[DIWA E-Journal Tomo 1, Bilang 1, Nobyembre 2013] Isang Paglilinaw sa mga Paniniwala at Pagpapakahulugan sa Ispiritwalidad at Relihiyon ng mga Pilipino
Homer J. Yabut, Ph.D.
Department of Psychology
De La Salle University (DLSU), Manila, Philippines
Abstrak
Kilala tayong mga Pilipino sa pagiging relihiyoso. Madalas na iugnay ang pagiging relihiyoso sa pagiging ispiritwal ngunit sa panahon natin ngayon, tinitingnan na rin ang kaibahan ng dalawa (Zinnbauer et al. 1997). Sa kalinangang Pilipino, matagal nang binigyang-diin nina Virgilio Enriquez (1994), Prospero Covar (1998), at Teresita Obusan (1998) na bago pa man masakop ng iba’t ibang relihiyon ang Pilipinas, mayroon na tayong mga ritwal na maaaring iugnay sa relihiyon. Nilayon ng pag-aaral na itong malaman ang mga paniniwala at pagpapakahulugan ng mga Pilipino tungkol sa ispiritwalidad at relihiyon. Mga key informant sa iba’t ibang larangan ang ginawan ng panayam para lubusang maintindihan ang mga paniniwala at pagpapakahulugan ng mga Pilipino tungkol sa ispiritwalidad at relihiyon. Pinapakita ng mga resultang ang ispiritwalidad ng mga Pilipino ay nakaugnay sa mga paniniwala sa relihiyon. Makikita sa mga resultang isang penomenolohikal o personal na karanasan ang ispiritwalidad at tumutukoy ito sa kaugnayan ng ating sarili sa isang mas mataas sa atin at sa ibang tao. Sa kaugnayan ng ispiritwalidad at relihiyon, hindi maaaring maihiwalay ang ispiritwalidad sa relihiyon. Sa gayon, upang lubusang maunawaan ang ispiritwalidad ng mga Pilipino, nararapat na pagtuunan ng pansin ang mga paniniwala at karanasan sa relihiyon. Tinalakay ang mga resulta at implikasyon ng pag-aaral sa konteksto ng Sikolohiyang Pilipino.
Abstract
We Filipinos are known to be religious. Religiosity is commonly associated with spirituality but nowadays, the difference between the two is also being explored (Zinnbauer et al. 1997). In Filipino culture, scholars like Virgilio Enriquez (1994), Prospero Covar (1998), and Teresita Obusan (1998) have already emphasized that even before different colonizers brought their religions to the Philippines, rituals have already existed which can be related to religion. This present study aims to describe the different beliefs and meanings the Filipinos give to spirituality and religion. This study involved key informants from different disciplines in order to have a deeper understanding about the beliefs and meanings of Filipinos about spirituality and religion. Results show that the spirituality of Filipinos is related to religion. It was shown in the results that spirituality is a phenomenological or personal experience and this refers to the relationship of the self to a higher being or to other people. On the relationship of spirituality and religion, spirituality cannot be understood if we isolate it from religion. This means that to further understand spirituality of the Filipinos, we should focus on understanding the beliefs and practices in their religion. Results and implications of the study were related to Sikolohiyang Pilipino.
INTRODUKSYON
Sa gitna ng mga kaganapan sa ating pang-araw-araw na buhay sa pagdaloy ng panahon, hindi natin maitatanggi ang mahalagang gampanin ng ispiritwalidad at relihiyon sa ating buhay bilang isang bansa. Sa katunayan, ayon sa mga paham na sikolohista tulad nina Carl Jung at Abraham Maslow, kinakailangang ikonsidera ang ispiritwalidad at relihiyon upang lubusang maunawaan ang isang tao (Hill et al. 2000). Ilang pananaliksik na rin sa Kanluran ang nagpapakitang tuwing nahaharap sa mga problema, sinasabing may mahalagang papel ang mga ispiritwal na salik sa pagresolba nito (Rippentrop 2005; Gall et al. 2005; Corrigan et al. 2001), na karaniwang nakikita ring ginagawa ng mga Pilipino. Isang pangkaraniwang gawain na rin ngayon ang ipaloob ang ispiritwalidad sa counseling at therapy ng mga counselor at sikolohista (Cashwell et al. 2001; Constantine et al. 2000; Hickinson et al. 2000; Helminiak 2001; Marquis et al. 2001; Young et al. 2000).
Sa makakanluraning literatura, madalas iniuugnay ang ispiritwalidad sa relihiyon, ngunit sa ngayon, tinitingnan na ang kaibahan ng dalawa (Zinnbauer et al. 1997). Ayon kina Peter Hill (2000), galing ang ispiritwalidad sa salitang Latin na “spiritus” na ang ibig sabihin ay hininga o buhay. Madalas iniuugnay ang ispiritwalidad sa konteksto ng relihiyon at mga ritwal sa ilalim nito na nararanasan at ipinapahayag ng marami (Zinnbauer et al. 1997; Hill et al. 2000). Tumutukoy rin ang ispiritwalidad sa “sagrado” bilang isang tao, bagay o isang prinsipyo o konsepto na nilalagpasan ang sarili (Hill et al. 2000). Pinapakahulugan din ang ispiritwalidad bilang isang personal at pansariling aspekto ng relihiyosong karanasan (Hill at Pargament 2003).
Iba naman ang pagpapakahulugan sa relihiyon kumpara sa ispiritwalidad. Ayon kina Hill (2000), “galing ang relihiyon sa ‘religio’ na ang ibig sabihin ay pag-iisa ng sangkatauhan sa ibang kapangyarihan na higit pa sa tao.” Karaniwan nang sinasabing ang relihiyon ay may isang pormal na istruktura na may sistema ng paniniwala, gawain, at makitid na kahalintulad ng mga relihiyosong institusyon (Zinnbauer et al. 1997; Corrigan et al. 2003; Hill at Pargament 2003). Hanggang sa kasalukuyan, wala pa ring napagkakasunduang kahulugan ng ispiritwalidad at pagkarelihiyoso (Zinnbauer et al. 1997; Hill et al. 2000). Mapapansing halos hindi na mapag-alaman ang kaugnayan ng dalawang konseptong ito sa isa’t isa. Dinagdag pa nina Brian Zinnbauer (1997) na kahit na magkaiba ng dalawang ito, hindi masasabing wala silang kinalaman sa isa’t isa. Bilang buod, ayon kina Hill (2000), “ang ispiritwalidad ay isang sentral at mahalagang gamit ng relihiyon.”
Sa pag-aaral ng ispiritwalidad, hindi ito maiihiwalay sa pagkataong Pilipino kung saan magkakaugnay ang katawan at kaluluwa, at ang loob at labas (Salazar 1977; Alejo 1990; Jose at Navarro 2004). Sa sinaunang panahon, matibay ang pagkabuklod ng kaluluwa at katawan na siyang nagdudulot ng kaginhawaan bagama’t taliwas ito sa turo ng Kristiyanismo kung saan makakamit lamang ang kaginhawaan sa kabilang buhay (Salazar 1977; Jose at Navarro 2004). Nakikita sa kalinangan nating maaaring matamo ng tao ang kaginhawaan sa buhay na hindi naihihiwalay ang kaluluwa at katawan. Sa pagpapakatao, napakahalaga ng ispiritwalidad dahil sa ating pagpapakatao nasasalamin ang ating pakikipag-ugnayan sa Diyos (De Mesa 2010). Para kay Prospero Covar, ang ispiritwalidad ng mga Pilipino ang paglalakip ng mga pagkatao at paniniwala at paghahanap ng karunungan ng Diyos na siyang itinuturing ng mga Pilipinong pinakamahalaga kumpara sa paghahanap ng karunungan ng tao at pilit na karunungan (Covar 1998; Aquino 1999). Ang mga pagpapahalagang Pilipino gaya ng hiya, utang na loob, at pakikisama ay matagal nang natuklasan at natalakay sa mga popular na debosyon sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas (Mercado 1977). Samakatwid, hindi maihihiwalay ang ispiritwalidad sa kalinangan, kamalayan, at sikolohiya ng mga tao, pati na rin sa pagpapakatao.
