[DIWA E-Journal Tomo 10, Nobyembre 2025] Mga Benepisyo at Hamon sa Pagpapaunlad ng Ginhawa ng mga Mag-aaral sa Unibersidad: Pagpapatibay ng Akademikong Akomodasyon sa UP Diliman
John Robert C. Rilveria, PhD
Departamento ng Sikolohiya
University of the Philippines (UP), Diliman, Quezon City
Abstrak
Hindi maikakaila ang mga hirap at hamon sa akademikong gawain ng mga mag-aaral sa kolehiyo. Higit na nagiging mabigat na suliranin ito para sa mga mag-aaral kung may dinadala rin silang sikolohikal na kapansanan na humahadlang sa kanilang pagkatuto. Nais bigyang-diin sa papel na ito ang halaga ng akademikong akomodasyon sa UP Diliman. Isang konsultatibong talakayan ang isinagawa sa mga piling mag-aaral at mga piling tagapagbigay ng serbisyong panlusog-isip sa UP Diliman (miyembro ng UPD Psychosocial Services, Total Inclusive Environment for UP program, at Office of Counseling and Guidance) upang mabuksan ang usapin tungkol sa paghiling at pagpapatupad ng akademikong akomodasyon sa unibersidad. Nilalayon nitong masuri ang kanilang mga nararanasang benepisyo at balakid tungkol sa usaping ito at nang makapagbigay ng mga rekomendasyon sa pagpapatibay ng akademikong akomodasyon. Apat na temang may kaugnayan sa benepisyo ng akomodasyon ang nangingibabaw sa mga kuwento ng mag-aaral at tagapagbigay ng serbisyo: kaalwanan, kasamahan, kahandaan, at kinabukasan. Tatlong tema naman ang sumasalamin sa mga hamon sa paghiling at pagpapatupad ng akomodasyon: kakulangan sa kaalaman, nagbabanggaang paniniwala at pagpapahalaga, at kakulangan sa pagsubaybay at ebalwasyon. Sinusulong ng pag-aaral na ito ang pagpapadaloy ng ginhawa para sa mga mag-aaral na may sikolohikal na kapansanan at ang pagbibigay-diin sa papel ng unibersidad hindi lang bilang tagapagtaguyod ng de-kalidad na edukasyon ngunit bilang isa ring inklusibo at mapagkalingang komunidad.
Mga Susing Salita: sikolohikal na kapansanan, akomodasyon, ginhawa, inklusibo
Abstract
It is an undeniable fact that college life comes with personal responsibilities and academic challenges. This burden becomes even heavier when students are also confronted with psychosocial disabilities and limitations that interfere with learning. This paper emphasizes the value of academic accommodations in UP Diliman. A consultative discussion was conducted with select students and mental health providers from UP Diliman (members of the UPD Psychosocial Services, Total Inclusive Environment for UP, and Office of Counseling and Guidance) to open the conversation regarding requests for and the implementation of academic accommodations in the university. It aims to analyze their experiences of perceived benefits and challenges, and to offer recommendations for reinforcing the accommodation services for students in the university. Four major well-being themes emerged from the conversations with students and mental health providers: amelioration, agreement, readiness, and hope. Furthermore, three themes reflect the challenges to requesting and implementing accommodations: lack of knowledge and awareness, competing beliefs and values, and lack of monitoring and evaluation. This paper advocates for the facilitation of holistic well-being among students with psychosocial disabilities and the role of the university not only as an agent of quality education but also as an inclusive and compassionate community.
Keywords: psychosocial disabilities, accommodation, well-being, inclusive
PANIMULA
Ang RA 7277 o tinatawag na Magna Carta for Disabled Persons, ay naglalayong kilalanin at protektahan ang mga karapatan ng mga taong may kapansanan sa pag-iisip, pandama, o pangangatawan. Sa salik ng edukasyon, layunin ng batas na mabigyan ang mga may kapansanan ng de-kalidad na edukasyon, sapat na oportunidad na mahasa ang kanilang kahusayan, at makatarungang sistema ng pagtuturo at pagkatutong pantay sa lahat. Lalo’t higit na nagiging matingkad ang kahalagahan ng ganitong uri ng suporta para sa mga mag-aaral na may kapansanan pagdating nila sa kolehiyo (Toutain, 2019).
Ang pagtuntong sa kolehiyo ay isang kapana-panabik ngunit mapaghamong yugto sa buhay ng mga mag-aaral (Pedrelli et al., 2015). Ito ay mas nagiging mabigat na tungkulin para sa mga mag-aaral na may dinadalang pisikal at sikolohikal na kapansanan (Serrano & Reyes, 2022). Makikita sa mga pag-aaral na ang pagdanas at paglala ng sikolohikal na kapansanan ay pinakamataas sa panahon ng kolehiyo, at laganap sa mga nasa edad 17-24 na taong gulang (Barbayannis et al., 2022). Humaharap ang mga mag-aaral na may kapansanan sa mga balakid na humahadlang sa kanilang kakayahan sa pagkatuto, maabot ang potensiyal sa pagkatuto, at maipakita nang husto ang natutunan (Blasey et al., 2022). Malinaw na nakasaad sa mga pananaliksik na nakakaranas ang mga mag-aaral na may sikolohikal na kapansanan ng mas mataas na dropout rate, mas matagal na pagtatapos sa programa, hindi pagtupad ng mga akademikong tungkulin, mas madalas na pagliban sa klase, at mas mababang kalidad ng pang-araw-araw na pamumuhay kumpara sa mga kasabay na walang pinagdadaanang limitasyon o kapansanan (Tan et al., 2022).
Maaaring malampasan o mabawasan ang hadlang sa kanilang pagkatuto kung sila ay magagabayan ng sistemang kanilang ginagalawan lalo na ng unibersidad kung saan sila nabibilang. Kaya naman bilang bahagi ng inklusibo at makatarungang edukasyon, nais bigyang-halaga ng papel na ito ang konsepto at aplikasyon ng akademikong akomodasyon bilang bahagi ng pagkatuto at paghubog ng pagkatao ng mga mag-aaral na may sikolohikal na kapansanan (Edwards et al., 2022). Ang unibersidad ay hindi lamang dapat ituring na tagapagtaguyod ng edukasyon ngunit dapat din itong tumayo bilang mapagkalingang komunidad na nagsusulong sa pag-unlad ng bawat mag-aaral nito.
