[DIWA E-Journal Tomo 4, Nobyembre 2016] Ang Kapakinabangan ng Postestrukturalismo sa Sikolohiyang Pilipino: Hamon at Halimbawa mula sa Pag-aaral ng mga Migranteng Pilipina sa Aotearoa

Michelle G. Ong
Departamento ng Sikolohiya
University of the Philippines (UP), Diliman, Quezon City

Abstrak

Inihahain sa papel na ito ang kapakinabangan ng poststrukturalismo sa Sikolohiyang Pilipino (SP). May tatlong punto kung saan may maiaambang ang poststrukturalismo sa SP tungo sa pagiging malaya at mapagpalayang sikolohiya: una, sa pagpapalawig ng analisis na may interes sa pag-inog ng kapangyarihan sa lipunan; ikalawa, sa paglilinaw sa mga ugnayan ng sikolohiya ng indibidwal at ng mas malawak na mga istrukturang panlipunan, at ikatlo, sa pagpapatingkad sa kahalagahan ng (mga) wika at ng (mga) winiwika sa pag-unawa sa sikolohiya ng tao. Upang isulong ang argumentong ito, ginamit bilang halimbawa ang analisis ng mga kwento ng mga Pilipinang migrante sa Aotearoa. Sa paglapat ng analisis ng tema (Braun & Clarke, 2006) nang may pagtingin sa diskurso sa datos, ang mga kwento ng indibidwal ay naging daan tungo sa pagsusuri ng mga mas malawak na diskursong panlipunan tungkol sa pagiging migrante. Ang mga kwento ng pansariling pagsisikap, pagtitiyaga, at pagsasakripsyo ng mga migrante ay tumutugma sa isang neoliberal na pagkakakilalan ng sarili (neoliberal subjectivity) na nilalalang ang mga migrante bilang malaya, maalam, at may-kapangyarihang mga tao na kumikilos at nagdedesisyon para sa sarili nilang kapakanan (Guevarra, 2009; Tyner, 2004). Ang ganitong mga kwento ay sabay na bunga at nagbubunga ng isang kalakaran kung saan ang mga paghihirap (pisikal, sikolohikal, at pinansyal) ng mga migranteng Pilipino (at iba pang hindi puti) sa bansang gaya ng Aotearoa ay itinuturing na normal lamang at walang kinalaman sa diskriminasyon o sa pagnanasang panatilihing mababa ang sahod ng lahat ng mga manggagawa. Sinusulong sa papel na ito ang isang maka-Pilipino, mapanghamon, at mapagpalayang sikolohiya sa pamamagitan ng paghahain ng ebidensya na ang indibidwal na kalagayan at kaligayahan ay makikitang may ugnayan sa mga diskurso at sistemang umiiral sa lipunan.

Panimula

Mahaba na ang kasaysayan ng Sikolohiyang Pilipino (SP) sa paglinang ng iba’t ibang pamamaraan ng pangangalap ng datos—halaw man mula sa kultura at karanasang Pilipino (halimbawa, pagmamasid-masid, pagtatanong-tanong, pakikipagkuwentuhan) o yaong mga palasak sa kanluranin at/o ‘mainstream’ na sikolohiya (halimbawa, ang paggamit ng sarbey[1] o pagbuo ng mga panukat[2]). Subalit sa mga pananaliksik na gumagamit ng mga ito, malinaw ang pagkiling sa esensiyalismo bilang lapit sa pag-unawa sa tao, sa realidad, at sa datos. Kadalasan, ang analisis ay limitado sa paglalarawan ng isang konsepto o karanasan. Maliban kay Estrada-Claudio (2002) na nagsubok gumamit ng postestrukturalismo at analisis ng diskurso sa kaniyang pag-aaral ukol sa mga konsepto ng pagkababae, pag-ibig at seksuwalidad, kalimitan ay tinataya ng mga mananaliksik ng SP na may ‘tunay na katotohanan’ pagdating sa kaalaman tungkol sa mga usapin ng kaisipan, karanasan at diwang Pilipino. Higit pa, na may tunay o taal na Pilipino at mayroong hindi. Sa pangkalahatan, marami sa mga pagsisikap ng mga mananaliksik ng SP ay naglayong alamin at itaguyod ang sinasabing tunay na kaalaman ukol sa Pilipino o pagka-Pilipino.

Ang papel na ito ay isang hamon na idagdag ang postestrukturalismo bilang lapit sa mga kasangkapang pangmetodolohiya ng mga pananaliksik sa Sikolohiyang Pilipino. Ilalahad sa papel na ito ang pagkakatugma ng mga layunin ng SP at ng perspektibang hatid ng postestrukturalismo, at ipakikita ang maaaring gamit nito sa pagtingin sa at pag-aanalisa ng datos. Sa pamamagitan ng isang empirikal na pananaliksik ukol sa karansan at pakahulugan sa migrasyon ng mga Pilipina sa Aotearoa[3], aking pagtitibayin ang argumento ng kapakinabangan ng postestrukturalismo sa Sikolohiyang Pilipino.

ANG KAPAKINABANGAN NG POSTESTRUKTURALISMO SA SIKOLOHIYANG PILIPINO

Maliwanag na tunguhin ng SP ang malaya at mapagpalayang sikolohiya (Enriquez, 1994a). Inihahain ko na ang postestrukturalismo, bilang perspektiba, ay may malaking maiaambag sa pagkamit ng tunguhing ito. May tatlong punto kung saan may maiaambang ang postestrukturalismo sa Sikolohiyang Pilipino. Una, sa pagpapalawig ng analisis na may interes sa kapangyarihan—paano nito binubuo ang karanasan at pagkatao ng mga indibidwal, at paano itong binubuo at binabaka rin ng mga taong ito; ikalawa, sa paglilinaw sa mga ugnayan ng sikolohiya ng indibidwal at ng mas malawak na mga estrukturang panlipunan, at ikatlo, sa pagpapatingkad sa kahalagahan ng (mga) wika at ng (mga) winiwika sa pag-unawa sa sikolohiya ng tao.

Interes sa kapangyarihan

Ang SP ay nilalarawan bilang sikolohiyang malaya at mapagpalaya dahil sa interes nitong bumuo ng kaalaman na magagamit upang maiwaksi ang mga kolonyal na kaisipan sa larangan ng sikolohiya at agham panlipunan, at magagamit upang maprotektahan ang interes ng nakararaming mamamayang api at isinasantabi (Pe-Pua & Protacio-Marcelino, 2000). Marami sa mga unang sulatin na naglalatag ng tunguhin ng SP ay kritikal sa isang sikolohiyang ginagamit lamang upang pagsilbihan ang mga makapangyarihan (halimbawa, Bartolome, 1985; Jimenez, 1977). Ang mga pamamaraang nililinang sa SP, gaya halimbawa ng pakikipagkuwentuhan (sa panukala ni Orteza, 1997) at ginabayang talakayan (Galvez, 1988), ay may pagpapahalaga sa kapakanan at interes ng mga kalahok at komunidad na pinag-aaralan. Makikita rin sa mga lathalain sa larangan ng sikolohiya sa Pilipinas na dumarami ang mga may pagkiling sa SP at pumapaksa sa mga suliraning panlipunan (Clemente, 2011). Samakatwid, may interes ang SP sa kapangyarihan at malay ito sa katotohanang ang di-pagkakapantay-pantay ng kapangyarihan sa lipunan ang nagdudulot ng pagdurusang sikolohikal ng mga tao.

Ayon sa postestrukturalismo, may mahigpit na ugnayan ang kaalaman at kapangyarihan (Foucault, 1972, 1980)—ang pagyabong ng kaalaman tungkol sa mga tao (halimbawa, sa kanilang dami bilang populasyon, sa kalusugan, sa sikolohikal na kalagayan) ay nangangahulugan ng higit na kapangyarihang mapamunuan sila. Halimbawa, sa pag-alam na may mga taong ‘baliw’ at ‘normal,’ maaaring pagbuklod-buklurin ang mga ito at kontrolin ang kilos nila upang mapaayon sa kung ano ang ‘dapat.’ Subalit, bagama’t ang indibidwal ay masasabing hinuhubog ng kapangyarihan, kalakip din palagi ang posibilidad ng pag-iwas o pagtanggi (Foucault, 2008; Weedon, 1997).

Sa larangan ng sikolohiya, hindi agad naging makabuluhan ang ganitong pagtingin. Mga peministang sikolohista ang unang luminang sa postestrukturalismo upang pag-aralan ang palagay sa sarili (subject position) ng mga kababaihan at ang kaugnayan nito sa wika, kultura, at materyal na kondisyon ng buhay nila (Gavey, 1997). Nakatutulong ito upang maunawaan ang mga ugnayan ng kapangyarihan at matukoy ang mga posibilidad para sa pagbabago. Para sa SP, ang ganitong pagtangkilik at aplikayson ng postestrukturalismo sa larangan ng sikolohiya ay pagpapatunay na mahalagang kilalanin ang mga pagpapahalagang kinikilingan ng mga grupo, at usisain kung para kaninong kapakanan ba talaga ang kaalamang ating binubuo. Sa papel na ito, ang paninindigan para sa isang malaya at mapagpalayang sikolohiya ay makikita sa kritikal na pagsusuri sa mga ‘normal’ o ‘nakagawiang’ pagtingin sa pagiging migrante na maaaring gamitin upang abusuhin, maliitin, o ipagsawalang-bahala sila.

