[DIWA E-Journal Tomo 6, Nobyembre 2018] “Ang Gusto Ko Lamang sa Buhay ay…” Paunang Pagbuo at Pagsusuri ng Isang Imbentaryo ng mga Motibasyon ng mga Filipino
Francis Simonh M. Bries
Departamento ng Sikolohiya
University of the Philippines (UP), Diliman, Quezon City
Armando E. Chiong III
Kolehiyo ng Medisina
University of the Philippines (UP), Manila
Eloisa Anne J. Calleja
Kolehiyo ng Medisina
San Beda University
Alma P. Quisto
Departamento ng Sikolohiya
University of the Philippines (UP), Diliman, Quezon City
Abstrak
Katulad ng saklaw ng mga pag-aaral ukol sa mga dayuhang pagpapakahulugan ng motibasyon, maraming mga pananaliksik sa Sikolohiyang Pilipino ang nilayong unawain kung ano-anong mga bagay ang nagpapaudyok sa mga Filipino sa kanilang buhay. Gayumpaman, nagkukulang pa rin tayo ng kahalintulad na mapagbuklod na balangkas ng motibasyon at mga kaagapay na panukat nito. Upang matugunan ang ganitong limitasyon, bumuo kami ng isang panukat ng motibasyong buhat sa mga pagpapahalaga at konseptong taal sa kultura, lipunan, at sikolohiyang Filipino. Sa kasalukuyang pananaliksik, ipinapakita namin ang paunang pagbuo, pagpapatatag (item, reliability, at exploratory factor analysis), at pagpapatibay sa katapatan (construct validation) ng Imbentaryo ng mga Motibasyon ng mga Pilipino (IMP). Matapos ang tatlong pag-aaral, lumalabas sa datos na tatlong tema ang sumasalamin sa mga motibasyon ng mga Pilipino: ang pagsusumikap na maging mahusay sa mga interes na mahalaga para sa sarili, ang pagnanais na mapasaya ang pamilya at malapit sa buhay, at ang paggawa ng mga bagay na sasapat lamang para sa anumang kapalit. Ang mga eskalang ito ay nakitang may sapat na internal consistency at lakas ng korelasyon sa mga panukat ng mga katulad na construct. Higit pa, pinatutunayan ng aming mga resulta ang mga uri ng motibasyon na natagpuan sa mga naunang kuwalitatibo at teoretikal na pananaliksik sa Pilipinas. Sa huli, iminumungkahi namin ang paggawa ng karagdagang mga paananaliksik upang makita ang kaangkupan ng IMP sa iba pang populasyon (halimbawa, sa iba’t ibang pangkat ng mga mag-aaral at manggagawa), at ang mga teoretikal at praktikal na implikasyon ng mga motibasyong aming nakita sa pangaraw-araw na buhay ng mga Pilipino.
Abstract
Similar to the extent of scholarship concerning foreign conceptualizations of motivation, a large body of research in Sikolohiyang Pilipino aimed to understand what drives Filipinos in their lives. Unfortunately, we lack a similarly developed framework of Filipino motivation and measures of motivation associated with it. In order to address this limitation, we created a measure of motivation derived from valuations and concepts that are indigenous to Filipino culture, society, and psychology. In the current research, we demonstrate the initial construction, reliability analysis (including item and exploratory factor analysis), and construct validity of the Inventory of Motivations of Filipinos (IMP). After three studies, results suggest that three types reflect the motivations of Filipinos: the dedication to achieve mastery in domains important to oneself, the desire to make one’s family and significant others happy, and the drive to accomplish tasks to the bare minimum needed to be remunerated. Furthermore, our results affirm the types of motivation identified in earlier qualitative and theoretical research in the Philippines. In conclusion, we recommend that future studies could be conducted to verify the appropriateness of the IMP in other populations (for example, across different groups of students and workers), and the theoretical and practical implications of the motives we identified in the daily lives of Filipinos.
INTRODUKSIYON
Katulad ng pabatid ng awit na batayan ng pamagat ng aming pag-aaral o ng tanong mula sa isang patalastas (“Para kanino ka bumabangon?”), masasabi na tunay nga nating pinag-iisipan kung anong mga bagay ang nagbibigay sa atin ng dahilan para kumilos araw-araw. Mula sa mga mag-aaral na matiyagang tinatapos ang kanilang mga takdang-aralin, mga gurong itinatawid ang pagtuturo anumang balakid ang kanilang harapin, o mga manggagawa na sinusuong ang lahat upang maitaguyod ang kanilang mga pamilya, makikita natin ang kahalagahan ng motibasyon sa mga pangkaraniwan o maging bukod-tanging karanasan sa buhay. Buhat nito, layunin ng aming pananaliksik na sagutin ang dalawang magkaagapay na tanong: Ano ang mga motibasyon ng mga Pilipino? Higit pa, paano ba natin ito susukatin?
Ang Motibasyon sa Kontekstong Kanluranin
Ang motibasyon ay tumutukoy sa mga sikolohikal na puwersang nagpapakilos sa mga tao (Lens, Vansteenkiste, & Matos, 2008), o kung ano ang nag-uudyok sa kanilang mag-isip at kumilos katulad ng ginagawa nila (Graham & Weiner, 1996). Dahil sa kahalagahan ng motibasyon sa mga pag-aaral tungkol sa pagkilos ng mga tao (Miner, 2003), maraming mga teorya tungkol sa konseptong ito ang nabuo—nagmula nga lamang ang mga ito sa mga kontekstong makakanluran. Halimbawa, binigyan ng diin ni Clark Hull ang mga “drive,” ang “lakas” (intensity) ng isang kilos at ang relasyon nito sa mga “kinaugalian” (habit) ng tao (Ormrod, 2012). Nilahad naman ni Maslow (1943) sa kaniyang hierarchy of needs na may pagkakasunod-sunod ang pagkamit sa mga pangangailangan ng tao, habang itinuon ni McClelland (1987) ang kaniyang atensiyon sa tatlong uri ng psychological need (power, achievement, affiliation). Inilatag naman nina Ryan at Deci (2008) sa self-determination theory ang kros-kultural na universality ng autonomy, competence, at relatedness at ang proseso ng goal internalization tungo sa pagpapahalaga sa mga gawain na sa simula’y iniatas lamang ng ibang tao. [Maaaring basahin ang mga rebyu nina Ilagan, Hechanova, Co, & Pleyto (2014) at Menguito (2014) upang balikan ang iba pang mga teorya ng motibasyon.]
Dahil sa dami ng mga teorya ng motibasyon na ipinanukala ng mga dayuhang sikolohista at ang kaakibat na pananaliksik na sumusuporta sa kanila, sinimulan na ng ilang mananaliksik na pagsama-samahin ang mga magkakatulad nilang uri ng motibasyon (hal., Graham & Weiner, 1996; Klein, 1989; Landy & Becker, 1987; Lens et al., 2008). Ganito nga ang ginawa nina Leonard, Beauvais, at Scholl (1999) noong pinagbuklod at isinaayos nila sa iisang klasipikasyon ang mga nangungunang teorya ng motibasyon sa pamamagitan ng isang modelo na maikli ngunit napagsasama-sama ang mga pangunahing tema ng bawat teorya. Pinalawak naman nina Barbuto at Scholl (1998) ang pag-aaral na ito sa pamamagitan ng pagbuo ng isang panukat ng motibasyon (ang Motivation Sources Inventory, o MSI). Sa pag-aaral na ito ay tinukoy ang limang uri ng motibasyon batay sa mga pinagbuklod na mga tema ng iba’t ibang teorya (makikita ang mga teoryang binigyang-pansin sa artikulo nina Barbuto at Scholl, 1998, pp. 1012–1014).
Sa balangkas ng MSI, tinutukoy ng Intrinsic Process Motivation ang uri ng motibasyon na may koneksiyon sa kasiyahan kung saan ang isang tao ay naghahanap ng mga bagong karanasan, sa pagnanais na gamitin ang sariling mga kakayahan para matuto at siyasatin ang kapaligiran. Ikalawa, ang Instrumental Motivation ay batay sa mga pabuya (hal., suweldo, mataas na grado) na bunga ng gawain ng isang tao; sa ganitong uri ng motibasyon, umaasa ang mga tao sa mga pabuya bilang kompensasyon sa kanila, sinasalamin ang kanilang pagtatanong kung ano ang makukuha sa pagkompleto sa mga itinakdang gawin. Sumunod, ang External Self-Concept-based Motivation ay batay sa kagustuhang tuparin ang mga inaasahan ng ibang tao upang makakuha ng ninanais na tugon na masasalamin sa pagtingin sa sarili (self-perception), kung kaya ay humihingi o nagnanais ng pagkilala ang isang tao para sa kaniyang mga ginawa. Ang Internal Self-Concept-based Motivation naman ay ang pagnanais na magtagumpay at tuparin ang mga personal na pamantayan nang hindi nag-aalala kung ano iniisip ng iba, at ang pagsubok sa mga mahihirap na gawain upang paunlarin ang mga kakayahan. Panghuli, ang Goal Internalization Motivation ay nakatuon sa pagtamo ng kapakanan ng sarili o ibang tao, ayon sa mga prinsipyong pinaniniwalaan: Ang mga prinsipyong ito ay maaaring katulad ng sa napiling organisasyon o grupo ng isang tao, kung kaya ang mga taong kumikilos batay sa ganitong uri ng motibasyon ay madalas magtanong tungkol sa mga layunin ng mga gawain nila, at kumikilos batay sa mga pagpapahalaga nila (Barbuto & Scholl, 1998; Barbuto & Cummins-Brown, 2007).
Pinatunayan ang bisa ng MSI sa pamamagitan ng pag-aaral ng iba’t ibang paksa katulad ng relasyon ng motibasyon sa maraming anyo ng leadership (Barbuto, 2005; Barbuto, Fritz, & Marx, 2004) at organizational citizenship (Barbuto, Fritz, & Plummer, 2004; Barbuto & Story, 2011), motibasyon ng mga manggagawa sa agrikultural na konteksto (Barbuto, Trout, & Brown, 2004), at locus of control at mga learning style ng mga mag-aaral sa kolehiyo (Fritz, Speth, Barbuto, & Boren, 2004; Spencer, 2001).
Para sa kasalukuyang pananaliksik, ginawa naming gabay ang pangkalahatang modelo nina Barbuto at Scholl (1998) upang buuin ang Imbentaryo ng mga Motibasyon ng mga Pilipino (IMP) dahil ang naturang modelo ay maikli ngunit napagsasama-sama ang iba’t ibang teorya ng motibasyon. Sa gayon, nagsilbi itong paunang balangkas upang pansamantala naming maisaayos ang mga uri ng motibasyon na nakita sa mga lokal na pag-aaral sa larangang ito, tungo sa pagtatasa ng modelo na isinasaalang-alang ang datos na galing sa mga Filipinong kalahok at nang tunay ngang masalamin nito ang ating kultura.
Tungo sa Maka-Pilipinong Balangkas ng Motibasyon
Sa kasalukuyang pag-aaral, ang mga binuong sub-eskala ng IMP ang ipinantapat sa modelong ginamit nina Barbuto at Scholl (1998, p. 1018). Ang bawat eskala ay binubuo ng iba’t ibang magkakaugnay na konseptong tinalakay sa maraming pag-aaral sa Sikolohiyang Pilipino at mga kaakibat na disiplina ng agham panlipunan sa Pilipinas. Ang mga konsepto namang ito ang nagtatakda ng temang konseptuwal ng bawat eskala na sila namang naging batayan ng nilalaman ng mga aytem na ginamit sa IMP (tingnan ang Pigura 1 para sa buod ng balangkas na ito). Mula sa mga pag-aaral na kaugnay ng motibasyon sa Pilipinas, mahihinuha na maraming bagay ang nag-uudyok sa mga Pilipino na kumilos. Sa gayon, maihahain namin ang isang balangkas ng motibasyon na mas angkop sa mga pagpapahalaga at kultura ng mga Pilipino.
Kagustuhan. Sa Sikolohiyang Pilipino, may ilang mga pananaliksik na pinag-aralan ang konsepto ng kasiyahan sa ginagawa. Sa pag-aaral nina Arriola, Enriquez, Lachica, Nava, at Reyes (1980), ang mga tao (sa kanilang pag-aaral, mga bata) ay nakahahanap ng kasiyahan sa paggawa ng mga bagay na nagpapagaan ng kanilang loob. Kapareho ito ng konseptuwalisasyon ng mga mag-aaral na kinapanayam nina Bernardo, Salanga, at Aguas (2008) ukol sa pag-aaral: Ang pagkatuto ay ginagawa hindi lamang dahil gampanin ng isang estudyante na mag-aral ngunit dahil nakapupukaw ng pagkamangha at interes ang mismong proseso ng pagtuklas sa bagong kaalaman. Dahil dito, ang “kagustuhan” ay motibasyon na gawin ang isang bagay sanhi ng bukal sa loob na paggawa nang walang pagtingin sa kung anumang mga external reward (hal., pera, pagkilala) ang makakamit (Gepigon & Francisco, 1978). Halimbawa ng aytem sa eskalang ito ng IMP ang “Importante na interesado ako sa ginagawa ko.” (makikita ang lahat ng mga aytem sa Hanayan 1).
