[DIWA E-Journal Tomo 9, Nobyembre 2024] Sikolohiya ng Kababalaghan sa Karanasang Pilipino

Carl Lorenz Cervantes
Unibersidad ng Pilipinas Diliman at Pamantasang Ateneo de Manila

Abstrak

Ang pananaliksik sa mga pangyayari at kakayahang tinatawag na “kababalaghan” ay mahalaga ngunit madalas na iniiwasang daan patungo sa mas malalim na pag-unawa sa tagpuan ng diwa at kultura. Ang mga pag-aaral na nagawa na tungkol dito, na nanggagaling sa kanluraning larangan ng parasikolohiya, ay kadalasang nakatutok sa paghuli nito sa laboratoryo, hiwalay sa konteksto at pang-araw-araw na karanasan. Ang pag-aaral naman sa mga katutubong karanasan ng kababalaghan, na malimit gamit ang mga kanluraning pamamaraan, ay madalas hindi rin naman pinaniniwalaan, ipinapaliwanag gamit ang mga banyagang konsepto, o kaya naman binabansagang kabulaanan lamang. Sa papel na ito, pag-uusapan ang potensyal na pagsasakatutubo nito, bilang kritikal at kultural na paglapit sa mga nasasalaylayang aspekto ng sikolohiyang Pilipino. Titingnan din ang mga hamon at halaga ng pag-aaral ng kababalaghan. Sana ay mabuksan muli ng papel na ito ang interes ng mga mananaliksik na balikan ang kababalaghan, bilang kaakit-akit, kakaba-kaba, at makabuluhang karanasan ng karaniwang Pilipino.

Mga susing salita: dunong-bayan, kababalaghan, parasikolohiya, penomenong sikiko, sobrenatural

Abstract

Research into phenomena and abilities called “paranormal,” or kababalaghan, is an important yet often ignored path toward a deeper understanding of how consciousness and culture intersect. Studies that have been done on these phenomena, drawing from the Western approach to parapsychology, have focused primarily on experimentation in the laboratory setting, thereby removing experiences from their contexts. Studies done on indigenous experiences of kababalaghan, often using Western methods, are usually disbelieved, explained through foreign frameworks, or denigrated as mere superstition. This paper discusses the possibility of indigenizing the study of kababalaghan, as a critical and culturally competent approach to marginalized aspects of Filipino psychology. Potientials and challenges to studying kababalaghan will also be explored. This paper aims to reignite the interest of researchers about the paranormal, being that it is a fascinating, terrifying, and meaningful experience for the ordinary Filipino.

Keywords: folklore, paranormal, parapsychology, psychic phenomena, supernatural

PANIMULA

“Kababalaghan” ang tawag sa mga pangyayaring hindi madaling maipaliwanag, lalo na ang may halong hiwaga (Cervantes, 2024; Enriquez et al., 1989). Maaaring kulang ang kaalaman tungkol sa kababalaghan dahil nakatago o nagtatago ito mula sa mata ng publiko: minsan ay tinatawag na “kababalaghan” ang mga nagaganap sa personal na buhay ng mga kilalang tao; “kababalaghan” din ang tawag sa mga kubli at katakatakang gawain ng mga taong makapangyarihan. Maaari ring hindi ito maipaliwanag dahil lumalampas na ito sa sakop ng kaalaman mula sa larangan ng agham—sa Ingles, ito ay tinatawag na paranormal dahil ito ay taliwas (para) sa nakasanayan (normal). Ipapakita mamaya na ang nakasanayan/normal ay madalas nakakahon sa pananaw na ang lahat ng proseso at pangyayari ay maipapaliwanag ng mga panukat ng agham. Dito papasok ang mga kakayahan at karanasang kakaiba, tulad ng pagbabasa ng isip o paggalaw ng mga bagay nang hindi ito hinahawakan. Matatawag din na supernatural ang kababalaghan, sapagkat kababalaghan din ang mga bagay na nasa labas (super) ng kalikasang kinabibilangan ng tao at saribuhay (natural)—dito papasok ang diwata, anito, at salamangka. Dahil nga hindi ito madaling maipaliwanag, maaaring nakakatakot ito, kaya “kababalaghan” din ang tawag sa mga nakakakilabot na aklat at pelikula tungkol sa multo, mangkukulam, at aswang. Nauugnay rin ito sa mga lihim na karunungan ng okultismo, at ang mga tinatawag at kinakalaban ng mga albularyo at baylan.

Ang kababalaghan ay kinalakihan na ng maraming Pilipino. Ito ay maaaring nakakatakot o nakakaakit dahil kakaiba. May mga taong nagsasabing “nakakakita” sila ng mga espiritu, o “nakakaramdam” ng mga hindi mawaring presensya. Sa lahat ng mga paaralang pinasukan ko bilang mag-aaral at, kinalaunan, bilang guro, laging may kuwentong kakilakilabot sa campus—mga umiiyak sa palikuran, mga kumukurap na ilaw, mga aninong nahuli sa camera, mga kuwento tungkol sa mga taong nasawi sa sariling kamay o sa kamay ng iba, o kaya naman mga pintuan o “portal” tungo sa ibang mundo. Hanggang sa ngayon ay marami pa ring mga albularyo, surwano, mumbaki, mangkukulam, mambabarang, at baylan sa bayan at bukid. Marami pa ring nagbebenta ng mga anting-anting at gayuma sa labas ng mga lumang simbahan. Nauuso pa rin ang pag-iimbestiga ng kababalaghan sa mga palabas sa telebisyon, lalung-lalo na tuwing papalapit na ang Halloween. Madalas ding nababalita ang mga sinasapian, tulad ng nangyari sa 200 estudyante sa Bohol noong 2023 (Del Rosario, 2023), sa tatlong magkapatid sa Kabangkalan, Negros Occidental noong 2025 (Garcia, 2025), at live sa ere noong 2022, nang sapian diumano ang isang babae sa palabas na “Lunch Out Loud” (One PH, 2022). Kung pagbabasehan lang ang mga nababalitaan, tila madalas itong nangyayari sa Pilipinas. Dahil na rin dito ay sa Pilipinas itatayo ang unang sentro ng exorcism sa Asya (Gregorio, 2022).