Ugnayan ng Indibidwal at Lipunan

Para sa mga nanguna sa pagbuo ng mga tunguhinin ng SP, malaking suliranin ang matinding pagkiling sa Kanluraning teorya at pananaliksik sa sikolohiya. Ayon sa mga ito, nagiging labis na etnosentriko ang mga pag-aaral sa sikolohiya ng mga Pilipino na panay ang kompara sa mga Pilipino sa mga pamantayan at konseptuwalisasyong pang-Amerikano (Enriquez, 1976). Ang pag-asa ng mga Pilipino sa isa’t isa upang magtulungan sa panahon ng kagipitan, halimbawa, ay tinuran ni Guthrie (1977) bilang ‘enforced sharing,’ at binatikos bilang hindi akma sa panahon ng modernisasyon; dagdag pa, inihambing ni Guthrie (1977) ang mga Pilipino sa isang aso na natutong tumalon para sa kaligtasan pagkarinig ng signos kahit pa wala naman nang koryente na darating. Nagpapatuloy lang umano ang mga Pilipino sa isang gawi na maaaring kapaki-pakinabang sa nakaraan ngunit hindi sa modernong kasalukuyan. Sa pagsabing ‘hindi akma’ ang ganitong gawi sa kasalukuyang panahon, maaaring gamitin ang pag-aaral na ito upang patunayang ang hindi pag-unlad ng Pilipino ay dahil sa mga ‘makalumang’ gawi na kagaya nito.

Para sa mga naninindigan sa SP, ang ganitong analisis na walang pagpapahalaga sa konteksto at kultura ng indibidwal ay bulag sa kinalaman ng panlipunang lagay ng isang tao (halimbawa, estado o uring panlipunan, kasarian, edad) sa kaniyang kaginhawahan. Sa huli, sa halip na  makatulong sa tao, ang sikolohiya ay nakapagpapalala sa sitwasyon nila dahil nakatuon ito sa mga indibidwal na damdamin o pag-iisip, sa halip na pagtingin sa mas malawak na kondisyong panlipunan na nagdudulot ng mga problema nila (Jimenez, 1977).

Sa postestrukturalismo, sa partikular yaong halaw sa mga teorya ni Foucault (1980, 1990) tungkol sa kapangyarihan, diskurso[4], at lipunan, ang pagkakakilanlan ng sarili (o subjectivity) ay ipinapalagay na hindi maaaring mabuo at maunawaan sa labas ng mga diskursong panlipunan kung saan ito nakapaloob. Para sa mga peminista, ang ganitong pagtingin sa indibidwal ay nagbigay-daan sa pagpuna sa namamayaning patriyarka at iba pang uri ng kaayusang panlipunan na siyang sanhi ng opresyon at pagsasantabi sa mga kababaihan (McLaren, 2002; Weedon, 1997); sa kalaunan ay pinakinabangan rin ng mga sikolohistang peminista ang ganitong perspektibo (tignan ang Gavey, 1997) kaya’t nagkaroon ng mga panibagong kakintalan sa mga sinasabing problemang sikolohikal ng mga kababaihan, gaya halimbawa ng anorexia nervosa (Bordo, 1993) at bulimia (Burns, 2004).

Bagama’t pinapaksa ng SP ang paglaban sa opresyon at pagsasantabi ng nakararami, at tumututol sa pagiging kasangkapan ng mga sikolohista sa pagpapalaganap ng kolonyalismo, marami pang maaaring gawin ang SP upang makapaghain ng mga empirikal na pag-aaral na pumupuna sa mga di-pagkakapantay-pantay sa lipunan at sa mga panlipunang estruktura na siyang nagpapalaganap nito. Sa puntong ito ay sumasang-ayon ako kay Estrada-Claudio (2014) na nagsabing may mga metodolohikal na limitasyon na dulot ang epistemolohikal na pagkiling ng SP sa esensiyalismo. Ayon sa pagsusuri ni Estrada Claudio (2014), ang esensiyalismo ng SP ay mababakas sa 1) paggamit ng politikal-heograpikal na mga hanggahan ng bansang Pilipinas bilang pagtatakda ng pagiging Pilipino, 2) pagtingin sa mga Pilipino sa Pilipinas bilang may kaisahan at kabuuang mapag-iiba sa anumang Kanluranin o kolonyal, at 3) na anumang ‘katutubo’ ay mapagpalaya. Bagama’t may pakinabang rin ang estratehikong esensiyalismo (Spivak, 1988) at ang indihenisasyon ng teorya at metodolohiya na ginagamit ng sikolohiya sa pagtuklas ng kaalamang makabuluhan sa Pilipino (Mendoza, 2006), ang patuloy at bulag na pagkiling sa esensiyalismo nang di-malay sa mga kahinaan nito ay balakid sa pagbuo ng isang sikolohiyang babakahin at babaklasin ang mga mapang-aping kaayusan tulad ng koloniyalismo, seksismo, atbp. Sa larangan halimbawa ng mga pag-aaral ukol sa migranteng Pilipino, madalas mabanggit ang ‘likás’ na pagiging adbenturero ng mga Pilipino, at ang ‘likás’ din nilang sipag at galing sa pakikipagsapalaran sa ibang bayan upang ipaliwanang ang ‘matagumpay’ na pangingibang-bayan ng laksa-laksang Pilipino (Guevarra, 2009; Tyner, 2004). Sa larangang ito, paanong magiging mapagpalaya ang pagtanggap sa pagiging likas sa Pilipino ng pagiging migrante?

Kahalagahan ng Wika

Sa SP, may matinding pagpuna sa nakagawiang paggamit ng wikang Ingles sa pananaliksik, pagtuturo, at pagsusulat ng mga sikolohista. Ang ama ng SP na si Virgilio Enriquez ay maraming naisulat (sa kapwa Ingles at Filipino) sa pangangailangang linangin ang sariling mga wika ng Pilipino. May dalawang elemento sa kritisismo ni Enriquez ukol sa paggamit ng wikang Ingles. Una ay ang di-hayag na pagmamaliit sa mga katutubong konseptong sikolohikal at teorya sa loob ng mainstream at kanluraning sikolohiya. Ang pananaig ng Ingles ay lumilikha ng sitwasyon na ang mga banyaga, ligaw, o hiram na mga konsepto ang patuloy na pinag-aaralan, ginagamit, ibinabagay sa kontekstong Pilipino bagama’t mayoon namang mga katutubong konsepto, at kahit pa hindi angkop ang mga ito (Enriquez, 1976). Higit pa, maraming mga katutubong konsepto ang hindi matanaw ng mga sikolohistang Pilipino kahit mas makabuluhan ang mga ito sa karanasang Pilipino dahil patuloy na tinutuntungan ang wikang Ingles sa kanilang pag-aaral (Enriquez, 1976). Gamit ang mga kakintalan mula sa Sapir-Whorf hypothesis na pinag-uugnay ang wika at kultura, tiningnan ni Enriquez ang mga wikang Pilipino bilang mayamang batis ng mga konseptong sikolohikal na makabuluhan sa mga tao at makatutulong upang bumuo ng imahen ng pagka-Pilipino na kontra sa ideyal na kolonyal na subject[5] na likha ng kanluraning sikolohiya (Enriquez, 1994b; Paredes-Canilao & Babaran-Diaz, 2011; Pe-Pua & Protacio-Marcelino, 2000). Ikalawa, ang pagsusulat sa Ingles ay naglalayo sa sikolohistang Pilipino at sa mga mamamayang pinag-aaralan niya (Enriquez & Protacio-Marcelino, 1984). Paano nga bang makikinabang sa mga sulating ito ang mga taong hindi gagap ang wikang gamit ng sikolohista?

Samakatwid, ang SP ay may puwang para sa postestrukturalismo dahil kapwa naninindigang ang wika at ang paggamit nito ay may politikal na mga implikasyon. Ang wika ay maaaring tingnan hindi lamang bilang tagapaghatid ng ‘tunay’ saloobin ng tao, kundi lunan ng kapangyarihan, at kung gayon ay lunan din ng tunggalian. Ang wika, ayon sa postestrukturalismo, ay kung saan binubuo at binubuwag ng iba’t ibang uri ng panlipunang kaayusan at ng kanilang mga posibleng epektong politikal at panlipunan (Weedon, 1997). Dagdag pa, ang wika rin ang siyang daan sa pagbuo ng pagkakakilanlan sa sarili (Weedon, 1997). Dahil dito, ang mga indibidwal na kuwento ng tagumpay at hilahil ng mga nangingibang-bayang Pilipino, halimbawa, ay hindi dapat unawain nang hiwalay sa kung paanong pag-usapan ng gobyerno, ng media, at ng ordinaryong Pilipino ang mga ‘Bagong Bayani’ ng Pilipinas.

