[DIWA E-Journal Tomo 1, Bilang 1, Nobyembre 2013] Anong Pangalan mo sa Gabi? At iba pang Tanong sa mga LGBT (2013) nina Tetay Mendoza at Joel Acebuche
ANG AKLAT NG MASASALIMUOT NA TANONG
Eugene Y. Evasco, Ph.D.
Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas
University of the Philippines (UP), Diliman, Quezon City
Maraming kinakaharap na tanong ang mga bakla, lesbiana, bisexual, at transgender sa lipunang Filipino. Bawat tanong ay may bahid ng pagtataka, pangungutya, panghihinayang, takot o anumang emosyong negatibo sa sekswalidad na taliwas diumano sa itinuturing na normal, legal, igagalang, natural o moral na anyo ng sekswalidad.
Simula paglaki ng isang lesbian, gay, bisexual o transgender (LGBT), madalas man kaysa hindi, inuusig siya ng mga mapangmatang katanungan. Nariyang maririnig ang pananakot na “Magbabago ka pa ba?,” “Kailan ka matututo?,” “Kailan ka magpapakalalaki/magpapakababae?,” “Hindi ka ba natatakot sa Diyos?” Kakambal na ng kabataang LGBT ang mga katanungang susugat sa kanilang damdamin at pagkatao. Maaaring magdulot ito ng mababang pagtingin sa sarili o pagpapakamatay, maaari rin namang ang karahasang berbal ay mag-uudyok sa kanila upang maging matapang at higit na paunlarin ang buhay nang makawala sa buhay na mapang-abuso.
Handog ng University of the Philippines (UP) Center for Women’s Studies, UP Babaylan, at Babaylanes, Inc. ang Anong Pangalan mo sa Gabi? At iba pang Tanong sa mga LGBT. Aklat itong may maraming kahulugan sa iba’t ibang antas. Sa unang sipat, kalipunan ito ng mga karaniwang tanong mula sa sinumang may pananaw na heteroseksista o heteronormatibo. Maikakategorya ang mga tanong bilang (1) may bahid ng pagkakahon o stereotyping (e.g., “Kung tomboy ka, bakit ka mukhang babae?,” “Kung bakla ka, bakit ka nagpapalaki ng katawan?,” “Saan ang parlor mo?,” “Magkano ang binabayad mo?”); (2) estupido’t katawa-tawa (e.g., “Paano kayo dumadami?,” “Paano ka umiihi?”/“Saan ka nag-c-CR?,” “May puke ka na ba?”); (3) homophobic (e.g., “Hindi ka ba natatakot magka-AIDS?,” “Nagagamot ba ‘yan?,” “Hindi ka ba natatakot mapunta sa impiyerno?”); (4) may bahid ng panghihinayang, pagkaawa o pangmamata (“Tanggap ka ba ng pamilya mo?,” “Binugbog ka ba ng tatay mo?,” “Sinong kumpanya ang tatanggap sa iyo?,” “Nagsisimba ka ba?,” “Ayaw mo bang magkaanak?,” “Sino ang mag-aalaga sa ‘yo pagtanda mo?”); at (5) simpleng mausisa lamang (e.g., “Paano ka nakikipagsex?,” “Sino ang nanliligaw?,” “Sinong lalaki, sinong babae?”). Magkakaiba man ang mga tanong, iisa lang ang pinagmulan nito: kawalang kaalaman.
Buhat dito, maihahayag ang birtud na taglay ng aklat—ang magsilbing gabay o patnubay sa sinuman, heterosekswal man o hindi. Nilalayon nitong magbigay ng kasagutan at kaliwanagan, sa pinakapayak at kadalasan, sa masisteng pamamaraan. Sa pagbabasa ng mga kasagutan, maaalala ang taglay na siste (humor) at pagkamalikhain ng komunidad ng LGBT, lalo na sa mga isinasagawang mga beauty pageant o kaya’y sa simpleng usapan o biruan ng mga magkakaibigan.