Madalas ay sinasabing kathang-isip lamang ang mga kuwentong makababalaghan, ngunit taglay din nito ang kaalamang bayan, na naging bahagi na ng kinagisnang sikolohiya. Sa mga kuwentong-bayan at katutubong paniniwala nalalaman ang tamang patakaran tuwing daraan sa magubat na lugar, kung papaano makiusap sa nagpaparamdam na presensya, o kung ano ang maaaring kahulugan at kahalagahan ng mga kutob at panaginip. Sa mga ritwal din tinatawag ang mga makababalaghang karanasan. Minsan, ang pinanggagalingan natin ng kaalaman ay hindi tao, kundi panaginip, pagpaparamdam, o di-maipaliwanag na kutob. Hindi kinakailangang maniwala sa sabi-sabi, ngunit sa sabi-sabi rin naman nagsisimula ang pagtataka, at sa pagtataka nagsisimula ang makabuluhang pananaliksik (Bulatao, 1992).

Ang usapin ng kababalaghan ay madalas nagdadala ng takot, kilabot, o pangamba. Kung minsan naman ay ginagamit din ito upang manloko o mansamantala ng iba, tulad na lang ng mga nanghihingi ng libo-libo upang tanggalin ang barang. At, sa mga nakakaranas ng mga kagimbal-gimbal na kababalaghan, maaaring mahirap ding humingi ng tulong, sa takot na husgahan ng iba. Sa papel na ito, kikilalanin ang kababalaghan bilang tagpuan ng diwa at kultura. Ang paglapit natin sa paksang ito ay mula sa larangan ng sikolohiya, hindi upang mag-diagnose ng karamdaman, kundi upang hanapin ang ugnayan ng karanasang makababalaghan at sikolohiyang Pilipino. Sa ganitong paraan makakapa ang mga madidilim na sulok ng ating diwang kultural na hindi pa gaanong nasisilayan ng liwanag.

KUNG PAPAANO NAPAG-AARALAN ANG KABABALAGHAN

Ang pagsuri sa kababalaghan ay madalas isinasalaylayan. Sabi nga ni Mason (1897/2011), lampas isang daang taon na ang nakalipas:

The outlying fields of psychology, which are now the subject of psychical research, are comparatively a new and unexplored region, and until within a few years it has been considered a barren and unproductive one, into which it was silly, disreputable, and even dangerous to enter; the region was infested with dream-mongers, spiritualists, clairvoyants, mesmerists, and cranks, and the more vigorously it was shunned the safer would he be who had a reputation of any kind to lose.

[Sa laylayan ng sikolohiya, na ngayon ay pinag-aaralan para sa kababalaghan nito, ay bago at hindi pa natatahak, at magpahanggang ngayon ang pananaw dito ay nawalan ito ng saysay, at na hindi karespe-respeto at delikadong pumasok dito; ang larangang ito ay namumutiktik sa manghuhula at manloloko, at mas mabuting sumpain ito ng lahat ng nais mangalaga sa kanilang reputasyon. Salin ng may-akda.]

Gayunpaman, hindi nito napigilan ang sinumang interesado sa paksang ito, kahit na sila rin ay madalas na kinukutya. Sa pandaigdigang literatura, ang pang-akademikong pagsuri sa kababalaghan ay tinatawag na parasikolohiya, o parapsychology. Ayon kay Rhine (1934), na nakilala bilang isa sa mga batikang mananaliksik sa larangang ito, kabilang sa mga maituturing na kababalaghan ay ang mga kakayahang makakuha ng kaalaman na hindi gamit ang mga pandama (hal. telepatiya), mga pangyayaring pisikal na hindi maipaliwanag gamit ang mga kilalang batas ng kalikasan (hal. telekinesis, paglutang), mga hindi maipaliwanag na bagay na nangyayari sa katawan ng tao (hal. stigmata), at mga pangyayaring nakikita rin sa sikiyatriya (hal. pagsapi). Ang madalas na pamamaraan ng pananaliksik sa parasikolohiya ay pagpasok sa laboratoryo. Doon ay tinitingnan kung papaano naaapektuhan ng kapangyarihang sikiko o psychic (“psi”) ang pisikal na mundo. Kinakailangan ay mataas ang pamantayan ng mga mananaliksik sa larangang ito: upang kilatisin kung kalokohan o pandaraya lang ang ginagawa ng ilang nagsasabing sila raw ay may kakaibang kakayahan, kinakailangang ayusin at linawin ng mga mananaliksik ang balangkas ng kanilang pag-aaral at ang katatagan ng kanilang mga kasangkapan. Sa ganitong paraan ay maraming naiambag ang larangan ng parasikolohiya sa mga ginagamit na eksperimental na paraan at pagsuri, tulad ng meta-analysis, na unang ginamit ni Rhine, bago pa man ito nagamit sa larangan ng medisina (Watt, 2016). Samakatuwid, ang pananalig ng mga mananaliksik sa parasikolohiya ay nakayanang mahuli at masukat ang kababalaghan—anumang karanasang makababalaghan ay ang hindi pa naipapaliwanag sa ngayon, at maaaring maipaliwanag din sa wakas gamit ang mga batayang pang-agham.