ANG PAGSASAKATAWAN NG KABAYANIHAN NG MGA PILIPINA SA AOTEAROA

Bilang halimbawa ng kapakinabangan ng lapit na postestrukturalismo sa SP, aking ilalahad ang isang bahagi ng analisis ng pakikipagkuwentuhan (Orteza, 1997) sa mga nakatatandang Pilipinang migrante sa Aotearoa. Sa loob ng mahigit-kumulang isang taon (mula 2011–2012) ay nakipagkuwentuhan ako sa 20 Pilipina na nakatira sa Aotearoa nang hindi bababa sa limang taon. Ang ibabahagi ko sa papel na ito ay mga bahagi ng kuwentuhan na may kinalaman sa simula ng kanilang pamumuhay sa Aotearoa, sa partikular ang paghahanapbuhay.

Ayon kay Orteza (1997), ang mga kuwentong nabubuo sa pakikipagkuwentuhan ay mahalaga upang maunawan ang mga sosyo-kultural na pagkakabuo sa ating pagkaunawa ng kung ano ang totoo, tama, at mabuti; ang mga kuwento, aniya, ay may layunin, punto, o kahulugan na kailangang unawain sa konteksto ng wika at kulturang Pilipino. Hindi man masasabing kumikiling sa postestrukturalismo ang pakikipagkuwentuhan sa pagkakatalakay nito ni Orteza, malinaw naman na may pagkilala ito sa sosyal na konstruksiyon ng katotohanang nakapaloob sa mga kuwento, at malinaw ring pinupuna nito ang mga positibistikong pakahulugan sa katapatan ng mga resulta ng pag-aaral; sa halip na katapatan o katotohanan, higit raw na mahalaga ang pagpapatibay ng resulta sa pamamatigan ng pagpapatotoo (Orteza, 1997).

Naghain si Orteza (1997) ng tatlong pamamaraan o (sa aking palagay ay) antas ng analisis— analisis ng nilalaman, ng estruktura, at ng mga relasyon; subalit hindi na niya napalawig pa ang diskusyon at hindi rin siya nakapagbigay ng mga halimbawa ng analisis ng datos mula sa pakikipagkuwentuhan. Ang pagiging ‘bukas’ ng kaniyang inilahad na pamantayan ng analisis, kasama na ang mga naunang pakahulugan sa mga kuwento at kuwentuhan, ay nagbibigay sa akin ng espasyo upang ilapit ang postestrukturalismo bilang perspektiba sa pagbuo ng analisis na may masusing pagtingin sa mga winiwika (nilalaman) sa loob ng konteksto ng mga namamayaning diskurso ukol sa pangingibang-bayan ng mga Pilipino (estrukturang panlipunan), at sa pakikipagkuwentuhan na ginagawa bilang pamamaraan ng pananaliksik (isang natatanging relasyon sa pagitan ng mananaliksik at ng mga kalahok).

Ang paglapit sa datos mula sa pakikipagkuwentuhan gamit ang postestrukturalismo ay nangangahulugan na ang mga karanasan at kahulugang inilalahad ng mga tao sa kanilang mga kuwento ay pinahahalagahan, ngunit bilang mga pagsisimulan lamang upang tukuyin ng mga ugnayan sa pagitan ng wika, pagkakakilanlan sa sarili, estrukturang panlipunan, at kapangyarihan (Weedon, 1997). Ang mga karanasan na ito ay walang kahulugan sa labas ng wika (Gavey, 1997; Weedon, 1997; Wetherell, 1997); maaari lamang silang mabigyang-kahulugan sa loob ng mga karaniwang diskurso tungkol sa pangingibang-bansa ng mga Pilipino. Ang mga kuwento ng mga kalahok ay nakalugar sa mga relasyon (socially situated)—produkto ng kanilang interaksiyon sa akin at sa kanilang sariling pag-unawa sa layunin ng pananaliksik, nakalugar sa kasaysayan (historically situated)—hinuhubog ng mga konsepto ng migrasyon sa Pilipinas at sa Aotearoa sa nakaraan at kasalukuyan, at nakalugar sa indibidwal (individually situated)—hinuhubog din ng mga natatanging limitasyon, kakayahan, at karanasan ng bawat isa. Sa analisis, ang aking layunin ay ang makita ang pagsisikap ng mga kalahok na maghain ng mga kuwento at mga pagkakakilanlan sa sarili na may kaisahan o kabuuan, matukoy ang mga diskursong ginamit nila sa pagbuo ng kanilang mga salaysay, at bigyang-pansin rin ang pagkakaiba-iba ng mga katotohanang diskursibo at materyal ng mga kalahok.

Samakatwid, naging interesado ako hindi sa katotohanan ng mga winiwika ng mga kalahok (halimbawa, kung tunay bang sila ay magaling o masinop sa trabaho kompara sa ibang lahi) kundi sa kung anong katotohanan ang nabubuo sa kanilang mga kuwento, o kung ano ang kapakinabangan nito sa partikular nitong konteksto. Ang ganitong lapit sa tao, bilang may pagkakakilanlan sa sarili na binubuo sa loob ng diskurso, at hindi bilang may tiyak na identidad o esensiyal na sarili, ay makabuluhan para sa SP dahil sa nagbubukas ito sa pagkakataong magkaroon ng bagong pagkakakilanlan sa sarili (at kung gayon ay bagong diwa at gawi) na sabay sa pagbabago ng mga diskursong maaaring bumuo nito. Bagama’t wika at diskurso (at hindi ang totoo o aktuwal na isip o gawi) ang pakay ng pananaliksik, ang mga ito ay tinatayang may epekto sa realidad na dinaranas ng mga tao (Weedon, 1997). Sa gayon, ang paglantad sa mga daluyan ng kapangyarihan sa diskurso tungo sa pakakakilanlan sa sarili ay paghawi rin ng mga daan tungo sa pagkontra at pagbabago kapwa sa diskurso at materyal na lagay ng lipunan.

Ginamit kong pamamaraan sa analisis ang gabay sa analisis ng mga tema na inilahad nina Braun at Clarke (2006) kasabay ng paggamit ng lapit ng postestrukturalismo na aking tinalakay sa itaas. Ito’y sapagkat nagbibigay ang gabay ng sistematikong balangkas para sa proseso ng analisis na kalimitan ay sinasabing ‘kahit papaano’ na lamang ang pagsasagawa (Anataki, Billig, Edwards, & Potter, 2003), at di gaanong malinaw ang proseso (van Dijk, 1990). Sa paggamit ng analisis ng tema ay inaasahang magkaroon ng gabay ang sinumang nagnanais na sundan ang aking analisis upang ito ay mapatotohanan o mapabulaanan.

Sa panukala nina Braun and Clarke (2006), mayroong anim na yugto ang pagsasagawa ng thematic analysis: pagkilala/paglubog sa datos, pagbuo ng mga panimulang code, paghahanap ng mga tema, pagrebyu sa mga tema, paglilinaw at pagpapangalan sa mga tema, at ang pagsusulat ng report. Para sa aking pag-aaral, ang unang dalawang yugto ay nagsimula magmula sa pagtatranskrayb ng mga naunang kuwentuhan. Ang mga panimulang code ay sinimulan pagkaraang matapos ang unang limang pakikipagkuwentuhan at mga transkripsiyon nito. Nakatulong ang mga panimulang analisis na ito sa pagbuo ng pundasyon para sa mga susunod pang analisis, at pati na rin sa pagtatasa ng metodo—sa pag-alam kung nakakukuha ba ng sapat na lawak at lalim ng datos mula sa pakikipagkuwentuhang isinasagawa. Ang pagtatranskrayb at pagko-code ng natitira pang mga kuwentuhan ay halos sabay na ginagawa. Nang malapit nang matapos ang pakikipagkuwentuhan sa lahat ng mga kalahok ay saka pa lang sinimulang pansinin ang mga temang diskursibo na halaw sa mga naunang code at sa kaugnay na literatura.

Ang paghahalaw sa mga temang diskursibo ay nangangahulugan ng pagpuna hindi lamang sa hayag na nilalaman ng mga kuwento, kundi pati sa mga kahulugang nasa loob, ilalim, o likod ng mga ito (Braun & Clarke, 2006). Halimbawa, marami sa mga panimulang code ang may kinalaman sa pagtatrabaho—iba’t ibang uri ng hirap sa paghahanap ng at pananatili sa trabaho, mga plano para sa patuloy na pagtatrabaho, mga dahilan at kahulugan ng pagtatrabaho. Subalit ang pagtingin sa mga di-hayag na kahulugan ay nangangahulugan ng pag-usisa sa mga ito—ano ang implikasyon ng pagsasabing madali ang trabaho at kita sa Aotearoa? Anong mga subjective position ang binubuo ng paglarawan sa sarili bilang masipag at maabilidad na Pilipino? Kung maaaring pag-ugnayin ang iba’t ibang mga kahulugan na ito, pinagsasama-sama ang mga ito at tinitingnan kung mayroong literatura na makapagbibigay ng linaw o makapagbibigay ng kaayusan sa mga ito sa ilalim ng dominanteng diskursong panlipunan ukol sa mga migrante.

