[DIWA E-Journal Tomo 8, Nobyembre 2022] Paningkamot-Paninguha: Buhay Mag-aaral sa Isang Virtual na Klasrum sa Gitna ng Pandemyang COVID-19
Erwin R. Bucjan, PhD at Mardie E. Bucjan, PhD
Departamento ng mga Wika
North Eastern Mindanao State University, Tandag City, Surigao del Sur
Abstrak
Pangunahing layunin ng pag-aaral na itong mailarawan ang karanasan ng mga mag-aaral sa flexible learning online modality dulot ng pandemya. Layunin din ng pag-aaral na matukoy ang mga karanasan, natutuhan, at tugon sa pag-aaral sa hamon ng pandemya. Ito ay isang kalitatibong disenyo ng pag-aaral. Penomenolohiya ang paraan sa pananaliksik at purposive sampling ang ginamit sa pagpili ng mga siyam (9) na impormante upang maging kalahok sa focused group discussion o FGD. Napag-alaman na hindi madali ang naging karanasan ng mga mag-aaral sa pagkatuto. Nahahati ang kanilang atensiyon sa pag-aaral at responsabilidad bílang anak sa loob ng tahanan. Nagkaroon din ng pagbabago sa pag-uugali bílang anak at mag-aaral. Natutong maglaan ng sapat na oras para sa gawaing bahay at gawain sa virtual na klasrum. Karamihan ay nahirapan dahil sa kakulangan ng gadyet at mahinang koneksiyon sa internet. Masakit din ang kanilang kalooban dahil nawalan ng trabaho ang ilan sa kanilang mga magulang dulot ng pandemya. Mabigat din ang kanilang pakiramdam kung hindi makadalo sa isang burol o libing ng mga namayapang mahal sa búhay o kamag-anak dahil sa sakit o karamdaman. Samakatwid, malaki ang epekto ng pandemyang COVID-19 sa kabuoang aspekto ng mga mag-aaral dahil apektado ang kanilang emosyon at nahahadlangan din ang kanilang pagkatuto sa bagong normal na edukasyon. Kaya, sila’y dumidiskarte (naninguha/paninguha) at nagsusumikap (naningkamot/paningkamot) upang malabanan ang hámon sa kanilang búhay dulot ng pandemya.
Mga susing salita: Flexible learning, Blended learning, Pandemya, COVID-19, Penomenolohiya
Abstract
The main purpose of this study was to describe the lived experiences of students in the flexible learning online modality during the pandemic. The study aims to identify the learning experiences in the virtual classroom during this new normal. This is a qualitative type of research. A phenomenology approach was used in the study. Purposive sampling was utilized in selecting the nine (9) participants to participate in the focused group discussion or FGD. It was found out that the students’ learning experiences were not easy, their attention was divided between learnings and responsibilities as a child at home. The change in behavior was noted in student’s behaviour. They learned to set aside enough time for homework and virtual classroom activities. Most of them have suffered due to lack of gadgets and poor internet connection. They were also disappointed because some of their parents lost their jobs. Heavy hearts were manifested for not able to attend a funeral when relatives died due to illness or disease during this pandemic. Therefore, the COVID-19 pandemic had a significant impact on the overall aspect of the students’ lives as it affected their emotions and hindered their learning in the new normal modality. Thus, they worked harder and strived harder to overcome the challenges in their lives caused by the pandemic.
Keywords: Flexible learning, Blended learning, Pandemic, COVID-19, Phenomenology
INTRODUKSIYON
Naging matunog ang pagtuturo at pagkatuto sa loob ng virtual na klasrum sa gitna ng pandemyang COVID-19. Subalit ang paraang ito ng pagtuturo ay ginamit na ng taga-ibang bansa noon pa kahit wala pang pandemya. Sa Pilipinas, naging isyu at popular ito dahil karamihan kung hindi man lahat na mga guro at mag-aaral ay nangangapa sa paraang ito. Nagbigay ng pambihirang pagsubok o hamon ang pandemya sa lahat ng ahensiya ng gobyerno maging sa edukasyon. Ang mga guro at mga mag-aaral ay nakaranas ng matinding pagkabigla sa pagbabago ng paraan ng pagtuturo at pagkatuto. Kaya, pangunahing layunin ng pag-aaral ay ilarawan ang karanasan ng mga mag-aaral sa flexible learning online modality dulot ng pandemyang COVID-19.
