[DIWA E-Journal Tomo 1, Bilang 1, Nobyembre 2013] Kapamilya Ko si Filipino, Kaibigan Ko si Ingles: Metapora at Tema ng Pakikitungo sa Filipino at Ingles at Pagtingin sa Bilinggwalismo ng Kabataang Pilipino

Krupskaya M. Añonuevo
Training and Support
Teach for the Philippines

Abstrak

Layunin ng papel na ito na siyasatin ang pagtingin at relasyon sa Filipino, Ingles, at bilinggwalismo ng 65 na estudyante ng isang unibersidad sa Kalakhang Maynila.  Gamit ang mga papel na sinulat nila para sa kanilang klaseng Psycholinguistics, itinatampok ng pag-aaral ang mga metapora at temang pinakamadalas nabanggit o pambihira at kabanggit-banggit.

Kung “Filipino bilang kapamilya” ang pinakamadalas na tropong ginamit, ang “Ingles bilang kaibigan” naman ang pinakalantad na paglalarawan ng pakikitungo sa Ingles.  Ang mga pangunahing tema naman para sa Filipino ay pagmamahal, pagiging madaling gamitin sa pagpapahayag ng damdamin, at pagiging parte ng kanilang pagkakakilanlan.  Nabanggit din ang minsanang kahirapan sa pag-unawa sa Filipino at ang pagnanais na maging mas mahusay rito.  Pagdating naman sa Ingles, pinakanabanggit ang pagbabasa, paggamit nito sa eskuwelahan at pang-akademikong gawain, pagsusulat, at panonood sa mga palabas at pelikulang Ingles.  Pinalawig din ng ilan ang pagmamahal sa Ingles at ang pagiging kapaki-pakinabang nito sa maraming konteksto.

Higit sa kalahati ang masaya sa kalagayan ng kanilang pagiging bilinggwal at marami-rami rin ang nagsabing masaya sila na bilinggwal sila.  Ang mga rason na pinakamadalas na tinukoy ay ang pagkakaroon ng mas maraming paraan para maihayag ang gustong sabihin at pagiging posible na maabot ang mas maraming tao.  Halos ikaapat na bahagi naman ang hindi kontento na mas mahina ang kanilang Filipino kaysa sa Ingles.  Mayroon ding naniniwalang dapat mas gamitin pa ang Filipino at dapat maging magaling dito sapagkat mahalaga ito sa pagkakakilanlang Pilipino at pagpapatuloy ng kulturang Pilipino.

Naipakita sa pag-aaral na ito ang marami at iba’t ibang papel ng parehong wika, pati na rin ang sanlaksang saloobin at pakikitungo sa mga ito.  Napagtanto rin na ang mga metapora at maiikling sanaysay ay maaaring gamiting pandagdag sa sarbey para magpakita ng saloobin at pakikitungong pangwika sa paraang multidimensyonal at may pananarinari.

Abstract

This paper aims to describe the attitudes towards and relationships with English, Filipino, and bilingualism of 65 students in a university in Metro Manila.  Using papers they wrote for their Psycholinguistics class, this study focuses on the common metaphors for English and Filipino, as well as recurring themes regarding bilingualism and these two languages.  Very descriptive and extraordinary excerpts are also cited.

The most mentioned trope for English is “English is a friend” while for Filipino it is “Filipino is family.”  The most common themes for English are reading, its use in school/university, writing, and the media; some also elaborated on their love for English and its uses in many contexts.  For Filipino, love, ease in expressing oneself with it, and it being part of one’s identity are the most frequently occurring subjects.  Additionally, a number cited how Filipino can sometimes be difficult to understand, as well as their desire to be better in Filipino.

More than half of the respondents are happy with their state of bilingualism.  Many also mentioned being happy that they’re bilingual; having more self-expression possibilities and being able to communicate with more people are the top reasons for being so.  However, 25% of the participants are not satisfied that their Filipino is not as good as their English.  Some also believe that Filipino should be used more often and that they should be better in Filipino because knowing Filipino is important to a Filipino citizen’s identity and the preservation of the Filipino culture.

This study has shown that these two languages have many functions; it has also portrayed the varied associations, attitudes, and attachments towards English and Filipino, as well as the motivations for learning them.  This study also indicates that short essays and metaphors can complement surveys and be used to portray attitudes towards and relationships with languages in a multidimensional and nuanced way.

SINO ANG BILINGGWAL?

Ang kahalagahan ng pagiging bilinggwal ay, higit sa lahat, panlipunan at sikolohikal kaysa sa linggwistik (Edwards 2003).

Ang mga bilinggwal ay yaong mga indibidwal nagumagamit ng dalawa o higit pang lenggwahe (o mga diyalekto) sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay (Dewaele et al. 2003; Edwards 2003; Grosjean 2010; Wei 2010).

Kung tutuusin, mas karaniwan ang bilinggwalismo, hindi lang sa indibidwal na antas kung hindi pati sa panlipunang antas (Dewaele et al. 2003; Edwards 2003; Grosjean 2010; Wei 2010).  Inaasahan din na darami pa ang mga bilinggwal, dahil na rin sa mga salik katulad ng pag-igting ng globalisasyon at awtomatisasyon; dali ng paggalaw mula sa isang lugar papunta sa ibang lugar; pangingibang-bayan; at mga pagsulong sa pagtuturo ng mga lenggwahe (Dewaele et al. 2003; Grosjean 2010).  Ang ibig sabihin lang nito, lalo pang nagiging at magiging pangkaraniwan ang bilinggwalismo (Bernardo 2005; Grosjean 2010).