Sa ating konteksto sa Pilipinas, tila magkaugnay ang konsepto ng ispiritwalidad at relihiyon. Matutunghayan ditong karaniwang makikita ang ispiritwalidad sa konteksto ng relihiyon at sa mga ritwal na nakagisnan na ng mga Pilipino. Binigyang-diin na nina Virgilio Enriquez (1994), Covar (1998), at Teresita Obusan (1998) na bago pa man masakop ng iba’t ibang relihiyon ang Pilipinas, mayroon nang mga paraan ang ating mga ninuno sa pakikipag-ugnayan sa mga hindi nakikita na kasalukuyang tinatawag nating relihiyon, na tinawag naman ng mga mananakop bilang mga pamahiin, pagiging pagano, at iba pang natutuon sa isang Pinakamataas ng Nilalang. Ayon kay Leonardo Mercado (1992), personal ang tradisyunal na imahen ng Diyos sa mga Pilipino tulad ng makikita sa iba’t ibang debosyong mayroon ang mga Pilipino. Nakaugat ang mga kasalukuyang relihiyosong ritwal sa anitismong tradisyon ng kulturang Pilipino (Mercado 1977; Covar 1998). Nabanggit na ni Zeus Salazar (1998, makikita sa Aquino 1999) ang halaga ng anito dahil itinuturing niya itong sinaunang relihiyon na kung saan itinuturing itong purong kaluluwa, espiritu, at diyos na may magandang ugnayan ang kaluluwa at ginhawa. Dagdag niya, isang uri ito ng pananampalataya na nakita sa mga pamayanan kung saan magkaakibat ang wika at kultura. Makikita natin mula sa mga nasusulat tungkol sa ispiritwalidad nating mga Pilipino na tila personal ang ating karanasan ng ispiritwalidad na hindi lamang makikita sa mga relihiyosong gawain kundi sa pang-araw-araw na buhay gaya ng mga debosyong makikita halos sa buong taon dahil nasa kultura at pagkatao na natin ito mula pa ng sinaunang panahon.
Sa pagbabago ng panahon at dahil sa pagpapanibagong dulot ng relihiyon, inaangkop na rin dito ang mga nakagisnang paniniwala at ritwal. Ayon kay Mercado (1977), nagiging matingkad ang pagiging mapamili ng kultura at kung paano binibigyan ng ibayong anyo at mukha ang mga ritwal na ibinigay ng Kristiyanismo. Bagama’t may mga naidulot na pagbabago sa pag-iisip ng mga tao ang Kristiyanismo gaya ng kaugnay sa sekswalidad (Jose at Navarro 2004), naging matingkad pa rin ang pagpapaibayo ng mga tao sa pagpapatuloy ng mga nakagisnang ritwal at nakagawiang anitismo na naayon sa sariling kalinangan. Binigyan nila ng panibagong mukha ang Kristiyanismong nakaugat sa sinaunang kalinangan. Ang pag-unawa sa Diyos ng mga Pilipino ay nagkaugat sa kalinangan. Ika nga ni Jose De Mesa (2010), lagi tayo dapat nagsisimula sa karanasan ng Diyos lalung lalo na sa Pilipino dahil bahagi na ng kulturang Pilipino ang pananalig sa Diyos. Para sa kanya, hindi nakabase ang pagkakaunawa natin sa Diyos sa “ontos” na siyang basehan ng makakanluraning paniniwala bagkus mas angkop ang salitang “dabar” na kung saan binibigyan ng halaga ang ugnayan sa kausap. Para kay De Mesa (2010), “dahil nakabatay sa ating pag-unawa ng karanasan sa Diyos ang pag-intindi natin sa iba’t ibang larangan ng pananampalataya, anumang pagbabago ang magaganap sa una ay malamang na magbibigay-daan sa pagbabago sa ikalawa. Magkaakibat at kawing-kawing ang mga ito.” Samakatwid, kahit sa larangan ng Teolohiya, inaangkop na nila ang pag-unawa kay Kristo base sa paniniwala ng kalinangang bayan.
Sinabi ng dating Santo Papang si John Paul II noong ipinagdiriwang ang World Youth Day, na ang dakilang pangyayaring ito sa mundo at simbahan ay tinatawag na mga Pilipino (De Quiros 1998). Kilala ang mga Pilipino bilang isang bayang may kakaibang kasanayan at tradisyon sa kultura gaya ng karamihan sa mga pagdiriwang sa simbahan tulad ng Pasko at Mahal na Araw kaya naman hindi nakapagtataka kung bakit marami rin tayong paraan ng pagpapahayag ng pagkarelihiyoso. Tuwing Mahal na Araw, maraming tao ang nagpepenitensya sa pamamagitan ng pagpalo sa sarili upang ipakita ang pagsisisi sa kanilang kasalanan at walang pahintulot ng simbahan ang gawaing ito. Sa kabilang dako, mas pinipili ng ilang debotong Pilipinong magtungo sa mga tinatawag nilang Banal na lugar tulad ng Bundok ng Banahaw. Ayon kay Covar (1998), mga banal na lugar sa paglipas ng maraming henerasyon ang mga puwesto sa Banahaw. Kinikilala ng mga Pilipino bilang banal ang mga puwesto na noong unang panahon ay walang mga imahen ng mga Santo bagkus, pawang mga bahagi lamang ng kalikasan tulad ng mga kuweba at mga ilog. Sa buong taon, naririyan din ang mga popular na debosyon tulad ng sa Nazareno, Sto. Entierro, at Sto. Nino.
Sa likod ng pagkarelihiyoso ng mga Pilipino, mapapansing tila nakatatak na rito ang ispiritwalidad. Sa Kanluran, hindi gaanong malinaw ang kaugnayan ng ispiritwalidad at pagkarelihiyoso kahit na marami na ring pag-aaral ang nagawa ngunit tila pagdating sa kontekstong Pilipino mukhang malinaw ang pagkakaugnay ng dalawa. Mahalaga ang gampanin ng kultura sa pag-aaral ng ispiritwalidad dahil malaki ang kaugnayan nito sa ispiritwalidad at kalusugang mental ng isang tao (Hill at Pargament 2003). Nilayon ng pag-aaral na itong masuri at mailarawan nang mas malaliman ang mga paniniwala at pagpapakahulugan sa ispiritwalidad at relihiyon ng mga Pilipino.
METODO
Gumamit ang pag-aaral na ito ng isang deskriptibong kwalitatibong disenyo sa pananaliksik. Mga key informant sa iba’t ibang larangan ang kinapanayam para malaman ang mga paniniwala at pagpapakahulugan ng mga Pilipino sa ispiritwalidad at relihiyon. Gumagamit ito ng lapit na konstruktibista na inuugnay sa Sikolohiyang Pilipino. Nilalayon ng lapit na konstruktibista na mapag-aralan ang mga dalumat base sa kung paano binibigyan ng mga tao ng kahulugan ang mga ito (Gergen 1985). Masasabing maiiugnay ito sa pagsasakatutubo mula sa loob ni Enriquez (1993) na kung saan itinuturing ang kultura bilang pangunahing pinanggagalingan ng kaalaman at hindi ang mga imposisyon ng Kanluran. Ginawan ng kwalitatibong pagsusuri ang mga sagot ng iba’t ibang key informant mula sa iba’t ibang larangan.