Ang aklat ding ito ay tila ba yearbook o annual ng organisasyong pang-unibersidad na naglalayong palayain ang mga mag-aaral na LGBT. Aklat ito ng mga napagtagumpayan ng UP Babaylan sa loob ng dalawang dekada sa unibersidad. Patunay rin ng aklat sa pagiging malayang sangtuwaryo ng pamantasan. Maaalala ang naging pahayag ng UP sa Pride Week 2013: “Live Free. You’re safe in UP. (Mabuhay nang malaya. Ligtas ka sa UP.).” Dagdag pa, patunay rin ito na ang kilusang mapagpalaya sa LGBT ay nakaugnay at isinusulong din ng kilusang feminista o makababae. Ebidensiya na sinuportahan ang pagkakalathala ng aklat ng UP Center for Women’s Studies. Malaon nang napatunayang ang panitikang mapagpalaya ng mga bakla at lesbiana ay may impluwensiya at pakikipagtalaban sa panitikang iniluwal ng mga babaeng manunulat ng bansa at ng daigdig. Sa bansa, halos inianak ng panitikan ng kababaihan ang panitikang bakla at lesbiana. Ang mga kilalang manunulat na bakla at lesbiana ay nagkadiwa sa mga panulat ng mga feministang sina Angela Manalang-Gloria, Ruth Elynia Mabanglo, Marjorie Evasco, Lualhati Bautista, Lilia Quindoza-Santiago, Aida Santos, Joi Barrios, at iba pa. Ang mga natukoy ang kinikilala ng marami bilang kanilang “literary mother.” Natural lamang ito dahil halos magkahawig ang prinsipyo at layunin ng dalawang kilusan ng panulat: ang makalaya sa anumang diskriminasyon, marhinalisasyon, karahasan, at pang-aabuso buhat sa patriyarkal at heteronormatibong sistemang panlipunan.
Tampok sa aklat na ito ang mga namumukod na tagapagtatag at miyembro ng UP Babaylan mula sa pagkatatatag nito noong 1992 hanggang 2011. Isang parangal ang aklat sa mga miyembrong nagsusulong ng malay at malayang pananaw sa kasarian—pagdaraos ng mga palihan sa gender sensitivity, kamulatan sa HIV, at pagtuturo’t pagsusulong ng mga karapatan bilang bahagi ng lipunang Filipino. Nakapagsusulong-dangal na malaman na karamihan sa mga miyembrong naitampok ay matagumpay at kinikilala sa mga larangang kanilang napili—mga edukador, fashion designer, abogado, kultural na manggagawa, manunulat, negosyante, at lider pampolitika.
At dahil may anyong yearbook ang aklat, nais kong punahin ang gamit ng mga larawan sa nasabing aklat. Tampok sa mga retrato ang iba’t ibang dako ng UP Diliman. Pagkilala ito sa sinilangan ng mapagpalayang kaisipan kaugnay sa LGBT sa hanay ng kabataan at mag-aaral sa bansa noong dekada ‘90. Gayumpaman, nananatili lamang lunan ang unibersidad sa mga larawan ni Rod Singh. Naghahanap ako ng dagdag na lebel ng pagpapakahulugan sa potograpiya, hindi lamang basta tinutungtungan o kinatatayuan ng mga tampok na Babaylan. Ibig sabihin, sana’y may kinalaman ang lugar o mga imahen sa larawan sa mga tanong. Makadaragdag ito sa paghahatid ng pahayag sa mga mambabasa. Maaaring lagyan ito ng subersibo o radikal na tono. Halimbawa, sa tanong na pagpapalaki ng katawan, sana’y pinosisyon ang modelo sa isang bench press sa UP College of Human Kinetics. Sa tanong na “Paano ka umihi?,” maigi sanang pinosisyon ang modelo sa isang popular na comfort room sa Palma Hall at hindi sa isang di-kilalang tambayan lamang. Doon sa “Saan ang parlor mo?,” maraming parlor sa mga komunidad ng UP campus na maaaring gawing lunan. At sa isyu ng pagpapakasal, sana’y napili ang ikonikong simbahan sa UP Diliman.
Pumasok ako sa UP noong 1993 at ako mismo’y saksi sa pagsusulong ng UP Babaylan sa higit na paglaya at pagtanggap sa mga LGBT. Kaalinsabay ng pamumukadkad ng nasabing organisasyon ang pagkakatatag ng kurso sa panitikang bakla (Comparative Literature 184) sa UP Department of English and Comparative Literature; paglalathala ng mga antolohiya sa panitikang bakla noong nina J. Neil Garcia at Danton Remoto (1994, 1996, 2007) at panitikang lesbian ni Anna Leah Sarabia (1998); pag-aaral sa wikang bakla at bekimon ni Tuting Hernandez (2011); pag-aaral sa kalusugan at sekswalidad ng mga bakla nina Michael Tan (1995, 1996) at Margarita Go Singco Holmes (1993, 1995); pag-usbong ng mga malikhaing manunulat at kritiko sa hanay ng mga LGBT gaya nina Nicolas Pichay, Chris Martinez, Auraeus Solito, Romulo Baquiran Jr., Jerry Gracio, Rommel Rodriguez, Roselle Pineda, J. Neil Garcia, Sharon Pangilinan, at Libay Cantor; pagkakalathala ng kasaysayan ng mga manunulat na bakla at ng kultura ng bakla (Garcia 1996); at pagkakalathala ng antolohiya ng kritisismo na nauukol sa panitikan, wika, sining, at kultura ng mga bakla at lesbian (Evasco et al. 2003). Sa kasalukuyan, higit na pinalalalim ang diskurso sa panitikan ng mga bakla at lesbiana sa asignaturang Panitikang Pilipino 19 ng UP Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas.