Iba naman ang pagtingin ni Enriquez et al. (1989), na hiniwalay ang parasikolohiya sa kababalaghan. Ayon sa kanila, ang sakop ng parasikolohiya ay mapag-aaralan sa laboratoryo, samantalang ibang iba pa ang mga karanasang makababalaghan ng kulturang Pilipino. Sakop ng parasikolohiya ang kutob (na kanilang inihalintulad sa persepsyong ekstrasensori, o ESP), panghuhula, telepatiya, sikokinesis, at pakikipag-usap sa kaluluwa. Ang lahat ng ito ay maaaring masukat bilang likas na kakayahan ng tao. Posible na ang utak ay radyong nakakahatid at nakakatanggap ng kaalaman, o kaya naman ay mayroong karagdagang pandama na hindi pa nahahanap (ang tinatawag na “sixth sense”). Ngunit, ayon din sa kanila, hindi pa nasisigurado ang pagpapaliwanag ng mga ito, at madalas ang mga lumalabas na resulta ay “kabulaanan lamang.” Ang “kababalaghan” naman ay ang “di-pangkaraniwan at di-kapanipaniwalang bagay o pangyayari” (Enriquez et al., 1989). Kabilang dito ang katutubong panggagamot at panggagamot batay sa paniniwala, paggamit ng puting bato, pagsapi ng espiritu, mga lamang-lupa, kulam, usog, anting-anting, mutya, at gayuma. Ang mga ito raw ay wala pang maayos na paliwanag. Ang tala ng mga kababalaghang maaaring suriin ay makikita sa ibaba.

Talahanayan 1. Mga Kababalaghang Maaaring Suriin

Sa monograp nina Enriquez et al. (1989), hindi klaro kung ano ang ugnayan nito sa Sikolohiyang Pilipino (SP), ngunit mahalaga ngang naipakitang nangyayari ang mga ito at nararapat pag-aralan. Nabigyan ng linaw kung ano ang masusukat ng agham, at kung ano naman ang mas mahirap hulihin. Para naman kay Rhine (1934), at sa mga sumunod sa kaniya, lahat ng mga ito ay kababalaghan; lahat ay maaaring pag-aralan gamit ang mga pamamaraan at kasangkapan ng agham. Tila nagkakaroon ng hidwaan sa pagitan ng mga kababalaghang madadakip sa laboratoryo, at sa mga kababalaghang lumalampas sa mundo ng tao at dumadayo sa mundo ng diwata at salamangka. Ang kababalaghan bilang paranormal ay mapag-aaralan sa pamamaraang eksperimental; samantalang ang kababalaghang supernatural ay mas maiging tingnan sa pamamagitan ng kultura.

Matagal na ring nasimulan ang pag-aaral sa kababalaghan, at tila wala pang gaanong nagbabago sa pananaw ng mga mananaliksik at pangkaraniwang tao tungkol dito. Maaaring ang pag-aatubiling ito ay nanggagaling sa nananaig na pananaw, na ginagawang pamantayan upang pag-aralan ang lahat ng karanasang pantao.

Ang Nananaig na Pananaw

Mula sa kanluraning pamimilosopiya, nabuo ang ilang mga paniniwala sa agham: na ang mga bagay sa mundo ay may katangian kahit hindi ito obserbahin (realism), na hiwa-hiwalay ang mga bagay na ito at hindi naapektuhan ang isa’t isa (locality), at na kung maaapektuhan man ng isang bagay ang ibang bagay, kinakailangang magtagpo ang mga ito (causality). Dito rin nanggaling ang mga saligan ng modernong agham: na lahat ng bagay ay masusuri bilang makina (mechanism), na lahat ng bagay ay mailalarawan sa loob ng lugar at panahon (physicalism), na lahat ng bagay ay materyal (materialism), at na lahat ng bagay ay maipapaliwanag kung aalamin natin ang pinakamaliit na pangyayari (reductionism). At kahit na mayroong naoobserbahang taliwas sa mga saligang ito (hal. bukod pa sa mga kababalaghang naitatala sa larangan ng parasikolohiya, mayroon ding makababalaghang pangyayari sa quantum physics), patuloy ang pagkutya sa mga kuwento ng hiwaga at himala (Radin, 2018). Ang parasikolohiya nina Rhine (1934), na magpahanggang ngayon ay nagpapatuloy sa Kanluraning at pandaigdigang pananaliksik, ay limitado sa batayang materialist-reductionist.

