[DIWA E-Journal Tomo 10, Nobyembre 2025] Pagsasaayos ng Ugnayan ng Mag-inang Ampon: Isang Pagsusuri Mula sa Lente ng Ginhawa

Alaya Nemenzo Villaflor at Anna Cristina A. Tuazon, PsyD
Departamento ng Sikolohiya
University of the Philippines (UP), Diliman, Quezon City

Abstrak

Ang pag-aampon ay isang epektibong paraan ng pagpapaunlad ng ginhawa para sa mga batang nangangailangan ng magulang, ngunit ito ay mahirap na proseso na maraming pagsubok. Ang mga kahihinatnan ng pag-ampon ay nakasalalay sa adoption adjustment, na naiimpluwensiyahan ng mabuting kalidad ng ugnayang mag-ina. Ang pag-aaral ay gumamit ng reflexive thematic analysis upang ilarawan ang pag-unlad ng ugnayan at ng adoption adjustment ng mag-inang nag-ampon. Sa papel na ito, tinalakay ang proseso ng adoption adjustment mula sa balangkas ng ginhawa. Nagkolekta ng datos sa pamamagitan ng pakikipagpanayam sa tatlong (3) inang nag-ampon at sa kanilang apat (4) na inampong anak. Ang mga kalahok na mag-ina ay sumailalim sa pag-ampon ng hindi kamag-anak sa pamamagitan ng ligalna pamamaraan. Ang panayam sa mga batang kalahok ay isinagawa sa tulong ng pagguhit at paggamit ng story stems. Inilalarawan ang panimulang proseso ng pag-unlad ng ugnayang mag-ina mula sa pananaw ng inang nag-ampon at ng kanyang anak gamit ang balangkas ng ginhawa ni Bautista (2019a, 2019b, 2024). Ang mga pagsubok sa adoption adjustment ay nalalagpasan ng mag-ina sa pamamagitan ng pagkuha ng loob, pakikiramdam, at mga karanasan ng ginhawa. Ang pagninilay, pag-adjust, at pakikinig ay ginamit ng mga nanay sa pagpapadaloy ng magkabahaging ginhawa sa kanilang mga anak. Sa kabila ng mga pagsubok na dala ng ligalna pag-aampon, nakaranas ng magkabahaging ginhawa ang mga mag-inang kalahok na nakatulong sa kanilang umusad tungo sa maayos na adjustment. Tinalakay ang mga rekomendasyon ukol sa propesyunal na pagbibigay-suporta sa mga pamilyang nasa panimulang yugto ng pag-unlad ng relasyong anak at magulang.

Mga susing salita: pag-ampon, pag-unlad ng ugnayang mag-ina, ginhawa sa ugnayang mag-ina, attachment, adoption adjustment

Abstract

Adoption is an effective means of bringing ginhawa for at-risk children needing parents, yet it is a challenging and difficult process. Adoption outcomes depend on the adoption adjustment of families, which is influenced by good quality mother-child relationships. This study used reflexive thematic analysis to describe the development of the adoptive mother-child relationship. This paper also discussed adoption adjustment between the mother and child from the framework of ginhawa. Data was collected through interviews conducted with three (3) adoptive mothers and their four (4) children who underwent legal adoption of a non-relative. Child interviews were activity-based and used drawing and story stems. This initial process of relationship development was described from the perspective of adoptive mothers and their children using Bautista’s (2019a, 2019b, 2024) ginhawa framework. Challenges faced during adoption adjustment were overcome by the mothers and children through pagkuha ng loob, pakikiramdam, and experiences of ginhawa. Reflection, adjusting to the other, and listening were used by mothers to facilitate shared ginhawa with their children. Despite the challenges involved with legal adoption, the participants experienced shared ginhawa that helped their adoptive families move toward positive adjustment. Recommendations were made for professionals supporting adoptive families in the initial stages of parent-child relationship development.

Keywords: adoption, adoption adjustment, mother-child relationship development, attachment

Pag-aampon sa Pilipinas

Maraming mga sanggol at kabataan ang nangangailangan ng mapagkalingang mga tahanan at pamilya. Ayon sa datos mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), mayroong natalang 1,999 batang Pilipino na inabandona at 3,344 batang Pilipinong pinabayaan (neglected) sa pagitan ng 2009 at 2021 (Beltran, 2023). Sa pagitan rin ng 2009 at 2021, may mahigit kumulang 8,258 na bata ang idineklarang legally available para maampon (Jocson, 2023). Ngunit ayon sa Rohei Foundation, isang organisasyong di-pampamahalaan, tinatantiyang nasa 237 batang Pilipino lang ang naaampon bawat taon (Beltran, 2023). Ang mga batang dinadala sa  DSWD o ibang mga child caring agency ay kadalasa’y may nakaraang karanasan  ng pang-aabuso, pagpapabaya ng magulang (neglect), o trauma at attachment disruption dahil sa  pagkamatay o pagkawalay sa magulang. Ang trauma, neglect, at pang-aabuso sa mga bata ay kinikilalang mayroong negatibong epektong pang-habang buhay, tulad ng mas mataas na panganib sa kalusugang pangkaisipan at pangangatawan, problema sa paglago ng utak, pag-iisip, at emosyon ng bata at mga developmental delay, insecure attachment, at mga sintomas tulad ng internalizing (hal., depressive moods) at externalizing behaviors (hal., aggression)(Schmeck, 2020; Hughes et al., 2017; Petersen, Joshua & Feit, 2014). Ayon sa pag-aaral nina Ma (2003) sa mga batang nasa adoptive at foster homes sa Metro Manila, mas mataas ang prevalence ng mga kilos at kinahinatnan tulad ng agresyon, problema sa pagbuo ng attachment sa magulang, hyperactivity, at mga language disorder kumpara sa mga batang kasama ang kanilang bayolohikal na pamilya. Dito makikita ang kahalagahan ng suporta at interbensyon para sa mga batang sumailalim sa pag-aampon, at mga magulang at pamilyang nag-ampon.

Ang pag-aampon ay maaaring domestic, kung saan ang bata ay inampon ng mga magulang na Pilipinong nakatira sa Pilipinas, o intercountry, kung saan ang mga magulang ay nakatira sa ibang bansa, mamamayang Pilipino man o hindi (Department of Social Work and Development, n.d.). Ang domestic adoption ay maaaring tawaging agency adoption, kung ito ay ang pag-ampon ng di-kamag-anak at pinadaloy ng lisensyadong child-placing agency, o relative adoption kung ang nag-aampong magulang ay kamag-anak ng bata na nasa loob ng apat na digri ng relasyon. Ngunit bukod sa ligal na proseso, may mga sumasailalim sa impormal at hindi dokumentadong proseso ng pag-ampon ng bata. Ang saklaw ng papel na ito ay ang karanasan ng mga mag-inang nag-ampon sa pamamagitan ng ligal na proseso. 

Ayon kina Brodzinsky at Schechter (1990), ang pag-aampon ay maituturing na mas mabuting alternatibo sa institusyonalisasyon o paglaki ng bata sa mga institusyon tulad ng bahay ampunan, kung saan nagkakaroon ng panganib tulad ng psychosocial deprivation dulot ng pangangalagang hindi nakatutugon sa mga pangangailangan ng bata.Ayon sa longitudinal na pag-aaral nina Sand (2024), ang institusyonalisasyon na may psychosocial deprivation ay may pangmatagalang epekto sa cognitive development ng mga indibidwal na inalagaan mula sanggol sa mga childcare centers sa Switzerland. Itinuturing nina Van Ijzendoorn at Juffer (2006) na epektibong intervention ang pag-aampon ng isang pamilyang makapagbibigay ng sapat na stimulation at corrective attachment experiences para mga bata, at nagsisilbi rin itong protective factor sa mga di-kanais nais na kahihinatnan ng kapabayaan ng magulang (neglect) at pang-aabuso. May mga pag-aaral tungkol sa posibleng mabuting kahihinatnan ng mga batang inampon tulad ng paghabol sa developmental delay, pagbawas ng internalizing o externalizing behavior, paglago ng kakayahang pag-iisip, at pagtaas ng mga tanda (indicator) ng secure attachment (Greene et al., 2008; Van Ijzendoorn & Juffer, 2006; Juffer et al., 2011; Hodges et al., 2003; Steele et al., 2010). Ayon kina Brodzinsky, Gunnar, at Palacios (2021), mahalaga ang positive family environment kabilang ang pagkakaroon ng sensitibo at mapagkalingang ugnayan ng anak at magulang, sa pagkakaroon ng mabuting kahihinatnan sa pag-ampon, tulad ng developmental catch-up sa attachment, at larangang pisikal at pangkaisipan. Sa ganitong paraan, maituturing na may potensyal ang pag-aampon sa pagyayaman ng ginhawa sa mga batang nangangailangan ng pangangalaga dulot ng iba-ibang sitwasyong nagpawalay sa kanila mula sa kani-kanilang biolohikal na magulang.

Adjustment sa Loob ng Pamilyang Nag-Ampon

Ang pag-aampon ay hindi lamang ligal na proseso kundi sikolohikal na proseso kung saan ang pangunahing layunin ay pagsamahin ang isang bata at mga magulang (at sa ibang pagkakataon, iba pang mga anak) na di magkakilala sa loob ng isang bagong pamilyang kumikilos nang magkasama at nakikipag-ugnayan nang matiwasay (Barth & Berry, 1990). Ang prosesong ito ay waring sikolohikal na paghahabi ng “tela” ng dalawang magkaibang panig, na may sariling kinamulatan at karanasan, sa iisang panibagong obra. Nakasalalay ang kahihinatnan ng pamilyang nag-ampon sa proseso ng adjustment. Ang hindi maayos na adjustment para sa ibang mga pamilyang nag-ampon, kung saan nagkakaroon ng pagguho ng maayos na ugnayan ng inampon at ng magulang, ay maaaring ituring na babala sa pagkakaroon ng adoption disruption (Collinge, 2013). Ang adoption disruption ay maaaring magbunga ng emosyonal at sikolohikal na pagdurusa sa parehong anak at magulang (Lyttle et al., 2021). Sa kabilang banda, ang maayos na adjustment ay nagbubunga ng mabuting kalalabasan para sa mga pamilyang nag-ampon.

Ayon kay Tarroja (2007), ang family functioning ay isa sa mga importanteng salik ng adjustment ng pamilyang nag-ampon at ito ay may kinalaman sa pagmamahal at pagtanggap na nararanasan ng batang inampon sa loob ng kanyang pamilya. Isa pang mahalagang salik sa adjustment ay ang pagiging bukas sa pag-uusap, lalo na’t ukol sa pag-aampon (Tarroja, 2007).