Ayokong sabihing pagkukulang, ngunit ang produksiyon ng kritisismo at malikhaing akda ay hindi pa nakasasapat upang mailapit at maidulog ang usaping LGBT sa higit na malawak na mambabasa o audience. Ekslusibo sa espasyo ng akademiya ang pagpapatalas ng diskursong LGBT. Nakasentro sa mga mag-aaral sa UP Diliman ang mapagpalayang talakay sa panitikan at sining ng mga bakla at lesbiana. Kung gayon, hamon sa mga manunulat na ilapit at buksan ang naturang paksain sa publiko.
Ang Anong Pangalan mo sa Gabi? At iba pang Tanong sa mga LGBT ay tugon sa hamong ito. Hindi mabigat basahin ang aklat. Bibihira ang mga taglay nitong teknikal na termino na may kinalaman sa kasarian at sekswalidad, na tanda ng isang akademikong lathala. Gayumpaman, malaman ang aklat kaugnay sa pagbibigay-liwanag at pagtutuwid ng mga balikong ideya sa LGBT. Gamit nito ang wikang Filipino na magaan, kumbersasyonal, at popular na naipahayag sa paraang personal. Bawat tampok na miyembro ng UP Babaylan ay may sariling estilo ng pagpapahayag sa nasabing aklat. Litaw ang kanilang personalidad sa pagtugon sa mga tanong. Namumukod-tangi, halimbawa, ang tugon sa tanong na “San napupunta ang pera mo?” Sinagot ito ni Flara Jaculina ng listahan ng mga bilihin niya sa grocery. Taliwas ito sa nosyon na napupunta ang kalakhan ng sahod ng mga LGBT sa kanilang partner o mangingibig.
Litaw na litaw rin ang gamit ng siste sa mga tugon. Sa pamamagitan nito, higit na nalalagyan ng karinyo’t kiliti ang isang tugon na nanganganib maging seryoso o akademiko. Ginamit din ang siste upang mabalanse’t mapagaan ang mga mapang-usig na tanong. Pansinin ang tanong na “Kanino mo yan namana?” na lantad ang tono ng pangungutya. Ganito ang sagot ni Anton Villaruel, “Nung chineck ko, wala naman sa last will and testament ni Lolo.” Dagdag pa rito ang nagtatakang usisa ng marami kaugnay sa mga baklang maskulado (bagong usbong na uri ng bakla sa Kamaynilaan ang mga buff-la o mga baklang tambay sa gym upang magpalilok ng katawan). Ito ang naging kasagutan: “Kasi idol ko si Serena Williams at health buff ako, bawal ba?”
Kapuri-puri ring katangian ng aklat ang paggamit ng wikang ngangayunin. Pansinin ang sipi: “Ang mahalaga mahal mo ang ginagawa mo. At ginagawa mo ito nang bonggang-bongga.” O “Bakit di ka magpakalalaki?,” “Lalaki naman po ako. Nagkataon lang na lalaki rin ang bet ko.”
Kaugnay nito, mapapansin din ang pagtalakay sa mga seryosong usapin gaya ng kasaysayan ng homosekswalidad, gamit ang reperensiya ng kulturang popular na malapit sa puso ng mga bakla: ang beauty pageant. Pansinin ang sipi:
Ang homosexuality ay tinanggal sa American Psychiatric Association mula sa “Diagnostic and Statistical Manual of Mental Disorders” (DSM) noong 1973, taon kung kailan nanalo si Margie Moran sa Miss Universe. Noong 1993, nanalo naman sa Miss Universe si Dayanara Torres (na naging girlfriend ni Aga Muhlach), same year kung kailan tinanggal ng World Health Organization ang homosexuality mula sa “International Classification of Diseases.”
Marapat ding kilalanin ang paggamit ng simpleng paliwanag sa mga sensitibong usapin gaya ng kaanyuan at politika ng identidad sa loob ng LGBT community. Ganito ang tugon sa usisang “Kung tomboy ka, bakit ka mukhang babae?”: “…Ang individuality ng isang tao ay hindi dapat ikinakahon sa anuman ang idinidiktang “gender roles” ng lipunan. Ang anyo ay hindi pagkatao.” May panganib na maging akademiko ang sagot ngunit bumawi naman sa huling pangungusap ng mas payak na pagpapaliwanag.
Ganito naman ang paliwanag at panunuri sa namamayaning politika sa LGBT community: “Nakalulungkot lamang na kahit mismo sa LGBT community ay may ganitong lente at herarkiya ng pagtingin. Kumbaga sa elementary mathematics: Straight > bi > straight-acting gay > effems (effeminate) > parlorista.”
Sa mga natukoy na halimbawa, pinatunayan na wala sa gaan o bigat ng wika ang halaga at nilalaman ng pagtalakay sa nasabing aklat.