Kalahok
Alinsunod sa adhikaing interdisiplinaryo ng Sikolohiyang Pilipino (Pe-Pua at Protacio-Marcelino 2000; Church at Katigbak 2002), mula sa iba’t ibang larangan ang mga key informant na kalahok sa pag-aaral na ito. Gumamit ito ng purposive sampling at pangunahing salik na kinakailangan ng mga kalahok ang pagkakaroon ng sapat na kaalaman sa ispiritwalidad. Binubuo ang mga respondent ng dalawang kalahok mula sa larangan ng Teolohiya, isa mula sa Pilosopiya, isa mula sa Antropolohiya at Kasaysayan, isang Katolikong Obispo, isang Kristiyanong Pastor, isang Guidance Counselor, at tatlong Sikolohista. Katoliko ang lahat ng kalahok maliban sa Kristiyanong Pastor. Lalaki ang siyam sa mga kalahok at isa lang ang babae. Nasa 30-75 na taon gulang ang mga kalahok.
Iba’t iba ang pinanggalingan ng mga kalahok. Mayroon tatlong Teologo ang naisali sa pag-aaral. Sa larangan ng Teolohiya, isang Katolikong Obispo sa Gitnang Luzon ang naisali. Isa siya sa mga batang Obispo dahil tinatayang wala pa siyang 60 taong gulang. Ang pangalawang kalahok na mula sa Teolohiya (Teologo A) ay kasalukuyang nagtuturo ng iba’t ibang kurso sa Teolohiya sa isang kolehiyo sa Maynila. Samantala, Tagapangulo naman ng Departamento ng Teolohiya sa isang pamantasan sa Maynila ang pangatlong Teologo (Teologo B). Dati niyang inaral ang mga gawain ng mga taga-Mountain Province na kung saan inililibing ang mga yumao malapit sa kani-kanilang bahay.
Isang retiradong Propesor ng Pilosopiya naman mula sa isang pamantasan sa Maynila ang kalahok na Pilosopo. Marami na siyang naisulat hinggil sa Pilosopiyang Pilipino. Samantala, isang retiradong Propesor naman ng Kasaysayan mula sa isang pamantasan sa Quezon City ang kalahok na paham sa Antropolohiya/Kasaysayan. Isa siya sa mga aktibong nagsusulong ng maka-Pilipinong pananaliksik at marami na ring naisulat sa larangan ng Kasaysayan at Antropolohiya.
Nag-aral naman ng Counseling ang kalahok na batang Kristiyanong Pastor. Rehistradong Guidance Counselor naman ang isang kalahok mula sa isang pamantasan sa Gitnang Luzon. Isa siyang aktibong miyembro ng simbahang Katoliko bagama’t hindi niya ginagamit ang ispiritwal na salik sa paggabay-pagpapayo kung hindi naman relihiyoso ang estudyante.
Nanggaling naman sa isang pamantasan sa Maynila ang tatlong Sikolohista. Marami nang nasulat tungkol sa pagsasakatutubo ng Sikolohiya at Sikolohiyang Pilipino ang unang Sikolohista (Sikolohista A). Isang guro at therapist ang pangalawang Sikolohista (Sikolohista B) na gumagamit ng Sikolohiyang Transpersonal. Hindi raw siya relihiyoso pero ispiritwal siyang tao. Marami na rin siyang naisulat sa Sikolohiyang Pilipino lalung lalo na tungkol sa pagkalalaki. Ang huling Sikolohista (Sikolohista C) ay isang guro at praktisyuner ng pagtataya at terapiya para sa mga bata.
Instrumento
Gumamit ang pag-aaral ng pagtatanung-tanong (Gonzales 1976). Navalideyt ang mga tanong sa pagtatanung-tanong ng isang mananaliksik at propesor. Nakatuon ang mga posibleng tanong sa pagtatanung-tanong sa pagpapakahulugan ng mga key informant tungkol sa ispiritwalidad, at kung papaano nagkakapareho at nagkakaiba ang ispiritwalidad sa relihiyon. Ayon kay Lydia Gonzales (1976), sa isang pagtatanung-tanong, walang itinakdang istruktura sa mga tanong at ang pinakamahalagang gabay ng mananaliksik ay ang hangarin ng pananaliksik. Nilalayon ng pagtatanung-tanong ang mabigyang-linaw at mapagtibay ang mga impormasyon mula sa iba’t ibang tao. Isinagawa ang pakikipagpalagayang-loob bago ang aktwal na pagtatanung-tanong dahil isang mahalagang sangkap ito sa isang katutubong metodo.
Pagkalap ng Datos
Sa pananaliksik na ito, ang mga key informant ay mula sa iba’t ibang larangan na nananaliksik sa ispiritwalidad sa lipunan at kulturang Pilipino. Nagsagawa ng pagtatanung-tanong ang mananaliksik sa mga key informant mula sa iba’t ibang larangan tulad ng Teolohiya, Antropolohiya at Kasaysayan, Pilosopiya, at Sikolohiya mula Enero 2007 hanggang Pebrero 2008. Ibinigay ng mananaliksik ang mga follow-up o probe na katanungan kung kinakailangan upang mabigyang-linaw ang ibang bagay o dili kaya’y kung kinakailangan ng higit pang eksplanasyon ang kasagutan ng kinapanayam.
Pag-analisa ng Datos
Sa pananaliksik na ito, ginamit ang kwalitatibong pagsusuri. Nilalayon ng pagsusuring ito na makuha ang pagpapakahulugan ng mga kalahok tungkol sa ispiritwalidad at relihiyon na naayon pa rin sa konstruktibismo at Sikolohiyang Pilipino. Base sa mga pagtatanung-tanong na naisagawa, kinuha ang mga kategorya at tema upang masagutan ang mga problemang nais tugunan ng pag-aaral na ito. Pagkatapos basahin ang mga transkripsyon ng mga pagtatanung-tanong, ginawan ng mananaliksik ng open coding bilang unang bahagi ng pag-aanalisa. Nagpokus ang mananaliksik sa paulit-ulit na tema na lumabas sa pagtatanung-tanong para mas makakuha ang malalim na pagpapakahulugan sa ispiritwalidad sa kontekstong Pilipino.
RESULTA
Ipapakita sa resulta ng pananaliksik ang mga tema buhat sa mga sagot ng mga kalahok mula sa iba’t ibang larangan. Nahahati sa dalawang bahagi ang resulta ng pananaliksik. Ipapakita sa unang bahagi ang pagpapakahulugan ng mga kalahok sa ispiritwalidad samantalang tatalakayin naman ng pangalawang bahagi ang ispiritwalidad at relihiyon.
Ispiritwalidad
Dalawang temang ang lumabas sa tema ng ispiritwalidad—penomenolohikal na karanasan at pagkakaugnay-ugnay sa Diyos at kapwa.
Penomenolohikal na Karanasan
Nakatuon sa dalawang tema ang mga konseptwalisasyon tungkol sa ispiritwalidad. Ang unang temang lumilitaw ay ang penomenolohikal na karanasannito. Tumutukoy ang ispiritwalidad bilang isang penomenolohikal na karanasan sa katotohanang lahat ng tao ay may kakayahang magkaroon ng ispiritwal na karanasan. Itinuturing ang ispiritwalidad dito bilang isang bagay sa loob ng isang tao at hindi isang panlabas na bagay. Karanasang penomenolohikal ito kung saan kadalasan mahirap maunawaan. Nasa kaibuturan ito ng isang tao. Iba’t ibang pagtatangka sa pagkuha ng mga ito sa isang perpektong paraan ay mahirap dahil tulad ng sinabi ng mga kalahok, maaari lamang tayong makipag-usap tungkol sa ispiritwalidad gamit ang mga analohiya.