Ang Akademikong Akomodasyon
Ang mga akademikong akomodasyon ay mga paraan o estratehiya ng paglalapat, pagtutugma, at pag-aangkop ng akademikong gawain sa kakayahan ng mag-aaral (Beech, 2013). Ang mga akademikong akomodasyon ay may tatlong pangunahing layunin para sa mga mag-aaral na may kapansanan: a) makatawid mula sa mga balakid na dulot ng kanilang kapansanan, b) makapagbigay ng karampatang-daan sa pagkatuto, at c) makapagbukas ng pantay na oportunidad para maibahagi ang natutunan (Souma et al., 2012). Ang akomodasyon ay maaaring nasa paraan ng pagtuturo o nasa paraan ng pagtatasa ng natutunan (Zhang et al., 2024). Mahalaga ring mabigyang-diing ang akomodasyon ay hindi pagbabago ng inaasahan at kahihinatnan sa pagkatuto, hindi pagbabawas ng akademikong tungkulin, at hindi pagbabago ng dapat matutunan (Beech et al., 2013).
Ang mga halimbawa ng akademikong akomodasyon ay: a) ang pagbibigay ng permiso para umupo sa piniling puwesto sa loob ng klasrum dahil may kahirapan sa atensiyon at pokus, b) pagpayag na sagutin ang pagsusulit sa ibang mas tahimik na lokasyon dahil ang mag-aaral ay madaling maabala at mawala sa konsentrasyon, c) pagbibigay ng dagdag na oras o panahon sa pagkumpleto ng mga rekisito, d) pagpayag na magsumite ng akademikong gawaing lagpas sa itinalagang deadline na may karampatang pagbawas sa grado imbes na hindi na ito tanggapin o hindi na bigyan ng marka, e) paghimay ng isang malaking akademikong rekisito sa mas maliliit na akademikong gawaing maaaring mabigyan ng grado, f) pagbibigay ng oras para sa konsultasyon sa mga mag-aaral na nangangailangan ng gabay sa kurso, g) pagbibigay ng pahintulot na gumamit ng note-taking app o recorder sa klase, h) pagbabago ng porma ng pagsusulit (hal. paggamit ng mas malaking font size o pagbawas sa bilang ng aytem na nakikita sa bawat pahina), i) pagpapahintulot sa mag-aaral na gumamit ng nakagiginhawa o pampakalmang gamit habang nasa klase (Edwards et al., 2022). Sa usapin ng akomodasyon, ang pagbabago ay nasa paraan at hindi sa nilalaman ng pagtuturo at pagtatasa.
Tagapangalaga at Tagapagtaguyod ng Lusog-Isip sa UP Diliman
Bilang isang inklusibo at mapagkalingang institusyon, dalawang opisina at dalawang magkaugnay na programa sa UP Diliman ang pangunahing nangangasiwa at nagpapadaloy ng kaginhawaan sa komunidad nito. Una ay ang UP Diliman Psychosocial Services (PsycServ) na itinatag na Task Force project sa ilalim ng Opisina ng Chancellor at na naglalayong maghatid ng mga serbisyong panlusog-isip tulad ng sikoterapi at suportang sikososyal tulad ng lifeline at mga mental health workshop sa UP Diliman (Tecson, 2024). Gumagamit ito ng balangkas ng “ginhawa” ni Bautista (2024), na nakatuon sa katatagan at kaunlaran ng mga mag-aaral, guro, at kawani ng unibersidad. Ikalawa ay ang pagbuo ng programang Total Inclusive Environment for UP (TIE-UP) na naging bunga ng pananaliksik sa UPD PsycServ. Naglalayon ang programang itong maunawaan ang mga pangangailangan at mabigyan ng komprehensibong suporta ang mga mag-aaral na may malubhang sikolohikal na kapansanan. Nakatutok ito sa paggabay sa kanilang pangkalahatang pananatili at paglalakbay sa sistema ng edukasyon sa UP Diliman (Prinsipe & Borromeo, 2024). Ang pangatlo ay ang Office of Counseling and Guidance (OCG) na isang support service para sa mga akademikong programa ng UP Diliman. Ito ay naitatag sa ilalim ng Opisina ng Vice Chancellor for Student Affairs. Ang OCG ay nag-aalok ng akademikong pagpapayo at pagsusuri para gabayan ang mga mag-aaral sa kanilang akademikong pangangailangan lalo na sa mga bumabalik para sa readmission at pagsasaayos ng kanilang estado bilang mag-aaral (Office of the Vice Chancellor for Student Affairs, 2020) na naaapektuhan ng kanilang dala-dalang kapansanan o hamon sa buhay. At ang panghuli ay ang University Health Service (UHS), katuwang ng Opisina ng Vice Chancellor for Community Affairs, na may kapasidad na mag-alok ng serbisyong medikal para sa publiko lalo na sa mga mag-aaral at empleyado ng unibersidad. Kasama rito ang serbisyo sa psychiatry para sa mga nangangailangan ng gamot para sa kanilang sikolohikal na kapansanan (Office of the Vice Chancellor for Community Affairs, 2025). Ang mga doktor sa UHS ay nagsusuri ng kapansanan ng mga mag-aaral at nag-eendorso ng pormal na listahan ng mga mag-aaral na may kapansanan sa Office of the University Registrar para mabigyan ng prayoridad, at sa One-Stop Student Desk Registration para mabigyan din ng opisyal na Students with Special Needs (SWAS) ID (Office of the University Registrar, 2017).
Ang UPD PsycServ, TIE-UP program, OCG, at UHS ay ang pangunahing nagtutulungan sa pagsusulong ng akademikong akomodasyon sa unibersidad.
Kahalagahan ng Pag-aaral
Nabuo ang TIE-UP program sa ilalim ng UPD PsycServ bunga ng panimulang pananaliksik nito tungkol sa hamon ng ginhawa sa UP Diliman. Nakita sa pag-aaral na ito ang kasalukuyang estado ng mga mag-aaral na may sikolohikal na kapansanan sa unibersidad at ang mga umiiral na sistemang may kinalaman sa akomodasyon at inklusyon (Prinsipe & Borromeo, 2024). Mahalagang magkaroon ng mas malalim pang pag-aaral tungkol dito. Nangangailangan ng paglilinaw sa ganitong serbisyo at pag-intindi sa mga karanasan ng mga humihiling nito upang makagawa ng mga rekomendasyon kung paano pa ito mapapatibay.
Layunin ng Pag-aaral
Layuning mabuksan ng kasalukuyang pag-aaral ang usapin tungkol sa programa para sa mga akademikong akomodasyon sa UP Diliman. Partikular dito ang pagsagot sa mga sumusunod na katanungan: (1) Ano-ano ang mga benepisyong dala ng akademikong akomodasyon batay sa karanasan ng mga mag-aaral at tagapagbigay ng serbisyo? (2) Ano-ano ang mga hamong umiiral sa usapin ng akademikong akomodasyon batay sa karanasan ng mga mag-aaral at tagapagbigay ng serbisyo? (3) Paano mas mapapagtibay ang programa para sa akademikong akomodasyon sa unibersidad?