Ang pandaigdigang outbreak ng COVID-19 ay nagdulot ng matinding epekto sa ating edukasyon sa buong kasaysayan. Maraming paaralan ang nagsara at biglang naputol ang mga nakasanayan nang mga gawain sa tradisyonal na pagtuturo. Napag-alaman nina Pokhrel et al. (2021, p.138) na isa sa mga suliranin sa pagkatuto ay ang data connection sa ating bansa. Bagama’t maraming plataporma ang magandang gamitin kung ang internet access naman ay mahirap, tiyak na magdudulot pa rin ito ng suliranin. Pansamantala man ang ganitong mga gawain hanggang sa malunasan ang karamdamang lumalaganap, hinihimok pa rin ng mga dalubhasa na ipagpatuloy ang paggamit ng mga kagamitang online upang mapahusay ang pagtuturo at pag-aaral.
Natuklasan sa pag-aaral nina Barzani at Jamil (2021, p. 34) na karamihan sa mga di-gradwado na mag-aaral ay ayaw ng online na paraan ng pagtuturo dahil ito ay may maraming salik o hadlang sa proseso ng pagtuturo at pagkatuto tulad ng koryente, koneksiyon sa internet, paggamit ng mga online platform, at iba pang may kaugnayan sa kaalaman sa internet.
Natuklasan na ang online modular learning ay nagbibigay ng aktibong partisipasyon sa mga mag-aaral, ang modyular na mga gawain ay nagbibigay ng sariling pagsisikap para mga mag-aaral, varayti at kakayahang umangkoppara sa mga guro, at tumaas din ang pag-aangkop ng mga materyales sa pagtuturo (Naboya, 2019, p. 39; Nardo, 2017, p. 1026; Pe Dangle, 2021, p.101). Subalit sa pag-aaral nina Kintanar et al. (2021, p. 41) natuklasan na napapansin ng mga magulang na nawawala ang pokus at motibasyon ng kanilang mga anak sa pagsagot ng mga gawain sa modyul.
Mapapansin sa mga pag-aaral na nakatuon ang ilan sa aspektong emosyonal ng mga mag-aaral. Ang iba ay pagtuklas sa bisa o effectiveness ng online learning. Ang kasalukuyang pag-aaral ay nakapokus sa kuwento o búhay ng mga mag-aaral at sa paglalarawan ng kanilang karanasan sa flexible learning online modality dulot ng pandemya. Mahalaga ang pag-aaral na ito dahil makatutulong ito sa pangkalahatang aspekto sa edukasyon upang masuri ang kurikulum at maiangkop ito sa kasalukuyang panahon.
METODOLOHIYA
Ito ay isang kalitatibong disenyo ng pag-aaral. Penomenolohiya ang ginamit sa pag-aaral dahil nakatuon ito sa karanasan ng mga mag-aaral sa virtual na klasrum sa gitna ng pandemyang COVID-19. Ayon kay Creswell (2013, p. 79) ang penomenolohiya ay isang dulog sa kalitatibong pag-aaral na maaaring gamitin. Dagdag pa niya na maaaring sapat na ang 3-4 at 10-15 na kalahok bílang sampol sa isang kalitatibong pag-aaral tulad ng penomenolohiya, kailangan lámang na umabot ito sa tinatawag na saturation ng datos. Hindi totoong pangalan ng kalahok ang ginamit bilang code sa ginawang panayam sa Focused Group Discusson (FGD) sa pangongolekta ng mga datos. Ang mga pangalan bílang code ay Aubrey,01, Briney,02, Carl,03, Dianne,04, Earl,05, Franz,06, Gemma,07, Hanah,08 and Ian,09. Ang code na ito ay ibinigay ayon sa pagkakasunod-sunod ng mga impormante sa interface ng zoom meeting.Ginamit din ang Zoom meeting bílang online synchronous na siting upang makuha ang pamumuhay at karanasan ng mga mag-aaral sa virtual na klasrum sa gitna ng pandemya sa piling lugar ng Surigao del Sur. Ito ang platapormang ginamit ng mga mananaliksik dahil ipinagbabawal ang harapang FGD dulot ng pandemya.