…hindi mo ma-explain bakit ganito pero alam mo may pinanggagalingan yang kabutihan—pinanggagalingang kahulugan na kailanman hindi mo ma-grasp. But it comes to you at certain moments in your life, just reveals itself to you (Sikolohista A).
Dahil isa itong penomenolohikal na karanasan, nararanasan ito sa iba’t ibang paraan depende sa pagpapakahulugan ng tao. Maaaring magkaroon ang mga tao ng parehong karanasan subalit kung paano nila bibigyan ng mga kahulugan ang mga karanasan ang tumutukoy sa ispiritwal na aspekto nito. Ang pagkarelihiyoso ay maaaring maging nasa utak o gawain lamang ngunit higit pa kaysa sa dalawa ang ispiritwalidad—ito ang emosyonal na bahagi. Hindi mo ginagawa ang isang bagay dahil napipilitan ka ngunit dahil mula ito sa kaibuturan ng iyong pagkatao.
…anong kahalagahan ng mga activities mo… kung nabigyan mo siya ng personal meaning, yun yung spirituality (Sikolohista C).
Ang malaking tanong ngayon ay kung paano malalaman ng mga taong may kaugnayan sa ispiritwalidad ang mga kahulugang ibinibigay nila sa kanilang mga karanasan. Nagbigay ang mga key informant ng iba’t ibang sagot subalit ang papel na ginagampanan ng relihiyon ang isang pangunahing bagay na sinabi nila. Binanggit ng isang Sikolohista na likas na katangian ng isang tao ang ispiritwalidad samantalang natutunan naman ang relihiyon. Sinabi niyang gumaganap ang relihiyon ng isang malaking papel sa ispiritwalidad ng isang tao. Nagsisilbi ito bilang isang daan para maipahayag ang ispiritwalidad.
Kasi dun sa religion, dun nabubuhay ang spirituality. Kumbaga dun ang kanyang nilalagyan, dun naabot ng tao, binibigyan siya ng tool ng religion para maabot niya yung kaloob-looban niya (Sikolohista A).
Karaniwang tinutukoy ang ispiritwalidad ng isang tao sa pamamagitan ng relihiyon. Karaniwang basehan ng ispiritwalidad ng isang Kristiyano ang kanyang relihiyon. Tungkol naman sa ispiritwalidad ng mga Pilipino, lubusan itong maiintindihan sa pamamagitan ng pagbibigay-halaga sa mga paniniwala sa relihiyon.
Kadalasan, kapag pinag-uusapan ang Filipino ispiritwalidad… ito ay tinutukoy bilang pagiging relihiyoso, mga paniniwala sa relihiyon, paniniwala at kasanayan, saloobin at pag-uugali na isang salamin ng kanilang mga paniniwala sa relihiyon. Kaya ito ay mga bagay na maaaring isaalang-alang sa Pilipinas bilang ispiritwalidad (Teologo A).
Upang ibuod ang unang tema, isang penomenolohikal na karanasan ang kabanalan. Sa mga Pilipino, isang bagay ito sa kaloob-looban ng isang tao. Dahil isa itong penomenolohikal na karanasan, mahirap talakayin ang isang bagay na masyadong abstrak sa mga tao kaya naman maaari lamang itong makuha sa pamamagitan ng mga analohiya. Mahalaga ang pagbigay-pansin sa kahulugan upang ilarawan ang ispiritwalidad dahil habang pinag-uusapan ng mga tao ang kanilang mga karanasan at bigyan ang mga ito ng kahulugan maaari nating malaman ng higit pa ang ispiritwalidad. Bagama’t isang unibersal na konsepto ang ispiritwalidad, gumaganap ng malaking papel ang kultura sa kung paano tukuyin ng mga tao ang kanilang ispiritwalidad—kung paano nila binibigyan ng kahulugan ang kanilang karanasan. Sinasabing hinuhulma ng kultura ang mga saloobin ng isang tao at ang kahulugan ng ispiritwalidad sa pamamagitan ng relihiyon. Nagsisilbi ito bilang isang paraan o daan ng pagpapahayag o paghahanap sa kabanalan.
Pagkakaugnay-ugnay sa Diyos at Kapwa
Ang pagkakaugnay-ugnay sa Diyos at kapwa ang ikalawang temang lumabas sa ispiritwalidad. Tumutukoy ito sa kaugnayan ng iyong sarili, sa Diyos, at sa iba. Sumangguni ang unang dalawang koneksyon sa ugnayan sa sarili at sa Diyos. Sa ugnayan natin sa Diyos sa kalooban natin, tayo rin ay konektado sa buhay. Maaari itong magkaroon ng iba’t ibang pangalan. Maaari itong tawagin bilang isang bagay na banal o sagrado. Ang ating pagkakaugnay sa Diyos at kapwa ang nagbibigay sa atin ng kaganapan sa buhay.
Kapag pinag-uusapan natin ang ispiritwalidad, tinutukoy natin ang buhay ng Diyos, ang buhay ng Diyos sa lahat sa atin. Sa ganon, kapag pinag-uusapan natin ang ispiritwalidad, ito ay higit na nakatutok sa mga karanasan kasama ang Diyos, na napakapangkaraniwan sa lahat, isang bagay na unibersal. Mas tumutuon tayo sa kung ano ang nakapag-iisa sa atin nang higit pa kaysa sa kung ano ang nakapaghihiwalay sa atin (Katolikong Obispo).
Ang ating ugnayan sa ating kapwa ang isa pang mahalagang tema sa ilalim ng ugnayan. Ang ispiritwalidad ay likas na relasyunal higit sa anupaman. Paulit-ulit na nagbanggit ng mga kalahok ng terminong pakikipagkapwa tuwing kultura ng Pilipino ang pinag-uusapan. Tumutukoy ito sa isang nababahaging panloob na sarili. Ang isang taong ispiritwal ay hindi lamang dapat konektado sa isang mas mataas na Nilalang at ihiwalay ang kanyang sarili. Nagsabi ang karamihan sa mga kalahok na ang isang tunay na ispiritwal na tao ay inaabot ang kanyang kapwa. Iniuugnay niya ang kanyang sarili sa iba at tumutulong siya sa mga nangangailangan. Isang kaibigan siya sa iba lalo na sa mga oras ng krisis. Maaaring masukat ang ispiritwalidad sa paraan ng pakikipag-ugnayan sa ibang tao. Gamit ang sikat na kasabihan ng mga Pilipino, ang isang tao ay hindi lamang dapat maging makaDiyos kundi pati na rin makatao. Ngunit higit pa sa pakikipagkapwa ang tinalakay ng mga kalahok. Para sa kanila, higit pa sa pakikipagkapwa ang ispiritwalidad dahil sa pakikipagkapwa, maaaring sumusunod lamang ang isang tao sa mga kaugaliang nakasanayan na sa lipunan. May mga kapalit ito sa mga tao kung hindi mo gagawin ito. Ang tunay na ispiritwal na karanasan ay nakapagpapabago. Babalik lahat ito sa karanasan ng pagiging sagrado o banal.