Inaasahan kong makararating ang publikasyon sa mas maraming mambabasa, mailako sa mga popular na bookstore at makararating sa iba’t ibang institusyon gaya ng mga paaralan, pagawaan, ahensiyang pribado at pampamahalaan, at maging sa simbahan. Inaasahan at inaasam ko ito dahil ang mga naitalang tanong at sagot ay uusig sa kinamihasnang paniniwala ng mga Pilipino kaugnay sa tinatawag nilang bakla, beki, binabae, tibo, at silahista. Sinisikap ng mga tugon sa naitalang tanong na wasakin ang mga mito at pag-aalinlangan kaugnay sa mga LGBT. At kung maisasagawa ito, mapaghihilom na ang malaon nang mga suliranin sa nasabing sektor gaya ng karahasan (pambubugbog, pang-aabusong berbal, panggagahasa o corrective rape, at pagpaslang dulot ng hate crime).
Sa huling bahagi ng aklat, naitanong: “Mahirap bang maging bakla?” Kung ikukumpara sa mga dekadang nakalipas, malaki na ang pagbabago at iniunlad ng mga LGBT. Tapos na ang panahong nakakulong ang mga bakla sa makipot na espasyo ng parlor. Tapos na ang panahong ang mga tibo’y hanggang paglikom lamang ng pamasahe sa bus. Lipas na ang panahong ang mga bakla’y napipilitang magpari, magsundalo o kaya’y mag-asawa’t magpamilya. Hahaba ang rebyung ito kung itatala ang lahat ng mga napagtagumpayan. Ngunit hindi pa rin perpekto’t ideyal ang lipunang Filipino para sa mga LGBT. Marami pang hamong dapat pagdaanan, kasabay na ang mga hamong pampolitika at pang-ekonomiya ng bansa. Idagdag pa ang suliraning pangkalusugan na kinakaharap ng maraming baklang kabataan sa Kamaynilaan—ang epidemiya ng HIV. Isama pa ang hindi malutas-lutas na mga kaso ng pagpaslang sa mga bakla at lesbian. Mahalagang simula ang aklat na ito tungo sa nasabing higit na pagpapabuti ng kalagayan ng mga LGBT. Sumasang-ayon ako sa tugon sa nasabing tanong: “Sa ngayon, oo. Sana sa future, hindi na.”
Dumating sana ang panahong hindi na kailangan pa ng aklat na ito upang magpaliwanag at magbigay-liwanag sa mga pusikit na diwa ng mga Filipino.
Sanggunian
Evasco, E.Y., R.V. Pineda, at R.B. Rodriguez (mga pat.) (2003). Tabi-tabi sa pagsasantabi: Kritikal na tala ng mga lesbiana at bakla sa sining, kultura, at wika. Quezon City: University of the Philippines Press.
Garcia, J.N. (1996). Philippine gay culture: The last thirty years; Binabae to bakla, silahis to MSM. Quezon City: University of the Philippines Press.
Garcia, J.N. at D. Remoto (mga pat.) (1994). Ladlad: An anthology of Philippine gay writing. Quezon City: Anvil Publishing, Inc.
Garcia, J.N. at D. Remoto (mga pat.) (1996). Ladlad 2: An anthology of Philippine gay writing. Quezon City: Anvil Publishing, Inc.
Garcia, J.N.C. at D. Remoto (mga pat.) (2007). Ladlad 3: An anthology of Philippine gay writing. Quezon City: Anvil Publishing, Inc.
Hernandez, J.F. (2011). Pasok sa banga: Ang mga sosyolek bilang batis ng mga salita sa Filipino. Nasa R.T. Añonuevo at R.P. Baquiran Jr. (mga pat.), Sawikaan 2010: Mga salita ng taon. Quezon City: University of the Philippines Press, 127-140.
Holmes, M.G.S. (1993). A different love: Being gay in the Philippines. Quezon City: Anvil Publishing, Inc. Binagong edisyon, 2005.
Holmes, M.G.S. (1995). Naiibang pag-ibig: Ang maging bakla sa Pilipinas. Quezon City: Anvil Publishing, Inc.
Sarabia, A.L. (pat.) (1998). Tibok: Heartbeat of the Filipino lesbian. Quezon City: Anvil Publishing, Inc.
Tan, M.L. (1995). From bakla to gay: Shifting gender identities and sexual behaviors in the Philippines. Nasa R.G. Parker at J.H. Gagnon (mga pat.), Conceiving sexuality: Approaches to sex research in a postmodern world. New York and London: Routledge, 85-96.
Tan, M.L. (1996). Silahis: The case of the missing Filipino bisexual. Nasa P. Aggleton (pat.), Bisexualities and AIDS: International Perspectives. London: Taylor and Francis, 207-225.