Bukod pa rito, nahaharap din ang larangang ito sa mala-kolonyal na pananaw, sapagkat ang hindi maunawaan ng banyaga, gamit ang kaniyang mga kasangkapan at pamantayan, ay kaniyang tinatawag na “primitibong pamahiin,” at hinihiwalay niya sa “sibilisadong” mundo bilang “pagan” at “animist” (Wilkinson, 2017). Maraming tradisyong katutubo ay pamamaraan upang makamit ang makababalaghang pakikipag-ugnayan—sa mga diwata, anito, laman-lupa, at kapwa salamangkero. Panahon pa ng mga Kastila at Amerikano ay hinihiwalay na ang mga Krisiyanong taga-lungsod sa mga “wild non-Christian tribes” na malayo sa siyudad—giit ni Acabado (2025) na ito pa rin ang pananaw sa mga katutubo, o Indigenous People (IP), na itinatangi sa kultura ng “majority Filipino.” Kung mamamayagpag ang ganitong pagtingin sa mga IP, magpapatuloy ang paniniwalang napaglipasan na ng panahon ang kanilang mga “primitibong” paniniwala at tradisyon. Magpapatuloy ang kanilang pagsasalaylayan, at ang pagsakop ng kanilang mga lupain at pagbura ng kanilang katutubong kultura. Pinuna ni Nelmida-Flores (2021) ang pananaw na ito sa agham panlipunan, kung saan pinaghihiwalay pa rin ang edukadong taga-lungsod (“urban”) sa mga di nakapag-aral na taga-bukid o taga-bundok (“folk” o “rural”). Ito rin ang kritisismo ni Nelmida-Flores (2021) sa tinatawag na kamalayang “split-level” ni Bulatao (1992), kung saan nasa itaas ang kanluraning pamumuhay, at nakatago naman sa ilalim ang katutubo at kinagisnan. Sa akda ni Ramos (1990), kung saan pinaglaban niya ang paggamit ng mga katutubong paniniwala sa mga paaralan upang isakonteksto ang mga paksang tinuturo sa mga bata, sinabi rin niyang hadlang sa mabuting edukasyon ang mga katakot-takot na paniniwalang makababalaghan. Maari raw maging bahagi ng pagturo ng agham ang pagsira ng mga punso upang hanapin ang mga nuno at duwende—at kung walang makita ang mga bata, mawawala rin ang kanilang takot sa pamahiin. Ang pamahiin ay magiging simbolo na lamang, at hindi na bahagi ng ating pang-araw-araw na pamumuhay.

Nakikita rito ang haka-hakang hidwaan sa pagitan ng dalawang panig: sa isang kamay, ang kanluranin, taga-lungsod, at maka-agham; sa kabilang kamay, ang katutubo, pagano/animistiko, taga-probinsya, at di-edukado. Malala ang ganitong pananaw, dahil sinisiguro nito ang agarang pagbura ng mga maka-Pilipinong pananaw sa mundong kaniyang kinagagalawan. Malalim ang mala-kolonyal na sugat nito. Ito ay tinatawag ni Enriquez (1994) na “cultural domination,” kung saan ang mga katutubong paniniwala ay pilit na binubura, niyuyurak, o pinapalitan ng kahulugan upang maitaguyod ang mga layuning kolonyal. Mahalagang klaruhin na ang paghingi ng ebidensya ay bahagi ng mapanuring pananaliksik. Ngunit, nararapat lamang pansinin kung ano nga bang klase ng ebidensya ang tinuturing na “lehitimo,” kung ano ang isinasantabi, at kung saan nagmumula ang batayang ito. Mahalagang punahin ito sa pag-aaral ng kababalaghan, na madalas nakatali rin sa paniniwala, ritwal, panaginip, kuwento, at sining ng sari-saring mga komunidad. Ang ambag ng maka-SP na paglapit ay ang pagsasakonteksto ng mga karanasang ito, hindi lang bilang sanhi ng pagkasira ng bait o kakulangan sa pag-aaral tulad ng minumungkahi ng mala-kolonyal na pananaw, kundi bilang mahalagang bahagi ng pang-araw-araw na buhay. Ang pag-aaral ng kababalaghan sa pamagitan ng SP ay maaaring paghamon sa dekontekstwal na pananaw ng materialist-reductionist. Maaari itong maging pagtutol sa mababang pagtingin sa mga paniniwalang “folk” o “katutubo.” At maaari rin itong maging ambag sa mas malawak at makabuluhang sikolohiya ng tao, mula sa mga kakaibang karanasang madalas isinasantabi, pinagtatawanan, kinatatakutan, o isinusumpa ng “lahat ng nais mangalaga sa kanilang reputasyon” (Mason, 1897/2011).

PAGSASAKONTEKSTO: SIKOLOHIYA NG KABABALAGHAN

Masukat man o hindi ang kababalaghan sa kulturang Pilipino, binibigyan pa rin ito ng halaga ng karaniwang tao. Hindi ito nakakahon sa laboratoryo; bahagi rin ito ng kultura, ng pakikipag-ugnayan sa kapwa-tao, kalikasan, at hiwaga. Ngunit hindi rin naman isinasantabi ang pananaliksik sa laboratoryo—ang mahalaga ay naibabalik ang pagbabasa nito sa tamang konteksto. Sa huli, bilang mga mananaliksik, tayo ay nagtataka, at sa ating pagtataka, tayo ay magtatangkang lumapit at mangangapa. Dito nagsisimula ang makabuluhang pananaliksik, at dito rin maiuugnay ang pag-aaral ng kababalaghan sa mga katutubong metodo na ginagamit na sa paglinang ng SP. Ang alay at alok ng papel na ito ay makabuluhang pagtingin sa kababalaghan, na isinasakonteksto ang karanasan sa kultura—ang Sikolohiya ng Kababalaghan, na maaaring pumaloob din sa mas malawak na larangan ng SP.

