[DIWA E-Journal Tomo 1, Bilang 1, Nobyembre 2013] Kalinisan, Lakas, at Tibay ng Loob sa Praktis ng Sabil sa Sulu noong Digmaang Pilipino-Amerikano

Ayshia F. Kunting
College of Social Sciences
Western Mindanao State University (WMSU), Zamboanga City, Philippines

Abstrak

Sa panahon ng kolonyalismong Español, tinawag na mga “juramentado” ang mga mandirigmang Moro dahil sa kanilang walang pakundangang paglusob sa kanilang mga kalaban at hindi pagtigil sa paglusob kahit na masugatan.  Sa pagdating ng mga Amerikano, inilarawan sila bilang “crazy” at nakilala ang kanilang paglaban sa katagang pag-aamok.  Ngunit kung titingnan ang pananaw ng mga Moro ukol sa pakikibakang ito, sabil ang kanilang ginagawa—pagtatanggol sa sariling lupain.  Ngunit hindi lamang ito maiuugat sa pananampalatayang Islamiko at sa konsepto ng jihad, kundi maging sa konseptong Pilipino ng kalinisan, lakas, at tibay ng loob.  Isasalarawan ang mga ito gamit ang mga pangyayari sa Sulu noong Digmaang Pilipino-Amerikano.  Ang mga layunin ng papel ay 1) liwanagin ang mga pananaw ng mga Moro sa Sulu ukol sa loob at kaugnayan nito sa pakikibaka ng mga Muslim noong panahon ng Digmaang Pilipino-Amerikano; 2) palitawing mali ang persepsyon na ang juramentado ay isang walang kaisipang pakikibaka kundi nakaugat ito sa sabil; 3) ikonekta ang sabil sa pangkalahatang konsepto ng loob ng mga Pilipino; at 4) maipakita ang mga manipestasyon ng kalinisan, lakas, at tibay ng loob sa mga sumunod pang panahon ng pakikibakang Moro.

Abstract

During the Spanish colonial period, Moro warriors were called “juramentado” because they continued to attack their enemies even when they were already wounded.  When the Americans came, they described the Moro warriors as “crazy” and their act of defiance was known to many as amok or amuck.  But if we are going to look at the Moro perspective, this struggle is sabil—in defense of native land.  Aside from the fact that this concept can be rooted to the Islamic faith and their concept of jihad, it can also be a manifestation of the Filipino concepts of kalinisan, lakas, and tibay ng loob.  These will be shown through incidents that happened in Sulu during the Philippine-American War.  The paper seeks to 1) clarify the perspectives of the Moros of Sulu on the loob and its resonance to the struggle of the Moros during the Philippine-American War; 2) clarify the wrong notions of sabil as juramentado or mindless fighting, but that it was actually a practice called sabil; 3) connect sabil to the general idea of many Filipinos about loob; and 4) show manifestations of kalinisan, lakas, and tibay ng loob in the actions that occur up to the present struggles of the Filipino Moros.

PANIMULA

Ang mga sabil ng Sulu na marahil ang mga halimbawa ng pinakamatatapang na lumaban sa mga banyagang mananakop noong Digmaang Pilipino-Amerikano.  Kung babasahin sa mga ulat mismo ng mga Amerikanong sundalong naitalaga sa Sulu, nakakakilabot ang mga kuwento ng pag-atake ng mga sabil sa mga kalaban.

Isang napakalaking sakripisyo ang ginagawa ng isang sabil: pagkatapos ng taimtim na pagdarasal at paghahanda, susugod nang mag-isa ang sabil dala lamang ang kris laban sa nakahihigit na mga Amerikanong may mga baril.  Nagtagumpay ang sabil na makapatay at makasugat ng ilang Amerikano bago siya mamatay sa mga balang natamo.  Inaasahan na ng isang sabil at inaasam pa ngang mapatay siya ng kalaban matapos niyang isagawa ang kanyang misyon.  Hindi karaniwan ang pagbuwis ng buhay sa ganitong paraan—nangangailangan ito hindi lang ng malalim na pag-unawa sa pagboboluntaryong maging sabil, kundi pati na rin ng kalinisan at ibayong lakas at tibay ng loob.

Hindi maiaalis na sa ugat ng katwiran ng mga sabil ang pagsunod nila sa mga kautusang Islamiko.  Mahihinuha na ito sa salitang sabil pa lamang dahil galing ang salita sa pariralang “fisabilillah” na nangangahulugang “in the way of Allah” (Kiefer 1973).

KONTEKSTONG PANGKASAYSAYAN:
PAGLABAN SA PANANAKOP

Organisado sa ilalim ng direktibo ng Sultan ang pakikipaglaban ng mga Moro ng Sulu (tingnan ang Mapa) noong panahon pananakop ng mga Español.  Ngunit sa pinaka-“matagumpay” na pagsalakay sa Sulu noong 1876, nagbunsod ang pagpapatayo ng isang garisong Español sa Jolo.  Simula noon, may mga Moro nang paisa-isa o nasa isang maliit na grupo ang patuloy na umatake sa garison at sinasabing handa nilang ikamatay ito (Kiefer 1973).  Noong taon ding iyon binansagan ng mga banyaga ang mga lumaban sa kanila—mga sabil—bilang “juramentado.”  Sa mga sumunod na panahon, kikilanin din sila bilang mga nag-aamok (Medina 1993).

