[DIWA E-Journal Tomo 2, Bilang 1, Nobyembre 2014] Pakikipagkapwa: Pilipinong Lapit sa Pananaliksik (2013) ni Robert E. Javier, Jr.
Rebyu
Robert Javier, Jr. (2013). Pakikipagkapwa: Pilipinong Lapit sa Pananaliksik. Quezon City: Central Book Supply, Inc.
LIKAS AT HANDA:
PAGSUSURI SA MGA MAKA-PILIPINONG METODO NG PANANALIKSIK
Charmaine P. Galano
Department of Psychology
University of the Philippines (UP), Diliman, Quezon City
Nang simulan ni Virgilio Enriquez ang Sikolohiyang Pilipino (SP), mayroon siyang tinukoy na mga layunin nito: ang pag-aralan ang sikolohiya ng mga Pilipino na angkop sa kanyang kultura at palayain ang disiplina ng sikolohiya sa kolonyal na estado nito. Upang maisakatuparan ang mga ito, kailangang taluntunin ng mga sikolohistang Pilipino ang tatlong gawain: (1) palitawin at pag-aralan ang mga katutubong konsepto, (2) mag-debelop at gumamit ng mga metodong angkop sa karanasan ng mga Pilipino, at (3) magsagawa ng mga pag-aaral na nakatuon sa pagpapabuti ng kalagayan ng mga Pilipino (Enriquez 1992).
Ang aklat ni Roberto Javier, Jr. na Pakikipagkapwa: Pilipinong Lapit sa Pananaliksik ay isang antolohiya na binubuo ng labing-isang artikulo na pumapaksa sa mga konseptong may kinalaman sa pagsasakapangyarihan, pamumuno, pagkamamamayan, pananagutang panlipunan at pakikipamayapa. Kabilang rin sa aklat na ito ang ilang empirikal na papel at sanaysay na tumatalakay sa mga maka-Pilipinong metodo sa pananaliksik tulad ng pagtatanong-tanong, pakikipagkwentuhan at panunuluyan. Ayon sa may-akda, ang pangunahing layunin ng aklat ay makapag-ambag sa “pag-unawa sa paraan ng pag-iisip ng mga Pilipino sa kung ano ang ugnayan ng pananaliksik bilang pakikilahok at pakikipag-ugnay pati ilang usaping gaya ng pananagutang panlipunan, pagsasakapangyarihan at pakikipamayapa.” Ngunit maliban pa rito, sa aking palagay, mas naging matingkad ang mga ginawang pagsusuri at pagtatasa ni Javier sa mga katutubong metodo ng pananaliksik. Maaaring maging gabay ang pagsusuring ito sa sinumang mananaliksik na ibig magsagawa ng mga pag-aaral sa SP.
Kapansin-pansin sa kabuuan ng aklat ang malay at hayagang pagpili ni Javier sa perspektiba ng Sikolohiyang Pilipino. Ang kagustuhang makapag-ambag sa disiplina at sa literatura ng SP, partikular na sa pag-aaral ng mga lokal na konsepto, ay litaw na litaw sa bawat papel na kanyang isinulat. Kaya naman maaari ring suriin ang aklat batay sa tatlong pakay ng SP. Sa paanong paraan nakapag-ambag ang libro sa pag-aaral ng mga lokal na konsepto at metodo? Paano nasasalamin sa mga pag-aaral ang pagpapabuti ng kalagayan ng mga Pilipino? Sa unang bahagi ng rebyu na ito ay titignan ang naging kontribusyon ng aklat sa pagdadalumat ng pakikipagkapwa. Tatalakayin naman sa ikalawang bahagi ang naging pagsusuri ng may-akda sa mga katutubong metodo ng pananaliksik.