METODOLOHIYA
Isang kwalitatibong pagsisiyasat ang isinagawa sa paraan ng indibidwal na pakikipagkuwentuhan sa mga piling mag-aaral ng UP Diliman at ginabayang talakayan sa mga tagapagbigay ng serbisyo sa unibersidad. Ang kwalitatibong pamamaraan ng pagkalap at pagsuri ng datos ay mainam sa pagpapalalim ng talakayan sa akademikong akomodasyon at pagbibigay-halaga sa karanasan at perspektibo ng mga mag-aaral at tagapagbigay ng serbisyong panlusog-isip tungkol dito. Sa pamamaraan ding ito masisilayan ang larawan ng mga kalahok at ng kontekstong kanilang ginagalawan (Creswell & Poth, 2018).
Ang mga naging konsultasyon at diskusyon ay naganap online gamit ang Zoom. Nilatag at inayos ang mga impormasyong nakalap sa papel na ito batay sa mga katanungan ng pag-aaral.
Pagpili ng mga Kalahok
Ang mga naging kalahok sa pakikipagkuwentuhan ay 7 piling di-gradwadong mag-aaral sa UP Diliman na may karanasan sa paghiling at pagtanggap ng mga akomodasyon sa kanilang mga propesor dahil sa kanilang sikolohikal na kapansanan. Ang mga kalahok na mag-aaral ay kinakailangang may karanasan sa akademikong akomodasyon nang mahigit sa isang taon upang makakuha ng detalyadong kuwento at perspektibo. Ang mga naging kalahok naman sa ginabayang talakayan ay 15 tagapagbigay ng serbiyong panlusog-isip (11 sikolohista at 4 na counselor) na may karanasan sa pagbibigay at pagsusulong ng mga akomodasyon para sa mga mag-aaral. Ang mga kalahok na tagapagbigay ng serbisyo ay kinakailangan ding may karanasan at kasanayan sa paggabay sa mga mag-aaral sa paghiling at pagpapatupad ng akademikong akomodasyon nang mahigit sa isang taon. Gamit ang purposive sampling, sila ay nagpaunlak ng interes (sa pamamagitan ng pagsagot sa recruitment post gamit ang Google Form) na lumahok sa pag-aaral at magbahagi ng kanilang mga karanasan pagdating sa usapin ng akademikong akomodasyon sa unibersidad.
Pagkalap at Pagsusuri ng mga Datos
Gumamit ng gabay sa pakikipagkuwentuhan at talakayan para sa pagkalap ng datos. Ang mga tanong sa pakikipagkuwentuhan sa mga kalahok na mag-aaral ay umikot sa usapin ng kanilang sikolohikal na kapansanan at paano ito nakakaapekto sa kanilang pagkatuto, mga naranasang benepisyo at hamon sa paghiling at pagpapatupad ng akademikong akomodasyon, at karanasan sa pakikipag-ugnayan sa kanilang propesor. Ang mga tanong naman sa ginabayang talakayan kasama ang mga kalahok na tagapagbigay ng serbisyo ay tungkol din sa mga karanasan sa paghiling at pagpapatupad ng akomodasyon, mga uri ng akomodasyong naibibigay sa mga mag-aaral, ang mga basehan para sa pagrekomenda ng akomodasyon, mga hakbang sa pagsuri ng pangangailangan, pagbuo at pagpapatupad ng akomodasyon, pati na mga balakid na kinakaharap, at ang pakikipag-ugnayan sa mga propesor.
Ang mga kalahok ay nagbigay ng tuwirang pahintulot na maging bahagi ng pag-aaral at pumirma sa informed consent at participation form. Anumang impormasyon tungkol sa pagkakakilanlan ng mga kalahok ay hindi isinama sa paglalatag ng resulta ng pag-aaral. Pitong sesyon ng indibidwal na pakikipagkuwentuhan at tatlong sesyon ng ginabayang talakayan (na may limang miyembro bawat grupo) ang naisagawa sa pagkalap ng datos. Sa kuwentuhan at ginabayang talakayan, malaya ang mga kalahok na hindi magbukas ng kanilang kamera at baguhin ang kanilang pangalan sa Zoom. Umabot ang pakikipagkuwentuhan sa bawat mag-aaral ng tatlumpung minuto hanggang isang oras, samantalang umabot ang bawat sesyon ng ginabayang talakayan nang isang oras hanggang dalawang oras. Lahat ng datos mula sa pakikipagkuwentuhan ay inirekord at na-transcribe.
Ang mga nakalap na datos ay sinuri gamit ang thematic analysis. Ang proseso ng pagsusuri ay sumusunod sa layunin ng pag-aaral: (a) pagbuod ng mga kuwento; (b) pag-ugnay ng mga layunin ng pag-aaral sa buod ng datos; at (c) pagbuo ng mga kategorya at nangingibabaw na temang sumasalamin sa mga karanasan at prosesong lumabas sa datos (Thomas, 2006). Ang pangunahing layunin sa thematic analysis ay mapausbong ang hinahanap sa pag-aaral na mga dominante at malimit na nababanggit na tema ng mga kalahok (Bingham, 2023).
RESULTA AT TALAKAYAN
Benepisyo sa Paghiling at Pagpapatupad ng Akomodasyon
May apat na tema ng benepisyong tatalakayin sa bahaging ito ng papel. Ang mga benepisyong ito ay nanaghahatid ng ginhawa para sa mga mag-aaral na may sikolohikal na kapansanan. Ang sumusunod na paglalatag ng mga karanasan ay nakaayos batay sa mga benepisyong mula sa mga kuwento ng mga kalahok na mag-aaral at tagapagbigay ng serbisyo.
Kaalwanan
Ang tema ng “kaalwanan” ay tumutukoy sa mga karanasan ng mga mag-aaral na may sikolohikal na kapansanan kung saan nababawasan at gumagaan ang limitasyon na dulot ng kanilang kalagayan pagkatapos mabigyan ng akomodasyon. Ang dala-dalang bigat ng kapansanan ay gumagaan dahil sila ay nabibigyan ng pagkakataong maibahagi ang kanilang kakayahan bilang mag-aaral. Ang karanasang ito ay maaaring iugnay sa gaan sa buhay na isang dimensiyon ng “ginhawa” ayon kay Bautista (2024). Sa kanyang balangkas ng “ginhawa” ay tinalakay niya ang konsepto ng “gaan” na pumapatungkol sa gaan ng pagdadala ng problema. Hindi man nawala ang problema sa lusog-isip, nabawasan naman ang suliranin sa akademikong gawain. Kahit papaano ay nagkaroon ng kaalwanan sa buhay ng mga mag-aaral na may sikolohikal na kapansanan (Blasey et al., 2022). Kapansin-pansin ang tema ng kaalwanan sa sumusunod na sipi:
Malaking pasanin yung masasabi kong nabawasan dahil sa accommodation. Hindi na burden para sa akin ang academics. Mas nakikita ko na ito na kaya kong gawin (Mag-aaral 3).