BILINGGWALISMO SA PILIPINAS

Ang bilinggwalismo ay matagal nang nakaugat sa karanasan ng mga Pilipino (Bernardo 2005; Pascasio 2005).  Bukod sa 170-192 lokal na buhay na lenggwahe (Lewis et al. 2013; Nolasco 2008), itinuturing na isa sa pinakamatatagumpay na linggwistik na pangyayari ang pagkatuto ng Ingles ng mga Pilipino mula nang dumating ang mga Amerikano noong 1898 (Gonzales 2000, na nabanggit sa Borlongan 2005).  Dahil sa pagtatakda na dapat Ingles lamang ang ginagamit sa paaralan (may parusa kapag hindi ito ang ginamit) at paggamit ng Ingles sa mga larangan ng kapangyarihan (gobyerno, edukasyon, mass media, agham at teknolohiya, mga propesyon, pakikipagkalakalan, relasyong pangdaigdigan), naging “functionally native” ang mga Pilipino sa Ingles (Bautista 2000; Sibayan 2000).

Pero hindi rito natatapos ang istorya.  May naidagdag pang lenggwahe sa linggwistik na repertoire ng mga Pilipino—ang Tagalog, ang napiling pambansang wika ng Surian ng Wikang Pambansa (Institute of National Language)noong 1937.  Sa kalaunan, tinawag itong Pilipino, at pagkatapos pinalitan ng Filipino, para bigyang-diin na kahit base ito sa Tagalog, may mga elemento rin itong galing sa iba pang lenggwahe sa Pilipinas (Gonzales 2003; Martin 2012; Viado 2007).  1940 nagsimula ang pagiging bilinggwal sa pambansang wika at sa Ingles ng mga Pilipino (Borlongan 2009; Gonzales 1998; Viado 2007).

Datapwa’t, mahalaga ring tukuying ang bilinggwalismo sa polisiya at gawi ng mga Pilipino ay nagkaroon ng/mayroong iba’t ibang porma, lalo na sa edukasyon, mula sa Ingles bilang natatanging wikang panturo (dekada ‘40-‘50), hanggang sa pagtuturo ng partikular na asignatura (Agham at Matematika) sa Ingles at partikular na paksa sa Filipino (Agham Panlipunan).  Hindi rin ganap na naisakatuparan at isinasakatuparan ang mga polisiya (Gonzales 2003).  Kahit na nakasaad sa Konstitusyon ng 1987 na ang Filipino ang pambansang wika, habang Filipino at Ingles ang opisyal na wika ng Pilipinas, ayon kay Andrew Gonzales (2003), hindi naman nalilinang ang Filipino para sa mga layuning pangkatalinuhan.

Sa kasalukuyan, hindi na bilinggwal ang opisyal na polisiya sa edukasyon.  Ang paggamit ng pangunahing wika/L1/wikang ginagamit sa tahanan/bernakyular bilang wikang panturo o ang tinatawag na Mother Tongue-Based-Multilingual Education (MTB-MLE) ang pinakabagong itinakdang polisiyang pangwika sa mga pampublikong paaralan mula kindergarten hanggang ikatlong baitang.  Mula sa ikaapat na baitang hanggang ikaanim na baitang, unti-unting ipinapakilala ang Filipino at Ingles hanggang sa maaari nang gawing mga wikang panturo ang mga ito sa hayskul (Nolasco 2012).

Pagdating naman sa ibang larangan, patuloy ang pangingibabaw ng Ingles sa gobyerno, negosyo, teknolohiya, at relasyong pandaigdigan.  Sa mga broadsheet at libro, mas ginagamit pa rin ang Ingles, pero mas ginagamit naman ang Filipino sa radyo’t telebisyon (Gonzales 2003).

ANG PILIPINONG BILINGGWAL AT ANG KANYANG PANGWIKANG MOTIBASYON AT SALOOBIN

Noong dekada ‘70, nagpahiwatig ang mga pananaliksik na ang pag-aaral ng Ingles ay may “instrumental” na motibasyon.  Ang mga pangunahing layunin noon ng mga Pilipino sa pag-aaral ng Ingles ay para mas maiging maihayag ang kanilang nais sabihin, maipakita na sila ay edukado, at makamtam ang panlipunan at pangkabuhayang tagumpay.  Isa sa mga bagay na binigyang-pansin ay ang pag-identify ng mga Pilipino hindi sa mga Amerikano kung hindi sa mga edukadong kapwa Pilipino (Pascasio 2005; Llamzon 1984, na nabanggit sa Viado 2007).

Sa kabilang banda, integratibo ang layunin para sa pag-aaral ng Filipino (Otanes at Sabayan 1996, na nabanggit sa Pascasio 2005).  Ang ibig sabihin nito, kung ang pagkatuto ng Ingles ay para sa potensyal na pagkamit ng mga benepisyo katulad ng magandang trabaho, ang pagkatuto naman ng Filipino ay may kinamalan sa interes sa mga tao at kulturang kinakatawan ng wikang ito (Lambert 1974).

Pagkatapos isakatuparan ang polisiyang bilinggwal, napagtantong nagkaroon ng pagkakaiba sa motibasyon ng pag-aaral ng Filipino at Ingles.  Nakita na ang mga estudyante (Tagalog man o hindi) sa mga unibersidad ay nagkaroon ng “instrumental” na motibasyon para sa dalawang lenggwahe (Pascasio 2005).  Maaaring dahil ang Filipino ay nakitang midyum ng pakikipagtalastasan sa loob ng klasrum, nakitang kailangang maging magaling sa lenggwaheng ito.

Sa isang pag-aaral naman ni Emy Pascasio, natuklasan na bukod sa simboliko at sentimental na kahalagahan ng Filipino sa pagpapatuloy ng mga kultural na tradisyon at pagiging mahusay na pinuno, may mga instrumental ding attachment o pagkakaugnay rito ang mga kalahok bilang paraan para magkaisa ang bayan, wikang panturo, at komunikasyon para magawa ang mga bagay-bagay.  Ang mga kalahok ay mayroon ding parehong sentimental at instrumental na pagkakaugnay sa Ingles; ang abilidad na pahangain ang iba, magpahiwatig ng reputasyon, at magpataw ng kontrol ay mga sentimental na pagkakaugnay, habang ang pagpapabilis ng pinansyal na tagumpay, modernisasyon, at pagiging kawing nito sa ibang parte ng mundo naman ang instrumental (Pascasio 1990).

