[DIWA E-Journal Tomo 3, Nobyembre 2015] Maribel Legarda (director) at Liza Magtoto (manunulat) (2015). Rak of Aegis [Dulang musikal]. Quezon City: Philippine Educational Theater Association.

Rebyu

Maribel Legarda (director) at Liza Magtoto (manunulat) (2015). Rak of Aegis [Dulang musikal]. Quezon City: Philippine Educational Theater Association.

Rak Of Aegis: Hanggang Saan Aabot Ang Tatag Ng Mga Pilipino?

Jose Antonio R. Clemente
Department of Psychology
University of the Philippines (UP), Diliman, Quezon City

Ang katatagan (resilience) ay ginagamit sa sikolohiya upang ilarawan ang kakayahan ng isang tao o komunidad na makabangon o makabawi nang mabilis at mahusay mula sa trauma, sakit, o sakuna (Adviento at de Guzman 2010; Ladriado-Ignacio 2011; Manyena 2006). Ang sikolohikal na pagbangong ito ay kadalasang naisasagawa kahit walang tulong o psychosocial intervention mula sa mga eksperto (hal., mga sikolohista o social worker). Isa itong panloob na kalakasan (inner psychological resource) na hinuhugot ng mga tao para malagpasan ang mga pinagdadaanang krisis o problema. Tuwing sinasabing “the Filipino spirit is waterproof,” ang mensahe nito ay na malalagpasan nating mga Pilipino ang negatibong epekto ng bagyo dahil nga matatag tayo.

Ang dulang musikal na Rak of Aegis—handog ng Philippine Educational Theater Association (PETA), hango sa mga kanta ng bandang Aegis na itinahi sa isang nakakaaliw na kwentong sinulat ni Liza Magtoto at mula sa direksyon ni Maribel Legarda—ay selebrasyon ng katatagang ito at ng iba pang mga positibong katangiang tila lalong tumitingkad sa tuwing may bagyo (hal., sipag, tiyaga, diskarte, pagkamalikhain). Kuwento ito ng coping o recovery, kung paanong hinaharap at nireresolba ng mga indibidwal sa isang kathang komunidad (ang Barangay Venezia) ang mga problemang idinulot at iniwan ng isang malakas na bagyo (hango ang kuwento sa mga karanasan ng mga nasalanta ng bagyong Ondoy). Pagpupugay ang dula sa kakayahan ng mga taga-Venezia na “makisama” sa baha at iangkop ang kanilang mga buhay sa isang sitwasyong tila wala na silang kawala.

Taliwas sa sosyal na pangalan ng lugar ang karanasan ng mga nakatira sa Venezia. Mahirap ang komunidad na ito. Masikip ang lugar at tabi-tabi ang mga barung-barong. Gayumpaman, hindi madaling kumilos o mangapitbahay dahil dalawang buwan nang natapos ang bagyo, lubog pa rin sila sa hanggang-tuhod na baha. Nagkabit na nga ng pulley sa pagitan ng isang tindahan at katapat nitong bahay para pagsabitan ng basket at sa ganoong paraan na lang inihahatid ang anumang binili (o inutang) sa tindahan para hindi na lumusong pa ang mga karakter sa baha at mga basurang lulutang-lutang dito. Idagdag pa na sa halip na tricycle o tri-bike, bangka na ang naghahatid sa mga taga-Venezia papunta at palabas ng kanilang lugar. Ito ang sitwasyong kinakaharap ng mga bida — lubog sa baha at tila walang kawala.

Napakahalaga sa buong kwento ang papel na ginampanan ng baha—literal itong “front and center” sa buong dula (highlight ng Rak ang set design ni Mio Infante). Walang iisang taong kontrabida dito dahil ang sentro ng tunggalian ay sa pagitan ng tao laban sa kanyang konteksto, partikular na ang kahirapang yumayapos at gumagapos sa kanya. Simbolismo ang hindi humuhupang baha, tulad ng Venezia, lahat ng nakatira dito ay lubog din sa kahirapan. Nabanggit ko kanina na kuwento ng recovery ang Rak. Pero ang mensahe para sa akin ng buong dula ay ang kahirapan bilang malaking sagabal sa pagbangon. Malaking pasanin na nga ang mabuhay sa gitna ng baha, pero doble (o higit pa?) ang pasan ng isang taong tanging sa panloob na kalakasan lang umaasa para makabangong muli. May limitasyon ang katatagan sa gitna ng siklo ng kahirapan. Kumbaga, maaaring the Filipino spirit is waterproof, pero hindi ito poverty-proof.

