[DIWA E-Journal Tomo 8, Nobyembre 2022] Katatagan at Katibayan sa Pagsukat sa Sikolohiya: Isang Pag-aaral sa Kalakaran ng Pagbuo at Paggamit ng mga Panukat na Sikolohikal
Kathlyn T. Caragay
Departamento ng Sikolohiya
University of the Philippines (UP), Diliman, Quezon City
Abstrak
Ang paggamit ng wikang Filipino sa pagpapaliwanag ng mga konsepto sa pagsukat ay maaaring makatulong sa higit na pagkatuto ng mga mag-aaral. Kailangan lámang ng pagkakasundo sa mga salitang gagamitin. Makatutulong ito sa paglinang sa akademikong wikang Filipino at paglinang sa mga kaisipang teoretikal na pinag-aaralan sa pamamagitan ng pagsukat. Pinagtuonan ng pansin sa papel ang mga pangunahing konsepto sa pagsukat ng reliability at validity, at ang mismong larangan ng psychological measurement. Kahit praktikal na gamitin ang salitang Ingles sa pagsulat, mayroong salitang maaaring gamitin sa pagtatakda ng kahulugan batay sa ilang konsiderasyon tulad ng karaniwang depinisyon sa konsepto, pamamaraan sa pagbuo at paggamit ng panukat, modelo sa pagsukat, at iba-ibang isyu sa larangan.
Para masuportahan ang pagtatakda ng kahulugan, nagsagawa ng sistematikong rebyu ng mga papel mula sa lokal na dyornal na mayroong online access ng dalawang pangunahing samahan sa sikolohiya sa Pilipinas. Layon nitong malaman kung aling salita sa wikang Filipino ang kadalasang ginagamit para sa mga konsepto, at kung alin ang sumasalamin sa batayang balangkas sa pagsukat. Isinama rin sa pag-aaral ang mga papel na nakasulat sa wikang Ingles para makita ang kalakaran sa pagbuo at paggamit ng panukat. Bukod sa maipapakita nito kung paano nagagamit ang mga pangunahing konsepto sa pagsukat, maaaring makabuo ng pamantayan sa pagbuo at paggamit ng mga panukat mula rito.
Ipinaliwanag sa papel kung bakit mainam na gamitin ang salin na katatagan para sa reliability, katibayan para sa validity, at pagsukat sa sikolohiya para sa psychological measurement. Dahil sa tinalakay na isyu sa larangan, itinakda rin ang salitang sikometrika para sa psychometrics. Mula rito, naglahad ng ilang idea sa pagbuo ng kurso tungkol sa pagsukat sa Sikolohiyang Pilipino. Sa huling bahagi ay tinalakay ang mga rekomendasyon at tunguhin sa pagsasalin at pagbuo ng pamantayan sa pagsukat.
Abstract
Using the Filipino language in explaining measurement concepts can help students learn more. This presents a challenge to reach a consensus about the terms to be used. Addressing this challenge can also help in the development of an academic Filipino language and in the development of theory that is studied through measurement. The paper focused on the primary concepts in measurement, reliability and validity, and the area of psychological measurement. While it may be practical to use English words in writing, there are Filipino words that can be used in translations. These can be based on common concept definitions, processes in test design and use, measurement models, and various issues in the field.
To support the assignment of meaning, the author conducted a systematic review of papers from local journals accessible online of the two primary associations in psychology in the Philippines. This aimed to know which Filipino words are used for reliability and validity, and which words reflect the foundations of measurement. Papers written in English were also included in the review to examine existing practices in developing and using measures. This can show how the primary measurement concepts are applied and it also enables the development of guidelines in developing and using tests.
The paper showed why the following translations could work: katatagan for reliability, katibayan for validity, and pagsukat sa sikolohiya for psychological measurement. Given the issues in the field, sikometrika was assigned to refer to psychomentrics. From the discussion, some ideas on developing a course on measurement in Sikolohiyang Pilipino were presented. The last part of the paper discussed recommendations and future directions in translating more measurement terms and developing guidelines in measurement.
PANIMULA
Nakatutulong sa malalim na pag-unawa at pagkatuto ng maraming mag-aaral ang paggamit ng Filipino sa paglalarawan ng mga konseptong teknikal sa pagsukat sa sikolohiya (psychological measurement). Ngunit kaunting aklat at lathalain lámang ang nasusulat sa wikang Filipino. Dagdag pa rito, hindi gaanong natatalakay ang iba-ibang balangkas, lapit, at detalye ng mga proseso sa pagsukat. Nilalayon ng papel na magtakda ng kahulugan para sa reliability at validity bílang pangunahing konsepto sa pagsukat sa sikolohiya. Makatutulong ito sa pagkakaroon ng karaniwang wikang magpapalawig ng talakayan tungkol sa pagsukat. Mainam ding ihanay ang kalakaran sa mga lokal na dyornal tungkol sa pagbuo at paggamit ng mga panukat sa umiiral na diskurso sa pagsukat sa sikolohiya at sikometrika (psychometrics). Ang mga ito ay magbibigay-daan sa pagtukoy ng mga isyung nararapat matugunan upang makapag-ambag sa paglinang ng akademikong wikang Filipino at ng metodolohiyang mag-aambag din sa paglinang ng kaisipang teoretiko at gamit sa Sikolohiyang Pilipino (SP). Maikakabit rin ang mga layuning ito sa tunguhing unibersal ng SP bílang “bahagi at kabahagi ng sikolohiya sa daigdig” (Enriquez, 1975, p. 7 sa Handbuk ng Sikolohiyang Pilipino, 2018).
Layunin ng papel na suriin kung (1) aling mga salita sa wikang Filipino ang ginagamit para sa reliability at validity, (2) ano ang kalakaran sa pagbuo at paggamit ng panukat sa mga lokal na dyornal ng sikolohiya, at (3) ano ang paghahanay ng mga konseptong isinasalamin ng mga salita at kalakaran sa umiiral na diskurso. Ang unang bahagi ng papel ay ang paglalahad ng mahahalagang konsiderasyon sa pagtatakda ng kahulugan at sa paghahanay ng konsepto. Kasunod nito ang paglalarawan ng metodo at kinasapitan ng isinagawang sistematikong rebyu para matugunan ang una at ikalawang tanong. Para masagot ang ikatlong tanong, susuriin ang mga kinasapitan batay sa umiiral na proseso sa pagbuo ng panukat, mga modelo ng pagsukat, at sakop ng sikometrika. Ang huling bahagi ng papel ay paglalagom at rekomendasyon tungkol sa mga panimulang idea para sa mga isyung maaaring harapin sa pagbuo at paggamit ng panukat sa SP.
Pagtatakda ng Kahulugan: Tuntunin sa Pagsulat sa Filipino
Nakasaad sa Manwal sa Masinop na Pagsulat (Almario, 2015) na isinusulat ang mga akademikong konsepto at kaisipang siyentipiko gamit ang malaking titik sa simula ng salita. Maaari namang mag-eksperimento sa Ingles na magreresulta sa relayabiliti at validiti. Ngunit naipapakita ng ganitong pagbaybay ang limitasyong nagiging katawa-tawa o kakatwa, mahirap basahin, at nakasisira sa kabuluhan ng pinagmulan. Bago bigyan ng konsiderasyon ang Ingles, maaaring pumili ng salita mula Espanyol na may parehong kahulugan ngunit mainam na gamitin ang salitang Filipino kung may katapat na salitang higit na maiintindihan ng nakararami. Magagamit sa pagkakataong ito ang pagtatakda ng kahulugan na ginagamit ang katutubong anyo para sa konseptong teknikal (Enriquez, 1976).
Sa Handbuk sa Sikolohiyang Pilipino, isang papel lámang ang itinampok tungkol sa pagsukat (Del Pilar et al., 2017) na katatagan ang salitang ginamit para sa reliability. Walang binanggit para sa validity pero ginamit ang salitang pagpapatibay para sa validation. Ito ang ginawang pangunahing batayan ng paghahanay ng mga salitang ginamit sa wikang Filipino para sa reliability at validity.