Pagpili ng mga Kalahok
Ginamit ang purposive na sampling sa pagpili ng mga kalahok. Focused Group Discusson (FGD) ang ginamit sa pangongolekta ng mga datos gamit ang Zoom meeting bilang online synchronous na siting at ang mga mananaliksik ang tagapagdaloy (moderator). Ang pagsali ng mga kalahok ay boluntaryo. Hiningi ang kanilang permiso at nagtakda ng petsa at oras para sa FGD. Pinili ang mga kalahok batay sa sumusunod na pamantayan: 1) mga mag-aaral na nakaranas ng blended na modality sa pagtuturo; 2) mga mag-aral ng Batsilyer ng Sining sa Filipino; at 3) handang sumali sa pag-aaral at FGD.
Prosesong FGD
Mayroong siyam (9) na kalahok ang sumali sa pag-aaral habang ang mga mananaliksik ay gumaganap bilang tagapagdaloy (moderator). Mayroong apat (4) na payak na katanungan sa pakikipagpanayam bílang gabay na tanong ng mga mananaliksik: Una, ano-ano ang mga naging pinagdadaanan habang may pandemya? Ikalawa, ano-ano ang mahahalagang natutuhan sa búhay habang may pandemya? Ikatlo, ano-ano ang mga pinagdadaanang problema at maaaring pagsubok sa isang Flexible Learning Online Modality? Ikaapat, paano matugunan ang mga pagsubok sa blended learning modality na pag-aaral.
Mula sa kanilang mga sagot ay hinugot ang mga karagdagang tanong. Ang mga katanungan at sagot ng mga kalahok ang naging basehan sa pagkuha ng mga tema at ginawan ng interpretasyon at analisis o report. Wikang Filipino ang ginamit sa pagtanong at pagsagot. Nagbigay rin ang mga mananaliksik ng “disturbance fee” bílang “token” sa kanilang paglahok. Umabot ng dalawa at tatlumpung minuto ang FGD.
RESULTA AT PAGTALAKAY
Makikita sa ibaba ang resulta at pagtalakay mula sa ginawang FGD. Sinimulan ito sa unang katanungan mula sa anim na mga tanong upang mabigyan ito ng pagtalakay.
Mga naging Karanasan ng mga Mag-aaral sa Hamon ng Pandemyang COVID-19
Sinabi ni Aubrey,01, ang kaniyang karanasan bílang mag-aaral at anak;
Nahahati ang aking atensiyon sa pag-aaral at responsabilidad sa aming tahanan bílang anak. Naranasan kong umiiyak sa gabi sa kadahilanang nagkapatong-patong ang aking mga responaibilidad o gawain. Naging maduda ako sa aking sarili kung ito ay aking makakayanan hanggang sa dulo. Wala akong sapat na kakayahang maging malakas ngunit para sa aking pamilya ay pinatitibay ko ang aking loob. Dagdag pa rito ay naranasan at nasanay na ako sa mga pagbabago na nangyayari sa aking sarili at paligid dahil sa pandemya. Higit sa lahat ay naranasan ko rin ang mga pagbabago sa aking pag-uugali. Naranasan kong maglaan ng sapat na oras para sa aking sarili. Iniiwasan ko munang makipaghalubilo sa mga tao o kaibigan man. Dahil sa pandemya nakasanayan ko ang pagtatanim ng bulaklak at pag-o-online selling. Naniniwala akong malaki ang naging bahagi nito sa aking búhay at ito ay nagbigay sa akin ng mga aral na habang-búhay kong dadalhin.