MAY PAKIKIPAGKAPWA SA PAMUMUNO, PAGKAMAMAMAYAN AT PAKIKIPAMAYAPA
Ang unang artikulo sa antolohiya ay may pamagat na katulad ng sa aklat. Dito ay tinalakay ng may-akda ang konsepto ng pakikipagkapwa at ang mahalagang papel nito sa pagsasagawa ng pananaliksik. Ang artikulong ito ang magtatakda ng kabuuang tema ng buong aklat. Alinsunod sa mga nauna nang bilin ng mga tagasulong ng SP (Enriquez 1992; Pe-Pua at Protacio-Marcelino 2002), pinanindigan rin ni Javier na ang pakikipagkapwa ay kailangan sa anumang pananaliksik, lalo na sa mga disiplina ng agham panlipunan. Mahalaga ang pakikipagkapwa sapagkat tao ang pinapaksa at pinatutungkulan ng mga disiplinang ito. Ngunit ano nga ba ang ibig sabihin ng pakikipagkapwa? Ayon kay Javier, ang pakikipagkapwa ay pagturing sa isang tao bilang kapantay at katuwang sa pagbubuo ng kaalaman. Sa konteksto ng pananaliksik, ito ay pagiging “makatao at pro-tao” sa mga kalahok at sa komunidad. Sa ibang bahagi ng aklat, sinabi niya na ang pakikipagkapwa ay isang pagsasakapangyarihan (empowerment). Nabibigyang boses ang mga kalahok sa mga pananaliksik at nagiging daan ito upang mas maunawaan nila ang kanilang sarili. Hindi lang sa konteksto ng pananaliksik pinalitaw ni Javier ang pakikipagkapwa, masasalamin rin ito sa mga pag-aaral na kanyang ginawa tungkol sa pamumuno, demokrasya at pagiging mamamayan, at kapayapaan.
Dalawang artikulo sa antolohiya ang tumalakay sa konsepto ng pamumuno. Sa isang artikulo, pinag-aralan ni Javier ang pagtingin sa pamumuno ng mga lider ng mga non-government organization, people’s organization at mga taga-barangay sa dalawang bayan sa Nueva Ecija. Lumitaw sa pag-aaral na itinuturing na epektibo ang pamumuno ng isang lider kung itinataguyod nito ang buting panlahat. Ang mga katangian ng isang magaling na lider, ayon sa mga kalahok, ay ang pagkakaroon ng kasanayan at kaalaman sa pamumuno at pagkakaroon ng mabuting pagkatao. Maliban pa rito, natukoy rin na ang epektibong pamumuno ay iniuugat nila sa mabuting pakikipagkapwa ng isang lider. Ito ay maipapamalas sa pamamagitan ng mahusay na pakikipag-ugnayan niya sa loob at labas ng isang samahan at matalas na pakikiramdam sa kung ano ang pangangailangan ng mga tao.
Sa isa pang artikulo, tinalakay naman ni Javier ang pamumuno sa konteksto ng pagboto. Sa pamamagitan ng pagtatanong-tanong at sarbey ay inalam niya ang saloobin ng mga kabataan tungkol sa paghalal at pagpili ng isang pinuno. Lumitaw sa resulta ang mga katangiang hinahanap ng mga kabataan sa isang lider. Maraming hinahanap ang mga kabataan sa isang lider, ngunit pinagtuunan ng pansin ni Javier ang may kinalaman sa pakikipagkapwa. Ang isang mabuting halal ng bayan o pinuno ng pulitika ay dapat na nagtataglay ng mabuting pagkatao at mahusay na pakikitungo sa kapwa. Kaya naman, isa sa naging rekomendasyon ng kanilang pag-aaral ang pagkakaroon ng oryentasyon sa kapwa ng sinumang nais mahalal sa posisyon sa pamahalaan o kahit anumang organisasyon.
Dinalumat rin ni Javier ang demokrasya at pagkamamamayan sa mga pag-aaral na kanyang isinagawa tungkol sa impluwensiya ng isang NGO, ang Education for Life Foundation (ELF), sa iba’t ibang bayan sa Isabela. Natukoy ang dalawang mahalagang konseptong nagmula sa wikang Ilokano: ang wayawaya at umili. Ang wayawaya ay maaaring ipakahulugan na “kalayaan” o kaya’y “katinuan ng isip,” habang ang umili naman ay tumutukoy sa “pagiging mamamayan o taga-bayan.” Sinasabing ang wayawaya at umili ay mga sentral na konsepto sa demokrasya at pagkamamamayan ng mga taga-Isabela. Dito umuusbong ang pananagutan at pakikilahok ng isang mamamayan sa kanyang bayan. Itinuturing naman na kasingtulad ng pakikipagkapwa ang proseso ng pakikilahok at pagsasabuhay ng mga tao sa kanyang pagkamamamayan.