Sa mga mas bagong pananaliksik nina Gloria Fuentes at Leonisa Mojica at Yoshihiro Kobari (1999, na nabanggit sa Pascasio 2005), nakitang positibo ang pagtingin ng mga kalahok sa Filipino—sa paggamit at pag-aaral nito.  Mukhang naimpluwensiyahan ng pagkakaroon ng kamalayang makabayan at kagustuhang mapangalagaan ang pagkakakilanlang Pilipino ang kanilang kagustuhang matuto ng Filipino.

Dapat sigurong bigyang-diing bagama’t positibo ang pagtingin sa Filipino ng mga kalahok sa pag-aaral nina Fuentes at Mojica (1999, na nabanggit sa Pascasio 2005), mas positibo ang pagtingin sa Ingles.

Mahigit isang dekada na rin ang dumaan nang malathala ang mga pag-aaral na ito.  Ano na kaya ang profile ng Pilipinong bilinggwal pagdating sa kanyang motibasyon at saloobing pangwika?  Sa kabila ng polisiyang papalit-palit pagdating sa wikang panturo at pagkiling sa Ingles ng maraming larangan, paano niya tinitingnan ang Filipino?  Ang Ingles?  Ano ang kanyang relasyon sa dalawang wikang ito?  Ano ang kanyang opinyon at damdamin sa kanyang pagiging bilinggwal?

Ang pangunahing layunin ng pagsisiyasat na ito ay mailarawan ang bilinggwal na profileng 65 na estudyante sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman.  Sapagkat hindi masasabing kinakatawan ng 65 na ito ang iba pang estudyante sa UP Diliman, ang pokus ay hindi sa pagbibigay ng katangiang panlahat kundi sa pananarinari at pagbibigay-detalye sa relasyon ng mga kabataang ito sa Filipino at Ingles at ang kanilang pagtingin sa kanilang bilinggwalismo.

Bagaman marami na ang naisulat sa bilinggwalismo, wala pa rin masyadong naisusulat tungkol sa pagtingin ng kabataang Pilipino sa kanilang bilinggwalismo.  Bukod dito, gusto ring subukan ng pag-aaral na ito na gamitin ang metapora sa paglantad ng mga relasyon at pagtinging ito.  Ayon kay Virgilio Almario (1991), ang isang kahalagahan ng talinghaga ay ang pagiging salamin nito ng mga katutubong ugali ng mga Pilipino.  Kapag nakitang mahusay na nailarawan ng mga metapora ang pakikitungo at pagtingin sa wika, baka maaari rin itong gamitin sa iba pang pag-aaral sa Sikolohiyang Pilipino na sumusubok na maglarawan ng saloobin at pakikitungo sa ibang penomena ng mga Pilipino.

METODO

Kalahok

Bilang parte ng kailangang isumite para sa kursong Psycholinguistics, pinasulat ng isang papel tungkol sa Filipino, Ingles, at Taglish (ang bansag ng mga Pilipino sa code switching sa pagitan ng Tagalog at Ingles) ang mga kalahok.  Ang layunin ng papel ay mabigyan sila ng pagkakataong pagnilaynilayan ang kanilang pagiging bilinggwal at para na rin mapag-isipan (at ma-apply) ang natalakay sa klase ukol sa bilinggwalismo.

Lahat ng 65 (babae=39, lalaki=16) na estudyante sa dalawang klase ng Psycholinguistics ay mga Psychology major.  Noong sila ay estudyante sa kursong ito noong Akademikong Taon 2010-2011, mula sila 18 hanggang 21 gulang na taon.  Ang ibig sabihin nito, hindi na nila naabutan ang MTB-MLE; bilinggwal na polisiya (na may pagkiling sa Ingles) ang umiiral noong sila’y nasa elementarya at hayskul.

Para sa nakararami, dalawa lang talaga ang kanilang wikang sinasalita, pinakikingan, sinusulat, at binabasa.  Walo sa mga kalahok ang kinilala na may iba pa silang lenggwahe (lima ay marunong ng 1-2 wikang Tsino; dalawa ay marunong ng Bisaya; at isa ay marunong ng Bisaya at Ilonggo).

Pamamaraan

Para sa pag-aaral na ito, hindi kasama ang pagtingin at relasyon ng mga estudyante sa Taglish.  Ang mga kasagutan ng mga kalahok sa mga sumusunod na tanong ang siya lamang tatalakayin (isinalin mula sa Ingles ang mga tanong):

  1. Ilarawan ang iyong relasyon sa Filipino (isulat ang parteng ito sa Filipino).
  2. Ilarawan ang iyong relasyon sa Ingles (isulat ang parteng ito sa Ingles).
  3. Masaya ka ba sa estado ng iyong bilinggwalismo?  Bakit oo, bakit hindi?

Bago kolektahin ang mga papel, tinanong ang mga estudyante kung maaaring gamitin ang kanilang sinulat sa isang pag-aaral at pumayag naman sila.  Sinabi rin sa kanilang maaasahan nila na hindi sila pangangalanan o makikilala sa gagawing pagbabahagi ng datos.

Pagkatapos ng pangunang pagbabasa ng kanilang mga papel, kinowd ang datos nang limang beses.  Ang unang analytic pass ay paglista ng mga metapora para sa Filipino at pag-aayos sa kanila para makabuo ng mga grupo ng metapora o tropo.  Ang pangalawang pasada naman ay ang parehong proseso para sa mga metapora sa Ingles.  Ang pangatlong pasada ay ang paglista ng mga temang binanggit nila sa paglalarawan sa relasyon nila sa Filipino at pagsasama-sama sa magkakaparehong tema.  Ang pang-apat ay para sa mga tema sa Ingles, at ang panghuli ay ang paglilista at paggrupo-grupo ng mga tema na patungkol sa bilinggwalismo.

Pagkatapos ng isang huling pagbasa at pagtiyak sa kawastuan at konsistensi ng klasipikasyon at pagbibilang ng bumanggit sa bawat tema, pumili ng mga paniping sinasalamin ang tema, o di kaya naman, mga paniping kapansin-pansin.