Mas gumaan para sa kanila yung academic requirements because they were given accommodations. Para sa kanila, it’s a very helpful service considering their mental conditions (Tagapagbigay ng serbisyo 8).
Kasamahan
Pangalawa ay ang tema tungkol sa pagkakaroon ng “kasamahan”. Ito ay tumutukoy sa pakikipag-ugnayan ng mag-aaral at tagapagbigay ng serbisyo tungkol sa paghiling ng akomodasyon at ang pakikipag-ugnayan sa propesor para sa pagpapatupad nito. Maituturing na kaagapay sa ginhawa ng mga mag-aaral na may sikolohikal na kapansanan ang kanilang propesor at tagapagbigay ng serbisyo. Ginhawa nang maituturing ng mga mag-aaral na ang kanilang kalagayan ay nakikita, naiintindihan, at sinusuportahan (De Los Santos et al., 2019). Kasama nila sa paglalakbay ang mga tagapagbigay ng serbisyo at hindi rin sila iniiwan ng kanilang mga propesor na nakakaintindi sa kanilang pangangailangan para sa akomodasyon. Narito ang ilang pahayag ng mga kalahok tungkol sa tema ng kasamahan:
It feels so good na may nag-a-advocate para sakin. And I’m not alone in this. Sobrang pasasalamat ko sa therapist and professors ko dahil hindi nila ako pinabayaan (Mag-aaral 5).
Requesting and implementing accommodations is a process of negotiation and collaboration with everyone. The therapist, counselors, professors, and advisers are allies of the students in this process (Tagapagbigay ng serbisyo 1).
Kahandaan
Ang pangatlong benepisyo ng akomodasyon ay ang “kahandaan”. Lumalabas ang tema ng kahandaan sa mga kuwento tungkol sa pagharap sa hamon ng pagiging mag-aaral sa unibersidad. Ayon sa mga mag-aaral na may sikolohikal na kapansanan, dahil sa akomodasyon ay mas handa silang tumugon sa hamon para maipakita ang kanilang kaalaman at kakayahan. Ang dominanteng pananaw para sa mga mag-aaral na may sikolohikal na kapansanan ay ang pagtanggap sa uri ng akomodasyon na nakapagbibigay sa kanila ng dagdag na pagkakataong maipakita ang kanilang kakayahan sa klase kaysa padaliin at gawing komportable ang buhay para sa kanila. Para sa kanila, tanging oportunidad ang kanilang kinakailangan. Ito ay oportunidad para matuto at mahasa bilang mag-aaral. Nakapaloob sa oportunidad na ito ang nakagiginhawang pagkatuto kung saan tinitimpla ng guro ang balanse ng gaan at bigat para masubukan ang kakayahan ng mag-aaral para humarap sa halip na umiwas sa mga hamon ng pag-aaral. Dahil dito, ang kahandaan ay hindi lang sa pagpapakita ng kakayahan kundi pati na rin sa pagtanggap ng posibilidad ng kamalian o kabiguan at patuloy na limitasyon (Salvador, 2024) kahit pa nabigyan na ng akomodasyon bilang bahagi ng realidad ng mag-aaral. Lumutang ang tema ng kahandaan sa mga salaysay ng ilang kalahok:
We can already say na mas nagiging ready and willing ang mga students to face the challenges of studying in UP once they have been given opportunities to demonstrate their capacities through accommodations. I personally think na that’s a form of ginhawa (Tagapagbigay ng serbisyo 5).
Because of that, mas may motivation and mas ready ako to accomplish school tasks and academic requirements (Mag-aaral 7).
Because of accommodations, I am in a better position to do schoolwork. And yung mga mistakes sa exam or some low grades that I get are no longer because of limitations due to my mental health condition. It’s because I know hanggang doon na lang yung intellectual capabilities ko (Mag-aaral 2).
Kinabukasan
Panghuli ay ang tema ng “kinabukasan”. Malinaw sa mga kuwento ng ilang mag-aaral na may sikolohikal na kapansanan na nabigyan ng akomodasyon ang kanilang personal na hangarin. Ito ay ang makita ang panahong hindi na sila aasa sa akomodasyon dahil may pagsisikap ding maisaayos ang dinadalang sikolohikal na kapansanan sa tulong ng sikoterapi o counseling. Napakahalaga ng temang ito dahil ito ay nagpapahiwatig ng makabuluhang direksiyon ng akomodasyon – na ito ay hindi panghabambuhay ngunit pansamantalang gabay at tulong tungo sa panahong nakakaya nang tulungan ang sarili. Ayon kay Bautista (2024), ang ginhawa ay hindi lang estado at proseso kundi maaari ding isang hangarin at kahihinatnan. Ang pagdadaanan tungo sa ganitong kahihinatnan ay ang pagsisikap ng tao kasabay ng suporta ng kanyang kapwa. Sinasalamin ang temang ito sa sumusunod na sipi mula sa mga kalahok:
Dahil sa accommodation and continuous therapy and counseling, I can set a goal for myself na sana I can improve to the point na I won’t need these anymore. I hope for that kind of future for me (Mag-aaral 2).
I remember may isang student who told me that she aims for that possibility na unti-unti nababawasan yung need niya for therapy and accommodations. There’s this vision of an improved self na they can more or less handle things on their own and manage their own problems in the future (Tagapagbigay ng serbisyo 10).
Seeking and utilizing accommodations made me realize that I also need to be better. I don’t want to see myself na laging nangangailangan nito. Mas ginhawa for me yung I’m better than this and not needing this anymore. And that’s something I look forward to (Mag-aaral 6).
Mga Hamon sa Paghiling at Pagpapatupad ng Akomodasyon
Sa kabila ng benepisyong dulot ng akomodasyon ay ang mga natatanging hamon ding bumabalakid sa paghiling at pagpapatupad nito. Tatlong tema ng mga hamon sa akomodasyon ang napag-alaman sa pananaliksik na ito.
Kakulangan sa Kaalaman
Ayon sa mga kalahok na mag-aaral na dumaan sa proseso ng akomodasyon, sa umpisa ay lingid sa kanilang kaalaman ang konsepto, benepisyo, at implikasyon ng akomodasyon sa kanilang pag-aaral bilang mga mag-aaral na may sikolohikal na kapansanan. Nalaman na lang nila ang usapin tungkol sa akomodasyon nang ito ay mabanggit ng kanilang therapist sa UPD PsycServ o counselor sa OCG.
