[DIWA E-Journal Tomo 10, Nobyembre 2025] Pagbibigay-kahulugan Tungo sa Kaginhawaan ng mga Nakatatandang Naputulan ng Paa Bunsod ng Komplikasyon ng Dyabetes
Jholyan Francis S. Fornillos
Departamento ng Agham Panlipunan
University of the Philippines (UP), Los Baños, Laguna
Abstrak
Ang papel na ito ay bahagi ng mas malawak na pag-aaral ng mananaliksik tungkol sa kwentong-buhay ng mga nakatatandang naputulan ng paa dahil sa komplikasyon ng dyabetes. Layunin ng bahaging ito na siyasatin kung paano binibigyang kahulugan (meaning-making) ng pitong nakatatandang Waray, edad 60 hanggang 80 taong gulang, na nakaranas ng pagkaputol ng paa bunsod ng komplikasyon ng sakit na dyabetes, ang kanilang mga buhay. Semi-nakabalangkas na pakikipanayam ang pangunahing metodo ng pagkalap ng datos mula sa mga kalahok. Ang proseso ng pakikipagpanayam ay hango sa McAdam’s (1995) life story interview, ngunit ang mga tanong ay dinisenyo ng may-akda upang maiangkop sa layunin at konteksto ng kasalukuyang pag-aaral. Mula sa pananaliksik, napag-alaman na sa kabila ng mga dinanas na sala-salabit na hamong pisikal, sikolohikal, at panlipunan, karamihan sa mga kalahok ay nakapag-ugnay ng mapagbiyaya, kapakipakinabang, at espiritwal na pagbibigay-kahulugan sa kanilang mga buhay. May mga kalahok ding nahirapang bigyan ng kahulugan ang kanilang kondisyon o pinili na lamang na magpatuloy sa buhay nang hindi binibigyan ng partikular na kahulugan ang kanilang mapanghamong kalagayan. Ang paglalahad ng kwentong-buhay ng mga kalahok ay isang daan upang marinig ang kanilang tinig na makakapagpabuti ng pananaliksik, pagsasanay, at gawaing adbokasya; na sa sama-samang pagsisikap ay makakapagdulot ng kaginhawaan at kagaanan sa kondisyon ng bahaging ito ng populasyon.
Mga susing salita: Kaginhawaan, pagbibigay-kahulugan, nakatatandang naputulan ng paa, dyabetes
Abstract
This paper is part of a larger study on the life stories of older persons with diabetes-related lower limb amputation. Specifically, it aims to explore how seven Waray older persons with diabetes-related lower limb amputation, aged 60 to 80 years, make meaning of their lives and circumstances. Data were collected using semi-structured interviews adapted from McAdam’s life story interview (1995), with questions tailored by the researcher to align with the objectives and context of the current study. Results show that despite enduring a host of implacable physical, psychological, and social challenges, most participants derived gracious, purposeful, and spiritual meanings from their experiences and lives as a whole. Some participants, however, struggled to find meaning in their condition or chose simply to carry on with life without attributing specific meaning to their difficulties. Writing about the life stories of the participants provides an avenue for their voices to be heard and offers insights that may enrich research, inform practice, and strengthen advocacy work to promote the well-being of this often-overlooked segment of the population. In doing so, the study highlights the value of life story research as a pathway toward more responsive biopsychosocial and spiritual support for persons living with chronic conditions.
Keywords: Well-being, meaning-making, older persons, lower limb amputation, diabetes
PANIMULA
Ang dyabetes ay isang kronikong karamdaman kung saan ang katawan ay hindi nakalilikha ng sapat na insulin, o kaya ay hindi epektibo ang paggamit ng katawan sa insulin na nalilikha nito (International Diabetes Federation [IDF], 2022; World Health Organization [WHO], 2016). Ayon sa datos, dalawang tao kada sampung segundo ang nagkakaroon ng dyabetes habang isang tao naman ang namamatay dahil sa sakit na nabanggit (George & Thomas, 2010; IDF, 2021). Sa Pilipinas, tinatayang 4.3 milyong Pilipino ang may dyabetes, at inaasahang tataas pa ang bilang na ito sa 5.2 milyon pagsapit ng taong 2030 at 7.2 milyon naman pagsapit ng taong 2045. (Cando, Quebral, Ong, Catral, Relador, Velasco… & Tantengco, 2024; IDF, 2021).
Isa sa mga karaniwang komplikasyon ng dyabetes ay ang diabetic foot syndrome, na tumutukoy sa pagkakaroon ng iba’t ibang sakit sa ibabang bahagi ng katawan, kabilang ang impeksyon, mga suliranin sa daluyan ng dugo, at kakulangan ng suplay ng dugo sa paa (Lobmann, Schultz, & Lenhert, 2005; Pendsey, 2010). Ayon kay Crisostomo (2005), pito sa bawat 10 Pilipinong may dyabetes ang humahantong sa pagkaputol ng paa.
Bagama’t iba-iba ang sanhi ng pagkaputol ng paa, makikita sa literatura na ito ay itinuturing ng parehong mga doktor at pasyente bilang isang drastikong hakbang (Carrington, Mawdsley, Morley, Kincey, & Boulton, 1996). Dahil dito, ang mga taong nakararanas ng pagkaputol ng paa ay nahaharap sa sala-salabit na mga hamong pisikal, sikolohikal, at panlipunan (Murray & Forshaw, 2013).
Likas sa tao ang magbigay ng kahulugan sa kanyang mga karanasan, na itinuturing ng maraming mananaliksik at dalubhasa sa gawaing pang-klinika bilang mahalagang aspekto ng lusog-isip o mental health (Klinger, 1998 ayon kay Bonanno, 2013). Ang kakayahang magbigay ng kahulugan ay nakatutulong sa pagkaya sa mga hindi kanais-nais na pangyayari at mahihirap na sitwasyon sa buhay (Bonanno, 2013; Marcu, 2007; Park, 2010; Park & Folkman, 1997).
Bagama’t napakarami na ng pananaliksik na isinagawa tungkol sa karanasan ng mga taong may dyabetes, kakaunti pa rin ang mga pag-aaral na nakatuon sa pag-unawa sa buhay at karanasan ng mga nakatatandang naputulan ng paa dahil sa komplikasyon ng sakit na nabanggit. May malaking puwang sa pananaliksik upang higit na maunawaan ang mga karanasang ito, lalung-lalo na sa dulong bahagi ng buhay ng isang tao (Livingstone, Van De Mortel, & Taylor, 2011).
Kaugnay nito, layunin ng pag-aaral na ito na tuklasin kung paano binibigyan ng kahulugan ng mga nakatatandang naputulan ng paa dahil sa komplikasyon ng dyabetes ang kanilang mga buhay.
Pagpapakahulugan Tungo sa Kaginhawaan
Ang ideya na ang mga tao ay mga nilalang na may kakayahang mag-isip at magbigay ng kahulugan ay malawakang tinatanggap sa larangan ng sikolohiya (Bonanno, 2013). Walang duda na ang kakayahang isaloob ang mga bagay mula sa panlabas na mundo sa ating isipan, baguhin ang ating mga pananaw batay sa bagong natutunan (accommodation), at isama ang mga bagong karanasan (assimilation) sa umiiral na pangkaisipang balangkas o schema, pati na rin ang kakayahang bigyan ng pagpapakahulugan ang mga karanasang ito, ay mga pangunahing pangkaisipang mekanismo na nagtatangi sa tao mula sa iba pang nilalang (Baumeister, 1991; Bjorklund, 2012; Bonanno, 2013; Krauss, 2005; Piaget, 1976). Bagama’t ang kakayahang magbigay ng pagpapakahulugan ay karaniwang itinuturing bilang bahagi lamang ng pag-iisip ng isang tao, ipinagpapalagay ni Klinger (1998, ayon kay Bonanno, 2013) na ito ay itinuturing ng maraming mananaliksik at dalubhasa sa gawaing pang-klinika bilang isang mahalagang bahagi ng lusog-isip. Partikular, iginigiit ng maraming mananaliksik na ang pagbibigay-kahulugan o meaning-making ay mahalaga sa pagharap sa matitinding hamon ng buhay (Bonanno, 2013; Marcu, 2007; Park, 2010; Park & Folkman, 1997).