Pagtatakda ng Kahulugan: Karaniwang Depinisyon
Nararapat na masalamin sa pagtatakda ng kahulugan ang karaniwang depinisyon ng konsepto. Madaling naiintindihan ang nakasulat sa mga teksbuk. Sa karanasan ng may-akda, ito rin ang mga detalyeng nakatutulong sa mag-aaral na mapag-iba ang dalawang konsepto. Ayon sa teksbuk nina Kaplan at Saccuzzo (2013), ang reliability ay “degree to which test scores are free of measurement errors” (p. 10). Kaugnay nito ang mga salitang accuracy, dependability, consistency, at repeatability. Tinatalakay sa teksbuk ang iba-ibang metodo sa pagsusuri nito: pagsubok at muling pagsubok ng panukat (test-retest), paghahalili ng iba-ibang pormularyo (parallel o alternate forms), internal na pagkakasundo sa panukat (internal consistency o interagreement), at pagkakasundo ng mga tagapagmasid (interrater). Ang minimal na pagkukulang (error) sa isang reliable na panukat ay sinasang-ayunan ng depinisyon sa teksbuk ni Urbina (2014) at dinadagdag ang salitang trustworthiness (p. 127) kaugnay nito.
Ang validity naman ay “agreement between a test score or measure and the quality it is believed to measure” (Kaplan & Saccuzzo, 2013, 10). Sa karaniwang paliwanag, ang layong matugunan sa diskusyon ng validity ay kung nasusukat ba ng panukat ang kailangan nitong sukatin. Ang higit na umiiral na pagtukoy sa validity ay ang pagkakaroon ng ebidensiya o katibayang susuporta sa mga hinuha tungkol sa makukuhang iskor sa panukat (Kaplan & Saccuzzo, 2013; Urbina, 2014; Del Pilar et al., 2017). Ang mga katibayang ito ayon sa iba-ibang sanggunian (Kaplan & Saccuzzo, 2013; Del Pilar et al., 2017) ay kaugnay ng konstrak (construct), kriterion (criterion), at nilalaman (content).
Ayon kay Urbina (2014), nagmumula ang katibayan sa nilalaman ng panukat (test content), mga proseso sa pagtugon (response processes), estrukturang internal ng panukat (internal test structure), at ugnayan sa ibang variable (relations to other variables). Sa pag-uuring ito, ang mga katibayang kaugnay ng konstrak at kriterion ay napapailalim sa ugnayan sa ibang variable.
Paghahanay ng mga Konsepto: Proseso ng Pagbuo ng Panukat
Kailangang masalamin sa pagsasalin ang proseso sa pagbuo ng panukat. Inilarawan ni Oosterveld at kaniyang mga kasama (2019) ang disenyo ng panukat (test design) sa pamamagitan ng apat na yugto. Una, ang pagsuri ng konsepto (concept analysis) o pagtiyak sa teoretikong balangkas at depinisyon ng konstrak. Ikalawa, ang paggawa ng aytem (item production) o pagbuo sa panlaan ng aytem (item pool) batay sa espesipikasyon ng panukat. Bahagi nito ang pagtása ng mga aytem ng mga eksperto at/o kalahok at paunang pagsubok (pretest) sa palatanungan para mapagbuti pa ang mga aytem. Ikatlo, ang pagbuo ng eskala (scale construction) o pagpili sa mga aytem ayon sa naitakdang pamamaraan. Ikaapat, ang pagtása ng aspektong sikometriko (evaluation) o pagsuri sa katatagan at iba-ibang pinagmumulan ng katibayan. Dapat rin tandaang kahit magkakasunod ang paglatag ng mga yugtong ito, ang proseso ng pagbuo ng panukat ay umuulit (iterative). Sa pag-uuri ni Oosterveld at mga kasama (2019), ang bawat disenyo ng panukat ay nakatuon sa isang aspektong sikometriko.
Paghahanay ng mga Konsepto: Mga Modelo sa Pagsukat at Sakop ng Sikometrika
Ang karaniwang depinisyon ng reliability at validity ay kalimitang inihahanay sa Classical Test Theory (CTT). Subalit bílang batayang konsepto sa pagsukat, nararapat lámang na masalamin din ang ibang modelo tulad ng Item Response Theory (IRT) at ng Representational Theory of Measurement (RTM). Sa dalawang teksbuk na pinagkunan ng karaniwang depinisyon ng mga konseptong ito, ang IRT lámang ang natalakay. Sa Kaplan at Saccuzzo (2013), hindi lalagpas sa 10 talata ang nakalaan dito. Bahagyang marami ang naisulat sa Urbina (2014), humigit-kumulang 15 pahina. Kahit hindi karaniwan, mahalagang bigyang-pansin ang IRT at RTM dahil natutugunan nito ang kakulangan ng mga pamamaraang iniuugnay sa CTT. Halimbawa, sa IRT, bahagi ng konsepto ng reliability ang pagkakaroon ng maraming impormasyon tungkol sa aytem at buong panukat, at ang pagkalkula ng hindi lámang iisang Standard Error of Measurement ng panukat (Reise et al., 2005; Rouse et al., 1999; Steiner, 2010). Ang panukat ay valid kung ang pagkakaiba-iba ng resulta mula sa panukat ay dahil sa, at hindi lámang kaugnay ng, mga pagkakaiba-iba sa umiiral na katangiang sinusukat (Borsboom et al., 2004). Dahil dito, dapat pagtuonan ng pansin sa pagpapatibay ng panukat ang mga prosesong nagpapakita ng epekto ng katangiang sinusukat sa mga nakukuhang iskor. Ang RTM naman ang pinakamalapit na tugon sa pangunahing saligan ng pagsukat—ang pagtakda ng numero para sa mga katangian at ugnayan ng mga simbolong ginagamit bílang datos para katawanin ang inaaral na penomeno (Uher, 2020). Bagama’t may mga kailangan pang linawin sa RTM (Borsboom, 2005; Uher, 2020), mayroon itong ibang naihahain sa pagsukat at pagsubok ng mga kaisipang teoretiko sa sikolohiya.
Hindi maitatangging malaki ang puwang sa pagsasanay sa sikolohiya para mapag-aralan at magamit ang ibang modelo sa pagsukat. Sa isang semestre ng paunang kurso sa pagsukat sa sikolohiya, mapalad ang makapagsama ng isang araling nagpapakilala sa mga teoryang ito. Ang kaalaman at kasanayan tungkol sa mga modelong ito ay higit na namamalagi sa larang ng sikometrika. Kailangan din ng paglilinaw sa sakop ng pagsukat sa sikolohiya para maihanay ang mga isyung dapat matugunan. Isang pinagmumulan ng kalituhan ng mga mag-aaral ang paggamit sa mga termino. Ang mismong pamagat ng teksbuk (Kaplan &Saccuzzo, 2013; Urbina, 2014) ay psychological testing at hindi measurement. Hindi rin nasasakop sa nilalaman ng teksbuk ang ibang mahahalagang isyu sa pagsukat kaya kailangang magdagdag ng mga lathalain mula sa sikometrika. Sa teksbuk ni Urbina (2014, p. 38), magkatumbas ang psychological measurement at psychometrics. Ang psychological testing naman ay ibang praktika pero pareho ang sakop (coextensive).
Dagdag sa kalituhan sa mga termino ang pagkakaiba sa paggamit ng salitang psychometrician sa board exam sa Pilipinas at sa kalakarang internasyonal. Ayon sa primer ng Professional Regulation Commission (n.d.), ang sikometrika ay sangay ng sikolohiya na tumutugon sa “development, administration, and interpretation of quantitative tests for the measurement of psychological variables such as intelligence, aptitude, and personality traits” (p. 2). Sa pagkuha ng board exam para maging rehistradong psychometrician, kailangan ng batsilyer sa sikolohiya. Sa ibang bansa naman ay mangangailangan ng higit pang pagsasanay at digri para sa sikometrika. Ang kadalasang nananaliksik ay nasa larang ng matematika, estadistika, at kantitatibong sikolohiya.