Sa Sikolohiya ng Kababalaghan, dalawa ang minumungkahing lapit. Una, ang pagbibigay kahulugan sa karanasang makababalaghan gamit ang mga talinghaga ng kultura. Dito maaaring galugarin ang lalim, lawak, at abot ng kamalayan ng tao. Mahalaga rin ito sa sikoterapiya. Pangalawa, ang pag-aaral ng mga tradisyong katutubo bilang maka-kapwang ugnayan sa kababalaghan.

Pagbibigay Kahulugan sa Talinghaga at Karanasan

Sa loob ng sikolohiyang pang-klinika, madalas ding dinadala ng mga Pilipino ang kababalaghan. Ang mga nakakabahalang kababalaghan ay tinatawag nina Grof at Grof (1986/1993) na “Spiritual Emergencies.” Ang mga ito ay kakaibang karamdaman na binabaluktot o iniiba ang ating pandama, pag-iisip, at damdamin. Hindi ito naipapaliwanag ng kapinsalaan sa utak o sakit sa katawan, at madalas itong nabibigyan ng kahalagahan sa buhay ng taong nakararanas nito. Ang mga ilan na kasama rito ay ang pagkamulat sa mundong espiritwal (na tinatawag nilang Kundalini Awakening), pagpasok sa masalimuot na proseso ng pagka-baylan (Shamanic Journey o initiatory illness), pagbukas ng sarili sa kakayahang labas sa ordinaryong kakayahan ng katawang tao (Psychic Opening, o kung sa atin pa ay ang pagbukas ng “Third Eye”), at sapi. Sa Pilipinas, maaaring magkaiba ang inaasahan ng tao sa paglunas ng mga kasong ganito sa alam niyang maibibigay ng sikologo, kaya naman ay mas pipiliin na lang niyang lumapit sa albularyo (Tuliao, 2014).

Ngunit hindi rin naman lahat ng Spiritual Emergency ay masama, tulad ng nakita nina Ang at Montiel (2019). Maaari ngang ito ay dulot ng kahinaan sa kalooban ng tao, tulad ng pinaninindigan ng ilang mga sikolohista at pari, ngunit para naman sa mga animistiko, maaaring pinili ng espiritu ang pumasok sa taong iyon, upang magbigay ng mahalagang mensahe. Ang diskarte ni Bulatao (1992) sa mga kaso ng sapi ay ang paggamit ng mga katutubong pamamaraan: habang sinasapian ang tao, nakikipag-areglo siya sa espiritu. Inuunawa niya ang kinakailangang gawin ng tao upang tuluyan nang umalis ang sumasaping nilalang. Aniya, madalas ay mayroong hindi maharap ang taong sinasapian, kaya mayroong tagasalo—isa pang bahagi ng kaniyang pagkatao, na nagpapakilala bilang duwende, santo, anghel, at iba pa (Bulatao, 1992). Maaari namang “dissociation” din talaga ito, ngunit ayon kay Bulatao, kung malakas ang katotohanan ng duwende, santo, o anghel, mas mabuting iyon na lang ang wikang gamitin ng sikologo. Hangga’t wala pang nahuhuling duwende, hindi natin masasabing totoo sila; ang alam lang natin ay may lakas na hindi natin maunawaaan, na binibigyan ng pangalang “duwende.” Upang kausapin ang kubling-malay, dapat daw ay gamitin ang wika nito—at kung ginagamit nito ang metapora ng “espiritu,” ito rin ang nararapat na gamitin. Kung agarang pagsasabihan ang taong nakakaranas ng kababalaghan na guni-guni lang ito, maaaring magpatuloy ang karanasan, pero hindi na ito ipapamahagi.

Maka-kapwa rin ang paggamit ng mga metapora ng kultura. Sa sikolohistang may cultural competence, mahalagang unawain ang wika at paniniwala ng kaniyang ginagabayan (Kirkmayer, 2012). Ano nga ba ang naipapahiwatig ng batang nakakikita at nakikisalamuha sa mga engkanto? Masasabing pananakot lang ito ng mga nakatatanda sa mga pasaway na bata, ngunit nakikita rin nating ginagamit ng mga bata ang engkanto upang intindihin ang kanilang mga pinagdaraanang kahirapan sa buhay (Mitchell & Mitchell, 2011). Ang pakikisalamuha ng mga bata sa mga lugar na sira-sira at delikado ay pakikipagsapalaran sa mga engkanto, at paminsan-minsan, sa mga masusungit at hindi mapagkatiwalaang matatanda, na tatawaging “aswang.” Maaaring suriin ang mga halimaw bilang manipestasyon ng karahasan (hal. aswang, white lady) o sekswalidad (hal. tiyanak, lalo na sa usapin ng abortion). Dala rin ng ilang mga lugar ang hindi maihayag na trauma, at ito ang nagiging kababalaghan ng mga nananaghoy na ulilang alaala (Evasco, 2000).