Mapa
Mapa ng Kapuluang Sulu (1908)

Mapa ng Kapuluang Sulu (1908)

Mapa ng Kapuluang Sulu (1908) 2

Saleeby 1908

Nang dumating ang mga Amerikano sa Sulu noong Mayo 1899, maalam at handa na sila sa estratehiyang gagamitin sa lugar na hindi nasakop ng mga naunang Español (Tan 2002).  Hinintay ng mga Amerikanong humupa muna ang Digmaang Pilipino-Amerikano sa may hilaga bago pagtuunan ng pansin ang mga Moro sa timog.  Sa Bates Treaty idinaan ng mga Amerikano ang dahan-dahang pagsakop sa Sulu at kasabay nito ang pangakong pulitikal lamang ang kokontrolin nila at hindi kailanman makikialam sa kultura o relihiyon ng mga Moro.  Naging kasangkapan man ang Sultan ng Sulu sa mga Amerikano, may mga datu at indibidwal na hindi naniwala sa ipinakitang kabutihan ng mga banyaga sa lugar.  Alam ng mga Morong sumalungat sa pananakop ng mga Amerikano na sa kalaunan, aagawin din sa kanila ang likas nilang kalayaang ipinaglaban sa loob ng tatlong dantaon.  Kaya’t sa mga gunita at pagbabalik-tanaw ng mga Amerikano, makikita ang mga kuwento ng mga Moro na matapang na lumaban sa mga mananakop kahit pa kontrolado na ng mga mananakop ang Sultan.  At sa panahon ngang iyon tumindi lalo ang pag-aalay ng buhay ng mga sabil para labanan ang pananakop.

Ayon kay Samuel Tan (2002), nagkaroon ng pitong pangunahing tunggalian sa Sulu noong panahong 1903 hanggang 1913 sa kabila ng pakikipagkasundo ng Sultanato sa mga Amerikano.  Una, nagkaroon ng ilang matinding kaguluhan sa Jolo noong Oktubre 1903 na sinundan ng pag-atake ni Panglima Hassan ng Luuk at ng kanyang mga kawal noong Nobyembre 12-17, 1903 na hanggang sa huli’y nanindigan sa bunganga ng Bud Bagsak sa harap ng apat na hanay ng mga sundalong Amerikano sa ilalim ni Myr. Hen.Hugh Lenox Scott, Gobernador-Militar ng Sulu noong Marso 3, 1904.  Pangalawa, nagtaguyod ng pag-aalsa sa Luuk dahil sa pagkakabasura ng mga Amerikano sa Bates Treaty noong Marso 2, 1904.  Pangatlo, nagkaroon ng labanan sa Taglibi noong Nobyembre 19, 1905 kung kailan binomba ng mga Amerikano ang kabundukang may 8,000-10,000 katao kabilang na ang kababaihan, matatanda, at kabataan na nagdulot sa pagkamatay ng 75 Moro at isang Amerikano.  Pang-apat, naisagawa ang pag-atake ng mga puwersa ni Scott sa kuta ni Datu Usap na ayaw kumilala sa kapangyarihan ng Amerika, na ikinasawi ni Datu Usap at mga kasama noong Enero 9, 1905.  Panglima, naisagawa ang pag-atake ni Datu Pala, dating mangangalakal ng mga alipin at malakas na tagasuporta ni Panglima Hassan, sa Jolo noong Abril 6, 1905, na sinundan naman ng bigong pagpaslang ng dalawa niyang tauhan kay Scott noong Abril 13, 1905.  Dalawang beses na inatake ni Datu Pala ang Jolo noong Abril 19, 1905 na sinundan ng pagkasawi ng 100 sa kanyang tauhan sa isang malaking labanan noong Mayo 1, 1905 hanggang sa wakas, nalipol siya at ang kanyang mga tauhan ng mga Amerikano sa huling pagtindig ng mga naturang Moro noong Mayo 9, 1905.  Pang-anim, nagkaroon ng labanan sa Bud Dajo noong Marso 5, 1906 na ikinalipol ng tinatayang 994 katao, kabilang na ang kababaihan, matatanda, at kabataan, kung saan pinapalagay na pinakamalaking kasawian ng mga Amerikano sa isang labanang Moro ang naitala na may 18 ang patay at 52 ang nasugatan.  At pampito, nagkaroon ng labanan sa Bud Bagsak noong Hunyo 11, 1913 kung kailan sumama sa pagtindig laban sa mga Amerikano ang tinatayang 500 Moro at 18 Amerikano sa pinaniniwalaang pinakahuling pagtindig ng mga Moro sa puwersang Amerikano.  Ito ang kinikilala ngayong pinakahuling labanan ng Digmaang Pilipino-Amerikano.

Sa mga labanang ito sa Sulu noong Digmaang Pilipino-Amerikano, matutunghayan ang kahalagahan at kaugnayan ng kalinisan, lakas, at tibay ng loob sa praktis ng sabil bilang pagtatanggol sa sariling lupain.

KALINISAN NG LOOB

Bagama’t mas malawak at malalim ang maaaring maging balangkas o depinisyon ng loob, hindi maiaalis sa kulturang Pilipino na iugnay ang dalawang magkaakibat na dalumat—loob at labas (Alejo 1990).  Tila ang labas ng tao ang pangunahing nakikita at sumasalamin sa loob.  Hindi sa lahat ng pagkakataon masasabing kung malinis ang labas ay malinis din ang loob ngunit sa kulturang Pilipino, kung nanaising maging tunay na malinis ang labas, kinakailangang malinis din ang loob.  Sa mga unang pagdadalumat sa loob, sinabi rin ni Leonardo Mercado (1994) na ang “isip, salita, at pagkilos ay hindi hiwalay” mahalaga sa pag-unawa sa loob.  Sa pagtatanong-tanong naman sa mga Tausug sa Sulu, lumitaw na ang kanilang kataga para sa loob ay pangatayan habang ang kalinisan ng loob naman ay kalissinan sin pangatayan.

Sa praktis ng sabil, hindi mawawala ang mga ritwal na kaugnay ng paglilinis ng katawan bilang isa sa mga rekisito sa pag-aalay ng kanyang buhay sa pagsasabil.  Inilahad halos lahat ng mga nagsulat tungkol sa sabil ang pinakamahahalagang bahagi ng ritwal na ito.  Sa masjid, magtitipon-tipon ang mga sabil upang pakinggan ang imam o pandita na magkuwento ukol sa kabayanihan ng kanilang ninuno at ukol sa paraiso.  Binabasa rin ang tekstong Achenese na Perang sabil Allah o “banal na digmaan” (Medina 1993).  Inilarawan ni J. Franklin Ewing ang proseso batay sa isang impormante na kanyang nakapanayam:

…he decides to “go juramentado”…  He ought to first ask permission from his parents for this act…  The permission granted, the subject prepares a good edge on his kris or barong or his spear…  The juramentado has his head hair shaved off, and his eyebrows plucked…  The next morning about four o’clock, he goes to the river and bathes, uttering prayers the whole time.  The Moros believe that this bath makes the body strong and hard as iron, the veins like stout wire (Ewing 1955).