“BASANG-BASA SA ULAN”

Bida sa dula ang karakter na si Aileen (ginamapanan ni Aicelle Santos). Nagtatrabaho siya bilang saleslady sa isang department store. Para sa kanya, ang tanging paraan para umasenso ay ang madiskubre ng Amerikanang talk show host na si Ellen DeGeneres. Ang plano ni Aileen: dahil mahusay siyang kumanta, gagawa siya ng isang YouTube video na magiging viral at sa ganoong paraan ay mapapansin siya ni Ellen. Para maisakatuparan ang planong ito, humingi siya ng tulong sa kanyang kasintahang si Kenny (Poppert Bernadas). Iyon nga lang, hindi masyadong nakakatulong si Kenny dahil bukod sa babaero ito, may mga isyu rin siyang pinagdadaanan—hindi sang-ayon ang kanyang inang si Mary Jane (Stella Mendoza) sa pangarap niyang maging isang sikat na designer ng mga bota at sapatos. Kasama ni Kenny sa kanyang mga plano si Jewel (Phi Palmos), isang baklang fashionista na mahusay rin sa pagdisenyo ng sapatos at tagakumbinse kay Mary Jane na may patutunguhan ang mga balak nila.

Hindi rin malaya sa Mary Jane sa kanyang mga isyu at dala-dalahin sa buhay. Dahil barangay captain siya ng Venezia, nakasalalay sa kanya ang pagresolba ng problema nila sa baha. Mukhang siya rin ang nag-iisang entrepreneur sa lugar nila—may-ari siya ng pagawaan ng sapatos at bota, subalit nalulugi na rin ito dahil mas tinatangkilik na raw ang Crocs at wala nang pumapansin sa mga gawa nila. Idagdag pa na ang isang sapatero niya, si Kiel (Lorenz Martinez) na tatay ni Aileen, ay dati niyang kasintahan. Tulad ng baha, hindi pa nakaka-move on si Mary Jane kay Kiel. Mukhang wala namang kamalay-malay si Mercy (Kakai Bautista), nanay ni Aileen, sa nakaraan nina Kiel at Mary Jane kaya hindi niya isyu ito. Ang isyu naman ni Mercy ay ang pagkakaroon niya ng leptospirosis dahil sa baha.

Sa gitna nang lahat ng ito ay si Tolits (Jerald Napoles), ang bangkero ng Venezia at masugid na manliligaw ni Aileen. Ang isyu niya noong una ay hindi siya pinapansin ni Aileen. Ngunit napatunayan niyang seryoso siya sa kanyang mga intensyon at gumawa siya ng paraan para makunan ng video si Aileen na kumakanta habang nasa likod nito ang estado ng Venezia—lubog pa rin sa baha at tila lahat sila ay walang kawala. Naging viral nga ang video at nagresulta sa pagiging tourist attraction ang Venezia.

Dahil isyu pa rin ng buong komunidad ang baha, kinumbinse ni Kiel si Mary Jane na kumprontahin na si Fernan (Juliene Mendoza), ang developer ng Villa Arkadia. Katabing subdivision ng Venezia ang Arkadia at ito ang siyang itinuturo nilang dahilan kung bakit sila ang naging tagasalo ng baha at hanggang noong mga panahon ngang iyon ay hindi pa rin ito mawala-wala. Sa halip na tugunan ang usapin ng baha, kinumbinse na lang ni Fernan si Mary Jane na mag-sponsor sila ng isang konsyerto: ang YouTube sensation na si Aileen ang siyang magiging pinakamalaking panghatak nila at sa ibabaw ng baha sa Venezia itatayo ang kanyang entablado. Excited ang lahat sa ideya dahil tila nagkaroon ng mabuting dulot ang baha sa buhay nila—kung hindi huhupa ang baha, kahit paano ay mapagkakakitaan nila ang kanilang sitwasyon.

Sa isang nakakaaliw ngunit nakakalungkot ding mala-catch 22 na twist ng kwento, dumating na ang makinang sisipsip sa baha. Humupa ang baha bago pa man naisasagawa ang konsyerto-sa-baha. Ang dapat sana’y solusyon sa matagal na nilang problema ay naging isyu bigla dahil lahat nang pinaghandaan nila ay mauuwi lang sa wala. Nakakatawa ang eksenang tila nagdeklara na ng all-out war ang mga taga-Venezia laban sa makinang sumipsip sa baha. Pagkatapos nilang magtalo-talo, napagtanto nilang pagkakataon na ito para bumalik sa dati nilang buhay. Bahagi ng pagbangon at resolusyon nila ang hindi na lang sila makikilala bilang barangay na binaha kung hindi isang barangay na gumagawa ng maganda at de-kalidad na mga sapatos at botang pamporma man o pambaha.