…pakikipagkapwaan, dalisayan, makatao. Yun na di ba? Ang kanyang pakikipagkapwa ay dalisay, walang balatkayo, kumbaga yung mga taong nakabatay sa kabutihan ng isa’t isa, palagay ko masasabi nating isang uri ng ispiritwalidad yun. Kahit na hindi nakatuon sa isang Diyos (Pilosopo).
Ang koneksyong ito ay higit pa sa pisikal na bahagi ng mga relasyon. Kasama rin dito ang pakikipag-ugnayan ng mga tao maging sa mga espiritu. Maliwanag ito sa palagiang komunikasyon ng mga tao sa mga banal na karaniwang gumaganap bilang mga mediator o tagapamagitan. Sa mga tagong lugar tulad ng Mountain Province, ang mga tao ay nagpapanatili ng malakas na ugnayan sa mga patay nilang kamag-anak at nagagawa nila ito sa pamamagitan ng iba’t ibang ritwal. Itinuturing pa ring ispiritwalidad ang mga aktibidades na ito.
Alam mo, sinabi ko kanina na ang ispiritwalidad ay isang relasyon at sinabi ko na kahit ang mga paniniwalang ito, kahit superstitions, minsan ay maipapakita nila ang malapit na ugnayan sa mga prosesong pantao, alam mo sa konseho ng mga tao sa probinsya sa kabundukan, kung ikaw ay isang ninuno, ang ispiritwal talaga ay napakalakas (Teologo B).
Masasabi ko na mahilig kami sa mga nobena. Ang debosyon sa mga banal. Mukhang mas bukas kami sa kalusugan. Mukhang nakahiligan na ng mga Pilipino ang mga santo na talagang maaari namang maging mediator. Kaya na maaaring kumilos bilang mediators, na tunay namang maaaring maiugnay tayo sa pagkabanal (Katolikong Obispo).
Ispiritwalidad at Relihiyon
Tatalakayin sa seksyong ito ang ugnayan ng ispiritwalidad at relihiyon. Ang relihiyon ay isang daan. Isang paraan o gamit ito sa pagpapahayag ng ispiritwalidad. Binubuo ito ng mga ritwal depende sa relihiyon ng isang tao. Ayon sa Antropologo/Historyador, nasa labas ng isang tao ang relihiyon. Ginamit niya ang mga terminong pag-uugnay, pakikipag-ugnay, at pagtatali. Isa itong bagay na nangangailangan ng pagiging kasali ka sa relihiyon. Binubuo ito ng isang hanay ng mga pilosopiya.
…relihiyon, labas ng tao, dahil muling pag-uugnay, pakikipag-ugnay o “pagtatali” [re=muli; “ligare”=iugnay, itali] (Antropologo/Historyador).
Marahil ay mabibigyang-tuon ng relihiyon ang maraming pagkakaiba sa pagitan ng iba’t ibang relihiyon. Sa tuwing nagsasalita tayo tungkol sa isang partikular na relihiyon, tinitingnan natin ang partikular na relihiyon na ito kahambing sa iba pang mga relihiyon (Katolikong Obispo).
Matatagpuan ang Ispiritwalidad sa Relihiyon
Matatagpuan ang ispiritwalidad ng mga Pilipino sa paniniwala at kasanayang relihiyoso. Hindi ito nakakagulat dahil palaging nababanggit na nagsisilbing isang paraan o gamit ang relihiyon sa pagpapahayag ng ispiritwalidad. Mga Kanluraning konsepto ang mga salitang ispiritwalidad at relihiyon. Ginagawa lamang ng mga itong kumplikado ang bagay-bagay para sa mga Pilipino. Sa halip, mas akmang gamitin ang lokal na salitang “pananampalataya” upang tukuyin ang dalawang konsepto. Karamihan sa mga Pilipino ay hindi na iniisip ang pagkakaiba sa pagitan ng dalawang konsepto dahil hindi ito maunawaan. Sa katunayan, nasa buhay na nating Pilipino ang ispiritwalidad. Bilang Pilipino, mas pinahahalagahan natin ang kaligtasan ng kaluluwa kaysa sa mga materyal na bagay. Napakalapit ang mga relihiyosong gawain sa ating buhay at sa buhay ng iba pang Pilipino. Kahit walang mga relihiyosong tradisyon at gawain, nagpapakita ang mga Pilipino ng tunay na ispiritwalidad. Isang Sikolohista ang nagpahayag na isang bagay na ispiritwal ang kasanayang bahala na ng mga Pilipino kung saan ginamit niya ang pariralang malakas ang pananalig—lubos itong nauugnay sa pananampalataya. Sa loob ng kaibuturan ng bawat Pilipino, maaari nating makita ang malalakas na mga tao dahil mayroong malakas na pananampalataya sa Diyos at sa loob ng sarili. Maaari ring magpakita ng ispiritwalidad ang iba pang pagpapahalagang Pilipino tulad ng pakikipagkapwa at utang na loob.
Kapwa ang “ispiritwalidad” at “relihiyon” ay hiram na salita mulang Kanluran. Kapwa ay pinakakumplika/naging kumplikado na bilang pang-unawa ng mga Kanluranin. Kapwa ang panloob (ispiritwalidad) at panlabas (relihiyon) ay tinatawag sa atin na sampalataya o pananampalataya (Antropologo/Historyador).
Kultural na Manipestasyon ng Ispiritwalidad
Tuwing pag-uusapan ang kultura, tumutuon tayo sa ating pare-parehong paniniwala at kasanayan bilang isang pangkat. Sa kaso ng Pilipinong ispiritwalidad, tuwing pag-uusapan ang ispiritwalidad, palaging babanggitin ng mga key informant ang mga tradisyong Pilipino lalo na ang mga tradisyon sa relihiyon. Matatagpuan ito sa mga kasanayan tulad ng mga seremonyang panrelihiyon sa iba’t ibang santo. Sa katunayan, kumpara sa Pasko, higit na tumututok ang mga Pilipino sa mga pista para sa mga santo.
Pero yun nga eh para sa akin, it will be a wrong assumption na what are the spiritual practices, but it’s more of what are the religious practices, what do they practice right now, and then out of this empirical study of these practices, you develop o you conclude a particular spirituality… (Teologo A).
Sinasabi ng mga kalahok na kung susuriing mabuti ang mga kasanayan o nakagawian ng mga Pilipino, marami tayong matutuklasan pa tungkol sa ispiritwalidad ng mga Pilipino. Pinahayag ng isang Sikolohista na nagpapakita ang ating debosyon sa Sto. Niño kung gaano kalapit ang Kristiyanismo sa ating buhay. Isang pang-araw-araw na karanasan ito. Isang pangkaraniwang obserbasyon sa mga kabahayan ng maraming Pilipino ang pagkakaroon ng imahen ng Sto. Niño. Makakalarawan ang debosyon ng mga Pilipino sa Itim na Nazareno na matatagpuan sa iba’t ibang dako ng Pilipinas sa “psyche” ng mga Pilipino. Pinahahalagahan ng mga Pilipino ang paghihirap bago nakaranas ng tagumpay tulad ng Itim na Nazareno na dumanas ng matinding paghihirap ng damdamin bago muling mabuhay.
Ang daming elements ng Christianity and it is very close to their everyday lives, the need to be close to that entity that is there, we see that in the practices di ba, yung Sto. Nino palagi nandun sa bahay, almost everyday encounter (Sikolohista A).