Ayon naman kay Isagani Medina (1993), matapos sa magulang, hihingi ang sabil ng permiso sa Sultan upang makibaka sa isang banal na digmaan at gayundin, babasbasan siya ng imam o pandita.  Sa ibang tala tuturuan din siya ng mga pinunong panrelihiyong ito kung paano mag-oorganisa at lalaban sa mga kaaway.  Mag-aalay ng mga panalangin at ilalagay ng sabil ang kanilang mga kamay sa Koran at bibigkasin ang mga katagang “Jumanji kami hatunan ing kami ini magsabil karna sing tuhan” (Gumagawa kami ng pakikipagtipan kay Allah na makikibaka kami sa banal na digmaang ito dahil sa Diyos ito).  Buong gabing mananalangin at makikinig ang sabil sa mga talata sa Koran at ibibigay na sa kanya ng mga pinunong panrelihiyon ang lahat ng ritwal ng paglilibing kahit buhay pa siya—paghuhugas, pananalangin, at paglilinis.  Talagang kalinisan ang tuon ng pagsasabil.  Huhugasan niya nang husto ang kanyang katawan, lilinisin ang mga ngipin, magkukuko sa kamay at paa, at kukulayan ng itim ang mga kuko.

Samantala, sa pagsangguni ni Ewing sa mga nakasulat na batis, masasabing nagkakatugma nga ang paglalahad ng ritwal:

Espina… notes that the juramentados washed themselves, put on white clothes and a white head cloth, and provided themselves with anting-anting(Ewing 1955).

May karagdagang impormasyon pa si Ewing na mula kay Arnold Henry Savage Landor:

Their [the juramentados’] repulsive appearance was also somewhat enhanced by the hair of the head being shaved clean, and the mustache and eyelashes [eyebrows?] removed so as to leave a mere horizontal, tiny strip of black hair. The teeth have been freshly filed and stained black; the hair of the armpits pulled out, and the nails of the fingers and toes trimmed very short (Ewing 1955).

Matapos nito, ayon naman kay Medina (1993), itatali ng sabil nang mahigpit ang maseselang bahagi ng kanyang katawan upang hindi ito duguin nang husto kapag nasugatan sa labanan.  Itatali niya ng nakataas ang ari, na simbolismo para sa sabil na manatiling nakatayo at hindi bumagsak.  Mga 4:00 ng umaga maliligo siya sa ilog dahil ang paliligo ay nagpapatibay ng tao tulad ng isang asero.  Matapos maligo, itatali niyang muli ang ari pataas habang nakatali sa leeg ang dulo ng tali.  Naniniwala ang mga sabil na kapag ginawa nila ito, kahit magtamo sila ng maraming sugat, patuloy silang makakalaban.

Pagkabihis, uuwi siya sa bahay at hahagkan ang mga kamay at paa ng kanyang mga magulang.  Sisigaw siya ng “O tauhan-ko doli tudo ako” (Oh, Panginoon, basbasan mo ako ng labis) at “La Illah hailawlah Myamad adraswlah” (Walang ibang Diyos kundi si Allah, at si Muhammad ang kanyang propeta.”  Matapos nito, lilinisin niya ang kanyang mga sandata.  Handa na siya sa kanyang misyon (Medina 1993).

Tulad ng binanggit sa panimula ng papel, nakaugat sa katuruang Islamiko ang praktis ng sabil.  Hindi bago sa mga Muslim ang mga paglalarawan sa itaas.  Sa katunayan, isang katangian ang kalinisan na kinakailangan sa bawat Muslim—parehong panlabas at panloob.  Nagsasabi ang isang hadith o tala ng nagawa at sinabi ng Propeta Muhammad na huwarang sinusundan ng mga Muslim, na “cleanliness is half of faith” (Hadith Collection 2009c).  At hindi lamang panlabas ang kalinisan na tinutukoy rito kundi mas mahalaga ang panloob muna.  Sa isa pang hadith, sinasabing “actions are but by intention and every man shall have but that which he intended” (Hadith Collection 2009a) na nangangahulugang balewala ang malinis/mabuting gawa kung marumi/masama naman ang intensyon.  Bilang Muslim, nararapat ibase ang lahat ng gawain at paraan ng paggawa sa mga katuruan mula paggising hanggang pagtulog—ang pinakamahalaga rito ay ang mga tinatawag na ibadah o mga gawain na kaugnay ng pagsamba kay Allah.  Hihimayin sa bahaging ito ang isa sa mga paglilinis na ginagawa bago magsabil: ang pagligo.

Isinaad sa hadith na tuwing Biyernes kinakailangang maligo ng ghusl (Hadith Collection 2009b). Hindi ito pangkaraniwang ligo na kikiskisin lamang ang mga dumi sa katawan ngunit may espesipikong pagkakasunod-sunod ang paglilinis na para sa kadalisayan hindi lamang mula sa literal na dumi, kundi sa dumi ng kasalanan na nagkapatong-patong na sa nakaraang linggo.  Bagama’t kinikilala rin ng mga Muslim na hindi katiyakan ang pagligo ng ghusl upang matanggal nga ang mga kasalanan, nakasalalay pa rin ito sa sinseridad ng puso, kalinisan ng intensyon, at habag ni Allah.  Kaya naman, kung ang ordinaryong Muslim nga ay kinakailangang maging malinis lalo na tuwing Biyernes, higit pa roon ang kalinisan na kailangang makamit ng sabil dahil patungo siya sa tiyak na kamatayan.

