[DIWA E-Journal Tomo 9, Nobyembre 2024] Talâ ukol sa mga Kontribyutor
Si CARL LORENZ CERVANTES ay mananaliksik at sikolohista. Ang kaniyang mga lathalain at mga pampublikong panayam ay madalas nakatuon sa dunong-bayan at sikolohiya ng kamalayang transpersonal. Siya ang may-akda ng Sikodiwa: Revisiting Filipino Indigenous Wisdom For Personal and Shared Well-Being. Pinamamahagi rin niya ang kaniyang saliksik sa social media. Siya ngayon ay isang lecturer sa Pamantasang Ateneo de Manila, sa ilalim ng Department of Interdisciplinary Studies, at pinagpapatuloy niya ang kaniyang PhD sa Sikolohiyang Pilipino sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman.
Si REINIER M. NAVARRO ay di-gradwadong mag-aaral ng Sikolohiya sa Pamantasang De La Salle, Maynila. Nagsilbi siyang Research Senior sa Mental Health Task Force (MHTF), isang samahan ng mga mag-aaral na nakikipagtulungan sa karaniwang gawain ng Counseling and Psychological Services ng nabanggit na pamantasan. Sa halos apat na taon sa MHTF, nagsilbi siyang tagapagturo sa mga kasapi ng samot-saring espesyalisasyon sa samahan. Siya ay kasalukuyang kasaping mag-aaral ng Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino at ng Association for Psychological Science. Kasama sa kaniyang mga kasalukuyang kinahihiligan sa pananaliksik ay heuristics, neurochemistry, at mga batikos sa sikolohiyang Pilipino.