[DIWA E-Journal Tomo 10, Nobyembre 2025] Ayuda sa Konteksto ng Ginhawa at Pakikipagkapwa sa Panahon ng Pandemya: Pagsusuri mula sa Salaysay ng mga Tsuper sa Isang Baranggay sa Maynila
Kevin Paul “Ose” D. Martija
Departamento ng Agham Panlipunan
University of the Philippines (UP), Los Baños, Laguna
Abstrak
Isang hindi inaasahang pagsubok sa bayan ang pandemyang dulot ng COVID-19 o Wuhan virus na talaga namang puminsala sa kabuhayan ng marami sa atin sa nakalipas na mga taon. Sa panahon ng pagpapatupad ng pamahalaan sa Enhanced Community Quarantine noong Marso 16 ng taong 2020, maraming mga Pilipino ang nawalan ng kabuhayan at umasa na lamang sa pinangakong ayuda na ibibigay ng pamahalaan. Bibigyang tuon ng papel na ito ang pagsusuri sa mga naratibong nakuha sa mga tsuper o jeepney drivers na dalawang buwang naipit sa isang garahe sa isang baranggay sa Maynila nang ipatupad ang ECQ. Sentral na tutukuyin sa saliksik ang papel ng ayuda bilang anyo ng ginhawa sa ugnayan ng mga tsuper sa mga namumuno sa kanilang baranggay, sa kanilang mga kapitbahay, at sa kani-kanilang mga sarili. Tutukuyin ang ugnayang ito sa pamamagitan ng Semiotikong Parisukat ng Kaluluwa at Ginhawa upang sa mayamang naratibo ng mga tsuper ay mapalitaw ang mga importanteng hahalagahin at konseptong katutubong maiuugnay sa pagharap ng mga ordinaryong mamamayan at ng komunidad na kanilang kinabibilangan sa panahon ng pandemya.
Mga susing salita: ayuda, enhanced community quarantine, pakikipagkapwa, ginhawa
Abstract
COVID-19, also known as the Wuhan virus, brought about an unexpected crisis for the nation that severely damaged the livelihoods of many people in recent years. During the implementation of the government’s Enhanced Community Quarantine (ECQ) on March 16, 2020, many Filipinos lost their means of living and had to solely rely on the promised financial aid (ayuda) to be provided by the government. This paper focuses on the analysis of the narratives collected from jeepney drivers who were stranded for two months in a garage in a certain barangay in Manila when the ECQ was enforced. The research centrally examines the role of ayuda as a form of ginhawa in shaping the relationships of the drivers within themselves, their barangay leaders, and their neighbors. This relationship will be examined through the Semiotikong Parisukat ng Kaluluwa at Ginhawa so that, through the rich narratives of the drivers, the study may highlight important values and indigenous concepts connected to how ordinary citizens and the communities to which they belong confronted the challenges brought about by the pandemic.
Keywords: financial aid, enhanced community quarantine, pakikipagkapwa, well-being
PANIMULA
Lubos na naapektuhan ang Pilipinas dahil sa COVID-19 o Wuhan virus. Idineklara ng WHO ang pananalasa nito bilang isang pandemya noong Marso 11, 2020 (Ducharme, 2020). Ibig sabihin, buong mundo ay apektado kabilang na ang Pilipinas. Enero palang ng taong iyon nang maitala sa Pilipinas ang kauna-unahang kaso ng Wuhan virus (Paris, 2020). Makalipas nito’y unti-unting nagbago ang buhay ng mga Pilipino nang isinailalim sa State of Public Health Emergency ang bansa hanggang sa isailalim sa Community Quarantine ang ilang lugar sa kapuluan. Dahil sa pagsasara ng mga industriya liban na lamang sa mga serbisyong esensyal, maraming mga Pilipino ang napinsala ang kabuhayan. Karamihan ay umasa na lamang sa pangakong ayuda mula sa Pambansa at Lokal na Pamahalaan.
Sa katuturang ito’y sasaysayin sa papel na ito ang salaysay ng mga tsuper sa isang baranggay sa Maynila. Ang mga naratibong ito’y bahagi ng mga nalikom na datos at salaysay mula sa proyektong “Kwentong Buhay sa Panahon ng ECQ,” isang personal na proyektong sinimulan sa isang patalastas sa social media na layuning mangalap ng datos at mga salaysay hinggil sa danas ng ilang mga sektor habang umiiral ang ECQ. Nasumpungan ang naturang mga tsuper sa isang garahe sa Maynila kung saan nananawagan sila ng ayuda at donasyon mula sa kanilang komunidad. Inirereklamo din nila ang anila’y pagpapabaya ng pamunuang baranggay sa kanila.
Tutukuyin sa saliksik na ito ang ayuda bilang isang anyo ng ginhawa na higit na kinailangan ng mga nasa laylayan, tulad ng mga tsuper sa panahong umiiral ang community lockdown. Sa unang bahagi ng papel ay dadalumatin ang kahulugan ng ginhawa at ugnayan nito sa pamumunong bayan. Matapos ay iuugnay ang mga konseptong ito sa ayuda bilang anyo ng ginhawa sa pananalasa ng pandemyang. Higit pa, sasalaysayin din ang ilang mga importanteng pangyayaring may hinggil sa mga direktibang pinag-utos ng pamahalaang lokal at pambansa na may kinalaman sa pamamahagi ng ayuda. Sisipiin matapos ang mga salaysay ng mga tsuper na na-stranded sa isang garahe sa Maynila. Sa mga naratibong ito hahalaw ng pagsusuri sa ugnayang may kinalalaman sa pagbibigayan ng ginhawa, pagdadamayan, at mga kakulangan sa parte ng pamunuang pambaranggay. Sa mas malalimang pagsusuri’y gagamitin ang Semiotikong Parisukat ng Kaluluwa at Ginhawa upang tukuyin ang posisyon ng mga pinunong-bayan at agarang komunidad sa kanilang naratibo sa konteksto ng pakikipagkapwa at pagdadamayan sa pamamagitan ng pagbabahagi ng ginhawa o ayuda.
METODO NG PANANALIKSIK
Sinuri ng papel na ito ang mga salaysay ng labing-apat (14) na tsuper tungkol sa kanilang karanasan sa halos dalawang buwang pagkakatengga sa garahe ng jeep na kanilang pinapasada. Ang mga naratibong ito ay punong-puno ng mga personal na tala ng dinanas nilang hirap at mga ginhawang naipaabot sa kanila upang mairaos nila ang dalawang buwang lockdown mula Marso hanggang Mayo taong 2020. Dahil limitado lamang sa salaysay ng labing-apat na tsuper sa isang partikular na baranggay sa Maynila at sa isang partikular na panahon ng pandemya, hindi ibig banggitin ng saliksik na ito na unibersal na panukat ang kanilang danas at mga naging pagsusuri sa kanilang kapaligiran.