Hindi naging madali ang karanasan ni Aubrey,01 upang maitawid ang búhay bílang mag-aaral at anak. Marami siyang pinagdaanan batay sa kaniyang sikolohikal, pisikal, at emosyonal na aspekto. Subalit nilinang din ng pandemya ang kaniyang kakayahan sa pagsasarili. Natutunan din niyang mag-alaga ng mga halaman para hindi mabagot. Samakatwid, malaki ang naging epekto ng pandemya sa kaniyang sarili dahil nagbigay-aral ito sa kaniya. Ito ay umalinsunod sa pag-aaral nina Huang at Zhao (2020, p. 5) na napatunayan na nagkakaroon ng mga pagbabago sa ugali ng mga mag-aaral dahil nakitaan ito ng mga sintomas na pagkabalisa. Ganoon din sa pag-aaral ni Dayagbil et al. (2021, p. 9) na nakitaan din ng positibong epekto ang pandemya dahil natuto ang mga mag-aaral na maging independent learner batay sa oras at lugar ng pagkatuto lalo pa sa mga pagtatáya na ibinigay ng mga guro.
Natutunan kong magtipid ng pera, pagkain at unahin ang mga kinakailangan kaysa kagustuhan. Sa pandemya ay nawalan ako ng mga mahal sa búhay na hindi man lang nakadalaw sa burol kahit na malapit lámang sa aming tinitirhan o lugar. Natuto akong pagkasiyahin ang perang kakarampot lámang lalo pa na ipinagbabawal ang panggugupit bílang pangunahing hanapbuhay ng aking ama, sabi ni Britney,02.
Dagdag pa ni Carl,03, hindi na rin makapaglalabada si Nanay dahil takot ang iba naming kapitbahay na magpapasok ng ibang tao at nawalan din ako ng pagkakakitaan at hanapbuhay bilang pa-extra-extra na labor sa mga construction lalo pa sa tuwing Sabado, nahirapang ipagpatuloy ang pag-aaral dulot ng kakapusan at kawalan ng sapat na teknolohiya at internet koneksiyon. Sa palagay ko ay halos lahat na tulad naming mahihirap ay dumanas ng depresyon, kakulangan sa pera, paghihirap sa pamumuhay, problema sa pamilya, kalungkutan, at mawalan ng isang miyembro ng pamilya. Gayumpaman, nagsilbing aral ang pandemya sa aking búhay. Sa kabila man ng mga hamong dulot nito, nagpapatuloy pa rin ako at hindi sumusuko. Sinangayunan naman ito nina Dianne,04 at Earl,05.
Mapapansin na ang pandemyang COVID-19 ay nagdulot ng masalimuot na karanasan sa mga mag-aaral lalo pa sa mahihirap. Marami ang nawala sa kanila tulad ng kanilang pangunahing hanapbuhay at hindi nakadalo sa burol ng kanilang kamag-anak. Nahirapan na ring tumulong ang mga anak sa pamumuhay dahil hindi na makapag-extra ng trabaho dahil ipinagbabawal ang face to face. Naranasan din ng iba ang depresyon dahil sa lungkot. Ganumpaman ay naging positibo ang mga mag-aaral sa kanilang búhay na ipagpatuloy pa rin sa gitna ng pandemya.
Mga Natutuhan sa Hamon ng Pandemyang COVID-19 sa Búhay
Marami ang natutuhan ng mga mag-aaral sa hamon ng pandemya, tulad ng mababasa sa ibaba:
Gawin ang mga gawaing pampaaralan sa takdang-oras para maiwasang mag-alala sa oras ng pagpása. Maglaan ng oras sa sarili para makapagmuni-muni. Pahalagahan ang pag-aaral, kaibigan, pamilya, at bigyan ng panahon ang Panginoon. Ang búhay ay maikli lámang kung kaya’t panatilihing maging masaya at kontento sa búhay. Maging matatag para sa sarili at pamilya. Bumuo ng plano para sa mga gawain sa paaralan. Huwag isabay ang mga gawaing pampaaralan at sa tahanan. Maging matipid at malikhain upang maibigay ang pansariling pangangailangan. Magpatuloy at huwag mawalan ng pag-asa sapagkat ang lahat ng ating paghihirap ay masusuklian ng tagumpay sa tamang panahon (Gemma,07).