Nakakaimpluwensiya sa maayos na adjustment ng pamilyang nag-ampon ang magandang kalidad ng pagpapalaki ng magulang sa anak (good quality parenting) (Levy & Orlans, 2003; Schofield & Beek, 2005; Pace, Di Folco et al., 2015). Ang mabuting kalidad ng relasyon ng anak at magulang, pagbuo ng family belonging, at pagkakaroon ng kasiguraduhan ng permanenteng pagsasama ay mahalaga para sa maayos na pag-adjust ng bata sa pamilyang nag-ampon (Neil, 2012).

Ang Modelo ng Ginhawa

Mahalagang gamitin ang katutubong balangkas ng ginhawa ni Violeta Bautista (Bautista, 2019a) upang maintindihan ang nabubuong ugnayan ng mag-ina. Ayon kay Bautista, hindi sapat na mag-nais lamang na bawasan ang mga indibidwal na sintomas kundi importante din na intindihin ang buong pagkatao para matulungan ang isang indibidwal na makaranas ng ginhawa. Ang ginhawa ay “tumutumbok sa kaayusan ng bawat aspeto ng kanilang pagkatao: isip, malay, damdamin, katawan, ugnayan, gawain, pamilya, at pati na ng kanilang kaluluwa (Bautista, 2024, p.1)” Para makamit ang ginhawa, inilatag ni Bautista ang mga dimensyon ng gana, gaan, sigla, at ligaya. Ang gana ay tumutukoy sa galing at potensiya sa buhay (Bautista, 2024) habang ang gaan ay ang may kinalaman sa dali ng dalahin, ng gawain, at pati na rin sa kaalwanan ng buhay (Bautista, 2019b). Ang sigla naman ay tumutukoy sa pisikal at psychic na enerhiya na tumutulong sa pagharap sa hamon ng buhay (Bautista, 2024). Ang sarap at ligaya ay magkaugnay pero posibleng magkaiba ng antas, kung saan ang sarap ay kaligayahang karaniwang iniuugnay sa paglasap o pagdama habang ang ligaya ay higit na malalim na uri ng kasiyahan (Bautista, 2019b). Sa konteksto ng mag-inang nag-ampon, ang magkabahaging ginhawa ay maaaring maranasan sa gana, gaan, sigla, at ligayang nakapaloob sa kanilang relasyon. Masasabi na ang pagkamit ng mabuting ugnayan ay masasalamin sa karanasan ng magkabahaging ginhawa ng mag-inang nag-ampon.

Ipinaliwanag din ni Bautista (2019a) ang kanyang pananaw sa pagkatao gamit ang metapora ng isang bahay, kung saan may labas at loob, taas at lalim, lawak, kasaysayan, at kinalalagyan o konteksto ang isang tao. Lininaw niya na ang ginhawa ay nararanasan kapag may pagtutugma ang labas at loob na realidad ng tao. Sa konteksto ng mag-inang ampon, mainam nating tingnan kung nararanasan ba ng anak ang ganitong pagtutugma sa kanyang bagong pamilya. Ang taas naman ay tumutukoy sa mga mithiin habang ang lalim ay ang pinaghuhugutan ng karakter o pagkatao. Importante sa paglago ng tao na siya ay may parehong taas at lalim. Ang lawak ay tumutukoy sa sakop ng karanasan ng tao, na naaaring makitid o malawak. Ang konsepto ni Bautista pagdating sa kasaysayan ng isang pagkatao ay pwede nating ihambing sa nabubuong ugnayan ng mag-inang ampon. Ang anak at ina ay may sariling dalang kasaysayan bago pa nagsimula ang kanilang pag-uugnayan at pareho silang may pananabik at pag-alala sa kinabukasan ng kanilang relasyon. Pang-huli, ang kinalalagyan o konteksto ng isang tao ay napakahalagang dimensyon pagdating sa mag-inang ampon, lalo na’t sila ay nakapaloob sa sistemang legal, sistema ng pamilya, at sistema ng komunidad. Mayroong mga hamon na likas na mapagdadaanan sa pagkilos ng mag-ina, at higit pa ng pamilyang nag-ampon, sa loob ng mga sistemang ito. Sa kabila ng mga hamon sa pag-aampon, maaaring maranasan ang ginhawa.

Sa papel na ito, nilalayon naming mailarawan ang mga karanasan ng mag-inang ampon patungkol sa kanilang adoption adjustment. Nilalayon rin naming mailarawan at talakayin ang nabubuong ugnayan ng mag-ina mula sa lente ng ginhawa.  Kakaunti pa lamang ang nailathalang pag-aaral sa sikolohiya ng pag-aampon sa Pilipinas, at mas lalong kakaunti ang nagsasalarawan ng positibong aspeto ng ugnayan ng magulang at anak. Inaasahan na ang papel na ito ay makadadagdag sa katutubong kaalaman tungkol sa pinagdadaanan ng mga pamilyang nag-ampon. Inaasahan rin na ang kaalamang ito ay makakatulong sa mga pamilyang nag-ampon sa kanilang mahusay na pagharap sa hamon ng pag-adjust sa bagong ugnayang kanilang binubuo.

METODO

Mga Kalahok

Tatlong nanay at ang kanilang apat na anak na inampon ang lumahok sa pananaliksik na ito. Dalawang nanay na kalahok ay may tig-isang anak na inampon na lumahok sa pag-aaral, habang ang isang nanay ay may dalawang anak na naging kalahok. Lahat ng kalahok ay Pilipino o kinikilala ang pagiging Pilipino at isinilang sa Pilipinas. Dalawang mag-inang kalahok ang nakatira sa Pilipinas habang isang mag-ina naman ang nakatira sa ibang bansang may wikang Ingles. Bahagi ng batayan sa paghahanap ng kalahok ang: 1) pagdaan sa ligal na proseso ng pag-ampon ng hindi ka-anak (nonkinship adoption), 2) pagiging mulat ng anak sa kanyang pagiging ampon sa pamamagitan ng pagbahagi ng magulang, 3) ang anak ay may edad na 6 hanggang 12 taon sa panahon ng interbyu. Upang siguraduhing naaayon ang katangian ng mga kalahok para sa pangangailangan ng pananaliksik, purposive sampling at referral sampling ang isinagawa sa tulong ng mga ahensiyang nagpapadaloy ng pag-ampon at mga pormal at impormal na support group para sa mga pamilyang nag-ampon.

Kontekstwal na Impormasyon Ukol sa Ligal na Pag-aampon

Dala ng panibagong batas sa pangangasiwa ng pag-aampon at sa pagbuo ng National Authority on Child Care (NACC) na ahensya sa ilalim ng DSWD, inaasahang mapadaloy at mapabilis ang ligal na pag-aampon sa bansa. Gayonpaman nangangailangan pa rin ng pagdaan sa masusing proseso ang aplikasyon sa pag-aampon, na may katumbas na gastos at oras. Sa pagkakaroon ng bagong panukalang batas RA 11642 o tinatawag na Domestic Administrative Adoption and Alternative Child Care Act na isinabatas sa ika-6 ng Enero 2022, pinasimple ang proseso at pinababa ang oras na kinakailangan sa pagpapadaloy ng proseso na nakatutulong mapababa ang gastusin sa pag-aampon. Ang mga kalahok sa pag-aaral na ito ay nag-ampon ng kanilang mga anak bago naipatupad ang bagong batas kaya sumailalim sila sa mas mahaba at magastos na proseso.

Ayon sa RA 11642, ang batang naideklara ng DSWD bilang legally available for adoption, at ang naipares na magulang na mag-aampon ay sasailalim sa supervised trial custody period ng mahigit kumulang sa 6 na buwan na sinusubaybayan ng adoption social worker. Dahil dito, kadalasan ang unang pagtatagpo ng mga magulang at anak na inampon ay sa simula ng trial custody period. Ang ligal na finalization ng pag-aampon ay nakakamit pagkatapos ng panahon na ito. Ang mga magulang na nais mag-ampon ay maaaring dumaan sa proseso ng domestic adoption o ang pag-aampon sa isang Pilipino ng mga magulang na nasa Pilipinas. Intercountry adoption naman ang proseso ng pag-aampon sa batang Pilipino ng mga magulang na hindi nakatira sa Pilipinas, Pilipino man o hindi.Ang mga lisensyadong foster parent naman ay maaaring sumailalim sa proseso ng foster adoption, kung saan pinoproseso ang pag-ampon sa kanilang foster child habang nasa kanilang pangangalaga na ang bata.

Kontekstwal na Impormasyon Ukol sa Mga Mag-Inang Kalahok

Ang lahat ng mga kalahok ay binigyan ng alyas (pseudonym) sa papel na ito. Ang unang mag-inang kalahok ay pinangalanang Amy (ina) at Dina (anak na babae). Si Amy ay 46 taong gulang, nakapagtapos ng undergraduate degree, at nagtatrabaho sa labas ng tahanan. Ang pamilya nila ay sumailalim sa lokal na pag-aampon na pinadaloy ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at nakahantong na sa legal finalization ng kanilang pag-ampon sa panahon ng interbyu. Walang ibang anak si Amy at ang kanyang asawa maliban kay Dina, ngunit silang mag-asawa ay parehong nais magkaroon ng anak bago natuklasan ang ligal na pag-aampon. Si Dina ay nagsimulang tumira kasama si Amy at kanyang asawa noong siya ay 11 buwan pa lamang. Sa panahon ng interbyu, si Dina ay 11 taong gulang at nakatira na kasama ang kanyang pamilyang nag-ampon nang 10 taon. Walang kapatid si Dina, at siya ay nakatira kasama ang kanyang nanay, tatay, lolo, lola, at babaeng pinsan na nasa hustong gulang.

Ang pangalawang mag-inang kalahok ay sina Beth (ina) at ang kanyang dalawang anak: isang lalaki at isang babae na pinangalanang Eric at Mae. Si Beth ay 44 taong gulang, nakapagtapos ng bachelor’s degree at post graduate studies, at nagtatrabaho rin sa labas ng tahanan. Mayroong isang anak na babae si Beth at ang kanyang asawa bago napunta sa kanilang pangangalaga sina Eric at Mae. Si Eric at Mae ay hindi biologically related at parehong 9 na taong gulang sa panahon ng interbyu. Sila ay napunta sa pangangalaga ni Beth at ng kanyang asawa nang sila ay iilang araw palang na naisilang. Sumailalim ang pamilya nina Beth sa prosesong foster-to-adopt. Nakahantong na rin sa legal finalization ang kanilang pag-aampon sa panahon ng interbyu. Nakatira sina Eric at Mae nang 9 taon (sa panahon ng interbyu) kasama ang kanilang nanay, tatay, isang babaeng kapatid na mas matanda, at isang lalaking kapatid na mas bata sa kanila.