Mayo 8 noong unang makausap ang ilang mga tsuper at muling bumalik noong Mayo 15, 2020. Limitado rin ang naging kaparaanan ng pagkuha ng mga datos dulot ng umiiral na mga alituntunin sa panahong isinagawa ang saliksik gaya ng physical distancing. Dahil karamihan nga sa mga tsuper ay wala namang electronic device, minabuting dalhan na lamang sila ng papel at ballpen upang itala ang kanilang karanasan sa garahe sa nakalipas na dalawang buwan mula nang ipatupad ang lockdown ng Marso 2020. Binanggit ko sa kanila na itala nila ang nais nilang itala na para bagang nagkukwento lamang. Mas maigi kung isasalaysay ang mga personal na karanasan, mga tala ukol sa pamilya, at syempre sa komunidad kung saan maaari ding magbigay ng opinyon hinggil sa mga nangyayari sa bansa. Makalipas ang ilang araw, naipasa na nila sa akin ang kanilang mga personal na salaysay. Sa tinatayang tatlumpung (30) tsuper sa garahe, 14 ang nagpasa sa akin ng mga liham. Hindi ilalathala sa papel na ito ang tunay na pangalan ng mga tsuper at ilan pang sensitibong detalye ukol sa kanilang buhay.
UGNAYAN NG GINHAWA AT PAMUMUNONG-BAYAN
Ano ang kahulugan ng ginhawa? Ang ginhawa ay kaugnay ng paghinga. Sa pag-aaral ng mga wikang may kaugnayan sa salitang ginhawa ng mga Tagalog, sinasabing iisa ang kahulugan sa naturang salita ng mga etnolinggwistikong-grupo sa Pilipinas at ito ay nauukol sa maluwag na paghinga (Paz, 2008, p. 5; Rivas et al, 2019, p. 312). Sapagkat kaugnay ng paghinga, ang ginhawa ang siyang kumakatawan sa buhay o pakiramdam na walang pasakit dahil nakamtam na ang hangad (Paz, 2008, p. 3). Aalaumbaga, ang kasabihang nakaluluwag ay nangangahulugang mayroon ng ginhawang pangkaraniwan ay materyal na natamo o dili naman kaya’y nabunutan na ng tinik – nawala na ang mga pangamba’t pasakit kaya nga pangkaraniwan nating sinasabi na nakahinga na nang maluwag kapag naibsan na ang sama ng loob o kaya nakaalpas sa dinaranas na hirap. Samakatuwid, nakamtan na ang ginhawa.
Sa kabilang banda, hindi lang sa paghinga maiuugnay ang ginhawa; maiuugnay din ito maging sa ating tiyan din o sa ating sikmura (Covar, 2015, p. 84; Rivas et al, 2019, p. 491). Gayon, makikita ang pagkakaugnay ng ginhawa sa ugnayan ng loob at sikmura ng pagkataong Pilipino. Halimbawa, sinasabi natin na hindi ko masikmura kapag pinanghihinaan tayo ng loob na tignan o danasin ang isang bagay. Gayundin kapag napagtagumpayan ang isang kalunos-lunos na sitwasyon bagamat labag sa loob – nagawang sikmurain. Sikmura din ang siyang batayan kung masama ang ating pakiramdam, kaya nga sa mga pagkakataong nagkakasakit, sinasabi nating masama ang sikmura ko /sinisikmura.
Mahihinuha sa bagay na ito ang basa ni Salazar sa kaugnayan ng ginhawa at pagkain. Aniya, ang pagkain ang isa sa pinakamahalagang anyo ng materyal na ginhawa. Bukod dito, mahalaga rin ang pagkain sa konteksto ng pakikipag-ugnayang Pilipino. Kinikilala rin ni Salazar ang gampanin ng pagkain sa pakikipagkapwa at pagbabahagi ng ginhawa.
“Ang pagkain ang pinakabase ng buhay. Ang ‘ganang kumain’ ay hindi nalalayo rito. Ang ‘ganang kumain’ bilang kahulugan ng ginhawa ay higit na nakatatawag ng pansin. Isang tanda ito ng kalusugan; ang pagbabalik ng ganang kumain ay nagpapahiwatig ng paggaling ng taong maysakit; sa kinagisnang teorya, nanunumbalik na o nagkakaroon muli ng ginhawa.” (Salazar sinipi sa Guillermo, 2015, p.201).
Sinasabi ngang ginhawang materyal ang pinaka-importante lalo na ang pagkain. Karaniwan, basta may pagkaing pinagsasaluhan ay nakasasapat na para masabi ng isang komunidad na mayroong ginhawa ang pamumuhay (Paz, 2008, p.8). At naghahanap-buhay naman ang mga tao sa isang lipunan upang makabili ng pagkain sapagkat ang pagkain ang pinagmumulan ng ginhawa. Ang kawalan ng hanap-buhay ay detrimental sapagkat nangangahulugan ito ng kawalan ng seguridad sa makakain, samakatuwid, kawalan ng ginhawa. Banggit nga ni Santos: “[A]ng estado ng kabusugan ay estado ng kaginhawaan, at ang kawalan ng makakain ay kawalan ng kaginhawaan.” (Santos, 2020, p.66).