Nagpabalik-balik ako sa huling tatlong yugto ng proseso ng thematic analysis. Magkakasalikop na ang pagrebyu sa mga tema, paglilinaw at pagpapangalan sa mga tema, at ang pagsusulat ng report dahil ang pagsusulat ay nagtulak sa at bunga ng analisis, nagdulot ng mga bagong kakintalan para sa pagkaunawa sa datos at sa mga tema, at nangailangan ng muling pagsusulat upang lalong maging malinaw at masinsin ang analisis. Mukha mang maayos at may kasiguruhan ang pagbagtas sa daan tungo sa analisis sa paglalahad na ito, ang totoo’y masalimuot at bako-bako ang daan at ako’y di-minsang naligaw bago nakarating sa kasalukuyang kinalalagyan.

Ang Migrasyon ng mga Pilipina sa Aotearoa: Pagsasakontekstong Politikal, Pang-ekonomiko, at Pangkasaysayan

Nasa ikalimang dekada na ang Pilipinas sa paggamit ng migrasyon bilang estratehiyang pang-ekonomiko. Magmula noong ipalabas ang Presidential Decree 442 na naglalayong payabungin ang pagtatrabaho sa ibang bansa at matiyak ang pinakamaiging kondisyon ng trabaho para sa mga Pilipino noong 1974, patuloy na nakinabang at umasa ang pamahalaan ng Pilipinas sa mga padala ng nangingibang-bayang Pilipino upang suportahan ang ekonomiya ng bansa (Battistella, 1999). Ang halaga ng mga padala, na patuloy ang paglaki sa bawat nagdaraang taon, ay siyang nagtulak marahil kay Presidente Corazon C. Aquino na bansagang Bagong Bayani ng Pilipinas ang mga nangingibang-bayang Pilipino; matingkad sa bansag na ito ang pagkilala sa papel ng mga indibidwal na Pilipino sa pagpapaunlad ng bansa (Guevarra, 2009). Noong 1978, nagsimulang magbago ang mga polisiya ng pamahalaan mula sa gobyerno-sa-gobyernong pamamahala sa pangingibang-bayan ng mga manggagawa tungo sa regulasyon at superbisyon na lamáng ng mga pribadong kompanya at pribadong indibidwal. Magmula nang maratipika ang RA 8402 (Overseas Filipinos Act of 1995), sinasabi ng pamahalaan na hindi nito pinalalawig pa ang panginigbang-bayan ng mga Pilipino, kundi “pinangangasiwaan ang migrasyon ng mga manggagawa sa pamamagitan ng pagsuporta sa sariling pagnanais, pasiya, at kalayaan ng mga Pilipino na matrabaho sa ibang bansa” (aking salin mula sa orihinal na Ingles, Guevarra, 2009, p. 23 diin mula sa orihinal). Mukhang sa pagdaan ng panahon ay lalo lamang tumindi ang pagnanais na ito; sa pinakahuling bilang, noong 2013 ay may mahigit sa 10.23 milyong Pilipino ang nasa ibang bansa bilang permanente, pansamantala, at iregular na migrante (Commission on Filipinos Overseas, 2013).

Maraming mananaliksik (Gimenez, 2009; Guevarra, 2009; Parreñas, 2001; Sassen, 2000) na ang pumupuna sa migrasyon bilang resulta ng mga neoliberal na ideolohiya; ang mga internasyonal na organsisasyon gaya halimbawa ng International Monetary Fund (IMF) at World Bank (WB) ang sinasabing nagtulak sa Pilipinas na ituon ang ekonomiya nito sa pagluwas ng mga produkto at tao (Gimenez, 2009; Parreñas, 2001, 2008), sabay ng pagbubukas sa mga dayuhang mamumuhunan at sa pagbawi o pagpapaliit ng mga panlipunang serbisyo ng gobyerno (Sassen, 2000). Sa pagtindi ng paghihirap ng nakararaming pamilya, lumaki ang papel ng migrasyon (legal at ilegal) ng mga kababaihan upang matugunan ang mga pangangailangan ng pamilya nila (Sassen, 2000). Sabay nito, sa mga mas mayayamang bansa, ang pagbabawas ng mga gobyerno ng gastusin para sa panlipunang serbisyo (halimbawa, pag-aalaga sa mga bata at matatanda) ay nagbunga naman ng mas malaking pangangailangan para sa mga tao (na may partikular na lahi) na magbibigay ng mga serbisyong ito upang ang mga kababaihan ng mga bansang ito ay makapagtrabaho sa labas ng kanilang mga tahanan (Calasanti, 2010; Rodriguez, 2009). Kung gayon, ang patuloy na malawakang pangingibang-bayan ng mga Pilipino ay kailangang unawain sa konteksto ng 1) pag-ikot ng kapital sa buong mundo na sinusuhayan ng mga neoliberal na ideyal na pinatatatag ang malayang merkado samantalang pinaliliit ang papel ng estado na protektahan ang mga tao mula sa lumalalang kahirapan na gawa nito (Gimenez, 2009); at 2) ang papel ng mga partikular na konstruksiyon ng Pilipina bilang ideyal para sa ilang gawain (halimbawa, bilang katulong, bilang nars) at mga papel sa lipunan (halimbawa, bilang asawa at ina) (Cunneen, 1997; Guevarra, 2009; Rodriguez, 2009).

Sa Aotearoa, noong dekada ‘60 unang nagdatingan ang mangilan-ngilang propesyonal at estudyanteng Pilipino (Norman, Udanga, & Udanga, 2011), subalit magmula nang “mapag-alaman na ang mga Pilipina ay mapagmahal, mababait, at mahuhusay na asawa” at “hinangad sila ng mga Kiwi[6] bilang katuwang panghabambuhay” (Norman et al., 2011, p. 9) noong dekada ‘70 ay kababaihan na ang karamihan ng mga Pilipinong dumarating. Kaiba sa mas malawakang migrasyon na nangyayari noong dekada ‘70 hanggang ‘90 sa iba pang bahagi ng mundo, ang mga dumarating na mga Pilipino sa Aotearoa kalimitan ay babae, at kalimitan ay bilang asawa ng mga lalaking Pakeha.[7] Sa mga dekadang ito, hindi bababa sa 60% ng mga Pilipinong dumarating ay babae (Baral, 1995; Population Statistics Unit, 2007; Statistics New Zealand, 2002). Bagama’t sa huling dekada ay lumiit na rin ang pagitan sa dami ng mga babae at lalaking Pilipino sa Aotearoa, dahil na rin sa pagdating ng mas maraming pamilya bunga ng mas masigasig na pag-anyaya ng pamahalaan ng Aotearoa para sa mga migranteng may kasanayan na kailangan ng kanilang ekonomiya (Population Statistics Unit, 2007), ang mga Pilipino pa rin ang etnikong panggrupo na may pinakamalaking pagitan sa bilang ng mga babae at lalaki; sa nakaraang 2013 na sensus ay nakitang sa mahigit 40,000 Pilipinong naninirahan sa Aotearoa, 56.9% ay babae (Statistics New Zealand, 2014b).

Sa pinakahuling datos, napag-alaman na halos 80% ng mga Pilipino ang nagtatrabaho o naghahanap ng trabaho; 83.5% ng mga kalalakihan ay nasa labor force, at 75.6% naman ng kababaihan ang bahagi nito (Statistics New Zealand, 2014a). Subalit, bagama’t mas marami ang mga kababaihan, mas kaunti sa kanila (batay sa porsyento) ang bahagi ng labor force, at kalimitan ay bilang part-time lamang na empleyado. Gayumpaman, ang pakikilahok sa labor force ng mga Pilipino (mapa-lalaki o babae), ay mas mataas kaysa antas ng pakikilahok para sa kabuuang populasyon ng Aotearoa (Statistics New Zealand, 2014a); kung kaya’t masasabing ang mga Pilipino ay matagumpay sa pagtugon sa layunin ng Immigration New Zealand na makaakit ng mga taong ang mga “talento ay epektibong nagagamit upang makatulong sa paglago at pag-unlad ng ekonomiya,” (aking salin mula sa Ingles, Ward, Masgoret, & Vauclair, 2011, p. v).