Ang pangatlong mag-inang kalahok ay sumailalim sa intercountry adoption mula sa Pilipinas tungo sa ibang bansa. Ang nanay, na pinangalanang Christine, ay lahing Pilipino at lumaki sa Pilipinas. Siya ay 49 taong gulang, nakapagtapos ng bachelor’s degree, at inaalagaan ang kanyang pamilya bilang homemaker sa panahon ng interbyu. Ang asawa ni Christine ay hindi Pilipino. Mayroong isang lalaking anak na bayolohikal sina Christine at ang kanyang asawa bago napunta sa kanilang pangangalaga si Gary (batang lalaki na kanilang inaampon at lumahok din sa pag-aaral na ito). Mas matanda kay Gary ang kanyang kapatid na lalaki. Sa panahon ng interbyu, si Gary ay 10 taong gulang at siya’y nakatira kasama ang kanyang pamilyang nag-ampon nang mahigit kumulang isang taon. Sa panahon ng interbyu, hindi pa nakahantong sa legal finalization ang kanilang pag-ampon.

Konsiderasyong Pang-etika

Ang papel na ito ay bahagi ng mas malawak na pag-aaral bilang masteral thesis na isinumite sa Departamento ng Sikolohiya ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman. Sumailalim ang pag-aaral na ito sa masusing proseso ng pag-rebyu ng etika.Sinigurado naming mga awtor ng papel na ito na sundin ang mga hakbang at panuntunan ayon sa etikal na pananaliksik. Ipinaliwanag ko (ANV) sa mga ina at anak ang layunin, potensyal na panganib, at benepisyo ng pananaliksik at idiniin na ang pakikilahok nilang mga nanay at ng kanilang anak ay boluntaryo at maaari nilang bawiin kung gugustuhin nila. Inilatag ko na poprotektahan ang kanilang identidad sa anumang maibabahagi nila sa pananaliksik na ito. Humingi din ako ng pahintulot sa mga kalahok na i-rekord ang mga panayam. Bagama’t humingi ako ng pahintulot sa paglahok ng mga bata mula sa kanilang mga ina, humingi din ako ng berbal na pahintulot mula sa mga bata nang may paglilinaw sa kung ano ang mga aktibidad na gagawin sa paglahok at na walang masamang mangyayari at malaya silang hindi lumahok sa pag-aaral o tumigil sa paglahok. Ang impormasyon tungkol sa pag-aaral, ano ang kakailanganing gawin kung lalahok, benepisyo, at potensyal na panganib ay ipinaliwanag sa mga bata gamit ang simpleng lenggwahe na angkop sa kanilang pag-unawa at naaayon sa ginagamit nilang wika. Gumamit rin ako ng slides at mga larawan sa pagpapaliwanag ng mga ito sa mga bata at binigyan sila ng mga pagkakataon na magtanong. Hiniling ko sa magulang na kalahok na sila ay maghintay sa lugar na maaari silang tawagin ng kanilang mga anak, kung kailanganin ng mga bata ang kanilang suporta o tulong na praktikal o emosyonal; ito ay ipinaliwanag rin sa mga batang kalahok.

Dahil mapapag-usapan sa mga panayam ang karanasan ng mga nanay at anak tungkol sa pag-ampon, kasama sa inclusion criteria na ang mga kalahok na anak ay dapat mulat sa kanilang pagiging ampon, sa pamamagitan ng pagpapaliwanag ng kanilang mga magulang. Ipinaliwanag din sa mga bata na mapag-uusapan ang tungkol sa “adoption”, kaya’t sinigurado namin na alam ito ng mga magulang na kalahok, mulat ang mga bata na sila ay inampon, at sang-ayon ang magulang sa pakikilahok ng kanilang mga anak.

Ipinaliwanag na ang paglahok sa panayam ay maaaring makapagdulot ng mga emosyon na di-kumportable, tulad ng pagkalungkot o ng pagkabalisa. Ipinaliwanag din na sa mga pagkakataon na makaramdam ng di-kumportableng emosyon o pagkabalisa, hihinto ang panayam at magsasagawa ng grounding exercises upang maibsan ang nararamdaman; pagkatapos ay bibigyan sila ng pagkakataong magdesisyon kung gustong ituloy o hindi ang panayam. Mayroong nakahandang akmang psychosocial support para sa mga kalahok kung sakaling kailanganin nila ito. Gayunpaman, hindi humantong sa ganito ang kahit anong panayam sa nanay o anak, bagamat mayroong inang kalahok na naluha, pinili niyang magpatuloy sa panayam.

Dahil ako ay dating nagtrabaho sa organisasyong nag-aalaga sa mga bata, at ang ilan sa kanila ay inampon, sinigurado kong hindi lumahok ang mga indibidwal na naging kliyente ko. May isang mag-inang kalahok na nag-ampon mula sa dati kong lugar ng trabaho ngunit hindi ko sila nakahalubilo doon o sa ibang pagkakataon at wala akong komunikasyon sa kanila bago ang kanilang pagpakita ng interes sa pakikilahok sa pag-aaral na ito.

Pagkalap ng Datos

Nagsagawa ako ng indibidwal na panayam sa mga kalahok na nanay at anak. Ang mga kalahok ay binigyan ng pagkakataong mamili kung isasagawa ang panayam nang face-to-face o online. Lahat ng mga kalahok ay piniling isagawa ang panayam sa Zoom. Ang mga panayam ay ini-rekord, at iti-nanskraybnang may pagpayag ng mga kalahok. Ang panayam kasama ang mga nanay ay nagtagal ng mahigit kumulang sa isa’t kalahating oras.

Ang panayam sa anak ay activity-based at isinagawa sa tulong ng pagguhit at pagbuo ng maiikling kwento upang mapadali ang pakikipagpalagayang loob ko sa mga batang kalahok. Bilang paghahanda para sa pagguhit, nagpadala ako ng mga materyales sa mga kalahok at nagbigay ng mga panuto para sa pagguhit bago sa pasimula ng naka-iskedyul na panayam sa mga bata. Nagbigay rin ako ng panuto kung paano maipapakita ng mga bata ang kanilang mga iginuhit na larawan sa video camera gamit ang Zoom. Naging bukas ang mga bata na makipagkwentuhan sa akin tungkol sa kanilang mga drowing at naipakita nila ang mga ito. Umabot sa mahigit kumulang isang oras ang mga panayam sa bawat bata, na may kasama nang mga pahinga ayon sa pangangailangan ng bata.

Ang unang bahagi ng panayam sa mga bata ay drawing-based, kung saan inanyayahan ang mga ito na: 1) iguhit ang kanilang pamilya sa kasalukuyan at 2) iguhit ang kanilang pamilya noong araw na dumating sila sa kanilang nag-ampong pamilya. Pagkatapos mag-drowing ay pinagkwentuhan namin ng kalahok ang kanilang drowing ukol sa kung sino-sino ang nasa drowing at ano ang kani-kanilang mga naiisip at nararamdaman. Ang mga sumusunod ay mga tanong na gumabay sa pakikipagkwentuhan sa mga bata tungkol sa kanilang mga drowing:

  1. Pwede mo bang ituro at sabihin sa akin kung sino ang mga tao sa drawing mo? Ano ang ginagawa ninyo?
  2. Nasan si mommy sa drawing mo? Ano ang nararamdaman mo tungkol sa kanya? Bakit?
  3. Ano ang ginagawa ninyo ni mommy o ng pamilya mo na nakakapagpasaya sayo at nakakapagpafeel sayo na minamahal ka nila?
  4. Pag-usapan pa natin kayong dalawa ni mommy. Ano ang mga ginagawa ni mommy para sayo o kasama mo na nakakapagpasaya sayo at nagpaparamdam sayo na mahal ka niya?
  5. Anong mga bagay ang ginagawa ninyo ni mommy na nakakapag-pafeel sayo na talagang belong ka sa pamilya mo? May mga beses ba na nakakaramdam ka ng pagiging lonely? Tinutulungan ka ba ni mommy kapag lonely ka? Paano?
  6. (Ituro ang ibang mga tao sa drawing): Ano ang nararamdaman mo tungkol sa kanila?

Itinanong ang sumusunod sa mga bata tungkol sa pagguhit nila sa pamilya nang una silang umuwi sa kanilang bahay (sa pamilyang nag-ampon):

  1. Ano ang naaalala mo sa araw na yun? Paano kinuwento sayo ng mga magulang mo (o ibang kapamilya) yung araw na yun?
  2. (Ituro ang bawat tao sa drawing): Sino ito? Paano mo siya ilalarawan? Ano ang ginagawa niya? Ano ang nararamdaman o iniisip niya?
  3. Ilabas nga natin yung unang drawing mo at ipagtabi natin sa pangalawang drawing. Meron ka bang napapansin na magkaiba sa una at pangalawang drawing mo ng pamilya mo? May pagkakaiba ba sa sarili mo sa una at pangalawang drawing?
  4. Paano ipinaliwanag ng magulang mo ang adoption sayo? Ano sa tingin mo ang ibig sabihin ng adoption?

Inilarawan nina Pace, Zavattini, at Tambelli (2015) ang paggamit ng pagguhit ng pamilya sa pagpapalitaw ng datos ukol sa ugnayan ng mga batang inampon sa magulang dahil ang paksang ito ay mahirap matukoy sa mga bata nang walang ginagamit na konkretong references.