Dagdag pa ni Franz,06 at sinang-ayunan naman nina Ian,09, Dianne,04 at Carl,03;
Natutuhan kong maging madiskarte, magkaroon ng malawak na pang-unawa, at manalig. Sa panahon ng pandemya, mahirap isulong ang edukasyon lalong-lalo na sa tulad naming mga kinakapos. Mahirap makisabay sa online class ng walang sapat na teknolohiya at internet connection, mahirap mag-aral habang nagtatrabaho upang makatulong sa magulang. Ngunit, sa kabila man nito, naging madiskarte ako upang mapagsabay ang pag-aaral at pagtatrabaho. Hindi naging hadlang ang kakapusan upang maglaan [mawalan] ng pag-asa at ipag patuloy ang pag-aaral. Lagi kong tinatandaan na ang bawat suliranin ay may nakaangklang solusyon kaya’t pag napagod, pahinga muna tapos laban ulit.
Marami akong natutuhan sa pandemyang nararanasan natin ngayon, binuksan nito ang aking isipan sa mga bagay na di ko akalaing matuto ako at magamit ko ito sa aking pangaraw-araw na búhay. Natutuhan kong maging matipid sapagkat kailangan nating isipin ang búkas na ating tatahakin. Walang trabaho ang aking ama’t ina kaya’t kapag nagpapa-load ako para sa online class ay sinisigurado kong masasagutan ko lahat ng mga gawain ko kasi masasáyang load. Lahat ng oportunidad na dumating ay dapay wag sayangin, isa rin ito sa mga natutunan ko ngayon lalo na sa pasukang mayroon tayo ngayon. Natutuhan kong pahalagahan ang aking kalusugan, lalo na sa panahong ito na maraming nagkakasakit. Nakakatulong ang pag-inom ng vitamins at kumain ng masustansiyang pagkain.
Ipinakita ng mga kalahok ang kanilang mga natutuhan sa kabila ng pandemya. Naging highlight ang pahalagahan ang pag-aaral, kaibigan, pamilya, at bigyan ng panahon ang Panginoon. Ang búhay ay maikli lámang kung kaya’t panatilihing maging masaya at makontento. Ipinapakita dito ang pagmamahal sa Diyos, sa tao, at sarili o búhay ng tao. Nagkaroon sila ng realisasyon na maging makontento anumang mayroon sila at maging masaya dahil ang búhay ay maikli lámang. Ang resulta ng pag-aaral ay umayon sa pag-aaral nina Martinez et al. (2021, p. 11). Ipinapakita ang pagpapahalaga sa pag-aaral at kailangan ang koordinasyon ng paaralan at pamilya sa panahon ng pandemya o krisis.
Nabuksan din ang kanilang isipan sa mga bagay-bagay at nagagamit ang konseptong iyon sa araw-araw na pamumuhay lalo pa sa pakikipag-ugnayan sa ibang tao. Naging matipid naman ang iba sa paggasta ng pera o pagkain. Sa madaling sabi, pinapahalagahan nila ang pinagkikitaan ng kanilang mga magulang maging ng kanilang sarili. Hindi dapat uubusin ang pinaghihirapan lalo pa sa kasalukuyang pangyayari sa lipunan at maglaan para sa online na klase. Pagpapahalaga sa kalusugan at anumang oportunidad ang dumating sa búhay ay hindi dapat sayangin at manatiling positibo sa anumang sitwasyon lalo pa sa kasalukuyang bagong normal na edukasyon.
Mga Suliranin at maaaring magiging Hámon pa sa Bagong Normal na Edukasyon tulad ng Flexible Learning Online Modality dulot ng COVID-19
Halos magkapareho ang sagot ng mga kalahok sa mga suliraning kinaharap at naging hámon pa sa bagong normal na edukasyon gamit ang flexible online learning modality. Hindi maitago sa mukha ni Dianne,04 ang pag-alala at pagkabahala. Ayon sa kaniya at sinasang-ayunan naman ng iba niyang kalahok na:
Isa talaga sa naging suliranin ko ay ang pera upang ipa-load sa internet. Oo nga at libre na ang pag-aaral namin ngayon pero hindi talaga maiiwasan ang kawalan ng pera sapagkat nawalan din ng trabaho ang aking ama dahil nagsara ang kaniyang tinatrabahuan dahil sa pandemya. Siguro isa rin ang signal pati na rin ang aming kalusugan sa magiging hamon ng bagong normal na edukasyon.