Lumitaw rin sa mga kuwento ng mga mag-aaral na naranasan muna nilang magbawas ng academic load sa pamamagitan ng underloading at DROP, humiling na mabigyan ng INC o incomplete na grado sa ibang kurso dahil hindi nila kayang tapusin ang mga ito sa loob ng semestre, o kaya naman ay tumigil pansamantala o mag-apply ng LOA o leave of absence. Wala sa kanilang kamalayan ang serbisyo ng akomodasyon o makita man lang ito bilang opsyon. Natutukoy rin itong madalas na balakid kung bakit mababa pa rin ang mga kaso na humihiling nito (Toutain, 2019). Narito ang ilang pahayag mula sa mga kalahok na mag-aaral:
Actually, hindi ako familiar nung una na may service na ganun na pwede i-request sa professors. I wasn’t sure how a mental health condition can be accommodated. I always thought the only solution was to drop a course or opt for INC so I can say that’s one reason why I did not seek help before (Mag-aaral 2).
I consulted sa PsycServ kasi in-advise na sa akin ng program adviser ko. I expect na it’s about processing my issues. I didn’t know then na pwede palang option is to seek accommodations while processing my mental health issues (Mag-aaral 3).
Bukod dito, nabanggit ng mga kalahok na tagapagbigay ng serbisyo na napupunta lamang ang usapin ng akomodasyon kung ang mag-aaral na may sikolohikal na kapansanan ay may nababanggit ding akademikong suliranin tulad ng kahirapan o tuluyang hindi pagtapos ng mga rekisito at kawalan ng motibasyon sa pag-aaral. Bagaman may kaalaman at kasanayan ang mga tagapagbigay ng serbisyo tungkol sa ugnayan ng lusog-isip at nakagiginhawang pagkatuto, nagkakaroon pa rin ng kakulangan sa kaalaman ang mga mismong mag-aaral at mga propesor. Dahil dito, mabagal ang nagiging proseso ng paghiling at pagpapatupad dahil kailangan pang magkaroon ng malawak at malalim na talakayan tungkol dito. Matingkad na naging hamon ito batay sa mga naibahagi ng mga kalahok na tagapagbigay ng serbisyo:
Isa rin sa mga nakikita kong possible barrier ay yung fact na we still have to explain these things to the students and their professors. What I mean is, kailangan pang i-educate sila thoroughly about mental health and its effects on learning and performance, what accommodation is, what it entails, and how it can help the students with psychosocial disabilities (Tagapagbigay ng serbisyo 14).
Hindi naman ito barrier as in a block to requesting and implementing pero more of a delay in the process because students and professors still have either lack of awareness or misconceptions about accommodations. So, may psychoeducation muna with students and back-and-forth communication with some professors before we can arrive at a common understanding (Tagapagbigay ng serbisyo 7).
Nagbabanggaang Paniniwala at Pagpapahalaga
Para sa mga mag-aaral, may iilang lumabas na mga paniniwala tungkol sa mga akomodasyon na maaaring nagpapaliwanag sa kanilang pag-aalinlangan na siyang humahadlang sa paghiling nito. May ilang naniniwala na “hindi patas” ang pagtingin sa mga mag-aaral na nabigyan ng akomodasyon kumpara sa mga mag-aaral na hindi nangangailangan nito (Nieminen & Eaton, 2023; Mamboleo et al., 2020). Mayroong mga paniniwalang ang pagbibigay ng akomodasyon ay nagbibigay ng kalamangan sa mag-aaral dahil sa pag-aakalang pinapadali ng akomodasyon ang gawain para sa mga mag-aaral na may kapansanan. Kaya kahit iminumungkahi ito bilang opsyon ay hindi nila ito tinatanggap. Mapapansin sa mga sumusunod na salaysay ang ganitong hamon sa paghiling sa akomodasyon:
I used to think it’s unfair if mabibigyan ako ng accommodation pero ang iba hindi. It’s like I’m being coddled because I have mental health issues. I don’t know… It does not sit well with me kaya parang yung ganung mindset is a barrier for me dati so hindi muna ako nag request ng accommodation (Mag-aaral 7).
I see it as using my mental health as an advantage kaya at first ayoko rin mabigyan [ng accommodation] (Mag-aaral 1).
Very apparent yung misconception sa accommodation when I first bring it up with my student-clients. Akala nila pinapadali ang buhay for them and para sa kanila, hindi naman yun tama. Kaya hesitant sila about it (Tagapagbigay ng serbisyo 13).
Lumabas din sa mga pakikipagkuwentuhan na bagaman may pagpapahalaga ang mga mag-aaral sa kanilang lusog-isip, ang usapin tungkol sa akomodasyon ay tila bumabangga sa kanila ring pagpapahalaga sa “husay at dangal” na nakakintal sa pagiging mag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas. May mga mag-aaral pa rin na may kapansanang mas pinipili ang sikoterapi at counseling o iba pang paraan nang walang pag-aasa sa benepisyo ng akomodasyon. Narito ang ilang pahayag mula sa mga kalahok:
Honor and excellence in UP eh tapos kailangan ng accommodation. Before, I still want to prove na kaya ko without relying on accommodations in the name of honor and excellence. Others are working hard din naman. Kailangan lang talaga extra effort for me. Nung naging intense na yung depressive episodes ko, I sought for help na talaga. Pero I still see accommodations as temporary lang hopefully kasi I don’t want to rely on it all the time (Mag-aaral 3).
May mga student-clients ako na hindi talaga nag-agree on my recommendation for accommodation. They say na they prefer if sa therapy na lang to work on what they need while still doing academic work. I remember someone saying na everyone has their own battles in UP and that they have to deal with them while still upholding honor and excellence in UP. Yun yung pinanghahawakan nila (Tagapagbigay ng serbisyo 7).
Isa pa sa mga nabanggit na humahadlang sa paghiling sa akomodasyon ay mga paniniwala na ang pagkakaroon ng akomodasyon sa kanilang pag-aaral ay nagpapahiwatig na hindi sila nababagay at naaangkop sa kanilang degree program o mismong sa unibersidad. Ang ganitong klaseng paniniwala ay nababanggit din bilang balakid sa paghiling ng akomodasyon kahit sa ibang mga pag-aaral (Pinion, 2022; Fleming et al., 2017). Lumalabas dito ang kakulangan nila sa wastong impormasyon tungkol dito.
I thought seeking for accommodation is an indicator na baka I’m not fit for the program or worse, baka UP is not for me. But this was corrected naman when my counselor educated me about what it really is (Mag-aaral 6).
Medyo natakot ako humingi ng accommodation noong una pa lang dahil nasabi lang sakin ng kaklase ko noon, although in passing lang naman and I know he means well, na baka hindi ko talaga kaya to be in the program so baka better for me to shift out na lang (Mag-aaral 7).