Sa pangkalahatang praktis, kinakailangan ng kalinisan sa panloob at panlabas ng lahat ng ibadah.  At isa sa pinakamahahalagang ibadah ang paglaban sa pananakop o pagbuwis ng buhay sa pagtatanggol ng paniniwala, sarili, at kapwa Muslim.  At dahil sa ang ibadah at sinserong pagsasagawa ng ghusl ay nagbibigay ng pangako ng kaligtasan matapos ang kamatayan, ito rin ang nagbibigay ng lakas ng loob at tibay ng loob sa mga sabil na harapin ang kamatayan sa paglaban para sa bayan.

LAKAS NG LOOB

Mula sa ritwal ng paglilinis at paghahanda, hindi na magtatagal at isasagawa na agad ng sabil ang kanyang misyon—sumugod sa garison ng mga Amerikano at pumatay o sumugat ng hangga’t ilan ang kakayanin.  Wala na sa isip ng isang sabil na matatapos niya ang misyon nang hindi siya napapatay.  At tiyak na mapagtatagumpayan ang ganoong uri ng pagbubuwis ng buhay na walang pag-aalinlangan dahil sa ibayong lakas ng loob ng sabil.

Ayon kay Virgilio Enriquez, ang lakas ng loob ang “inner source for change” na kinakailangan upang harapin ang mga pagsubok, kahit pa ang kamatayan, maitaguyod lamang ang mabuti o maipagtanggol ang dangal (Enriquez 1992).  Ito ang damdaming makapagbubunsod ng pagbabago para sa ikabubuti.  Iniugnay ni Reynaldo Ileto (1979) ang lakas ng loob sa pakikibaba at pagbubuklod ng loob ng mga Katipunero para sa ikatatagumpay ng himagsikan.  Ang mga sabil, bagama’t hindi kabilang sa Katipunan sa norte ay siya rin namang ginagawa sa Sulu: lumalaban sa mga mananakop na Español at nagpatuloy ito hanggang sa panahon ng Amerikano.  Para sa magkaugnay ngunit mas malalim na pag-uugat ng lakas ng loob, maaaring gamitin ang halimbawa ni Enriquez (1992) ng pakikibaka sa kasalukuyang panahon bilang paglaban sa kalagayang neokolonyal ng bansa.  Noong panahon ng mga Amerikano, kolonyalismo naman ang nilalabanan ng mga sabil.  Kung anu’t anong panahon man ang pakikibaka, ayon kay Enriquez nanggagaling ang mga damdamin sa tatlong batayang pagpapahalagang Pilipino, mga elementong sosyo-pulitikal at bahagi ng pundasyon ng pagpapahalagang Pilipino: kalayaan, karangalan, at katarungan.  Para sa mga Tausug sa Sulu, ang kanilang kataga para sa tapang ng loob ay isug sin pangatayan.

Sa bahaging ito, mahalagang talakayin ang pinakadahilan ng paglaban ng mga sabil sa mga mananakop.  Marami na ring akademiko ang nag-uugat ng praktis ng sabil sa Islamikong praktis ng jihad.  Hindi na lalawakan ang paliwanag tungkol sa jihad sa papel na ito at bibigyan na lamang ng maikling depinisyon at babanggitin ang pinakamahahalaga lamang.

Taliwas sa paniniwalang ang jihad ay “holy war,” isa itong pakikibaka.  May dalawang uri ng pakikibaka: ang jihad al akbar (mas dakilang jihad) na pakikibaka laban sa sariling pagnanasa at kamunduhan at ang jihad al asghar na pakikibaka sa larangan ng labanan.  Bagama’t may mga iskolar din ng Islam ang nagsasabing maaaring pagbaliktarin ang dalawang ito.  Alinman sa dalawa, maituturing ang pagsasabil na parehong uri ng jihad dahil lumalaban sila sa kamunduhan at handang ibigay ang buhay sa paraan naman ng pakikipaglaban gamit ang sandata (Kunting 2012).

Hindi maaaring basta-bastang isagawa ang jihad sa larangan ng pakikidigma.  Kinakailangan nito ng pormal na deklarasyon mula sa pinuno at sabay-sabay na paghahanda at paglaban, may kahandaan sa kamatayan ngunit hindi tila nagpapakamatay.  Sa sitwasyon ng sabil noong panahon ng Amerikano, hindi na nasunod ang ilan sa mga alituntunin sa pagsasagawa ng jihad base sa katuruang Islamiko.  Dahil nga sa naging sunud-sunuran na ang Sultan sa mga Amerikano, hindi na makapag-organisa ang mga taga-Sulu ng isang malawakang jihad laban sa mga mananakop kundi paisa-isa na lang na umaatake sa garison na nagdulot naman ng matinding takot sa mga mananakop.

Sa pagsagawa ng jihad, may mga limitasyong hindi maaaring abusuhin at may ilang dahilan lamang ang magpapatibay nito.  Kabilang sa mga dahilang ito ang: pagkilala at pagtatanggol sa Islam kung sinasalakay ito, pagpigil sa anumang uri ng kolonyalismo o paniniil, at pagpapalaganap ng katarungan at kalayaan sa buong mundo.  Inatasan ang mga Muslim na ipagtanggol ang kanilang buhay, ari-arian, pamayanan, dangal, at pag-iral kung may pananakop at pang-aapi (Ilhami 1991).  Samakatwid ang jihad ay pagtatanggol (Taliqani et al. 1986).

Kung babalikan ang tatlong sosyo-pulitikal na pagpapahalagang Pilipino ni Enriquez—kalayaan, karangalan, katarungan—masasabing ang mga batayan din ng jihad ay nagtutugma sa tatlong ito at dito rin nanggagaling ang lakas ng loob ng mga sabil.

Bago pa man ang pananakop ng Amerikano na nagsimula noong 1899, nakailang-ulit na rin ang mga Español sa pag-atake sa Sulu.  Kabilang na rito ang unang ekspedisyon na pinamunuan ni Esteban Rodriguez de Figueroa noong 1578 at pagpapasunog niya ng mga tirahan ng mga Moro.  Sa sumunod niyang eskpedisyon, nanunog din siya ng moske o masjid (Hurley 1936).  Bilang pinakamahalagang istruktura kung saan nagdadasal ang mga Moro ng limang beses sa isang araw, hindi maaaring sirain ang masjid lalo na ng mga mananakop.  Tiningnan itong pagsalakay sa Islam mismo at nagkaroon nga ng lakas ng loob ang mga Moro na lumaban sa ngalan ng pagtatanggol ng kanilang paniniwala sa hanap ng katiyakang nasa tama sila.  Ilang ulit sinubukan ng mga Español na magapi ang mga Moro ng Sulu ngunit sa pangkalahatan, hindi sila nagtagumpay.