Ang suliranin na batid kong mararanasan ko pa rin hanggang sa pagtatapos at hanggang hindi maibabalik ang face to face classes, ay ang mabagal na internet connection, gayundin ang pagpapanatili sa aking mental health. Kagaya nga ng aking sinabi, tayo ay nahihirapan sa bagong paraan ngayon ng pagtuturo dahil hindi lahat ng mga estudyante o di kaya’y mga guro ay may kakayanang maka “access” ng internet dahil sa kahirapan ng signal sa mga lugar na kanilang kinalalagyan. Ngunit sa bagong pamamaraan ngayon ng pagtuturo, dito masusubukan ang iyong pagmamahal sa iyong kinukuhang kurso, dito rin masusukat ang iyong pasensiya at makikita ang iyong respeto bílang isang estudyante.
Ang mga naging suliranin ko sa bagong normal na edukasyon ay ang kakulangan ng kagamitang elektroniko (gadgets), pinansiyal at ang aking kalusugan, kung saan, laging sumasakit ang aking ulo at ako’y nagsusuka sanhi ng pagkahilo dahil sa haba ng oras sa paggamit ng cellphone o hindi kaya’y pagkatapos ng virtual meeting na binigyang-diin ni Gemma,07. Dagdag pa niya, medyo marami-rami ang ipinagawa ng ibang guro sa amin tulad ng tulad ng pagbabasa at pagsusuri ng mga akda sa online at ang ibang guro naman ay group chat lang ang alam kaya medyo rin magulo sa GC dahil hindi organisado ang posting ng mga lesson at kailangan pang balikan ang previous post nila. Hindi na sana damihan pa ang gawain dahil wala naman kaming babasahin sa bahay. Selpon lang din ang ginamit ko kaya mahirap po para sa akin.
Hindi maipagkakaila ang kanilang mga suliranin na karaniwan sa lahat lalo pa ang kakulangan sa gadyet at isyu sa mabagal na koneksiyon sa internet upang mapanatili ang bagong normal na edukasyon lalo pa ang flexible online learning modality. Apektado rin ang kanilang mental at pisikal na kalusugan dala ng pagkabahala at kahirapan. Hindi rin káyang magtagal sa harap ng selfon o laptop ang mga mag-aaral dahil sumasakit ang mata at ulo sa haba ng oras upang gawin ang mga serye ng mga gawain sa iba’t ibang asignatura o kurso gayundin tuwing magkakaroon ng synchronous na google meet at zoom meeting. Ang pagbabad sa nasabing gadyet ay nakapagdudulot ng pagsusuka at pagsakit ng ulo dulot ng radiation o matinding ilaw mula sa selfon o laptop. Natuklasan nina Aseo et al. (2021, p.59) na may70 porsiyento ng mga mag-aaral sa gitnang Luzon ang may gadyet para sa isang online na pag-aaral tulad ng smartphone at laptop, subalit isang napakalaking hámon ito sa ilan.
Mga Posibleng Solusyon at Pagtugon sa mga Suliranin o Hámon sa Blended Learning Modality na Pag-aaral
Mababása sa ibaba ang mga posibleng solusyon o pagtugon sa mga suliraning kinaharap ng mga mag-aaral sa hámon ng blended modality na pag-aaral. Sinabi ni Dianne,04 at sinundan naman ni Earl,05:
Sa aking palagay ay masosolusyonan ang mga ito kung mas pagbubitihin ko pa ang pagiging madiskarte sa pang-araw-araw na búhay. Isa na rin yata sa makakatulong ay ang pagkakaroon ng mataas na pasenisya ng aming mga guro sa aming mga gawain kung matatagalan man kaming makapagpása sapagkat wala rin kaming sapat na gadyet lalo ng ang laptop para gamitin sa mga gawain sapagkat nakikihiram lang din kami (Dianne, 04).