Ang metodo ng pagbuo ng maikling kwento sa pamamagitan ng story stems naman ay tinalakay nina Bosmans at Kerns (2015) bilang isa sa mga paboritong panukat ng attachment, na konektado sa kalidad ng ugnayan ng magulang at anak. Bukod sa pagsukat sa attachment ng mga bata, ang story stems ay maaari ring gamitin para sa ibang paksa, tulad ng pagsusuri ng pag-unlad ng moralidad ng mga batang tipikal ang pag-debelop at sa prosesong patolohikal ng mga batang may diyagnosis na pang-klinika at may mga pag-aaral na gumamit ng metodo sa mga batang tatlong taong gulang at pataas (Bretherton & Oppenheim, 2003; Robinson, 2007).Ang story stems ay hindi ginagamit sa paraang proyektibo, sa wangis ng free association, kundi nakatuon sa pagtugon sa mga hipotetikal na problema na base sa mga sitwasyong karaniwang nararanasan ng bata sa pang-araw-araw na buhay (Bretherton & Oppenheim, 2003). Sa pananaliksik na ito, ang story stems o panimulang-kwento ay ginamit upang mapalitaw ang mga damdamin at karanasan ng mga bata tungkol sa kanilang mga ugnayan sa nanay at iba pang miyembro ng pamilya. Sa papel na ito, ginamit ang story stems sa pagpapalitaw ng mga damdamin at karanasan ng mga bata sa adoption adjustment. Ayon kina Bretherton at Oppenheim (2003), ang pagbuo ng kwento ng bata sa pagtugon sa mga panimulang-kwento (story stem)ay pagpapakahulugang emosyonal sa kanilang mga karanasan, at maaaring maglaman ng mala-talambuhay na alaala, ngunit maaari ring magsalamin sa mga depensa (paglayo ng sarili sa isyung tinatalakay ng panimulang-kwento) o maglaman ng mga inaasam o kinatatakutang pangyayari.

Nagsulat at umangkat ako ng mga panimula ng maikling kwento o story stems sa Can You Tell Me? Narrative Stems for School-Age Children (Farnfield, 2016). Sa 11 na panimulang-kwento (story stems), 6 ang orihinal na isinulat at 5 ang inangkat nang may modipikasyon mula kay Farnfield (2016). Sampung panimulang-kwento ang pinabuo sa batang kalahok nang mag-isa, at 1 ang ipinabuo sa mag-ina nang magkasama bilang gawain sa pagtatapos ng interbyu. Ang mga panimulang-kwento ay tumutukoy sa mga karanasan sa totoong buhay at ipinaliwanag sa mga batang kalahok na ang mga gumaganap sa kwento ay sila at ang kanilang pamilya. Upang maiparating ito nang mas malinaw, ang mga pangalan ng mga batang kalahok ang ginamit sa bawat panimulang-kwento. Ang mga panimulang-kwento ay nakatuon sa sumusunod na tema o isyu: unang pagdating sa tahanan, pakikipag-bonding, pag-aaway ng mag-ina, pagkaalam sa pagiging ampon, proteksyon ng ina, pagtugon ng ina sa sakit, pagkawalay sa ina, pagsasama muli sa ina, isolation o pagiging mag-isa, at tapat na komunikasyon. Ang panimulang-kwento na binuo kasama ng mga nanay ay patungkol sa isang masayang araw na kasama ang ina at nagsilbing pangwakas na aktibidad para sa mga panayam.

Narito ang isang halimbawa ng panimulang-kwento na ginamit (ukol sa unang pagdating sa tahanan):

Unang beses pumasok si [pangalan ng bata] sa bahay niya. Tumingin siya sa paligid, lahat ng bagay at tao ay bago sa paningin niya! Pumasok rin sa bahay ang nanay at tatay ni [pangalan ng bata] (at ang ibang miyembro ng pamilya) at sinara nila ang pinto. Pumunta kayong lahat sa sala.

Ano ang nararamdaman ni [pangalan ng bata]? Ano ang susunod na mangyayari sa kwento? (Kung kinakailangan ng karagdagang balap: Paano magtatapos ang kwento?)

Pagsusuri ng Datos

Kwalitatibong lapit at metodo ang ginamit sa pag-aaral na ito. Ginamit ang Reflexive Thematic Analysis (RTA) nina Braun at Clarke (2021) upang suriin ang mga temang naglalarawan ng proseso ng adoption adjustment mula sa perspektibo ng nanay at ng anak. Sinuri ang datos mula sa inang kalahok at batang kalahok nang magkahiwalay. Ang datos na nakalap mula sa drawing-based na panayam sa bata ay sinuri sa pamamagitan ng RTA; ang mga guhit ng mga bata ay hindi sinuri sa pamamagitan ng prohektibong lapit, kundi ginamit lamang bilang konkretong reference upang makapagtanong tungkol sa nararamdaman at naiisip ng bata tungkol sa nanay at pamilya, pati tungkol sa kanilang unang pagkikita. Gumamit rin ng RTA sa pagsusuri ng mga temang nakapaloob sa mga kwentong nabuo ng mga bata bilang tugon sa mga panimulang-kwento (story stems).

PAGTALAKAY SA RESULTA

Ang Panimulang Pag-Unlad ng Ugnayang Mag-Inang Ampon

Matapos maghain ng aplikasyon sa pag-aampon ang magulang at tanggapin nila ang batang nai-match sa kanila ng DSWD, ang bata ay magsisimulang manahan kasama ng kanyang pamilyang nag-aampon hanggang sa magkaroon ng adoption finalization sa korte, kung kailan ligal na kinikilala bilang permanenteng magulang ang mga nag-aampon. Kadalasan, ang araw na unang dinala ang bata para manirahan sa tahanan ng magulang na nag-aampon ang una ring pagkikita ng bata at ng umaampon sa kanyang pamilya.

Gaan at Saya sa Unang Pagkikita

Sa kabila ng pagiging “ibang tao” o estranghero sa isa’t isa, ang naging turingan ng mag-ina sa unang pagkakilala ay pang “di ibang tao” dulot ng gaan na naranasan nila sa unang pagkikita. Inilarawan ng mga nanay na kalahok ang kanilang pakiramdam sa pagiging nanay at pagdamang buong buo na ang bata ay kanilang anak sa sandaling makilala sila. Bukod dito, para kay Beth at Amy, naramdaman nila ang koneksyon sa bata bilang kanilang anak nang araw mismo na sila’y magkakilala. Ani Amy, tinuturing niyang simula ng pagiging ina niya kay Dina ay “yung moment na nakita ko (si Dina).”  Ayon kay Beth, “The moment we got them, you know, I just can’t explain that any further. But the moment I got them I knew they are ours. Meron na agad talagang connection.”

Ibinahagi rin ni Amy ang saya na naranasan niya noong unang dumating si Dina sa tahanan nila. Ani Amy, “Ang kwento namin, ang kwento ko palagi sa kanya na nung dumating ka ang saya-saya namin.” Itong masayang karanasan ni Amy noong una nilang pagkikita ay siya ring lumitaw sa kwento ni Dina noong araw na una siyang dumating sa kanilang tahanan (“Si Nanay, sobrang happy”).

Sa mga panimulang-kwento (story stem) ng mga batang kalahok, lumitaw din ang saya sa unang pagdating sa kani-kanilang mga tahanan. Ang mga tugon sa panimulang-kwento na ilalahad sa papel na ito ay maaaring totoong pangyayari o hindi. Batay man sa reyalidad o hindi, ang mga tugong ito ay nagsasalamin ng mga damdamin, paniniwala, at mga inaasahan (expectations) ng bata sa ina at pamilya na hinulma ng mga karanasan niya sa mga nakaraan at kasalukuyang mga ugnayan sa tagapangalaga. Kinikilala rin ang impluwensiya ng pananaw ng ina sa pakikibuo o co-construction ng mga kwento ng bata sa kani-kanilang mga karanasan (Bettens et al., 2003). Dahil sanggol pa sina Dina, Eric, at Mae nang unang umuwi sa kanilang mga pamilyang nag-ampon, ang mga alaalang ibinahagi nila ay itinuturing na naimpluwensiyahan ng pagkukwento at ibinahaging rekoleksyon ng mga magulang sa mga anak. Bukod rito, ang tugon ng mga bata sa panimulang-kwento ay maaaring hindi naglalaman ng mga eksaktong pangyayari kundi ng mga agam-agam o inaasahang pangyayari o kilos na may kinalaman sa kanilang mental representations ng kanilang nanay (at pamilya).

Ayon kay Gary, na unang nakarating sa kanyang tahanan sa edad na 9 taong gulang, noong ipinapakita niya ang iginuhit niyang pamilyang nag-ampon noong una siyang dumating sa kanilang tahanan, nakaramdam siya ng saya. Inilarawan niya sa kanyang drowingna niyakap siya ng mga magulang niya at sabik silang makita siya, at gayundin ang kanyang lolo’t lola. Nagkwento rin ang nanay niyang si Christine na noong unang mga araw at buwan ni Gary, nakaramdam siya ng ginhawa dahil wala pang mga pagsubok sa kanilang ugnayan.

Kapansin-pansin na hindi nakapagbanggit ng sigla o gana ang mga mag-ina patungkol sa una nilang pagkikita. Hindi nangangahulugan na ito ay hindi parte ng kanilang karanasan.  Maaari ring mas matingkad para sa mga ina ang agarang naramdamang gaan at ligaya. Maaari na inaasahan na nila ang sigla at gana kaya hindi na nila ito binigyan ng pansin, at sa halip ay ipinaloob ito sa kanilang pagbabahagi ng saya at ligaya.

Paninibago at Pangingilala

Kung ang ina ay maaaring makaranas ng gaan ng loob sa unang pagkikita, ang paninibago at pangingilala ay kabilang naman sa nararanasan ng bata sa pagdating niya sa isang tahanan na iba sa kanyang kinamulatan sa bahay ampunan o sa ibang bahay. Ang unang pagdating ng batang inampon sa tahanan ay maaaring magdulot sa kanya ng pangamba o takot, dahilan sa hindi ito ang paligid at tahanan na kinalakihan niya. Ang paninibago ay reaksyon sa pisikal na paligid na hindi pamilyar, na makikita sa ibinahagi ni Amy na karanasan ni Dina sa kanyang pagdating sa tahanan, nang siya ay 11 buwan:

Kaya lang pagkakita samin nung baby (Dina) dati, para siyang nanibago. Kasi iba na yung itsura nung lugar na inano niya, tapos ayaw niyang umalis dun sa mister ko. Yung parang ang naging comforter niya yung tatay lang niya kasi yun yung naging kakilala niya doon sa (bahay ampunan).

Ikinuwento rin ni Amy ang pangingilala ni Dina nang unang iuwi ng kanyang asawa ito mula sa bahay ampunan. Dahil ang kanyang asawa ang sumundo kay Dina sa bahay ampunan, siya ang naging tanging kakilala nito sa bagong tirahan. Ang pangingilala sa larangan ng developmental psychology ay may kinalaman sa separation protest at isang tanda ng malusog na ugnayan sa magulang o secure attachment sa mga sanggol.