Samakatuwid, ang pinaka-importanteng anyo ng materyal na ginhawa ay ang pagkain at kakayanang mapunan ang sikmura sa ikauunlad ng ating pagkatao at kaluluwa. Sukatan din ng pagkatao at pakikipagkapwa ang kakayanang magbahagi ng pagkain. Mas tumitindi ang pangangailangan dito, sa pamumudmod ng ginhawa sa anyo ng pagkain, sa mga pagkakataong nakararanas ng sakuna o kagutuman ang isang bayan. Ang tungkuling masiguro ang kaginhawaang-bayan sa mga panahon ng sakuna kung saan kumakalam ang sikmura ng sambayanan ay nakaatang sa mga pinunong-bayan. Sa relasyong pinuno-sakop na meron ang sambayanang Pilipino, ilan sa mga katangian ng mahusay na lider sa mata ng kanyang nasasakupan ay ang sumusunod: 1. palakaibigan, matiyaga, maimpluwensya; 2. Umaastang magulang, mala-tatay (Dumaop, 2013). Kaugnay ng pag-asta bilang magulang sa kanyang nasasakupan ang pagsisiguro ng mga pinuno na maayos ang kalagayan, aalaumbaga, may ginhawa ang mga mamamayan. Ayon naman kay Kimuell-Gabriel, masasakategorya sa apat na uri ang ginhawa na inaasahan mula sa mga pinunong-bayan sa sinaunang pamayanan ng ating mga ninuno. Ito ay ginhawang materyal, ispiritwal na kapayapaan, seguridad at depensa, at paglinang ng mga teknolohiya (Kimuell-Gabriel, 2012). Tulad ng nabanggit na sa taas, ang isa sa pinakamahalagang uri ng ginhawa ay ang materyal na ginhawa sa anyo ng pagkain. Kung tutuusin, batayan o panukat ng mga mamamayan sa kanilang pinuno ang kakayanan nitong magbigay ng materyal na ginhawa lalo sa panahon ng sakuna. Karagdagan pa:
“Masasabing nakasalalay ang kapangyarihan ng namumuno sa kakayahan nitong magbigay ng ginhawa sa kanyang pamayanan o nasasakupan… Ang pagtangkilik sa kanya ay resulta ng kakayahan niyang magbigay-ginhawa (sa prinsipyo ng pamuling pamumudmod) at seguridad sa kanyang nasasakupan.” (Kimuell-Gabriel, 2012, p.83)
Sa kasalukuyan, ito pa rin ang panukat natin sa kakayahang mamahala ng ating mga pinuno. Katunayan, sa panahon ng kanilang panunungkulan, ito ang batayan ng mga mamamayan sa patuloy na pagsuporta sa kanilang mga hinalal na kandidato. Ang kawalang kakayanan din sa pamamahagi nito sa panahong kinakailangan ang siya ring maaaring dahilan sa pagputol ng magandang ugnayan o sa pagtatwa ng kapangyarihan ng pinuno ng kanyang mga nasasakupan.
ANG “AYUDA” BILANG GINHAWA SA PANAHON NG PANDEMYA
Dulot ng COVID-19 pandemic, isinailalim sa Enhanced Community Quarantine ang buong Kamaynilaan simula noong Marso 16, 2020 (at kalaunan ay Luzon hanggang sa buong kapuluan na apektado o may naitalang kaso ng COVID-19 o Wuhan virus). Dulot nito, sinuspinde ang lahat ng kabuhayan ng bawat tao. Pinasara ang mga mall, restawran, eskwelahan, at lahat ng opisina. Ang lahat ng uri ng transportasyon ay suspendido rin. Ang bawat kabahayan ay binigyan lamang ng tig-iisang quarantine pass, ibig sabihin, isang tao lang sa bawat tahanan ang maaaring lumabas upang bumili ng mga pangangailangan. Epektibo ring ipinatupad sa buong period ng quarantine ang curfew mula ika-8 ng gabi hanggang ika-5 ng umaga.
Dulot ng kawalan ng kabuhayan at kawalan ng kasiguraduhan kung kailan muling makakabalik sa kani-kanilang trabaho, maraming mga Pilipino ang nakaranas ng hirap sa panahon ng pandemya. Noong Abril 2020, sa isang survey, tinatayang may 58% ng mga Pilipino ang hindi nakabili o nahirapang makabili ng mga pangunahing pangangailangan (Luna, 2020). Sa buwan naman ng Mayo, tinatayang dumoble ang bilang ng mga mamamayang gutom sa panahon ng pandemya. Isa sa limang nasa Kamaynilaan o aabot sa 693,000 pamilya ang nakaranas ng gutom mula Pebrero hanggang Abril ng taong iyon (Lalu, 2020). Tinataya ngang lumala ang kahirapan at pinaka-apektado ang mga nasa laylayan ng lipunan noong ipinatupad ang ECQ.
Sa katuturang ito, inilabas ang Proklamasyon Blg. 922 o ang deklarasyon na nagsasailalim sa buong kapuluan sa State of Public Health Emergency na pinirmahan ng Presidente noong Marso 8, 2020 o isang linggo mahigit bago pa man isailalim ang buong Kamaynilaan sa ECQ. Minandato ang mga LGU at lahat ng ahensya ng pamahalaan upang kumilos kaisa ng pamahalaang pambansa sa pagtugon kontra sa nasabing Wuhan virus at upang pangalagaan ang mga mamamayan.
Samantala, binanggit naman nga ng Presidente ang tila baga pagpapasa ng responsibilidad sa mga alkalde ng mga LGU kontra sa pagkalat ng virus noong Marso 16 samantalang binawi niya ito noong Marso 20 at binalaan ang mga hindi susunod sa binuong Inter-agency Task Force (IATF) kontra-Wuhan virus. (Tomacruz, 2020).
Noong Marso 23, 2020 naman, isinabatas ng Kongreso ang Bayanihan to Heal as One o batas na nagbibigay ng special powers sa Pangulo sa laban ng pamahalaan kontra-Wuhan virus. Sa Seksyon 4-C ng naturang batas nakalahad ang sumusunod:
“Provide an emergency subsidy to around eighteen (18) million low income households: Provided, That the subsidy shall amount to a minimum of Five thousand pesos (P5, 000.00) to a maximum of Eight thousand pesos (P8, 000.00) a month for 2 months: Provided, further, That the subsidy shall be computed based on the prevailing regional minimum wage rates: Provided, finally, That the subsidy received from the current conditional cash transfer program and rice subsidy shall be taken into consideration in the computation of the emergency subsidy as provided for this act.”
Sa nilathalang anunsyo ng DBM noong Marso 24, 2020, sinasabing may kabuuang budget ang gobyerno bilang Social Amelioration Program o (SAP) na nagkakahalagang halos dalawang daang bilyong piso (PhP 199,975,309,353.00). At tulad ng sinipi sa taas, bawat benepisyaryo ay makatatanggap ng Php 5,000 hanggang Php 8,000. Ang naunang inatasang mangasiwa sa pamamahagi ng SAP sa buwan ng Abril ay ang Department of Social Welfare and Development o DWSD (Gita-Carlos, 2020) samantalang pinag-utos naman ng Presidente noong Mayo na ilipat ang pangangasiwa ng distribusyon ng SAP sa AFP at PNP (Punongbayan at Romero, 2020). Sa isang anunsyo noong Abril 29, sinabi rin ng Presidente na may karapatang magreklamo ang lahat ng mga mamamayang hindi makatatanggap ng tulong sa pamahalaan (Escudero, 2020). Higit sa batas na ito na nagmamandatong bigyan ng karampatang subsidiya ang mga mamamayang apektado ng pandemya, nanawagan din ang gobyerno na bigyan ng cash-aid ang mga empleyado ng mga pribadong kumpanya na apektado ng ECQ (Patinio, 2020).