Aking tatalakayin sa ibaba ang mga kuwento ng pakikipagsapalaran ng mga Pilipina bilang migrante sa Aotearoa. Sa partikular ay nais kong ipakita ang kaugnayan ng indibidwal na mga kuwento at pakahulugan sa mas malawak na mga diskurso tungkol sa pagiging migrante sa lipunang Pilipino; ipakikita ko na ang mga diskursong ito ay lumilikha sa mga Pilipino bilang ideyal na migrante—mahusay, masipag, matiisin, at sa gayon ay isinasantabi o minamaliit ang eksploytasyon o diskriminasyon na maaaring bahagi rin ng kanilang karanasan.

Sipag, Sikap, at Sakripisyo: Mga Susi sa Tagumpay ng Migranteng Pilipino

Dahil sadyang pinili ang mga kalahok na tugma sa pangangailangan ng pag-aaral at may pagkiling sa paghahanap ng mga kababaihang may iba’t ibang pinanggalingan at karanasan (halimbawa, walang asawa at anak, may sakit, propesyonal at di-propesyonal), hindi masasabing representante ng mga Pilpinang migrante na nasa edad 50 pataas ang mga kalahok. Higit na mataas ang pinag-aralan ng mga kalahok (70% ang nakapagkolehiyo o higit pa) kaysa nakararaming Pilipino sa Aotearoa ayon sa estadistika (wala pang 50% ang nakapagkolehiyo, ayon sa Statistics New Zealand, 2014). Higit na marami rin sa karaniwan ang may trabaho—90% sa mga kalahok, kompara sa 75.6% na lahat ng Filipina na may edad 16 pataas noong nakaraang sensus (Statistics New Zealand, 2014). Anim na kalahok na nakaranas nang tumira, mag-aral, at/o magtrabaho sa ibang bansa bago sila pumunta sa Aotearoa; sinasalamin nito ang karansan ng ilang Pilipinong migrante na nakalilipat-lipat sa iba’t ibang bansa. Hindi man representante ang sampol ng mga kalahok, masasabing ang kanilang mga karanasan at pahayag ay hindi kaila sa iba pang mga Pilipinong migrante sa Auckland dahil may mahahalagang pagkakatulad sila—lahat ay ipinanganak sa Pilipinas, may mga nililinang pa rin na mga koneksiyon o relasyon sa Pilipinas, at may mga kaibigang Pilipino na migrante rin sa Auckland. Subalit dapat ring tandaan na hindi kabilang sa mga kasapi yaong mga may higit na mas komplikado o mahirap na mga kalagayan—yaong mga may iniindang matinding karamdaman at kailangan ng tulong sa pang-araw-araw na buhay, yaong may inaalagaang matanda na rin at maysakit na asawa o ibang kapamilya, yaong walang lakas o oras na makipagkuwentuhan nang mahabang oras. Mahalagang kilalanin ang mga limitasyon na ito ng sampol dahil maaaring ang mga materyal at diskursibong ‘realidad’ na dinaranas ng mga taong namumuhay sa mas mahihirap na kalagayang pinansiyal, sosyal, at pisikal ay d-litaw ng pag-aaral na ito.

Sa kuwento ng mga kalahok, madalas nilang ilarawan ang kanilang karanasan ng pangingibang-bayan bilang kuwento ng tagumpay sa kabila ng matinding paghihirap. Bagama’t kasama rin sa mga kuwento ng pagsisimula ng buhay-migrante sa Aotearoa ang pagkilala sa tulong na natanggap mula mga kaibigan, pamilya, sa gobyerno at mga organisasyon sa Aotearoa, kalimitan rin ay may pagbibigay-diin sa sariling pagsisipag at pagsisikap ang mga ito:

Ela: Lima kami sa isang three-bedroom house. So, kaming mga babae, we shared a room. Tatlo. Hirap. I mean, you know, hindi mo naranasan sa Pilipinas, pero, inano mo talaga lahat dito. Ta’s nung dumating yung mga anak ko, solo mom. And’yang maputulan kami ng koryente, and’yang mahilahan kami ng furniture. Other people just see this house as it is now but they didn’t know… our struggles before then. Tapos sasabihin nila, “S’werte.” Hindi ginagawa, hindi, ang s’werte hindi dumarating. Tinatrabaho ’yan. Ginagawa ’yan. You have a goal and go for it and you work.

Cyn: Sa bahay nung abogado, kasama ko nga [yung anak ko], maiyak-iyak yung anak ko. Alam mo kung bakit? Right there and then, isang New Zealand newspaper, ibinigay sa ’kin ng abogado, pinabasa sa ’kin. Oral reading. And then, pina-explain sa ’kin kung alam ko. Ang binasa ko. In a way, inisip ko, nakakainsulto. Pero, at the same time, naisip ko, tine-test siguro ang comprehension ko sa English and how well I can communicate in English. ’Yon. Pero, para bang masama ang dating. Di ba ikaw, parang nakakinsulto, di ba? Pero sabi ko, well, kung ito ang desisyon ko mag-stay dito, this is the only way I can get a job, okay.

Sa mga paglalahad na ito, ang pagsisikap at pagpapatuloy sa gawain sa kabila ng mga balakid ay siyang ipinakita na mahahalagang katangian tungo sa pagkamit ng minimithi (halimbawa, na maitaguyod ang sarili sa New Zealand, na magkatrabaho). Binubuo ang ‘tagumpay’ ng mga migrante sa mga paglalahad na ito bilang bunga ng sariling disposisyon o kagustuhan ng isang tao. Ang mga migranteng hindi nagtatagumpay ay maaaring yaong mga “mapili” (Fey), o “may mga ere” (Isa) at ayaw tumanggap o gumawa ng mga trabahong maaari sanang makatulong sa pananatili nila sa Aotearoa. Dahil sa ganitong pag-uugnay ng tagumpay at ng indibidwal na pagsisikap, ang ilang mga kalahok, kagaya ni Cyn, ay tumanggap ng trabaho na walang sahod para lamang makakuha ng sinasabing “New Zealand work experience,” o ng mga trabaho na mababa pa sa minimum wage ang pasahod. Ang kahirapang makakuha ng mga di-puting migrante ng permanenteng trabaho na may makataong sahod at akma sa kanilang edukasyon at kasanayan ay malaon nang binigyang-pansin ng mga mananaliksik (tingnan sina Bauder, 2003; Creese & Wiebe, 2012; Sobrun-Maharaj, Rossen, & Kim, 2011). Kagaya ni Cyn, may mga migranteng nagsabing sila ay nagvo-volunteer (sa ibang salita, nagtatrabaho nang libre) upang makakuha ng karanasan sa trabaho sa New Zealand na hinihingi ng bawat potensiyal na employer, samantalang ang mga employer na ito mismo ay bihira silang bigyan ng pagkakataong magkaroon nito (Sobrun-Maharaj et al., 2011). Ang pagkakaroon ng trabahong labas sa sakop ng kanilang karanasan sa trabaho sa pinanggalingang bansa (halimbawa, kapag ang doktor ay naging drayber ng taksi) ay binansagan ng mga migrante na ‘misemployment.’ Hawig ito sa konsepto ng ‘deskilling,’ na ginagamit ng mga mananaliksik upang ilarawan ang pagkakalagak ng mga migrante sa mga trabahong higit na mababa sa kanilang edukasyon at karanasan (na nakuha sa pinanggalingang bansa) dahil hindi kinkilala ang mga ito sa nilipatang bansa (Creese & Wiebe, 2012; Siar, 2013). At bagama’t hindi naman sinasabing ang mga ito ay nangyayari lamang sa mga di-puting migrante, ang mga pananaliksik ukol sa deskilling, misemployment, at/o underemployment ng mga migrante ay kadalasang nakatutok sa mga migrante na mula sa pangkat-etniko na iba sa kalakhang puti na mayorya sa bansang nilipatan (halimbawa, Creese & Wiebe, 2012; Dean & Wilson, 2009; Siar, 2013; Sobrun-Maharaj et al., 2011).

Sa ipinaliwanag ni Hil, isa sa may mataas na pinag-aralan (may gradwadong digri) na propesyonal, handa raw siyang magsimula sa wala (“start from zero”) o kahit lumipat ng ibang karera, upang pagbutihin ang nakita niyang magandang pagkakataon para sa kanilang mag-ina:

I know that when I move to a new country, I have to be prepared to give up, you know, some things, and—but I realize, you know, that it was very good, because you start from zero, basically, you start a new life, you move to a new country and, and I said, um, my, my thinking then was, “I have to make the most of this.” Win or lose, I should be happy, you know, in my new life. And, my goal then was, it’s not me anymore, and with a special child like [my son], it was about how can I make sure that he will live a good life, you know? So that’s it. I was ready, you know. (…) and I told myself, whatever job, you know, I’ll try to make the most out of it. Whether, whether I, I find work in my field, or in other field, like a, service sector, I’ll be happy with it. Because for me, it was like, it really a—good opportunity for us to lead a better life here in New Zealand.