RESULTA

Filipino: Mga Metapora at Tema

Dapat banggiting hindi lahat ng kalahok ay gumamit ng metapora, minsan ay paglalahad lamang ng klase at kalidad ng kanilang relasyon sa Filipino.  Sa 65 na papel, 45 ang may metapora.  Ang pinakakaraniwang tropo ay ang pagiging “kapamilya” ng Filipino (n=14, 31.11%).  Mula sa generikong pagiging pamilya/tahanan, hanggang sa mga tiyak na miyembro ng pamilya (i.e., pagiging ina/magulang at pagiging kapatid), ito ang pinakamadalas na ginamit na tropo ng mga estudyante.  Makikita sa Hanayan 1 ang mga halimbawa ng metapora para sa tropong ito.

Hanayan 1
Mga Pinakakaraniwang Tropo para sa Filipino

Mga Pinakakaraniwang Tropo para sa Filipino

Pumapangalawa ang grupo ng mga metapora na kinukumpara ang Filipino sakaibigan (n=7, 15.56%)—mula sa isang matalik na kaibigan simula pagkabata hanggang sa isang kaibigang laging nalalapitan.

Ang pangatlong grupo ng metapora ay ang Filipino bilang isang kasintahan, mula sa pagiging kababatang iniibig hanggang sa babaeng/lalaking wagas na iibigin (n=6, 13.33%).

May metapora man o wala, ang mga tema ng pagmamahal (n=23, 35.38%), ang pagiging madaling ipahayag ang damdamin “kay” Filipino (i.e., madaling gamitin sa pagpapahayag ng damdamin ang Filipino) (n=22, 33.85%), ang pagiging parte ng Filipino ng kanilang pagkakakilanlan (n=17, 26.15%), at ang pagiging laging nandyan/maaasahan (n=16, 24.62%) ang nagtatahi sa iba’t ibang paglalarawan sa relasyon sa Filipino.  Sa kabilang banda, nabanggit din ang pagkakaroon ng mga di-pagkakaintindihan (i.e., kahirapan sa pag-unawa sa malalalim na salita, katulad na lamang ng salita sa mga nobelang Noli Me Tangere, Florante at Laura, at iba pang babasahin) (n=19, 29.23%).

Sapagkat orihinal at makulay ang mga paglalarawan kung paano madaling gamitin ang Filipino sa pagpapahayag, may ilang halimbawang makikita sa ibaba (ang una ay may metapora na Filipino bilang alak, ang pangalawa ay may metapora na Filipino bilang kama, at ang huli bilang kaibigan):

…iba talaga ang epekto ng konting pagkalasing.  Pag tinamaan na ako, hindi ko man lang namamalayan na ang dami ko na palang nalalabas na iba’t ibang damdamin.  Nariyan ang lungkot, galit, kakulitan, at saya.

Kahit naman marunong ako mag-Ingles, para sa akin iba pa rin ang pakiramdam pag Filipino ang ginagamit-tila mas magaan sa pakiramdam.  Malaki ang espasyo ng kama kaya’t may laya kang magpaikot-ikot hanggang mahanap mo ang posisyong kumportable ka… sa Filipino din mas madaling magpahiwatig o magparamdam.

Kaya rin nitong maging higit na biswal at nakakatawa, katulad sa mga ekspresyon na nagtatarang, naghuhuramintado, at labas ang ngalangala sa kakatawa.

Naisulat din ang pagnanais na maging malapit at mas magaling sa wikang pambansa (n=10, 15.38%).  Para sa mga hindi magaling sa Filipino, may pakiramdam na may pagkakasala sila sapagkat, bilang pambansang wika, ang Filipino ay dapat na gagap na gagap nila.  May ilan din na ang pagiging estudyante ng UP ang rason kung bakit nahihiya sila na hindi sila matatas sa Filipino.

Oo, ginagamit ko ang Filipino araw-araw ngunit hindi ko masasabi na bihasa ako sa pagsasalita, pagsusulat o pag-intindi sa mga bagay na nakasaad sa wikang ito.  Nakakalungkot isipin dahil nga Pilipino ako at kung tutuusin ito dapat ang nararapat na wikang kabihasnan ng bawat Pilipino.

Ingles: Mga Metapora at Tema

Kung ang pinakaraniwang tropo para sa Filipino ay pamilya, sa Ingles naman ay kaibigan (n=13, 28.88%).  Mula best friend hanggang sa frenemy (sa kontekstong ito, kaaway na naging kaibigan), ito ang pakitungong pinakamadalas na nabanggit.

Pumapangalawa sa Ingles bilang kaibigan ang Ingles bilang isang karelasyon sa isang ugnayang romantiko: boyfriend/girlfriend, mangingibig, asawa (n=6, 13.33%).  Pangatlo naman ang Ingles bilang miyembro ng pamilya, mula sa pagiging padre de pamilya hanggang sa isang babaeng kapatid (n=5, 11.11%).  Sa ika-apat na puwesto ang grupo ng mga metapora kung saan ang Ingles ay isang crush (n=4, 8.88%).  Makikita sa Hanayan 2 ang ilang halimbawa ng bawat grupo ng metapora.

Hanayan 2
Mga Pinakakaraniwang Tropo para sa Ingles

Mga Pinakakaraniwang Tropo para sa Ingles

Pagdating naman sa mga temang binanggit ukol sa Ingles, ang pagbabasa sa Ingles (n=26; 40%), paggamit ng Ingles sa eskuwelahan at pang-akademikong gawain (n=22, 33.85%), paggamit sa Ingles sa pagsusulat (n=20, 30.77%), panonood sa mga palabas at pelikulang Ingles (n=16, 24.62%), at ang Ingles bilang isang tulay o pintuan (n=15, 23.08%) patungo sa ibang tao, ibang kultura, at sa mundo.

Nabanggit din ang pagmamahal sa Ingles (n=12, 18.46%) at ang pagiging kapakipakinabang ng Ingles sa maraming konteksto (i.e., sa loob at labas ng klasrum, sa mga Ingleserong kabarkada, sa pagdadasal, sa blog, sa bahay, sa ibang bansa, sa trabaho, at iba pang “seryosong” bagay) (n=11, 16.92%).