Ang mga Amerikano naman ang sumunod na nagtangkang sakupin ang Sulu.  May mga natutunan sila mula sa mga Español at alam nilang dapat maging sensitibo sa mga paniniwala ng mga Moro.  Noong una, nagpakita ang mga mananakop ng maayos na pagtrato sa mga Moro at nagsabing hindi makikialam sa relihiyon nito.  Hindi lahat ng Moro ay naniwala lalo pa’t sa nakagisnang pamamalakad, ang pinunong pampamahalaan ay siya ring dapat na pinunong panrelihiyon.  Nang makuha na ng mga Amerikano ang simpatiya ng Sultan ng Sulu sa pamamagitan ng Bates Treaty, ang mga mamamayan ng Sulu ay hindi lamang nawalan ng tiwala sa pinuno ng pamahalaan kundi tila baga nawalan na rin ng pinunong panrelihiyong magbubuklod sa kanila.  Kaya’t lumakas ang loob ng ilan sa mga Moro sa Sulu na kahit wala nang kinikilalang pinuno, handa nilang harapin ang pagsubok, kahit pa ang kamatayan, para lamang maipagtanggol ang kalayaan at karangalan at maitaguyod ang katarungan sa mga kapwang namatay sa kagagawan ng mga Amerikano.  Habang lumalakas ang mga pagtugis na isinagawa ng mga Amerikano laban sa mga Moro na nakita noong “masaker” sa Bud Dajo at Bud Bagsak, lalo lamang nadagdagan ang dahilan at lumakas ang loob ng mga sabil na ipagtanggol ang kapwa at lumaban sa pananakop o kolonisasyon (Kunting 2012).

Tunay na kakikitaan ng tunay na lakas ng loob ang deskripsyon ng mga mananakop na Amerikano sa mga sabil:

Juramentados still terrorized the army posts.  There could be no defense against a juramentado.  A company street might be quiet and peaceful, with a sentry on vigilant guard.  Suddenly a juramentado appeared in the street, bringing death and seeking death.  Guard posts and sentries had no terrors for the juramentado; rather he sought them out as the most available victims.  A few minutes of wild scramble and a desperate shooting and slashing and then everything would be quiet again, with only the dead juramentado and his victims to show that a horror had walked the company street (Hurley 1938).

Tingnan din ang halimbawa ng mapangahas na pagliligtas ng kanyang mga kawal kay Panglima Hassan mula sa mga Amerikano:

With Hassan under close guard of files of American infantrymen, the troops took up the march back to the Sulu capital.  As the city gates were swinging open to receive the returning Americans, a detachment of krismen burst from the concealment of a nipa house and in a moment they were upon the force bearing Hassan a captive.  With ear-shattering yells, the wedge of the krismen drove through the American column to their captured leader.  Screams and shots mingled with the thud of the kris.  In a moment, Hassan was free and vanished into the jungle.  Major Scott, who commanded the American force, was so badly cut in the hand that it was necessary to amputate several of his fingers (Hurley 1938).

Inilarawan ni Vic Hurley na “particularly revolting act” ang karahasan ng mga sabil na naganap sa Jolo noong Abril 16, 1911.  Habang naglalakad isang Linggo ng umaga ang isang Tnyt. Walter Rodney ng 22nd Cavalry na walang sandata kasama ang kanyang apat na taong gulang na anak na babae sa Daang Jolo-Asturias, may nakasalubong siyang Moro sa malapit sa sabungan, na bigla na lamang siyang sinugod at tinaga ng barong.  Namatay si Rodney bagama’t hindi naman sinaktan ang kanyang anak.  Ang Moro, si Jamdain, ay napatay ng guwardiya.  Matapos lamang ang tatlong araw, si Srhto. James Ferguson, na naatasan na magbantay ng maliit na himpilang militar sa Asturias ay sinugod at pinatay ng dalawang Moro mula sa Isla ng Pata na napatay naman ng iba pang bantay.  Sa mga panahong ito sa ibang lugar sa Mindanao, si Lineman Wallace ng Signal Corps ay napatay sa Malabang.  Dahil sa mga karahasang ito, inatasan ni Hen. John Pershing ang lahat ng kawal na dapat laging may dala-dalang armas at maglakbay lagi nang may kasamang dalawang iba pa.  Matapos lamang ang ilang buwan, muling nagkaroon ng insidente sa Jolo:

The ferocity of these juramentado Moros were almost beyond belief, as was their capacity for destruction.  On October 17, 1911, one Moro armed with a barong and a spear succeeded in passing the sentries of the 2nd Cavalry while they were in camp in Lake Seit Jolo.  The camp became a scene of wild confusion as the Moro hurtled through the troop street slashing and stabbing with his weapons.  Sergeant Oswald Homilius received a spear wound through the chest and died in fifteen minutes, and four soldiers were severely wounded before the crazed Moro was shot down by Lieutenant Coppock (Hurley 1938).

Nagpagpasyahan matapos ang nasabing insidente na tuluyan nang tanggalan ng armas ang mga Moro sa bisa ng Executive Order 24 noong Septyembre 8, 1911.

Kaya naman masasabing hindi lamang pulitikal na mga mandirigma o “freedom fighter” ang mga sabil, masasabi ring relihiyon ang kanilang pananggalang sa sabil dahil ang pagsasapraktika ng sabil at jihad ay nakaugat sa pananampalatayang Islamiko.  Kaya rin ang naging sagot ng ilang opisyal na Amerikano sa mga sabil ay may kaakibat na pangungutya sa kanilang relihiyon lalo na sa kanilang paniniwala ukol sa baboy.  Ayon pa rin kay Hurley:

Not the least discouraging of the efforts against juramentados was carried on by Colonel Alexander Rodgers, Governor of Jolo.  All Moros who ran juramentado were killed and laid out in the market place with slaughtered pigs placed above them.  The Mohammedan abhors all contact with pork and the resulting contact of the dead juramentado with the pig neutralized the beneficial effects of the rite itself.  Colonel Rodgers became known to the Moros as “The Pig,” and juramentados took themselves hurriedly to other districts (Hurley 1938).