Bilang buod, tila ang pag-unawa sa kabanalan ng mga Pilipino ay tulad ng pag-unawa sa kulturang Pilipino sa pangkalahatan. Naglalagay ang mga Pilipino ng karagdagang diin sa kaligtasan ng kaluluwa kaysa sa katawan. Maaari itong tumuon higit pa sa mga kultural na pagpapahayag o nababahaging kultural na pagpapahayag ng ispiritwalidad ng mga Pilipino. Makikita ito sa sinabi ng isang kalahok na “Sa aking palagay ang mga Pilipino halimbawa ay nahalintulad ang, ang pagpapakahulugan nila ng Kristyanismo ay ispiritwalidad. Halimbawa binibigyan nila ang kahalagahan ng kaligtasan ng kaluluwa” (Pilosopo).
DISKUSYON
Tutukuyin sa bahaging ito ang pagkakaugnay ng mga paniniwala at pagpapakahulugan sa ispiritwalidad at relihiyon lalo na kaugnay ng kulturang Pilipino.
Ispiritwalidad
Ang depinisyon ng mga kalahok sa ispiritwalidad ay nakatuon sa dalawang tema—ang personal o penomenolohikal na karanasan at pagkakaugnay-ugnay o pagkakabuklod. Sinusuportahan ang unang temang personal na karanasan ng ilang nagdaang pag-aaral pagdating sa konseptwalisasyon. Isang internal at labis na penomenolohikal na karanasan ito. Pinakahulugan nina Hill at Kenneth Pargament (2003) ang ispiritwalidad bilang personal at subhektibong bahagi ng relihiyosong karanasan. Tumutukoy ang ikalawang tema na pagkakaugnay-ugnay sa koneksyon sa sarili, sa Diyos, at sa kapwa. Bagama’t iba’t ibang termino ang ginamit ng mga kalahok upang tukuyin ang uring ito ng koneksyon, pare-pareho naman nilang sinabing mayroong koneksyon sa isang mas nakatataas o sa isang bagay na nasa loob natin. Ang mga terminong sagrado at divine spark ay ginamit ng ilang pag-aaral sa nakaraan at sinusuportahan nila ito habang binibigyang-kahulugan ang pagkasagrado o banal bilang bagay na tumutukoy sa mga konsepto ng Diyos (Zinnbauer et al. 1997; Hill et al. 2000).
Sa pagsasakatutubo ng ispiritwalidad, ayon kay De Mesa (2010), sa ating pagpapakatao nasasalamin ang ating pakikipag-ugnayan sa Diyos. Matingkad na lumabas ito sa mga resulta ng kasalukuyang pag-aaral. Kaugnay ng ispiritwalidad ang mga pagpapahalagang Pilipino tulad ng bahala na, pakikipagkapwa, at utang na loob. Ang mga kaibang pagpapahalagang ito ng mga Pilipino ay palaging binibigyang-pansin sa iba’t ibang konteksto sa paglipas ng panahon. Nagsabi ang pangunahing tagapagtaguyod ng Sikolohiyang Pilipino na si Enriquez (1993) na ang kapwa ang sentro ng Sikolohiyang Pilipino. Dahil sentro ang kapwa sa pagkataong Pilipino, hindi rin ito maihihiwalay sa ispiritwalidad. Para kay Covar (1998), sa paglalakip ng paniniwala at pagkatao ng Pilipino matatagpuan ang ispiritwalidad. Sa pagpapakatao ng Pilipino ay naroon ang pakikipagkapwa-tao.
Bukod sa kapwa, ang loob ay isang dalumat sa Sikolohiyang Pilipino na mahalaga para mapag-aralan ang pagkataong Pilipino at ispiritwalidad. Para kay Albert Alejo (1990), ang loob ay may labas, lalim, at lawak. Upang maunawaan ang pagkatao at kaluluwa ng isang Pilipino kaugnay ng ispiritwalidad, mahalagang balikan ang konsepto ng loob. Binigyang-kahulugan ni Ileto (1979, binanggit ni Alejo 1990), ang loob bilang ang pinakaloob na bahagi ng sarili, ito ang tunay na kahulugan ng sarili at ang lugar na pinakamahalagang sentrong bahagi ng tao. Isang konsepto ang loob na may kinalaman sa relasyon at inilalarawan nito ang relasyon ng isang tao sa kanyang kapwa kaya naman karamihan sa mga salitang may kinalaman sa kapwa o pakikipagkapwa ay may salitang loob tulad ng utang na loob, sama ng loob, kusang loob, at kagandahang loob (De Mesa 1984, binanggit kay Alejo 1990). Sa tuwing ginagamit ang salitang loob upang ipahayag ang isang bagay na nasa loob, lumalalim ang relasyon ng dalawang tao. Sa ispiritwalidad, ang pagiging sagrado nito, kung iuugnay sa Sikolohiyang Pilipino, ay maaaring tukuyin bilang ang kaloob-looban ng isang tao. Ang isang ispiritwal na Pilipino kung gayon ay yaong taong sadyang konektado sa kanyang sentro o kaloob-looban. Sinabi ni De Mesa (1984, binanggit ni Alejo, 1990) na dalawa ang bukasan ng relational na loob. Ang una ay ang patungo sa ibang tao o kapwa at ang isa naman ay yaong patungo sa Diyos. Pinunto niyang likas na may kaugnayan ang loob sa Diyos at dahil dito, likas din itong may kaugnayan sa ibang tao o kapwa. Hindi natin maaaring paghiwalayin ang ating mga paniniwala at ang pagtanggap sa Diyos at kapwa kung nanaisin nating maipaliwanag ang ispiritwalidad ng mga Pilipino. Kilala sa pagiging relihiyoso ang mga Pilipino subalit walang halaga ang pagiging relihiyoso kung hindi naman natin alam ang pakikipagkapwa. Maging sa mga panalangin at papuri, sama-sama pa rin bilang isang bayan ang mga Pilipino. Sabi nga ng isang kanta, “Bayan, umawit ng papuri sapagkat ngayon ika’y pinili, iisang Bayan, iisang lipi, iisang Diyos” (Borres et al. 2011). Kaya’t hindi nakapagtatakang hindi popular sa Pilipinas ang mga Kanluraning paraan ng ispiritwalidad gaya ng meditasyon maliban sa mga tao sa itaas na bahagi ng lipunan.