Dahil sa napakasidhing pagpapahayag ng kahalagahan ng pagbabasa sa kanilang relasyon sa Ingles, makikita sa ibaba ang ilang halimbawa ng mga pangungusap ukol sa Ingles at pagbabasa (isinalin mula sa Ingles):

Ang pagkagiliw ko sa Ingles ay galing din sa napakalaking koleksyon ng libro na dahil sa kanya ay maaari kong mapahalagahan.  Mahal ko ang pagbabasa at napakalaking kawalan kung hindi ko nabasa ang mga librong tinatangi ko dahil hindi ako marunong mag-Ingles.

…ang pinakamagiliw kong alaala ay ang pagbabasa ng nanay ko sa akin sa Ingles.  Binasa niya ang lahat sa akin, mula sa paborito kong The Berenstein Bears hanggang sa mga Kuwento ni Lola Basyang (sa Ingles).  Ingles ang susi sa pagkamangha ko at paghanga ko sa mundo, pati na rin sa aking pagkauhaw sa pagbabasa at kaalaman.

Interesante ring ilahad na may mga kalahok (n=15, 23.08%) ang itinuturing na unang wikang natutunan (L1) ang Ingles dahil dito sila unang kinausap ng kanilang mga magulang at hanggang ngayon ito ang wikang ginagamit sa tahanan.

Base sa aking alaala, simula’t sapul ay Ingles ang aking ginagamit sa pagsasalita.  Noong bata pa ako, sa Ingles ako kinausap ng aking mga magulang at kamag-anak.  Ito ang wikang unang tinuro nila sa akin, at ang wikang narinig kong ginagamit nila.  Halos hindi ko sila narinig mag-Filipino, sa totoo lang.

Dapat ding sabihing mas iba-iba ang karanasan at relasyon (mas maraming metapora at tema) sa Ingles ng mga kalahok kumpara sa Filipino.

MASAYA KA BA SA ESTADO NG IYONG PAGIGING BILINGGWAL?

52.31% (n=34) ang masaya sa katayuan ng kanilang pagiging bilinggwal.  Kung higit sa kalahati ang binanggit ang pagiging kontento sa partikular na bilinggwalismo nila, higit naman sa ikaapat na bahagi (n=17, 26.56%) ang nagsabing masaya sila na bilinggwal sila.  Ang mga rason na pinakamadalas na tinukoy ay ang pagkakaroon ng mas maraming paraan para maihayag ang saloobin at pagiging posibleng maabot ang mas maraming tao.

Halos ikaapat na bahagi (n=15, 23.05%) naman ang hindi kontento na mas mahina ang kanilang Filipino kaysa sa Ingles.  Isang halimbawa ang estudyanteng ito:

Nakakahiya na mas magaling ako sa Ingles kaysa Filipino, ‘no, at manghang-mangha talaga ako sa mga magagaling mag-express in Filipino.  Gusto ko rin sanang makabasa ng Filipino nang dirediretso.

Kapansin-pansing marami-rami rin (n=27, 41.54%) ang gustong pagbutihin ang kanilang Filipino, lalo na ang pagbabasa (n=9, 13.84%) at pagsusulat (n=8, 12.13%) sa Filipino.  May mga nais ding palawakin ang kanilang bokabularyo (n=7, 10.77%).

Mayroon din namang gustong maging mas mahusay sa Ingles (n=9, 13.85%) at lahat sila ay binanggit ang kagustuhang maging mas magaling sa pagsasalita ng Ingles (n=9, 13.85%).

May ilang tinapos ang kanilang mga papel na may mga normatibong pahayag tungkol sa paggamit at pagiging mahusay sa paggamit ng Filipino.  Sa mga ito mayroong kinumpara ang Filipino sa Ingles para maipahayag ang normatibong mensahe nila.

Bilang mga Pilipino, naniniwala ako na ang paggamit at pagkatuto ng Filipino ay hindi dapat isakripisyo dahil lang nakikitang mas praktikal ang Ingles sa larangang pambuong-daigdig…  Dapat nating alalahanin na ang Filipino ay hindi lamang paraan para sa komunikasyon, ito rin ay instrumento para pag-isahin ang mga Pilipino at paunlarin ang kulturang Pilipino.

Sa lahat ng taong kinailangan nating magsulat at magbasa sa Ingles, tama lang na bumalik tayo sa ating mga ugat at mas paigtingin ang paggamit ng ating totoong pangunahing wika.

Ipinagmamalaki ko na kaya kong mag-Ingles, ngunit mas ipinagmamalaki ko ang kakayahan kong mag-Filipino.

Naniniwala akong mabuting maging maalam sa Ingles ngunit ang pinakamabuti ay ang maging magaling sa Filipino.  Ang lenggwaheng ito ay parte ng ating kultura, at, dahil doon, ay dapat natin itong gamitin sa ating mga buhay para pagyamanin ang ating bansa at mamamayan.

May ilan ring binanggit ang ilang sirkumstansya sa kanilang pagpapahalaga sa Filipino, mula sa pagiging parte ng Filipino Honors Class sa hayskul, hanggang sa mga kurso sa UP, katulad ng mga klase sa Filipino ni Eugene Evasco, Sikolohiyang Pilipino (Psychology 108), at Field Methods in Psychology (Psychology 118).

DISKUSYON

Batay sa mga metapora at temang lumutang, makikitang mayroong sentimental na pagkakaugnay ang mga kalahok sa Filipino.  Bukod sa pagmamahal at sentimyentong maaaring ikumpara sa utang na loob (dahil simula’t sapul ang Filipino ay nandyan na at hanggang ngayon ay maaasahan), nandyan pa rin ang integratibong motibasyon at simbolikong pagpapahalaga na nakita sa mga Pilipinong bilinggwal ilang dekada na ang nakaraan.  Katulad din ng mga kalahok nina Fuentes at Mojica at Kobari (1999, na nabanggit sa Pascasio 2005), ang nasyonalismo at kagustuhang maipagpatuloy ang kulturang Pilipino ang ilan sa mga bagay na nagtutulak sa mga estudyante sa pag-aaral na ito na maging magaling sa Filipino.  Mukhang ang paniniwalang ang wika ay isang malaking bahagi ng pang-indibidwal at pambansang pagkakakilanlan ay matagumpay na naipasa sa mga kalahok.