Ginhawa. Ayon kina Barbuto at Scholl (1998), ang instrumental na motibasyon ay ang pagkilos ng mga tao upang makamit ang isang materyal na benepisyo o gantimpala sa anyong pera, promosyon, at iba pa. Ngunit ang mga Pilipino ay hindi nagtatrabaho para lamang sa pera. Mas mahalaga para sa kanila ang pagkakaroon ng pangmatagalang mapagkukunan ng pagkakakitahan (Santiago, 1976), sariling negosyo (Regalado, 1981), o ang kagustuhan na mapunan ang kanilang mga pangunahing pangangailangan (Gepigon & Francisco, 1978) tungo sa kabuuang pakiramdam ng gana at gaan sa buhay (Bautista, 2011). Ang mga kagustuhang ito ay makikita sa kung paano nagsusumikap ng mga Pilipino na magkaroon ng trabaho, upang masiguro ang disenteng pamumuhay para kanilang sarili at pamilya (Tiryakan, 1959).
Ang pagkilos ng mga Pilipino ay ginagabayan hindi lamang ng motibasyong dulot ng kayamanan, kundi ng kagustuhang mapunan ang mga pangangailangan. Kung gayon, nalalapit ang pagtugon sa pangangailangan sa konsepto ng “ginhawa.” Ayon kay Salazar (1977), maraming pagapakahulugan na ibinibigay ang mga Pilipino dito, kabilang ang “gaan sa buhay,” “aliw sa buhay,” “kaibsan sa hirap,” at “mabuting pamumuhay” (p. 136). Dahil nga isa sa mga layunin ng mga Pilipino ang makaraos sa hirap at matamo ang kaginhawaan sa buhay (Gepigon & Francisco, 1978), masasabing uri ng motibasyon (kaya’t magiging sub-eskala ng kasalukuyang pag-aaral) ang pagsusumikap na makamit ang anumang manipestasyon ng ginhawa. Sa gayon, ang ginhawa ay isang uri ng motibasyon na ginagabayan ng gantimpala bunsod ng pagkilos para sa pakinabang ng sarili o ibang tao. Halimbawag aytem ay “Gusto kong magkaroon ng pinansiyal na seguridad sa buhay.”
Dangal. Sinasalamin ng “dangal” ang pansariling pagtatakda ng halaga ng isang tao sa kaniyang sarili nang hindi pinapansin ang pagtingin ng lipunan (Enriquez, 1994b) dahil ito ay “batay [lamang] sa paninindigan ng taong humahawak dito” (Enriquez at Alfonso, 1980, p. 85). Kung ihahambing sa modelo nina Barbuto & Scholl (1998), ang dangal ay masasabing kahalintulad ng internal self-concept dahil napapaudyok nito ang tao na kumilos upang maabot ang mga pamantayan na kaniyang itinakda para sa sarili, at maipamalas ang mga katangian at kakayahang bukod na mahalaga para sa kaniya (Peña-Alampay, 2003). Sa Pilipinas, malapit ang konsepto ng dangal sa pagpapaunlad ng sarili (David, 2004b). Patuloy na hinuhubog ng isang tao ang kaniyang sarili upang makibagay sa mundo. Bilang halimbawa, ang pagbibigay ng priyoridad ng kapuwa mag-aaral at kanilang mga magulang sa edukasyon ay tanda ng pagpapahalaga nila sa pagtatapos at ang pagpapaigting ng kakayahan at pagtitiwala sa sarili na makukuha mula dito (Bernardo et al., 2008; Regalado, 1981; Reyes & Galang, 2009). Halimbawa ng aytem ay “Malaking bagay sa akin ang pagpapaunlad ng aking kakayahan.”
Puri. Tinutukoy ng “puri” ang paghanga o pagkilala na ibinibigay sa isang tao bunga ng isang maganda o kahanga-hangang katangiang taglay niya (Enriquez, 1994b). Nakasalalay sa lipunan ang puri ng isang tao dahil sila ang nagbibigay o ang nagkakait nito sa kaniya (Enriquez & Alfonso, 1980). Kahalintulad ng puri ang external self-concept nina Barbuto at Scholl (1998) dahil pareho silang tumutukoy sa pagsasaalang-alang ng mga pananaw ng mga taong bukod na pinahahalagahan; sila naman ang nagiging batayan ng pagbuo ng pagtingin sa sarili at nagpapaudyok ng mga gawain na layuning makamtan ang kanilang mga inaasahan (Markus & Kitayama, 1991; Peña-Alampay, 2003).
Buhat nito, isa ang pamilya sa pinakamahalagang pinagmumulan ng puri ng mga Pilipino sapagkat malaki ang kanilang impluwensiya sa paghubog ng mga pagkatao at desisyon ng mga tao, bukod na dahil sa pagpapahalaga ng ating kultura sa pamilya (Garcia, 1996; Maggay, 1993; Torres, 2002). Nakaaapekto ang pamilya (higit pa, ang pagsang-ayon nila) sa mga landas na tinatahak ng isang miyembro (hal., David, 2004), mga responsabilidad na inaako (hal., David, 2001), at pakikitungo sa mga miyembro at estruktura ng lipunan na labas sa pamilya (Maggay, 1993). Mula dito, may kakayahang magtakda ang mga pamilya kung ano ang inaasahan nila sa bawat miyembro nito.
Sa parehong pamamaraan, may kakayahan din ang lipunan na mag-atas ng pamantayan ng pagkilos at maggawad ng puri sa isang indibidwal: Ang hindi pagsunod ng isang tao sa mga batas ng lipunan, kahit na ito ay wala sa kaniyang kaalaman at kamalayan, ay isang pagsuway sa atas ng hiya (Lynch, 1962; Lasquety-Reyes, 2016). Ang hiya, kumbaga, ay ang kaalaman ng tamang kalagayan, lugar, o pagkilos ng isang tao sa lipunan (Pe-Pua & Protacio-Marcelino, 2000), kaya ang taong may hiya ay siya namang kinagigiliwan at binibigyang-puri ng ibang tao (Clemente, Galang, & Arpon, 2017; Ochoa, 2016). Halimbawa ng mga aytem ay “Mahalaga sa akin na sumang-ayon ang aking pamilya sa ginagawa ko” para sa pamilya, at “Gagawin ko ang lahat para lang hindi ako mapagsabihan ng masama” sa ibang tao.
Ambisyon. Hindi kasama sa pagsasaalang-alang ng “ambisyon” ang mga layunin ng lipunan, grupo, o ibang tao: Ito ay tumutukoy lamang sa mga pansariling pangarap ng isang indibidwal, at siya lamang ang pangunahing makikinabang sa kaniyang pagkilos (Bernardo et al., 2008; Reyes & Galang, 2009). Gayundin, hindi lamang ito pagkamit ng kaginhawahan dahil ang pagsusumikap na maabot ang isang ambisyon ay hindi lamang tungkol sa pagtugon sa mga pangunahing pangangailangan. Malapít ang ambisyon sa konsepto ng pangarap, katulad ng mga isinasagot ng mga bata tuwing tinanatanong kung ano ang gusto nilang maging paglaki (Arriola et al., 1980). Ang mga tugon ay sarili lamang ang tinutukoy, hindi katulad ng mga mithiin. Tanda ng pagkakaroon ng motibasyon na maabot ang mga ambisyon ang walang sawang pagsusumikap, pagpupumilit, at paninindigan sa mga desisyon upang makamit ang mga layunin kahit na sa harap ng paghihirap (Sta. Maria, 1999). Halimbawa ng aytem ay “Nagsusumikap akong abutin ang aking mga pangarap.”
Mithiin. Sa balangkas nina Barbuto at Scholl (1998), napapasailalim ng Goal Internalization ang lahat ng uri ng pagkilos ayon sa mga pagpapahalaga at prinsipyong katulad ng mga pansariling paniniwala ng isang tao. Ngunit sa Sikolohiyang Pilipino, malaki ang nagiging pagkakaiba ng isang prinsipyo o paniniwala ayon sa kung ito ay isang ambisyon na sarili lamang ang binibigyan ng pansin o mithiin na binubuo para sa sariling pamilya o lipunan.
Ang “mithiin” ng isang tao ay tumutukoy sa mga estadong nais makamit hindi lamang para sa sarili ngunit pati na rin para sa ibang tao—kadalasan, para sa kaniyang pamilya (hal., pagkakaroon ng sariling hanapbuhay). Bagaman at mula sa sarili ang pagtatakda ng mithiin, higit sa sarili ang isinasaalang-alang sa pagmimithi at maaaring wala ring pakinabang sa taong bumuo at kumikiloas ayon dito (hal., kagustuhang mapagtapos sa pag-aaral ang anak) (Bernardo et al., 2008; Regalado, 1981; Reyes & Galang, 2009).
Gayundin, ang mithiin ng isang tao ay maaaring katulad ng sa isang grupo o lipunan, kung kaya’t sumasali siya sa mga pangkat na ito upang sabay nilang makamit ang iisang layunin. Katulad nito, ang layunin ng isang grupo ay maaari din namang hindi katulad ng personal na paninindigan ng isang tao. Sa dalawang kasong ito, nararating ng mga indibidwal o mga grupo ang “pagkakaisa” sa pamamagitan ng pakikipagkasunduan, pagtitiwala, at pagkilala sa sarili bilang bahagi ng isang mas malaking pangkat (Enriquez, 1994b) na ang layunin ng mas nakararami ay nagiging mithiin na rin ng isang tao (Santiago & Enriquez, 1982). Halimbawa ng mga aytem ay “Nagsusumikap ako na matulungan ko ang aking pamilya” para sa mga malapít sa buhay, at “Gusto kong maging bahagi ng organisasyong may prinsipyong kagaya ng sa akin” para sa lipunan.
Ang Kahalagahan ng Kasalukuyang Pananaliksik
Katulad ng mahihinuha sa naunang diskusyon na batay sa maraming pananaliksik buhat sa iba’t ibang metodo at populasyon, ang maraming anyo ng motibasyon ay mahalaga sa pagkilos ng mga Pilipino upang makamit ang kanilang mga layunin sa iba’t ibang konteksto tulad ng edukasyon at sa paghahanapbuhay (Pintrich, 2003; Schunk, Pintrich, & Meece, 2008). Gayunman, ang mga kasalakuyang panukat ng mga motibasyon ng mga Pilipino ay karaniwang nakatuon sa konteksto ng mga organisasyon tulad ng sa trabaho kung kaya’t maaaring hindi akma ang mga naturang panukat sa mga edukasyonal o pangkalahatang konteksto (hal., Barbuto & Cummins-Brown, 2007; Ilagan et al., 2014; Leonard et al., 1999; Menguito, 2014). Dahil sa mga puntong ito, ang IMP ay iniakma sa mga mag-aaral na nasa akademikong kapaligiran at para sa mga Pilipino sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Sa ganitong panukat, maaaring makakalap ng mahalagang impormasyon tungo sa paggawa ng mga angkop na aplikasyon para sa ikabubuti ng mga Pilipino sa mga karaniwang konteksto.
Bilang karagdagan, batay sa rebyu ng mga sikolohikal na panukat sa Pilipinas na binuo at sinuri nina Cipres-Ortega at Guanzon-Lapeña (1997), masasabing wala pang panukat ng motibasyong Pilipino ang nabuo mula sa lokal na kultura, liban sa pag-aaral nina Ilagan et al. (2014) ukol sa mga need-based motivation ng mga empleyado. Ang iba pang mga pananaliksik sa larangan na ito ay kadalasang kuwalitatibo (hal., panayam, ginabayang talakayan), at ang metodong ginagamit o binibigyan lamang ng pansin ay ang iilang uri ng motibasyon o sektor ng lipunan. Buhat nito, nararapat lamang na paghambingin ang mga pag-aaral na ito at pagsama-samahin ang mga konseptong magkakahalintulad sa pagitan nila. Sa gayon, layunin din ng aming pag-aaral na mapunan ang pangangailangan para sa isang imbentaryo na maaaring magbigay ng kuwantitatibong batayan ng pagbubuklod ng mga uri ng motibasyong naihayag sa mga pag-aaral na ito.
Bukod sa pananaliksik nina Ilagan et al. (2014), ang mga kasalukuyang panukat ng motibasyon sa Pilipinas ay “pagsasakatutubo mula sa labas” ang direksiyong tinahak (Enriquez, 1982b), at hiniram dito ng mga mananaliksik ang mga eskalang binuo sa labas ng bansa at masusing tinasa upang maging angkop sa lokal na konteksto. Halimbawa nito ang mga pag-aaral tungkol sa Inventory of School Motivation (McInerney & Ali, 2006), tulad ng pagpapatatag at pagpapatibay nito sa mga Pilipinong mag-aaral (Ganotice, Bernardo, & King, 2012; Watkins, McInerney, & Boholst, 2003), at ang mga pagkakaiba sa antas ng motibasyon batay sa mga salik katulad ng uri ng paaralan (publiko laban sa pribado; Bernardo, Ganotice, & King, 2015). May mga pag-aaral din na gumamit ng ibang panukat, katulad ng mga eskala ukol sa individual and social goals at ang relasyon ng mga ito sa academic achievement (Bernardo, 2008; King & Watkins, 2012).