Sa isang klasikong artikulo ni Shelley Taylor (1983), inilarawan niya ang pagbibigay-kahulugan bilang:
…pagsusumikap na maunawaan ang nangyari: bakit ito nangyari at anong epekto ang naidulot nito. Ang pagbibigay-kahulugan o paghahanap ng kahulugan ay naglalayong sagutin ang tanong na, Ano ang kahalagahan ng pangyayaring ito? Ang kahulugan ay ipinapakita, ngunit hindi eksklusibong tinutukoy, ng mga resulta ng pagsusuri sa sanhi na sumasagot sa tanong na, Ano ang dahilan kung bakit nangyari ang pangyayaring ito? Ang kahulugan ay makikita rin sa sagot sa tanong na, Ano na ang saysay ng buhay ko ngayon? (Isinalin ng may-akda sa Filipino)
Katulad ng ideya ni Taylor (1983), ipinaliwanag nina Park at Folkman (1997) na ang pagbibigay-kahulugan ay isang proseso ng muling pagsusuri ng isang kaganapan, pag-unawa sa dahilan ng pangyayari, pagsagot sa tanong na “Bakit ako?”, pagtukoy sa mga paraan kung paano binago ng pangyayari ang buhay ng isang tao, at pagpapahayag ng antas ng pag-unawa o kahulugan na naibigay ng isang tao sa nasabing kaganapan. Dagdag pa nina Park at Folkman (1997), ang kanilang paglalarawan sa proseso ng pagbuo ng kahulugan ay nagpapakita ng iba’t ibang pananaw at pamamaraan kung paano ipinapaliwanag ng mga manunulat at mananaliksik ang konsepto ng pagbibigay-kahulugan.
Bagama’t likas sa tao ang pagbibigay-kahulugan sa kanyang mga karanasan, sinabi ni Park (2010; 2022) na hindi laging naglalaan ng oras at lakas ang isang tao upang gawin ito, at hindi palaging natatagpuan ang kahulugang hinahanap. Halimbawa, sa pagsusuri ni Bonanno (2013) tungkol sa mga naratibo ng pang-aabuso, lumitaw na nahirapan ang mga kalahok na bigyang kahulugan ang kanilang mga karanasan. Gayundin, ipinakita ng iba pang mga pag-aaral na sumuri sa mga masasalimuot na pangyayari sa buhay na kakaunti lamang ang mga indibidwal – gaya ng mga namatayan ng mahal sa buhay, gumaling mula sa sakit na kanser, at mga nakaranas ng pag-atake ng mga terorista – na aktibong nagsasagawa ng pagbuo ng kahulugan o sumusubok na unawain ang kanilang mga karanasan (Bonanno, 2013). Ipinapakita nito na ang pagdanas ng mahihirap na sitwasyon sa buhay ay hindi awtomatikong nag-uudyok sa isang tao na magsagawa ng masusing pagsisikap sa pagbuo ng kahulugan.
Ang nagtutulak sa mga tao na maghanap ng kahulugan ay maaaring ipaliwanag sa pamamagitan ng pagkakaiba ng pangkalahatang kahulugan (global meaning) at kahulugan ayon sa sitwasyon (situational meaning). Ayon kay Park (2010; 2022), ang pangkalahatang kahulugan ay tumutukoy sa kabuuang sistema ng oryentasyon ng isang tao, tulad ng mga pangunahing paniniwala, layunin, at damdamin na bumubuo sa batayang pangkaisipang balangkas (core schema) na ginagamit upang unawain ang mga karanasan sa mundo. Samantala, ang kahulugan ayon sa sitwasyon ay tumutukoy sa mga kahulugan na may kaugnayan sa partikular na karanasan ng tao sa kanyang kapaligiran tulad ng pananaw ukol sa kontrol sa mga kaganapan sa buhay o pagtatasa ng panganib (Park, 2010).
Sa mga nabanggit na punto, ipinagpapalagay nina Park, Edmondson, Fenster, at Blank (2008) na ang proseso ng pagbibigay-kahulugan ay nagsisimula lamang kapag ang pangkalahatang sistema ng kahulugan ng isang tao ay nawasak dahil sa pagkakalantad sa isang mapanghamong kaganapan o severe stressor. Sa madaling salita, kapag ang pangkalahatang kahulugan ay nabungkag ng mga mapanghamong kaganapan sa buhay, nakararanas ang tao ng pagkaligalig at nagsisimula ang pangkaisipang proseso upang muling buuin ang nawasak na sistema ng kahulugan. Ang prosesong ito ay nagpapababa ng stress at nagdudulot ng kaginhawaan, lalo na kapag nagbubunga ito ng masusing pag-unawa sa mga nangyari (Park, 2010, 2013; Park et al., 2008). Sa madaling sabi, nagiging kapaki-pakinabang lamang ang pagpapakahulugan kapag ito ay nagdudulot ng makabuluhang kinalabasan na tinatawag na meanings made (Park, 2010, 2013). Ang nabuong kahulugan ay maaaring magdulot ng mga pagbabago sa pananaw ng isang tao tungkol sa isang sitwasyon at sa kanyang pangkalahatang kahulugan na sinasalamin ng mga positibong pagbabago sa pagkatao at identidad, pati na rin ng paglawak ng kamalayan at pananaw sa mundo (Park, 2010, 2013). Samantala, kung hindi kayang yanigin ng kahulugan ayon sa sitwasyon ang pangkalahatang kahulugan, hindi magsusumikap ang mga tao na maghanap ng kahulugan o magbigay ng kahulugan sa kanilang karanasan (Bonanno, 2013; Park, 2010; Park & Folkman, 1997).
Sa paglalapat sa mga ideyang ito sa antas ng kwentong buhay, sinabi ni McAdams (2008) na kayang mabago ng masasalimuot na pangyayari ang pananaw ng mga tao sa mundo at maaari itong magdulot ng mas malalim na pagninilay kumpara sa mga positibong kaganapan. Ayon sa kanya, ang mga karanasang mahirap pagdaanan ay “tila nangangailangan ng paliwanag (isinalin ng may-akda sa Filipino),” samantalang ang mga positibong kaganapan sa buhay ay mas madalas na tinatanggap at ninanamnam lamang nang hindi ito masyadong pinag-iisipan. Idinagdag pa ni McAdams na ang mga masasalimuot na karanasan sa buhay ay:
…hinahamon ang tagapagsalaysay na magbigay ng naratibong pagpapakahulugan sa mga karanasang mahirap pagdaanan – upang ipaliwanag kung bakit ito nangyari at marahil kung bakit hindi na ito mangyayaring muli, at upang tuklasin ang epekto ng mahirap na kaganapan sa susunod na bahagi ng kwento. (Isinalin ng may-akda sa Filipino)
Dahil ang mabibigat na karanasan ay nangangailangan ng mas masusing paliwanag at higit na pagsusumikap upang maisalaysay, binanggit ni McAdams (2008) na ang mga pag-aaral ng naratibo at kwentong buhay ay nakatuon sa pagsusuri sa mga tanong na: “Paano pinoproseso ng mga tao ang mga masasalimuot na pangyayari sa kanilang mga kwentong buhay? At ano ang mga sikolohikal na epekto ng paglalahad ng iba’t ibang uri ng kwento tungkol sa personal na paghihirap at pagsubok (Isinalin ng may-akda sa Filipino)?”