Pinaksa naman ng dalawa pang artikulo ang konsepto ng kapayapaan. Sa isang artikulo, tinalakay ang mga karanasan at kaisipan sa kapayapaan ng iba’t ibang etnolinggwistikong grupo. Kabilang sa mga kalahok ang mga mangingisda sa Bataan, manggagawang-bukid at magsasaka sa Nueva Ecija, Ifugaw ng Banawe, Ita ng Zambales, at mga mangangalakal na Muslim Maranaw sa Quiapo, Maynila. Lumilitaw sa kinasapitan ng pananaliksik ang tatlong kategoryang may kinalaman sa sarili, kapwa, at komunidad. May mga ideyal na kondisyon at kahingian sa bawat kategoryang ito upang maranasan ang kapayapaan. Halimbawa, nakakamit ang kapayapaan sa sarili kung ang isang tao ay malusog, panatag ang kalooban at may kalayaan sa pagkilos. Ngunit sinasabing hindi sapat ang makamit ang ideyal na kondisyon sa isang kategorya lang upang maranasan ang kapayaan. Kinakailangang nagtatagpo o may harmonya sa tatlong nabanggit upang masabing may kapayapaan. Kaya mas mahalagang elemento ang ugnayan sa isa’t isa ng sarili, kapwa, at komunidad. May paghahambing rin na ginawa ang may-akda sa karanasan ng kapayaan sa iba’t ibang grupo ng kalahok. Halimbawa, importante para sa mga Ita ang paggalang sa lupa at kalikasan upang maranasan ang kapayapaan habang para sa mga Ifugaw at Maranaw naman ay matatagpuan ang kapayapaan sa kasaganaan, sa mga salu-salo at pagdiriwang. Magkakaiba man ang pananaw at pagpapakahulugan ng iba’t ibang grupo, nagkakasundo naman ang mga ito na ang pagkakamit ng kapayapaan at pakikipamayapa ay nagmumula sa matiwasay na ugnayan sa kapwa. Sa konteksto ng kapayapaan, ang pakikipagkapwa ay nangangahulugan ng pagtutulungan, pananagutan sa kapwa, at pagkakasundo.
Kapayapaang may kinalaman sa diwa ng kabutihan at pag-debelop ng moralidad ang pinaksa ng isa pang artikulo ni Javier. Sa kanyang pakikipagkwentuhan sa mga monghe ng isang monasteryo sa Malaybalay, Bukidnon, nabuo ang limang kwentong-buhay na naglalahad ng iba’t ibang karanasan ng kapayapaan. Maaaring masumpungan ang kapayaan sa paggawa, sa pamamahinga, o sa paglaya. Maaari ring tignan ang kapayapaan bilang isang estado ng isipan o ng kalooban. Ang mga ito ay makakamit sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng mga ritwal at kasunduan sa loob ng komunidad, at sa pagdanas ng tipan ng orden ng mga monghe. Masasabi namang kaiba ang artikulong ito ni Javier sa mga nauna. Ang ambag nito ay hindi lamang sa kinasapitan ng mga pag-aaral kundi sa paraan ng paglalahad ng mga kwentong nakalap.
Masasalamin sa mga artikulong nabanggit ang tema ng pakikipagkapwa. Intensiyon man o hindi ng may-akda na gamitin ang balangkas ng kapwa, lagi itong lumilitaw sa kanyang mga pagtatalakay sa bawat pag-aaral. Tila ba pakikipagkapwa ang konseptong tumutuhog sa lahat ng ito. At dahil dito, maituturing ang aklat ni Javier na isang magandang gawain sa pagdadalumat ng konsepto ng kapwa. Bagaman itinuturing na pinakamahalagang kontribusyon ni Enriquez ang teorya ng kapwa (San Juan 2006), sa totoo lang, kulang na kulang pa rin ang mga pag-aaral na ginagawa tungkol dito. Ngunit tulad ni Enriquez, mapapansin na hindi pinag-iiba ni Javier ang kapwa at pakikipagkapwa bilang mga sikolohikal na konstrak. Nauna nang ipinanukala na ang dalawang ito ay magkaiba (hal. Yacat 2013). Ang kapwa ay isang pagpapahalagang buod ng pagkataong Pilipino habang ang pakikipagkapwa ay ang kilos na masasalamin sa pakikipag-ugnayan sa iba. Kailangang kilalanin ang pagkakaiba ng dalawang ito. Sa pagkilala magsisimula ang mas maayos na pagtatasa sa mga konseptong ito.