Dahil sa pagkakaiba-iba ng mga kultura (hal., Church & Katigbak, 1992; Feliciano, 1982), maaaring ilapat ang mga modelong banyaga kung sisiyasatin muna ang kaangkupan nito sa ating kultura, habang makabuluhan din ang pagbuo ng mga panukat at pamamaraan ng pananaliksik na hango sa “pangangailangan, wika, at kultura ng mga Pilipino” (Enriquez, 1982a, p. 6; Hofstede, 1980; Pe-Pua, 2006). Sa gayon, ang IMP ay bunga ng dalawang uri ng pagsasakatutubo. Mula sa labas, ginamit namin ang modelo nina Barbuto at Scholl (1998) upang magsilbing balangkas na pansamantalang mapabubuklod ang mga lokal na pananaliksik sa motibasyon. Buhat naman sa loob ng ating kultura, binuo namin ang isang balangkas ng motibasyon na batay sa mga pagpapahalaga at prinsipyong hango sa ating wika at oryentasyon upang tapat na masalamin ang mga pinapahalagahan ng mga Pilipino. Samakatwid, ang aming pananaliksik ay napauudyok ng dalawang magkaagapay ng layunin: ang pagbuo ng isang balangkas ng motibasyon na napabubuklod at naipagpapatuloy ang mga naunang pananaliksik sa larangang ito, at ang paggawa ng isang panukat na makadaragdag sa literatura ng motibasyon at mga individual difference sa bansa.
PILOT TEST: PAGBUO NG IMP
Binuo namin ang IMP gamit ng tatlong pag-aaral. Sa pilot test, gumawa kami ng mga aytem na sinasalamin ang mga tema ng motibasyon na natagpuan sa mga pag-aaral na nirebyu sa introduksiyon (ang IMP na may 36 na aytem, o IMP36). Kasunod nito ang unang pag-aaral kung saan nagdagdag kami ng mga aytem at ipinasagot namin ang bagong bersiyon ng eskala (IMP55) sa mga kalahok at sinuri ang kanilang mga tugon gamit ng item, reliability, at exploratory factor analysis upang makita kung anong mga tema ang nagbubuklod sa mga indibidwal na motibasyon na sinasalamin ng mga aytem. Dito rin namin sinuri kung aling mga aytem ang pinakamabisang nasusukat ang mga motibasyon ng mga kalahok (mula IMP55, naging IMP30, hanggang IMP16). Ang ikalawang pag-aaral naman ay ginawa upang maipakita ang relasyon ng mga subeskala ng IMP16 sa mga kasalukuyang panukat ng motibasyon at malalapit na konsepto (construct validation). Para sa bawat pag-aaral, una naming tatalakayin ang mga pamamaraan ng aming pananaliksik at kasunod ang mga kinasapitan nito. Babalikan namin ang mga implikasyon ng lahat ng mga resulta sa kabuuang diskusyon matapos ng ikalawang pag-aaral.
Pagbuo ng Panukat
Sa simula, 36 na aytem ang aming binuo (tingnan ang Hanayan 1 para sa mga aytem at eskala sa iba’t ibang bersiyon ng IMP). Makikita na ang mga aytem na ito ay hindi tumutukoy sa isang partikular na konteksto (hal., sa paaralan, sa trabaho), at sa halip ay nakatuon sa pagsukat ng mga motibasyon ng mga kalahok sa kabuuan ng kanilang mga karanasan. Upang masigurong tapat ang mga kalahok sa kanilang pagtugon sa panukat, ang ibang aytem ay isinulat na sinasalungat ang mga konsepto sa isang eskala (negatively-keyed items; Zuckerman, Knee, Hodgins, & Miyake, 1995). Sa pamamagitan nito, malalaman kung sumagot nang maayos at tapat ang mga kalahok (laban sa social desirability bias; Paulhus, 1991), at mapipigilan ang kalahok na sumagot nang walang angkop na konsiderasyon sa mga aytem (acquiescent responding; Spector, 1992). Sinagutan ang mga aytem na ito sa eskalang mula 1 (lubos na ‘di sang-ayon) hanggang 6 (lubos na sang-ayon). Ang mga negatibong aytem ay isinaayos (reverse coding) bago isinalang sa mga pagsusuri.
Upang suriin ang datos, ginamit namin ang programang jamovi (bersyon 1.0.0.0), isang open source na aplikasyon na nakabatay sa R statistical language upang magsagawa ng mga istatistikal na pagsusuri. Maaaring tingnan ang diskusyon nina Clemente et al. (2017) para sa mga layunin, proseso, at konsiderasyon sa paggamit ng exploratory factor analysis (EFA).
Kalahok
Ang IMP36 ay pinasagutan sa 150 na kalahok (77 na mag-aaral mula sa 10 na institusyon, 15−38 na taong gulang, M = 18.890, SD = 3.490; 73 na manggagawa sa 48 na propesyon, 19−61 na taon, M = 39.662, SD = 11.577), sa pamamagitan ng pen-and-paper questionnaire. Sila ay naabot sa pamamagitan ng convenience at snowball sampling. Dahil pilot testing ng mga aytem ang pangunahing layunin ng yugtong ito, pinili naming sundan ang liberal na pamantayan nina Mundfrom, Shaw, at Ke (2005) kung saan 130 hanggang 140 na kalahok ang kailangan, kasama ang assumption na mataas ang communalities ng kalalabasang solusyon ng principal components analysis (PCA). [Maaaring tingnan ang diskusyon nina de Winter, Dodou, at Wieringa (2009) at Preacher at MacCallum (2002) ukol sa paggamit ng factor analysis at katulad na metodo sa mga sample na may maliit na bilang ng kalahok.] Ang mga kalahok na mas mababa sa 18 na taon ang edad ay sinagutan ang eskala matapos na sumang-ayon ang kanilang mga magulang. Hiningi sa kanila ang karagdagang impormasyon tungkol sa kanilang paaralan, kurso, antas ng pag-aaral (para sa mga estudyante), propesyon, at pinakamataas na antas ng edukasyon na nakuha (para sa mga nagtatrabaho).
Pagsusuri sa Datos at Kinasapitan
Kung susundan ang orihinal na anim na tema sa introduksyon, lumalabas na mababa ang internal consistency ng bawat eskala (Kagustuhan, α = .625; Ginhawa, α = .470; Dangal, α = .576; Puri, α = .559; Ambisyon, α = .524; Mithiin, α = .393). Ang mga mababang pagtatantiya ng katatagan na ito ay nakamit kahit na tinanggal na ang mga aytem na mababa ang korelasyon sa kabuuang eskala. Dahil dito, ginamit namin ang PCA bilang data reduction strategy, at ang varimax rotation para mas madaling maunawaan ang kinalabasang pagkakahanay ng mga aytem (katulad ng proseso ni Del Pilar, 2017; tingnan rin sina Conway & Huffcutt, 2003; Williams, Onsman, & Brown, 2010). Hindi katulad ng exploratory factor analysis (EFA), iba ang pamamaraan ng pagkalkula ng variance na ginagamit ng PCA kung kaya’t mas maraming uri ng variation sa datos ang sinusuri sa metodong ito; wala rin siyang assumption hinggil sa normality ng datos, kaya’t mas umaangkop ito sa bilang at katangian ng mga kalahok sa pilot test (Jolliffe & Cadima, 2016; Skalski, Richins, & Townsend, 2018; Tabachnick & Fidell, 2012). Itinakda namin ang bilang ng mga component na isasama sa solution gamit ang pagsusuri sa eigenvalues ng bawat component (dapat higit sa 1), scree plot (batay sa point of inflection), at parallel analysis (Floyd & Widaman, 1995; Watkins, 2018).
Buhat ng PCA, lumabas na apat na component ang makakapagpaliwanag sa 37.122% ng variance ng datos: kahusayan at kaginhawahan (α = .845, 14.763%, 13 na aytem), pagkamit ng pansariling kaligayahan (α = .630, 9.794%, 11 na aytem), paninidigan para sa sarili at sa ibang tao (α = .556, 7.348%, 7 na aytem), at isang component na hindi malinaw ang tema (α = .491, 5.217%, 5 na aytem). Inulit namin ang PCA matapos tanggalin ang mga aytem sa huling subeskala at lumabas na apat na component muli ang nakakapagpaliwanag sa 40.172% ng variance ng datos: pag-asam sa kagalingan at magandang kinabukasan (α = .804, 16.710%, 9 na aytem), pagtamo ng kasapatan sa buhay (α = .713, 10.253%, 9 na aytem), paninindigan at kahihiyan para sa sarili at mga malapít sa buhay (α = .748, 7.852%, 6 na aytem), at pagtupad sa pansariling kagustuhan tungo sa kaligayahan (α = .602, 5.357%, 7 na aytem).
Dahil sa liit ng bilang ng mga kalahok at aytem, nakita namin na mababa ang internal consistency at stability ng factor structure ng mga eskala. Bunsod nito, gumawa muli kami ng mga aytem mula sa anim na tema sa introduksiyon at mga eskalang lumabas sa nasabing PCA at mula dito nabuo ang IMP55.
UNANG PAG-AARAL: PAGPAPATATAG NG IMP
Sa pag-aaral na ito, pinasagutan namin ang nirebisang anyo ng IMP (55 na aytem) sa mas maraming kalahok. Mas matibay ang empirikal at teoretikal na saligan ng mga kongklusyon na mahihinuha batay sa pagsusuri ng ikalawang bersiyon ng eskala kung kaya dito nakatuon ang mga sumusunod na pagsusuri. Ginamit namin ang EFA sa yugtong ito upang masukat ang mga latent factor na ipinapahiwatig ng mga korelasyon sa pagitan ng mga aytem (Conway & Huffcutt, 2003; Williams, Onsman, & Brown, 2010).
Kalahok
Gamit ang nonprobability sampling 347 na mag-aaral (223 na babae, 117 na lalaki, 7 na piniling hindi ibigay ang kanilang kasarian) ang naging kalahok sa unang pag-aaral. Ang kanilang edad 18–27 na taon (M = 20.689, SD = 2.161). Lahat sila ay mga mag-aaral sa sekundarya, kolehiyo, o gradwadong antas (hal., master sa sikolohiya, medisina, abogasya) mula sa 34 na institusyon, karamihan mula sa Kalakhang Maynila. Boluntaryo ang kanilang pagtugon sa aming eskala. Sinagutan ng mga kalahok ang IMP55 gamit ang Google Form. Bago nito, hiningan sila ng informed consent para sa kanilang partisipasyon at tinanong ukol sa kanilang edad, paaralan, at kurso. Isinaad namin na layunin ng pag-aaral na makabuo ng isang panukat ng mga motibasyon ng mga Pilipino, at matatapos nila ang eskala sa loob ng 20 minuto.
Dahil sa mga limitasyon ng pilot test (partikular na sa sample size), ginamit namin ang mas konserbatibong pagtantiya na ibinigay nina Mundfrom et al. (2005), kung saan hindi dapat bababa sa 300 na kalahok ang aming isasama sa pag-aaral upang maging mataas ang stability ng factor solution at masiguro ang representativeness ng solution ng sample sa population (Floyd & Widaman, 1995).
Pagtatasa sa IMP55 tungo sa IMP30
Para sa EFA, ginamit namin ang principal axis factoring dahil ito ay robust laban sa mga paglabag sa assumption ng normality sa datos at kadalsa’y nagbibigay ng mas matatag na factor solution kung ihahambing sa ibang extraction techniques (Worthington & Whittaker, 2006). Iminumungkahi naman ang paggamit ng mga oblique rotation methods (higit na ang promax, o oblimin) dahil inaasahan sa karamihan ng pananaliksik sa sikolohiya na magkakaroon ng mga correlation ang mga factor na lalabas sa EFA, hindi katulad ng kawalan ng korelasyon na assumption naman ng orthogonal rotations (hal., varimax) (Fabrigar, Wegener, MacCallum, & Strahan, 1999; Kahn, 2006; Russell, 2002).
Kasunod ng inspeksiyon ng scree plot, eigenvalues, at parallel analysis para sa EFA, lumabas na 4-factor solution ang angkop sa datos. Ang apat na factor ay kahalintulad ng aming mga nakita para sa pilot test: kinabukasan (pagpapabuti ng sarili; α = .893, 14.661%, 20 na aytem), kagustuhan (paggawa ng mga bagay na nakakapagpasaya sa sarili, α = .797, 7.862%, 18 na aytem), kahihiyan (paninindigan para sa pangangailangan at kapakanan ng ibang tao; α = .775, 4.977%, 7 na aytem), at kasapatan (pagtapos sa mga gawain nang hindi nahihirapan; α = .583, 4.064%, 7 na aytem).