Katulad ng nabanggit na, maraming mananaliksik at dalubhasa ang nagsabi na ang pagpapakahulugan ay isang susi sa matagumpay na pagkaya o coping sa masasalimuot na kaganapan sa buhay. Sa katunayan, maraming mga pag-aaral ang sumusuporta rito. Halimbawa, sa landmark study ni Pennebaker (1997), nakita na ang pagkakaroon ng pagkakataon na magsulat o magsalaysay at iproseso ang mga karanasan ng pagkawala ng mahal sa buhay, kamatayan, mga insidente ng pang-aabuso, at mga kabiguan sa buhay ay nakatulong upang mapabuti ang parehong obhetibo at subhetibong tanda ng lusog-isip at kabuuang kalusugan. Lumitaw rin sa isang pag-aaral tungkol sa epekto ng pagpapakahulugan ng mga pasyenteng may malalang karamdaman na ang pagbuo ng kahulugan sa gitna ng pagdanas ng kronikong sakit ay nagpapanatili ng mataas na antas ng lusog-isip (Dezutter, Casalin, Wachholtz, Luyckx, Hekking, & Vandewiele, 2013). Ang iba pang mga pananaliksik ay nakahanap ng ebidensya na ang pagpapakahulugan ay may palagiang kaugnayan sa mga kwento ng katubusan (McAdams, 2006), mas mataas na antas ng pag-unlad ng ego (Bauer & McAdams, 2004), kaangkupang sikolohikal (Frattaroli, 2006), sikolohikal na pag-unlad (Pals, 2006), pati na rin ang kasiyahan sa buhay at kalusugang emosyonal (King & Hicks, 2006).
Gayunpaman, sa kabila ng malawak na ebidensya na nag-uugnay sa pagbibigay-kahulugan sa mga positibong kahihinatnang pangkalusugan o health outcomes, may kapansin-pansin ding bilang ng mga pananaliksik na nagpapakita ng kabaliktaran (Park, 2010). Halimbawa, sa pag-aaral nina Waters, Shallcross, at Fivush (2013), lumitaw na ang mataas na antas ng pagpapakahulugan ay maiuugnay sa mataas na antas ng sintomas ng posttraumatic stress. Sa parehong paraan, natuklasan nina Sales, Merrill, at Fivush (2013) na ang pagpapakahulugan ay maiuugnay sa mataas na antas ng sintomas ng depresyon sa mga kabataang nakaranas ng trauma. Dahil sa mga natuklasang ito, ipinahayag ni Bonanno (2013) na bagama’t hindi tinalakay ng mga nasabing pag-aaral ang direksyon ng sanhi (directionality of effects), nagbibigay pa rin ang mga ito ng pagwawasto sa madalas na labis na pananaw na ang pagbibigay-kahulugan ay laging angkop at nakatutulong. Kung tutuusin, para sa mga taong dumaan sa mga mahihirap na sitwasyon sa buhay, maaaring mas makabubuting magpatuloy na lamang muna at maniwalang may kakayahan silang baguhin ang hinaharap, sa halip na magsikap na bigyan pa ng tiyak na pagpapakahulugan ang kanilang sitwasyon. (Sales, et al., 2013).
Sa kabila ng mga puntong nabanggit, sinabi ni Park at ng kanyang mga kasamahan (2008) na ang hindi magkakatugmang natuklasan o mixed findings ay maaaring bunga ng pagkakaiba-iba ng depenisyon, pagsukat, o konseptwalisasyon ng pagbibigay-kahulugan sa iba’t-ibang pag-aaral. Gayunpaman, sumasang-ayon ang may-akda sa kanilang pananaw na nananatiling bukas sa interpretasyon ang literatura hinggil sa ugnayan ng pagbibigay-kahulugan, pag-angkop, at ginhawa. Sapagkat ang paghahanap ng kahulugan ay itinuturing na may mahalagang papel sa pag-angkop sa mga hindi kanais-nais na pangyayari sa buhay, gayundin sa mga kalagayang nakakapanghina ng kalooban, mahalagang suriin kung ang mga nakatatandang naputulan ng paa dahil sa komplikasyon ng dyabetes ay sumusubok na bigyan ng kahulugan ang kanilang mga sitwasyon sa buhay. Higit pa rito, kailangang tukuyin kung anong mga kahulugan ang kanilang iniuugnay sa kanilang kalagayan at kung paano sila naiimpluwensyahan ng mga ito.
METODOLOHIYA
Layunin ng bahaging ito na ilahad ang mga pamamaraan na ginamit ng mananaliksik upang makamit ang layunin ng kasalukuyang pag-aaral. Tatalakayin dito ang mga saligan ng mananaliksik sa pagpili ng mga kalahok o inclusion criteria, ang proseso ng pangangalap at pagsusuri ng datos, at ang mga etikal na panuntunan na sinunod ng mananaliksik sa kabuuan ng pagsasagawa ng pag-aaral.
Pagpili ng mga Kalahok
Pitong nakatatandang (apat na babae at tatlong lalake) naputulan ng paa bunsod ng komplikasyon ng sakit na dyabetes, na may edad 60 hanggang 88 taong gulang, ang lumahok sa pananaliksik. Pinili sila ng may-akda sa pamamagitan ng purposive sampling batay sa mga sumusunod na pamantayan: (1) ang potensyal na kalahok ay dapat may edad na 60 pataas, (2) naputulan ng isang paa dahil sa komplikasyon ng type 2 dyabetes sa loob ng hindi bababa sa anim na buwan bago ang pagsasagawa ng pag-aaral, at (3) handa at may kakayahang magbahagi nang detalyado tungkol sa kanilang kondisyon pati na rin sa kanilang mga karanasan sa iba’t ibang aspekto ng kanilang buhay.
Nagpasya ang mananaliksik na huwag isama ang mga indibidwal na naputulan ng paa bunsod ng komplikasyon ng sakit na dyabetes sa loob ng wala pang anim na buwan, sapagkat malaki ang posibilidad na sila ay nasa matinding estado pa ng stress. Ayon kina Forducey, Ruwe, at Kaur (2024), karaniwang nakararanas ang mga bagong naputulan ng paa ng mataas na antas ng emosyonal na paghihirap kagaya ng depresyon, pagkabalisa, at kawalan ng pag-asa. Katulad din ng binanggit nina Senra, Oliveira, Leal, at Vieira (2012), kinakailangan ng sapat na panahon ng pag-angkop upang maproseso ng isang tao ang pisikal at sikopanlipunang epekto ng pagkaputol ng paa. Kaugnay nito, piniling limitahan ng mananaliksik ang mga kalahok sa mga nakalampas na ng hindi bababa sa anim na buwan mula sa pagkaputol ng kanilang paa upang makatiyak na hindi sila nasa pinakamatinding yugto ng emosyonal na krisis. Ang desisyong ito ay nakabatay na etikal na prinsipyo ng non-maleficence, upang maiwasan ang pagdudulot ng higit na pinsala kaysa pakinabang, lalung-lalo na sa lusog-isip ng mga kalahok.
Ang mga kwalipikadong kalahok ay nirekrut mula sa isang lokal na ospital sa Silangang Visayas at sa pamamagitan ng rekomendasyon mula sa dating mga kasamahan, kaibigan, kamag-anak, at dating estudyante ng mananaliksik. Upang mapanatili ang pagiging kumpidensyal ng kanilang identidad, binigyan sila ng mga alyas, at ang kanilang personal na impormasyon ay binura o binago sa kanilang mga salaysay.
Pagkalap ng mga Datos
Ginamit sa pananaliksik na ito ang semi-nakabalangkas na pakikipanayam bilang pangunahing metodo ng pangangalap ng datos mula sa mga kalahok. Ang proseso ng pakikipanayam ay hango sa McAdam’s (1995) life story interview ngunit ang mga tanong ay dinisenyo ng mananaliksik upang maiangkop sa layunin at konteksto ng kasalukuyang pag-aaral. Bago pa man itakda ang petsa at oras ng panayam, ang mga kalahok ay nauna nang inimbitahang maging bahagi ng pag-aaral. Ipinaliwanag sa kanila ang bawat bahagi ng pananaliksik. Nang magpaunlak silang maging bahagi ng pag-aaral ay binigyang-diin muli ang kanilang mga karapatan bilang mga kalahok. Sa pahintulot ng mga kalahok, sila ay kinapanayam sa isang lugar at panahong pinakamainam para sa kanila. Ang mga kalahok din ang pumili ng wikang ginamit sa panayam. Karamihan sa kanila ay pumili ng Waray o Binisaya na kanilang kinagisnang wika. Sinagot ng mga kalahok ang mga katanungan na sumasalamin sa kanilang mga karanasan sa buhay at kung paano nila binibigyan ng kahulugan ang kanilang kalagayan.