Sa Maynila naman, nagbigay ng tig-isang libong piso sa bawat kabahayan ang Lokal na Pamahalaan ng Maynila noong Abril at Mayo (Marquez, 2020), kasabay ng ilang beses na pamamahagi sa bawat kabahayan ng mga relief pack ng pagkain kagaya ng mga de-lata at bigas. Ganun pa rin ang sistema ng pagbabahagi, bawat isang tahanan ay may isang tao lamang ang mabibigyan na karaniwan ay yaong tumatayong puno ng pamilya. Sa ganitong konteksto umalingawngaw at naging popular sa kamalayan ang salitang ayuda sa panahon ng pandemya. Ang salitang ayuda ay galing sa salitang Espanyol na ayudar, nangangahulugang tulong. Sa ganang akin, nagkaroon ito ng espesipikong kahulugan sa panahon ng pandemya at iba ito marahil sa pagkakaunawa natin sa relief goods, o mga pangunahing pangangailangan na karaniwan ay nasa relief packs na pinadadala sa mga mamamayan tuwing nananalasa ang mga bagyo o pagputok ng bulkan. Naging pantukoy din ang ayuda sa mga salaping pinapadala sa kamag-anak upang tulungan silang makaraos sa pagkakataong ito. Madalas sabihin halimbawa ng aking ina o mga kamag-anak sa aming magkakapatid na, magpadala naman kayo ng ayuda sa tuwing kinakailangan nila ng salapi. Ganito na rin ang usapan sa mga huntahan sa social media. Ibig sabihin, hindi lang salapi o tulong mula sa pamahalaan ang pagpapakahulugan sa ayuda. Pumapatungkol sa anumang materyal na tulong sa anyo man ng pagkain o pera sa panahon ng pandemya ang salitang ayuda at tunay ngang tumagos ito sa ating kamalayan.
Ang pananatiling malay sa mga anunsyo at balita mula sa pamahalaang pambansa at lokal na pamahalaan ang dahilan kung bakit nagmamatyag ang bayan lalo na ang mga nasa laylayan kung maabutan sila ng pangakong tulong o ayuda. Sa kontekstong ito, tinutukoy na ang ayuda ay ginhawa para sa napakaraming mamamayan sa panahon ng pandemya. Sa panahon ng malawakang kagutuman, pagkapinid ng hanap-buhay, at panganib na dulot ng Wuhan virus, inaasahan ng bawat mamamayan na makatatanggap sila ng ginhawang ito na ipinangako ng pambansa at lokal na pamahalaan sa kani-kanilang mga komunidad. Aalaumbaga, ang inatasang mangasiwa at haharap sa bawat kabahayan ay walang iba kundi ang mga opisyales ng baranggay kasama ang mga ahente ng lokal na pamahalaan. Sila ang naatasang umalalay sa mga ito para tukuyin ang bawat pamilya o indibidwal na karapat-dapat na bigyan ng tulong ng pamahalaan sapagkat sila ang inaasahang direktang may tala ng bawat indibidwal sa kani-kanilang nasasakupan. Samakatuwid, sila ang inaasahang tagapagpaganap ng pinangakong ginhawa ng pamahalaan sa anyo ng ayuda.
NARATIBO NG PASAKIT, HINAING, AT DAMAYAN SA MGA SALAYSAY NG MGA TSUPER
Nagsimula ang may-akda ng isang proyekto sa social media na pinamagatang Kwentong-Buhay sa Panahon ng ECQ. Layunin ng naturang proyekto na itala ang karanasan ng mga taong nais magpadala ng liham, elektroniko man o personal na tala, hinggil sa buwanang karanasan sa panahon ng ECQ. Naunang nagpasa sa unang buwan, o noong buwan ng Abril ang aking mga mag-aaral at ilang mga health workers. Sa paglilibot sa ilang bahagi ng Maynila noong buwan ng Mayo, nasumpungan ko ang isang garahe ng mga jeepney drivers sa isang baranggay sa Maynila. May malaking karatula sa gate ng naturang garahe kung saan nakasaad ang anunsyong ito:
“30 JEEPNEY DRIVERS HALOS DALAWANG BUWAN NA KAMING NA-HARD
LOCKDOWN DITO SA GARAHE. AYUDA NG GOBYERNO!!!
AYUDA NG BARANGAY (DI BINIGYAN NG QUARANTINE PASS ETC!!!
WALA PA???”
Napukaw agad ang aking atensyon ng karatulang ito sapagkat hindi nga naman laging maghahayag ng ganitong pagka-dismaya ang mga ordinaryong mamamayan kagaya ng mga tsuper. May ilang kahon din sa tapat ng kanilang garahe kung saan maaaring maglagay ng donasyong pagkain o pera para sa kanila.
Bilang bahagi ng proyekto at sa hangarin ding makatulong, nagkaroon ako ng interes na subukang makipag-ugnayan sa mga tsuper na ito. Sa aking naunang pagtatanong-tanong sa kanila (may physical distancing), nalaman kong iisa lang ang may quarantine pass sa buong garahe kung saan nga naipit ang tinatayang 30 tsuper. Hindi rin naman sila miyembro ng kahit anong pang-masang organisasyon. Samakatuwid, hindi isang organisadong protesta ang isinagawa nila. Bagkus, ang kanilang maigting na pagtatanong sa pamamagitan ng anunsyo ay isang organikong pagtugon sa kawalan ng karampatang serbisyo mula sa pamahalaan. Ito’y dala talaga ng maigting na pagkwestyon kung bakit wala silang natanggap na karampatang serbisyo. Wala daw silang natanggap na tulong mula sa baranggay at naubos na rin ang salaping naipon ng may-ari ng garahe o ng mga jeep na kanilang binabyahe dalawang buwan halos makaraang ipatupad ang ECQ. Dahil dito, nagpasya ako na hingan ng naratibo ang mga tsuper ukol sa karanasan nila sa panahong ito.