Karamihan sa mga aytem na may kinalaman sa kinabukasan at kahihiyan ay nanatili sa mga eskala na unang inilagay batay sa mga tema ng pilot test. Sinubukan din namin ang mungkahi nina Tabachnick at Fidell (2012) na suriin ang datos gamit ang iba’t ibang extraction at rotation technique upang makita kung mataas ang stability ng factor solution: Natagpuan namin na lumilipat-lipat naman ang mga aytem ng kagustuhan at kasapatan kaya masasabing mababa ang katatagan ng mga subeskalang ito. Higit pa, kahit iminumungkahi ng EFA na magkahiwalay ang mga eskala ng kagustuhan at kasapatan, ipinapahiwatig ng pagkakahalo ng kanilang mga aytem na maaaring may pagkakatulad ang mga construct na nagpapabuklod sa mga aytem nila. Halimbawa, naliligaw ang aytem na “Ayos lang sa akin ang maliit na suweldo hangga’t gusto ko ang ginagawa ko” sa kasapatan kahit na ito ay mas dapat sa kagustuhan, at nasa kagustuhan naman ang aytem na “Kontento na akong gawin ang isang bagay nang hindi kahusayan” na dapat sa kasapatan. Maraming aytem din ang may malaking cross-loading sa iba pang eskala.
Dahil dito, binalikan namin ang mga aytem upang piliin kung alin nga ang mas malinaw ang pagkakasaad bilang motibasyon. Ang mga aytem na aming iniwan ay dapat naglalahad ng kagustuhan o pagpapahalaga para sa isang bagay (hal., “gusto,” “mahalaga”), pagtuon sa isang layunin (hal., “pagsang-ayon ng pamilya”), o isang nauudyok na pagkilos (hal., “ipinaglalaban,” “nagsusumikap”). Mula sa pagtatasa na ito, 30 na aytem ang lumapat sa aming tinasang pagpapakahulugan ng motibasyon.
Muli naming isinailalim ang natitirang 30 na aytem sa EFA gamit ang kaparehong proseso sa itaas. Katulad ng sa IMP55, nakita namin ang mga eskalang kinabukasan (pagpapabuti ng sarili at pag-abot sa mga pangarap), kahihiyan (pagpapahalaga sa pamilya, kaibigan, at tingin sa sarili para sa lipunan), at kaligayahan (kung saan napabilang ang mga aytem ng kagustuhan at kasapatan). Panghuli, upang masiguro ang unidimensionality ng bawat isang subeskala (Ziegler & Hagemann, 2015), nagsagawa kami ng item at reliability analysis. Dito, tinanggal namin ang mga aytem mula sa isang subeskala kung mababa ang kanilang item-total correlation sa kabuang subeskala (< .30), mababa ang inter-item correlations nila sa mga aytem sa kaparehong subeskala, at makabuluhan ang itataas ng Cronbach’s alpha ng subeskala kung tatanggalin ang aytem. Isinailalim din ang bawat subeskala sa hiwalay na EFA (gamit ang parehong pamantayan para sa buong IMP) at tinanggal ang mga aytem na humiwalay sa unang factor. Sinisiguro namin kung ang mga tinatanggal na aytem ay tila ibang uri ng motibasyon ang tinutukoy (tingnan ang Hanayan 2 para sa mga index na ito).
Matapos ang mga ito, isinalang ang 16 na naiwang aytem sa isang EFA ng kabuuang eskala (IMP16) at masasabi na tatlong factor ang pinakamatatag na solution na lumalabas sa alinmang extraction technique (principal components analysis, principal axis factoring) o rotation method (varimax, promax, oblimin) na aming ginamit (katulad ng mungkahi nina Tabachnick & Fidell, 2012), gamit ang kaparehong pamantayan ng pagtatakda ng bilang ng mga factor sa itaas. Ito ang mga eskala ng husay o pagpapabuti ng sarili, pagpapasaya at pagpapahalaga sa pamilya, at pagiging sapat sa buhay (Hanayan 3). Mahalaga ang pagtatasang ito dahil naging mas matatag ang factor structure ng IMP16 laban sa IMP55 gamit ng anumang extraction technique o rotation method, at lumalabas na mas angkop ang mga aytem ng IMP16 bilang mga indicator ng kanilang kinabibilangang eskala laban sa IMP30.
IKALAWANG PAG-AARAL: PAGPAPATIBAY SA IMP
Layunin ng ikalawang pag-aaral na magkaroon ng balidasyon sa IMP16 sa pamamagitan ng paghahambing ng naturang eskala sa iba pang panukat na layong sukatin ang mga kaparehong konsepto o construct (hal., Du, King, & Chi, 2012), upang makita kung tunay ngang nasasalamin ng mga aytem ang motibasyon na dapat nilang masukat.
Kalahok
Gamit ng nonprobability sampling, 367 na mag-aaral (234 na babae, 130 na lalaki, 3 na hindi ibinigay ang kanilang kasarian; edad 18–33, M = 20.741, SD = 2.224; sa sekundarya, kolehiyo, o gradwadong antas; mula sa 24 na institusyon, karamihan mula sa Kalakhang Maynila) ang naging kalahok sa ikalawang pag-aaral. Boluntaryo ang kanilang partisipasyon. Itinakda ang sample size gamit ng parehong konsiderasyon sa unang pag-aaral.
Panukat
Gamit ang Google Forms, pinasagutan sa mga kalahok ang IMP16 gamit ng kaparehong eskala ng pagtugon sa unang pag-aaral. Katulad rin na impormasyon ang hiningi sa kanila (sa informed consent at demographic profile), bukod sa karagdagang mga panukat na layuning ipakita ang construct validity ng IMP. Ang mga katangian ng mga eskalang ito ay makikita sa Hanayan 5. Pinili naming hindi na isalin ang mga panukat na nasa wikang Ingles dahil maaaring maging problema ang invariance ng aming pagsasalin, kung kaya’t siniguro namin na bilingguwal sa Ingles at Filipino ang aming mga kalahok.
Portrait Values Questionnaire (PVQ). Ang mga value o pagpapahalaga ay tumutukoy sa mga paniniwala ukol sa kung ano-anong mga layunin sa buhay ang kanais-nais na makamtan; sila ay may kakayahang magtakda ng angkop na pamamaraan ng pagtamo sa kanila, at mag-udyok (o maging motibasyon) ng pagkilos sa kahit anumang sitwasyon (Sagiv, Roccas, Cieciuch, & Schwartz, 2017; Schwartz, 2012). Isa sa mga panukat na ginagamit upang malaman ang antas ng pagpapahalaga ng isang tao sa bawat value ay ang PVQ. Dito, tinatanong ang kalahok na pag-isipan sa bawat aytem ang isang taong ipinapakita ang mga pagpapahalaga sa teorya ni Schwartz at tantiyahin kung gaano kapareho ang kaniyang sarili sa taong inilarawan (Schwartz, 1992). Napatunayan na ang pagkaangkop ng panukat na ito sa kulturang Pilipino, lalo na sa mga kabataan—katulad ng aming mga kalahok (hal., Bernardo, Clemente, & Liem, 2014; Liem, Martin, Nair, Bernardo, & Prasetya, 2011).
Para sa kasalukuyang pag-aaral, ginamit namin ang bersiyong PVQ5X na binuo at sinuri nina Schwartz et al. (2012), at iniangkop ang kasarian ng mga inilalarawan sa mga aytem upang maging katulad ng sa kalahok (ibig sabihin, he/him, she/her, at they/them, depende sa kung ano ang kanilang iniulat sa demographics). Pinili namin ang eskalang Achievement (halimbawa ng aytem: “Being very successful is important to him”) para sa Husay, Benevolence-Dependability (“He wants those he spends time with to be able to rely on him completely”) at Benevolence-Caring (“He tries always to be responsive to the needs of his family and friends”) para sa Pamilya, at Hedonism (“Enjoying life’s pleasures is important to him”) para sa Sapat. Sinagutan ang mga aytem gamit ng eskalang very much not like me (1) hanggang very much like me (6) (katulad ng sistema ng orihinal na PVQ, at ng kanila Knoppen & Saris, 2009).
Self-Determination Theory (SDT). Bukod sa mga basic psychological need (autonomy, competence, at relatedness) na inihahayag sa SDT, masasabi rin na iba-iba ang antas ng internalisasyon ng mga tao sa kung bakit nila ginagawa ang isang bagay (organismic integration theory). Sa spectrum na ito, ang pinakamataas na antas ng internalization ay ang intrinsic motivation na nag-uudyok sa isang tao sa isang gawain dahil sa kaniyang ganap na kagustuhan at interes dito (Deci & Ryan, 2012; Ryan & Deci, 2008; Vansteenkiste, Niemiec, & Soenens, 2010).
Dalawang panukat ang kadalasang ginagamit para matukoy kung aling antas ng motibasyon ang nag-uudyok sa isang tao: ang Academic Motivation Scale (AMS; Vallerand et al., 1992) para sa mga mag-aaral, at ang Multidimensional Work Motivation Scale (MWMS; Gagné et al., 2014) na para sa mga manggagawa (na inangkop namin para sa aming mga kalahok). Napatunayan na ang bisa ng dalawang panukat at kanilang kaangkupan lalo na para sa mga Pilipinong kalahok (hal., AMS: Datu, Yuen, & Chen, 2018; Lucas et al., 2010; MWMS: Posch et al., 2017). Hiniram namin ang eskalang Intrinsic Accomplishment mula sa AMS (hal., “For the satisfaction I feel when I am in the process of accomplishing difficult academic activities”) at Intrinsic mula sa MWMS (hal., “Because the work I do in school is interesting”) upang itapat sa Husay. Ang mga aytem ay pinasagutan sa mga kalahok kasama ang paunang tanong na “How much do the following correspond to why you go to school?” gamit ang eskalang does not correspond at all (1) hanggang corresponds exactly (7).
Panukat ng Hiya bilang Pagpapahalaga (PHP). Katulad ng aming binanggit sa introduksiyon, ang “hiya” ay maaaring tingnan bilang kaalaman kung ano ang nararapat na pagkilos ng isang tao ayon sa kaniyang mga kasama o konteksto na kaniyang ginagalawan (Lasquety-Reyes, 2016; Pe-Pua & Protacio-Marcelino, 2000). Binigyang-linaw naman nina Clemente et al. (2017) na ang hiya ay maaari ding pagpapahalaga (value) ayon sa mga pamantayan ni Schwartz (2012; Sagiv et al., 2017) dahil ang pagkilala dito ay nangangahulugang mauudyok ang isang tao na kumilos ayon sa atas ng hiya. Sa gayon, may kakayahan itong gabayan ang isang tao sa kaniyang mga desisyon sa buhay at sa kaniyang pakikisalamuha sa ibang tao (Enriquez, 1992; tingnan rin ang mga resulta nina Clemente et al., 2008). Mula dito, binuo nina Clemente et al. (2017) ang PHP at natagpuan nila na ang hiya ay maaaring may dalawang dimensiyon: ang hiya sa pamilya, kaibigan, at iba pang malapít sa buhay (hindi ibang tao), at ang hiya sa mga hindi kakilala at lipunan sa kabuuan (ibang tao; Enriquez, 1992; Salazar, 1985).
Para sa Pamilya, ginamit namin ang subeskala nila na hiya sa hindi ibang tao (hal., “Importante para sa kaniya na magbigay ng karangalan sa kaniyang pamilya” at “Mahalaga para sa kaniya na isaalang-alang ang damdamin ng mga kaibigan niya”) na tinutugunan sa eskalang “hinding-hindi ako ‘yan” (1) hanggang “akong-ako ‘yan” (6).
Low Self-Control Scale (LSCS). Sinusukat ng IMP-Sapat ang pagkiling ng isang tao tungo sa mga madaling gawain (“Gusto ko lang na mabuhay nang madali”), pag-iwas sa pagtitiyaga (“Kontento na akong gawin ang isang bagay nang hindi kahusayan”), at pagbibigay ng halaga sa pansariling kagustuhan higit sa kapakanan ng iba (“Ayos lang na hindi ko magawa ang mga tungkuling ibinigay sa akin ng iba”). Ang mga temang ito ay malapít sa pagpapakahulugan nina Gottfredson at Hirschi (1990) sa self-control na ang mga taong mababa rito ay may mga katangiang tulad ng pagkiling sa mga madaliang pamamaraan ng pagkuha nito (simple tasks) at pagtuon sa pansariling kapakanan nang hindi iniisip ang ibang tao (self-centered orientation).
Bunsod nito, binuo nina Grasmick, Tittle, Bursik, at Arneklev (1993) ang LSCS upang masiyasat ang antas ng mga tao batay sa nabanggit na anim na dimensiyon. Bagama’t karamihan sa mga pananliksik ay ginamit ang LSCS upang suriin ang ingklinasyon ng isang tao na gumawa ng krimen (hal., Tittle, Ward, & Grasmick, 2004) o malulong sa bisyo (hal., Arneklev, Grasmick, Tittle, & Bursik, 1993), may mga pag-aaral na rin na iniangkop ang mga aytem upang ito ay tumugma sa mga karaniwang pagkilos ng mga mag-aaral sa kolehiyo (hal., pangongopya sa isang pagsusulit, pagliban sa klase kahit na walang wastong dahilan; Gibbs & Giever, 1995; Tibbetts & Myers, 1993), maging ng mga estudyanteng Pilipino (Barrera et al., 2015).
Hinalaw namin ang mga eskalang self-centered orientation (“I’m not very sympathetic to other people when they are having problems”) at mga simple task (“The things in life that are easiest to do bring me the most pleasure”) at ihinambing ang mga ito sa Sapat. Natugunan ang mga ito gamit ang eskalang strongly disagree (1) hanggang strongly agree (4).