Bukod pa rito, mayroong pagtingin sa pagiging “karapat-dapat” ng isang mag-aaral na mabigyan ng akomodasyon. May pagpapalagay na ang akomodasyon ay nararapat lamang sa mga partikular na malubhang kapansanan. Dahil sa ganitong pag-iisip, nababalewala ang bigat ng kanilang mga nararanasan, o kahit mga hindi nada-diagnose na karanasan dahil tinitimbang nila ito sa ibang mas malubhang karamdaman. Mayroon ding pagkakatulad sa ganitong paniniwala na nakita sa pag-aaral ni Pinion (2022) tungkol sa pagkukumpara ng iba’t ibang kapansanan at kung alin sa mga ito ang dapat nabibigyan ng akomodasyon. Kapuna-puna ang ganitong pananaw mula sa mga sumusunod na sipi:
I have anxiety disorder so I have difficulty concentrating talaga. Lagi akong ninenerbiyos at laging may worries. Pero hindi ko nakita yun na I can do better pala if I’m allowed to have accommodation srategies to soothe my anxiety. Akala ko kasi kapag ganyang mga services ay para lang talaga sa mga severe cases like schizophrenia na very unstable and nangangailangan talaga ng meds (Mag-aaral 1).
A student-client shared din sa akin before na may hesitation siyang pumayag na mag try to seek accommodations kasi yung case niya is hindi naman severe kahit na he knows he needs it. Na-compare niya yung case niya sa kakilala niyang may bipolar na nabigyan ng accommodation (Tagapagbigay ng serbisyo 11).
Kakulangan sa Pagsubaybay at Ebalwasyon
Batay sa kasalaukuyang proseso, aminado ang mga tagapagbigay ng serbisyo na matapos ang maayos at matagumpay na pagpapatupad ng akomodasyon, ay hindi na ito nasusubaybayan. Walang pagpapatuloy ng proseso matapos itong maipatupad. Ito ay dahil sa kasalukuyang gawain, limitado lamang ang bilang ng sesyon ng sikoterapi o counseling (halimbawa, hanggang 8 sesyon ang standard na terapiya sa UPD PsycServ) sa bawat mag-aaral dahil sa mahabang waitlist at para mabigyan din ng pagkakataong makonsulta ang ibang naghihintay. Kapag naubos na ang bilang ng sesyon ay sa susunod na semestre na sila maaaring magpa-konsultang muli. Dahil dito, humihinto na ang ugnayan sa pagitan ng mag-aaral at tagapagbigay ng serbisyo. Nawawala ang oportunidad na masuring muli ang ipinatupad na akomodasyon.
Mga Mungkahi sa Pagpapatibay ng Programa para sa Akomodasyon
Batay sa benepisyong dala ng akomodasyon, at paghahatid ng mga benepisyong ito sa mga mag-aaral, pati na rin sa mga umiiral na hamon sa kasalukuyang prosesong ito, ilalatag sa bahaging ito ang mga mungkahi para sa pagpapatibay ng akomodasyon sa Unibersidad.
Pagpapaigting ng mga Polisiya at Pamantayan
Ang pamantayan at polisiya na may kaugnayan sa akademikong akomodasyon sa UP Diliman ay nakatala sa “Principles, Policies and Guidelines on Mental Health and Psychosocial Support for UP Students” (Office of the Vice Chancellor for Student Affairs, 2021). Subalit makikita pa rin ang kakulangan sa pormal na sistema at mas detalyadong pamantayan ng akomodasyon sa unibersidad. Napakahalaga na maisulong ang pagkakaroon ng angkop na opisina para sa proseso ng institusyon sa paghiling ng akomodasyon, pagsuri sa kapansanan at pangangailangan, pakikipag-ugnayan sa kaguruan, at iba pa.
Nirerekomenda ang pagkakaroon ng manwal ng mga pamamaraan para sa akademikong akomodasyon. Nakapaloob sa manwal ang pagpapakahulugan sa sikolohikal na kapansanan, sistematikong pagsusuri ng kalubhaan nito, mga limitasyong dulot ng kapansanan, mga kaakibat na balakid sa pagkatuto dahil sa kapansanan, at karampatang akomodasyon batay sa pangangailangan. Bukod dito ay mainam na magkaroon ng paglilinaw sa konsepto at prinsipyo ng akomodasyon sa unibersidad, implikasyon nito sa pag-aaral, batayan sa pagpili ng uri ng akomodasyon, at ebalwasyon nito na tumitingin sa pagka-epektibo nito.
Proaktibong Aksiyon at Ebalwasyon sa Kabutihan-lagay ng mga Mag-aaral
Bilang proaktibo at karagdagang aksiyon, mainam na magkaroon ng ebalwasyon at pagsubaybay sa naipatupad na akomodasyon sa pamamamagitan ng follow-up na diskusyon sa mga mag-aaral at propesor at muling pagsusuri ng kalubhaan ng kapansanan at pangangailangan. Ito ay para mapag-usapan ang mga posibilidad sa pagbabago o modipikasyon ng uri o antas ng akomodasyon at malaman kung maaari na ring bawasan, palitan, o tanggalin ito.
Pagsasaayos at Pagwawasto sa Sistema ng Akomodasyon
Bukod sa institusyonalisasyon ng sistema ng akomodasyon at paglilinaw ng polisiya at gabay sa proseso nito, nais bigyang-diin ng pag-aaral ang rekomendasyon para sa oryentasyon ng mga mag-aaral, kaguruan, kawani, at mga tagapagbigay ng serbisyo. Maaaring kasama rito ang pamamahagi ng mga learning resource o accommodation primer sa lahat ng miyembro ng unibersidad. Maraming lumutang na problema na may kinalaman sa pag-aalinlangan tungkol sa paghiling ng at pagbibigay nito sa mga mag-aaral na may sikolohikal kapansanan, mga nagbabanggaang pananaw at paniniwala, at pagtanggi ng ilang propesor sa hiling para sa akomodasyon. Nakikita itong maaaring nanggagaling sa kakulangan sa impormasyon tungkol sa lusog-isip, kapansanan, at akomodasyon. Nilalayon ng oryentasyon na mapalawig ang kaalaman at kamalayan tungkol sa akomodasyon at maiwasto o maisaayos ang pagtingin tungkol dito. Sa pamamagitan din ng oryentasyon, magkakaroon ng oportunidad para mapag-usapan ang mga katanungan, negosayson kung anong klaseng akomodasyon ang katanggap-tanggap at makatwiran para sa propesor, at para sa pagtitimbang sa pagitan ng pagsulong at pagkilala sa pangangailangan ng mga mag-aaral na may kapansanan at ang pagprotekta sa akademikong integridad sa unibersidad.