Maituturing naman na exemplar na pag-aaral sa SP ang mga papel ni Javier. Sa paksa, metodo, at tunguhin ay makikitang tumutugon ang mga ito sa tatlong pakay ng SP. Ang mga naging kalahok ni Javier sa kanyang mga pag-aaral ay nagmula sa iba’t ibang grupo (halimbawa, mga magsasaka, lider ng mga samahan sa komunidad) at pangkat etnolinggwistiko (halimbawa, mga Ilokano, Bisaya, atbp.) sa halip na mga mag-aaral sa kolehiyo at unibersidad. Matagal nang pinupuna sa disiplina ng sikolohiya ang kalakaran sa pagpili ng mga kalahok sapagkat tila ba nanggagaling lang ang datos sa mga “elite” na nakapag-aral (Enriquez 1992). Ang pagpili ng mga kalahok na nagmumula sa “mga bayan” ay isang pagpanig sa mga walang boses na nakalimutan na sa disiplina ng sikolohiya. Ngunit kailangan rin namang linawin na nasa ganitong direksyon na rin ang karamihan ng mga pag-aaral sa sikolohiya (Clemente 2011). Marami-rami na ring mga sikolohista ang nagsasagawa ng pag-aaral na tumutuklas sa sikolohiya ng iba’t ibang grupo.
Dalawang bagay naman ang aking napuna sa mga papel ni Javier. Ang una ay may kinalaman sa pagtukoy ng mga konseptong nakaugat sa wika ng mga kalahok. Isa sa mga batayang prinsipyo ng pananaliksik sa SP ay ang paggamit ng wika ng taumbayan. Mahalaga ito hindi lamang para makapagpahayag ng maayos ang mga kalahok kundi para na rin mapalitaw ang mga konseptong taal sa kanilang kultura. Halimbawa, sa pagsisiyasat ni Javier sa mga kaisipang may kinalaman sa pagkamamamayan, lumitaw ang diwa ng wayawaya at umili na mahalaga sa mga kalahok na Ilokano. Ang pagkakatuklas ng mga konseptong ito ay maaaring daan upang masuri kung may sikolohiya ba na natatangi sa mga Ilokano at maaaring pag-aralan kung paano ito nauugnay sa pangkalahatang sikolohiya ng mga Pilipino. Ngunit hindi ko naman nakita ito sa iba pang pag-aaral niya tulad sa pamumuno at kapayapaan. Iba’t ibang etnolinggwistikong grupo ang naging bahagi ng kanyang pag-aaral tungkol sa kapayapaan, ngunit walang lumitaw na lokal na termino para rito. Sa aking palagay, mahalaga ang aktibong pagtukoy at paghahanap sa mga lokal na termino ng mga sikolohikal na konsepto. Ito ay dahil hindi naman homogenous ang kulturang Pilipino. Ikalawa, ito ay para maiwasan ang pagtingin sa SP na nakatuon lamang sa sikolohiya ng mga “Tagalog.” Madalas kong marinig sa mga kumperensiya ang ganitong pagtingin, na sa totoo naman ay isa lamang pag-aakala. Naging magandang oportunidad sana ang papel ni Javier tungkol sa kapayapaan upang makapagpalitaw ng mga lokal na konseptong nakabatay sa mga wika ng kalahok.
Isa pang mapupuna sa mga papel ay ang paraan ng paglalahad ng mga datos at kinasapitan. Naghahanap ako ng pagsipi sa mga aktwal na sagot ng mga kalahok na pinagbatayan ng kanyang analisis at pagtatalakay. Maaaring personal na istilo ng may-akda ang hindi pagsisipi o paglalahad ng mga sagot ng mga kalahok. Ngunit sa aking palagay, maganda kung maisasama ang mga ito. Tugma ito sa prinsipyo ng “pagbibigay boses” at pagkilala sa aktibong papel ng mga kalahok (Pe-Pua 2005). Sa ganitong paraan rin mas magiging matapat ang mananaliksik sa paglalahad ng kanyang bias sa pag-aanalisa ng datos.