Isa sa pinakasimpleng pagpapakahulugan sa sikometrika ay “any branch of psychology concerned with psychological measurements” (Ballantine, 2001 binanggit sa Groenen & van der Ark, 2016, p. 135). Dagdag dito ang tunguhin ng Psychometric Society sa pagkakatatag nito noong 1936 sa paglinang ng “quantitative measurement practices in psychology, education, and the social sciences” (Groenen & van der Ark, 2016, p. 135). Mula sa mga ito, malinaw na ang pagsukat ay paksa at gawain sa sikometrika, at ang sikometrika ay ibang larang na maaaring tumukoy sa sikolohiya. Nalinaw rin sa artikulo nina Jones at Thissen (2006) na ang pagsukat sa sikolohiya ay isang tradisyon lámang sa sikometrika, kasama ng factor analysis at scaling. Malinaw ang interes sa paglinang ng metodong estadistiko na tutugon sa iba-ibang isyung inilarawan ni Stout (2002) tulad ng pagiging multidimensiyonal (multidimensionality), pagiging patas (test fairness), at pormatibong pagsiyasat sa mga kasanayan (formative assessment skills diagnosis). Dagdag pa sa pagiging patas ng panukat ang hangarin para sa pagkakapantay ng pagsukat sa iba-bang grupo (measurement invariance/equivalence; Millsap, 2007) at pagkamakabuluhan sa kultura (cultural relevance; Melikyan et al., 2019)
Mayroon ding kakulangan sa kalakarang internasyonal sa sikolohiya tulad ng laganap na operationalism, pangingibabaw ng CTT, at paggamit ng construct validity para sa maraming isyu sa pagsukat (Borsboom, 2006). Kasama sa panawagan ni Borsboom (2006) ang pagkakaroon ng magagandang paunang teksbuk tungkol sa pagsukat, malawak na pagbabasa at paglalathala tungkol sa sikometrika, at pagtutulungan para mapagkabit ang sikometrika at pagbuo ng teorya. May kakulangan din ang sikometrika para maihanay ito sa pagsukat sa ibang larang sa agham tulad ng pisika (Uher, 2020) ngunit malinaw ang tungkulin at pananagutan ng mananaliksik at propesyonal sa sikolohiya. Kailangang umigting ang ugnayan sa sikometrika para mapagbuti ang mga panukat at kantitatibong pag-aaral. Bago nito, kailangan ng paglilinaw sa mga salitang ginagamit sa talakayan at umiiral na kalakaran sa pagbuo at paggamit ng mga panukat sa sikolohiya.
METODO
Nagsagawa ng sistematikong rebyu ang may-akda para malaman kung aling salita sa wikang Filipino ang ginagamit para sa reliability at validity, at ano ang kalakaran sa pagbuo at paggamit ng panukat sa mga lokal na dyornal na sikolohiya. Sinuri ang mga konseptong isinasalamin ng mga salita at kalakaran para maihambing sa umiiral na diskurso sa pagsukat sa sikolohiya at sikometrika.
Nilimitahan ang pagkuha ng mga papel mula sa lokal na dyornal ng dalawang pangunahing samahan sa sikolohiya sa Pilipinas na mayroong online access. Mula sa website ng Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino, nakakuha ng 42 papel na inilimbag sa DIWA Tomo 1 (2013) hanggang Tomo 7 (2019). Mula sa website ng Psychological Association of the Philippines, nakakuha ng 73 papel na inilimbag sa Philippine Journal of Psychology (PJP) Volume 47 (2014) hanggang Volume 53 (2020), at dalawa (2) pang papel na Online First (2021). Hindi kasama sa pagsusuri ang pambungad o tala ng patnugot, rebyu, at natatanging tala.
Tatlong beses pinasadahan ang mga papel. Una, tiningnan mula sa pamagat at abstrak kung kantitatibo ang pag-aaral. Isa sa pangunahing metodo ay gumamit ng pamamaraang estadistiko, kabílang ang pag-aaral na gumamit ng magkahalong metodo (mixed methods). Kung hindi naging malinaw mula sa pamagat at abstrak, binasa ang metodo ng papel. Kung kantitatibo ang pag-aaral, itinala rin kung ang pangunahing paksa nito ay pagbuo ng isang panukat, kabílang ang mga pag-aaral na nakapokus sa pagpapatibay ng panukat.
Sa ikalawang pasada, itinala kung may diskusyon tungkol sa konsepto ng reliability at validity ng panukat na binubuo o ginamit sa pag-aaral. Sa bawat isa, itinala kung may direktang banggit sa konsepto. Kung Filipino ang wika, itinala kung anong salita ang ginamit. Itinala rin ang mga panukat at pamamaraang estadistikong ginamit sa pag-aaral. Unang tiningnan ang detalye sa metodo. Kung walang nabanggit sa metodo, ginamit ang Find function ng programang PDF Reader para tingnan kung binanggit ang konsepto sa ibang bahagi. Itinala ito kung ang tinukoy ng salita ay panukat sa pag-aaral. Kung wala namang nabanggit sa metodo na pamamaraang estadistiko, mabilis na pinasadahan ang resulta at diskusyon para maitala ito.
Ang pinasadahan lámang nang ikatlong beses ay ang mga papel tungkol sa pagbuo ng panukat at itinala ang mga detalye ayon sa apat na yugto ng test design ni Oosterveld at mga kasama (2019).
KINASAPITAN AT DISKUSYON
Mula sa 117 papel, 51 ang gumamit ng kantitatibong metodo (43.59%). Bahagi ng magkahalong metodo ang pitó na nasa PJP. Karaniwan ang paggamit ng sarbey. Tatlong papel sa DIWA at dalawang papel sa PJP lámang ang gumamit ng disenyong eksperimental. Mula sa 51 papel na gumamit ng kantitatibong metodo, 10 lámang ang tungkol sa pagbuo ng panukat. Ito ay nasa 19.61% ng lahat ng kantitatibong pag-aaral at 8.55% ng lahat ng nasuring pag-aaral. Apat rito ang nasa DIWA at anim ang nasa PJP.
Mga Salitang Ginagamit Kaugnay ng Reliability at Validity
Sa parehong PJP at DIWA, karaniwan ang paggamit ng mga salitang reliability, reliable, internal consistency, validity, valid, at validated. May iilang papel na gumamit ng test-retest reliability, alpha reliability, reliability estimate, at composite reliability. May iilang papel rin na nagpakita ng pag-uugnay ng katibayan sa konsepto ng validity tulad ng construct, convergent, divergent/discriminant, within-network construct, between-network construct, factorial/structural, content, criterion, at concurrent.
Sa 41 kantitatibong pag-aaral ngunit hindi tungkol sa pagbuo ng panukat, 11 ang hindi direktang nagbanggit ng reliability o kaugnay na salita (hal., reliable at internal consistency) ngunit walo rito ay nag-ulat ng Cronbach’s alpha na karaniwang ginagamit sa pagtukoy ng internal consistency. Tatlumpu (30) sa 41 ang hindi direktang nagbanggit ng validity o salitang kaugnay nito (hal., valid, validated, o uri ng katibayan) ngunit dalawa sa mga ito ay nagbanggit ng gawaing karaniwang naiuugnay sa pagpapatibay ng panukat (Galacgac & Tarroja, 2019; Tarroja et al., 2020). Bagama’t hindi kabílang sa uri ng katibayan, itinalâ rin ang dalawang papel na nagbanggit ng face validity (Acayan et al., 2015; Labor & Gastardo-Conaco, 2017).
Limang papel lámang ang gumamit ng katumbas ng reliability sa wikang Filipino. Dalawa lámang ang gumamit ng katumbas ng validity at may dalawa ring may pagtalakay na maiuugnay sa konsepto nito. Mula sa Talahanayan 1, sinusuportahan ng papel na ito ang paggamit ng salitang katatagan para sa reliability at matatag bílang pang-uri sa panukat (reliable). Bagama’t naiuugnay rin ang katatagan sa konsepto ng psychological resilience (Hechanova et al., 2015; Hechanova et al., 2019), nasasalamin nito ang pagnanais ng minimal na pagkukulang at hindi pagbabago sa pagsukat sa kabila ng paglipas ng panahon para sa pagsubok at muling pagsubok, pagkakaroon ng iba-ibang pormularyo para sa paghahalili ng mga ito, pagkakaroon ng iba-ibang aytem sa isang eskala para sa internal na pagkakasundo sa panukat, at pagkakaroon ng iba-ibang tagapagmasid para sa pagkakasundo nila (Kaplan & Saccuzzo, 2013; Urbina, 2014). Maaaring makalito ang paggamit ng salitang katapatan dahil iniuugnay din ito sa validity. Bagama’t karaniwang katumbas ng pang-uring reliable ang maaasahan, higit na karaniwang katumbas ng pangngalang reliability ang katatagan kaysa pagkamaaasahan.