Bagama’t tulad nga ng binanggit ukol sa ibadah, kahit lagyan sila ng baboy sa kanilang kamatayan, ang mahalaga ay ang kalinisan ng kanilang kalooban.

TIBAY NG LOOB

Sa mga naunang natalakay ukol sa kalinisan at lakas ng loob ng mga sabil, naging pamilyar na sa maaaring naramdaman at pinagdaanan ng mga Moro na nagbuwis ng kanilang buhay mula pa noong pananakop ng mga Español hangga’t pinalitan ito ng mga Amerikano.  Kung tutuusin, napakahaba na ng paglaban ng mga sabil ngunit hindi ito gaanong nabibigyang-diin tuwing napapaksa ang mga bayani noong Digmaang Pilipino-Amerikano.  Anu’t ano pa man, hindi maaaring ikailang sa loob ng humigit-kumulang tatlong dantaon, hindi natinag kailanman ang mga sabil laban sa kolonyalismo—at dahil iyon sa tibay ng kanilang loob.  Para sa mga Tausug sa Sulu, ang kanilang kataga para sa tibay ng loob ay hughut sin pangatayan.

Inugnay ni Albert Alejo (1990) ang tibay ng loob at panahon.  Para sa kanya, maididikit ang tibay ng loob sa salitang “abot-kaya.”  At ayon pa nga sa isang salawikain, “kung tunay na tubo, matamis hanggang dulo.”  Kung ang lakas ng loob ang katapangang harapin ang mga pagsubok, ang tibay ng loob naman ang magpapatagal ng paglaban na ito hangga’t sa “abot-kaya.”

Sa pamamagitan ng pagbasa sa mga kuwento ng mga Amerikanong naitalaga sa Sulu, makikita kung gaano kadeterminado ang isang maliit na grupo ng Moro bilang sabil na nagnanais mabawi ang kalayaang nilalapastangan.

Sinasabing ang unang pagputok ng digmaan sa pagitan ng mga Amerikano at mga Moro ay iyong naganap sa Bundok Suleiman.  Tinutugis ng mga Amerikano noon si Panglima Hassan, ang buong tapang na lumaban sa banyagang pananakop.  Habang umaakyat sa bundok para hulihin sana si Hassan, pinaputukan ng mga Moro ang mga Amerikano (Hobbs 1962).  Sa lahat ng mga Morong lumaban, si Panglima Hassan na marahil ang pinakatinik sa lalamunan ng mga Amerikano na kailangang patumbahin upang tuluyan nang maangkin ang Sulu.  Nararapat banggiting si Hassan ay galing sa Luuk, Sulu na tinataguriang “home of the juramentados” (Tan 2002).  Hindi na kataka-taka kung bakit ganoon na lamang siya katapang at katatag sa kanyang paglaban.

Sa bahaging ito, ilalarawan ang paraan ng pag-atake ng mga sabil sa Amerikano kung saan makikita ang tibay ng loob nila na hindi nagagapi kahit pa man natadtad na ang katawan nila ng mga bala ng mananakop.

Isa sa pinakepektibo at nakakatakot na sandata ng mga Moro ang mga juramentado o sabil.  Itatago ng mga sabil ang kanilang mga kris habang papasok sa garison. “The attacks of the juramentados made life in the garrison towns a nightmare” (Gowing 1983).  Pagkalabas ng kris, sisigaw ang sabil ng “La ilaha il Allah!”o “walang ibang diyos kundi si Allah!” (Gowing 1983).  Inaasahan ng sabil na makakapatay muna siya kahit isang Amerikano bago naman siya mapatay ng mga ito.

Ayon sa isang sundalong naitalaga sa Sulu:

The modern juramentado of Sulu usually came alone to Jolo to effect his purpose, and was very secretive and sly about it until the moment of attack.  He was up to every device to smuggle his arms inside the wall, hiding his barong in food packages, in his trouser leg, or in other garments that might deceive the guard at the gate.  One man pushed his barong under the wall from outside into the mouth of a little sewer, then, entering the gate unarmed, climbed down into the sewer, drew back his barong, hid it in his clothes, and then came out and sat down waiting for a Christian to come along.  When two soldiers came by he flashed his barong and made a rush at them.  They ran into a billiard saloon, and around and around the table, chased by the juramentado, unable to use their pistols until they dashed outside again and finished him with four bullets without injury to any Christian (Scott 1928).

Mapapansing hindi basta-basta ang pag-atake ng sabil at pinipili rin niya ang kanyang susugurin.  Sa kuwento sa itaas, hindi napatay ng sabil ang mga Amerikanong sundalo ngunit hindi maisasantabi ang tibay ng kanyang loob kahit pa man nabaril na siya ng ilang beses.  Dagdag pa ni Scott sa kuwento:

One Moro of Jolo was shot through the body by seven army revolver bullets, yet kept coming on with enough vitality and force to shear off the leg of an engineer soldier, more smoothly than it could have been taken off by a surgeon (Scott 1928).

Nagsimula sa pananakop ang mga Amerikano noong 1899 at naging tiyak ang digmaan nila at ng mga Moro ng Sulu noong 1903 sa pamumuno ni Panglima Hassan sa mga taga-Sulu.  Noong 1906, buong puwersang sumalakay ang mga Amerikano sa Bud Dajo at nagpaulan ng bala sa ilihan na iyon.  Pagkatapos ng labanan, nakitang halos 1,000 Moro ang napatay kabilang na ang mga bata at babae (tingnan ang Larawan).  Hindi ito nakapanghina ng loob ng mga Moro bagkus, nagdulot pa ito ng mas matinding damdamin ng paglaban sa mga Amerikano.  Itinuturing na pagtatapos ng Digmaang Pilipino-Amerikano ang pagsalakay naman ng mga Amerikano sa Bud Bagsak noong 1913 sa parehong paraan ng pagsalakay nila sa Bud Dajo noon.  Gayunpaman, sa kalagitnaan ng dalawang “masaker” na iyon, may paisa-isang nagsasabil at sumasalakay pa rin sa mga Amerikano.