Kakatwang isipin na bagamat binanggit ko sa mga tsuper na maaaring isulat ang mga nais nilang isulat at nilinaw na nangungulekta lamang ako ng naratibo, ang bawat isang tala na aking natanggap ay naglalaman ng tila ba sumbong hinggil sa sitwasyon nila sa garahe. Karamihan sa mga tsuper ay na-stranded sa garahe dahil nga sa biglaang lockdown. Karamihan sa kanila’y may pamilya na nasa probinsya at umaasa lamang sa kinikita nila dito sa Maynila subalit hindi nga sila makapagpadala dahil sa tigil-pasada sa panahon ng pandemya.
Ang mga tala ay naglalaman din ng mga hinaing nila sa tila ba kawalan ng pakialam ng mga opisyales ng baranggay sa kanilang nasasakupan partikular sa kanilang mga tsuper umpisa pa lamang ng lockdown. Hindi nga lang basta liham ang aking natanggap, para baga itong mensahe ng mga humihingi ng saklolo at dama talaga sa bawat liham ang epekto sa kanilang sikolohiya at damdamin ng mga nangyari sa kanila sa loob ng dalawang buwan na ECQ. Ilan sa mga tala ng paghingi ng saklolo at kahirapan mula sa dalawang kalahok ay ang sumusunod:
“Kami ay nakiki-usap sa kinauukulan na sana ay makatanggap naman sana kami ng grasya.” (Milo)
“Sana po ay matulungan niyo po kami. At kahit wala ng ECQ wala pa rin kaming mga trabaho pati mga anak ko dipa rin makakabalik sa trabaho. Tulungan niyo po sana kami.” (Billy)
Mababanaag sa mga sinipi sa taas na sa “kinauukulan” humihingi ng kongkretong tulong ang mga tsuper sa baranggay. Maaaring ang tinutukoy ay ang gobyerno, partikular ang pamahalaang lokal at pambansa. Bawat isang tala ay hindi nakaligtaan na banggitin ang kahilingan na tulungan nawa sila at ang kanilang mga pamilya na malayo sa kanila. Hindi rin dapat kaligtaan ang pahiwatig na may epekto na rin sa kanilang sikolohiya ang sitwasyong kinasasadlakan nila. Ayon sa isang tala mula sa tsuper naman na si Boy:
“May kakainin pa kaya ako bukas? Lalo na sa pag iniisip ko pamilya ko sa Bulacan halos sa akin sila humihingi ng suporta. Sa nangyari sa buhay ko simula ng nagkaroon ng ECQ. Trauma, stress, at torture of mind… Para akong nasa kulungan. Para akong nasa Ihawig Bilibid Prison.”
Mababanaag mula sa talang ito ang pag-aalala sa hinaharap higit sa kasalukuyan at syempre pa, pag-aalala sa pamilya higit sa sarili. Sa pagtataya nga, lima (5) sa labing-apat na salaysay ay nagkukwento hinggil sa kanilang pamilya. Siksik sa naratibo ng pangungulila at pag-aalala sa pamilyang naiwan sa kani-kanilang mga lalawigan ang mga talang ito. Karamihan sa mga narito’y pamilyado, tatlo (3) nga sa labing-apat ay senior citizen na samantalang lahat ay nasa edad 30 pataas at iisa lang ang kasama nila na nasa edad 20. Karamihan sa mga naiwang pamilya nila na nasa lalawigan ay umaasa din ng tulong mula sa pamahalaan. Narito ang ilan sa mga salaysay:
“Ang aking pamilya ay umaasa lang sa natatanggap na ayudang relief goods sa brgy. Halos hindi na nakakakain ang pamilya ko ng sapat kase di rin naman sapat ang natatanggap naming relief para sa araw-araw naming pagkain. Nangangangayayat na rin po ang mga bata ko pang anak dahil sa di maayos na kain at minsan wala ng sustansya ang kinakain.” (Joey)
“Ang tanging pinagkukunan ko ng pang araw-araw naming kakainin ng aking pamilya ay ang pamamasada ng jeep. Mayroon akong anim na anak. Sa ngayon puro utang ang naging pangsagip sa aking pamilya.” (Marcus)
Sa kabilang banda, sa 14 nga na liham na natanggap, wala ni isang hindi nagbanggit ng para sa kanila’y pagpapabaya ng baranggay o kundiman, mismong gobyerno sa kanila. Samantala, binanggit ng 5 sa labing-apat na tala na wala silang natanggap na ayuda mula sa baranggay at sa gobyerno. Hindi ispesipiko subalit mapapasubalian sa ganitong tala na tinutukoy na magkaiba ang pamahalaang baranggay sa tinutukoy na “gobyerno” bagamat hindi nabanggit kung ito ba’y lokal o pambansa subalit mababanaagan na wala rin naman silang pag-iiba sa mga ito. Higit pa, mabagsik ang mga salitang binanggit ng tsuper na si Lirio hinggil sa kanilang baranggay:
“Dahil ang brgy dito… walang silbi kahit bigas walang binigay samin… Unang-una ay hindi kami iniintindi ng Baranggay Kapitan dito sa brgy. Pag may dalang bigas na ipinamamahagi kami ay nilalagpasan sa aming garahe, at patungkol sa SAP wala kaming natanggap ni singkong duling… Nakita ko ang hindi pagpansin ng Barangay Chairman sa garahe. Lalong-lalo na sa akin… Minsan biniro ko ang mga kagawad, paano na ang mga driver na nalockdown sa garahe. Ang sabi nila hindi raw nakarehistro kaya walang ayuda.”
Ilan lamang ito sa mga tala ng pagkadismaya ng mga tsuper sa pamunuang-baranggay na nakasasakop sa kanila. Mapapansin sa mga talang ito na sinusuri nila ang pamunuan batay sa kung paano sila pakitunguhan at damayan sa kalagitnaan ng pandemya. Pinatitingkad ng mga tekstong ito ang isa sa mga hahalagahin ng kalinangang Pilipino: ang pagdadamayan. Sa kasamaang palad, hindi ito naramdaman ng mga tsuper at malinaw ito sa pagsasalarawan nila sa kanilang pamunuang-barangay at pakikitungo nito bilang hindi pagpansin, hindi kami iniintindi, at higit sa lahat, walang silbi. Inirereklamo rin ng mga tsuper, bukod sa kawalan ng ayuda, ang hindi pagbibigay sa kanila ng quarantine pass. Sa kautusan ng IATF, bawat isang tahanan ay bibigyan ng quarantine pass. Samantala, sa isang malaking garahe kung saan naipit ang 30 tsuper, iisang quarantine pass lang ang binibigay sa kanila. Sa alituntuning isang rasyon lang ng ayuda ang ibibigay kada kabahayan, tinuturing ng Baranggay na sa isang bubong lang nagsasama-sama ang mga tsuper. Higit pa dito ang katotohanang sinipi sa taas na madalas na sabihin ng Baranggay sa kanilang dahilan kung bakit hindi mabibigyan ng ayuda mula sa lokal na pamahalaan ng Maynila ang lahat sa kanila ay sa katotohanang hindi rehistradong residente ng Maynila ang karamihan sa mga tsuper, isang alituntuning pasakit sa loob ng ilang buwang pananatili nila sa garahe samantalang wala silang byahe.