Karamihan sa kababalaghang nararanasan ng karaniwang Pilipino ay binibigyang kahulugan sa konteksto ng kaniyang pinaniniwalaan—umaayon man ito sa institusyonal na relihiyon o kahit sa turo ng nakatatanda lang. Ayon kay Bautista (1999/2019), mahalagang pag-aralan ang mga pinaniniwalaan ng Pilipino bilang landas patungo sa mas makabuluhang pagkakaunawa sa diwang kultural at sa pagkamit ng ginhawa, lalo na sa larangan ng sikoterapiya. Kasama rito ang nagbabagong antas ng malay-tao (altered states of consciousness, o ASC), kababalaghan (sakop dito ang kulam at aswang), at katutubong panggagamot. Ito rin ang sabi ni Bulatao (1992), na iminungkahing isama sa curriculum ng mga nais maging sikolohista ang kababalaghang Pilipino. Walang kinikilingang pag-anib sa anumang relihiyon ang ganitong paglapit; saklaw nito ang samu’t saring paniniwala sa mga anito at diyos, pati na rin ang konsepto ng probidensya (Bautista, 1999/2019). Mga Kristiyanong exorcist sa Pilipinas na rin ang nagsasabing kinakalaban din nila ang kulam at laman-lupa (Syquia, 2015). Sari-sari ang pagpapakahulugan, na nakatali sa kinagisnang sikolohiya—ang anito ng isa ay santo ng iba. Papaano ito nakikilala sa buhay ng tao? Papaano nito ginagabayan ang kanilang pang-araw-araw na pamumuhay? Ito ang ilan sa mga tanong na maaaring gamitin sa pagsisiyasat.

Pagkamaka-kapwa ng Tradisyong Katutubo

Ang konsepto ng “kapwa” ay sinasabing nasa buod ng pagkataong Pilipino (Enriquez, 1992). Ito ang pagkilala ng sariling pagpapakatao sa pagpapakatao ng iba, o “self-in-the-other” (De Guia, 2005). Ang ugnayang maka-kapwa ay hindi limitado sa antas ng tao-sa-tao, ngunit umaabot din sa ugnayang tao-sa-kapaligiran (Wong & Salazar, 2025). Nakikita sa mga Indigenous Knowledge Systems and Practices (IKSP) ang pakikipagkapwa ng mga katutubo sa kalikasan, pati na rin sa mga espiritong nakikipanirahan doon (De Guia, 2017/2018). Dito rin patungo ang pangangalaga ng kalikasan, at tulad ng sabi ni Meneses (2019), maiging buhayin ang pakikipagkapwa sa pangangalaga ng kapaligiran, tulad na lamang ng ginagawa sa mga tradisyong katutubo. Sa paniniwalang katutubo, ang ating personal na kaginhawaan, kalusugan, at kasaganaan ay nakasalalay sa pagpapanatili ng pagkakasundo ng sarili sa mga lakas na pumapaligid sa atin (Fajardo & Pansacola, 2013; Imbong, 2024). Sa gayon, ang pakikipagkapwa ay hindi lamang para sa kapwa-tao, kundi pati na rin sa kapwa-nilalang, mapa-hayop, halaman, o, kung minsan, engkanto, duwende, anito, at laman-lupa.

Ang pagbanggit ng “Tabi tabi po” ay sinasabi rin kapag kinakailangan nating dumaan sa mataong lugar, upang hindi makabangga ng ibang tao. Maaaring sabihin na “mabigat” o “magaan” ang loob sa ibang tao, depende sa ating pakikiramdam sa kanila. Ito rin ang sinasabi tuwing nakukutoban na tila may presensya sa lugar, na para bang mayroong mga lugar na “nakakabigat” sa pakiramdam. Ang paghain ng pagkain para sa pagpapagaling ng taong may sakit ay nakaangkla sa paniniwalang nainsulto o nasaktan ang espiritong nagdulot ng sakit (Meñez, 1978)—hindi ba’t ito ay katulad na rin ng pagbawi sa kaibigang nasaktan? Sa mga Ifugao, binibigyan ng moma o nganga ang mga bisita na sumasagisag sa mainit na pagtanggap; ito rin ay ginagawa ng mga mumbaki sa kanilang pakikipag-ugnayan sa mga espiritu (Salvador-Amores & Martin, 2023). Bago magtayo ng bahay, nag-aalay din ng pagkain para sa mga espiritu para magpaalam sa kanila; pinapakiramdaman din ng baylan ang magiging sagot ng mga espiritu, kung pumapayag man sila o hindi (McAndrew, 2001; Sodusta, 1983). Paminsan din ay pumapasok sila sa tinatawag na altered state of consciousness, kung saan maaaring sumanib ang espiritu sa baylan, o “lumipad” ang kaniyang diwa upang makipag-ugnayan sa mga ito. Hindi ba’t ang mga ito ay pakikipagkapwa sa mga puwersang makababalaghan?

Kung gayon, maaaring tingnan ang pakikipagkapwa hindi lamang sa antas ng tao sa tao; kundi pati na rin sa antas ng pakikipag-ugnayan at pakikiramdam ng tao sa mga kababalaghang pumapalibot sa kaniya. Ang pagsasakonteksto ng pag-aaral sa kababalaghan ay maaaring gumamit ng mga katutubong paglapit, tulad ng pagdalaw-dalaw at pakikipanuluyan, upang maranasan din ng mananaliksik ang kababalaghan sa konteksto nito. Ang mga ritwal ng mga katutubo at ng mga albularyo sa lungsod ay mga pamamaraan tungo sa paglampas at paglipad ng kamalayang tao, upang maranasan ang makababalaghang ugnayan sa mga lakas na hindi nakatali sa mundong materialistiko (Eliade, 1951/2004). Samakatuwid, hindi nga mahihiwalay ang karanasang kababalaghan sa kultura, dahil mayroon nang mga kultural na lapit sa kababalaghan, at kung pag-aaralan ang kababalaghan, maiging isakonteksto ito, at kilalanin sa pamamagitan ng mga pamamaraang nakaugat sa katutubong karanasan (Hunter, 2010). Mahalaga ring alamin kung papaano nakikita ang mga kababalaghang ito sa panahon ng internet, kung saan ang mga albularyo ay may Facebook page na rin, at ang kulam ay nababayaran gamit ang e-wallet.