Bihira ang direktang pagbanggit ng konsepto ng validity sa mga artikulong isinulat sa wikang Ingles at Filipino. Isa lámang ang gumamit ng salitang katibayan (Clemente et al., 2017) ngunit may pagkakasundo sa paggamit ng terminong pagpapatibay para sa validation. Mula rito, ang pagtutumbas ay ang pangngalang katibayan para sa validity at pang-uring matibay na tumutukoy sa panukat (valid). Isinasalamin nito ang pangunahing idea ng validity na pagkakaroon ng katibayan para sa mga hinuha tungkol sa iskor (Kaplan & Saccuzzo, 2013; Urbina, 2014; Del Pilar et al., 2017). Sa konteksto ng validity, ang katapatan ay maaaring tumukoy sa katibayang kaugnay ng konstrak; ang pagtatapat ng panukat at ng konseptong sinusukat. Ang bisa ay higit na maiuugnay sa kriterion; ang pagiging epektibo ng iskor bílang representasyon ng konstrak at pag-ugnay sa inaasahang kahihinatnan. Hindi gaanong nasasalamin ng mga salitang katapatan at bisa ang ibang pinagmumulan ng katibayan tulad ng pagtitiyak na ang nilalaman at sakop ng panukat ay makabuluhan sa sinusukat, pagpapaliwanag sa mga prosesong pinagdadaaanan ng kalahok sa pagtugon sa panukat, at pagsusuri ng estrukturang internal ng panukat. Ang paggamit ng salitang matibay ay nagpapakita rin ng kahalagahan ng pagkakapantay ng pagsukat sa iba-ibang grupo (Millsap, 2007) at pagiging makabuluhan sa kultura (Melikyan et al., 2019) ng mga panukat. Mainam na alternatibo ang salitang pagpapatunay para sa pagpapatibay at katunayan para sa katibayan para isalamin ang idea ng validity sa pagbibigay ng ebidensiya (Kaplan & Saccuzzo, 2013; Urbina, 2014). Para iwasan ang pagkalito, ginamit ang salitang pagpapatunay sa konteksto ng establishment of reliability and validity— ang pagpapatunay sa katatagan at katibayan ng panukat.
Talahanayan 1. Mga Salitang Ginamit na Katumbas ng o Sumalamin sa Reliability at Validity

Mga Kalakaran sa Paggamit ng Panukat
Karaniwang talakayin ang katatagan ng panukat bílang internal consistency lámang. Kahit hindi direktang nagbanggit ng reliability o kaugnay na salita, lahat ng 41 kantitatibong papel ay nagkalkula ng Cronbach’s alpha at may apat na nagkalkula ng Raykov’s rho (Nalipay et al., 2015; Bernardo, 2017; Bernardo & Resurreccion, 2018; Nalipay & Alfonso, 2018). Walang ibang metodong ginamit sa pagpapatunay ng katatagan ng panukat. Isinasalamin ng kalakaran ang pagsusuri para sa minimal na pagkukulang at hindi pagbabago sa pagsukat sa kabila ng pagkakaroon ng iba-ibang aytem sa isang eskala ngunit hindi ang ibang maaaring pagmulan ng pagkukulang at pagbabago tulad ng paglipas ng panahon, pagkakaroon ng iba-ibang pormularyo, at pagkakaroon ng iba-ibang tagapagmasid (Kaplan & Saccuzzo, 2013; Urbina, 2014). Gayumpaman, kahit hindi direktang banggitin ang konsepto ng reliability ay kasama ito sa ulat.
Hindi ganito ang kalakaran sa katibayan. Tulad ng naisulat sa naunang bahagi, 11 lámang ang direktang nagbanggit ng validity at kadalasan ay binabanggit ito sa konteksto ng pagpapatibay. Ang pagbibigay ng tuon sa proseso ay nagpapakitang hindi all-or-none ang pagpapatunay sa katibayan ng isang panukat (Kaplan & Saccuzzo, 2013). Kung mayroong aktuwal na pagpapatibay ng panukat sa kasalukuyang pag-aaral, mula ito sa estrukturang internal sa pamamagitan ng iba pang pamamaraan na sakop ng sikometrika tulad ng exploratory factor analysis o EFA (Bernardo & Resurreccion, 2018) at confirmatory factor analysis o CFA (Bernardo & Resurreccion, 2018; Nalipay & Alfonso, 2018). Isinasalamin din sa kaunting talakayan ng pagpapatibay na para ito sa pagiging makubuluhan sa kultura ng panukat (Daganzo et al., 2014; Tang & Cayayan, 2016; Bernardo, 2017).
Talahanayan 2. Buod ng Pagtalakay sa mga Isyu ng Paggamit ng Panukat

Isang mahalagang isyu ang pagiging makabuluhan sa kultura dahil karamihan sa mga papel, 32 sa 41, ang gumamit ng aytem, sub-eskala, o eskala na ginawa ng iba. Isa lámang sa mga ito ang gumamit ng panukat na ginawa ng Pilipinong may-akda (Dumaop, 2013). Dagdag rito, mayroong 16 na papel ang gumamit ng sariling aytem at/o eskala ngunit apat lámang ang may pagtalakay tungkol sa katibayan, pagpapatibay, o kaugnay na gawain (Labor & Gastardo-Conaco, 2017; Retuya et al., 2017; Bernardo & Resurreccion, 2018; Tarroja et al., 2020). Malinaw na ang isang hamon nito ay ang pagtugon sa pangangailangan para sa lokal na pagbuo at paglinang ng mga panukat na may patunay ng katatagan at katibayan.
Walang nagbanggit ng ginamit na modelo sa pagsukat bagama’t ang karamihan sa metodong ginamit ay kadalasang iniuugnay sa CTT tulad ng Cronbach’s alpha. Walang gumamit ng IRT o RTM bílang modelo sa pagsukat (Borsboom, 2005; Uher, 2020). Makatutulong sana sa paglinang ng mga metodo kung gagamitin ito sa sikolohiya. Mayroong potensiyal sa paggamit ng iba pang pamamaraang sakop ng sikometrika tulad ng EFA, CFA, at structural equation modeling ngunit nananatiling mahalagang isyu ang pagsasantabi ng mga panimulang pagsusuri. Ang mga ito ay magagamit sa pagtatása kung akma ang pamamaraang ginamit batay sa layon ng pagsusuri, uri ng variable, at pagtupad ng palagay (assumption checks). Naisasantabi ang pagtalakay sa mga ito at hindi madaling matiyak ang pagiging akma ng pamamaraang estadistiko. Maaari itong maging kasing simple ng hindi paggamit ng mean para sa ordinal variable o kaya ay paglilinaw kung ang ginamit ay principal component analysis (PCA) o EFA na gumagamit ng principal component bílang metodo ng extraction.
Mga Kalakaran sa Pagbuo ng Panukat
Kaunti man ang papel tungkol sa pagbuo ng panukat, nagkaroon ng sapat na datos para maihanay sa mga yugto ng pagbuo ng panukat (Oosterveld et al., 2019). Sa 10 papel, pito ang nag-aral tungkol sa sariling-gawang panukat at tatlo ay naglilinang ng panukat na hindi sariling akda (Cagas & Hassandra, 2014; Tuliao & Velasquez, 2014; Villarosa & Ganotice, 2018). Isa rito ay nakatuon sa pagsasalin (Cagas & Hassandra, 2014). Ipinakita sa mga nasuring pag-aaral na mayroong paunang pag-aaral sa pagsuri ng konsepto batay sa literatura, orihinal na panukat, o datos mula sa kalahok.
Ang pagkakaiba sa paglalarawan nina Oosterveld at mga kasama (2019) ay ang kalakaran sa pagsusuri ng halo-halong pamamaraan at aspektong sikometriko mula sa pag-uuri ng mga disenyo ng panukat. Halimbawa, sa papel ni Galano (2017) mas maihahanay sa metodong prototipiko ang pagbuo ng aytem (Oosterveld et al., 2019) dahil mula ito sa mga tugon ng mga kalahok sa paunang palatanungan ngunit mas maihahanay ang pagtatása sa metodong konstrak (Oosterveld et al., 2019) dulot ng pagpapatibay na nagtatapat sa binubuong eskala at ng Portrait Values Questionnaire. Isa pang halimbawa ang papel ni Cagasan (2016) na may paglalarawan sa mababaw na pagtatása sa nilalaman (face validity) kasabay ng katibayang kaugnay ng nilalaman, nagtatagpong katapatan ng panukat (convergent construct validity), at sabayang bisa ng panukat (concurrent criterion validity). Ipinapakita rin nito ang kawalan ng pagtuon ng pansin sa paglihis sa katapatan ng panukat (divergent construct validity), at pagtatáya sa bisa ng panukat (predictive criterion validity). Dagdag sa mga nakitang pagpapatibay sa mga sinuring papel, naipakita ang pagkakaroon ng katibayan tungkol sa nilalaman (pagtatása ng mga aytem sa paggawa ng mga ito) at estrukturang internal ng panukat (pagsusuri ng katatagan at paggamit ng factor analysis). Bukod sa internal na pagkakasundo sa panukat na ginagamitan ng Cronbach’s alpha, mayroong nagpakita ng katatagan sa pagtalakay ng pagsubok at muling pagsubok ng panukat (Cagas & Hassandra, 2014; Raufelder et al., 2016). Walang pagsusuri tungkol sa mga proseso sa pagtugon ngunit may ideang ang pagkakaroon ng mga pasalungat na aytem (negatively keyed items) ay para lámang maiwasan ang pulos pagsang-ayon (acquiescence). Ang mismong pagbuo rin ni Cagasan (2016) ng panukat para sa social desirability ay kumikilala sa ibang prosesong internal sa kalahok na maaaring makaapekto sa pagtugon nila sa panukat.