Bagama’t di katulad ng ibang mga kalahok ay nakahanap rin ng trabaho sa kaniyang larangan si Hil at hindi niya kinailangang kumuha ng mababang trabaho, maliwanag sa sinabi ni Hil na gaya ng iba ay handa siya na kumuha ng kahit anong trabaho (“whatever job”). Gaya rin ng iba, hindi pinagtakhan ni Hil ang pagsisimula sa wala ng mga migrante at tinanggap niya ang ‘kawalan’ bilang normal o karaniwang posisyon na pagsisimulan, kahit ano pa ang dalang kasanayan, kuwalipikasyon, o karanasan. Ang ganitong ‘pagtanggap’ sa mas mahirap o limitadong oportunidad para sa trabaho ay suportado ng ebidensiya mula sa isang pag-aaral na nakitang mas ‘matiisin’ (tolerant) ang mga migrante kaysa mga lokal para sa mga trabahong mas mahirap o pangit ang kondisyon, mas pahirap o masama sa katawan (Diaz-Serrano, 2013). Ayon sa iba pang mananaliksik na kritikal sa ganitong kalakaran, ito ay bunga kapwa ng diskriminasyon at ng pagpoprotekta sa interes ng kapitalista na siyang nagbubukod sa ilang industriya o trabaho bilang pangmigrante upang ‘maprotektahan’ ang lokal na mga manggagawa at panatilihing mababa ang pasahod sa lahat (Bauder, 2003; Siar, 2013).

Kung gayon, ang mga indibidwal na kuwento ng mga kalahok sa aking pag-aaral ay kailangang unawain sa mas malawak na kontekstong politikal, kultural, at ekonomiko. Sa mga indibidwal na paglalahad ng mga kalahok ay makikita ang isang masasabing ‘empowering’ na diskurso na nagbibigay-diin sa kanilang sariling pagsisikap, abilidad, pagtitiis, at pagmamahal sa pamilya (pansinin na sa tatlong paglalahad sa itaas ay may pagbanggit palagi sa anak). Subalit sa mga paglalahad na ito, sabay ring ginagawang normal o katanggap-tanggap ang pang-aabuso, eksploytasyon, diskrminasyon, at deskilling na nararanasan ng maraming migrante at dulot ng pagsasalimbayan ng iba’t ibang uri ng sistemikong opresyon (halimbawa, laban sa migrante, laban sa mga babae, laban sa mga hindi puti). Yaong mga hindi makatiis o makatagal sa ganitong mga pahirap ay sinasabing mahina, mapili, o mayabang at tinitingnan bilang siyang responsable rin sa kanilang kasawian bilang mga migrante.

Ang ganitong mga paglalahad ay tumutugma sa isang neoliberal na pagtingin sa sarili na binibigyang-diin ang karapatang pumili at ang indibidwal na responsabilidad, at pinawawalang-sala ang pamahalaan at mga lokal na employer (Schwiter, 2013) para sa mga mas mahihirap na buhay para sa mga migrante. Hindi iilan sa mga kalahok ang nagkuwento tungkol sa mga pananakit ng katawan, pagkakasakit, at paghihinagpis dahil sa kahirapang makakuha ng maayos na trabaho. Isa sa mga kalahok ang nagsabing ang naranasan niyang klinikal na depresyon ay bunsod ng pagtatrabaho nang higit sa kaya ng kaniyang katawan sa pag-asang makakukuha siya ng permanenteng posisyon matapos matanggal sa dating trabaho. Hindi kaiba ang kanilang karanasan sa mga nakita rin sa iba pang pananaliksik tungkol sa kalusugan ng mga migrante. May mga nagsasabing ang mga migranteng ‘overqualified’ para sa kanilang mga trabaho ang siyang higit na malamang na makaranas ng mga problema dahil sa kakulangan ng kita, kawalan ng istatus, problema sa pamilya, mataas na antas ng stress, at trabahong mas pahirap sa katawan (Dean & Wilson, 2009); sila rin ay mas malamang na magkaroon ng problema sa kalusugang sikolohikal (Chen, Smith, & Mustard, 2010; Dean & Wilson, 2009; Tsai, 2013) at pisikal (Chen et al., 2010). Sa pagkakabuo ng ‘tagumpay’ ng isang migrante bilang bunga ng pansariling pagsisikap at pagnanasa, mas mahirap para sa mga migrante na kuwestyunin ang kanilang mga karanasan ng unemployment at misemployment. Higit silang naghihirap sa aspektong pisikal, sikolohikal, at pinansiyal sa pagsisikap na gawin ang kahit anong trabaho para lamang mabuhay. Sa pagsasanormal sa mga paghihirap na dinaranas ng mga migrante sa paghahanapbuhay, ipagsawalang-bahala at isantabi na lamang ito bilang karaniwang bahagi lamang ng buhay ng mga Bagong Bayani.

KONGKLUSYON

Ang mahaba-haba na ring kasaysayan ng SP, ang patuloy na pagdami ng mga pananaliksik, mga lathalain, at mga kursong ginagabayan nito ay pagpapatibay sa kabuluhan nito sa akademya sa Pilipinas at sa lipunang Pilipino. Isa sa mga kalakasan ng SP bilang disiplina at bilang kilusan ay ang self-reflexivity o masusing pagtingin sa sarili, sa mga motibasyon, at sa pagtutugma ng mga tunguhin, balangkas, at pamamaraan. Maaaninag ito sa pagiging mulát ng SP sa kapangyarihan at sa pag-iral nito, sa potensiyal ng sikolohiya at ng akademya na gamitin laban sa interes ng nakararaming marhinalisadong Pilipino, at sa dami ng mga kritikal na papel sa buong kasaysayan nito na pumpupuna at sumusubok sa mga konsepto, teorya, at pamamaraang nililinang nito. Ang lahat na ito ay naglalayong makabuo ng isang sikolohiyang makabuluhan, maka-Pilipino, at mapagpabago.

Inihain sa papel na ito ang maaaring kapakinabangan ng postestrukturalismo sa SP. Hindi bago ang mungkahing ito (tingnan ang Estrada-Claudio, 2002; pati na rin ang maingat na pagtatasa ng usapin ng postestrukturalismo at identidad ni Mendoza, 2006), subalit napapanahon ang muling paghikayat sa mga mananaliksik sa SP na tingnan ito nang maigi, lalo’t kulang na kulang pa rin ang mga pag-aaral sa SP na direktang hamon sa mga namamayaning sistema at kaayusang panlipunan na siyang balangakas ng opresyon at eksploytasyon na dinaranas ng marami. Bagama’t hindi binuo ang SP nang may maliwanag na pagkiling sa postestrukturalismo, malinaw rin na may interes ito sa kapangyarihan, sa ugnayan ng indibidwal at lipunan, at sa papel ng wika at mga winiwika ng tao (tungkol sa pagka-Pilipino) sa paglikha ng partikular na mga katotohanan at realidad ng isang lipunan. Kung tutuusin, masasabing ang SP ay isang malaking proyektong diskursibo na naglalayong makabuo ng alternatibong diskurso tungkol sa pagka-Pilipino at sa sikolohiya. Aktibo ang mga mananaliksik na maghain ng mga bagong pakahulugan sa sikolohiya (Enriquez, 1976) at bagong pag-unawa sa mga katangiang ‘Pilipino’ (halimbawa, mga konsepto ng hiya, pakikisama, bahala na). Maaaring sabihin na ang gawain ng SP sa nakaraang 50 taon ay ang mabigyan ang mga Pilipino ng mas mapagpalayang mga pakahulugan sa kanilang mga pang-araw-araw na buhay at mga sarili. Kung gayon, ang SP ay may puwang para sa mga pananaw at pamamaraan na dala ng postestrukturalismo.