Construct Validity ng IMP16
Kapareho ng kinasapitan ng unang pag-aaral, pareho ang factor structure at pagkakahanay ng mga aytem ng IMP16 nang isinailalim ito sa EFA; lumalabas din sa item at reliability analysis na maayos ang istatistikal na batayan ng pagkakaugnay ng mga aytem sa loob ng bawat isang subeskala (Hanayan 4). Katulad ng makikita sa Hanayan 5, ang mga subeskala ng IMP16 ay may katamtamang lakas ng korelasyon sa iba pang mga eskalang katulad ang construct na sinusukat. Sa gayon, masasabi na ang isang taong may motibasyon na maging mahusay ay nakararamdam ng kasiyahan tuwing nalalampasan niya ang kaniyang sarili dahil sa pagtatasa ng kaniyang mga kakayahan (AMS–Intrinsic Accomplishment), at kaniya ring pinapahalagahan ang pagkakaroon ng mga ambisyon upang maging matagumpay sa buhay (PVQ5X-Achievement). Nais naman ng taong nakatuon sa pamilya na makita ng kaniyang mga mahal sa buhay na siya’y maaasahan at may malasakit sa kanila (PVQ5X-Benevolence Dependability, Hiya sa Hindi Ibang Tao), at gagawin ang lahat upang mapunan ang kanilang mga pangangailangan (PVQ5X-Benevolence Caring). Panghuli, ang taong kontento sa pagiging sapat ay inuuna ang pansariling kapakinabangan (LSCS-Self Centered Orientation) at sinusubukang umiwas sa mga gawain na kailangan paghirapan (LSCS-Simple Tasks). Sa kabilang dako, dahil mahina (kahit significant) ang korelasyon ng Husay sa MWMS-Intrinsic at Sapat sa PVQ5X-Hedonism, masasabi na hindi gaano magkatulad ang mga construct na sinusukat nila: Marahil, ang MWMS-Intrinsic ay hindi angkop para sa mga mag-aaral kahit na ito ay tinasa para sa ganitong layunin, habang ang Sapat ay mas may kaugnayan sa pagpapahalaga sa pansariling ginhawa kaysa kagustuhan sa aliw sa buhay na sinusukat ng PVQ5X-Hedonism.
Makikita rin na may kababaan ang reliability ng PVQ5X-Benevolence Dependability at LSCS-Self Centered Orientation. Gamit ng correction for attenuation formula, makikita na makabuluhan pa rin ang korelasyon ng mga magkaugnay na eskala kung isasaalang-alang ang reliability ng mga ito (Pamilya-Benevolence Dependability ρxy = .619; Sapat-Self-Centered Orientation ρxy = .654) (Salkind, 2010). Kahit maaaring maging katanggap-tanggap ang mas mababang Cronbach’s alpha kapag ang eskala ay gagamitin lamang sa konteksto ng pananaliksik (hal., α ≥ .50; Taber, 2018), nangangahulugan pa rin ito na mabuting muling suriin ang relasyon ng mga eskala ng IMP sa mga panukat na ito gamit ang mga karagdagang pag-aaral na makapagpapatunay sa katatagan at bisa nila (Charles, 2005; Sijtsma, 2008).
KABUUANG PAGTALAKAY
Matapos tasahin ang mga aytem ng IMP, makikita na ang mga naiwan na aytem ay mas maayos ang istatistikal na batayan at konseptuwal na pagkakabuklod sa ilalim ng bawat eskala (tingnan ang Pigura 2). Kung gayon, ano ang mga motibasyon ng mga Pilipino? Batay sa datos ng IMP16, sa tatlong motibasyon umiikot ang mga bagay (o tao) na nag-uudyok sa aming mga kalahok.
Una, sa kagustuhang maging mahusay, sinusubukan ng isang tao na payabungin ang kaniyang mga kakayahan sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng sarili at pagiging magaling sa mga bagay na kaniyang kinagigiliwan at pinahahalagahan. Ang eskalang ito ay sinasalamin ang mga magkakaugnay na mga konsepto ng kagustuhan (kasiyahan at interes sa mga makabuluhang gawain; Arriola et al., 1980), ambisyon (pagsusumikap na maabot ang pansariling pangarap; Sta. Maria, 1999), at dangal (pagpapaunlad ng kakayahan upang maabot ang mga pansariling pamantayan; Bernardo et al., 2008). Kailangan sa ganitong uri ng motibasyon ang walang sawang pagpapagal upang marating kung ano ang pinapangarap ng isang tao; ito naman ay katangian rin ng isang taong ipinaglalaban ang kaniyang ambisyon (Sta. Maria, 1999).
Ikalawa, ang Pilipino ay nagsusumamo sa pagkilala at kasiyahan ng kaniyang pamilya at malapít na kaibigan, bunsod ng pagkilos na naayon sa mga priyoridad at kapakanan ng mga taong malapit sa sarili (hindi ibang tao; Covar, 1993; Yacat, 2005). Sinasalamin nito ang kahalagahan ng puri (ang imahen ng sarili na nakasalalay sa pagtingin at pagsang-ayon ng pamilya, kaibigan, at lipunan; David, 2004a; Maggay, 1993), at mithiin (pag-abot sa mga pangarap ng mga mahal sa buhay at ibang tao liban sa sarili; Regalado, 1981).
Kung babalikan natin ang mga pag-aaral sa introduksiyon, hindi na rin nakagugulat ang pag-usbong ng mga subeskala ng husay at pamilya sa IMP dahil laging lumalabas ang mga temang ito sa mga naunang pag-aaral ng motibasyon sa kulturang Pilipino. Halimbawa, sinasalamin ng konsepto ng “kalooban ng bayan” ang magkaagapay na mithiing pansarili at pangmaramihan bunsod ng pagtatagpo ng kagustuhang mapaunlad ang buhay, mapagsikapan ang ginhawa para sa pamilya, at matamo ang karangalan sa mata ng lipunan (Villan, 2012). Para naman sa mga mag-aaral, ang kanilang pagkatuto ay hindi lamang pamamaraan upang mapahusay nila ang kanilang sarili at maabot ang kanilang mga personal na pangarap, kundi pagtupad din sa kahilingan ng kanilang mga mahal sa buhay (Bernardo et al., 2008; Reyes & Galang, 2009). Nakahahanap naman ang mga manggagawa ng kasiyahan sa kanilang trabaho kung napupunan nito ang parehong personal na job-related (hal., makabuluhan at kinasisiyahang trabaho) at career-related (hal., pag-iipon, career advancement) na pangangailangan, kasama ang mga organization-related (hal., pakikisalamuha sa mga katrabaho) at family-related (hal., pagtitiyak sa kapakanan at kinabukasan ng pamilya) na motibasyon (Ilagan et al., 2014).
Mula dito, sinasalamin ng IMP ang paniniwala sa ating kultura na ang pagtamasa ng kagalingan at tagumpay ay parehong indibidwal na pagkilos at pamamaraan ng pagkilala sa pamilya (Markus & Kitayama, 1991; Miller, 2003; Miller, Goyal, & Wice, 2017). Gayumpaman, mahalagang alalahanin na magkatambal ngunit magkaiba ang mga motibasyon para sa kahusayan at pamilya. Ang isang tao na may pagnanais na maging mahusay ay kikiling sa mga gawain na mabibigyan siya ng mga bagong kaalaman, aayon sa kaniyang mga interes, at malilinang ang kaniyang mga kakayahan upang makamit niya ang kaniyang mga layunin sa buhay. Mas matingkad naman para sa taong may pagpapahalaga sa pamilya ang paggawa ng mga bagay na makatutugon sa kanilang mga kahilingan at makapagpapanatili ng mabuting ugnayan, hangga’t ang kasiyahan ng mga mahal sa buhay ang kasasapitan ng mga pagkilos na ito. Ibig sabihin, nagtatagpo ang mga motibasyon ng pagiging mahusay at pagpapasaya sa pamilya dahil sila ay parehong nagmumula sa taong bumubuo ng mga pangarap (para sa sarili man o sa iba) at kapwang nangangailangan ng pagtitiyaga upang ang mga ito ay makamtan (Enriquez 1984a, 1994a; Enriquez & Alfonso, 1980). Nagkakataon lamang sa ating kultura na maaaring maging pamamaraan ang pagpapabuti ng sarili upang kasabay na makamtan ang pagtanggap at pagmamahal ng pamilya (Church & Katigbak, 1992; Gepigon & Francisco, 1978; Villan, 2012).
Ang tunay na kakaiba ay ang ikatlong eskala. Ang tao na may layuning magkaroon ng kasapatan ay gusto ng madaling buhay dulot ng pagkilos na sasapat lamang sa kailangan, pagtanggap ng kapalit sa lahat ng ginagawa, at pagtugon sa pansariling kaligayahan at pangangailangan nang hindi iniisip ang kalagayan ng ibang tao. May mga pananaliksik man ukol sa kabuuang kawalan ng motibasyon (hal., Ryan & Deci, 2008; Vallerand et al., 1992; Vansteenkiste et al., 2010), tila naliligaw pa rin ang relasyon ng eskalang ito sa naunang literatura. Batay sa mga aytem at mga construct na kamukha ng eskala, hindi ito sukatan ng kawalan ng motibasyon, mithiin sa buhay, o hiya sa pamilya (tulad ng kawalan ng korelasyon sa pagitan ng Sapat at iba pang eskala ng IMP16). Hindi rin ito tahasang pagsuway sa atas ng pamilya o pagtaliwas sa pamantayan ng pagiging mabuting mamamayan sa lipunan. Mas angkop na sabihin na ito ay kagustuhang mapunan ang mga pansariling kaligayahan nang hindi pinapansin ang nais ng ibang tao, at ang pagtatapos ng mga gawain nang hindi nahihirapan upang makamit ang mga nais na kapalit. Ibig sabihin, ang taong “ayos lang sa puwede na” ay hindi nais na mapahusay ang sarili o panindigan ang kaniyang pamilya.
Maaaring malapit ito sa konseptuwalisasyon nina Del Pilar et al. (2018) ng “bahala na,” na ang mga taong mababa sa conscientiounsess (ibig sabihin, hindi mapagplano at palaiwas sa pagsisikap) ay ipinagpapasabahala na lang kung ano ang kasasapitan ng kanilang pagkilos higit na sa panahon ng kagipitan. Sa konteksto naman ng educational achievement, lumalabas na may mag-aaral na pinipiling gawin ang kanilang mga takdang-aralin sa antas na masasabi nilang nagawa na nila ang mga ito kung kaya’t sasapat na para sila ay pumasa (doing just enough), taliwas sa inaasahan na sila’y lubos na magsisikap upang maging mahusay (doing my best; Meyer, McClure, Walkey, Weir, & McKenzie, 2009; McClure et al., 2011). Sa gayon, ang pagsasabahala at pagtanggap sa “puwede na” ay maaaring mga ugali na manipestasyon naman ng motibasyon para sa kasapatan.
Ngunit mula sa mas positibong pananaw, lubos na praktikal ang paghahanap ng kasapatan para sa buhay. Kung titingnan ang iba pang mga aytem ng eskalang ito (hal., “Mas gugustuhin kong gawin ang isang bagay kung may katumbas ito” at “Mas uunahin ko ang pangunahing pangangailangan ko kaysa pagtapos ng gawain ko”), masasabing kamukha nila ang pag-asam ng kaginhawahan sa pamamagitan ng mga payak na kaaaliwan, kagustuhan ng gaan at gana sa buhay, at kaibsan sa paghihirap (Arriola et al., 1980; Bautista, 2011; Salazar, 1977). Ayon nga sa pag-aaral na ginawa ng National Economic and Development Authority (2016), nais ng mga Pilipino na magkaroon ng sapat na pera na panggastos at kahit kakaunting ipon sa bangko kung kailanganin man sa hinaharap, makatapos ng pag-aaral, at makahanap ng trabaho na makapagbibigay ng sahod na matutugunan ang mga pang-araw-araw nilang pangangailangan. Makikita na ang mga mithiing ito ay may layunin iseguro ang patuloy na pamumuhay ng sarili at ng pamilya (Santiago, 1976). Kung mabigo sa pagkamit ng mga mithiing ito dahil sa dami ng hadlang na kailangang harapin, maaaring tanggapin na lang ng isang tao ang kaniyang kalagayan, magtimpi ng kaniyang pagkadismaya, tuluyang pagtiisan kung anumang bagay ang kaniyang kayang abutin, at saka na lamang muling mangarap kung tila’y may pag-asa na ang mga ito ay matupad (Adviento & de Guzman, 2010; Rilveria, 2018; Tolentino & Dullas, 2015). Mula sa ganitong perspektiba, ang kasapatan ay matatamo lamang sa pagiging kontento sa mga simpleng bagay, pagtugon sa mga pangunahing pangangailangan, at hindi pag-asam sa mga bagay at pangarap na hindi naman mahalaga para manatiling buháy (Estacio, 2013; Sta. Maria, 1999).