Talahanayan 3. Buod ng Pagtalakay sa mga Isyu ng Pagbuo ng Panukat

Hindi nasasakop ng balangkas nina Oosterveld at iba pa (2019) ang kalakaran ng pag-aangkop at pagsasalin sa paggawa ng aytem at pagbuo ng eskala. Kadalasang gumagamit ng iba pang panukat sa pagpapatibay. Sa pitong papel na gumawa nito, isa lámang ang gumamit ng lokal na panukat (Clemente et al., 2017). Tulad sa ibang kantitatibong pag-aaral, may pag-aangkop (Bries et al., 2018; Tuliao & Velasquez, 2014) at pagsasalin ng mga aytem (Cagas & Hassandra, 2014; Raufelder et al., 2016) para sa binuong panukat at/o ibang ginamit na panukat sa pag-aaral. Sa tatlong papel na walang ibang ginamit na panukat sa kasalukuyang metodo, isa ang tungkol sa experience sampling methodology o ESM (Mendoza & Sio, 2018). Isa ang nagbigay-tuon sa pagtalakay sa mga naunang pagpapatibay tungkol sa binuong panukat (Del Pilar, 2017) at isa ang gumamit ng ibang kahihinatnan (non-test outcome) tulad ng grade point average, attendance, at iba pa (Raufelder et al., 2016).
Katulad sa paggamit ng panukat, naipakita rito ang pag-uulit ng proseso sa pagbuo at paglinang ng panukat tulad ng pag-uulit sa pagtingin ng estruktura (hal., Clemente et al., 2017; at Del Pilar, 2017). Isinasalamin din ng pagsusuri ang hindi pagbanggit sa modelo ng pagsukat ngunit pangingibabaw ng CTT (Borsboom, 2006) batay sa mga metodong ginamit na madalas maiugnay rito. Gumagamit rin ng iba pang pamamaraang sakop ng sikometrika tulad ng factor analysis, SEM, at multidimensional scaling (Jones & Thissen, 2006). Huli, isinasalamin ng mga kalakaran sa pagbuo ng panukat ang kahalagahan ng pagiging patas (Stout, 2002) sa pagkakapantay ng pagsukat sa iba-ibang grupo (Millsap, 2007) at pagiging makabuluhan sa kultura (Melikyan et al., 2019).
PAGLALAGOM AT REKOMENDASYON
Inaasahang magbibigay-daan ang pagtatakda ng kahulugan sa paglinang ng akademikong wikang Filipino at ng metodolohiyang mag-aambag din sa paglinang ng kaisipang teoretiko at gamit sa SP. Katanggap-tanggap man ang paggamit ng salitang reliability at validity ay mayroong katumbas na salita sa wikang Filipino— ang katatagan at katibayan. Maaaring kasunod na proyekto ang pagbuo ng glosari para maisama ang ibang pangunahing konsepto. Mainam ring magsagawa ng sarbey at ginabayang talakayan sa mga guro at mananaliksik sa pagsukat sa sikolohiya para maging batayan ng glosari at makaipon ng mga terminong pinagkakasunduan sa disiplina. Para sa iba pang terminong metodolohiko, kailangang isaalang-alang ang pagsakop sa iba-ibang pilosopiya, lapit, disenyo, pamamaraan, at metodo. Ang kasalukuyang pag-aaral ay naging limitado sa mga konseptong madalas iugnay sa CTT dahil wala ring nirebyung papel na gumamit ng IRT at RTM.
Malaking bahagi ng pagsukat sa sikolohiya ay ginagawa para sa pagsukat ng pagkakaiba-iba ng indibidwal (individual differences). Bagama’t hindi ito ang layon ng pag-aaral ng kulturang Pilipino, matutugunan ng ganitong pagsukat ang pagkakaiba-ibang pangkultura at pangkaranasan sa kontekstong Pilipino dahil sa multikulturalismo at pagkakaroon ng iba-ibang impluwensiya ng panlipunang katayuan sa karanasan ng bawat isa. Mula sa mga salita at kalakaran sa paggamit at pagbuo ng panukat, nabigyang-diin ang kahalagahan ng pagkakapantay ng pagsukat sa iba-ibang grupo at pagiging makabuluhan sa kultura ng mga panukat. May pangangailangan para sa mga lokal na panukat, pamantayan sa pag-angkop at pagsalin ng panukat, at paggamit ng di-lokal na panukat tulad ng pagiging makabuluhan, iba-ibang uri ng pagkiling (bias), at pagiging patas ng panukat (fairness). Nasimulan na ang pagtalakay sa mga isyung ito sa papel ni Bernardo (2011) at kailangan ng karagdagang pag-aaral tungkol sa pagtupad ng mga panukalang inirekomenda niya.
Ang paggamit ng kantitatibong pag-aaral sa pagsagot ng mga tanong tungkol sa kultura ay nangangailangan ng kaalaman at kasanayan sa pagsukat at sikometrika para matiyak ang integridad ng agham. Maraming gumagamit ng panukat at nararapat lámang na maipakita nila ang kaalaman sa mainam at rigorosong pagsukat. Kabílang dito ang pagsuri at pag-ulat tungkol sa pagiging akma ng pamamaraang estadistiko ayon sa layunin ng pag-aaral, uri ng variable, at pagtupad ng mga palagay. Mainam na kalakaran ang pag-ulat ng katatagan. Nakita sa pag-aaral na karaniwang suriin at iulat ang internal na pagkakasundo sa panukat. Bagama’t kaunti, mayroong nagpakita ng katatagan sa pagtalakay ng pagsubok at muling pagsubok ng panukat (Cagas & Hassandra, 2014; Raufelder et al., 2016). Limitado sa sariling ulat (self-report) na gumagamit ng eskalang Likert o katulad nito ang halos lahat ng mga nirebyung papel. Wala sa mga nirebyung papel ang nagsuri sa paghahalili ng mga pormularyo o pagkakasundo ng mga tagapagmasid kahit malaki ang gamit nito sa ilang konteksto ng pagsukat sa Pilipinas. May mga sistema ng pagsukat na may regularidad ang pangangasiwa para mangailangan ng iba-ibang pormularyo tulad ng civil service exam at licensure exams. Isang gamit naman ng ulat ng tagapagmasid (observer report) ay para masubok ang mga sariling-ulat. Mainam rin itong gamitin para sa paghusga ng iba-ibang aspekto ng kultura ng mga taga-loob at taga-labas. Maaari ding lumawak ang mga konteksto ng pagsukat sa paglinang ng ibang metodolohiya tulad ng ginawa nina Mendoza at Sio (2018) sa pagbuo ng mobile application para sa experience sampling methodology o ESM.