BUOD

Sa karanasang Pilipino, pinapakahulugan ang mga kababalaghan bilang pakikipagkapwa natin sa mga tagong lakas at nilalang na pumapalibot sa kapaligiran. Ang tao ay bahagi ng mundong kaniyang kinagagalawan, at hindi nahihiwalay sa hiwaga nito. Kakaunti pa lang ang nagiging pag-aaral sa mga katutubong manipestasyon ng kababalaghan. Maaaring ito ay panghihinayang na dala ng nananaig na pananaw, na nililimita ang pananaliksik sa kababalaghan sa pananaw na materialist-reductionist, o, sa talinghaga ni Bulatao (1992), tao-bilang-nilagang-itlog. Ngunit ang pagdanas, pagpapatotoo, at pagpapaliwanag ng kababalaghan ay hindi nahihiwalay sa konteksto, kaya kung ito ay pagaaralan, nararapat lamang na tingnan ito gamit ang katutubong paglapit at katutubong pagpapakahulugan.

Sinabi ni Banzuela (1973) na mukhang walang interes ang mga Pilipinong mananaliksik sa paksa ng kababalaghan, kaya nauuwi sa haka-haka lamang para sa mga hindi naniniwala at sa kaisipang panatisismo naman sa mga naniniwala. Muli, ang pag-aaral ng kababalaghan ay magbibigay ng puwang sa mga karanasang pantao na madalas isinasantabi, o tinuturing na haka-haka o guni-guni lamang. Ang pag-aaral ng kababalaghan sa karanasang Pilipino ay gumagana sa pamamagitan ng katutubong pananaw, ngunit hindi ito nakakahon sa katutubong karanasan lamang. Nakikita natin na ang kababalaghan ay matagal nang pinag-aaralan sa larangan ng sikolohiya, bilang karanasang pantao, kahit na ito ay nalilimitahan ng kanluraning paglapit na materialist-reductionist. Mahalagang ambag sa ating pag-unawa sa karanasang pantao ang pagbibigay liwanag sa kababalaghan. Sa wakas, tulad ng sabi ni Bulatao (1992), sana ay maunawaan na rin natin na ang mga karanasang ito ay hindi talaga nakakatakot o lampas sa pamamahala ng sariling kamalayan at isipan, kundi tunay na kapangyarihang mapag-aaralan. Ayon din kay Bulatao (p. 90), kung nais maunawaan ng SP ang diwang Pilipino, mahalaga na tayo ay maging dalubhasa sa kababalaghan: bilang bagay na pinagaaralan, at bilang paraan mismo ng pananaliksik sa lalim at lawak ng karanasang pantao (hal. sa pamamagitan ng ritwal). Sana ang papel na ito ay maging panibagong panawagan para sa mga kinawiwilihan din ang mga ganitong paksa. Marami pang tanong ang kinakailangang sagutin, at ang pagpasok sa kadiliman ng gubat na ito ay isang pakikipagsapalaran.

Mga Sanggunian

Acabado, S.B. (2025). When the native is not indigenous: Beyond colonial definitions of indigeneity. Sa S.B. Acabado & M.M. Martin (Eds.), More indigenous than we admit: Rethinking encounters, histories, and the politics of indigeneity (pp. 5-25). Vibal Foundation, Inc.

Banzuela, P.L. (1973). Mga kababalaghan at ang parasikolohiya. Sa V.G. Enriquez, P. Banzuela, & M.C. Galang (Eds.), Tao at lipunan (pp. 89-99). Echanis Press, Inc.

Bautista, V.V. (2019). Gamit at etika ng sikolohiyang pangrelihiyon (Sinundan ng talakayan ng papel). Sa R. Pe-Pua (Ed.), Handbuk ng Sikolohiyang Pilipino Bolyum 2: Gamit (pp. 273-284). The University of the Philippines Press. (Unang paglimbag 1999)

Bulatao, J.C. (1992). Phenomena and their interpretation. Ateneo de Manila University Press.

Cervantes, C.L. (2024). Philippine parapsychology. Explore, 20(3), 411-416. https://doi.org/10.1016/j.explore.2023.10.006

De Guia, K. (2005). Kapwa: The Self in the Other. Anvil Publishing, Inc.

De Guia, K. (2018). Connected with All Life—The enduring Filipino kapwa orientation, the

Filipino shared self in a postmodern context (Kaugnay ng buhay—Ang walang kupas na oryentasyong kapwa ng mga Pilipino sa kontekstong postmodern). Sa R. Pe-Pua (Ed.), Handbuk ng Sikolohiyang Pilipino Bolyum 1: Perspektibo at metodolohiya (pp. 310-328). The University of the Philippines Press. (Unang paglimbag 2017)

Del Rosario, P. (2023, September 17). 200 estudyante nangisay, nahimatay sa Bohol, sinapian ng masamang espiritu? Bandera. https://bandera.inquirer.net/362695/200-estudyante-nangisay-nahimatay-sa-bohol-sinapian-ng-masamang-espiritu 

Eliade, M. (2004). Shamanism: Archaic techniques of ecstasy. Princeton University Press. (Unang nailimbag 1951)

Enriquez, V.G., Balde, P.J., & Bernardo, M.A. (1989). Ang kababalaghan at parasikolohiya. Akademya ng Sikolohiyang Pilipino.

Enriquez, V.G. (1992). From colonial to liberation psychology: The Philippine experience. The University of the Philippines Press.