Sa gayon, katulad ng unang natalakay, maaaring tingnan ang pagkasapat bilang pag-iwas sa paghihirap, paghahanap ng kabayaran sa lahat ng pagkilos, at pagkiling sa madaling buhay. Sa kabilang banda, maaring ito ay pragmatikong pananaw sa mundo na ang pagiging kontento sa kung ano ang mayroon ay ang pinakaangkop na tugon sa harap ng kawalan ng ekonomikal at politikal na seguridad sa araw-araw (hal., Enriquez & Alfonso, 1980; Koltko-Rivera, 2004; Tuason, 2008). Ang mga pananaliksik sa hinaharap ang maaaring makapagbigay ng linaw kung alin sa dalawang pagpapakahulugan ng kasapatan ang mas sumasalamin sa mga karanasan ng mga Pilipino.
REKOMENDASYON
Sinuri namin ang factor structure ng IMP16 gamit ng EFA at nakita namin na matatag ang pagkakahanay ng mga aytem sa ilalim ng bawat eskala nito, pareho sa dalawang pag-aaral kung saan namin sinuri ito. Gayumpaman, kahit na katanggap-tanggap ang katatagan ng IMP batay sa mga pamantayan ng internal consistency, mga item-total correlation, at factor stability ng bawat eskala, ang paggamit lamang ng confirmatory factor analysis ang lubos na makpagpapatunay sa factor structure ng balangkas. Ang pagsusuri na ito ay labas na sa mas exploratory na layunin kasalukuyang pananaliksik, kaya isa itong direksiyong aming bukod na iminumungkahing tahakin upang lalo pang mapatunayan ang eskala.
Pinagtibay naman namin ang IMP gamit ang proseso ng construct validity, kung kaya’t nabigyan namin ng ebidensiya ang pagkakapareho ng aming eskala sa mga naunang katulad na panukat. Mula dito, marami pang pag-aaral ang maaaring gawin upang suriin ang pagkaangkop at kakayahang ma-replicate ng factor structure ng aming eskala sa iba pang populasyon (hal., mga empleyado sa iba’t ibang uri ng organisasyon, mga mag-aaral sa labas ng Maynila), maging ang discriminant at predictive validity nito. Halimbawa ng mga huli ay ang pagsiyasat sa mga relasyon sa pagitan ng husay at academic achievement gamit ang grado, pamilya at interdependent happiness (pakiramdam ng pagkakaroon ng positibong relasyon sa at well-being ng mga mahal sa buhay; Datu & Lizada, 2018), o kasapatan at behavioral disaffection (pagiging disengaged sa mga gawain; Skinner, Furrer, Marchand, & Kindermann, 2008) o dalas ng pagsasabi ng bahala na (Del Pilar et al., 2018).
Sumunod, mapapansin din na mas marami ang aming kalahok na babae kaysa lalaki. Bagama’t sinasabi ng ibang pananaliksik na maaaring may pagkakaiba ang mga tao sa kanilang motibasyon dahil sa kanilang kasarian, lalo na sa pag-asam ng kahusayan (hal., batay sa asignatura o propesyon; Meece, Glienke, & Burg, 2006) at mabuting relasyon sa pamilya (hal., mga gawain na magiging katanggap-tanggap sa magulang; Liwag, de la Cruz, & Macapagal, 1998), hindi namin inaasahan na magkakaroon ng ganitong pagkakaiba para sa aming mga kasalukuyang kalahok dahil ang IMP ay hindi umaabot sa ganitong katiyak na antas ng pagtatakda ng uri ng larangan o pagkilos. [Maaari ding tingnan ang diskusyon ukol sa epekto ng kasarian sa academic motivation ng mga Pilipino nina King (2016), King at Ganotice (2013)].
Mahalaga ring alalahanin na ang mga kinasapitan ng aming mga pananaliksik ay nabuo batay sa mga tugon ng mga mag-aaral sa aming panukat. Ang pilot test ay pinasagutan namin sa kapuwa mag-aaral at manggagawa upang masigurong sinasalamin ng mga ito ang mga motibasyon na mahalaga para sa parehong pangkat. Matapos nito, pinili naming pagtuunan ng pansin ang mga mag-aaral sa una at ikalawang pag-aaral sapagkat nais naming makita kung lalapat ang aming nirebisang balangkas at eskala sa mga naunang kuwalitatitbo at teoretikal na pananaliksik na madalas ay mag-aaral din ang naging kalahok (hal., Bernardo et al., 2008; Reyes & Galang, 2009). Bunsod nito, may mga aytem kami na tinanggal bago mabuo ang IMP16 na maaaring muling siyasatin dahil may mga uri sila ng motibasyon na ipinapahiwatig ngunit hindi nasalamin ng huling anyo ng aming eskala. Maaaring ang mga motibasyon na ito ay hindi matingkad sa kamalayan ng mga mag-aaral na aming kalahok at sa halip ay mas angkop para sa mga manggagawa sa konteksto ng trabaho at pagtataguyod ng pamilya. Halimbawa, ang mga aytem na “Gagawin ko ang lahat para lang hindi ako mapagsabihan ng masama,” “Hindi ko gagawin ang isang bagay na makasisira sa aking imahen,” at “Importante na maging mabuti ang aking mga relasyon sa ibang tao” ay tila tumutukoy sa pagpapanatili ng magandang imahen para sa ibang tao (hal., Clemente et al. 2017), habang ang “Gusto kong magkaroon ng pinansiyal na seguridad sa buhay,” “Nagsusumikap akong abutin ang aking mga pangarap,” at “Ginagawa ko ang lahat ng aking makakakaya upang masiguro ko ang aking kinabukasan” ay tumutukoy sa pagtamo ng pangarap at pangmatagalang seguridad sa buhay (hal., Ilagan et al., 2014). Sa gayon, mabuti na makita kung mapapasama muli sa IMP ang mga aytem na ito kung ipapasagot sila sa iba pang pangkat ng mga kalahok.
KONGKLUSYON
Masasabi na may pagkakapareho at pagkakaiba rin naman ang pagpapakahulugan ng mga Pilipino sa motibasyon. Habang binibigyang-diin ng kanluraning depinisyon ang mga pansariling puwersang nag-uudyok sa mga tao (hal., mastery orientation; Lens et al., 2008; Meyer et al., 2009; McClure et al., 2011), makikitang hindi ito ang buong nararanasan sa ibang kultura (Markus & Kitayama, 1991; Miller, 2003). Gayon nga at sa Pilipinas, malaking pagpapahalaga ang inaayon sa mithiin ng pamilya dagdag pa sa sarili—na ang pagkamit sa mga mithiin ng pagiging mahusay at pagbuo ng sarili ay isang proyektong magkatuwang na inaabot ng mga Pilipino bilang iisang pamilya, bayan, at kapuwa (Bernardo et al., 2008; Church & Katigbak, 1992; Enriquez, 1994a; Salazar, 1985).
Ang ginawa namin sa pananaliksik na ito ay isang pagpapakilala sa teoretikal na balangkas ng motibasyon na batay sa mga pagpapahalagang taal sa kulturang Pilipino, at paglalahad ng mga panimulang pag-aaral tungo sa pagbuo ng isang imbentaryong batay dito. Nakita namin mula sa mga naunang pag-aaral ng motibasyon sa bansa at sa aming mga resulta na ang mga Pilipino ay nauudyok ng kagustuhang mapahusay ang sarili, mapasaya ang pamilya, at mapasadahan ang mga gawain nang hindi nahihirapan. Layunin ng panukat na ito na masalamin ang mga motibasyong malapít sa buhay ng mga Pilipino, upang mas maging makabuluhan at angkop sa ating kultura ang mga pamamaraan at kasasapitan ng mga pag-aaral o programa na gagamitin ang eskalang ito.
Sa gayon, iminumungkahi namin na patuloy na paigtingin ang psychometric properties ng IMP (hal., confirmatory factor analysis, pag-replicate sa factor structure nito sa iba pang pangkat, discriminant at predictive validity), at bigyan ng linaw kung paano nararanasan at namamasdan ang mga motibasyong ito (higit na ang kasapatan) sa mga pangkaraniwang sitwasyon. Mas mahalaga pa rito, ang mga susunod na pananaliksik ukol sa motibasyong Pilipino ay dapat na pag-aralan kung ano ang nag-uudyok sa mga tao na kumilos sa kanilang mga pang-araw-araw na buhay, lalo sa kontekstong akademiko at sa trabaho, habang tunay na sinasalamin ang kanilang kultura at sikolohiya—kung ano ang gusto lamang nila sa buhay bilang mga Pilipino.
Mga Sanggunian
Adviento, M. L. G., & de Guzman, J. M. (2010). Community resilience during Typhoon Ondoy: the case of Ateneoville. Philippine Journal of Psychology, 43(1), 101−113.
Arneklev, B. J., Grasmick, H. G., Tittle, C. R., & Bursik, R. J. (1993). Low self-control and imprudent behavior. Journal of Quantitative Criminology, 9(3), 225−247.
Arriola, T., Enriquez, C., Lachica, L., Nava, L., & Reyes, S. (1981). On judging creative drawings: A preliminary attempt to establish criteria for rating drawings varied on socio-economic status of subjects and free-forced stimulus controls. Nasa M. F. A. Domingo (pat.), Mga piling papel sa sikolohiya ng bata (Vol. 1). Hindi nakalimbag na antolohiya.
Barbuto Jr, J. E. (2005). Motivation and transactional, charismatic, and transformational leadership: A test of antecedents. Journal of Leadership & Organizational Studies, 11(4), 26−40.
Barbuto, J. E., Jr., & Cummins-Brown, L. L. (2007). Motivating your employees. University of Nebraska–Lincoln Extension Publications. <http://goo.gl/LpPLVI>
Barbuto Jr, J. E., Fritz, S. M., & Marx, D. (2002). A field examination of two measures of work motivation as predictors of leaders’ influence tactics. The Journal of social psychology, 142(5), 601−616.
Barbuto Jr, J. E., Fritz, S. M., & Plummer, B. A. (2004). Is There a Difference Between Agriculture/Natural Resources and Non-Agriculture/Natural Resources Majors’ Motivation Sources? NACTA journal, 30−35.
Barbuto, J. E., Jr., & Scholl, R. W. (1998). Motivation sources inventory: Development and validation of new scales to measure an integrative taxonomy of motivation. Psychological Reports, 82, 1011−1022.
Barbuto Jr, J. E., & Story, J. S. (2011). Work motivation and organizational citizenship behaviors: a field study. Journal of leadership studies, 5(1), 23−34.
Barbuto Jr, J. E., Trout, S. K., & Brown, L. L. (2004). Identifying sources of motivation of adult rural workers. Journal of Agricultural Education, 45(3), 11−21.
Barrera, D. J., Capistrano, D., Feliciano, A., Alaban, A. M., Agustin, H. M., Locsin, N., & Villabeto, J. (2015). The Interplay of Self-Control and Peer Influence in Filipino Delinquency. Prism, 20(2), 69−84.
Bautista, V. (2011). Gaan at gana sa buhay: Sikolohiya ng sarap, ligaya, at ginhawa sa pananaw ng sikolohiyang pang-klinika. Isip: Mga Kaisipan sa Sikolohiya, Kultura, at Lipunang Pilipino, 1, 15−44.
Bernardo, A. B. (2008). Individual and social dimensions of Filipino students’ achievement goals. International Journal of Psychology, 43(5), 886−891.
Bernardo, A. B., Clemente, J. A. R., & Liem, G. A. D. (2014). Describing the values of Filipino adolescents: A comparison with pan-cultural norms. Journal of Tropical Psychology, 4, e2.
Bernardo, A. B., Ganotice, F. A., & King, R. B. (2015). Motivation gap and achievement gap between public and private high schools in the Philippines. The Asia-Pacific Education Researcher, 24(4), 657−667.
Bernardo, A. B. I., Salanga, G. C., & Aguas, K. M. (2008). Filipino adolescent students’ conceptions of learning goals. Nasa O. Tan, D. M. McInerney, A. D. Liem, & A. G. Tan (mga pat.), What the West can learn from the East: Asian perspectives on the psychology of learning and motivation (pp. 169−190). Charlotte, NC: Information Age.
Charles, E. P. (2005). The correction for attenuation due to measurement error: clarifying concepts and creating confidence sets. Psychological Methods, 10(2), 206−226.
Church, A. T., & Katigbak, M. S. (1992). The cultural context of academic motives: A comparison of Filipino and American college students. Journal of Cross-Cultural Psychology, 23(1), 40−58.
Cipres-Ortega, S., & Guanzon-Lapeña, M. A. (1997). Locally-developed psychological tests: A critical review. Annual Scientific Meeting of the National Academy of Science and Technology, Manila, July 10, 1997.
Clemente, J. A., Belleza, D., Yu, A., Catibog, E. V. D., Solis, G., & Laguerta, J. (2008). Revisiting the Kapwa theory: Applying alternative methodologies and gaining new insights. Philippine Journal of Psychology, 41(2), 1–32.
Clemente, J. A. R., Galang, A. J. R., & Arpon, A. T. (2017). Sino ang may hiya at sino naman ang wala? Paunang pagtitibay sa panukat ng hiya bilang isang pagpapahalaga. Diwa E-Journal, 5, 39−73.
Conway, J. M., & Huffcutt, A. I. (2003). A review and evaluation of exploratory factor analysis practices in organizational research. Organizational research methods, 6(2), 147−168.
Covar, P. R. (1993). Larangan: Seminal essays on Philippine culture. Lungsod ng Maynila: Sampaguita Press.