Kailangan pang pagbutihin ang pag-uulat tungkol sa katibayan ng mga panukat. Maaaring ibatay ito sa ibang pag-aaral tungkol sa pagpapatibay ng panukat, at/o mga paunang pagsubok na bahagi ng kasalukuyang pag-aaral. Kung batay ito sa ibang pag-aaral, mainam na maglagay ng kahit isa o dalawang pangungusap na naglalarawan sa uri ng katibayan ng panukat at pagkatapos ay tukuyin ang sanggunian. Sa kaunting papel na nag-ulat tungkol sa katibayan at/o pagpapatibay ng panukat, natalakay ang katibayang mula sa nilalaman ng panukat, estrukturang internal nito, at ugnayan sa ibang variable. Bihirang pagtuonan ng pansin ang mga proseso ng pagtugon kahit may implikasyon ito sa pagiging patas ng panukat. Halimbawa, ayon kina Wetzel at mga kasama (2016), nakita sa mga lipunang mababa sa indibidwalismo at mga bansang higit na talamak ang power distance at masculinity na mataas ang pagkakaroon ng mga estilo ng pagtugon na may pagsang-ayon lámang (acquiescent response style) at sukdulan lámang (extreme response style). Kung maihahalintulad ang kontekstong Pilipino rito, nararapat lámang na suriin ang estilo ng pagtugon ng mga kalahok at i-adjust ang mga iskor bago gamitin sa pamamaraang estadistiko. Kung hindi ito gagawin, maaaring magkaroon ng malaking pagkakaiba sa estimasyon. Maaaring lumaki ang pagkiling sa pagsukat na mangangahulugang hindi patas ang panukat para sa mga kulturang inaaral.
Sa pangkalahatang pagbuo ng mga panukat, malinaw ang paglalarawan ng mga pamamaraan sa nasuring papel, kahit pa sa mga inangkop o isinalin ang binubuong panukat. Para sa organisadong pagkokompara ng mga proseso, naging epektibong balangkas ang apat na yugto ng disenyo ng panukat nina Oosterveld at mga kasama (2019). Nakita rin sa pag-aaral ang kahalagahan ng paunang pagsubok at ang katangian ng paglinang ng panukat na paulit-ulit (hal., Clemente et al., 2017; at Del Pilar, 2017). Maikakabit ang hangaring magkaroon ng matatag at matibay na panukat sa pagdaan sa iba-ibang yugto, pag-uulit ng proseso, at pagpapahalaga sa iba-ibang aspektong sikometriko. Ngunit isang kakulangan ng paggamit ng balangkas nina Oosterveld at mga kasama (2019) ay ang paglapat sa mga panukat na inangkop o isinalin, lalo sa pagtalakay ng pagsuri ng konsepto at pagbuo ng aytem, dahil maraming papel ang gumamit ng panukat na hindi sariling-gawa at mula sa ibang bansa ang may-akda.
Bukod rito, mainam na dumami pa ang pagbuo ng mga lokal na panukat. Makatutulong rito ang mga katutubong metodo sa pamamagitan ng paglilinaw ng konstrak na susukatin, nilalaman ng mga aytem, pati ang pamamaraan sa pagpapatibay ng panukat. Isang halimbawa na ang pagsusuri ng konsepto para makagawa ng mga aytem gamit ang pagtatanong-tanong sa papel nina Tuliao at Velasquez (2014). Mayroon na ring mga inilimbag na balangkas na gumamit ng magkakahalong metodo sa iba-ibang yugto ng pagbuo ng panukat (hal. Luyt, 2012; David et al., 2018; Koskey et al., 2018; Leach Sankofa, 2022). Karamihan sa mga katutubong metodo ay kalitatibo at malaki ang potensiyal ng paghahalo nito sa iba-ibang kantitatibong metodo, kahit pa gumamit ng modelo ng IRT tulad sa papel nina David at kaniyang mga kasama (2018). Sa pamamagitan nito, malilinang din ang mga metodong bihirang gamitin. Dagdag sa pagkakaroon ng mga pamantayan at ibang tunguhin sa pagsukat sa sikolohiya, mainam na sumubok ng mga alternatibong modelo sa CTT. Hindi lámang dahil ito ang kalakarang internasyonal sa sikometrika, kung hindi dahil sa potensiyal nitong mapabuti ang pagsukat. Umiiral na sa lokal na kalakaran ang iba pang pamamaraang sakop ng sikometrika (Jones & Thissen, 2006) tulad ng factor analysis at multidimensional scaling sa pagbuo ng panukat. Isang hamon ang pagbalanse ng kalakaran sa bansa at sa daigdig. Kailangang akma sa mga konteksto, karanasan, at kultura ng mga Pilipino habang tinatanggap ang mga pamamaraang magpapabuti sa pagsukat at pag-aaral. Alinsunod sa Sikolohiyang Pilipino, hangad nito ang pamantayang maka-Pilipino, mapagpalaya, at unibersal.
Mga Sanggunian
Acayan, A.M.C., Cua, M.H.C., Te, J.C.T., & Teng-Calleja, M. (2015). Antecedents and outcome of union commitment. Philippine Journal of Psychology, 48(1), 59-86. https://www.pap.ph/ assets/files/journals/antecedents-and-outcome-of-union-commitment.pdf
Almario, V.S. (Ed.) (2015). KWF Manwal sa Masinop na Pagsulat (2nd ed.) Maynila: Komisyon sa Wikang Filipino.
Bernardo, A.B.I. (2011). Lost in translation? Challenges in using psychological tests in the Philippines. Silliman Journal, 52(1), pp. 19-42. https://www.researchgate.net/publication/ 259220496_Lost_In_Translation_Challenges_in_Using_Psychological_Tests_in_the_Philippines
Bernardo, A.B.I. (2017). Exploring political values of Filipinos using an Etic approach. Philippine Journal of Psychology, 50(2), 7-38. https://www.pap.ph/assets/files/ journals/exploring-political-values-of-filipinos-using-an-etic-approach.pdf
Bernardo, A.B.I., & Resurreccion, K.F. (2018). Financial stress and well-being of Filipino students: the moderating role of external locus-of-hope. Philippine Journal of Psychology, 51(1), 33-61. https://www.pap.ph/assets/files/journals/financial-stress-and-wellbeing-of-filipino-students-the-moderating-role-of-external-locusofhope.pdf
Borsboom, D. (2005). Measuring the mind: Conceptual issues in contemporary psychometrics. New York, USA: Cambridge University Press.
Borsboom, D. (2006). The attack of the psychometricians. Psychometrika, 71(3), 425-440. https://doi.org/10.1007/s11336-006-1447-6
Borsboom, D., Mellenbergh, G.J., & van Heerden, J. (2004). The concept of validity. Psychological Review, 111(4), 1061-1071. https://doi.org/10.1037/0033-295X.111.4.1061
Bries, F.S.M., Chiong, A.E., Calleja, E.A., & Quisto, A.P. (2018). “Ang gusto ko lamang sa buhay ay…” paunang pagbuo at pagsusuri ng isang imbentaryo ng mga motibasyon ng mga Filipino. DIWA, 6, 19-51. https://www.pssp.org.ph/diwa/wp-content/uploads/ 2018/11/2-Artikulo-Bries-et-al..pdf
Bunagan, K.S., Tabo, C.E.S., Bautista, V.V., Melgar, M.I.E., Co, T.A.C., & Hechanova, M.R.H. (2019). Engaging the family in recovery: outcomes of a community-based family intervention. Philippine Journal of Psychology, 52(1), 155-183. https://www.pap.ph/ assets/files/journals/engaging-the-family-in-recovery-outcomes-of-a-communitybased-family-intervention.pdf
Cagas, J., & Hassandra, M. (2014). The Basic Psychological Needs in Physical Education Scale in Filipino: an exploratory factor analysis. Philippine Journal of Psychology, 47(1), 19-40. https://www.pap.ph/assets/files/journals/the-basic-psychological-needs-in-physical-education-scale-in-filipino-an-exploratory-factor-analysi.pdf
Cagasan, L.P. (2016). The development and validation of a Filipino Social Desirability Scale. Philippine Journal of Psychology, 49(1), 19-42. https://www.pap.ph/assets/files/ journals/the-development-and-validation-of- a-filipino-social-desirability-scale.pdf
Cerezo, A.G.F., Galian, A.D., Tarroja, M.C.H., Mañalac, G.K.Q., & Ysmael, M.P.R. (2015). Breaking news: how hardiness moderates the impact of burnout on the psychological well-being of Filipino journalists covering disasters and emergencies. Philippine Journal of Psychology, 48(2), 175-194. https://www.pap.ph/assets/files/journals/breaking-news-how-hardiness-moderates-the-impact-of-burnout-on-the-psychological-wellbeing-of-fil.pdf
Clemente, J.A.R., Galang, A.J.R., & Arpon, A.T. (2017). Sino ang may hiya at sino naman ang wala? paunang pagtitibay sa panukat ng hiya bilang isang pagpapahalaga. DIWA, 5, 39-73. https://www.pssp.org.ph/diwa/wp-content/uploads/2017/11/3-Artikulo-Clemente-Galang-Arpon.pdf
Daganzo, M.A.A., Alampay, L.P., & Lansford, J.E. (2014). Filipino mothers’ self-efficacy in managing anger and in parenting, and parental rejection as predictors of child delinquency. Philippine Journal of Psychology, 47(2), 1-26. https://www.pap.ph/assets/files/journals/ filipino-mothers-selfefcacy-in-managing-anger-and-in-parenting-and-parental-rejection-as-predicto.pdf
David, S.L., Hitchcock, J.H., Raga, B., Brooks, G., & Starkey, C. (2018). Mixing interviews and Rasch modeling: demonstrating a procedure used to develop an instrument that measures trust. Journal of Mixed Methods Research, 12(1), 75-94. https://doi.org/10.1177/ 1558689815624586
Del Pilar, G.E.H. (2017). The development of the Masaklaw na Panukat ng Loob (Mapa ng Loob). Philippine Journal of Psychology, 50(1), 103-141. https://www.pap.ph/assets/ files/journals/the-development-of-the-masaklaw-na-panukat-ng-loob-mapa-ng-loob.pdf
Del Pilar, G.E.H., Bermudez, R.M., Cajanding, D., Eco, M., Guevarra, K., & Larracas, A. (2017) Ang masaklaw na panukat ng loob at ang pagpapatibay nito batay sa paggamit ng bahala na. Nasa Pe-Pua, R. (Ed.), Handbuk ng Sikolohiyang Pilipino (vol. 1, pp. 691-706). Lungsod ng Quezon: University of the Philippines Press.