“KAILAN MASISILAYAN ANG LIWANAG?”

Pinili kong idetalye ang mga isyu ng mga taga-Venezia upang bigyang-diin na tulad ng marami sa atin, nararanasan ng mga bida ng dula ang mga pangkaraniwang problema sa buhay: away ng magkakapamilya at magkasintahan, banta ng pagkatanggal sa trabaho, pagtupad sa sariling pangarap sa harap ng mga pagtutol at sagabal, at iba pa. Tulad ng nabanggit na, mas nagpapatong-patong ang mga problema kung ang isang indibidwal ay nasa posisyon pa ng kawalan o disadvantage. Hindi problema ng Villa Arkadia ang leptospirosis. Hindi rin nila kailangang intindihin ang transportasyon sa gitna ng baha. Hindi lang kasi basta baha ang kalaban kung hindi mas lalo pa ang kahirapan. Iyon ang puno’t dulo kung bakit talo na nga ang mga taga-Venezia kung may baha, talo pa rin sila noong nawala na ang baha.

Mahusay ang dula dahil tinalakay nito ang usapin ng vulnerability—ang estado ng kawalan ng proteksyon ng mga nasa laylayan ng lipunan kaya mas bukas sila sa negatibong epekto ng mga krisis o sakuna (e.g., Gaillard, Pangilinan, Cadalg, at Le Masson 2008; Ladrido-Ignacio 2011). Maaaring dulot ng kapabayaan ng mga nasa kapangyarihan ang estadong ito o kaya naman ay ang kakulangan sa access sa mahahalagang resources na makakatulong sa mabilis na pagbangon. Dahil dito, limitado ang kanilang mga posibleng estratehiya upang harapin ang problemang dulot ng sakuna.

Hindi nakapagtataka na sa harap ng limitadong resources, nakasalalay ang mga taga-Venezia sa kanilang pansariling katatagan. Dahil wala silang ibang aasahan, kumukuha sila ng lakas mula sa isa’t isa at sabay-sabay nilang hinarap at ginawan ng paraan ang kanilang kalagayan. Sa panahon ng krisis, mahalaga ang pagkakaroon ng social support, tulad ng pamilya, kapitbahay, at kaibigan, upang may maging kaagapay sa proseso ng pagbangon (Gaillard et al. 2008). Sa panahon ng sakuna, naipapamalas din ang pagiging maparaan, matiisin, masayahin, at mapagmalasakit ng mga tao (Adviento at de Guzman 2010). Tulad ng nabanggit na, selebrasyon ng katatagan ang dula.

Gayumpaman, makapangyarihan para sa akin ang Rak dahil komentaryo rin ito sa tila labis na pagbubunyi natin sa ipinapakita nating katatagan tuwing may sakuna o bagyo. Sa konteksto ng disaster risk reduction (DRR) (e.g., UNISDR 2004), nagiging problematiko ang pananaw na dahil matatag na nga ang mga Pinoy, walang duda na malalagpasan natin ang mga sakuna. Mahusay ang pagsusuri nina Melissa Chadburn (2015), Nicole del Rosario Cuunjieng (2013), at Shakira Sison (2014) tungkol sa usaping ito. Pinakatumatak sa akin ang linya ni Chadburn (2015, w.p.): “If there’s one thing that people in poverty…already have in abundance, it’s the knowledge of how to be tough.” Oo nga at hindi nagkulang ang mga taga-Venezia sa tibay at tatag, pero sapat na ba ang panloob na kalakasang ito kung ang ilang mga problema ay nasa labas ng mga indibidwal?

Ang bottom line ng mga artikulong ito ay nagiging reaktibo ang pagtugon sa sakuna at nalilimutan ang kahalagahan ng mas malawakang solusyon sa mga suliranin tulad ng pagbaha. Nasasanay na ata ang mga tao sa mabilisang solusyon, tulad ng dole outs (may isang eksena sa dula kung saan naka-disguise si Fernan na mala-noontime show host at namimigay siya ng relief goods, isang eksenang hindi nalalayo sa totoong buhay). Lumalabas tuloy na ang kakayahang tugunan ang mga sakuna ay nakasalalay na lang sa mga miyembro ng komunidad sa halip na resulta sana ng malawakan at planadong solusyon (Manyena 2006). Sinasalamin ng Rak ang mga sentimyentong ito. Pinapaalala ng dula na maaari kang maging ubod ng tatag habang nananatiling mababa ang kalidad ng buhay mo.