Mas magsumikap kahit na minsan nakakawala ng gana dahil sa internet connection na palaging nawawala kung kailan kinakailangan. Pera, time management, at mga personal na kagamitan gaya ng laptop, cellphone at wifi (Earl,05).
Dagdag pa nina Franz,06, Gemma,07, Hanah,08 at Ian,09:
Ito ay nakadepende na rin naman sa tao. Kung pursigido ang tao na malampasan ang mga pagsubok na ito, ay tiyak na mangyayari kahit sa anong pamamaraan.
Para sa akin, kailangan mo lang talagang i-encourage mo ang iyong sarili na gawin ang school works mo before deadline. If you have time, gawin mo na ang mga gawaing pampaaralan at gawaing-bahay, kasi for me, time is gold. If I am vacant at wala ng trabaho sa bahay, hindi ko sasayangin ang oras. If wala na akong maisulat, pahinga lang tapos balik ulit pag okay na. Kasi kailangan mo din magpahinga para sa sarili mo. Minsan man ay napabayaan ko na ang aking sarili, hindi ko pa rin mapigilan ang pagpupuyat … pero noon iyon. Sa ngayon, kailangan ko lang ng pahinga if nahihirapan na akong intindihin ang mga suliranin. Stay positive in life at wag pabayaan ang sarili.
Sa palagay ko ang tanging solusyon ng mga suliraning aming nararanasan ngayon ay ang pagiging matatag at pagiging mapamaraan, dahil wala kaming ibang maasahan kundi ang sarili namin. Maaaring maging flexible upang mas madali kaming makaangkop sa hindi namin nakasanayang gawain, at isipin na hindi lang kami ang nahihirapan kundi ang buong mundo. Wala namang madaling paraan para masolusyonan ito, tanging pagtitiyaga lamang at pagpapatuloy sa aking pag-aaral kahit pa nahihirapan na.
Ipinapakita sa mga tugon ng mga kalahok na nakadepende sa tao kung paano niya/nila malalampasan ang mga pagsubok tulad nitong blended learning dulot ng pandemya. Dapat maging pursigido sa pagharap sa mga hámon. Maging positibo at mapamaraan sa pagharap sa búhay. Ang mga ito ay implikasyon lámang na matatag ang mga mag-aaral at mature mag-sip sa pagharap sa mga hámon sa búhay. Samakatwid, malawak mag-isip ang mga mag-aaral lalo pa kapag kanilang kinabukasan ang pinag-uusapan. Susubukan nila ang lahat para malampasan ang mga pagsubok at kailangan lámang intindihin ang mga suliranin at bigyan ito ng solusyon.
KONGKLUSYON
Ang búhay ng mga mag-aaral sa isang virtual na klasrum sa gitna ng pandemya ay punô ng mga pagsubok at pangamba. Ang pandemya ang nagtulak sa mga mag-aaral na paigtingin pa ang kanilang paniniwala sa sariling kakayahan at pagmamalasakit sa pamilya at kapuwa. Ang pagkakaroon ng katatagan sa isip at damdamin ang nagpapalakas sa bawat mag-aaral upang ipagpatuloy ang mga sinimulan at pangarap sa buúhay.