Para sa ilang kalahok, kinakailangang ipakilala ng mananaliksik ang sarili bilang apo ng isang nakatatandang may parehong kondisyon upang makabuo ng ugnayan at masiguro na palagay ang kanilang loob. Hiningi rin ang kanilang pahintulot na i-rekord ang panayam upang mapadali ang transkripsyon.
Sa kabuuan ng proseso ng pangangalap ng datos, maingat na isinagawa ng mananaliksik ang pagtatanong upang maiwasan ang anumang hindi kanais-nais na damdamin sa mga kalahok. Sinimulan ang panayam sa pamamagitan ng ilang magagaang tanong (hal., pagbubulay ng kanilang buhay bago at matapos nilang malaman na sila ay may dyabetes na wari’y isang pelikula o telenobela) bago unti-unting tumungo sa mas malalalim na usapin tungkol sa kanilang karanasan bilang isang nakatatandang naputulan ng paa bunsod ng komplikasyon ng sakit na dyabetes.
Matapos ang pangunahing bahagi ng panayam, sinundan ito ng mananaliksik ng ilang pampakalmang katanungan o cool down questions, na humantong sa mas malayang talakayan ng mga paksang walang direktang kaugnayan sa pananaliksik. Pagkatapos nito, binuod ng mananaliksik ang mahahalagang punto ng panayam at tinanong ang mga kalahok kung mayroon silang nais pang idagdag. Ipinaalam din sa kanila ang posibilidad ng pagkakaroon ng isa pang panayam upang tiyakin ang kawastuhan ng inisyal na kinasapitan ng pananaliksik. Sa huli, tinanong kung nais nilang malaman ang kinalabasan ng pananaliksik matapos ang pagsulat ng tesis, kung saan marami sa kanila ang nagpahayag ng interes.
Kapuri-puri na ang lahat ng mga kalahok ay nakatapos ng panayam sa isang upuan lamang, at wala sa kanila ang nagbahagi ng mga salaysay na nangangailangan ng naaangkop at espesyalisadong interbensyong pang-klinika.
Tumagal ang bawat panayam nang isa hanggang dalawang oras. Bilang pagtalima sa prinsipyo ng reflexivity, nagtala ang mananaliksik ng isang reflection diary upang masubaybayan ang kanyang mga saloobin, damdamin, reaksyon, at pagmumuni-muni sa buong proseso ng pananaliksik.
Pagsusuri ng Datos
Ang audio-recording ng mga panayam ay isinalin sa papel nang verbatim. Ang mga transkripsyon ay makailang ulit na binasa ng mananaliksik upang magkaroon ng mas malalim na pag-unawa sa kabuuan ng datos bago simulan ang pagsusuri. Pagkatapos nito, ginamit ang reflexive thematic analysis nina Braun and Clarke (2021; 2025) upang maipaliwanag ang mga karanasan at pagpapakahulugan ng mga kalahok sa kanilang kondisyon. Upang maisakatuparan ito, bumuo ang mananaliksik ng isang cross-analysis matrix kung saan ang mga alyas ng mga kalahok ay isinulat sa pinaka-itaas na hanay habang ang mga katanungan sa pananaliksik ay isinulat sa pinaka-kaliwang kolum. Ang panloob na bahagi ng matrix ay pinunan ng mga kaukulang sagot ng mga kalahok.
Ginamit ang open coding upang matukoy ang mga umuulit na padron o pattern sa datos. Gayunpaman, hindi nangangahulugan na tanging ang mga madalas lumitaw na padron lamang ang naging batayan sa pagbubuo ng mga tema. Ang mga kapansin-pansing tugon na maaaring nagpapahiwatig ng mahalagang pananaw ay isinama rin sa pagbuo ng tema. Kasunod nito, ang mga codes ay inayos, inorganisa, at pinagsama upang makabuo ng mga temang nakaangkla sa mga katanungan ng pananaliksik. Matapos ang huling pagbasa ng buong datos upang matiyak ang pagkakaugma (consistency) ng coding, pinili ng mananaliksik ang ilang sipi mula sa mga panayam upang kumatawan sa bawat tema.
Bilang pagsiguro sa integridad at kawastuhan ng kinasapitan ng pananaliksik, ibinahagi sa mga kalahok ang inisyal na resulta ng pagsusuri ng datos. Hiniling sa kanila na magbigay ng puna at komento kung ang mga resultang ibinahagi ay sumasalamin sa kanilang tunay na karanasan at pagbibigay-kahulugan sa kanilang kondisyon. Ang ganitong pamamaraan ng pagpapatibay ng bisa ng pagsusuri ng datos ay nakabatay sa ideya na walang ibang mas makakapagpatunay sa kanilang karanasan at pagbibigay-kahulugan kundi ang mga kalahok mismo. Isang katulad na proseso ng pagpapatibay ng pagkatotoo ng datos ang isinagawa nina George at Thomas (2010).
Dahil sa pandemyang dulot ng COVID-19, inabot ng dalawang taon bago naisagawa ng mananaliksik ang participant validation. Bagama’t hindi ito inaasahan, maaaring ipagpalagay na ang mahabang panahong lumipas ay lalong nakapagpayaman sa datos, sapagkat nagkaroon ng maraming pagkakataon ang mga kalahok na pagnilayan at iproseso ang mga katanungan ng mananaliksik, ang kanilang mga tugon, pati na rin ang kanilang pangkalahatang karanasan sa paglahok sa pananaliksik. Gayunpaman, mahalagang ipagbigay alam na hindi lahat ng naratibo ng pitong kalahok ay nakasama sa pagtitiyak ng datos sapagkat isa sa kanila ang pumanaw sa panahong ito bago pa man maisagawa ang participant validation para sa kanyang naratibo. Ang mga pagwawasto, mungkahi, at karagdagang pananaw ng mga kalahok ay isinama sa pinal na resulta na ilalahad sa susunod na bahagi ng papel na ito.
Etika ng Pananaliksik
Ang paksang tinatalakay sa pananaliksik na ito ay maaaring ituring na sensitibo sa maraming antas. Una sa lahat, ang mga kalahok ay nasa hugpungan ng mga kahinaan – pagiging nakatatanda, pagkakaroon ng dyabetes, at pagkaputol ng kanilang paa. Bukod pa rito, dahil sa kanilang kalagayan, maaaring nakararanas sila ng takot dahil sa pagkawala ng kanilang kakayahang mamuhay nang mag-isa, pagkawala ng pag-asa, pagkawala ng kakayahang ipahayag ang sarili, at pagkawala ng kontrol sa sarili nilang buhay. Ang mga karanasang ito ay naglalagay sa kanila sa isang natatanging posisyon kumpara sa ibang miyembro ng lipunan. Batay sa pagsusuri ng literatura, makikita na maraming nakatatandang naputulan ng paa, bunsod ng komplikasyon ng sakit na dyabetes, ang humaharap sa samu’t saring suliraning nagpapahirap sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.
Dahil sa mga kadahilanang ito, tiniyak ng mananaliksik na sa buong proseso ng pag-aaral, ang kapakanan ng mga kalahok ang pangunahing isinasaalang-alang kasabay ng mahigpit na paggalang sa kanilang mga karapatan. Bago pa man sila hilingan na lumahok, ibinahagi sa kanila ang participant information sheet na naglalaman ng mahahalagang detalye ng pananaliksik. Isa sa mga binigyang-diin sa participant information sheet ay ang tagal ng panayam na hindi bababa sa isang oras upang magkaroon sila ng sapat na batayan sa pagpapasya kung nais nilang lumahok at kung kailan nila nais isagawa ang panayam.