Larawan
Masaker sa Bud Dajo

Masaker sa Bud Dajo

Trintserang puno ng bangkay ng mga Pilipinong Morong “minasaker” sa labanan
sa Bud Dajo (US Library of Congress 1907

Noong Disyembre 14, 1906, isang Amerikanong kawal na pinangalanang McLaughlin ang bigla na lamang inatake ng isang Moro ng kanyang kris na muntik nang ikaputol ng braso nito.  Sumakay sa isang kabayo upang tumungo sa pangunahing bantayan at hawak ang kanyang nalalalaglag na braso, hinabol siya ng Moro.  Narinig ang kanilang sigaw ng isang sundalong binaril ng limang beses ang Moro na hindi man lamang nagalusan.  Ayon kay Hurley:

The sixth shot from the guard post broke the krisblade at the hilt, but the juramentado, weaponless now, closed rapidly and sought to get at the Americans with his bare hands.  At a distance of five feet a well-directed shot from a .45 pistol burst the Moro’s heart and he dropped in his tracks to spray the guard post with a froth of blood.  Examination disclosed that every bullet had found its mark, for there were seven bullet holes in the dead Moro’s chest (Hurley 1938).

Makikita rin sa isa pang sipi mula kay Hurley ang tila makulit na katibayan ng isang sabil:

On April 6, 1907, one of these wild men ran the streets of Jolo and succeeded in dropping three soldiers of the 4th Cavalry before the bullets of the guard sent him to Paradise.  The Moro ran directly into the fire of three soldiers on guard duty at the city walls and he was struck by eleven rifle bullets, any one of which would have been immediately fatal to a white man.  But it was not until he had been struck with a revolver butt that the Moro gave up the struggle (Hurley 1938).

Isang halimbawa pa ng pagsasabil ang naganap noong Oktubre 17, 1911 nang may sabil na umatake sa himpilang Amerikano sa Lawa ng Siit.  Tinaga niya ang isang Amerikanong sarhento gamit ang kanyang sibat at bagama’t pinaulanan na siya ng mga balang Amerikano, nakapatay pa siya ng apat na tropang Amerikano gamit ang kanyang barong (Hurley 1938).

Bukod sa tibay ng loob hangga’t sa abot ng makakaya ng mga sabil, tinagurian din silang “men under oath” (Gowing 1938).  Galing ito sa salitang ibinigay sa kanila noong 1876 ni Jose Malcampo na “juramentado.”  Galing ang salitang iyon sa “juramentar” na ang ibig sabihin ay sumumpa.  Ang sinumpa o panata ng mga sabil ay ang “fisabilillah” o “in the way of Allah.”  Sa kontekstong ito, ang pakikipaglaban ay para ipagtanggol ang paniniwala, buhay, karangalan, ari-arian, at kalayaan.

Ayon kay Alejo (1990), ang tibay ng loob ay isa ring “sumpa/panata na binigkas sa isang saglit subalit ang bisa ng tibay ay patuloy na naisasabuhay.”  Maaaring ibilang ang mga sabil sa paglalarawan na bagama’t isang saglit lamang binigkas ang panata, naging mabisa pa rin ito sa natitira nilang buhay.  Ang tagal o bisa rin ng sumpang ito ay hindi lamang dapat bilangin mula sa pagdedesisyon ng isang Moro na magsabil hanggang sa kanyang kamatayan, kundi kailangang isaalang-alang ang marami pang sabil na sa simula pa lamang ay lumaban na agad sa pananakop nang walang pagdududa.

Ang tibay ng loob hangga’t abot-kaya ay hindi lamang naipapakita sa tuloy-tuloy na paglaban sa kabila ng pagtanggap ng katawan ng mga bala kundi maging sa haba ng pakikibaka para sa pinaniniwalaang tama na nagtagal ng maraming dekada (Vitug at Gloria 2000; Rodil 2003; Abreu 2011).  Ang tagal ng digmaan sa Mindanao na patuloy na umiigting sa pagitan ng pamahalaang Pilipino at Moro National Liberation Front (MNLF) sa panahong sinusulat ang papel na ito sa mismong bayan ng Zamboanga (Setyembre 2013) ay katibayan sa konsepto ng tibay ng loob na mayroon pa rin ang marami sa mga Moro sa Sulu.

PANGWAKAS

Sa panahon ng pagsubok, nabibigyang-diin at lumalabas ang mga katangian ng loob ng tao—kalinisan, lakas, at tibay.  Noong Digmaang Pilipino-Amerikano, maraming Pilipino ang lumaban sa pananakop at nagpakita ng ibayong tapang sa pakikipaglaban.  Sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan, mayroong mga kuwento ng katapangan at kagitingan.  Isa sa mga naisasantabi ang mga kuwento ng mga sabil na hindi karaniwang napapabilang sa mga aklat ng mainstream na kasaysayan.

Sa papel na ito, sinikap maipaliwanag ang praktis ng sabil at mga katangiang nakita sa kanila.  Masasabing ang mga sabil ay may kalinisan ng loob base sa kanilang ritwal na pagligo ng kanilang sarili mula sa mga kasalanan at masasamang isipin bago nila isagawa ang kanilang misyon.  Nabanggit ding ang kalinisan sa loob at labas ay ilan sa mahahalagang katuruan sa relihiyon ng mga sabil, ang Islam.

Bukod sa kalinisan ng loob ng mga sabil, mahalaga ring malaman ang pinanggalingan ng kanilang lakas ng loob.  May kinalaman ito sa tapang na sumabak sa labanan, upang makadulot ng mga pagbabago.  Tulad ng mga batayang pagpapahalaga ng mga Pilipino, pinahahalagahan din ng mga sabil ang pagtatanggol sa kanilang karangalan, pagkamit ng katarungan sa mga nasawi o inapi, at higit sa lahat, ang paglaban upang mapanatili at ipaglaban ang kanilang tinatamasang kalayaan.