Sa papel na ito, ginamit ko ang analisis ng tema (Braun & Clarke, 2006) nang may pagtingin sa diskurso upang maging daan ang mga kuwento ng indibidwal sa pagsusuri ng mga mas malawak na diskursong panlipunan tungkol sa pagiging migrante, at maipakita kung paanong ang mga posibilidad at hanggahan ng karanasan at kahulugan ng mga indibidwal na migrante ay binubuo nito. Ang mga kuwento ng pansariling pagsisikap, pagtitiyaga, at pagsasakripsyo ng mga migrante ay sabay na bunga at nagbubunga ng isang kalakaran na ang mga paghihirap (pisikal, sikolohikal, at pinansiyal) ng mga migranteng Pilipino (at iba pang hindi puti) sa bansang gaya ng Aotearoa ay itinuturing na normal lamang at walang kinalaman sa diskriminasyon o sa pagnanasang panatilihing mababa ang sahod ng lahat ng mga manggagawa. Bagama’t ang aking mga naging kalahok ay maaaring makabuo ng positibong pagtingin sa sarili bilang masipag, matiyaga, matiisin at, sa huli, matagumpay na migrante, maraming iba pa ang nasawi, napauwi, o patuloy na naghihirap sa Aotearoa, na maaring tinitingnan ng iba (o ng sarili) bilang pagkukulang—di nagsipag, di nagtiyaga, at di nakapagtiis. Ang mga diskurso ukol sa kalayaang pumili at sa indibidwal na responsabilidad ay kasangakapan ng estado upang lalangin (produce/construct) ang mga migrante bilang malaya, maalam, at may-kapangyarihang mga tao na kumikilos at nagdedesisyon para sa sarili nilang kapakanan (Guevarra, 2009; Tyner, 2004). Sa katotohanan, maraming mga sikolohikal na pag-aaral sa kalusugan ng mga migrante ang kumikiling sa ganitong pagtingin (hal. Chen et al., 2010; Mui & Kang, 2006; Samonte, 1992; Torres & Wallace, 2013), at maliit pa lamang na larangan sa SP ang pag-aaral sa mga migrante at migrasyon (hal. Mendoza, 2006; Navarro, 2015; Pe-Pua, 2003; Protacio-Marcelino, 1996). Ang papel na ito ay naninindigan na ang indibidwal na kalagayan at kaligayahan ay makikitang may ugnayan sa mga diskurso at sistemang umiiral sa lipunan. Naninindigan ito, at naglahad ng ebidensiya, na ang mga salita ay hindi ‘salita lamang,’ bagkus ay humuhubog sa ating mga realidad, mga katawan, at mga kamalayan. Sa pagtukoy sa mga ugnayang ito sa pamamagitan ng maingat at malalim na pag-aaral, nagkakaroon ng puwang para sa mga bagong, alternatibong diskurso: mas maka-Pilipino, mas mapanghamon, at mas mapagpalaya.

Mga Sanggunian

Anataki, C., Billig, M., Edwards, D., & Potter, J. (2003). “Discourse analysis means doing analysis: A critique of six analytic shortcomings.” Retrieved from http://extra.shu.ac.uk/daol/articles/v1/n1/a1/antaki2002002-paper.html

Baral, H. P. (1995). “Filipino migrants in Auckland.” In An ethno-geography of Taiwanese, Japanese and Filipino immigrants in Auckland. Auckland: University of Auckland Department of Geography.

Bartolome, J. M. F. (1985). “Ang Etika ng Makamasang Pananaliksik Laban sa Makabanyagang Kamalayan. In A. Aganon & M. David (Eds.), Ang Sikolohiyang Pilipino: Isyu, pananaw at kaalaman (pp. 30–48). Manila: National Bookstore.

Battistella, G. (1999). :Philippine migration policy: Dilemmas of a crisis.” In Sojourn, 14 (1), 229–248. Retrieved from http://www.ncbi.nlm.nih.gov/pubmed/12295147

Bauder, H. (2003). “Brain abuse”, or the Devaluation of Immigrant Labour in Canada.”  in Antipode, 35(4), 699–717. http://doi.org/10.1046/j.1467-8330.2003.00346.x

Bordo, S. (1993). “Anorexia nervosa: Psychopathology as the Crystallization of Culture.” In Unbearable Weight: Feminism, Western Cculture, and the Body (pp. 139–164). Berkely, CA: University of California.

Braun, V., & Clarke, V. (2006). “Using thematic analysis in psychology.” In Qualitative Research in Psychology, 3(2), 77–101. http://doi.org/10.1191/1478088706qp063oa

Burns, M. L. (2004). “Constructing Bulimia: Implications for Subjectivity and Practice (Unpublished master’s thesis). University of Auckland, Auckland.

Calasanti, T. (2010). “Gender and Ageing in the Context of Globalization.” In D. Dannefer & C. Phillipson (Eds.), The Sage handbook of social gerontology (pp. 137–150). London: Sage Publications. http://doi.org/10.4135/9781446200933

Chen, C., Smith, P., & Mustard, C. (2010). “The Prevalence of Over-qualification and Its Association with Health Status Among Occupationally Active New Immigrants to Canada. In Ethnicity & Health, 15(6), 601–19. http://doi.org/10.1080/13557858.2010.502591

Clemente, J. A. (2011). “An Empirical Analysis of Research Trends in the Philippine Journal of Psychology: Implications for Sikolohiyang Pilipino. In Philippine Social Sciences Review, 63(1), 1–33.

Clemente, J. A., Belleza, D., Yu, A., Catibog, E. V. D., Solis, G., & Laguerta, J. (2008). “Revisiting the Kapwa Theory: Applying Alternative Methodologies and Gaining New Insights. Philippine Journal of Psychology, 41(2), 1–32.

Commission on Filipinos Overseas. (2013). “Stock Estimate of Filipinos Overseas as of December 2013.” CFO. Retrieved from http://www.cfo.gov.ph/images/stories/pdf/StockEstimate2013.pdf

Creese, G., & Wiebe, B. (2012). “Survival employment”: Gender and Deskilling Among African Immigrants in Canada. In International Migration, 50 (5), 56–76. http://doi.org/10.1111/j.1468-2435.2009.00531.x

Cunneen, C. (1997). Gender, Race and International Relations: Violence Against Filipino Women in Australia. Sydney: University of Sydney Institute of Criminology.

Dean, J. A., & Wilson, K. (2009). “Education? It is irrelevant to my job now. It makes me very depressed …”: Exploring the Health Impacts of Under/unemployment Among Highly Skilled Recent Immigrants in Canada. In Ethnicity & Health, 14(2), 185–204. http://doi.org/10.1080/13557850802227049

Diaz-Serrano, L. (2013). “Immigrants, Natives and Job Quality: Evidence from Spain. In International Journal of Manpower, 34(7), 753–775. http://doi.org/10.1108/IJM-01-2012-0002

Enriquez, V. G. (1976). “Sikolohiyang Pilipino: Perspektibo at Direksyon.” In L. F. Antonio, E. S. Reyes, R. E. Pe, & N. R. Almonte (Eds.), Ulat ng Unang Pambansang Kumperensya sa Sikolohiyang Pilipino (pp. 221–243). Quezon City, Philippines: Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino.

Enriquez, V. G. (1994a). From colonial to liberation psychology: The Philippine experience (2nd ed.). Manila: DLSU Press.

Enriquez, V. G. (1994b). “The Filipinization of Personality Theory.” In From colonial to liberation psychology: The Philippine experience (2nd ed., pp. 58–79). Manila: DLSU Press.

Enriquez, V. G., & Protacio-Marcelino, E. (1984). Neo-colonial politics and language struggle in the Philippines: National consciousness and language in Philippine psychology, 1971-1983. Quezon City, Philippines: Akademy ng Kultura at Sikolohiyang Pilipino, Philippine Psychology Research and Training House.

Estrada-Claudio, S. (2002). Rape, love and sexuality: The construction of women in discourse. Quezon City, Philippines: University of the Philippines Press.

Estrada-Claudio, S. (2014). “Has SP Become Sikolohiya ng mga Pilipino sa Pilipinas?” (Unpublished paper). Quezon City, Philippines.

Foucault, M. (1972). The Archaeology of Knowledge. (A. Sheridan, Ed.). New York, NY: Pantheon Books.

Foucault, M. (1980). Body/Power. In C. Gordon (Ed.), Power/knowledge: Selected Interviews and Other Writings, 1972-1977 (pp. 55–62). Brighton: The Harvester Press.

Foucault, M. (1990). History of sexuality, vol.1: An introduction. New York, NY: Vintage Books.

Foucault, M. (2008). The Birth of Biopolitics. (M. Senellart, Ed.) (Translated). Basingstoke, Hampshire: Palgrave Macmillan.

Galvez, R. (1988). Ang Ginabayang Talakayan: Katutubong Pamamaraan ng Sama-Samang Pananaliksik [The Guided Discussion: An Indigenous Method for Participatory Research]. In R. Pe-Pua (Ed.), Mga Piling Babasahin sa Panlarangang Pananaliksik II [Selected Readings in Field Research II]. Quezon City, Philippines: University of the Philippines.

Gavey, N. (1997). “Feminist poststructuralism and discourse analysis.” In Toward a new psychology of gender: A reader (pp. 49–64). New York: Routledge.

Gimenez, M. (2009). “Global capitalism and women: From feminist politics to working class women’s politics.” In L. Lindio-McGovern & I. Wallimann (Eds.), Globalization and third world women: Exploitation, coping and resistance (pp. 35–48). Farnham, Surrey: Ashgate Publishing Ltd.

Guanzon-Lapeña, M. A., Church, A. T., Carlota, A. J., & Katigbak, M. S. (1998). “Indigenous Personality Measures Philippine examples.” Journal of Cross-Cultural Psychology, 29(1), 249–270.

Guevarra, A. R. (2009). Marketing Dreams, Manufacturing Heroes. New Brunswick, NJ: Rutgers University Press.

Guthrie, G. M. (1977). “A Social-psychological Analysis of Modernization in the Philippines. In Journal of Cross-Cultural Psychology, 8(2), 177–206.