Bukod dito, ipinaliwanag ng mananaliksik ang layunin ng pag-aaral at kung paano sila napili bilang kalahok. Tiniyak din ng mananaliksik na igagalang ang iskedyul ng mga kalahok at isasagawa ang panayam sa oras at lugar na pinakaangkop sa kanila.
Dahil sa pagiging sensitibo ng paksa at ng kalagayan ng mga kalahok, isa pang mahalagang konsiderasyong etikal na binigyang-pansin ay ang proteksyon ng kanilang identidad. Paulit-ulit na tiniyak ng mananaliksik na ang lahat ng impormasyong kanilang ibabahagi ay mananatiling kumpidensyal. Sa pag-uulat ng resulta ng pananaliksik, ginamit ang mga alyas at binago o tinanggal ang anumang impormasyong maaaring maghayag ng kanilang tunay na identidad.
Ipinaalam din sa mga kalahok na ang mga audio recording at transcript ng kanilang panayam ay ligtas na itatago sa mga passcode-protected files. Dagdag pa rito, ipinaliwanag sa kanila ang posibilidad na isumite ang pananaliksik para sa publikasyon o ipresenta sa mga akademikong kumperensiya.
Upang matiyak na ganap na boluntaryo ang kanilang paglahok, kinuha ang kanilang berbal na pahintulot bago isagawa ang panayam. Binigyan sila ng malinaw na oryentasyon tungkol sa proseso ng panayam at ang kanilang karapatan sa informed dissent—kabilang dito ang kanilang kalayaang tumangging sagutin ang anumang tanong kung hindi sila komportable o itigil ang panayam anumang oras nang walang obligasyon o anumang uri ng parusa.
Bagama’t ang pag-aaral na ito ay may mababa hanggang katamtamang antas ng panganib, kinilala ng mananaliksik na maaaring makaranas ang mga kalahok ng hindi kanais-nais na mga emosyon habang inaalala at ibinabahagi ang kanilang mga karanasan. Kung sakaling may kalahok na magpakita ng matinding emosyonal na reaksyon na nangangailangan ng interbensyon, inihanda ng mananaliksik ang posibilidad ng kanilang referral sa isang lisensyadong sikolohista, na sagot na rin ng mananaliksik ang anumang kaugnay na gastusin.
Bilang pagpapahalaga sa kanilang oras at pakikilahok, bawat kalahok ay nakatanggap ng gift certificates na nagkakahalaga ng tatlong libong piso (PhP 3,000.00) para sa kanilang mga gamot at/o pangangailangan pagkatapos ng panayam.
Ang mga alituntuning etikal na nakasaad sa itaas ay inaprubahan ng Departamento ng Sikolohiya, Unibersidad ng Pilipinas Diliman.
Pahayag ng Kritikal na Pagninilay
Ayon kay Willig (2013, p. 47), hindi maaaring ihiwalay ng mananaliksik ang kanyang sarili mula sa paksa ng kanyang pananaliksik dahil sa kalaunan ay magkakaroon siya ng ugnayan o masasangkot siya sa penomenong kanyang sinusuri. Ang pahayag na ito ay nagpapakita ng diwa ng reflexivity, isang mahalagang prinsipyo sa kwalitatibong pananaliksik na tumutukoy sa kritikal na pagninilay ng mananaliksik sa kaalamang kanyang nililikha at sa papel na ginagampanan niya sa mismong proseso ng paglikha nito (Braun & Clarke, 2013, p. 37).
Bilang mananaliksik, kinikilala ko na ang aking personal na karanasan ay nakaaapekto sa paghubog ng aking pananaw, sa pagpili ng paksa, at sa pagsuri ng datos. Ang aking ugnayan sa isang mahal sa buhay na dumaan sa dyabetes at pagkaputol ng paa bunsod ng komplikasyon ng kanyang sakit ang lalong nagpatibay sa aking pagnanais na gamitin ang kwentong buhay sa pananaliksik na ito. Ang ganitong karanasan ay hindi ko itinuturing na balakid, bagkus isang mahalagang lente na nakatulong upang mas maunawaan at masuri nang mahusay ang mga naratibo ng mga kalahok.
Sa ganitong paraan, malinaw ang aking posisyon bilang mananaliksik: hindi lamang ako tagapagtala ng karanasan ng kapwa-tao kundi isa ring aktibong kalahok sa pagbibigay-kahulugan dito. Ang pagkilalang ito ay naglalayong magbunga ng mas malalim, makatao, makatarungan, at mapagkalingang pag-unawa sa mga nakatatandang naputulan ng paa dahil sa komplikasyon ng dyabetes.
KINASAPITAN
Batay sa resulta ng pagsusuring isinagawa ng mananaliksik, lumitaw ang tatlong pangunahing tema mula sa mga panayam: (1) Kalooban ng Diyos at pagsubok sa lakas ng pananampalataya; (2) Mahirap bigyan ng pagpapakahulugan ang paghihirap na tila walang katapusan; at (3) Ang kapalit ng pagpapakahulugan sa buhay. Ang mga temang ito ay sumasalamin sa paraan ng pagpapakahulugan ng mga nakatatandang naputulan ng paa bunsod ng komplikasyon ng sakit na dyabetes.
Kalooban ng Diyos at Pagsubok ng Lakas ng Pananampalataya
Isa sa mga temang lumitaw mula sa mga panayam ay ang pagbibigay-kahulugan ng mga kalahok na ang kanilang kalagayan ay bahagi ng kalooban ng Diyos at isang pagsubok sa kanilang pananampalataya. Para sa lima sa kanila, ang espiritwal na pagbibigay-kahulugang ito ay naging mahalagang paraan upang maunawaan at matanggap ang kanilang kondisyon. Sa kabila ng sala-salabit na mga pisikal, sikolohikal, at panlipunang hamon na kanilang kinakaharap, nanatiling matibay ang kanilang pananampalataya, na nagsisilbing sandigan sa kanilang pagharap sa mga pagsubok ng buhay.
Ipinahayag ni Mana Yolly ang kanyang pagbibigay-kahulugan na ang kanyang kalagayan ay isang bahagi ng malawak na plano ng Diyos. “Ini nga ak kabutangan in kaburut-on han Ginoo… An Ginoo gud la an labi nga maaram kun kay ano nahihinabo ini ha akon.” [Pagsasalin: Itong aking kalagayan ay kalooban ng Diyos. Siya lang ang tanging may alam kung bakit ito nangyayari sa akin.]
Masasalamin sa kanyang pahayag ang malalim na pagtanggap sa kanyang sitwasyon bilang isang bagay na hindi niya ganap na nauunawaan ngunit pinaniniwalaan niyang bahagi ng banal na plano. Ang ganitong pananaw ay nagpapakita ng isang matibay na pagtitiwala sa Diyos, kung saan ang kanyang espiritwal na pagbibigay-kahulugan ay nagiging sandigan sa pagharap sa sakit at kawalan dulot ng pagkaputol ng kanyang paa.
Samantala, ipinahayag naman ni Lola Tisay ang kanyang paniniwalang ang kanyang kalagayan ay isang pagsubok sa kanyang pananampalataya:
“Siguro pagsulay inin han kusog han ak pagtuo. Puro-pareho ak kan Job ha Bibliya. Nagkaada sakit, nawara tanan pero waray gud kakuan an iya pagtuo. Maiha na ako nga Christian, amo nga gin susulay ak hit mga kaaway. Hini nga mga panahon, mas kinahanglan gud sumarig ak kan Jesus. Yes, we have to trust him under all circumstances. Only when we have faith can we fully trust.”