Sa tagal ng pakikipaglaban ng mga sabil sa pananakop o kolonyalismo, mula pa noong panahon ng mga Español, makikita ang hindi natitinag na tibay ng loob.  Kung tibay ng loob ang pinag-uusapan, hindi mawawala sa talakayan ang usapin ng panahon—gaano ba katagal ipinaglaban o hanggang saan ba ipinaglaban ang isang bagay o isang pangako?  Para sa mga sabil noong panahon ng Amerikano, susuko pa ba sila kung higit nang tatlong daang taon nilang maingat na binabantayan ang kanilang kalayaan?  Bukod sa tibay na base sa panahon, matibay rin ang loob ng mga sabil dahil ginawa nila ang kanilang abot-kaya upang isagawa ang kanilang misyon at ang abot-kaya nila ay hanggang sa kanilang kamatayan.

Kahit nang matapos ang Digmaang Pilipino-Amerikano, nagpatuloy pa rin ang mga sabil sa paglaban para sa pagbabago at tunay na kalayaan.  Bagama’t hindi na tulad ng mga orihinal na sabil at nagbago na ang anyo ng pakikipaglaban, nagpapatuloy pa rin ang pakikibaka ng mga Moro kahit sa kasalukuyan sa hangaring makamit muli ang kalayaang dinambong at ang karangalan at katarungan na tila baga’y pinaglalaruan lamang hanggang ngayon.

Talahuli

* Pinapasalamatan ng may-akda sina Prop. Michael Charleston “Xiao” B. Chua at G. John Joshua M. Duldulao para sa karagdagang pananaliksik na ginamit sa papel na ito.

Sanggunian

Abreu, L.M. (2011).  Bangsamoro sa malapitan: Pagpupunyagi sa sariling-pagpapasya.  Quezon City: Center for People Empowerment in Governance (CenPEG).

Alejo, A.E. (1990).  Tao po! Tuloy! Isang landas ng pag-unawa sa loob ng tao.  Quezon City: Office of Research and Publications, Ateneo de Manila University.  Binagong edisyon, 1992.

Enriquez, V.G. (1992).  From colonial to liberation psychology.  Quezon City: University of the Philippines Press.

Ewing, J.F. (1955).  Juramentado: Institutionalized suicide among the Moros of the Philippines. Anthropological Quarterly,28 (4), 148-155.

Gowing, P.G. (1983).  Mandate in Moroland: American government of Muslim Filipinos 1899-1920.  Quezon City: New Day Publishers.

Hadith Collection (2009a).  An Nawawi Hadith Number 001: The Authority of Omar bi Al-Khattab.  Nakuha noong Setyembre 18, 2013, mula sa Hadith Collection Website: http://goo.gl/mbI7BI.

Hadith Collection (2009b).  Fiqh-us-Sunnah Volume 001, Purification and Prayer, Fiqh 1.055A.  Nakuha noong Setyembre 18, 2013, mula sa Hadith Collection Website: http://goo.gl/lcELxJ.

Hadith Collection (2009c).  Sahih Muslim Book 002, Hadith Number 0432.  Nakuha noong Setyembre 18, 2013, mula sa Hadith Collection Website: http://goo.gl/Vgn0ZS.

Hobbs, H. (1962).  Kris and krag: Adventures among the Moros of the south Philippine islands.  Washington: Horace P. Hobbs, Jr.

Hurley, V. (1936).  Swish of the kris: The story of the Moros.  Mandaluyong: Cacho Hermanos, 1985.

Hurley, V. (1938).  Jungle patrol: The story of the Philippine Constabulary.  Mandaluyong: Cacho Hermanos, Inc., 1985.

Ileto, R.C. (1979).  Pasyon and revolution: Popular movements in the Philippines, 1840-1910.  Quezon City: Ateneo de Manila University Press.

Ilhami, D. (1991).  The doctrine of jihad in Islam.  Razavi, Iran: Islamic Research Foundation of Asian Quds Razavi.

Kiefer, T.M. (1973).  Parrang sabbil: Ritual suicide among the Tausug of Jolo.  Bijdragen tot de Taal-, Land- en Volkenkunde,129 (1), 108-123.

Kunting, A.F. (2012).  Hindi juramentado, kundi mujahid: Ang dalumat at praktis ng sabil sa isla ng Sulu (1876-1913).  Nasa A.M. Navarro, M.F. Orillos-Juan, J.S. Reguindin, at A.L. Elumbre (mga pat.), Kasaysayang pampook: Pananaw, pananaliksik, pagtuturo.  Quezon City: Limbagang Pangkasaysayan, 226-240.

Medina, I.R. (1993).  A historical reconstruction of the juramentado/sabilallah ritual.  Anuaryo/Annales: Journal of History, 11 (1), 19-39.

Mercado, L. N. (1994).  The Filipino mind.  Manila: The Council for Research in Value and Philosophy.

Rodil, B.R. (2003).  A story of Mindanao and Sulu in question and answer.  Davao:  MINCODE.

Saleeby, N.M. (1908).  The history of Sulu.  Manila: Bureau of Printing.

Scott, H.L. (1928).  Some memories of a soldier.  New York: Century Co.

Taliqani, S.M., M. Mutahhari, A. Shariati, M. Abedi, at G. Legenhausen (1986).  Jihad and shahadat: Struggle and martyrdom in Islam.  Texas: Institute for Research and Islamic Studies.

Tan, S.K. (2002).  The Filipino-American war 1899-1913.  Quezon City: University of the Philippines Press.

United States of America (US) Library of Congress (1907).  Trench at Bud Dajo.  Nakuha noong Setyembre 21, mula sa US Library of Congress Website:  http://goo.gl/0WDVpK.

Vitug, M.D. at G.M. Gloria (2000).  Under the crescent moon: Rebellion in Mindanao.  Manila:  Institute of Popular Democracy.