Sa katuturang ito, kailangang sipiin ang isa sa mahalagang bahagi ng salaysay ng mga tsuper. Bagamat mahirap ang dinanas ng mga ito, paano sila patuloy na umiral? Ano ang nagsagip sa kanila sa kabila ng katotohanang salat o kundiman, wala silang maayos na ayudang natanggap mula sa pamahalaan? Ang sagot: pagdadamayan sa isa’t isa at sa komunidad na kanilang kinabibilangan.
Hindi makakailang ulit na binanggit sa salaysay ng mga tsuper ang gampanin ni Mang Dee Dee (hindi niya tunay na pangalan). Si Mang Dee Dee ang isa sa mga may-ari ng mga jeep na pinapasada ng mga tsuper na ito at tumatayong lider nila sa garahe. Sa umpisa palang ng pakikipag-ugnayan ko sa kanila, sinabi na kaagad ni Mang Dee Dee ang kapalaran niya sa akin. Ang buong akala daw kasi nila’y katulad lamang ito ng suspensyon na saglit lamang iiral at makakabyahe din kaagad sila. Ni hindi nila akalain na magtatagal ang tigil-pasada ng ilang buwan. Dahil dito, at sapagkat sa katotohanang “sakop” niya ang mga tsuper na ito, hindi siya nag-atubiling ipang-gastos ang kung anuman ang naipon niya para sa kapakanan ng kanyang mga tsuper. Subalit kalaunan, makalipas nga ang halos dalawang buwan, naubos na rin ang kanyang ipon na aniya’y ginamit talaga para may maipangkain sila. Dapat ding ipabatid na hindi niya iniwan ang kanyang mga tsuper kaya’t lubos ang pasasalamat ng mga ito sa ipinakita niyang pagdamay at pakikiisa sa panahon na naipit sila sa garahe na magkakasama. Inilarawan nga siya sa ibang salaysay bilang tao na “tanging tumutulong” sa amin. Ayon nga sa salaysay mismo ni Mang Dee Dee:
“Bago mag lockdown [may] pera pa ako sa bulsa. Akala ko, 15 days lang ok na pero umabot pa ng 2 buwan. Sa ngayon ubos na nagkautang pa ako sa anak ko… Buti na lang may tumulong sa mga driver yung mga mabubuting tao at may nagbigay ng pagkain minsan nga pera pa.”
Tunay na kinilala nga ng mga tsuper ang ginawang aksyon ni Mang Dee Dee na kusang magbigay ng kanyang salapi kahit na dumating na sa puntong wala ng natira sa kanya. Ang ganitong akto marahil ang dahilan kung bakit lubos ang pasasalamat nila dito dahil hindi sila iniwan nito, “sa hirap o ginhawa” ika nga. Na kahit na dumating sa puntong pare-parehas na silang nagdarahop ay malaki pa rin ang pasasalamat ng mga tsuper sa ginawang pagtulong ni Mang Dee Dee.
Higit sa pagdamay ni Mang Dee Dee, dapat ding sipiin ang tulong at pagdamay na ginawa ng kanilang mga kapitbahay na nagbigay ng tulong na pagkain sa kanila. Sa maraming pagkakataon, sinasabing ang kakaunting tulong na natatanggap nila mula sa mga nagmamagandang loob ay kanilang pinagsasaluhan:
“Naghihintay nalang po ng bigay kahit konti hati-hati sa kung anong mayroon hanggang ngayon maraming salamat po sa lahat ng biyaya galing sa inyo.”
Kailangang mabatid na bukod sa mga hinaing, hitik ang naratibo ng mga tsuper sa pasasalamat para sa mga nagbigay ng tulong sa kanila at mga kwento ng pagdadamayansa Baranggay na ito sa Maynila. Kakatwa ngang sa pagbalik ko sa garahe upang kunin ang mga sulat nila, inalok pa ako ng mga ito na kumain. Matamang kahit walang-wala, sadyang pinaghahatian pa rin kung anong meron na bagamat kakarampot o kung minsan nga’y hindi talaga nakasasapat, itinuturing pa rin nila ito bilang isang biyaya na dapat ipagpasalamat.
GINHAWA, KALULUWA, AT PAKIKIPAGKAPWA
Hitik sa kabatiran ang mga salaysay na nalikom sa mga tsuper na nagpapakita ng danas na maaaring kolektibong naranasan din ng mga pangkaraniwang mamamayan sa Pilipinas sa panahon ng pananalasa ng pandemyang dulot ng Wuhan virus hindi lang sa kalusugan bagkus sa ating kabuhayan at panlipunang ugnayan. Binuksan ng ganitong mga pagkakataon na masuri ng mga mamamayan ang kalidad ng kanilang mga lingkod-bayan at syempre pa, lumitaw ang mga kolektibo nating hahalagahin na siyang nagligtas sa marami sa atin sa higit na kapahamakan sa mga sitwasyong gaya nito.