Samakatwid, malaki ang epekto ng pandemyang COVID-19 sa kabuoang pagkatao ng mga mag-aaral dahil apektado ang kanilang sikolohikal, pisikal, at emosyonal na aspekto. Matanda na mag-sip ang mga mag-aaral lalo pa kung edukasyon ang pinag-uusapan. Malawak ang kanilang pananaw sa mga pangyayari sa loob ng virtual na klasrum dulot ng pandemya. Subalit di mapapasubalian na nahahadlangan ang kanilang pagkatuto sa bagong normal na edukasyon dahil sa mga gawaing hindi nakasanayan. Nakapagdudulot din ng mga sagabal sa pagkatuto ang kahinaan ng koneksiyon sa internet at kahirapan sa búhay. Kaya, sila’y dumidiskarte (naninguha/paninguha) at nagsusumikap (naningkamot/paningkamot) upang malabanan ang hámon sa kanilang búhay dulot ng pandemya. Inirerekomenda na magkakaroon ng debriefing para sa mga mag-aaral maging ng mga guro. Titingnan ng mga tagapamahala ng kurikulum ang kalidad ng mga gawain bílang awtput ng kurso at hindi dapat sa dami nito. Pagtuonang-pansin ang mga gawaing may kaugnayan sa sikolohikal, emosyonal, at sosyal na aspekto upang makabawi ang mga mag-aaral mula sa kanilang nararanasan sa bagong normal na edukasyon. Dagdagan pa ang mga seminar at training ng mga guro at administrador kaugnay sa flexible learning modality lalo pa sa paggamit ng mga online na aplikasyon upang mas malinang pa ang kakayahan ng mga guro sa pagtuturo at maging handa sila sa anumang hámon sa online o hybrid na edukasyon.
Mga Sanggunian
Aseo, J. M. et al. (2021). Internet connection and learning device availability of college students: Basis for institutionalizing flexible learning in the new normal. Studies in Humanities and Education 2(1), 56–69. DOI: 10.48185/she.v2i1.224
Barzani, S.ami H. H. at Jamil, R. J. J. (2021). Students’ perceptions towards online education during COVID-19 pandemic: An empirical study. International Journal of Social Sciences & Educational Studies 8(2). Mula sa https://ijsses.tiu.edu.iq/wp-content/uploads/2021/06/Students-Perceptions-Towards-Online-Education-During-COVID-19-Pandemic-An-Empirical-Study.pdf
Creswell, J. W. (2013). Qualitative inquiry and research design: Choosing among five approaches. Ika-3 edisyon. California: Sage Publications, Inc.
Dayagbil F. T., Palompon, D. R., Garcia, L. L., at Olvido, M. M. J. (2021). Teaching and learning continuity amid and beyond the pandemic. Front. Educ. 6:678692. doi: 10.3389/feduc.2021.678692. Mula sa Frontiers | Emotional, Behavioral, and Psychological Impact of the COVID-19 Pandemic (frontiersin.org).
Huang, Y., at Zhao, N. (2020). Generalized anxiety disorder, depressive symptoms and sleep quality during COVID-19 outbreak in China: A web-based cross-sectional survey. Psychiatry Res 288:, 112954. doi: 10.1016/j.psychres.2020.112954 mula sa Generalized anxiety disorder, depressive symptoms and sleep quality during COVID-19 outbreak in China_ a web-based cross-sectional survey (sciencedirectassets.com)
Kintanar, F. C. et al. (2021). Plight of the parents of the Filipino learners in the Implementation of the Modular Distance Learning.” International Journal of Educational Science and Research 11(2), 35–48. https://doi.org/10.24247/ijesrdec20216
Martinez, J. J. et al. (2021). Family and school relationship during COVID-19 pandemic: A systematic review. Mula sa IJERPH | Free Full-Text | Family and School Relationship during COVID-19 Pandemic: A Systematic Review (mdpi.com)
Naboya, M. D. (2019). Effect of modular approach on the level of achievement of students in inorganic Chemistry. Mula sa https://www.researchgate.net/ publication/ 339198899_ effect_of_modular_approach_on_the_level_of_achievement_of_students_in_inorganic_ chemistry last december 1, 2021
Nardo, M. T. B. (2017). Modular instruction enhances learner autonomy. American Journal of Educational Research 5(10), 1024–1034. https://doi.org/10.12691/education-5-10-3
Pe Dangle, Y. R. (2021). The implementation of modular distance learning in the Philippine secondary public schools. 100–108. https://doi.org/10.33422/3rd.icate.2020.11.132
Pokhrel, S., at Chhetri, R. (2021). A literature review on the impact of COVID-19 pandemic on teaching and learning. Sage Journals 8(1). https://journals.sagepub.com/doi.full/10.1177/2347631120983481