Ispiritwalidad at Relihiyon kaugnay ng Kulturang Pilipino
Mahalaga ang gampanin ng kultura sa pag-unawa sa Diyos (De Mesa 2010). Kaiba ang mga resulta ng pag-aaral na ito sa mga makakanluraning pag-aaral na kung saan sinasabing magkahiwalay ang ispiritwalidad at relihiyon. Sa kontekstong Pilipino, kung pag-uusapan ang ispiritwalidad, mahirap itong hiwalay sa relihiyon. Sa katunayan, binibigyang-pansin ang buong kulturang humuhubog sa ispiritwalidad ng tao at relihiyon sapagkat itinuturing ito bilang isang pangunahing panlipunang tagahubog na mahalaga sa sosyalisasyon ng isang tao. Binanggit ng mga kalahok ang papel ng relihiyon bilang isang paraan. Normal lang para sa mga Pilipino ang pagiging katekisado mula pa sa pagkabata. Laganap ang Katolisismo. Sinasabing kadalasang nakabase sa Katolisismo ang mga tradisyong Pilipino. Sadyang likas na Katoliko ang mga kasabihan at ritwal. Gayumpaman, kung susuriing mabuti, mayroong mga kasanayang hindi naman lubusang Katoliko. Kung ating ikukumpara ang mga kasanayang ito sa mga kasanayang Katoliko sa ibang bansa, iba rin ang mga ito. Maaaring totoong dayuhan ang konsepto ng ispiritwalidad at relihiyon para sa mga Pilipino. Subalit ang mas mahalaga ay ang pananampalataya. Ang pananampalataya ay ang pananalig at pagtitiwala ng tao bunga ng kanyang pakikipagharap at pagkilala sa Diyos (Miranda 1987). Napakahalaga sa pananampalataya ang pagkilala at nasasalamin ito sa isang personal na relasyon ng mga tao sa Diyos. Sa pag-analisa ni Dionisio Miranda (1987) sa pananampalataya, ang “pananam” sa pananampalataya ay maaaring tumukoy sa “lasa.” Tumutukoy ang “taya” sa isang sugal na kapag dinagdagan mo ng “pala” ang ibig sabihin ay laging ginagawa. Kaugnay ng pananampalataya ang utang na loob na tinukoy ni Alejo (1990) bilang pagmamakaawa, paghingi ng pakundangan o pagsasaalang-alang bilang kapwa-tao; pagkatok sa puso ng kapwa sa ngalan ng makataong pagkakapatiran; paghingi ng malasakit, kalinga o paglingap o pakikiramay; pagtataya ng sariling pagkatao bilang garantiya ng katapatan sa paghingi ng pabuya. Tayo rin ba ay may utang na loob sa Diyos? Nakikita rin ang utang na loob sa ating pakikipag-ugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng ating pananampalataya (Miranda 1987). Dagdag pa niya, ang utang na loob na ito ang ating tugon sa kagandahang loob ng Diyos sa ating lahat na siyang unang nagmahal sa atin (Miranda 1987). Hindi nagkakaiba ang persepsyon ng mga Pilipino sa ispiritwalidad at buhay. Sadyang mahalaga ang pahayag na ito sapagkat kung susuriing mabuti, sadyang likas na ispiritwal ang mga Pilipino at ang ating ugnayan sa kapwa ay nakikita rin sa ating ugnayan sa Diyos.
Bagama’t katulad sa ibang nagdaang pananaliksik, ang kasalukuyang pag-aaral na ito ay nagsisiwalat ng maraming bagay tungkol sa ispiritwalidad ng mga Pilipino samantalang maaari rin itong maging ugat ng pag-usbong ng ilang katanungang maaaring pag-aralan tulad ng ano nga ba ang nagdudulot ng pagiging ispiritwal sa ating buhay? Kung tayo nga ay isang bansang binubuo ng mga ispiritwal na mamamayan, bakit laganap pa rin ang korapsyon? Ipinakita kahit na ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CPCP) sa kanilang pastoral na landas ng pagpapakabanal, na hindi nalalayo sa buhay ni Kristo ang buhay nating mga Pilipino. Sa katunayan, sinabi ng mga Obispo sa kanilang Pastoral Exhortation noong 1999 na (makikita sa Miranda 2003):
Sa pamamagitan ng pag-angkop natin ng kalooban ng Diyos, maaari nating mabago ng lubusan ang ating mga sarili. Sa tulong ng kanyang Espiritu sa atin, maaari nating mapalawak ang pagmamahal sa ating mga pamilya nang atin din mayakap ang pagmamahal ng mas malawak pang lipunan. Ang ating mga salu-salo ay naging mga okasyon na ng ating pag-iimbita ng mga taong gutom at uhaw sa ating mga hapag-kainan. Ang sentimentalidad ng ating mga kundiman ay nakatulong upang mapagbuti ang ating awa at simpatya sa mga taong walang masuot at matirahan. Ang ating pagdadakila sa ating mga bayani ay patungo kay Kristo na matapang na hinarap ang mapait na paghihirap at kamatayan para sa ating kaligtasan. At ang ating oryentasyong sa espiritu ay tumutulong upang mahalin natin ang isang mapagdasal at mapagbulay-bulay na buhay nang sa gayon ay makahanap ng gabay ng Banal na Espiritu sa lahat ng ating mga kinakaharap sa buhay.
Kung uunawain ang ispiritwalidad ng mga Pilipino, higit pa ito sa relihiyon. Maraming ritwal na ginagawa dati pa na hindi naman talaga alinsunod sa Katolisismo (Sevilla 1982). Mula sa pahayag na ito, makikita ang inkulturasyon ng Teolohiya. Pinag-isa ng mga Obispo si Kristo at ang Mabuting Balita sa pang-araw-araw na karanasan ng mga Pilipino. Isang mahalagang daan ang kultura upang lubusang manintindihan ng mga Pilipino ang Diyos at para kay De Mesa (2004), makaPilipino ang teolohiya ni Kristo kung ituturo natin siya base sa kultura natin. Kanila ring binigyang-pansin ang konsepto ng kalooban. Mas mahalaga nga bang maunawaan si Kristo o ang kalooban ng mga tao? Ang relihiyon ba ang pinakasusi para maintindihan ang ispiritwalidad? Tunay na hindi makapagbibigay ng kasagutan ang mga dayuhang pananaliksik para sa mga katanungang ito.
KONKLUSYON
Ang ispiritwalidad ay isang kumplikadong konsepto ayon sa ilang nagdaang pananaliksik. Binigyang-halaga ang pagiging unibersal nito, gayumpaman, nagbabago-bago at paiba-iba sa bawat kultura ang manipestasyon nito. Ipinakita sa kasalukuyang pananaliksik na lubhang nakaugat at nakadepende sa relihiyon at pati na rin sa kultura ang ispiritwalidad sa kontekstong Pilipino. Sa pagtalakay sa ispiritwalidad, nakaugnay rito ang loob at kapwa. Nakaugnay ang ispiritwalidad sa pagpapakatao at pagkikipagkapwa ng mga Pilipino. Kung uunawain ang ispiritwalidad nating mga Pilipino, bahagi ang relihiyon dito ngunit higit pa ito sa relihiyon. Ang relihiyon ay maaaring panlabas lamang pero ang ispiritwalidad ay panloob. Ang loob na ito ay hindi lamang tungo sa Diyos bagkus ay patungo na rin sa kapwa. Para lubusang maintindihan ang ispiritwalidad nating mga Pilipino, mahalagang laging tingnan ang ating kulturang pinanggalingan dahil ito ang huhubog sa ating pag-unawa sa Diyos na itinuturo ng ating relihiyon at sa ating kapwa.
Upang mapag-aralan nang mabuti ang ispiritwalidad ng mga Pilipino, mahalagang mapag-aralan din kung paano binibigyang-kahulugan ang mga relihiyosong karanasang kinakaharap. Subalit para mapag-aralan nang husto ang ispiritwalidad ng mga Pilipino, mas mahalagang suriin kung saan patutungo ang ispiritwalidad ng mga Pilipino. Sapagkat masisiwalat lamang ang tunay na ispiritwalidad at mas mapapalalim ito batay sa kung ano ang idinudulot nito sa buhay lalung lalo na sa iba’t ibang aspekto ng buhay ng tao.
Unang bahagi pa lamang ang pananaliksik na ito ng isang malawakang pag-aaral tungkol sa ispiritwalidad. Dahil nagpopokus lamang ito sa isang paksang sadyang malawak at kumplikado, minumungkahi ng mananaliksik ang ilang rekomendasyon para sa mga gagawing pag-aaral sa hinaharap na may kinalaman sa ispiritwalidad ng mga Pilipino. Una, kinakailangan pa ng malakihang pag-aaral ukol sa mga ispiritwal na paniniwala ng mga Pilipino lalung lalo na sa paraan kung paano binibigyang-kahulugan ng mga Pilipino ang mga relihiyosong kasanayang ginagawa ayon sa iba’t ibang antas ng buhay. Maaaring malaki ang gampanin ng dambuhalang pagkahating pangkalinangan dahil naauso na ngayon ang modernong ispiritwalidad tulad ng new age spirituality. Sinabi ng mga key informant na malaki ang pangangailangan sa pag-aaral kung paano pinapakahulugan ng mga Pilipino ang mga kasanayang ito, maging relihiyoso man ito o hindi at mahalagang makita ito mula sa ispiritwalidad. Pangalawa, mahalaga ring makabuo ng iskala ng ispritwalidad na naayon sa kalinangang Pilipino upang magabayan ang mga Sikolohista sa kanilang pananaliksik at tungkulin.