Sa bahaging ito, nais kong sipiin ang Semiotikong Parisukat ng Ginhawa at Kaluluwa ni Ramon “Bomen” Guillermo (2015) upang suriin ang mga ugnayan sa pagitan ng mga napinsalang tsuper, kanilang baranggay, at ng mga ka-baranggay o kapitbahay nilang hindi nag-atubiling tumulong sa kanila. Nauna ng bigyang kahulugan ang ginhawa sa mga naunang seksyon. Subalit mahalaga ding matukoy ang kaluluwa bilang importanteng bahagi ng pagkataong Pilipino. Buod ng pagkataong Pilipino ang kaluluwa. Ang kaluluwa ay buhay at may dimensyong moral. Kaya nga ang isang taong walang moralidad ay isang taong walang kaluluwa. Ang kaluluwa ang siyang dahilan kung bakit tayo gumagawa ng mabuti sa kapwa. Ang kawalan nito ang siyang nag-uudyok ng paggawa ng masama aalaumbaga, paggawa ng hindi maganda sa kapwa:
“Sa gayon, sa kabila ng pagkakaibang nananatili, maitutumbas dito ang dalawang serye ng ‘pagkatao’: 1. ‘may kaluluwa’ => ‘may budhi’ = ‘may loob’ = ‘may puso;’ 2. ‘walang kaluluwa’ => ‘walang budhi’ = ‘walang loob’ = ‘walang puso.’” (Guillermo, 2015, p.201)
Kung ang pagkakaroon ng kaluluwa ang siyang dahilan sa paggawa natin ng tama, tinitignan ang isang tao na mahusay makipagkapwa na may kaluluwa, may magandang loob, at may puso. Batay naman sa konstruksyon ni Dr. Guillermo, pinag-ugnay niya sa isang semiotikong parisukat ang kaluluwa at ginhawa. Yaong kaluluwa ay tumutukoy sa moralidad ng pagkatao, yaong ginhawa ay tumutukoy sa materyal na kalagayan ng isang indibidwal o kolektibo. Ani Guillermo, maaaring maipalabas ang apat na kombinasyon sa dalawang batayang termino na ito na maaaring maisaayos sa isang semiotikong parisukat.
Pigura 1. Semiotikong Parisukat Ng Kaluluwa/Ginhawa (Guillermo, 2015)
Ang representasyon ng kaluluwa at ginhawa ay makikita sa semiotikong parisukat na ito. Ang (+) ay nangangahulugang pagkakaroon (ng ginhawa o ng kaluluwa) at ang (-) ay nangangahulugan ng kawalan nito. Gayon, sa semiotikong parisukat na ito, makikita ang apat na kombinasyon: 1. may kaluluwa at may ginhawa (+K/+G); 2. may kaluluwa ngunit walang ginhawa (+K/-G); 3. walang kaluluwa ngunit may ginhawa (-K/+G); at 4. walang kaluluwa at walang ginhawa (-K/-G).
Tulad ng nabanggit sa taas, representasyon ang kaluluwa ng karakter at moral na kapasidad ng isang tao samantalang ang ginhawa’y pakiramdam ng kaalwanan. Sa konteksto ng pandemya, ang pangunahing ginhawang tinutukoy ay ang pagkakaroon ng pagkain o makakain lalo na sa mga kagaya ng mga tsuper na tinatalakay sa kasalukuyang saliksik na nawalan ng kabuhayan at umasa na lamang sa ayudang maibibigay ng pamahalaan, tulong mula sa kapwa, at pagdadamayan sa isa’t isa, upang mairaos ang kumakalam nilang sikmura sa araw-araw. May kaluluwang maituturing ang mga may mabuting puso, nagmamagandang-loob, upang mamahagi ng makakain sa mga nangangailangan sa panahong ito ng sakuna. Ngunit tulad ng binabanggit, maaari pa rin namang ituring na may kaluluwa ang isang tao, may maganda siyang loob, kahit kapos sa ginhawa.
Sa naratibo ng mga tsuper, makikitang ang mga opisyal ng pamunuang baranggay ay ipinipinta bilang mga walang kaluluwa subalit may ginhawa (-K/+G). Ang naratibo ng kawalan nang maayos na pakikipagkapwa at pagturing sa kanila bilang ibang tao ang dahilan kung bakit maituturing na walang kaluluwa o sa kanilang salita, walang silbi ang pamunuang barangay samantalang may kapasidad sila bilang inatasan na mamahagi ng ayuda upang tulungan ang mga nangangailangang mamamayan. Samakatuwid, nasa kanila ang ginhawa. Tinataya namang walang lumabas na karakter sa kanilang mga naratibo sa karanasan nila sa baranggay na maiuugnay sa mga taong walang kaluluwa at wala ring ginhawa (-K/-G). Maaaring tumukoy ito sa mga taong gaya rin nilang nasa laylayan subalit nagawa pang manamantala sa kapwa.
Samantala, maituturing naman sa naratibo ng mga tsuper na ang kanilang mga kapitbahay, lalo na yung mga nagbibigay sa kanila ng makakain, ay maituturing na may kaluluwa at may ginhawa (+K/+G). Malaking patunay dito ang mga tala ng mga taong nagbigay hindi lang ng ayudang pagkain bagkus ay salapi sa mga tsuper at walang patid na pasasalamat nila sa mga taong ito. Ang pag-aabot ng ayudang pagkain at salapi, para sa mga tsuper, ay akto ng pagdamay, pagmamagandang-loob, pakikipagkapwa at samakatuwid ay may kaluluwa ang mga gumagawa nito para sa kanilang mga nangangailangan.
Tulad ng nabanggit ni Guillermo, umiiral din ang mga taong may kaluluwa subalit walang ginhawa. Gayo’y sila ang mga uri ng mga tao na kapos-palad subalit hindi kapos sa pagpapakita ng kagandahang-loob sa kapwa. Halimbawa, sa tala ng mga tsuper, malinaw ang naratibo ng pagdadamayan sa kabila ng kahirapang kanilang dinaranas. Maituturing nga ang mga tsuper bilang mga may kaluluwa subalit walang ginhawa (+K/-G). Ang tala na nabanggit sa taas gaya ng pag-aalok ng pagkain, pagbabahagian, at pagsasakripisyo sa kapakanan ng bawat isa makaraos lang sa pang araw-araw ang magpapatunay ng mga ito.
Sa mga salaysay na sinuri sa taas, makikitang parametro nga ng isang mahusay na pinuno ang kakayanan nitong magbigay ng ginhawa. Ang pinakamahalagang uri ng ginhawa ay pagkain / makakain at sa mga pagkakataong nakararanas ang bayan ng mga sakuna, ito ang pangunahing bagay na hihingin ng taumbayan sa kanyang pinuno. Sa kasamaang palad, sa sinuring mga salaysay ng mga tsuper sa isang baranggay sa Maynila, nagkaroon ng kakulangan sa pagpapamudmod ng ginhawa, ng makatwirang ayuda, ang pamunuang baranggay sa kanyang nasasakupan.
Sa kabilang banda, dapat mabatid na ang mga pamunuang baranggay sa Kamaynilaan ay sumusunod lamang din sa direktiba ng lokal at pambansang pamahalaan. Subalit higit sa pagsunod sa mga direktiba, hindi rin naman talaga napadama ng pamunuang baranggay ang pagdamay nito sa kanyang nasasakupan partikular sa danas ng mga tsuper. Ang naratibo ng hindi pagpansin, hindi kami iniintindi, at higit sa lahat, walang silbi ay nagpapatunay lamang na hindi na makaugnay o wala ng maayos na ugnayan ang pamahalaang baranggay sa ilan sa kanyang nasasakupan. May kasalatan marahil sa komunikasyon at hindi nadama ang pakikipagkapwa sa simpleng akto ng pagbibigay ng pansin.