Enriquez, V.G. (1994). Pagbabagong-dangal: Indigenous psychology & cultural empowerment. Akademya ng Kultura at Sikolohiyang Pilipino.

Evasco, E.Y. (2000). Sa pusod ng lungsod: Mga alamat, mga kababalaghan bilang mitolohiyang urban. Humanities Diliman, 1(1), 69-91. https://journals.upd.edu.ph/index.php/humanitiesdiliman/article/view/13

Fajardo, B.S. & Pansacola, M.A.V. (2013). Hilot: The science of the ancient Filipino healing art. Anvil Publishing, Inc.

Garcia, K. (2025, January 8). Tatlong magkakapatid, magkakasunod umanong sinapian ng masamang espirito? Balita. https://balita.mb.com.ph/2025/01/08/tatlong-magkakapatid-magkakasunod-umanong-sinapian-ng-masamang-espirito/

Gregorio, X. (2022, June 8). ‘Asia’s first’ exorcism center to rise in Philippines. Philstar Global. https://www.philstar.com/headlines/2022/06/08/2186940/asias-first-exorcism-center-rise-philippines

Grof, C. & Grof, S. (1993). Spiritual emergency: The understanding and treatment of transpersonal crises. Sa R. Walsh & R. Vaughan (Eds.), Paths beyond the ego: The transpersonal vision (pp. 137-144). Jeremy P Tarcher/Penguin.

Hunter, J. (2010). Anthropology & the paranormal: What’s the point? Paranthropology, 1(1), 2-3. https://paranthropologyjournal.weebly.com/uploads/7/7/5/3/7753171/paranthropology_vol_1_no_1.pdf

Imbong, J.D. (2024). Towards a Mindanawon/Lumad philosophy: The Filipino philosophy of Bro. Karl Gaspar, CSsR. ALETHEIA Printing and Publishing House.

Kirkmayer, L.J. (2012). Rethinking cultural competence. Transcultural Psychiatry, 49(2), 149-164. https://doi.org/10.1177/1363461512444673

Mason, R.O. (2011). Telepathy and the subliminal self. Project Gutenberg. https://www.gutenberg.org/cache/epub/37203/pg37203-images.html (Unang nilimbag 1897)

McAndrew, J.P. (2001). People of power: A Philippine worldview of spirit encounters. Ateneo de Manila University Press.

Meneses, K. (2019). Pakikipagkapwa: A Filipino value in an attempt to counter biodiversity and cultural diversity loss. Solidarity: The Journal of Catholic Social Thought and Secular Ethics, 8(1), Article 3. https://researchonline.nd.edu.au/solidarity/vol8/iss1/3

Meñez, H.Q. (1978). Encounters with spirits: Mythology and the Ingkanto syndrome in the Philippines. Western Folklore, 37(4), 249-265. https://www.jstor.org/stable/1499205 

Meñez, H.Q. (1978). Encounters with spirits: Mythology and the Ingkanto syndrome in the Philippines. Western Folklore, 37(4), 249-265. https://www.jstor.org/stable/1499205 

Mitchell, L.M. & Mitchell, M. (2011). Enchanted worlds: Visayan children’s perspectives on living among engkanto. The Asia Pacific Journal of Anthropology, 12(2), 113-128. https://doi.org/10.1080/14442213.2010.542772

Nelmida-Flores, M.C. (2021). The folk in Filipino Catholic Christianity. Banwaan, 1(1), 1-28. https://journals.upd.edu.ph/index.php/Banwaan/article/view/8554

One PH (2022, June 23). Mga lapitin ng sanib [Video]. YouTube. https://www.youtube.com/watch?v=lrH8TtpdGCE

Ramos, M.D. (1990). The creatures of lower mythology. Phoenix Publishing House.

Rhine, J.B. (1934). Extra-sensory perception. Boston Society for Psychic Research. https://sacred-texts.com/psi/esp/index.htm

Salvador-Amores, A.V. & Martin, M.M. (2023). Becoming a mumbaki: Ritual change and continuity in contemporary Ifugao society, North Luzon, Philippines. Cordillera Studies Center.

Sodusta, J.L. (1983). A Jamoyawon ritual: A territorial concept. The University of the Philippines Press.

Syquia, J.F.C. (2015). Exorcism: Encounters with the paranormal and the occult (Rev. Ed.). St Pauls Philippines.

Tuliao, A.P. (2014). Mental health help seeking among Filipinos: A review of literature. Asia Pacific Journal of Counseling and Psychotherapy, 5(2), 124-136. https://doi.org/10.1080/21507686206.2014.913641

Watt, C. (2016). Parapsychology: A beginner’s guide. Oneworld.

Wilkinson, D. (2017). Is there such a thing as animism? Journal of the American Academy of Religion, 85(2), 289-311. https://doi.org/10.1093/jaarel/lfw064

Wong, M.A. & Salazar, A.D., Jr. (2025). The environment as kapwa: Decentering the self through the exploration of human and more-than-human entanglements in Hiligaynon ecopoetry. Sa I. Ribó (Ed.) Posthuman Southeast Asia: Ecocritical entanglements across species boundaries. The Rowman & Littlefield Publishing Group, Inc. doi.org/10.5771/9781666933031

Yabut, H.J. (2019). Tungo sa sikolohikal na pananaliksik ng espiritwalidad at relihiyon sa sikolohiyang Pilipino. Diwa, 7, 1-9. https://www.pssp.org.ph/diwa/wp-content/uploads/2019/11/1-Artikulo-Yabut.pdf