Pero bukod sa kahalagahan ng Filipino sa pagkakakilanlan ng isang Pilipino (at sa mas mababang antas, pagiging estudyante ng UP), madalas ding nabanggit ang mas kongkretong papel ng Filipino bilang wika para sa pagkukuwento, pagpapahayag ng mga damdamin, pagpapahiwatig, at pagpapatawa.

Isang tema na dapat ding bigyang-pansin ang pagtatasa na may kakulangan sa abilidad na magbasa sa Filipino at umintindi ng mga salitang “malalim” at ang kagustuhang maging mas mahusay rito.  Dahil limitado ang posibilidad ng pagbabasa ng mga kontemporaryong nobela at iba pang babasahin (panay Noli Me Tangere at Florante at Laura ang nabanggit ng mga kalahok), hindi nasanay sa pagbabasa sa Filipino ang mga kalahok.  Tila ang mga obrang ito ay nag-iwan pa ng impresyong napakahirap intindihin ng mga bagay na nakasulat sa Filipino.  Sa kabilang banda, ang pagbabasa naman ang nagpalapit at nagpapanatili sa pagiging matalik na kaibigan ni Ingles.

Kaibigan man si Ingles, mas kapansin-pansin ang instrumental na motibasyon at instrumental na pagkakaugnay para rito ng mga kalahok.  Oo’t lagi nilang kasama si Ingles [laganap na laganap ang Ingles sa mga buhay ng mga kalahok, katulad na lang ng pagiging mas laganap nito kaysa sa Filipino sa mga buhay ng mga estudyanteng kalahok ni Camilla Vizconde (2011)] at mahal din nila ito katulad ng Filipino, ngunit ang mga kapakinabangan ng Ingles at kontekstong pinaggagamitan nito ang pinakamadalas na tinukoy sa mga metapora at tema.

Pinakamadalas nabanggit ang mga kontekstong pagbabasa at pagsusulat (sa loob at labas ng unibersidad) at media.  Ang malaking papel ng telebisyon at mga babasahin sa pagkatuto at pagkagusto ng mga Pilipinong kabataan sa National Capital Region (NCR) sa Ingles ay lumabas din sa pananaliksik ni Carlo Magno (2009).  Mas sa Ingles din nanonood, nakikinig, at nagbabasa ng media (radyo, telebisyon, at dyaryo), popular media (magasin at komiks), at libro ang mga estudyante mula sa pribadong unibersidad sa pananaliksik ni Ariane Borlongan (2009) at ito rin ang wikang mas gusto nilang gamitin pagdating sa media.

May ilang binanggit ang mga blog at internet; inaasahang magiging mas malaki pa ang papel ng internet sa pag-impluwensiya ng paggamit sa Ingles at saloobin patungo rito ng kabataang Pilipino.

Dapat ding banggiting kahit na mas madalas nakita ang mga kontekstong may kinalaman sa pagbabasa’t pagsusulat at kontekstong pormal [na tugma sa pananaliksik ni Magno (2009)], masasabing kahit sa mga kontekstong malapit at kaswal ay lumalaki na ang papel ng Ingles.

Sa sarbey ni Borlongan (2009) ay Tagalog/Filipino pa rin ang pinakaginagamit na wika at ang wikang mas gustong gamitin sa bahay, pero halos pantay lamang ang dami ng mga pumili sa Ingles at Tagalog/Filipino bilang wikang nais na gamitin sa bahay.  Napagtantong mas gustong gamitin ang Ingles sa bahay para mas mapraktis ito hindi lamang ng mga kalahok pero pati ng mga kapamilya nila.  Samantala, sa pag-aaral na ito makikita na ilan na rin ang gumagamit nito sa tahanan at itinuturing itong unang wikang natutunan nila (L1).

Kahit na natalakay sa klase ang mga paniniwalang hindi tama tungkol sa bilinggwalismo at mga bilinggwal, kasama ang paniniwalang dapat may patas at perpektong kaalaman ng kanyang dalawa o higit pang lenggwahe ang isang bilinggwal, marami-rami pa rin ang may pagnanais na maging isang balanseng bilinggwal.  Makikita ito sa pagkagusto ng maraming magkaroon ng mas mataas na lebel ng Filipino, at para naman sa mas kakaunti, mas mataas na lebel ng Ingles.

Bagaman nakita rin sa mga kalahok ang pagiging kritikal sa kanilang sariling kakayahang magsalita, makinig, magsulat, at magbasa sa kanilang mga wika, isang bagay na karaniwang makikita sa mga bilinggwal (Dewaele et al. 2003; Grosjean 2010), sa pangkalahatang pagtatasa, katulad ng mga bilinggwal na kalahok sa mga pag-aaral na binanggit ni Baetens Beardsmore (2003) at ni Grosjean (2010), walang pagsisisi at walang nakikitang abala sa pagiging bilinggwal ang mga estudyante.  Katulad din ng mga bilinggwal na sinarbey ni Grosjean (2010), mas binigyang-diin ng mga kalahok ang mga benepisyong kaakibat ng pagiging bilinggwal.

Naobserbahan din kung paanong para sa mga bilinggwal na kalahok ang pagpili ng wikang gagamitin ay hindi lang paghahanap ng paraan para makapahayag sa pinakamabisang paraan kung hindi isa ring pagkilos na may kinalaman sa pagkakakilanlan (Le Page at Tabouret-Keller 1985, na binanggit sa Wei 2000).  Sa mga bumanggit ng kahalagahan ng Filipino sa pagtataguyod ng pagkaPilipino at kulturang Pilipino, masidhi ang pagkakasabi nito at karaniwa’y may pagpapahayag ng pagmamalaki.