[Pagsasalin: Siguro, itong aking kalagayan ay isang pagsubok sa lakas ng aking pananampalataya. Maihahalintulad ko ang aking sarili kay Job sa Bibliya. Nagkaroon siya ng matinding sakit at nawala ang lahat sa kanya pero hindi kailan man natinag ang kanyang pananampalataya. Matagal na akong Christian, kaya siguro ako sinusubukan ng mga kaaway. Sa ganitong mga panahon, mas kailangan kong kumapit kay Jesus. Yes, we have to trust him under all circumstances. Only when we have faith can we fully trust.]
Ang kanyang pahayag ay nagpapakita ng isang aktibong pakikibaka sa kanyang pananampalataya, kung saan binibigyan niya ng pagpapakahulugan ang pagsubok bilang isang paraan para patatagin ang kanyang espiritwalidad. Ang pagbanggit kay Job mula sa Bibliya ay nagpapakita ng kanyang pag-unawa na ang kanyang karanasan ay hindi naiiba sa ibang matinding pagsubok na kinakaharap ng mga taong may matibay na pananalig. Ang kanyang pagpapahayag ng pangangailangang kumapit kay Hesus ay nagpapakita ng kanyang determinasyon na manatili sa pananampalataya sa kabila ng mga pagsubok.
Sa kabuuan, ipinapakita ng temang Kalooban ng Diyos at pagsubok sa lakas ng pananampalataya kung paano ginagamit ng mga kalahok ang espiritwal na pagbibigay-kahulugan upang magkaroon ng mas malalim na pag-unawa at pagtanggap sa kanilang sitwasyon. Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng espiritwal na pagbibigay-kahulugan, nagkaroon sila ng mas matibay na loob at pag-asa sa kabila ng mga hamong kakabit ng kanilang kondisyon. Ang ganitong pagbibigay-kahulugan ay hindi lamang nagpapalakas sa kanila kundi nagiging daan din upang patuloy silang mamuhay nang may pag-asa at kahulugan.
Mahirap Bigyan ng Pagpapakahulugan ang Paghihirap na Tila Walang Katapusan
“Makuri bilngon iton karuyag signgon hiton pag-inantos nga diri natatapos.” [Pagsasalin: Mahirap bigyan ng pagpapakahulugan ang paghihirap na tila walang katapusan.] Ang mga katagang ito mula kay Nanay Vi ay malinaw na sumasalamin sa damdamin ng isang nakatatandang naputulan ng paa bunsod ng komplikasyon ng sakit na dyabetes – isang taong lubhang nahihirapang maghanap ng paliwanag kung bakit niya kailangang maranasan ang patuloy na pagdurusa. Sa kabila ng kanyang paulit-ulit na pagsusumikap na mabigyan ng kahulugan ang kanyang kalagayan, inamin niyang tila mailap ang hinahanap niyang kasagutan.
Ibinahagi rin niya na habang pinipilit niyang bigyan ng kahulugan ang kanyang sitwasyon – lalo na ang mga abala at paghihirap na kaakibat nito – lalo siyang nababagabag at mas lalong nagkakaroon ng pagnanais na wakasan ang kanyang buhay. Dahil dito, tuluyan na niyang isinuko ang pagtatangkang maunawaan ang kahulugan ng kanyang dinaranas.
Gayunpaman, sinabi nya, “…basta gin papasa-Diyos ko nala tanan.” [Pagsasalin: …basta ipinagpapasa-Diyos ko na lang ang lahat] – marahil, isang pag-asang sa pamamagitan ng pananampalataya, darating din ang araw na magagawa niyang bigyan ng kahulugan ang kanyang kalagayan.
Ang Kapalit ng Pagpapakahulugan ng Buhay
Nang tanungin kung nakapagbulay-bulay na siya tungkol sa kanyang kalagayan at ang mga pagbabagong dulot nito sa kanyang buhay, sinabi ni Mano Boy, na nagawa na niya ito.
Gayunpaman, inamin niyang habang mas pinag-iisipan niya ang kanyang kondisyon at patuloy na nagsisikap na bigyan ito ng kahulugan, lalo lamang tumitindi ang kanyang panghihinayang at pagkadismaya. Dahil dito, napagtanto niyang walang saysay ang patuloy na pag-iisip sa mga bagay na hindi na maaaring baguhin. Ayon kay Mano Boy:
Imbis nga imuron ko iton akon kusog pagpinanhuna-huna hiton mga butang nga makuri intindihon, karuyag ko nga maniguro hiton mga butang nga kaya ko pa buhaton.
[Pagsasalin: Sa halip na aksayahin ko ang aking lakas sa pagbibigay-kahulugan sa mga bagay na mahirap unawain, mas gusto ko na lamang pagtuunan ng pansin ang mga bagay na kaya ko pang gawin.]
Dagdag pa niya, ayaw niyang hayaang kontrolin ng masasamang pangyayari ang kanyang buhay. Tinapos ni Mano Boy ang kanyang pahayag sa pagsasabing nais niyang maging kapaki-pakinabang sa pamilya ng kanyang kapatid. Para sa kanya: “Amo iton akon angay buhaton para makabalos han mga tawo nga nagmayuyo ngan nagtimangno ha akon.” [Pagsasalin: Ito ang pinakamaliit na magagawa ko upang suklian ang mga taong nagmahal at nag-aruga sa akin.]
PAGTALAKAY
Ang kasalukuyang pananaliksik ay nagbibigay ng masusing pagsusuri sa proseso ng pagbibigay-kahulugan at ang kaugnayan nito sa kaginhawaan ng mga nakatatandang naputulan ng paa bunsod ng komplikasyon ng sakit na dyabetes. Batay sa kinasapitan, lumitaw na tila may iba’t ibang antas ng pagbibigay-kahulugan ang mga kalahok hinggil sa kanilang kondisyon. Ang ilan ay aktibong naghahanap ng kahulugan sa kanilang karanasan, samantalang may iba na mas piniling magpatuloy na lamang sa buhay kaysa isipin ang masalimuot na aspekto ng kanilang kalagayan. Mayroon ding nahirapang maunawaan ang kahulugan ng kanilang pinagdaraanan.
Napag-alaman din na ang mga kalahok na matagumpay na nakabuo ng mapagbiyaya, kapakipakinabang, at espiritwal na pagpapakahulugan sa kanilang karanasan ay nagpakita ng mas mataas na antas ng sikolohikal na kaginhawaan. Ito ay tumutugma sa natuklasan nina Pennebaker (1997), Dezutter at mga kasama (2013), at Aftab at mga kasama (2019) na ang pagkakaroon ng isang malinaw na naratibo o pagbibigay-kahulugan sa isang napakabigat na karanasan ay may kaugnayan sa mas maayos na mental at emosyonal na kalagayan. Sa kabilang banda, ang mga nahirapang bumuo ng pagpapakahulugan ay nagpakita ng tila mas mataas na antas ng stress at pagkabagabag, alinsunod sa pag-aaral nina Waters at mga kasama (2013) at Sales at mga kasama (2013) na nagsasabing ang hindi matagumpay na pagtatangka sa pagbibigay-kahulugan ay maaaring iugnay sa mas mataas na sintomas ng posttraumatic stress at iba pang suliranin sa lusog-isip.
Bukod dito, ang konsepto ng pangkalahatang kahulugan at kahulugan ayon sa sitwasyon ni Park (2010; 2022) ay lumitaw rin sa mga pahayag ng mga kalahok. May mga kalahok na matatag ang pangkalahatang sistema ng kahulugan kaya hindi sila masyadong naapektuhan ng kanilang kondisyon. Samantala, may ilan na ang personal na paniniwala at layunin ay niyanig ng kanilang kondisyon at mga kaakibat na paghihirap nito, kaya nagkaroon sila ng mas mataas na pangangailangang muling suriin at buuin ang kanilang kahulugan sa buhay. Ang prosesong ito ay nakaayon sa pananaw nina Park at mga kasama (2008) na ang pagpapakahulugan ay kadalasang nagsisimula kapag ang isang tao ay nakaranas ng matinding pagsubok na yumanig sa kanyang dating sistema ng kahulugan.