Docena, P.S. (2015). Adaptive coping, resilience, and absence of anxiety among displaced disaster survivors. Philippine Journal of Psychology, 48(2), 27-49. https://www.pap.ph/ assets/files/journals/adaptive-coping-resilience-and-absence-of-anxiety-among-displaced-disaster-survivors.pdf
Dumaop, D.E. (2013). Pamumuno sa Pilipinong pagtingin: ang pagkalider batay sa pagtataglay ng mga katangian. DIWA, 1, 180-195. https://www.pssp.org.ph/diwa/wp-content/ uploads/2014/09/11-Artikulo-Dumaop.pdf
Enriquez, V.E.G. (1975). Mga batayan ng Sikolohiyang Pilipino sa kultura at kasaysayan. Nasa Pe-Pua, R. (Ed.), Handbuk ng Sikolohiyang Pilipino (vol. 1, pp. 5-18). Lungsod ng Quezon: University of the Philippines Press.
Enriquez, V.E.G. (1976). Sikolohiyang Pilpino: perspektibo at direksiyon. Nasa Pe-Pua, R. (Ed.), Handbuk ng Sikolohiyang Pilipino (vol. 1, pp. 19-31). Lungsod ng Quezon: University of the Philippines Press.
Galacgac, N.B., & Tarroja, M.C. (2019). Dispositional mindfulness and relapse vulnerability as mediated by self-efficacy among persons in recovery from substance use disorders (SUDs). Philippine Journal of Psychology, 52(1), 185-208. https://www.pap.ph/assets/files/ journals/dispositional-mindfulness-and-relapse-vulnerability-as-mediated-by-selfefficacy-among-persons-in-re.pdf
Galano, C.P. (2017). Ang loob at pakikipagkapwa sa kagandahang-loob: pagsusuri sa pagpapakahulugan at mga pagpapahalaga ng kabataan. DIWA, 5, 108-125. https:// www.pssp.org.ph/diwa/wp-content/uploads/2017/11/6-Artikulo-Galano.pdf
Gastardo-Conaco, M.C., & Quiñones, D.M.A. (2015). Ang antas ng pulitikal na pagkilos bilang epekto ng sosyal na identidad bilang Pilipino, ng mga representasyon tungkol sa demokratikong pagkamamamayan, at ng pulitikal na bisa. DIWA, 3, 17-31. https:// www.pssp.org.ph/diwa/wp-content/uploads/2015/11/01-Artikulo-ConacoQuinones.pdf
Groenen, P. J., & Andries van der Ark, L. (2006). Visions of 70 years of psychometrics: the past, present, and future. Statistica Neerlandica, 60(2), 135-144. https://doi.org/2010.1111/ j.1467-9574.2006.00318.x
Hechanova, M.R.M., Alianan, A.S., Calleja, M.T., Acosta, A.C., & Yusay, C.C. (2019). Evaluation of the training and pilot implementation of katatagan kontra droga sa komunidad. Philippine Journal of Psychology, 52(1), 65-101. https://www.pap.ph/ assets/files/journals/evaluation-of-the-training-and-pilot-implementation-of-katatagan-kontra-droga-sa-komunidad.pdf
Hechanova, M.R.M., Waelde, L.C., Docena, P.S., Alampay, L.P., Alianan, A.S., Flores, M.J.B., Ramos, P.A.P., & Melgar, M.I.E. (2015). The development and initial evaluation of katatagan: a resilience intervention for Filipino disaster survivors. Philippine Journal of Psychology, 48(2), 105-131. https://www.pap.ph/assets/files/journals/the-development-and-initial-evaluation-of-katatagan-a-resilience-intervention-for-filipino-disaster.pdf
Jones, L. V., & Thissen, D. (2006). 1 A History and Overview of Psychometrics. Handbook of Statistics, 26, 1-27. https://doi.org/10.1016/S0169-7161(06)26001-2
Kaplan, R.M., & Saccuzzo, D.P. (2013). Psychological testing: Principles, applications, & issues (8th ed.). Singapore: Cengage Learning Asia Pte Ltd.
Koskey, K.L.L., Sondergeld, T.A., Stewart, V.C., & Pugh, K.J. (2018). Applying the mixed methods instrument development and construct validation process: the transformative experience questionnaire. Journal of Mixed Methods Research, 12(1), 95-122. https://doi.org/10.1177/1558689816633310
Labor, P.D.P., & Gastardo-Conaco, M.C.C. (2017). The role of social perceptions, beliefs, and emotions on support for punitive action toward drug dealers and users. Philippine Journal of Psychology, 50(2), 67-96. https://www.pap.ph/assets/files/journals/the-role-of-social-perceptions-beliefs-and-emotions-on-support-for-punitive-action-toward-drug-dea.pdf
Leach Sankofa, N. (2022). Transformativist measurement development methodology: a mixed methods approach to scale construction. Journal of Mixed Methods Research, 16(3), 307-327. https://doi.org/ 10.1177/15586898211033698
Luyt, R. (2012). A framework for mixing methods in quantiative measurement development, validation, and revision: a case study. Journal of Mixed Methods Research, 6(4), 294-316. https://doi.org/10.1177/1558689811427912
Maximo, S.I., & Loy, S.N.G. (2014). Bullying among high school students as influenced by parent-child attachment and parenting styles. Philippine Journal of Psychology, 47(2), 125-152. https://www.pap.ph/assets/files/journals/bullying-among-high-school-students-as-influenced-by-parentchild-attachment-and-parenting-styles.pdf
Mendoza, G.G.V., & Sio, C.P. (2018). Experience sampling method sa konteksto ng Sikolohiyang Pilipino. DIWA, 6, 1-18. https://www.pssp.org.ph/diwa/wp-content/uploads/2018/11/1-Artikulo-Mendoza-Sio2.pdf
Melikyan, Z. A., Agranovich, A.V., & Puente, A. (2019). Fairness in psychological testing. Nasa Goldstein, G., Allen, D.N., & DeLuca, J. (Eds.) Handbook of Psychological Assesment (pp. 551-572). https://doi.org/10.1016/B978-0-12-802203-0.00018-3
Millsap, R.E. (2007). Invariance in measurement and prediction revisited. Psychometrika, 72(4), 461-473. https://doi.org/10.1007/S11336-007-9039-7
Nalipay, M.J.N. (2017). Correspondence bias in the attribution of political attitudes (a replication of Jones and Harris’s (1967) experiment on correspondence bias). Philippine Journal of Psychology, 50(2), 140-158. https://www.pap.ph/assets/files/journals/correspondence-bias-in-the-attribution-of-political-attitudes-a-replication-of-jones-and-harriss.pdf
Nalipay, M.J.N., & Alfonso, M.K.S. (2018). Career and talent development self-efficacy of Filipino students: the role of self-compassion and hope. Philippine Journal of Psychology, 51(1), 101-120.https://www.pap.ph/assets/files/journals/career-and-talent-development-selfefficacy-of-filipino-students-the-role-of-selfcompassion-and-ho.pdf
Nalipay, M.J.N., Mordeno, I.G., & Saavedra, R.L.J. (2015). Cognitive processing, PTSD symptoms, and the mediating role of posttraumatic cognitions. Philippine Journal of Psychology, 48(2), 3-26.https://www.pap.ph/assets/files/journals/cognitive-processing-pstd-symptoms-and-the-mediating-role-of-posttraumatic-cognitions.pdf
Nerona, R. (2017). War on crime and drugs: understanding support for the anti-crime and anti-drugs campaign. Philippine Journal of Psychology, 50(2), 39-66. https://www.pap.ph/ assets/files/journals/war-on-crime-and-drugs-understanding-support-for-the-anticrime-and-antidrugs-campaign.pdf