Yung moment na nakita ko siya. Gustong gusto ko na siyang yakapin noon. Kaya lang nangingilala siya eh. So ayaw niyang magpahawak sa amin nun. Pero yung moment na nakita ko siya, gustong gusto ko na yun. (Amy)

Nang nilatagan siya ng panimulang-kwento (story stem) tungkol sa unang karanasan ng pagdating sa isang bahay kung saan lahat ng bagay at tao ay bago, ang kwentong binuo ni Dina ay naglarawan ng paninibago (“Naramdaman ko na ako ay na panibago sa place.”). Ang kwento ni Dina ay sumasalamin rin sa kwento ni Amy tungkol sa unang pagtatagpo nila, na marahil ay impluwensiya ng co-construction nila ng karanasang ito. Si Dina ay 11 taong gulang noong nakapanayam, at siya ang tanging batang kalahok na nagkwento tungkol sa paninibago; ang iba namang mas batang kalahok (9 at 10 taong gulang noong nakapanayam) ay nagkwento tungkol sa pagiging masaya nila at paggawa ng mga gawaing pang-araw-araw tulad ng paglalaro. Ayon kina Hajal at Rosenberg (1991), ang pag-unawa ng bata ukol sa kanyang karanasan at kwentong pag-ampon ay isang prosesong debelopmental na lumalalim rin sa bawat yugto ng pag-unlad (child development) at tumutuloy hanggang sa pagtanda, kasabay ng pag-unlad ng kanilang kapasidad sa pag-iisip. Ibinahagi ni Dina ang paninibago sa tugon niya sa panimulang-kwento. Nang tinanong siya kung paano magtatapos ang kwento, aniya, “Si Dina ay magiging kumportable na sa paligid niya kasi kilala na niya lahat ng mga tao sa paligid niya. Kung kaya’t dati, natatakot pa siya, nanibago pa siya.” Makikita natin dito na hindi biglaan ang paglapit ng loob ng bata sa magulang. Kailangan na maranasan ng anak na ang kanyang kapaligiran at mga tao dito ay pamilyar o di na ibang tao. Kasama sa proseso ng adjustment ang dahan-dahang paglapit ng loob ng anak sa mga magulang, kaakibat ng pagiging kumportable sa kapaligiran, bago mapalalim ang karanasan ng saya at ligaya sa relasyong mag-ina.

Pagkuha ng Loob

Sa pagkakataong ito, naging pagsubok ang pangingilala sa pakikipagpalagayang loob ni Amy sa kanyang bagong sanggol. Kinailangan ni Amy na maging malikhain sa pamamaraan ng paglapit kay Dina. Inilarawan ni Amy ang kanyang pagbibigay ng isang laruan kay Dina na naging daan para maging maamo sa kanya ang sanggol.

Tapos may inabot ako sa kanyang stuffed toy noon, nung gabing nakita ko siya. Tapos simula nun, yung stuffed toy na yun gustong gusto niya. Hindi siya makatulog nang hindi niya katabi si Pooh… Nung binigyan ko siya ng stuffed toy, tsaka lang siya naging maamo eh, sa akin… Di siya makatulog nang hindi kasama tong si Pooh hanggang ngayon.

Sa yugto ng pangingilala ng anak sa kanyang bagong pamilya at paninibago niya sa tahanan, mahalaga ang papel ng pakikiramdamng mga nanay sa pakikipag-palagayang loob nila at pagkuha ng loob ng kanilang mga anak.

Honeymoon Period at Pakikiramdam

Kaakibat ng mga unang karanasan na kasama ang kanilang anak ang saya at sigla. Inilarawan ni Christine ang unang dalawang buwan ng pagsama ni Gary sa pamilya bilang honeymoon period kung saan nakararanas sila ng sarap sa piling ng isa’t isa. Sa yugto na ito ng adjustment, nararanasan ng mag-ina ang saya ng pagdating ng bata sa tahanan at sa kasabikang makilala at makabilang ito sa buhay ng pamilya at komunidad. Inilarawan din ni Amy ang palagiang bonding sa paggala na kinagigiliwan ng buong pamilya na siya ring lumitaw sa mga kwento ng kanyang anak na si Dina.

Ayon kay Christine, nakaranas ng sigla ang pamilya nila dahil sa kasabikan ni Gary sa mga bagong karanasan kasama ang pamilya. Ang pamilyang tinutukoy ni Christine ay binubuo nilang mag-asawa, kanilang mas matandang bayolohikal na anak na lalaki, at kanilang anak na si Gary. Ani Christine, “With us as a family, I think Gary has brought in more energy to the family. Brought more energy, more activities, whenever we show him to places which he has not been before it brings us more excitement.” Bahagi ng adjustment ng lahat ng 3 kalahok na mag-iina ang sadya at palagiang pag-bonding nang silang dalawang mag-ina lang at nang kasama ang buong pamilya (kasama ang ibang mga anak). Sa pamamagitan ng pagkaroon ng oras na magkasama, lalong nakikilala ng nanay ang kanyang anak, at sa paglalalim ng kanyang pagkilala sa kanyang anak ay mas masusi siyang nakakatugon sa mga pangangailangan nito. Para kay Amy, ang palagiang pagstorytelling ang nagdulot ng pagiging close nila ni Dina sa isa’t isa, at nakapagpabukas ng daloy ng komunikasyon sa kanilang dalawa. Inayon naman ni Beth ang kanyang pakikipag-bonding sa kung ano ang nais at hinihingi nina Eric at Mae. Ani Beth:

So ngayon nagchange ang perspective namin sa quality times pagdating sa dalawa (Eric at Mae). Kasi sa dalawa, ang quality time is talking, doing science projects together. Na sometimes, “Shucks anak, I don’t have the time anymore for that, or “I don’t have the grace to do it anymore.” Pero yun ang kanilang love language, yun yung quality time for them. So a lot of things have to adjust para maka-cope dun.

Natukoy sa pag-aaral ni Fontenot (2007), na ang mga nanay na nag-ampon ay sumasailalim sa proseso ng pag-aangkop sa kanilang bagong papel bilang nanay, at kabilang sa prosesong ito ang pagkilala sa anak, pag-bonding sa anak, at pagsasaayos ng kanilang mga gampanin sa iba nilang mga relasyon.

Habang lumalaon ang pagsasama ng mag-ina, kailangan ng nanay ng pakikiramdam habang binabasa ang anak at umaangkop sa kanya, tinutugunan ang mga pangangailangan nito, at inaalam kung ano ang hilig at ayaw ng anak. Ani Amy, ang pakikiramdam at pag-adjust nito sa kanyang anak na si Dina ay nakatulong sa pagkaroon ng mas maginhawang ugnayan sa kanilang dalawa sa kabila ng kanilang pag-aaway:

Kasi kahit na nag-aaway kami, kahit na nakikita kong kinokontra niya ako minsan. Andun yung mahal mo siya. So ikaw nalang yung bababa sa lebel, ikaw yung mag-aadjust para maging maayos yung relasyon niyo.

 Sa paggawa niya ng mga nabanggit, nababawasan ang takot ng anak at nakakaranas ito ng pagiging kumportable sa loob ng bagong pisikal at sosyal na kapaligiran niya. Lahat ng 4 na batang kalahok ay naglahad ng epektibong pag-comfort ng mga nanay nila tuwing sila ay nalulungkot o nakararamdam ng pag-iisa. Naikwento ni Gary sa panayam sa kanya na siya ay nakakaramdam ng pagiging mag-isa kapag siya ay matutulog na, at nakakatulong ang pagyakap at paghalik ng kanyang nanay para maibsan ang nararamdaman niya. Si Mae ay nagbahagi rin na ang pagyakap at pakikipag-usap ng kanyang nanay ay nakagiginhawa sa kanya kapag siya ay nalulungkot o nakakaramdam ng pag-iisa. Si Dina ay nagbahagi tungkol sa pag-comfort ng nanay niya tuwing nakararamdam siya ng pagiging mag-isa:

ANV: Paano ka niya tinutulungan pag lonely ka?
Dina: Kinakausap niya ako.
ANV: Ano sinasabi niya?
Dina: I love you.
ANV: Anong nafifeel mo pag sinasabi niya yun?
Dina: Di na ako lonely. Di na ako sad.

Si Eric naman ay nagbanggit ng pag-comfort bilang tugon sa panimulang-kwento tungkol sa tema ng isolation. Ang panimulang-kwento nito ay: Kumakain ng dinner ang buong pamilya. Nagkukwentuhan at ngumingiti ang lahat maliban kay X. Tahimik lang si X at nakakaramdam ng pagiging lonely. Ano ang susunod na mangyayari? Laman ng tugon ni Eric sa panimulang-kwento kung saan nakaramdam ang bata ng pag-iisa ang paglapit ng kanyang nanay at tatay at pagyakap sa kanya, na epektibo ring nakagiginhawa sa nararamdaman niya.

Nakikipagpalagayang-loob ang nanay sa anak at nabubuo ang tiwala ng bata sa kanya sa pamamagitan ng pakikiramdam. Dahil sa nais ng nanay na makaranas ang anak ng ginhawa sa relasyon nilang mag-ina at maging sa relasyon nila sa loob ng pamilya at sa komunidad, nananatili siyang nakaalalay sa anak sa buong proseso ng adoption adjustment.

Pagsubok at Ginhawa

Sa kabila ng mga masasayang karanasan, nagbahagi ng kabigatan at di pagkakagusto sa anak ang nanay na si Christine sa kasagsagan ng mga pagsubok sa relasyon nila ni Gary na nagdulot ng lungkot at sakit kay Christine. Matatandaang 9 anyos na si Gary nang mapunta siya sa pangangalaga nina Christine, at sa panahon ng interbyu ay nakatira siya kasama ng kanyang pamilyang nag-ampon nang mahigit kumulang isang taon. Ibinahagi ni Christine na nabanggit ni Gary ang kalungkutan at dalamhati sa pagkakawalay sa mga kaibigan niya sa Pilipinas. Sa mga buwan matapos ang honeymoon period, tumingkad ang pighating naranasan ni Gary sa pagkawala ng nakalakihang tahanan at mga kaibigan at tagapangalaga at inilabas niya ito sa pamamagitan ng kanyang mga kilos. Ikinuwento ni Christine na nagpakita si Gary ng galit at pagkalungkot sa pamamagitan ng paninigaw, pagsusuway sa nanay, minsanang pananakit, pati sa pagtanggi niya sa pag-aalaga ni Christine.