Pagsasanay at Paghahanda sa mga Tagapaghatid ng Serbisyo ng Lusog-Isip
Nakikitang mahalaga sa pagpapatibay ng proseso ng akomodasyon sa unibersidad ang pagkakaroon ng pagsasanay para sa mga guro, tagapangasiwa ng programa, at mga tagapagbigay ng serbisyo tungkol sa usapin ng inklusibong edukasyon at serbisyo para sa mga mag-aaral. Para sa kaguruan, ang pagsagawa ng professional development program para sa paglikha ng inklusibong kagamitan at pamamaraan sa pagtuturo at pagtatasa ay maaaring makatulong para maitahi na rin sa mismong sistema ng edukasyon sa unibersidad. Ang maaaring rekomendasyon para sa nilalaman ng pagsasanay para sa kaguruan ay ang pagdisenyo ng kumprehensibong kurikula na sumasaklaw sa legal, etikal, at pedagohikal na prinsipyong tugma sa makatarungang akademikong akomodasyon. Ito rin ay mahalagang magsama ng mga module para sa iba’t ibang pamamaraan ng pagtuturo, kamalayan sa kapansanan, at mga ebidensiya mula sa mga pananaliksik na nagpapakita ng benepisyo ng akomodasyon para sa mga mag-aaral na may sikolohikal na kapansanan. Maaari ding pag-isipan ang potensiyal na aplikasyon ng Universal Design bilang pedagohikal na modelo sa isang inklusibong pagtuturo at pagkatuto.
Para sa mga tagapangasiwa ng programa, mahalagang maisagawa ang tinatawag na student-centered advising. Ito ay ang pakikipag-usap ng mga program adviser sa mga mag-aaral na hindi lamang tungkol sa pagsuri ng kanilang akademikong estado at rekisito sa kanilang programa ngunit ito ay pagkakataon ding masuportahan at magabayan ang mga mag-aaral sa kanilang pisikal, sikolohikal, at praktikal na mga problemang dinadala. Sa ganitong paraan mas mahihikayat ang mga mag-aaral na makapagbahagi ng kanilang karanasan na hindi lamang nakakulong sa akademikong gawain ngunit pati na rin sa kanilang kabuuang mga pinagdadaanan bilang mag-aaral sa unibersidad at mga salik ng kanilang buhay na nakakaapekto sa kanilang pagkatuto.
Para naman sa mga tagapagbigay ng serbisyo, mainam din ang pagpapatuloy ng propesyonal na pagsasanay tungkol sa akomodasyon sa unibersidad. Mahalaga na magkaroon ng evidence-based na mga metodo ng pagsusuri ng kapansanan at desisyon sa pagtukoy ng karampatang at makatarungang akomodasyon.
KONGKLUSYON
Inilahad sa papel na ito ang mga temang lumabas sa pakikipagkuwentuhan at ginabayang talakayan na nakapalibot sa usapin ng akomodasyon. Napalinaw ang mga benepisyo ng akomodasyon at mga paraan kung paano ito nagpapadaloy ng kaginhawaan sa mga mag-aaral na may sikolohikal na kapansanan. Ang mga tema ng kaginhawaan ay may kinalaman sa kaalwanan ng bigat ng dala-dalang kapansanan, pagkakaroon ng nakagiginhawang kasamahan sa pagitan ng mag-aaral, kaukulang propesor, at tagapagbigay ng serbisyo na kumikilala sa pangangailangan ng mag-aaral, paggabay sa kahandaan ng mag-aaral sa pagharap sa hamon ng pag-aaral sa unibersidad, at ang pangarap na kinabukasan na sumasalamin sa proseso ng pag-unlad ng sarili at inaasahang kasarinlan mula pansamantalang pagsandal sa serbisyong dala ng akomodasyon. Naging matingkad din ang mga naranasang hamon sa paghiling at pagpapatupad nito. Lumabas ang mga kakulangan sa kaalaman ng mga mag-aaral tungkol sa usapin ng akomodasyon, ang pagbabangga ng kanilang paniniwala at pagpapahalaga sa pansariling kalagayan ng lusog-isip at identidad bilang mag-aaral ng UP, at ang kakulangan sa pagsubaybay at ebalwasyon ng prosesong ito.
Inilatag din ang mga rekomendasyong tungo sa pagpapatibay ng proseso ng akomodasyon sa unibersidad: pagsulong at pagtaguyod ng pormal na sistema at opisina na mangangasiwa ng mga serbisyong may kinalaman sa akomodasyon, pagkakaroon ng manwal ng mga pamamaraan para sa sistematikong mga hakbangin sa paghiling at pagpapatupad nito at mga kaakibat na teknikal at etikal na mga gabay, pagkakaroon ng sistematikong pagsubaybay at pagkilatis sa epekto ng akomodasyon at muling pagsusuri ng kapansanan at pangangailangan sa paglipas ng panahon at pagkakaroon ng oryentasyon para sa pagpapalawig ng kaalaman at kamalayan ng bawat miyembro ng unibersidad tungkol sa usapin ng lusog-isip, pagkatuto, kapansanan, at akomodasyon, at pagsulong ng mga programa para sa pagsasanay ng kaguruan, tagapangasiwa ng mga programa, at mga tagapagbigay ng serbisyo tungkol sa mga paraan ng pagtuturo, pagtatasa, pakikipag-ugnayan, at pagsusuri ng kalagayan at kapansanan ng mga mag-aaral.
Bilang mga susunod na hakbang, mainam na magkaroon din ng konsultasyon tungkol sa mga pananaw at pagtanggap (ano ang pinapayagan at ano ang hangganan) ng mga propesor ng unibersidad at mga tagapangasiwa at tagapamahala ng mga programa tungkol sa usapin ng mga akomodasyon lalo na kung ito ay may posibleng binabanggang pagpapahalaga at prinsipyo sa pagtuturo at pagkatuto. Nakikitang mahalaga ring makuha ang mga perspektibo ng mga mag-aaral na walang kapansanan at hindi nangangailangan ng akomodasyon partikular sa kung paano nila tinitingnan ang akomodasyon bilang serbisyo sa unibersidad at ang kabuuang balangkas ng inklusibong edukasyon.
Sinusulong ng papel na ito ang pagkakaroon ng malinaw at tahasang sistema ng mga akomodasyon na may regulasyon at pamantayan na batid ng lahat (mag-aaral, propesor, tagapamahala, tagapagbigay ng serbisyo). Kung ito ay mabubuo sa antas ng sistema at kultura ng unibersidad, maaaring humupa ang mga pag-aalinlangan at hindi pagkakaunawaan tungkol dito. Ang papel na ito ay naghihikayat sa mga mag-aaral, propesor, tagapamahala, kawani, at tagapagbigay ng serbisyo na magbulay tungkol sa lugar ng ginhawa, akomodasyon, at inklusyong kaakibat ng pagpapahalaga ng unibersidad sa kahusayan, karangalan, at paglilingkod.