Oosterveld, P., Vorst, H. C., & Smits, N. (2019). Methods for questionnaire design: a taxonomy linking procedures to test goals. Quality of Life Research, 28(9), 2501-2512. https:// www.doi.org/10.1007/s11136-019-02209-6
Professional Regulation Commission. (n.d.). Psychometrician Primer. https://prc.gov.ph/sites/ default/files/Psychometrician_PRIMER.pdf
Quiñones, D.M.A. (2015). Epekto ng uri ng impormasyon mula sa mass media sa pagbuo ng atityud tungkol sa Bangsamoro. DIWA, 3, 1-16. https://www.pssp.org.ph/diwa/wp-content/uploads/2015/11/00-Artikulo-Quinones.pdf
Raufelder, D., Hoferichter, F., & Francisco, M.B. (2016). Validation of the Philippine Version of the Relationship and Motivation Scales (REMO-P). Philippine Journal of Psychology, 49(1), 43-72. https://www.pap.ph/assets/files/journals/validation-of-the-philippine-version-of-the-relationship-and-motivation-scales-remop.pdf
Reise, S.P., Ainsworth, A.T., Haviland, M.G. (2005). Item response theory: fundamentals, applications, and promise in psychological research. Current Directions in Psychological Science, 14(2), 95-101. https://doi.org/10.1111/j.0963-7214.2005.00342.x
Retuya, C.O., Ceniza, D.M.S., Lara, J.M., Tare, S.G.A., & Quinain, K.T. (2017). The priming effect of family obligation on Filipino students’ academic performance. Philippine Journal of Psychology, 50(2), 159-173. https://www.pap.ph/assets/files/journals/the-priming-effect-of-family-obligation-on-filipino-students-academic-performance.pdf
Rouse, S.V. , Finger, M.S., & Butcher, J.N. (1999). Advances in clinical personality measurement: An item response theory analysis of the MMPI-2 PSY-5 scales. Journal of Personality Assessment, 72(2), 282-307. doi: 10.1207/S15327752JP720212
Santiago, C. & Enriquez, V. (1995). Tungo sa makapilipinong pananaliksik. Nasa Pe-Pua, R. (Ed.), Sikolohiyang Pilipino: Teorya, metodo, at gamit (Ikatlong ed., d. 155-160). Lungsod ng Quezon: University of the Philippines Press.
Steiner, D.L. (2010). Measure for measure: new developments in measurement and item response theory. Canadian Journal of Psychiatry, 55(3), 180-186. https://doi.org/ 10.1177/ 070674371005500310
Stout, W. (2002). Psychometrics: From practice to theory and back. Psychometrika, 67(4), 485-518.https://www.psychometricsociety.org/sites/main/files/file-attachments/articlestout2002. pdf?1575060448
Stuit, D. B. (1951). The preparation of a test manual. American Psychologist, 6(5), 167–170. https://doi.org/10.1037/h0058000
Tang, R.L., & Cayayan, P.L.T. (2016). Behavioral consequences of psychological contract breach: examining the neutralizing effects of organization-based self-esteem. Philippine Journal of Psychology, 49(1), 1-18. https://www.pap.ph/assets/files/journals/ behavioral-consequences-of-psychological-contract-breach-examining-the-neutralizing-effects-of-orga.pdf
Tarroja, M.C.H., Alcala, M.A.B., Simon, P.D., & Sanchez, J.D. (2020). A review of psychological assessment practice in the Philippines: what do some practitioners say?. Philippine Journal of Psychology, 53(1), 81-115. https://www.pap.ph/assets/files/ journals/a-review-of-psychological-assessment-practice-in-the-philippines-what-do-some-practitioners-say.pdf
Teh, L.A., Acosta, A.C., Hechanova, M.R.M., Garabiles, M.R., & Alianan, A.S. (2014). Attitudes of psychology graduate students toward face-to-face and online counseling. Philippine Journal of Psychology, 47(2), 65-97. https://www.pap.ph/assets/files/journals/attitudes-of-psychology-graduate-students-toward-facetoface-and-online-counseling.pdf
Tuliao, A.P., & Velasquez, P.A. (2014). Revisiting the general help seeking questionnaire: adaptation, exploratory factor analysis, and further validation in a Filipino college student sample. Philippine Journal of Psychology, 47(1), 1-18. https://www.pap.ph/assets/ files/journals/revisiting-the-general-help-seeking-questionnaire-adaptation-exploratory-factor-analysis-and-furt.pdf
Uher, J. (2020). Psychometrics is not measurement: unraveling a fundamental misconception in quantitative psychology and the complex network of its underlying fallacies. Journal of Theoretical and Philosophical Psychology, 41(1), 58-54. https://doi.org/10.1037/ teo0000176
Urbina, S. (2014). Essentials of psychological testing (2nd ed.). Hoboken, New Jersey: John Wiley & Sons, Inc.
Villarosa, J.B., & Ganotice, F.A. (2018). Construct validation of Ryff’s Psychological Well-being Scale: evidence from Filipino teachers in the Philippines. Philippine Journal of Psychology, 51(1), 1-20. https://www.pap.ph/assets/files/journals/construct-validation-of-ryffs-psychological-wellbeing-scale-evidence-from-filipino-teachers-in-th.pdf
Wetzel, E., Böhnke, J.R., & Brown, A. (2016). Response biases. Nasa Leong, Frederick T.L. & Iliescu, D. (Eds.). The ITC International Handbook of Testing and Assessment (pp. 349-363). New York, USA: Oxford University Press.
Apendiks
Listahan ng mga Ginamit na Salin o Paliwanag sa mga Termino1

Mga Talâ
1Maaari itong magsilbing panimula sa paggawa ng glosari. Ang susunod na gawain ay magsalin ng mga klasikong teksto sa pagsukat sa sikolohiya at sikometrika. Kailangang magsagawa pa ng mga karagdagang pag-aaral tungkol sa mga kombensiyon sa paggamit ng mga termino.
2Sa Handbuk ng Sikolohiyang Pilipino (2018), ginamit sa yunit tungkol sa indigenous psychological measurement ang salin na katutubong panukat na sikolohikal (p. xi). Higit nga lámang nitong natutukoy ang mismong instrumento sa pagsukat o psychological measure kompara sa psychological measurement. Kung direktang salin, akma ang sikolohikal na pagsukat o pagsukat na sikolohikal. Para holistic, mainam ang pagbuo ng terminong “pagsukat sa” + kung anumang larangan ang sakop. Samakatwid, ang psychological measurement ay pagsukat sa sikolohiya. Katumbas nito ang measurement in the field of psychology. Nababagay itong gamitin para sa pamagat ng isang kurso.
3Para sa hiwalay na termino ng psychometrics, saykometriks ang magiging baybay kung susundin ang eksperimento sa Ingles. Kung susundin ang tuntuning Espanyol bago Ingles, ito ay magiging sikometriya mula sa psicometria. Ngunit magdadala ito ng kalituhan dahil ginagamit rin ang psychometry sa pagbabasa ng enerhiya ng mga bagay. Interesante ang paraan na eksperimento sa Espanyol kung saan sadyang bumubuo ng salitang pa-Espanyol na madalas magtapos sa mga hulaping pangkatawagan. Maaari itong gawin kung may dahilan sa paglihis sa anyo ng wikang hiniraman tulad sa kaso ng sikolohista na magiging katunog ng kulugo kung ang terminong gagamitin ay sikologo (Almario, 2015, p. 26). Kung gagawin ito sa psychometrics, puwede ang sikometrika na malapit rin sa pamagat ng dyornal ng Psychometric Society, ang Psychometrika.