Ayon kay Christine, nahirapan siyang masayahan kay Gary sa panahon na ito dahil sa pagtatakwil (rejection) na ipinapakita nito, tulad ng pagsabi nito ng “I hate you.” Ani Christine, “Yun yung mga times na emotionally talagang, ganito ‘yon, “Mahal kita pero hindi kita gusto’ yun. I love you but I don’t like you right now.” Ang pakiramdam ng di pagkagusto ay nagdulot ng pagduda kay Christine tungkol sa pagiging mabuti niyang ina, ngunit nagkaroon naman siya ng suporta mula sa kanyang asawa at propesyunal. Kalaunan, ang tindi ng mga pagsubok ay humupa. Nakararanas na rin si Christine ng saya at ginhawa sa relasyon nila ni Gary (“Right now, I think we are in a good relationship. It can get better and I’m starting to enjoy ever since he has stopped being suplado to me.”). Sa mga naikwento ni Christine, ang pagdanas ng parehong gaan at bigat, ng saya at pagsubok, ang nagpatibay ng ugnayan ng mag-ina.

Pagpapadaloy ng Ginhawa sa Ugnayang Mag-Ina

Ang mga nanay ay hindi lamang nakakaranas ng ginhawang pansarili sa loob ng relasyong mag-ina, kundi sila mismo ay nagpapadaloy ng ginhawa para sa kanilang anak at sa kanilang ugnayan. Ginagawa nila ito sa pamamagitan ng pagninilay, pag-adjust, at pakikinig.

Pagninilay at Pag-adjust

Mahalaga ang pagninilay at pag-adjust ng mga nanay sa pagpapabuti ng ugnayang mag-ina. Makikita ito sa kwento nina Amy at Beth, patungkol sa interaksyon nila sa kani-kanilang mga anak, kung paano nila binago ang paraan ng pagdidisiplina sa tulong ng pagninilay. Ani Amy, strikto siya sa kanyang anak noon, na naging sanhi ng madalas nilang pag-aaway. Sabi ni Amy:

Kasi may gusto siya, kinokontra ko siya. Andun yung parang lalo kaming parang nagrerepel sa isa’t isa. Tapos hanggang sa may reflection nga sakin na siguro kelangan baguhin ko yung style ng pakikipag-usap ko, yung style ng pagdidisiplina ko sa kanya. Tapos unti-unti, nung nakikita niyang nagiging malambing ako sa kanya, yung storytelling namin na hindi lang tuwing gabi niya naririnig, dinadagdagan ko na yung time ng kwentuhan, unti-unti tingin ko parang mas nagiging close kami. Tapos yun nga, sabi ko nga kanina kahit yung maliit na bagay, lalapit at lalapit siya sakin para magkuwento o kaya magsabi ng kung ano yung nararamdaman niya.

Ang pagninilay ng ina tungkol sa kanilang interaksyong mag-ina at pag-adjust ng kilos, sa pananaw ni Amy, ay nakakapagpalago sa ugnayan nilang mag-ina dahil ito ang nakahihikayat sa anak na lumapit at magbahagi ng mga karanasan sa kanya, na siya ring nagiging daan tungo sa bukas na komunikasyon sa pagitan ng mag-ina. Ani Amy:

Sa sarili ko, kasi parang every time na pinapagalitan ko siya noon, o kaya sinasaway, o nag-aaway kami, pakiramdam ko parang mas lalo akong nag-gogrow. Parang ako yung natututo bilang nanay. Yung parang pagkatapos ko siyang pagalitan, matapos kayong mag-away marerealize ko na sa susunod na may mangyaring ganito, ganito dapat siguro ang gagawin kong technique naman. Yung mga ganung bagay na, “Ah hindi bagay sa kanya yung sinisigawan siya lagi, dapat babaguhin ko yung technique ko, yung pakikipag-usap ko sa kanya.” Yung mga ganun, so may reflection ako lagi every time na dumarating yung point na sasawayin ko siya. So siguro, parang may mga pagbabago sa way ng pakikipag-usap ko rin sa kanya, ang mainam na pakikiramdam ng ina at ang pag-adjust ng kaniyang kilos ay nagdulot ng pagtutugma ng kanilang mga loob na siya ring nagpalalim ng kanilang ugnayan.

Ayon naman kay Beth, na may higit sa dalawang anak, ang kanyang paraan sa pagpapalaki sa mga anak ay ibinabagay niya sa mga katangian ng bawat bata at ito’y nangangailangan ng patuloy na pag-adjust. Ani Beth, “So we always have to keep adjusting, especially nung dumating si baby number 4. So ang daming changes, ang daming adjustment not only in our parenting style but also in our own behavior.”

Ang pag-adjust ng kilos at istilo ng pakiki-ugnay sa anak ay maaari ring paraan upang maiparating ang pagmamahal para sa anak at para magpadaloy ng kaginhawaan sa kanilang ugnayan. Sabi ni Amy, “Kasi kahit na nag-aaway (kami mag-ina), kahit na nakikita kong kinokontra niya ako minsan, andun yung mahal mo siya. So ikaw nalang yung bababa sa lebel, ikaw yung mag-aadjust para maging maayos yung relasyon niyo.”

Pakikinig (Bukas na Komunikasyon)

Binanggit ng mga kalahok na nanay ang halaga ng pakikinig at pagpapadaloy ng bukas na komunikasyon sa kani-kanilang mga inampon na anak. Ibinahagi ni Amy kung paano niya pinadaloy ang bukas na komunikasyon sa kanilang mag-ina sa pamamagitan ng pagpapanatili ng kanyang presensya, pisikal man o emosyonal, para sa anak (na tinaguriang si Dina) at sa mga ibabahagi nitong karanasan, kahit hindi niya ito lubos na nauunawaan. Ani Amy, “So gusto ko, sa akin siya mag-oopen palagi. Kahit na nonsense yung kwentuhan namin minsan, pakikinggan ko siya. Basta yung maipadama ko lang sa kanya na basta nandito ako, nakikinig ako sayo.”

Si Beth naman ay nagkwento tungkol sa kanyang paninindigang maging bukas sa mga tanong ng anak, kahit tungkol sa kanilang kwentong pag-ampon (adoption telling). Ayon sa kanyaito ay nagpapakita at nagpapadama sa mga inampong anak ng maayos na pakikitungo sa loob ng isang pamilya. Ang pagiging bukas sa mga katanungan ay tanda rin ng kasiguraduhan ng kanyang presensya at psychological availability sa kanyang mga anak. Sabi ni Beth, “So I want to be available for them kapag meron silang questions, na hindi ko ididisregard yung mga tanong (nila), and show them hindi lang tell them, but show them kung paano talaga yung family.”

Bukod dito, naging bahagi ng kanyang pag-adjust ang pagpapalitaw ng mga iniisip at nararamdaman ng kanyang mga anak imbis na magdikta lang kung ano ang dapat nilang gawin. Upang magkaroon ng bukas na komunikasyon sa mag-ina, naunawaan ni Beth ang kahalagahan ng pagpapaliban ng paghuhusga (non-judgment) para mapawi ang takot ng mga anak na magpahayag ng saloobin. Ayon kay Beth:

So, I try to listen more and give them more avenues na hindi sila matakot to express. Nung una natatakot sila magexpress kasi nga alam nilang ico-correct o papagalitan (sila). Pero nasa learning ano pa ako niyan, malaking adjustment yan, I’m not there yet. But we are trying our best to give them more avenues to speak their mind.

Ayon kay Neil (2009), ang bukas na komunikasyon sa ugnayang mag-ina ay nakakaapekto sa pag-unlad ng batang inampon sa mga aspetong pang kilos (behavioral) at pandamdamin (emotional).

Ang mga temang naipamalas ng mga mag-inang kalahok ay nilagom sa Talahanayan 1. Makikita sa datos na tanging si Amy at Dina ang nagbahagi tungkol sa tema ng paninibago at pangingilala, na matingkad sa kanilang kwento tungkol sa pag-ampon o adoption telling. Lalong matingkad para kay Amy ang pangingilala ni Dina at ang karanasan na mas malapit si Dina sa kanyang tatay (asawa ni Amy) noong simula ng pagkikita nila. Kaugnay rito, tanging si Amy rin ang nagkwento tungkol sa pagkuha ng loob sa anak.

Makikita rin na ang datos ukol sa pagsubok ay mula sa ibinahagi ni Christine. Ito ay sapagka’t mas matingkad ang pagsubok sa kanilang karanasan sa pag-aampon. Ito ay naiimpluwensiyahan ng ilang salik, isa dito ay ang edad ni Gary nang siya ay ampunin. Si Gary ay 9 taong gulang nang ampunin at ang pag-ampon nang mas matanda sa sanggol ay isa sa mga risk factor para sa mahirap na pag-adjust at pagwaksi ng pag-aampon (adoption dissolution) (Barth & Berry, 1988). Isa pang salik ang pag-aampon ng magulang na nakatira sa ibang bansa, kung saan kailangang umangkop si Gary sa bagong kultura at wika ng kanyang pamilya at komunidad.

Talahanayan 1. Mga Tema Kaugnay sa Adjustment Ayon sa Bawat Mag-Inang Kalahok

KONKLUSYON: GINHAWA SA UGNAYANG MAG-INA

Paglalagom

Nabigyang-linaw ang proseso ng sikolohikal na adjustment ng mag-inang ampon sa pamamagitan ng mga ikinuwentong karanasan ng mga kalahok. Mayroong malalaking pagkakatulad ang mga karanasan ng mag-inang nag-ampon at bayolohikal na mag-ina. Ayon sa pag-aaral nina Koepke (1991), karamihan sa mga kalahok na nanay (bayolohikal man o nag-ampon) ay nakaranas ng positibong emosyon (sa bayolohikal na anak sa pagsilang nito, at sa inampong anak sa unang pagtatagpo) at koneksyon sa kanila bago pa man magkita (habang nasa sinapupunan pa lang ang bayolohikal na anak, o habang hinihintay ang adoptive placement ng na-match na anak na aampunin). Ang ibang mga aspetong nakapagpapadaloy ng ginhawa sa ugnayang mag-inang ampon tulad ng pagninilay, pag-adjust, at pakikinig ay matatagpuan din sa literatura bilang mga konsepto tulad ng parental sensitivity, warmth, at reflexive functioning sa konteksto ng tungkol sa ugnayan ng nanay (o magulang) at isinilang nilang anak (Slade, 2005; Santana-Ferrándiz et al., 2025; Moran et al., 2018). Ang mga konseptong nabanggit ay konektado rin sa mabuting kinahihinatnan (outcomes) ng pagpapalaki sa mga anak, bayolohikal man o ampon.