Ang aklat ni Javier ay matuturing rin na malaking kontribusyon sa literatura ng SP, partikular na sa pagtatalakay ng mga maka-Pilipinong metodo. Sa bawat papel na kanyang inilahad, masinsin niyang inilarawan at dinetalye ang mga hakbang na kanyang isinagawa sa pagkalap at pag-aanalisa ng datos. Maraming pwedeng matutunan sa mga pag-aaral na kanyang ginawa lalo pa’t ginamit niya ang mga pamamaraang pakikipagkwentuhan, pagtatanong-tanong, at panunuluyan.
ANG PAGGAMIT NG MGA KATUTUBONG METODO SA PANANALIKSIK
Ayon kay Yacat (2013), isa sa mga hamon sa pagsusulong ng makabagong SP ay ang usapin sa paggamit ng mga katutubong metodo. May mga nauna nang obserbasyon na bagama’t ang mga metodong ito ang itinuturing na pinaka-angkop sa karanasan ng mga Pilipino, may mga iilan pa rin ang hindi kumportable sa paggamit nito dahil sa pangamba ng pagiging hindi siyentipiko nito (Pe-Pua 2005; Sevilla 1978). Ito ay matagal na ring pinabulaanan. Ang pagiging siyentipiko ng isang pananaliksik ay wala sa gara o ganda ng metodo ngunit nasa maingat na pagpaplano at kahandaan ng mananaliksik. Kaya nga para kay Yacat (2013), makakatulong kung makakapaglathala ng isang manwal sa pananaliksik na naglalarawan sa pormal na proseso at mga hakbang sa paggamit ng mga katutubong metodo.
Maaari namang makatulong ang aklat ni Javier sa pagbubuo ng isang manwal. Nakadetalye sa bawat papel ang mga hakbang at prosesong kanyang pinagdaanan sa pagsasagawa ng mga pag-aaral na ginamitan ng mga katutubong metodo. Gayundin, tatlong artikulo sa antolohiya ang nakalaan upang talakayin ang kalikasan ng mga metodong tulad ng pakikipagkwentuhan at pagtatanong-tanong.
Komprehensibo ang naging diskusyon ni Javier sa metodo ng pakikipagkwentuhan. Inilahad niya sa aklat ang mga kalakasan at kahinaan ng metodo, mga saligang prinsipyo, at ilang etikal at praktikal na konsiderasyon sa pagsasagawa nito. Ilan sa kanyang tinalakay ay ang bisa ng tulay, ang kalikasan ng umpukan, at ang mahalagang papel ng pakikiramdam sa pakikipagkwentuhan. Pinagtuunan rin niya ng pansin ang pagtatalakay sa pakikipagkapwa bilang pundasyon ng pakikipagkwentuhan.
Idinokumento rin niya ang naging karanasan ng kanyang mga estudyante sa pagtatanong-tanong tungkol sa paksa ng mga karamdaman sa komunidad. Inilahad niya ang mga bawat hakbang na kanilang isinagawa at ang ilang mga balakid na kanilang kinaharap sa larangan. Halimbawa, mainam raw na simulan ang pagtatanong-tanong sa pamamagitan ng pangungumusta at paghingi ng pahintulot. Kailangan ring unahing itanong ang mga simple at madaling sagutin na tanong tulad ng ano, sino, saan, at kailan. Ilan naman sa mga problemang kanilang kinaharap ay ang kasanayan sa pagtatanong ng mga follow-up na tanong. Kinakailangan kasi na kabisado ng mananaliksik ang pasikot-sikot ng paksa upang madali siyang makapag-isip ng itatanong kahit pa wala ito sa gabay.