Interesante rin para sa akin na tila naging isla na ang Venezia. Tila ipinapakita nitong nahiwalay na sila sa lahat ng posibleng hingan ng tulong.  Ang ideya ni Aileen na si Ellen DeGeneres ang solusyon sa kanilang sitwasyon ay nagpapahiwatig na parang wala sa Pilipinas ang sagot sa kanilang mga problema. Muli, bumabalik na naman sa temang sila-sila na lang ang gagawa ng paraan dahil mukhang wala namang ibang maaasahan.

Malinaw na kawing-kawing ang mga ahensya at mga ekspertong dapat na tumugon sa problemang inilahad ng dula. Bilang isang sikolohista, napaisip ako kung may naging papel kaya ang disiplina namin para mapabuti ang sitwasyon ng mga taga-Venezia? Ano nga ba ang tungkulin ng mga sikolohista sa usapin ng coping o recovery tuwing may bagyo (tingnan ang artikulo nina Hechanova, Ramos, at Waelde 2015 para sa isang halimbawa ng psychosocial intervention). Malay na kaya ang mga tao sa kahalagahan ng mga sikolohista pagdating sa DRR? Malinaw na kaya sa aming hanay at sa iba’t ibang stakeholders ang mga papel na posible naming gampanan?

“SANA BUKAS NASA IBABAW NAMAN”

Sa kabuuan, mahusay na halimbawa ng isang jukebox musical ang Rak of Aegis. Una sa lahat, napapanahon ang tema at swabe nitong naitawid ang suson-susong mensahe nang hindi pwersado o pilit. Hindi lang sila basta nagkwento kundi nagbigay rin ng komentaryo. Ikalawa, ang kwento ang siyang nagdikta sa daloy at hindi ang mga kanta ng Aegis. Isang hamon sa isang jukebox musical ay kung paano pagtatagpiin ang mga awiting hindi naman talaga inilaan para magpakilala ng mga tauhan, maglatag ng tunggalian, at magbigay ng closure sa halos dalawang oras na naratibo. Ang naging estratehiya ng produksyon ay baguhin ang ilang lyrics para mas umayon sa kwento. Kung minsan din ay hindi nila binubuo ang kanta at sinisingitan nila ang mga ito ng dialogue kung kinakailangan. Nakatutulong ito para hindi lumaylay ang eksena at matiyak na tumatakbo ang kwento. Hindi rin nila siniksik ang set list mula sa buong discography ng Aegis. Pinili nila ang mga awiting popular na at kung minsan ay inuulit-ulit na lang ang ilang kanta na may kakaibang bali depende sa pangangailangan ng eksena.

Ikatlo, positibo talagang karanasan ang panunuod ng dula. Saktong-sakto ang timpla—isa siyang komedya na may manaka-nakang pagpupugay sa nauusong kultura ng “hugot” kaya may mga eksenang nakakakilig din. May mala-teleseryeng atake sa pagkwento na nagbibigay ng sorpresa sa itinatakbo ng kwento samantalang may bahid naman ng melodrama ang ibang eksena. Higit sa lahat, swak na swak ang mga kanta ng Aegis sa tema ng dula. Cathartic ang pagbirit sa mga kanta nila. Bagay na bagay sa proseso ng pagbangon dahil mahalaga rin naman talaga na makapaglabas ng mga mabibigat na saloobin sa isang paraang hindi nakakasakit ng sarili at ng iba at na sa dulo ay nakakapagbigay ng pansamantalang ginhawa.

Ikaapat, testamento sa husay ng mga artistang nagsiganap na kinaya nila ang mga matataas na kanta habang binibigyang-buhay ang kanilang mga karakter. Sa madaling salita, magagaling talaga silang kumanta at bumagay sa kanila ang mga awitin nang hindi nagtutunog na parang may nagbibidyoke lang sa kanto. Solid ang ensemble cast at lahat sila ay nagkaroon ng kani-kanilang moment. Nakatulong ang areglo ni Myke Salomon para umangat ang bawat artista at magkabuhay ang eksenang ipinapalabas nila.