Isang natatanging karanasan sa ugnayan ng mag-inang ampon ay ang unang pagtatagpo, sapagkat sila’y ibang tao sa isa’t isa sa puntong iyon, habang ang bayokohikalna ugnayang mag-ina ay hindi-ibang tao sa isa’t isa sa simula ng kanilang relasyon. Para sa mga inang nag-ampon, ang unang pagtatagpo ay may dalang saya na naranasan kaagad at nakapagpagaan ng kanilang loob tungo sa kanilang inampon na anak. Ang mga anak naman ay nakaranas ng paninibago at pangingilala sa kadahilanan ng bagong kapaligiran at bagong kapamilya. Sa kabila ng hindi pagkakatugma ng pakiramdam sa unang pagtatagpo, nakatulong ang pambungad na saya ng ina para tumibay ang kanilang motibasyon na makuha ang loob ng anak sa pamamagitan ng pagninilay at pakikiramdam. Isa pang pagkakaiba sa konteksto ng mag-inang nag-ampon at bayolohikal ay ang magkaibang timeline sa paglalim ng kanilang ugnayan sa mga anak, kung saan mas nauuna ang simula ng pagdebelop ng ugnayan sa mga mag-inang bayolohikal. Kitang kita ito sa sitwasyon kung saan may edad na ang batang inampon. Isa pang pagkakaiba ang karanasan ng uncertainty at paghihintay na nakapaloob sa proseso ng pag-aampon. Bukod rito, mahalagang alalahanin na naiimpluwensiyahan ng mga nakaraang relasyon ng bata sa mga dating tagapangalaga ang pagbubuo ng ugnayan sa kanyang inang nag-ampon.

Pagdating sa pag-aampon, mahalagang pagyamanin ang ginhawa sapagkat ang kakulangan nito, na naipapahayag sa problematikong mga kilos ng bata at problema sa pakikipag-ugnayan sa magulang (attachment), ay risk factor para sa pagbuwag ng prosesong pag-aampon (adoption breakdown) (Barbosa-Ducharne & Marinho, 2018). Patungkol naman sa mga pamamaraan ng pagpapayaman ng ginhawa, ang pakikiramdam, pakikinig, at bukas na komunikasyon ay gumagabay sa ina kung paano i-adjust ang kanilang kilos, katulad ng pag-disiplina at pagbigay espasyo sa anak, para matugunan ang mga sikolohikal na pangangailangan ng anak. Sa pakikinig, nagkaroon ng bukas na komunikasyon at umunlad ang ugnayan ng mag-inang ampon kung saan ang ina ay hindi na “ibang tao” at ito ay nakapagpadaloy ng ginhawa sa pamamagitan ng gaan sa pagpapahayag ng pagmamahal sa isa’t isa. Sa paglapit ng loob, ang makabuluhang alaala ng anak ukol sa kanilang relasyon ay may saya. Sa pagpapalalim ng kalapitan ng kanilang loob, masasabi na posibleng nakamit ng mag-inang ampon ang mas malalim na ugnayan kung saan malaya na silang magbahagi ng kanilang mga damdamin at saloobin, kasama na ang pagbuo ng kanilang kwentong pag-ampon o adoption telling.

Sa lente ng ginhawa, nailarawan na may gaan at sayang naranasan ang mga ina sa unang pagtatagpo. Partikular sa kwento nina Amy at Dina ang gaan at saya ay nakatulong kay Amy na magpadaloy ng positibong unang interaksyon at positibong karanasan para kay Dina. Ang positibong karanasan na ito ay naipaloob sa kanilang kwentong pag-ampon, at nagdudulot ng saya kay Dina kapag kanilang ikinukwento. Sa kabila ng panimulang paninibago at pangingilala ng anak, ang gaan ng loob na pinamalas ng ina ay nagsilbing daluyan ng ginhawa tungo sa pagbuo ng ugnayan ng mag-inang ampon. Sa panahon ng pakikiramdam at honeymoon, ang sigla at gana naman ang matitingkad na karanasan na tumulong sa pagpapatibay ng kanilang ugnayan. Ito rin ang nakatulong sa mag-ina sa pagharap sa kanilang mga pagsubok. Ang sigla at gana ang nagbigay lakas at motibasyon sa ina na makinig at makiramdam sa anak para mas akma ang kaniyang pagtugon sa mga pangangailangang sosyal at emosyonal ng anak. Ang akmang pagtugon ay nakapagbibigay ginhawa sa anak at lalong nakapagpapatibay sa nabubuong ugnayan at ginhawa.  

Rekomendasyon

Maraming aral ang mapupulot sa mga karanasan ng mga kalahok na mag-inang ampon para masuportahan ang mga pamilyang nais mag-ampon at maalagaan ang kapakanan ng bata sa proseso ng pag-aampon.

Una, importante na bigyan ng kaukulang pansin at panahon ang posibleng paninibago at pangingilala ng bata sa mga unang araw. Para maramdaman nila na sila ay ligtas, hindi ito dapat madaliin at dapat matutong mag-masid ang mga magulang sa mga pangangailan ng bata. Mahalagang makiramdam at tumimpla ang mga magulang upang maangkop ang kilos nila sa inampong anak at hindi maging masyadong malayo o pang ibang tao ang kilos habang binibigyan rin ng karampatang espasyo ang batang naninibago at nangingilala pa. Kaugnay nito, mahalagang magkaroon ng mga bagay at karanasan (transition objects and experiences) bilang paghahanda para sa mga batang magsisimulang tumira kasama ng kanilang pamilyang mag-aampon.

Pangalawa, nakita natin ang kahalagahan ng saya sa pagpapagaan ng loob at ng karanasan ng ina at anak. Magandang pag-isipan kung paano mapapaigting ang saya at ligaya sa proseso ng pag-aampon. Isang paraan ay ang pagsuporta sa mga magulang na lumikha ng mga pagkakataon para makaranas ng ligaya at saya ang kanilang mga inampon na anak kasama ang mga magulang at maging ang buong pamilya. Ang karanasan ng pag-aampon ay nakapaloob sa mga prosesong ligal at administratibo na pwedeng magdala ng stress at di-kasiguraduhan. Mahalagang makadebelop ng pamamaraan at stratehiya upang masuportahan ang mga nag-aampon at naghahandang mag-ampon na nakababawas sa stress at di-kasiguraduhan sa proseso ng pag-ampon. Ang ligaya ang sumusuporta sa motibasyon ng ina para tumulong sa anak sa kabila ng mga hamon. Ang saya din ang nagbibigay ng positibong dimensyon sa adoption telling ng mga anak at tumutulong humubog ng positibong pagpapakahulugan sa pag-ampon.

Pangatlo, mainam na suportahan at bigyan ng kasanayan sa pakikiramdaman at pakikinig ang mga ina o magulang na gustong mag-ampon. Nakita rin natin sa karanasan ng mga kalahok kung paano naging mahalaga sa kanilang ugnayan at sa paglalapit ng loob ang mga kasanayang ito. Naging susi ang pakikinig sa pagkakaroon ng espasyo na maibahagi ng mga anak ang kanilang tunay na saloobin at damdamin. Lahat ng mga kalahok ay nakita agad ang kahalagahan ng pagtutugma ng loob at labas na realidad ng tao at naghayag ng pagnanais na maging kumportable ang mga anak na maihain ang kanilang tunay na nararamdaman. Ang ganitong suporta mula sa ina o magulang ay makakatulong sa pagpapalakas ng loob at pagiging matatag ng mga inampong anak sa mga hamong kanilang kinakaharap at kakaharapin pa. Kaugnay nito, iminumungkahi ang pagdebelop ng training program para sa mga magulang na mag-aampon na maglilinang sa mga kasanayan tulad ng pakikinig, pagtugon, at pakikiramdam pati ang pagsuporta sa tiyaga, pag-unawa, at non-judgment ng magulang sa bata. Kasama rin sa programa ang pagtuturo sa mga magulang kung paano suportahan at tugunan ang emosyon ng mga anak na inampon tulad ng kalungkutan at pangungulila sa paraan na angkop para sa developmental stage nila. Bukod dito, mahalaga ring matulungan ang mga magulang na maunawaan ang mga kilos ng mga anak, tulad ng agresyon, mula sa lente ng grief at attachment upang maiwasan ang pagpapakahulugan na ang mga kilos na ito ay sumasalamin sa masamang ugali ng bata o magulang. Maaaring isama ang paglahok sa programang ito bilang pangangailangan (requirement) sa aplikasyon para mag-ampon.

Mahalaga ring alalahanin na ang mga konklusyon ng papel na ito ay dapat bigyan ng pag-sasaalang-alang ayon sa partikular na konteksto ng mga kalahok na mag-ina. Maaaring iba ang proseso ng adoption adjustment at pag-unlad ng relasyon para sa ibang konteksto ng pag-aampon, tulad ng pag-ampon ng kamag-anak (kinship adoption),o sa ibang uri at komposisyon ng pamilya. Dahil dito, mahalaga ang pagsasaalang-alang ng konteksto ng pamilyang nag-ampon sa paglalapat ng mga rekomendasyon mula sa pag-aaral na ito.

Isa sa mga limitasyon ng pag-aaral na ito ay nakatuon lamang ito sa ugnayan ng mag-inang nag-ampon. Mainam na pag-aralan rin ang papel ng ama (o katuwang na magulang) at ng buong konstelasyon ng pamilya sa proseso ng adoption adjustment upang magkaroon ng komprehensibong lapit ang mga programang naglalayong magbigay ng suporta sa pamilyang nag-ampon. Bukod rito, mabuting mapag-aralan rin ang proseso ng pag-adjust ng mga pamilyang dumaan sa iba pang uri ng pag-aampon upang magkaroon ng karagdagang gabay sa mga serbisyo para sa mga nag-ampong pamilyang Pilipino.

Sa pagwawakas, ibinalangkas ng papel na ito ang mga maaaring gawin ng inang nag-ampon upang magpadaloy ng ginhawa para sa sarili, sa anak, at sa relasyong mag-ina sa proseso ng adoption adjustment. Bagamat ang pag-aampon ay may dalang likas na di kasiguraduhan at mga pagsubok, ang lumalalim at tumatatag na relasyon ng bata sa ina (o magulang) ay nagbubunga ng ginhawa tungo sa maayos na adjustment ng pamilyang nag-ampon. Inilarawan ng papel na ito ang mga karanasan ng mag-ina sa pag-adjust ng pamilyang nag-ampon at ito’y magagamit sa paghahanda ng mga pamilyang nag-iisip na mag-ampon at sa paggabay sa mga pamilyang nakararanas sa mga pagsubok dala ng adoption adjustment.