Ilang tanong pa rin ang sumagi sa aking isipan habang binabasa ang aklat ni Javier. Partikular na dito ang mga may kinalaman sa pagsasagawa ng mga katutubong metodo. Sa modelo ng maka-Pilipinong pananaliksik na ipinanukala nina Santiago at Enriquez (1982), sinasabing may walong antas ng pagtutunguhan ang mananaliksik at kalahok na nakabatay sa paglalapit ng kanilang kalooban. Inaaasahan na marating ng isang mananaliksik ang antas ng pakikipagpalagayang-loob upang makakuha ng mapagkakatiwalaang datos. Ipinagpapalagay na hindi na ibang tao ang pagturing ng kalahok sa mananaliksik sa antas na ito. Ngunit, paano nga ba nasasabi na palagay na ang loob ng isang kalahok? Anu-ano nga ba ang mga indikasyon o palatandaan upang masabi na “hindi na ibang tao” ang turing sa mananaliksik? Sa mga ginawang pagtatasa sa ugnayang ibang-tao at hindi-ibang tao, makikita na may pagkakaiba ang dalawang ito sa limang katangian: paglalapit ng loob, gaan ng loob, tagal ng pagsasama, dalas ng pagsasama, at pagkakasundo (Yacat et al. 2010). Ito ay sa konteksto ng mga relasyon. Paano kaya sa interaksyon ng mananaliksik at kalahok?
Sa isa pang banda, tila hindi rin naniniwala si Javier na may kabuluhan sa pananaliksik kapag ang pagtuturingan ay mas mababaw pa sa pakikipagpalagayang-loob. Aniya:
Gayundin naman hindi maitataguyod ang kapakanan at kabutihan ng kapwa kung sa pakikipagkwentuhan hindi magtuturingang kapwa ang mananaliksik at kalahok at hindi “hindi-ibang-tao” ang magiging pagkilala sa kanya. Manapa ay wala na sanang antasan sa pakikipagkapwa kung saan may pagturing pa ng ibang tao at hindi ibang tao.
Sa aking palagay, hindi naman talaga lahat ng pakikipagkwentuhang isinasagawa sa larangan ay nakakarating sa antas ng hindi ibang-tao. Halimbawa na lamang ang mga estudyanteng nagsasagawa ng mga pag-aaral na mayroong konsiderasyon sa oras at panahon sapagkat mayroon lamang silang isang semestre. Kung hanggang pakikibagay o pakikisama lang ang kanilang naabot, hindi nangangahulugang dapat nang iwanan ang kanilang datos. Kailangan lamang talakayin sa kanilang ulat ang mga ganitong limitasyon. Hindi rin naman nangangahulugan na hindi na kapwa ang kanilang pagturing sa kanilang kalahok dahil ang “ibang tao” ay kapwa pa rin naman.
Maganda naman ang sinabi ni Javier tungkol sa pagbubuo ng kwento sa pakikipagkwentuhan. Ayon sa kanya, “ang kwento ay nailuluwal sa kwentuhan.” Kumbaga, nabubuo ang kwento habang nagiging palagay ang loob ng mga tao sa isa’t isa. Ang datos na inaanalisa sa metodong ito ay ang kwento. Ngunit alam naman nating may mga kwentong mas mahusay ang pagkakalahad at mayroon ding hindi; may mga kwentong mas pinapaboran at mas pinipili (McAdams 2008). At madalas, ang mananaliksik ang nagsasagawa ng pagpili. Paano makakasiguro na ang kwentong mapipiling ilahad ay tugma at tapat sa interes ng kalahok? Magandang makabuo rin ng gabay hindi lang sa pag-analisa ng datos sa kwento, kundi sa kung paano pumipili ng kwento.
Kaugnay naman ng usapin ng wika, malaon nang sinabi na kailangang gamitin ang wika ng taumbayan kapag gumagawa ng pananaliksik (Pe-Pua 2005). Tinugunan naman ito ni Javier sa kanyang mga pag-aaral. Sa mga pagkakataong hindi marunong ang mananaliksik ng wika ng kalahok, ibinahagi ni Javier na malaki ang maitutulong ng tulay upang maging tagasalin. Maaari ngang natutugunan sa pagkakaroon ng tagasalin ang praktikalidad ngunit hindi maiiwasang mapaisip kung anong mangyayari kung magkaroon ng “lost in translation.” Hindi nilinaw ni Javier kung anong mga hakbang ang maaaring gawin upang maiwasan ito.