Mga Sanggunian
Barbayannis, G., Bandari, M., Zheng, X., Baquerizo, H., Pecor, K. W., & Ming, X. (2022). Academic stress and mental well-being in college students: Correlations, affected groups, and COVID-19. Frontiers in Psychology, 13, 886344. https://doi.org/10.3389/fpsyg.2022.886344
Bautista, V. (2024). Ang halaga at hamon ng pagdalumat sa ginhawa. In V. V. Bautista & D. L. A. Salvador (Eds.), Ang ginhawa bilang hangarin at balangkas sa paglikha ng mga mapagkalingang komunidad (pp. 1-11). National Commission on Culture and the Arts.
Beech, M., Dixon, S., & McKay, J. (2013). Selecting accommodations: Guidance for individual educational plan teams. Bureau of Exceptional Education and Student Services, Florida Department of Education. Retrieved from http://www.fldoe.org/core/fileparse.php/7690/urlt/0070064-selectingaccommodations.pdf
Bingham, A. J. (2023). From data management to actionable findings: A five-phase process of qualitative data analysis. International Journal of Qualitative Methods, 22. https://doi.org/10.1177/16094069231183620
Blasey, J., Wang, C., & Blasey, R. (2022). Accommodation use and academic outcomes for college students with disabilities. Psychological Reports, 126(4), 1891-1909. https://doi.org/10.1177/00332941221078011
Creswell, J. W., & Poth, C. (2018). Qualitative inquiry & research design: Choosing among five approaches. SAGE Publications.
De Los Santos, S., Kupeczynski, L., & Mundy, M. (2019). Determining academic success in students with disabilities in higher education. International Journal of Higher Education, 8(2), 16–38. https://doi.org/10.5430/ijhe.v8n2p16
Edwards, M., Poed, S., Al-Nawab, H., & Penna, O. (2022). Academic accommodations for university students living with disability and the potential of universal design to address their needs. Higher Education, 84(4), 779–799. https://doi.org/10.1007/s10734-021-00800-w
Fleming, A. R., Oertle, K. M., & Plotner, A. J. (2017). Student voices: Recommendations for improving postsecondary experiences of students with disabilities. Journal of Postsecondary Education and Disability, 30(4), 309–326. https://eric.ed.gov/?id=EJ1172798
Mamboleo, G., Dong, S., Anderson, S., & Molder, A. (2020). Accommodation experience: Challenges and facilitators of requesting and implementing accommodations among college students with disabilities. Journal of Vocational Rehabilitation, 53(1), 43–54. https://doi.org/10.3233/JVR-201084
Nieminen, J. H., & Eaton, S. E. (2023). Are assessment accommodations cheating? A critical policy analysis. Assessment & Evaluation in Higher Education, 1–16. https://doi.org/10.1080/02602938.2023.2259632
Office of the Vice Chancellor for Community Affairs. (2025). University of the Philippines Community Affairs. https://ovcca.upd.edu.ph/services/up-health-service/
Office of the Vice Chancellor for Student Affairs. (2020). Office of Counseling and Guidance. https://ovcsa.upd.edu.ph/student-services/ocg/
Office of the Vice Chancellor for Student Affairs. (2021). Principles, policies, and guidelines on mental health and psychosocial support for UP students. https://ovcsa.upd.edu.ph/ovcsa_wp/wp-content/uploads/2021/08/MHPSS-policies-FINAL.pdf
Office of the University Registrar. (2017). Persons with special needs. https://our.upd.edu.ph/files/SWAS-flowchart.pdf
Pedrelli, P., Nyer, M., Yeung, A., Zulauf, C., & Wilens, T. (2015). College students: Mental health problems and treatment considerations. Academic Psychiatry: The Journal of the American Association of Directors of Psychiatric Residency Training and the Association for Academic Psychiatry, 39(5), 503–511. https://doi.org/10.1007/s40596-014-0205-9
Pinion, C. (2022). Barriers to seeking and obtaining academic accommodations in college classrooms. Online Theses and Dissertations. 751. https://encompass.eku.edu/etd/751
Prinsipe, G. P. B., & Borromeo, J. A. (2024). Ginhawa, kapwa, at mga may natatanging pangangailangan: Ingklusyon at akomodasyon sa tersiyaryong edukasyon. In V. V. Bautista & D. L. A. Salvador (Eds.), Ang ginhawa bilang hangarin at balangkas sa paglikha ng mga mapagkalingang komunidad (pp. 81-91). National Commission on Culture and the Arts.
Salvador, D. L. A. (2024). Ginhawa, pagkatuto, at pagpapakatao. In V. V. Bautista & D. L. A. Salvador (Eds.), Ang ginhawa bilang hangarin at balangkas sa paglikha ng mga mapagkalingang komunidad (pp. 12-17). National Commission on Culture and the Arts.
Serrano, J. O., & Reyes, M. E. S. (2022). Bending not breaking: Coping among Filipino university students experiencing psychological distress during the global health crisis. Current Psychology (New Brunswick, N.J.), 1–11. Advance online publication. https://doi.org/10.1007/s12144-022-03823-3
Souma, A., Rickerson, N., & Burgstahler, S. (2012). Academic accommodations for students with psychiatric disabilities. University of Washington. Retrieved from https://www.washington.edu/doit/sites/default/files/atoms/files/Academic_Accom_Psych.pdf
Tan, J. S., Yatco, M. C., Carrera, P., Salvador, D. L., & Bautista, V. (2022). A needs assessment study on the experiences and adjustments of students in a Philippine university: Implications for university mental health. Philippine Journal of Psychology, 43–81. https://doi.org/10.31710/pjp/0054.03
Tecson, C. F. M. (2024). Panimulang katibayan tungkol sa mga hamon at biyaya ng telesikoterapi. In V. V. Bautista & D. L. A. Salvador (Eds.), Ang ginhawa bilang hangarin at balangkas sa paglikha ng mga mapagkalingang komunidad (pp. 61-66). National Commission on Culture and the Arts.
Thomas, D. R. (2006). A general inductive approach for analyzing qualitative evaluation data. American Journal of Evaluation, 27(2), 237-246. https://doi.org/10.1177/1098214005283748
Toutain, C. (2019). Barriers to accommodations for students with disabilities in higher education: A literature review. Journal of Postsecondary Education and Disability, 32(3), 297–310. https://www.ahead.org/professional-resources/publications/jped
Zhang, J., Peng, C., & Chen, C. (2024). Mental health and academic performance of college students: Knowledge in the field of mental health, self-control, and learning in college. Acta Psychologica, 248, 104351. https://doi.org/10.1016/j.actpsy.2024.104351