Jimenez, M. C. (1977). “Ang Kabuluhan ng Sikolohiya: Isang Pagsusuri. In A. G. Carlos & A. R. Magno (Eds.), The Social Responsibilities of the Social Scientist as an Intellectual (Third, pp. 68–77). Quezon City, Philippines: University of the Philippines.

McLaren, M. (2002). Feminism, Foucault and Embodied Subjectivity. New York, NY: State University of New York Press.

Mendoza, S. L. (2006). Between the Homeland and the Diaspora: The Politics of Theorizing Filipino and Filipino American Identities. Manila: UST Publishing House.

Mui, A. C., & Kang, S.-Y. (2006). “Acculturation Stress and Depression Among Asian Immigrant Elders. In Social Work, 51(3), 243–55. Retrieved from http://www.ncbi.nlm.nih.gov/pubmed/17076122

Navarro, A. M. (2015). “Ang Pagkain at Pagkapilipino sa Ibayong Dagat: Pagpopook at Pagsasakasaysayan sa mga Espasyong Pilipino sa Bangkok, Thailand. In A. M. Navarro, M. J. B. Rodriguez-Tatel, & V. C. Villan (Eds.), Pantayong pananaw: Pagyabong ng Talastasan, Pagbubunyi Kay Zeus A. Salazar (pp. 285–313). Pilipinas: Bakas.

Orteza, G. O. (1997). Pakikipagkuwentuhan: Isang Pamamaraan ng Sama-samang Pananaliksik, Pagpapatotoo at Pagtulong sa Sikolohiyang Pilipino (Pakikipagkuwentuhan: A Method of Collective Research, Establishing Validity, and Contributing to Filipino Psychology). Quezon City, Philippines: Philippine Psychology Research and Training House.

Paredes-Canilao, N., & Babaran-Diaz, M. A. (2011). “Sikolohiyang Pilipino: 50 Years of Critical-emancipatory Social Science in the Philippines. In Critical Psychology in a Changing World: Building Bridges and Expanding the Dialogue, 10, 765–783.

Parreñas, R. S. (2001). Servants of Globalization: Women, Migration, and Domestic Work. Stanford, CA: Stanford University Press.

Parreñas, R. S. (2008). The Force of Domesticity: Filipina Migrants and Globalization. New York, NY: New York University Press.

Pe-Pua, R. (2003). “Wife, Mother and Maid: The Triple Role of Filipino Domestic Workers in Spain and Italy. In N. Piper & M. Roces (Eds.), Wife or worker? Asian women and migration (pp. 157–180). Lanham, MD: Rowman & Littlefield Publishers Inc.

Pe-Pua, R., & Protacio-Marcelino, E. (2000). “Sikolohiyang Pilipino (Filipino Psychology): A Legacy of Virgilio G. Enriquez. Asian Journal of Social Psychology, 3(1), 49–71. http://doi.org/10.1111/1467-839X.00054

Population Statistics Unit. (2007). Permanent and Long-term Migration from the Philippines. Wellington, NZ: Statistics New Zealand.

Protacio-Marcelino, E. (1996). “Identidad at Etnisidad: Pananaw at karanasan ng mga Estudyanteng Filipino-Amerikano sa California.” (Unpublished doctoral dissertation). University of the Philippines.

Rodriguez, R. M. (2009). “Challenging the Limits of the Law: Filipina Migrant Workers’ Transnational Struggles in the World for Protection and Social Justice. In L. Lindio-McGovern & I. Wallimann (Eds.), Globalization and Third World Women: Exploitation, Coping and Resistance (pp. 49–64). Farnham, Surrey: Ashgate Publishing Ltd.

Rose, G. (2007). “Discourse Analysis I: Text, Intertextuality, Context.” In Visual methodologies: An introduction to the interpretation of visual materials (2nd ed., pp. 141–171). London: Sage Publications.

Samonte, E. L. (1992). “Sources of Stress and Coping Motivations among Filipinos in West Germany and Holland. Philippine Journal of Psychology, 25(1), 20–39.

Sassen, S. (2000). “Women’s Burden: Counter-geographies of Globalization and the Feminization of Survival. Journal of International Affairs, 53(2), 503–524.

Schwiter, K. (2013). “Neoliberal Subjectivity–Difference, Free Choice and Individualised Responsibility in the Life Plans of Young Adults in Switzerland. Geographica Helvetica, 68(3), 153–159. http://doi.org/10.5194/gh-68-153-2013

Siar, S. V. (2013). From Highly Skilled to Low Skilled: Revisiting the Deskilling of Migrant Labor (2013 No. 30). Makati, Philippines: Philippine Institute for Development Studies.

Sobrun-Maharaj, A., Rossen, F., & Kim, S. (2011). Work experiences of Asian Immigrants: Impact on Family Wellbeing. Wellington, NZ.

Spivak, G. (1988). “Subaltern Studies: Deconstructing Historiography.” In R. Guha & G. Spivak (Eds.), In other worlds: Essays in Cultural Politics (pp. 197–221). Oxford, UK: Oxford University Press.

Statistics New Zealand. (2002). “2001 Census Asian People Tables, table 22. Wellington: Statistics New Zealand.” Retrieved from http://www.stats.govt.nz/Census/2001-census-data/2001-census-asian-people.aspx

Statistics New Zealand. (2014). “2013 Census Ethnic Group Profiles: Filipino Key Facts. Retrieved from http://www.stats.govt.nz/Census/2013-census/profile-and-summary-reports/ethnic-profiles.aspx?request_value=24729&parent_id=24726&tabname=#24729

Statistics New Zealand. (2014). “2013 Census Ethnic Group Profiles: Filipino Labour.” Retrieved from http://www.stats.govt.nz/Census/2013-census/profile-and-summary-reports/ethnic-profiles.aspx?request_value=24729&tabname=Labourforce

Statistics New Zealand. (2014). “Asian Ethnic Group.” Retrieved from http://www.stats.govt.nz/Census/2013-census/profile-and-summary-reports/quickstats-culture-identity/asian.aspx

Torres, J. M., & Wallace, S. P. (2013). “Migration Circumstances, Psychological Distress, and Self-rated Physical Health for Latino Immigrants in the United States. American Journal of Public Health, 103(9), 1619–27. http://doi.org/10.2105/AJPH.2012.301195

Tsai, J. H. (2013). “Impact of Social Discrimination, Job Concerns, and Social Support on Filipino Immigrant Worker Mental Health and Substance Use, 1094, 1082–1094. http://doi.org/10.1002/ajim.22223.

Tyner, J. A. (2004). Made in the Philippines: Gendered Discourses and the Making of Migrants. London: RoutledgeCurzon.

van Dijk, T. A. (1990). “Discourse & Society: A New Journal for a New Research Focus.” Discourse & Society, 1(1), 5–16. http://doi.org/10.1177/0957926590001001001

Ward, C., Masgoret, A.-M., & Vauclair, M. (2011). Attitudes Towards Immigrants and Immigrant Experiences: Predictive Models Based on Regional Characteristics. Wellington, NZ: Department of Labour.

Weedon, C. (1997). Feminist Practice and Poststructuralist Theory (2nd ed.). Cambridge, MA: Blackwell Publishers.

Wetherell, M. (1997). “Linguistic Pepertoires and Literary Criticism: New Directions for a Social Pscyhology of Gender.” In M. Gergen & S. N. Davis (Eds.), Toward a New Psychology of Gender: A Reader (pp. 149–167). New York, NY: Routledge.

 

[1] Tingnan ang papel nina Clemente et al. (2008).

[2] Tingnan ang papel nina Guanzon-Lapeña et al. (1998).

[3] Aotearoa ang katawagan sa New Zealand sa wikang Māori, ang wika ng etnikong panggrupo na Māori na siyang mga unang nanirahan sa lupaing ito.

[4] Labas sa sakop ng papel na ito na talakayin nang malaliman ang mayaman at masalimuot na konsepto ng diskurso. Sa maikling paliwanang, ang diskurso ayon sa mga sulatin ni Foucault (1972, 1980, 1990) ay ang lipon ng mga kaalaman at kahulugan ukol sa isang bagay; ito ay lunan ng kapangyarihan; at nilalalang nito ang anumang bagay na pinag-uusapan. Ang mga diskurso ay nagbibigay-balangkas sa kung paaanong maaaring pag-usapan at pag-isipan ang isang bagay, at kung gayon ay hinuhubog rin ang mga maaaring gawin batay sa mga kaisipang ito (Rose, 2007)

[5] Tingnan ang mga diskusyon ni Enriquez (1994b) ukol sa mga konseptong Pilipino na bumubuo ng imahen ng isang Pilipinong palaban at ng Pilipinong pasuko.

[6] Tumutukoy sa mga taga-Aotearoa.

[7] Sa orihinal ay isang salitang Māori para sa lahat ng dayuhan, ngayon ay tumutukoy na, sa karaniwan, sa mga taga-Aotearoa na may mula sa lahing Europeo.