Interesante rin na kahit hindi naman pinagkumpara ang Filipino at Ingles, mayroong mga pagkukumparang ginawa ang mga kalahok, lalo na sa konklusyon ng kanilang mga papel.  Baka ito ang sinasabing pag-aayos ng mga pagtutunggaliang magbubunga sa konstruksyon ng pagkakakilanlan (Joseph 2004).

REKOMENDASYON

Para makita kung magpapatuloy ang mga patern na nakita rito (halimbawa, ang pagkagustong maging mas mahusay sa Filipino at pagiging mas laganap ng paggamit ng Ingles sa tahanan at iba pang mas kaswal na konteksto), maaaring ipagawa ang papel na ito taun-taon at ikumpara ang mga papel na gagawin ng mga estudyante sa loob ng tatlo o apat na taon.

Mas maganda siyempre kung papalawigin ang pag-aaral at sisiguraduhing ang mga kalahok ay galing sa iba’t ibang departamento, kolehiyo, at unibersidad (publiko at pribado).  Sa pag-aaral nina Maybelle Guzman et al. (1998) ng mga estudyante sa UP, ang karamihan ay mas ginagamit ang Ingles kaysa Filipino sa pagbabasa at pagsusulat.  Kahit na mukhang malaki ang pagkakapare-pareho ng kalahatang linggwistikang profile ng mga estudyanteng kalahok sa pag-aaral na ito at iba pang estudyante ng UP, pati na rin ang mga estudyante ng iba pang unibersidad [sa mga nabanggit na pag-aaral nina Borlongan (2009), Magno (2009), at Vizconde (2011)], mainam na pagtibayin sa mga susunod na pag-aaral kung ang inilarawan dito ay tunay na masasabing linggwistikang profile ng kabataang Pilipino na nasa unibersidad.

Isang maaaring gawin ay ang pagpapasulat ng papel na may metapora at temang patungkol sa Filipino, Ingles, at bilinggwalismo sa iba pang estudyante ng Psycholinguistics sa NCR at mga karatig-lugar.  Kapag natanto na kung ano ang linggwistikang profile sa mga lugar na walang ibang sinasalita kung hindi Filipino at Ingles, tsaka maaaring tingnan kung ano naman ang profile ng mga estudyante na bukod sa Filipino at Ingles ay may iba pang lokal na wikang ginagamit.

Maigi ring siyasatin kung paano makakatulong ang mga indibidwal na departamento at kolehiyo sa mga unibersidad sa mas madalas na paggamit ng Filipino sa pagbabasa at pagsusulat.  Ayon sa isang pananaliksik ni Pascasio (2005), ang aktwal na paggamit at positibong pagtingin sa wika ay mahalaga para sa pagiging mahusay sa Filipino o Ingles.  Sa mga konteksto kung saan alam nating mayroong positibong pananaw sa Filipino ang mga estudyante, mukhang nararapat na bigyan natin sila ng mas marami pang pagkakataong hasain ang kanilang Filipino.  Sa pananaliksik naman nina Jerzy Smolicz at Illuminado Nical (1999), nakitang mas positibo ang pagtingin ng mga hindi Tagalog na estudyante sa hayskul sa wikang mas ginagamit sa paaralan.  Ang ibig sabihin lang nito, may papel talaga ang paggamit ng isang wika sa saloobin para at kahusayan sa wikang ito.

Halimbawa, para sa Departamento ng Sikolohiya sa UP, sa halip na sa Psychology 108 at Psychology 118 lang nakakabasa at nakakasulat sa Filipino, maaaring subukang magsama ng mga babasahing nasa Filipino at minsan ay magkaroon ng kahit kaunting pagsasanay sa pagsusulat sa Filipino sa iba pang klase sa Sikolohiya.

Hinggil naman sa pagtuturo ng Psycholinguistics sa mga unibersidad sa Pilipinas, dapat sigurong ulit-ulitin ang pagtalakay sa prinsipyo ng “complementarity” na sinasabing ang bilinggwal ay ginagamit ang kanyang iba’t ibang wika para sa iba’t ibang kadahilanan at karaniwang may iba’t iba kasanayan din sa bawat wika (Grosjean 2010; Wei 2000).  Dahil mapamuna ang mga bilinggwal pagdating sa kanilang mga pangwikang kakayahan, hindi sumapat ang isang beses na pagtalakay nito para maalala at maisapuso ng mga estudyanteng kalahok.  Maigi ring gamitin ang tema ng bilinggwalismo para magkaroon ng diskusyon at kumuha ng empirikal na impormasyon ukol sa relasyon ng wika at identidad ng bilinggwal, bagay na hindi masyadong nabibigyang-tuon ayon kay Amelia Alfonso-Tynan (2011).

Ang papel ng mga kaibigan at mga peer (sa unibersidad at komunididad) ay isa ring temang siguro’y dapat imbestigahan pa.  Halimbawa, may mga estudyanteng binanggit ang papel ng mga kaibigan at iba pang Psychology major sa higit nilang paggamit ng Ingles o kaya Filipino sa pagtungtong nila sa kolehiyo.  Mukhang malaki ang papel ng mga kaibigan at mga peer sa antas ng paggamit at pagiging komportable ng mga kalahok sa Filipino at lalo na sa Ingles, ngunit hindi ito nasiyasat at natalakay nang husto sa pag-aaral na ito.

Ang pagtatanghal ng metapora at maikling sanaysay sa pananaliksik na ito ay nagpatunay na maaaring gamitin ang mga ito para mailarawan ang iba’t ibang aspekto ng pagtingin at pakikitungo sa mga wika. Maganda rin itong pandagdag sa mga sarbey na linggwistik na karaniwang ginagawa para naman mas mapalalim at mas mabigyan ng detalye ang mga estadistika ng paggamit at preperensya.  Bukod sa kontribusyon ng ganitong klase ng paglalarawan sa pangkabuuang profile ng kabataang Pilipino, ang ganitong mas malawig na paglalarawan sa paggamit at preperensya ng mga wika ay mas nagpapalitaw rin ng mga implikasyon nito sa mga patakarang pangwika, sa antas man ng silid-aralan, unibersidad o bansa.  Dahil sa mga rasong ito, masasabing may potensyal ang metodong ito sa pagsisiyasat ng iba pang paksa sa Sikolohiyang Pilipino.