Covington, M. V. (1992). Making the grade: A self-worth perspective on motivation and school reform. Cambridge, England: Cambridge University Press.
Datu, J. A. D., Yuen, M., & Chen, G. (2018). The triarchic model of grit is linked to academic success and well-being among Filipino high school students. School Psychology Quarterly, 33(3), 428−438.
David, R. S. (2001). The Filipino family in the throes of development. Nasa R. S. David (pat.), Reflections on Sociology and Philippine Society (pp. 112−124). Lungsod Quezon: University of the Philippines Press.
David, R. S. (2004a). Fathers and sons. Nasa R. S. David, Nation, self and citizenship: Invitation to Philippine sociology (pp. 218−220). Lungsod Pasig: Anvil Publishing, Inc.
David, R. S. (2004b). The self as project. Nasa R. S. David, Nation, self and citizenship: Invitation to Philippine sociology (pp. 210−212). Lungsod Pasig: Anvil Publishing, Inc.
Del Pilar, G. E. H. (2017). The development of the Masaklaw na Panukat ng Loob (Mapa ng Loob). Philippine Journal of Psychology, 50(1), 103−141.
Del Pilar, G. E. H., Bermudez, R. M., Cajanding, D., Eco, M., Guevarra, K., & Larracas, A. (2018). Ang Masaklaw na Panukat ng Loob (Mapa ng Loob) at ang pagpapatibay nito batay sa paggamit ng bahala na. Nasa R. Pe-Pua (pat.), Handbuk ng Sikolohiyang Pilipino, vol. 1: Perspektibo at metodolohiya (pp. 691−706). Quezon City: University of the Philippines Press.
de Winter, J. D., Dodou, D., & Wieringa, P. A. (2009). Exploratory factor analysis with small sample sizes. Multivariate behavioral research, 44(2), 147−181.
Du, H., King, R. B., & Chi, P. (2012). The development and validation of the Relational Self‐Esteem Scale. Scandinavian Journal of Psychology, 53(3), 258−264.
Enriquez, V. G. (1982a). Sikolohiyang Pilipino: Perspektibo at direksyon. Nasa R. Pe-Pua (pat.), Sikolohiyang Pilipino: Teorya, metodo at gamit (pp. 5−21). Lungsod Quezon: Surian ng Sikolohiyang Pilipino.
Enriquez, V. G. (1982b). Towards cross-cultural knowledge through cross-indigenous methods and perspective. Nasa R. Pe-Pua (pat.), Sikolohiyang Pilipino: Teorya, metodo at gamit (pp. 120−129). Lungsod Quezon: Surian ng Sikolohiyang Pilipino.
Enriquez, V. G. (1994a). Kapwa and the struggle for justice, freedom, and dignity. Nasa T. Obusan at A. Rodriguez (mga pat.), Pamamaraan: Indigenous knowledge and evolving research paradigms (pp. 1−18). Lungsod Quezon: Asian Center.
Enriquez, V. G. (1994b). Pagbabagong-dangal: Psychology and cultural empowerment. Lungsod Quezon: Akademya ng Kultura at Sikolohiyang Pilipino.
Enriquez, V. G., & Alfonso, A. B. (1980). Ang pananaw sa buhay at weltanschauung na mahihiwatigan sa sikolohiya ng wikang Tagalog. Nasa L. F. Antonio, A. G. Ramos, at A. Albano-Abiera (mga pat.), Mga babasahin sa sikolinggwistikang Filipino (pp. 79−92). Lungsod Quezon: C&E Publishing, Inc.
Estacio, E. V. (2013). Health literacy and community empowerment: It is more than just reading, writing and counting. Journal of health psychology, 18(8), 1056−1068.
Fabrigar, L. R., Wegener, D. T., MacCallum, R. C., & Strahan, E. J. (1999). Evaluating the use of exploratory factor analysis in psychological research. Psychological methods, 4(3), 272−299.
Feliciano, G. D. (1982). The limits of western social research methods in rural Philippines: The need for innovation. Nasa R. Pe-Pua (pat.), Sikolohiyang Pilipino: Teorya, metodo at gamit (p. 99−110). Lungsod Quezon: Surian ng Sikolohiyang Pilipino.
Finney, S. J. & DiStefano, C. (2006). Non-normal and categorical data in structural equation modeling. Nasa G. R. Hancock & R. O. Mueller (mga pat.), Structural equation modeling: A second course (pp. 269–314). Greenwich, CT: Information Age.
Floyd, F. J., & Widaman, K. F. (1995). Factor analysis in the development and refinement of clinical assessment instruments. Psychological assessment, 7(3), 286−299.
Fritz, S., Speth, C., Barbuto Jr, J. E., & Boren, A. (2004). Exploring relationships between college students’ learning styles and motivation. Psychological Reports, 95(3), 969−974.
Gagné, M., Forest, J., Vansteenkiste, M., Crevier-Braud, L., Van den Broeck, A., Aspeli, A. K., … & Halvari, H. (2015). The Multidimensional Work Motivation Scale: Validation evidence in seven languages and nine countries. European Journal of Work and Organizational Psychology, 24(2), 178−196.
Ganotice Jr, F. A., Bernardo, A. B., & King, R. B. (2012). Testing the factorial invariance of the English and Filipino versions of the Inventory of School Motivation with bilingual students in the Philippines. Journal of Psychoeducational Assessment, 30(3), 298−303.
Garcia, J. N. C. (1996). Philippine gay culture: The last thirty years. Diliman, Lungsod Quezon: Unibersidad ng Pilipinas.
Gepigon, S, D., Jr., & Francisco, V. A. (1978). Ang mg mamumulot ng basura: Ang kanilang patuloy na paghihirap at mga saloobin at mithiin sa buhay. Nasa Ulat ng Ikatlong Pambansang Komperensya sa Sikolohiyang Pilipino. Lungsod Quezon: Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino.
Gibbs, J. J., & Giever, D. (1995). Self-control and its manifestations among university students: An empirical test of Gottfredson and Hirschi’s general theory. Justice Quarterly, 12(2), 231−255.
Gottfredson, M. R., & Hirschi, T. (1990). A general theory of crime. Stanford, CA: Stanford University Press.
Graham, S., & Weiner, B. (1996). Theories and principles of motivation. Handbook of Educational Psychology, 4, 63−84.
Grasmick, H. G., Tittle, C. R., Bursik Jr, R. J., & Arneklev, B. J. (1993). Testing the core empirical implications of Gottfredson and Hirschi’s general theory of crime. Journal of research in crime and delinquency, 30(1), 5−29.
Hofstede, G. H. (1980). Motivation, leadership and organization: Do American theories apply abroad? Organizational Dynamics, 9(1), 42−63.
Hull, C. L. (1943). Principles of behavior: An introduction to behavior theory. Oxford, England: Appleton-Century Company, Inc.
Ilagan, J. R. A., Hechanova, M. R. M., Co, T. A. C., & Pleyto, V. J. Z. (2014). “Bakit ka kumakayod?” Developing a Filipino needs theory of motivation. Philippine Journal of Psychology, 47(1), 117−143.
Jolliffe, I. T., & Cadima, J. (2016). Principal component analysis: a review and recent developments. Philosophical Transactions of the Royal Society A: Mathematical, Physical and Engineering Sciences, 374(2065), 20150202.
Kahn, J. H. (2006). Factor analysis in counseling psychology research, training, and practice: Principles, advances, and applications. The counseling psychologist, 34(5), 684−718.
Kaplan, R. M., & Saccuzzo, D. P. (2013). Psychological assessment and theory: Creating and using psychological tests (ika-8 na ed.). Singapore: Cengage Learning Asia Pte Ltd.
Klein, H. J. (1989). An integrated control theory model of work motivation. Academy of Management Review, 14(2), 150−172.
King, R. B. (2016). Gender differences in motivation, engagement and achievement are related to students’ perceptions of peer—but not of parent or teacher—attitudes toward school. Learning and Individual Differences, 52, 60−71.
King, R. B., & Ganotice, F. A. (2014). What’s happening to our boys? A personal investment analysis of gender differences in student motivation. The Asia-Pacific Education Researcher, 23(1), 151−157.
King, R. B., & Watkins, D. A. (2012). Cross-cultural validation of the five-factor structure of social goals: A Filipino investigation. Journal of Psychoeducational Assessment, 30(2), 181−193.
Koltko-Rivera, M. E. (2004). The psychology of worldviews. Review of general psychology, 8(1), 3−58.
Landy, F. J., & Becker, W. S. (1987). Motivation theory reconsidered. Research in Organizational Behavior, 9, 1−38.
Lasquety-Reyes, J. A. (2016). In defense of hiya as a Filipino virtue. Asian Philosophy, 26(1), 66−78.
Lens, W., Vansteenkiste, M., & Matos, L. (2009). Motivation: Quantity and quality matter. Nasa A. Blachnio & A. Przepiorka (mga pat.). Closer to Emotions III. Lublin: Wydawnictwo.
Leonard, N. H., Beauvais, L. L., & Scholl, R. W. (1999). Work motivation: The incorporation of self-concept-based processes. Human Relations, 52(8), 969−998.
Liem, G. A. D., Martin, A. J., Nair, E., Bernardo, A. B., & Prasetya, P. H. (2011). Content and structure of values in middle adolescence: Evidence from Singapore, the Philippines, Indonesia, and Australia. Journal of Cross-Cultural Psychology, 42(1), 146−154.
Liwag, M. E. C. D., de la Cruz, A. S., & Macapagal, M. E. J. (1998). How we raise our daughters and sons: Child-rearing and gender socialization in the Philippines. Philippine Journal of Psychology, 31, 1−46.
Lucas, R. I., Pulido, D., Miraflores, E., Ignacio, A., Tacay, M., & Lao, J. (2010). A study on the intrinsic motivation factors in second language learning among selected freshman students. Philippine ESL Journal, 4(1), 3−23.
Lynch, F. (1962). Philippine values II: Social acceptance. Philippine Studies, 10(1), 82−99.
Maggay, M. P. (1993). Pagbabagong-loob: Moral recovery and cultural reaffirmation. Lungsod Quezon: Akademya ng Kultura at Sikolohiyang Pilipino/Institute for Studies in Asian Church and Culture.
Markus, H. R., & Kitayama, S. (1991). Culture and the self: Implications for cognition, emotion, and motivation. Psychological Review, 98(2), 224−253.
Maslow, A. H. (1943). A theory of human motivation. Psychological Review, 50, 370−396.
McClelland, D. C. (1987). Human motivation. Cambridge, MA: Cambridge University Press.
McClure, J., Meyer, L. H., Garisch, J., Fischer, R., Weir, K. F., & Walkey, F. H. (2011). Students’ attributions for their best and worst marks: do they relate to achievement? Contemporary Educational Psychology, 36(2), 71−81.
McInerney, D. M., & Ali, J. (2006). Multidimensional and hierarchical assessment of school motivation: Cross‐cultural validation. Educational Psychology, 26(6), 717−734.
Meece, J. L., Glienke, B. B., & Burg, S. (2006). Gender and motivation. Journal of school psychology, 44(5), 351−373.
Menguito, L. (2014). Motivating the Filipino worker. Nasa M. R. Hechanova, M. Teng-Calleja, & V. Villaluz (mga pat.), Understanding the Filipino Worker and Organization (ika-2 na ed., pp. 83–94). Quezon City: Ateneo de Manila University Press.
Meyer, L. H., McClure, J., Walkey, F., Weir, K. F., & McKenzie, L. (2009). Secondary student motivation orientations and standards‐based achievement outcomes. British Journal of Educational Psychology, 79(2), 273−293.
Miller, J. G. (2003). Culture and agency: Implications for psychological theories of motivation and social development. In V. Murphy-Berman & J. J. Berman (Eds.), Vol. 49 of the Nebraska symposium on motivation. Cross-cultural differences in perspectives on the self (pp. 76−116). Lincoln, NE, US: University of Nebraska Press.
Miller, J. G., Goyal, N., & Wice, M. (2017). A cultural psychology of agency: Morality, motivation, and reciprocity. Perspectives on Psychological Science, 12(5), 867−875.
Miner, J. B. (2003). The rated importance, scientific validity, and practical usefulness of organizational behavior theories: A quantitative review. Academy of Management Learning at Education, 2(3), 250−268.
Mundfrom, D. J., Shaw, D. G., & Ke, T. L. (2005). Minimum sample size recommendations for conducting factor analyses. International Journal of Testing, 5(2), 159−168.
National Economic and Development Authority [NEDA]. (2016). Ambisyon Natin 2040: Highlights on the national survey and aspirations of the Filipino people. Pilipinas: May-akda. <http://goo.gl/rYfCmI>
Ochoa, D. P. (2016). Moral na pamantayan at pangangatwiran ng mga bata at ina sa konteksto ng kahirapan. Diwa E-Journal, 4, 20−38.
Ormrod, J. E. (2012). Human learning (Ika-6 na ed.). Upper Saddle River, NJ: Pearson.
Pasao, M. M. (1979). Self-concept: A conceptual and methodological study in the Philippine context. Ed. D. disertasyon, Unibersidad ng Pilipinas Diliman.