Sa pangkalahatan, ipinapakita ng resulta ng pag-aaral na ang pagpapakahulugan ay isang mahalagang proseso sa pag-angkop sa isang mapanghamong sitwasyon. Gayunpaman, gaya ng binanggit nina Sales, Merrill, at Fivush (2013) at Cowden at mga kasama (2025), hindi sa lahat ng pagkakataon ay may positibong epekto ang pagbibigay-kahulugan. Ang ilang kalahok ay nagpakita ng mas matinding emosyonal na paghihirap habang sinusubukang bigyang kahulugan ang kanilang karanasan, na nagpapahiwatig na maaaring mas epektibo para sa ilan ang pagtuon sa hinaharap kaysa sa pagbabalik-tanaw at pagsusuri ng kanilang sitwasyon.
Batay sa mga natuklasang ito, mahalagang pag-aralan pa ang iba pang mga salik na maaaring makaimpluwensya sa proseso ng pagpapakahulugan, gaya ng suporta ng pamilya, espiritwal na paniniwala, at mga pamamaraan ng pag-angkop. Dagdag pa rito, maaaring magamit ang resulta ng pag-aaral na ito sa pagpapabuti ng mga programang nagbibigay ng sikolohikal na suporta sa mga nakatatanda, partikular sa mga may malubhang medikal na kondisyon. Ang pagbibigay-diin sa tamang paraan ng pagpapakahulugan na naaayon sa pangangailangan ng bawat indibidwal ay maaaring makatulong sa pagpapabuti ng kanilang kalidad ng buhay at sikolohikal na kaginhawaan.
KONGKLUSYON
Sa kabuuan, ipinapakita ng pag-aaral na ang proseso ng pagbibigay-kahulugan ay may mahalagang papel sa sikolohikal na kaginhawaan ng mga nakatatandang naputulan ng paa bunsod ng komplikasyon ng sakit na dyabetes. Natuklasan na ang kakayahang bumuo ng positibong kahulugan sa kanilang kalagayan ay may kaugnayan sa mas mataas na antas ng pagtanggap at emosyonal na katatagan. Samantala, ang mga nahirapang magbigay ng pagpapakahulugan sa kanilang kalagayan ay nakaranas ng mas mataas na antas ng emosyonal na paghihirap. Lumitaw rin na ang pananampalataya, pagkakaroon ng layunin, at suporta ng pamilya ay mahahalagang salik na nakatulong sa proseso ng pagbibigay-kahulugan ng mga kalahok.
Bagama’t malinaw na kapaki-pakinabang ang pagbibigay-kahulugan sa pagharap sa mga mapanghamong sitwasyon, binibigyang-diin din ng pananaliksik na hindi ito palaging nagdudulot ng positibong kahihinatnan. Para sa ilang indibidwal, ang pagtangkang magbigay kahulugan sa isang masalimuot na sitwasyon ay maaaring magdulot ng higit pang stress at pagkabagabag. Sa ganitong pagkakataon, maaaring mas mainam ang pagtutok sa kasalukuyang kakayahan at sa hinaharap kaysa sa paulit-ulit na pagsusuri at pagbabalik-tanaw sa nakaraan.
Ang mga natuklasan sa pananaliksik na ito ay maaaring gamitin sa pagpapabuti ng mga interbensyon sa larangan ng sikolohikal na suporta, partikular sa mga nakatatandang may malubhang kondisyon. Ang mga interbensyong ito ay maaaring ibatay sa mga pamamaraan ng pagbibigay-kahulugan na isinasaalang-alang ang personal na pananaw at karanasan ng bawat indibidwal, at hindi ipinipilit sa hindi angkop na panahon. Sa ganitong paraan, mas nagiging posible ang pagpapapataas ng kalidad ng kanilang buhay.
Higit pa sa pagbibigay-kahulugan, lumitaw din mula sa mga kwentong-buhay ng ilang kalahok ang kahalagahan ng pagbibigay-kalinga na nakaugat sa presenya, pagmamalasakit, at pagiging kaagapay sa huling yugto ng buhay ng mga nakatatanda — lalung-lalo na sa harap ng mga kronikong kondisyon na kadalasang nakakakompromiso ng ginhawa at nagdudulot ng pakiramdam ng kawalang kahulugan o meaninglessness. Ang simpleng presenya ng isang taong handang maging kasamang tagapaglakbay sa takipsilim ng buhay ay nagiging makapangyarihang anyo ng suporta na maaaring maghatid ng kaginhawaan, magbigay ng panibagong kahulugan, at magsilbing sandigan ng paghilom.
Higit pa rito, ipinakita rin ng pag-aaral na maaaring punan ng espiritwalidad ang isang sikolohiya na kinikilala ang mga aspekto ng buhay na lagpas sa kapangyarihan ng tao na maunawaan at makontrol. Ang espiritwalidad ay nagsisilbing pundasyon sa paghahanap ng kahulugan sa buhay, isang mahalagang mapagkukunan ng lakas para sa mga taong may karamdaman, at isang importanteng salik sa pagtataguyod ng kagalingan at kaginhawaan (Corey, 2009, p.42). Sa ganitong konteksto, ang espiritwalidad ay maaaring gumanap bilang isang kapakipakinabang na pamamaraan ng pag-angkop na maaaring makatulong sa mas epektibong pagpapakahulugan at mas mataas na antas ng sikolohikal na kaginhawaan.
Sa kabuuan, ipinapakita ng pananaliksik na ang sikolohikal na kaginhawaan sa dulong bahagi ng buhay ay higit na napagtitibay sa pamamagitan ng tatlong magkakaugnay na dimensyon: ang pagbibigay-kahulugan, ang kalingang nakaugat sa presensya, pagmamalasakit, at pagiging kaagapay sa pagtanda, at ang esprititwalidad na nagbibigay kahulugan sa karanasang lagpas sa hangganan ng kontrol ng tao. Ang integrasyong ito ang maaring magsilbing batayan para sa mas makabuluhan at komprehensibong interbensyon sa larangan ng sikolohikal na suporta at kalinga para sa mga nakatatandang may kronikong kondisyon.
PAHAYAG HINGGIL SA SALUNGAT NA INTERES
Idinideklara ng mananaliksik na ang pag-aaral na ito ay bahagi ng mas malawak na pananaliksik tungkol sa kwentong buhay ng mga nakatatandang naputulan ng paa bunsod ng komplikasyon ng sakit na dyabetes, na isinagawa bilang bahagi ng mga kinakailangan para sa pagtatamo ng titulong Masterado ng Sining sa Sikolohiya. Upang matiyak ang kahusayan ng isinagawang pananaliksik, maingat na pinamahalaan ang anumang potensyal na salungat na interes sa ilalim ng patnubay nina Dr. Louella B. Orillaza (Tagapayo ng mananaliksik), Dr. Ma. Carmen C. Jimenez (Kritik), Dr. Elizabeth R. Ventura (Pinuno ng Lupon ng Depensa ng Tesis), at Dr. Nimfa B. Ogena (Kinatawan ng Dekano)
Mga Sanggunian
Aftab, A., Lee, E. E., Klaus, F., Daly, R., Wu, T.-C., Tu, X., Huege, S., & Jeste, D. V. (2019). Meaning in life and its relationship with physical, mental, and cognitive functioning. The Journal of Clinical Psychiatry, 81(1). https://doi.org/10.4088/jcp.19m13064
Bauer, J. J., & McAdams, D. P. (2004). Personal growth in adults’ stories of life transitions. Journal of Personality, 72(3), 573–602. https://doi.org/10.1111/j.0022-3506.2004.00273.x
Baumeister, R. F. (1991). Meanings of life. Guilford Press.
Bjorklund, D. F. (2012). Children’s thinking: Cognitive development and individual differences (5th ed.). Wadsworth, Cengage Learning.