Sanggunian

Alfonso-Tynan, A. (2011).  Ang pananaw sa buhay at sariling wika.  Nasa L.F. Antonio, A.G. Ramos, at A. Albano-Abiera (mga pat.), Mga babasahin sa sikolinggwistikang Filipino.  Quezon City: C&E Publishing, Inc., 93-108.

Almario, V.S. (1991).  Taludtod at talinghaga: Mga sangkap ng katutubong pagtula.  Pasig: Anvil Publishing, Inc.

Baetens Beardsmore, H. (2003).  Who’s afraid of bilingualism?  Nasa J.M. Daewele, A. Housen, at L. Wei (mga pat.), Bilingualism: Beyond basic principles.  Clevedon: Multilingual Matters, 10-27.

Bautista, M.L.S. (2000).  Defining standard Philippine English: Its status and grammatical features.  Manila: De La Salle University Press, Inc.

Bernardo, A.B.I. (2005).  Bilingual code-switching as a resource for learning and teaching: Alternative reflections on the language and education issue in the Philippines.  Nasa D.T. Dayag at J.S. Quakenbush (mga pat.), Linguistics and language education in the Philippines and beyond.  Manila: Linguistic Society of the Philippines, 151-169.

Borlongan, A.M. (2009).  A survey on language use, attitudes, and identity in relation to Philippine English among young generation Filipinos: An initial sample from a private university.  Philippine ESL Journal, 3, 74-107.

Dewaele, J., A. Housen, at L. Wei (2003).  Introduction and overview.  Nasa J.M. Daewele, A. Housen, at L. Wei (mga pat.), Bilingualism: Beyond basic principles.  Clevedon: Multilingual Matters, 1-9.

Edwards, J. (2003).  The importance of being bilingual.  Nasa J.M. Daewele, A. Housen, at L. Wei (mga pat.), Bilingualism: Beyond basic principles.  Clevedon: Multilingual Matters, 28-42.

Gonzales, A. (1998).  Teaching in two or more languages in the Philippine context.  Nasa J. Cenoz at F. Genesee (mga pat.), Beyond bilingualism: Multilingualism and multilingual education; Multilingual matters series.  Levittown: Tayler and Francis, 192-205.

Gonzales, A. (2003).  Language planning in multilingual countries: The case of the Philippines.  Nakuha noong Mayo 1, 2013, mula sa Summer Institute of Linguistics (SIL) Website: http://goo.gl/W8d8n.

Grosjean, F. (2010).  Bilingual: Life and reality.  Cambridge: Harvard University Press.

Guzman, M., R. Alcantara, P. Arinto, E. Barrios, J. Malicsi, N. Ocampo, at C. Marcial (1998).  Living languages: Assessment of language proficiency and needs in the professions and in the workplace.  Quezon City: University of the Philippines Office of Research Coordination Education Research Program-CIDS.

Joseph, J.E. (2004).  Language and identity: National, ethnic, religious.  New York: Palgrave Macmillan.

Lambert, W.E. (1974).  Culture and language as factors in learning and education.  Nakuha noong Hunyo 15, 2013, mula sa Educational Resources Information Center (ERIC) Website: http://goo.gl/PVAh9H.

Lewis, M.P., G.F. Simons, at C.D. Fennig (mga pat.) (2013).  Ethnologue: Languages of the World; Seventeenth Edition; Online Edition.  Nakuha noong Abril 30, 2013, mula sa Ethnologue Website: http://goo.gl/OaGnF.

Magno, C. (2009).  How I learned to speak English: Factors involved in ESL acquisition among Filipinos.  Philippine ESL Journal, 3, 127-143.

Martin, I.P.  (2012).  Diffusion and directions: English language policy in the Philippines.  Nasa L.E. Ling at A. Hashim (mga pat.), English in South East Asia: Features, policy, and language in use.  Amsterdam: John Benjamin Publishing Co., 189-205.

Nolasco, R.M. (2008).  The prospects of multilingual education and literacy in the Philippines.  Nasa A. Bernardo (pat.), The paradox of Philippine education and education reform: Social science perspectives.  Quezon City: Philippine Social Science Review Council, 133-145.

Nolasco, R.M. (2012, Nobyembre 12).  K-12, MTB-MLE, and FSL: Education game-changers.  Philippine Daily Inquirer, 13.

Pascasio, E.M. (2005).  The Filipino bilingual from a sociolinguistic perspective.  Nasa H. Liao at C.R. Galvez Rubino (mga pat.), Current issues in Philippine linguistics and anthropology: Parangal kay Lawrence A. Reid.  Manila: Linguistic Society of the Philippines and Summer Institute of Linguistics, Inc., 136-145.

Pascasio, E.M. (1990).  Dynamics of language and identity: Some Philippine data.  Philippine Journal of Linguistics, 21 (1), 55-61.

Sibayan, B.P. (2000).  Resulting patterns of sociolingustic, socioeconomic, and cultural practice and behavior after more than four hundred years of language policy and practice in the Philippines.  Nasa M.L.S. Bautista, T.A. Lamzon, at B.P. Sibayan (mga pat.), Parangal cang Brother Andrew: Festschrift for Andrew Gonzales on his sixtieth birthday.  Manila: Linguistic Society of the Philippines, 247-261.

Smolicz, J. at I. Nical (1997).  Exporting the European idea of a national language: Some educational implications of the use of English and indigenous languages in the Philippines.  International Review of Education, 43 (5-6), 507-526.

Viado, C.R. (2007).  The history of bilingualism in the Philippines: How Spanish and English entered the Filipino culture.  Nanzan Junior College Journal, 35, 183-203.

Vizconde, C.J. (2011).  When language use doesn’t see eye to eye: Language practices of teachers and students in a Philippine comprehensive university.  KEDI Journal of Education, 8 (1), 123-141.

Wei, L. (2000).  Dimensions of bilingualism.  Nasa L. Wei (pat.), The bilingualism reader.  London: Routledge, 2-21.