Minsan rin ay tila ba nagkakaroon ng impresyon na ang mga katutubong metodo ay nababagay lamang na gamitin sa “mga bukid” at “probinsya.” Kailangang linawin na hindi ito totoo. Ayon nga kay Javier, nakaugat ang mga metodong ito sa ating kultura kaya maaari itong magamit saan man naroroon ang Pilipino. Ngunit magiging hamon naman sa mananaliksik ang paggamit nito sa mga nakatira sa “gated subdivision” dahil sa mga alalahanin sa pagka-pribado at seguridad.
Likas nga daw sa ating mga Pilipino ang magtanong at makipagkwentuhan. Ngunit hindi naman ibig sabihin nito na hindi na maghahanda ang mananaliksik dahil sa pag-aakalang kusa namang lilitaw ang ganitong kalikasan. Sa katotohanan pa nga, ibayong paghahanda ang kinakailangan upang maging tapat sa mga prinsipyo ng maka-Pilipinong pananaliksik (Pe-Pua 2005). Ang mga nabanggit sa itaas ay ilan rin lamang sa mga konsiderasyon na kailangan pang linawin sa pagsasagawa ng mga katutubong metodo.
PAGLALAGOM
Sa kabuuan, maituturing ang aklat ni Javier na isang magandang kontribusyon tungo sa pagkamit ng mga layunin ng SP. Bilang isang guro, nakikita kong maaaring magamit ang mga artikulo bilang mga babasahin sa klase sa Sikolohiyang Pilipino, lalo na sa paksa ng metodo at larangang pananaliksik. Habang wala pang naisusulat at nailalathalang manwal, makakatulong ang libro sa mga mananaliksik bilang gabay sa pagsasagawa ng mga pananaliksik na gumagamit ng mga metodong tulad ng pakikipagkwentuhan at pagtatanong-tanong.
Bagaman kailan lang nailathala ang aklat ni Javier, karamihan naman sa mga artikulong nakapaloob rito ay naisulat pa noong dekada 90. Posibleng may mga iilan na ring pagbabago at pag-unlad sa disiplina ng SP, partikular na sa mga metodo, ang hindi pa nakakasali sa aklat na ito.
Sanggunian
Clemente, J.A. (2011). An empirical analysis of research trends in the Philippine Journal of Psychology: Implications for Sikolohiyang Pilipino. Philippine Social Science Review, 63 (1), 1-34.
Enriquez, V.G. (1992). From colonial to liberation psychology: The Philippine experience. Quezon City: University of the Philippines Press.
McAdams, D.P. (2008). Personal narratives and the life story. Nasa O.P. John, R.W. Robins, at L.A. Pervin (mga pat.), Handbook of Personality: Theory and Research, 3rd ed. New York: The Guilford Press, 242-264.
Pe-Pua, R. (2005). Kros-katutubong perspektibo sa metodolohiya: Ang karanasan ng Pilipinas. Binhi, 1 (2). Quezon City: Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino.
Pe-Pua, R. at E. Protacio-Marcelino (2002). Sikolohiyang Pilipino: Pamana ni Virgilio G. Enriquez. Binhi, 1 (1). Quezon City: Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino.
San Juan, E.Jr. (2006). Toward a decolonizing indigenous psychology in the Philippines: Introducing Sikolohiyang Pilipino. Journal for Cultural Research, 10 (1), 47-67.
Santiago, C.E. at Enriquez, V.G. (1982). Tungo sa maka-Pilipinong pananaliksik. Nasa R. Pe-Pua (pat.), Sikolohiyang Pilipino: Teorya, metodo at gamit. Quezon City: Surian ng Sikolohiyang Pilipino, 155-159.
Sevilla, J.C. (1982). Indigenous research methods: Evaluating first returns. Nasa R. Pe-Pua (Pat.), Sikolohiyang Pilipino: Teorya, metodo at gamit. Quezon City: Surian ng Sikolohiyang Pilipino, 221-232.
Yacat, J.A. (2013). Tungo sa isang mas mapagbuong sikolohiya: Hamon sa makabagong Sikolohiyang Pilipino. Daluyan: Journal ng Wikang Filipino, 19 (2), 5-32.
Yacat, J.A., C.A. de Villa, J.A. Clemente, at J. Toledo (2010, Hunyo 24-27). Filipino social relationships: Surfacing underlying themes of Ibang Tao/Hindi Ibang Tao. Di-nalathalang papel, 1st International Conference on Indigenous and Cultural Psychology, Yogyakarta, Ind