Bonanno, G. A. (2013). Meaning making, adversity, and regulatory flexibility. Memory, 21(1), 150–156. https://doi.org/10.1080/09658211.2012.745572
Braun, V., & Clarke, V. (2013). Successful qualitative research: A practical guide for beginners. Sage.
Braun, V., & Clarke, V. (2021). To saturate or not to saturate? Questioning data saturation as a useful concept for thematic analysis and sample-size rationales. Qualitative research in sport, exercise, and health, 13(2), 201-216. https://doi.org/10.1080/2159676X.2019.1704846
Braun, V., & Clarke, V. (2025). Reporting guidelines for qualitative research: A values-based approach. Qualitative Research in Psychology, 22(2), 399-438. https://doi.org/10.1080/14780887.2024.2382244
Carrington, A. L., Mawdsley, S. K. V., Morley, M., Kincey, J., & Boulton, A. J. M. (1996). Psychological status of diabetic people with or without lower limb disability. Diabetes research and clinical practice, 32(1), 19-25. https://doi.org/10.1016/0168-8227(96)01198-9
Cando, L. F., Quebral, E. P., Ong, E. P., Catral, C. D., Relador, R. J., Velasco, A. J., Alcazar, R. M., Reyes, N. A., Pilotin, E. J., Ornos, E. D., Paz-Pacheco, E., & Tantengco, O. A. (2024). Current status of diabetes mellitus care and management in the Philippines. Diabetes & Metabolic Syndrome: Clinical Research & Reviews, 18(2), 102951. https://doi.org/10.1016/j.dsx.2024.102951
Corey, G. (2009). The art of integrative counseling (2nd ed.). Belmont, CA: Thomson/Brooks-Cole.
Cowden, R. G., Fung, E. N., Bechara, A. O., Cook, K. V., Kurniati, N. M., Suwartono, C., Widyarini, N., & VanderWeele, T. J. (2025). Does meaning in life mediate associations between suffering and subsequent mental well‐being? longitudinal evidence from two non‐western samples. Stress and Health, 41(1). https://doi.org/10.1002/smi.3530
Crisostomo, S. (2005, November 12). Seven of 10 Filipino diabetes patients likely to lose a leg. Philstar Global. https://www.philstar.com/headlines/2005/11/12/306457/seven-10-filipino-diabetes-patients-likely-lose-leg
Dezutter, J., Casalin, S., Wachholtz, A., Luyckx, K., Hekking, J., & Vandewiele, W. (2013). Meaning in life: An important factor for the psychological well-being of chronically ill patients? Rehabilitation Psychology, 58(4), 334–341. https://doi.org/10.1037/a0034393
Forducey, P. G., Ruwe, W. D., & Kaur, K. (2024). Psychological consequences of amputation. Prosthetics and Patient Management, 65–75. https://doi.org/10.1201/9781003526032-7
Frattaroli, J. (2006). Experimental disclosure and its moderators: A meta-analysis. Psychological Bulletin, 132(6), 823–865. https://doi.org/10.1037/0033-2909.132.6.823
George, S. R., & Thomas, S. P. (2010). Lived experience of diabetes among older, rural people. Journal of Advanced Nursing, 66(5), 1092–1100. https://doi.org/10.1111/j.1365-2648.2010.05278.x
International Diabetes Federation. (2021). Diabetes atlas (10th ed.) https://www.idf.org/aboutdiabetes/what-is-diabetes/facts-figures.html
International Diabetes Federation. (2022). What is diabetes? https://www.idf.org/aboutdiabetes/what-is-diabetes
King, L. A., & Hicks, J. A. (2006). Narrating the Self in the Past and the Future: Implications for Maturity. Research in Human Development, 3(2-3), 121–138. https://doi.org/10.1207/s15427617rhd0302&3_4
Krauss, S. (2015). Research paradigms and meaning making: A Primer. The Qualitative Report. https://doi.org/10.46743/2160-3715/2005.1831
Livingstone, W., Van De Mortel, T. F., & Taylor, B. (2011). A path of perpetual resilience: Exploring the experience of a diabetes-related amputation through grounded theory. Contemporary Nurse, 39(1), 20–30. https://doi.org/10.5172/conu.2011.39.1.20
Lobmann, R., Schultz, G., & Lehnert, H. (2005). Proteases and the diabetic foot syndrome: Mechanisms and therapeutic implications. Diabetes Care, 28(2), 461–471. https://doi.org/10.2337/diacare.28.2.461
Marcu, O. (2007). Meaning making and coping: Making sense of death. Cognitie, Creier, Comportament/Cognition, Brain, Behavior, 11(2), 397-417.
McAdams, D. P. (1995). The life story interview. Evanston, IL: Northwestern University
McAdams, D. P. (2006). The redemptive self: Generativity and the stories Americans live by. Research in Human Development, 3(2–3), 81–100. https://doi.org/10.1080/15427609.2006.9683363
Murray, C. D., & Forshaw, M. J. (2012). The experience of amputation and prosthesis use for adults: A metasynthesis. Disability and Rehabilitation, 35(14), 1133–1142. https://doi.org/10.3109/09638288.2012.723790
Pals, J. L. (2006). Authoring a Second Chance in Life: Emotion and Transformational Processing within Narrative Identity. Research in Human Development, 3(2-3), 101–120. https://doi.org/10.1207/s15427617rhd0302&3_3
Park, C. L. (2010). Making sense of the meaning literature: An integrative review of meaning making and its effects on adjustment to stressful life events. Psychological Bulletin, 136(2), 257–301. https://doi.org/10.1037/a0018301
Park, C. L. (2013). The meaning making model: A framework for understanding meaning, spirituality, and stress-related growth in health psychology. European Health Psychologist, 15(2), 40-47.
Park, C. L. (2022). Meaning making following trauma. Frontiers in Psychology, 13. https://doi.org/10.3389/fpsyg.2022.844891
Park, C. L., Edmondson, D., Fenster, J. R., & Blank, T. O. (2008). Meaning making and psychological adjustment following cancer: The mediating roles of growth, life meaning, and restored just-world beliefs. Journal of Consulting and Clinical Psychology, 76(5), 863–875. https://doi.org/10.1037/a0013348
Park, C. L., & Folkman, S. (1997). Meaning in the context of stress and coping. Review of General Psychology, 1(2), 115–144. https://doi.org/10.1037/1089-2680.1.2.115
Pendsey, S. P. (2010). Understanding diabetic foot. International journal of diabetes in developing countries, 30(2), 75. https://doi.org/10.4103/0973-3930.62596
Pennebaker, J. W. (1997). Writing about emotional experiences as a therapeutic process. Psychological Science, 8(3), 162–166. https://doi.org/10.1111/j.1467-9280.1997.tb00403.x
Piaget, J. (1976). Piaget and his school: A reader in developmental psychology. Springer.
Sales, J. M., Merrill, N. A., & Fivush, R. (2013). Does making meaning make it better? narrative meaning making and well-being in at-risk African-American adolescent females. Memory, 21(1), 97–110. https://doi.org/10.1080/09658211.2012.706614
Senra, H., Oliveira, R. A., Leal, I., & Vieira, C. (2011). Beyond the body image: A qualitative study on how adults experience lower limb amputation. Clinical Rehabilitation, 26(2), 180–191. https://doi.org/10.1177/0269215511410731
Taylor, S. E. (1983). Adjustment to threatening events: A theory of cognitive adaptation. American Psychologist, 38(11), 1161–1173. https://doi.org/10.1037/0003-066X.38.11.116
Waters, T. E., Shallcross, J. F., & Fivush, R. (2013). The many facets of meaning making: Comparing multiple measures of meaning making and their relations to psychological distress. Memory, 21(1), 111–124. https://doi.org/10.1080/09658211.2012.705300
Willig, C. (2013). Introducing qualitative research in psychology. McGraw-Hill Education (UK).
World Health Organization. (2016). Global report on diabetes. World Health Organization.