Paulhus, D. L. (1991). Measurement and control of response bias. Nasa J. P. Robinson, P. R. Shaver, at L.S. Wrightsman (mga pat.), Measures of personality and social psychological attitudes (pp. 17−59), San Diego, CA: Academic Press, Inc.
Peña-Alampay, L. (2003). Self-complexity, self-construal, and negative emotion in Filipino adolescents. Philippine Journal of Psychology, 36(2), 68−102.
Pe-Pua, R. (2006). From decolonizing psychology to the development of a cross-indigenous perspective in methodology. Nasa U. Kim, K.-S. Yang, & K.-K. Hwang (mga pat.), Indigenous and cultural psychology (pp. 109−137). Boston, MA: Springer.
Pe-Pua, R., & Protacio-Marcelino, E. (2000). Sikolohiyang Pilipino (Filipino psychology): A legacy of Virgilio G. Enriquez. Asian Journal of Social Psychology, 3, 49−71.
Pintrich, P. R. (2003). A motivational science perspective on the role of student motivation in learning and teaching contexts. Journal of Educational Psychology, 95(4), 667−686.
Posch, L., Bleier, A., Lechner, C., Danner, D., Flöck, F., & Strohmaier, M. (2017). Measuring motivations of crowdworkers: The multidimensional crowdworker motivation scale. arXiv preprint arXiv:1702.01661.
Preacher, K. J., & MacCallum, R. C. (2002). Exploratory factor analysis in behavior genetics research: Factor recovery with small sample sizes. Behavior genetics, 32(2), 153−161.
Regalado, J. A. (1981). Ang mithiin sa buhay ng mga magniniyog sa Tayabas, Quezon. Hindi nakalimbag na gradwadong tesis.
Rosenberg, M. (1965). Society and the adolescent self-image. Princeton, NJ: Princeton University Press.
Richard, R. M., & Deci, E. L. (2000). Self-determination theory and the facilitation of intrinsic motivation, social development, and well-being. American Psychologist, 55, 68−78.
Reyes, M. L., & Galang, A. J. R. (2009). Motivational and social aspects of the Filipino college experience. Philippine Journal of Psychology, 42(2), 213−235.
Rilveria, J. R. C. (2018). The Development of the Filipino Coping Strategies Scale. Asia-Pacific Social Science Review, 18(1), 111−126.
Russell, D. W. (2002). In search of underlying dimensions: The use (and abuse) of factor analysis in Personality and Social Psychology Bulletin. Personality and social psychology bulletin, 28(12), 1629−1646.
Sagiv, L., Roccas, S., Cieciuch, J., & Schwartz, S. H. (2017). Personal values in human life. Nature Human Behaviour, 1(9), 630-639.
Salazar, Z. (1977). Ang kamalayan at kaluluwa: Isang paglilinaw ng ilang konsepto sa kinagisnang sikolohiya. Nasa Ulat ng Ikalawang Pambansang Kumperensya sa Sikolohiyang Pilipino. Lungsod Quezon: Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino.
Salazar, Z. (1985). Four filiations in Philippine psychological thought. Nasa A. Aganon & M. David (mga pat.), Sikolohiyang Pilipino: Isyu, pananaw at kaalaman (New directions in indigenous psychology). Lungsod ng Manila: National Book Store.
Salkind, N. J. (Ed.). (2010). Encyclopedia of research design. Thousand Oaks, CA: Sage Publications.
Santiago, C. E., & Enriquez, V. G. (1982). Tungo sa maka-Pilipinong pananaliksik. Nasa R. Pe-Pua (pat.), Sikolohiyang Pilipino: Teorya, metodo at gamit (pp. 155−160). Lungsod ng Quezon: Surian ng Sikolohiyang Pilipino.
Schmidt, C. T., Jr., & Scholl, R. W. (2002). Self concept-based motivation. Schmidt Labor Research Center. University of Rhode Island, Kingston, RI.
Schreiber, J. B., Nora, A., Stage, F. K., Barlow, E. A., & King, J. (2006). Reporting structural equation modeling and confirmatory factor analysis results: A review. The Journal of educational research, 99(6), 323−338.
Schunk, D. H., Pintrich, P. R., & Meece, J. (2008). Motivation in education: theory, research, and applications. New York: Pearson Education Inc.
Schwartz, S. H. (1992). Universals in the content and structure of values: Theory and empirical tests in 20 countries. Nasa M. Zanna (pat.), Advances in experimental social psychology (pp. 1−65). San Diego: Academic Press.
Schwartz, S. H. (2012). An overview of the Schwartz theory of basic values. Online readings in Psychology and Culture, 2(1), 11.
Schwartz, S. H., Cieciuch, J., Vecchione, M., Davidov, E., Fischer, R., Beierlein, C., … & Dirilen-Gumus, O. (2012). Refining the theory of basic individual values. Journal of personality and social psychology, 103(4), 663−688.
Sijtsma, K. (2009). On the use, the misuse, and the very limited usefulness of Cronbach’s alpha. Psychometrika, 74(1), 107−120.
Skalski, J. R., Richins, S. M., & Townsend, R. L. (2018). A statistical test and sample size recommendations for comparing community composition following PCA. PloS one, 13(10), e0206033.
Skinner, E., Furrer, C., Marchand, G., & Kindermann, T. (2008). Engagement and disaffection in the classroom: Part of a larger motivational dynamic? Journal of educational psychology, 100(4), 765−781.
Spector, P. E. (1992). Summated rating scale construction: An introduction (Sage University Paper Series on Quantitative Applications in the Social Sciences, No. 07-082). Newbury Park, CA: Sage.
Spencer, B. (2001). College students who wear watches: Locus of control and motivational sources. Psychological Reports, 88(1), 83−84.
Sta. Maria, M. (1999). Filipinos’ representations for the self. Philippine Journal of Psychology, 32(2), 53−88.
Tabachnick, B. G., & Fidell, L. S. (2012). Principal components and factor analysis. Nasa B. G. Tabachnick & L. S. Fidell, Using multivariate statistics (ika-6 na ed., pp. 612−680). Upper Saddle River, NJ: Pearson.
Taber, K. S. (2018). The use of Cronbach’s alpha when developing and reporting research instruments in science education. Research in Science Education, 48(6), 1273−1296.
Tibbetts, S. G., & Myers, D. L. (1999). Low self-control, rational choice, and student test cheating. American Journal of Criminal Justice, 23(2), 179−200.
Tiryakan, E. A. (1959). Occupational satisfaction and inspiration in an underdeveloped country: The Philippines. Economic Development & Cultural Change, 7(4). 431−444.
Tittle, C. R., Ward, D. A., & Grasmick, H. G. (2004). Capacity for self-control and individuals’ interest in exercising self-control. Journal of Quantitative Criminology, 20(2), 143−172.
Tolentino, M. N., & Dullas, A. R. (2015). Subjective well-being of Filipino farm children. International Journal of Research Studies in Psychology, 4(4), 47−60.
Torres, A.T. (2002). Gender imagery in Philippine psychology: A critique of the literature. Philippine Journal of Psychology, 35, 49−65.
Tuason, M. (2008). Those who were born poor: A qualitative study of Philippine poverty. Journal of Counseling Psychology, 55(2), 158–171.
Usher, A., & Kober, N. (2012). 1. What is motivation and why does it matter? Center on Education Policy.
Vallerand, R. J., Pelletier, L. G., Blais, M. R., Briere, N. M., Senecal, C., & Vallieres, E. F. (1992). The Academic Motivation Scale: A measure of intrinsic, extrinsic, and amotivation in education. Educational and psychological measurement, 52(4), 1003−1017.
Vansteenkiste, M., Niemiec, C., & Soenens, B. (2010). The development of the five minitheories of self-determination theory: A historical overview, emerging trends and future directions. Nasa T. Urdan & S. Karabenick (mga pat.), Advances in motivation and achievement, vol. 16: The decade ahead (pp. 105−166). UK: Emerald Publishing.
Villan, V. (2012). Tungo sa pagpapalalim ng pag-aaral sa kalinangang pulitikal sa Pilipinas. Saliksik E-Journal, 1(2), 108−113.
Watkins, M. W. (2018). Exploratory factor analysis: A guide to best practice. Journal of Black Psychology, 44(3), 219−246.
Watkins, D. A., McInerney, D. M., & Boholst, F. A. (2003). The reliability and validity of the Inventory of School Motivation: A Filipino investigation. The Asia-Pacific Education Researcher.
Whittaker, T. A. (2012). Using the modification index and standardized expected parameter change for model modification. The Journal of Experimental Education, 80(1), 26−44.
Williams, B., Onsman, A., & Brown, T. (2010). Exploratory factor analysis: A five-step guide for novices. Australasian Journal of Paramedicine, 8(3), Article 990399.
Worthington, R. L., & Whittaker, T. A. (2006). Scale development research: A content analysis and recommendations for best practices. The Counseling Psychologist, 34(6), 806-838.
Yacat, J. A. (2005). Making sense of being and becoming Filipinos: An indigenous psychology perspective. Philippine Journal of Psychology, 38(2), 19−37.
Ziegler, M., & Hagemann, D. (2015). Testing the unidimensionality of items: Pitfalls and loopholes. European Journal of Psychological Assessment, 31, 231–237.
Zuckerman, M., Knee, C. R., Hodgins, H. S., & Miyake, K. (1995). Hypothesis confirmation: The joint effect of positive test strategy and acquiescence response set. Journal of Personality and Social Psychology, 68(1), 52−60.
Hanayan 1. Mga Aytem ng IMP Sa Iba’t Ibang Pag-aaral at Bersiyon
Ang mga aytem na may markang [+] ay positibo ang pagkakasaad, at negatibo naman ang mga nilagyan ng [–].
Sinuri ang IMP36 sa pilot test, ang IMP55 at IMP30 sa unang pag-aaral, at ang IMP16 (bilang huling anyo) sa ikalawang pag-aaral. Nakahanay ang mga aytem ng IMP36 at IMP55 sa mga eskalang nakalahad bago ang pagsusuri sa kanila gamit ang PCA o EFA. Ang mga aytem naman para sa IMP30 at IMP16 ay napabilang sa kanilang mga eskala matapos ng EFA.
Ang mga pangalan ng eskala na nakapaloob sa panaknong ay nangangahulugan na bahagi dapat ang kaakibat nitong aytem sa bersiyon ng IMP kung saan ito nakalista, ngunit natagpuang lubhang mababa ang factor loading nito matapos ang EFA, kung kaya’t lumalabas na ang pagkakasama nito ay sinusuportahan ng teoretikal ngunit hindi ng istatistikal na batayan. Ang mga espasyo na walang laman bukod sa gitling ay nangangahulugang hindi kasama ang aytem sa bersiyong ito.
Hanayan 2. Resulta ng EFA at Item Analysis ng IMP30 (Pag-aaral 1)
Metodo: Pattern matrix ng exploratory factor analysis gamit ang principal axis factoring extraction technique na may promax rotation [Bartlett’s Test of Sphericity , KMO Measure of Sampling Adequacy = .844]. Ang mga factor loading na higit sa 0.30 lamang ang ipinapakita. ITC = item-total correlation sa eskalang kinabibilangan ng aytem. α del. = Cronbach’s α if item deleted. Ang mga aytem na may asterisk ay kasama sa IMP16.
Hanayan 3. Resulta ng EFA ng IMP16 (Pag-aaral 1)
Metodo: Pattern matrix ng exploratory factor analysis gamit ang principal axis factoring extraction technique na may promax rotation, batay sa datos ng unang pag-aaral [Bartlett’s Test of Sphericity , KMO Measure of Sampling Adequacy = .796]. Ang mga factor loading na higit sa 0.30 lamang ang ipinapakita. ITC = item-total correlation sa eskalang kinabibilangan ng aytem. Nawawala ang cross-loading ng mga aytem sa iba pang extraction at rotation method, maging sa replikasyon ng IMP16 sa ikalawang pag-aaral.
Hanayan 4. Replikasyon ng IMP16 (Pag-aaral 2)
Metodo: Pattern matrix ng exploratory factor analysis gamit ang principal axis factoring extraction technique na may promax rotation, batay sa datos ng ikalawang pag-aaral [Bartlett’s Test of Sphericity , KMO Measure of Sampling Adequacy = .750]. Ang mga factor loading na higit sa 0.30 lamang ang ipinapakita. ITC = item-total correlation sa eskalang kinabibilangan ng aytem.
Hanayan 5. Construct Validity ng IMP16
Pearson r correlation coefficient *p < .05, **p < .01, ***p < .001. IMP16: H = Husay, P = Pamilya, S = Sapat. Lahat ng resulta ay batay sa datos ng ikalawang pag-aaral.
Pigura 1. Paunang Balangkas ng Imbentaryo ng mga Motibasyon ng mga Pilipino
Pigura 2. Paghahambing ng Pauna at Panghuling Balangkas ng IMP
Ang mga arrow ay nangangahulugang napasailalim ang mga tema na ipinanukala sa paunang balangkas sa katumbas nilang motibasyon sa panghuling modelo. Ang tema ng interes sa gawain (mula sa kagustuhan) ay napabilang sa husay. May ugnayan din sa pagitan ng husay at pamilya, kaya curved at double-headed ang arrow na nagdurugtong sa kanila.