Mga Sanggunian

Barbosa-Ducharne, M., & Marinho, S. (2018). Beyond the child’s age at placement: Risk and  protective factors in preadoption breakdown in Portugal. Research on Social Work  Practice, 29(2), 143-152. https://doi.org/10.1177/1049731518783855

Barth, R. P., & Berry, M. (1988). Adoption and disruption: Rates, risks, and responses. Aldine de Gruyter.

Bautista, V.V. (2024). Ang halaga at hamon ng pagdalumat sa ginhawa. In Bautista & Salador  (eds.). Ang ginhawa bilang hangarin at balangkas: Sa paglikha ng mga mapagkalingang  unibersidad. Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining: Manila.

Bautista, V.V. (2019a). Indigenous clinical psychology in the Philippines: from practice to theory building. In Pe-Pua (ed.). Handbook of Filipino Psychology Volume 2: Application, 203-218, UP Press: Quezon City.

Bautista, V.V. (2019b). Gaan at gana sa buhay: sikolohiya ng sarap, ligaya, at ginhawa sa pananaw ng sikolohiyang pangklinika. In Pe-Pua (ed.). Handbook of Filipino Psychology Volume 2: Application, 230-243, UP Press: Quezon City.

Beltran, B. (2023, February 6). Left in Limbo: Breaking the stigma surrounding adoption in the Philippines. Philippine Star. https://www.philstar.com/headlines/2023/02/06/2242952/left-limbo-breaking-stigma-surrounding-adoption-philippines

Bosmans, G., & Kerns, K. A. (2015). Attachment in middle childhood: Progress and prospects. New directions for child and adolescent development, 2015(148), 1–14. https://doi.org/10.1002/cad.20100

Braun, V., & Clarke, V. (2021). Can I use TA? Should I use TA? Should I not use TA? Comparing reflexive thematic analysis and other pattern‐based qualitative analytic approaches. Counselling and Psychotherapy Research, 21(1), 37-47. https://doi.org/10.1002/capr.12360

Bretherton, I., & Oppenheim, D. (2003). The MacArthur story stem battery: Development,  administration, reliability, validity, and reflections about meaning. In R.N. Emde, D.P. Wolf, & D. Oppenheim (Eds.)., Revealing the inner worlds of young children: The Macarthur story stem battery and parent-child narratives (pp. 55-80). Oxford University Press.

Brodzinsky, D. M., & Schechter, M. D. (Eds.). (1990). The psychology of adoption. Oxford University Press.

Brodzinsky, D., Gunnar, M., & Palacios, J. (2021). Adoption and trauma: Risks, recovery, and  the lived experience of adoption. Child abuse & neglect, 130(2), 105-309. https://doi.org/10.1016/j.chiabu.2021.105309

Collinge, S. (2013). Adoption disruption: the experience of five young women. [Doctoral thesis, University of Leeds]. Department of Social Work and Development. (n.d.). Local adoption: Requirements and procedures. https://old.dswd.gov.ph/faqs/local-adoption-requirements-and-procedures/

Farnfield, S. (2016). The Child Attachment and Play Assessment (CAPA): Validation of a new approach to coding narrative stems with children ages 3–11 years. International Journal of Play Therapy, 25(4), 217–229. https://doi.org/10.1037/a0038726

Fontenot, H.B. (2007). Transition and adaptation to adoptive motherhood. Journal of Obstetric, Gynecologic, and Neonatal Nursing, 36(2), 175-82.

Greene, S., Kelly, R., Nixon, E., Kelly, G., Borska, Z., Murphy, S., & Daly, A. (2008). Children’s recovery after early adversity: Lessons from intercountry adoption. Child Care in Practice, 14(1), 75–81. doi:10.1080/13575270701733757

Hajal, F., & Rosenberg, E. B. (1991). The family life cycle in adoptive families. The American Journal of Orthopsychiatry, 61(1), 78–85. https://doi.org/10.1037/h0079224

Hodges, J., Steele, M., Hillman, S., Henderson, K., & Kaniuk, J. (2003). Changes in attachment representations over the first year of adoptive placement: Narratives of maltreated children. Clinical Child Psychology and Psychiatry, 8(3), 351–367. https://doi.org/10.1177/1359104503008003006

Hughes, K., Bellis, M. A., Hardcastle, K. A., Sethi, D., Butchart, A., Mikton, C., Jones, L., & Dunne, M. P. (2017). The effect of multiple adverse childhood experiences on health: a systematic review and meta-analysis. The Lancet. Public health, 2(8), e356–e366. https://doi.org/10.1016/S2468-2667(17)30118-4

Jocson, L.M.J. (2023, June 2). Many Filipino parents go through pains of lengthy adoption process. Business World. https://www.bworldonline.com/top-stories/2023/06/02/526342/many-filipino-parents-go-through-pains-of-lengthy-adoption-process/.

Juffer, F., Palacios, J., Le Mare, L., Sonuga-Barke, E.J.S., Tieman, W., Bakermans-Kranenburg, M.J., Vorria, P., van IJzendoorn, M.H. and Verhulst, F.C. (2011). Development of adopted children with histories of early adversity. Monographs of the Society for Research in Child Development, 76(4), 31–61. https://doi.org/10.1111/j.1540-5834.2011.00627.x

Koepke, J. E., Anglin, S., Austin, J., & Delesalle, J. (1991). Becoming parents: Feelings of  adoptive mothers. Pediatric Nursing, 17(4), 333–336.

Levy, T. M., & Orlans, M. (2003). Creating and repairing attachments in biological, foster, and adoptive Families. In S. M. Johnson & V. E. Whiffen (Eds.), Attachment processes in couple and family therapy (pp. 165–190). Guilford Press.

Lyttle, E., McCafferty, P., & Taylor, B. J. (2021). Experiences of adoption disruption: Parents’ perspectives. Child Care in Practice, 30(3), 333–352. https://doi.org/10.1080/13575279.2021.1941767

Ma, C., Maglalang, R., Magtalas, V., Malahito, G., Malesibo, M. A., Malicsi, P., Manalo, J.L.,  Manansala, K., Manuel, M.A., Martinez, J.R., Medina, A.S., Mejia-Samonte, M., Mendoza, E., Mendoza, M.A., Mendoza, P.M. (2003). A retrospective cohort study on the psychosocial effects of adoption and multiplacement foster care among selected teenagers in Metro Manila. University of the East Ramon Magsaysay Memorial Medical Center Journal of Health Sciences, 6(3), 52-59.

Moran, K. M., Turiano, N. A., & Gentzler, A. L. (2018). Parental warmth during childhood  predicts coping and well-being in adulthood. Journal of the Division of FamilyPsychology of the American Psychological Association (Division 43), 32(5), 610–621. https://doi.org/10.1037/fam0000401

Neil, E. (2009). Post-adoption contact and openness in adoptive parents’ minds: Consequences for children’s development. British Journal of Social Work, 39, 5-23.

Neil, E. (2012). Making sense of adoption: Integration and differentiation from the perspective of adopted children in middle childhood. Children and Youth Services Review, 34(2), 409–416. doi:10.1016/j.childyouth.2011.11.011

Pace, C. S., Zavattini, G. C., & Tambelli, R. (2015). Does family drawing assess attachment representations of late-adopted children? A preliminary report. Child and adolescent mental health, 20(1), 26–33. https://doi.org/10.1111/camh.12042

Pace, C. S., Di Folco, S., Guerriero, V., Santona, A., & Terrone, G. (2015). Adoptive parenting and attachment: association of the internal working models between adoptive mothers and their late-adopted children during adolescence. Frontiers in psychology, 6, 1433. https://doi.org/10.3389/fpsyg.2015.01433

Petersen, A. C., Joseph, J., Feit, M., Committee on Child Maltreatment Research, Policy, and Practice for the Next Decade: Phase II, Board on Children, Youth, and Families, Committee on Law and Justice, Institute of Medicine, & National Research Council (Eds.). (2014). New Directions in Child Abuse and Neglect Research. National Academies Press (US).

Republic of the Philippines. (2022). Domestic administrative adoption and alternative child care act (R.A. No. 11642).

Robinson, J. L. (2007). Story stem narratives with young children: Moving to clinical research and practice. Attachment & human development, 9(3), 179–185. https://doi.org/10.1080/14616730701453697

Sand, H., Sticca, F., Wehrle, F.M., Eichelberger, D.A., Simoni, H., Jenni, O.G., & Lannen, P. (2024). Effects of early institutionalization involving psychosocial deprivation on cognitive functioning 60 years later: Findings of the LifeStories project. Child Abuse & Neglect, 154.

Santana-Ferrándiz, M., Ibáñez-Pérez, J., & Moret-Tatay, C. (2025). Empathy and parental sensitivity in child attachment and socioemotional development: A systematic review from emotional, genetic, and neurobiological perspectives. Children, 12(4), 465. https://doi.org/10.3390/children12040465

Schmeck K. (2020). Long-Term Consequences of Early Neglect and Abuse. Psychiatria Danubina, 32(Suppl 3), 343–345.

Schofield, G., & Beek, M. (2005). Risk and resilience in long-term foster-care. British Journal of Social Work, 35(8), 1283–1301. https://doi.org/10.1093/bjsw/bch213

Slade A. (2005). Parental reflective functioning: An introduction. Attachment & Human Development, 7(3), 269–281. https://doi.org/10.1080/14616730500245906

Steele, M., Hodges, J., Kaniuk, J., & Steele, H. (2010). Mental representation and change: Developing attachment relationships in an adoption context. Psychoanalytic Inquiry, 30(1), 25–40. https://doi.org/10.1080/07351690903200135

Tarroja, M.C. (2007). Filipino adoptive families’ experiences: A qualitative analysis of disclosure and adjustment issues. Philippine Journal of Psychology, 40.

Van Ijzendoorn, M. H., & Juffer, F. (2006). The Emanuel Miller Memorial Lecture 2006: adoption as intervention. Meta-analytic evidence for massive catch-up and plasticity in physical, socio-emotional, and cognitive development. Journal of child psychology and psychiatry, and allied disciplines, 47(12), 1228–1245. https://doi.org/10.1111/j.1469-7610.2006.01675.x