Sanggunian
Alejo, A.E. (1990). Tao po! Tuloy! Isang landas ng pag-unawa sa loob ng tao. Quezon City: Office of Research and Publications, Ateneo de Manila University. Binagong edisyon, 1992.
Aquino, C.C. (1999). Mula sa kinaroroonan: Kapwa, kapatiran, at bayan sa agham panlipunan. Nasa A.M. Navarro at F. Lagbao-Bolante (mga pat.), Mga babasahin sa agham panlipunang Pilipino: Sikolohiyang Pilipino, Pilipinohiya, at pantayong pananaw. Quezon City: C&E Publishing, Inc., 2007, 201-240.
Borres, J, V. Baltazar, at M. Francisco (2011, Mayo 5). Bayan, umaawit. Nakuha noong Agosto 30, 2013, mula sa Christian Lyrics 4 U Website: http://goo.gl/rJ8YpH.
Cashwell, C.S., J.S. Young, T.H. Cashwell, at C. Belaire (2001). The inclusion of spiritual process in counseling and perceived counselor effectiveness. Counseling and Values, 45 (2),145-153.
Catholic Bishops Conference of the Philippines (CPCP) (1999). Buod ng sulat-pastoral ukol sa landas ng pagpapakabanal. Nakuha noong Enero 28, 2013, mula sa Catholic Bishops Conference of the Philippines Website: http://goo.gl/NyGDha.
Church, A.T. at M.S. Katigbak (2002). Indigenization of psychology in the Philippines. International Journal of Psychology, 37, (3), 129-148.
Constantine, M.G., E.L. Lewis, C.C. Latoya, at D.S. Sanchez (2000). Addressing spiritual and religious issues in counseling African Americans: Implications for counselor training and practice. Counseling and Values, 45 (1), 28-38.
Corrigan, P., B. McCorkie, B. Schell, at K. Kider (2003). Religion and spirituality in the lives of people with serious mental illness. Community Mental Health Journal, 39 (6),487-499.
Covar, P.R. (1998). Larangan: Seminal essays on Philippine culture. Manila: National Commission for Culture and the Arts.
De Mesa, J.M. (2004). Mga aral sa daan: Dulog at paraang kultural sa Kristolohiya. Manila: De La Salle University Press.
De Mesa, J.M. (2010). Mabathalang pag-aaral. Manila: Academica Filipina Digital, Vee Press.
De Quiros, C. (1998). Phenomenon. Nasa T.B. Obusan (pat.), Roots of Filipino Spirituality. Quezon City: Mamamathala, 77-79.
Enriquez, V.G. (1993). Developing a Filipino psychology. Nasa U. Kim at J.W. Berry (mga pat.), Indigenous psychologies: Research and experience in cultural context. CA: Sage Publications, Inc., 152-169.
Enriquez, V.G. (1994). Pagbabagong-dangal: Indigenous psychology and cultural movement. Quezon City: Akademya ng Kultura at Sikolohiyang Pilipino.
Gall, T.L., C. Charbonneau, N.H. Clarke, K. Grant, J. Anjali, at L. Shouldice (2005). Understanding the nature and role of spirituality in relation to coping and health: A conceptual framework. Canadian Psychology, 46 (2),88-104.
Gergen, K.J. (1985). The social constructionist movement in modern psychology. American Psychologist, 40 (3), 266–275.
Gonzales, L. (1976). Ang pagtatanung-tanong: Dahilan at katangian. Nasa R. Pe-Pua (pat.), Sikolohiyang Pilipino: Teorya, metodo, at gamit. Quezon City: University of the Philippines Press, 1982, 306-314.
Helminiak, D. (2001). Treating spiritual issues in secular psychotherapy. Counseling and Values, 45 (3),163-180.
Hickinson, J., W. Housley, at D. Wages (2000). Counselor’s perception of spirituality in the therapeutic process. Counseling and Values, 45 (1),58-65.
Hill, P.C. at K.I. Pargament (2003). Advances in the conceptualization and measurement of religion and spirituality: Implications for physical and mental health research. American Psychologist, 58 (1),64-74.
Hill, P.C., K.I. Pargament, R.W. Hood, M.E. Mccullough, J.P. Swyers, D.B. Larson, at B.J. Zinnbauer (2000). Conceptualizing religion and spirituality: Points of commonality, points of departure. Journal for the Theory of Social Behaviour, 30 (1),51-77.
Jose, M.D.dL. at A.M. Navarro (2004). Katawan at kaluluwa sa kronikang Español: Pagtatalaban ng sexualidad at ispiritwalidad noong dantaon 16-18. Nasa M.D.dL. Jose at A.M. Navarro (mga pat.), Kababaihan sa Kalinangan at Kasaysayang Pilipino. Quezon City: C&E Publishing, Inc., 2010, 39-65.
Marquis, A., J.M. Holder, at E.S. Warren (2001). An integral psychology response to Helminiak’s (2001) “Treating issues in secular psychotherapy.” Counseling and Values, 45 (3),218-236.
Mercado, L.N. (1977). Retrospect: Some comments on Filipino religious psychology. Nasa L.N. Mercado (pat.), Filipino religious psychology. Tacloban City: Divine Word Publications at Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino, 180-188.
Mercado, L.N. (1992). Inculturation and Filipino theology. Manila: Divine Word Publications.
Miranda, D.M. (1987). Pagkamakatao: Reflections on the theological virtues in the Philippine context. Manila: Divine Word Publications.
Miranda, D.M. (2003). Kaloob ni Kristo: A Filipino Christian account of conscience. Manila: Logos Publications.
Obusan, T.B. (pat.) (1998). Roots of Filipino Spirituality. Quezon City: Mamamathala.
Pe-Pua, R. at E. Protacio-Marcelino (2000). Sikolohiyang Pilipino (Filipino psychology): A legacy of Virgilio Enriquez. Asian Journal of Social Psychology, 3, 49-71.
Rippentrop, A.E. (2005). A review of the role of religion and spirituality in chronic pain populations. Rehabilitation Psychology, 50 (3),278-284.
Salazar, Z.A. (1977). Ang kamalayan at kaluluwa: Isang paglilinaw ng ilang konsepto sa kinagisnan sikolohiya. Nasa R. Pe-Pua (pat.), Sikolohiyang Pilipino: Teorya, metodo, at gamit. Quezon City: University of the Philippines Press, 1982, 83-92.
Sevilla, J.C. (1982). Filipino religious psychology: A commentary. Nasa R. Pe-Pua (pat.), Sikolohiyang Pilipino: Teorya, metodo, at gamit. Quezon City: University of the Philippines Press, 306-314.
Young, J.S., C.S. Cashwell, at J. Shcherbakova (2000). The moderating relationship of spirituality on negative life events and psychological adjustment. Counseling and Values, 45 (1),49-57.
Zinnbauer, B.J., K.I. Pargament, B. Cole, M.S. Rye, E.M. Butter, T.G. Belavich, K.M. Hipp, A.B. Scott, at J.L. Kadar (1997). Religion and spirituality: Unfuzzying the fuzzy. Journal for the Scientific Study of Religion, 36 (4),549-564.