Gusto ko lang din banggitin na hindi biro ang pagbalanseng ginawa nina Magtoto at Legarda pagdating sa kabuuang tono ng dula. Kung tutuusin, nakabuo sila ng isang komedya mula sa isang maituturing na trahedya. Kahit malapit sa karanasan ng marami ang baha at marahil hindi pa rin lubusang nakakalimot ang iba sa mga naranasan noong mga nakaraang bagyo, hindi offensive ang mga biro at nanatili silang sensitibo sa mga pinagdaanan natin. Siguro nakatulong din ang psychological distance natin sa mga tunay na pangyayari na naging inspirasyon ng dula (McGraw, Warren, Williams, at Leonard 2012). Mahigit anim na taon na rin mula noong Ondoy at mukhang sapat na panahon na ito para matawanan na kahit paano ang mga nangyari noon. Nakatulong din sa pagbibigay ng distansya na sa Venezia ang tagpuan, at hindi sa isang totoong lugar sa Pilipinas. Kung isasalin nga ang isang kasabihan sa Ingles, nakakatawa siya dahil totoo. Paalala siya ng reyalidad at isang posibilidad, pero malayo-layo siya sa karanasan kaya hindi gaanong nakakabahalang panuorin at pagtawanan. At marahil, sa kadulu-duluhan, muli tayong pinapaalalahanan tungkol sa mga benepisyo ng pagkakaroon ng sense of humor (e.g., Overholser 1992). Nakakatulong din sa pagbangon at pag-move on ang paminsan-minsang pagtawa at paghahanap ng dahilan para ngumiti maski lubog na ang lahat sa baha at tila wala tayong kawala.

Bilang pagwawakas, nais kong balikan ang mga tanong at hamon ng Rak at ng Aegis. Natapos ang dula na puno ng pag-asa. Gamit ang bagong linya ng mga bota’t sapatos na gawang Venezia, pumarada ang lahat ng mga bida sa pamamagitan ng isang bonggang fashion show. Simbolismo para sa akin ang buong eksena para sa muling pagtayo ng isang komunidad sa sarili nilang mga paa. Bagama’t masaya ang lahat, mukhang hindi rin ito magtatagal, bibigay anomang oras tulad ng uuga-ugang entabladong kanilang kinatatayuan. Hanggang kailan ang ligaya? Tanong nga ng Aegis sa kanilang kantang Luha (Halik, 6), “Gulong ng buhay / patuluy-tuloy sa pag-ikot / noon ako ay nasa ilalim / bakit ngayon nasa ilalim pa rin?” Walang madaling sagot o mabilisang solusyon. Pero kung sa dula huhugot ng mga posibleng tugon, baka pwedeng magsimula sa mas maayos na urban planning at sa pagsuporta ng gobyerno sa mga lokal nating industriya? Pinapaalalahanan din tayong may hangganan ang sipag, tiyaga, diskarte, at katatagan sa harap ng mga krisis at sakuna kung mananatili tayong “walang masisilungan, walang makakapitan” bukod sa ating mga sarili, kapamilya, at maliit na komunidad na ginagalawan.

Sanggunian

Abenoja, C. (1998). Luha [Inirekord ng Aegis]. Sa Halik [MP3 file]. San Juan, Metro Manila: Alpha Music Corporation.

Adviento, M. L. G. at de Guzman, J. M. (2010). Community resilience during typhoon Ondoy: The case of Ateneoville. Philippine Journal of Psychology, 43(1), 101-113.

Chadburn, M. (2015). Resilience is futile: How well-meaning nonprofits perpetuate poverty. Jezebel. Nakuha mula sa http://goo.gl/3oqB8D

Cuunjieng, N. D. R. (2013). Do not say that the ‘Filipino spirit is waterproof.’ The Manila Times. Nakuha mula sa http://goo.gl/Wlp3Ot

Gaillard, J. C., Pangilinan, M. R. M., Cadag, J. R., at Le Masson, V. (2008). Living with increasing floods: Insights from a rural Philippine community. Disaster Prevention and Management: An International Journal, 17(3), 383-395.

Hechanova, R. M., Ramos, P. A. P., at Waelde, L. (2015). Group-based mindfulness-informed psychological first aid after Typhoon Haiyan. Disaster Prevention and Management: An International Journal, 24(5), 610-618.

Ladrido-Ignacio, L. (2011). Ginhawa: Well-being in the aftermath of disasters. Quezon City: Philippine Psychiatrists Association, Inc. and World Association for Psychosocial Rehabilitation.

Manyena, S. B. (2006). The concept of resilience revisited. Disasters, 30(4), 433-450.

McGraw, A. P., Warren, C., Williams, L. E., at Leonard, B. (2012). Too close for comfort, or too far to care? Finding humor in distant tragedies and close mishaps. Psychological Science. doi:10.1177/0956797612443831

Overholser, J. C. (1992). Sense of humor when coping with life stress. Personality and Individual Differences, 13(7), 799-804.

Sison, S. (2014). The problem with Filipino resilience. Rappler. Nakuha mula sa http://goo.gl/O71zov

United Nations International Strategy for Disaster Reduction (UNISDR). (2004). Terminology: Basic terms of disaster risk reduction. UNISDR: Geneva.