, Quezon City).
Nagpapasalamat din ang patnugutan sa mga nagbigay ng iba’t ibang suporta na kinabibilangan ng Presidential Museum and Library, Republic of the Philippines na nagbigay ng larawang kuha ng guhit/pintura ni Juan Luna na nasa Palasyo ng Malacañan at Social Weather Station (SWS) na nagbigay ng pahintulot na gamitin ang kanilang graph ng net satisfaction ratings ng pangulo ng Pilipinas mula 1986 hanggang 2013. Salamat din kina Daisy P. Lopez, Ph.D. (University of the Philippines, Diliman, Quezon City) na tumulong sa pagsasalin ng ilang pahayag/sipi sa Español at Michael Charleston B. Chua (De La Salle University, Manila, Philippines), John Joshua M. Duldulao (University of the Philippines, Diliman, Quezon City), at Joan Tara S. Reyes (University of the Philippines, Los Baños, Laguna) na tumulong sa pakikipag-ugnayan sa mga kontribyutor.
Lubos na nagpapasalamat din ang patnugutan sa pagtataguyod ng pamunuan ng PSSP sa pangunguna ng Pangulo nitong si Jay A. Yacat (University of the Philippines, Diliman, Quezon City) sa mga proyektong pampublikasyong tulad ng DIWA E-Journal.
Sa inyong lahat, maraming, maraming salamat po sa pagiging bahagi ng inawgural na isyu ng DIWA E-Journal! Tungo sa isang malaya at mapagpalayang sikolohiya!