Pinakamalaking salik para sabihin na walang silbi ang mga namumuno, aalaumbaga, walang kaluluwa ay ang kawalan ng ayudang naipamahagi sa kanila pati na rin ang pakikitungo sa kanila. Samantalang nakikita nilang may mga tao sa baranggay na nakatatanggap ng sapat na ayuda at quarantine pass, hindi nila nakikitang may ganitong pagtrato sa kanila. Matagal ng sinasabi na sa kontekstong Pilipino, ang pagbibigay ng pagkain ay isang tanda ng pakikipagkapwa. Ang pamamahagi rin ng pagkain samakatuwid ay pamamahagi ng ginhawa para sa mga kapwang nagdarahop. Lalong matingkad ito dahil sa mga panahon ng pandemya, iniatang sa pamunuang baranggay ang pagtukoy sa mga makakatanggap ng ayuda.
Malaking bagay din ang ginawang pakikipag-usap ni Mang Dee Dee sa mga namumuno sa kanilang baranggay. Subalit ang sagot sa kanya na ang dahilan kaya hindi mabibigyan ng ayuda ang mga tsuper ay dahil sa hindi naman rehistradong residente ang mga ito ang dahilan kung bakit nadama nilang hindi makatao ang pagtrato sa kanila. Hindi man sila residente ay dito sila naghahanap-buhay at naninilbihan kaya hindi nila matanggap ang ganitong argumento. Ang ganitong pagtrato ang siyang dahilan kung bakit tinutukoy nilang hindi makatao ang pagtrato ng pamunuang barangay sa kanila. May pagtuturing sa mga tsuper na ibang tao at labis itong nakasakit sa damdamin ng mga tsuper nang mabatid nila ito.
Tunay ngang maselan ang ugnayan ng mga namumuno sa kanyang nasasakupan at sinasabi ngang ang mga talumpati maging ang mga salita na lalabas sa bibig ng pinuno ang siyang bukal ng gahum na pinagkakapitan ng mga mamamayan ng suporta mula sa kanyang pinuno. Kailangang ipadama na kapatid, o kaisa ang kausap (Taguibao, 2013). Sa kasong ito, hindi naipadama ang pagdamay kaya itinuring na walang silbi, aalaumbaga, walang kaluluwa ang baranggay. Naging sanhi ito upang magsagawa ng hayagang pagprotesta ang mga tsuper nang magdesisyon silang magpaskil ng karatula sa labas ng kanilang garahe. Ang ganitong akto ay resulta ng ilang buwan nilang pagtitimpi sa kawalan ng makatarungang aksyon ng baranggay at higit sa lahat, kawalan ng maayos na pakikitungo sa kanila.
Batay sa kanilang mga naratibo, nairaos nila ang araw-araw sa pamamagitan ng pagdadamayan. Ang kawalan ng kakayanan ng baranggay na makapagbigay ng sapat na ayuda sa kanila ay tinugunan ng mga taong may mabuting loob mula sa kanilang komunidad na nagbigay ng tulong na pagkain at pera. Tulad ng nabanggit sa taas, ito ang mga taong may ginhawa at may kaluluwa. Mga taong may kakayanang mamahagi ng makakain para sa tulad nilang nangangailangan at hindi humihiling ng anumang kapalit liban sa taos-pusong pagtulong. Lubos ang pasasalamat ng mga tsuper sa mga ito.
Kailangan ring salungguhitan ang gampanin ng mga tsuper na damayan ang isa’t isa sa mga panahong ito upang makaraos. Dumating pa nga sa puntong bagamat kapos sa makakain ay nakukuha pa nilang mang-alok nito anuman ang kanilang makayanan o nalikom mula sa ayudang kanilang natanggap.
Ibig sabihin, tinumbasan ng kanilang kapwa, mga mamamayan din ng kanilang baranggay o yaong kanilang mga kapitbahay, ang kakulangang hindi naipadama sa kanila ng kanilang barangay sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng makakain. Ang damayan sa isa’t isa ang dahilan kung bakit nakakaraos pa ika nga. Hindi miminsang nabanggit sa papel na ito ang kahalagahan at kaugnayan ng pag-alok ng pagkain bilang akto ng pakikipagkapwa. At higit sa lahat, tinukoy na isang anyo ng ginhawa ang ayudang ibinibigay sa kanila (sa anyo man ng pagkain o salapi) sa panahon ng pandemya. Sa pagkakataong ito’y importanteng masipi ang binanggit ni Maggay (2002) hinggil sa kahalagahan ng pagkain sa kontekstong Pilipino:
“Dapat maunawaan na sa kultura ng karukhaan, ang pagkain ay mahalaga at makabuluhang paraan ng pagpapahiwatig. Kapag may piging na idinaraos, nagbibigay tayo ng pagkain sa mga kapitbahay, isang pagbabahagi na tanda ng pakikiisa at kagustuhang makipagkapwa-tao.” (Maggay, 2002, p.92)
Samakatuwid, importanteng panukat ng pakikipagkapwa ang pagbibigay o kahit ang simpleng akto ng pag-aalok ng pagkain. Aalaumbaga, ang pagbibigay ng pagkain sa panahon ng sakuna ay itinuturing na pagpapamudmod ng ginhawa, sa konteksto ng nagdaang pandemya – ayuda. Pagkain nga ang pangkaraniwang tulong na natanggap ng mga tsuper sa kanilang garahe. Naipakita sa mga siniping salaysay mula sa mga tsuper ang isa sa mga importanteng hahalagahin ng mga Pilipino – ang magbigay ng makakaya kahit walang-wala na inihalimbawa nga ni Mang Dee Dee at ng mga tsuper. Bagamat nakararanas ng hirap, hindi pa rin dapat kalimutan ang pagpapakatao sa bawat isa bagamat hindi nakalilimutang punahin ang pagkukulang ng mga pinuno na sa kanila’y nakasasakop.
Sa gayon, nakita natin sa pagsusuring ito ang ugnayan ng mga tsuper sa kanyang komunidad: sa mga namumuno, sa kanyang mga kapitbahay, at higit sa lahat, sa pagdadamayan nila sa bawat isa. Mahalagang bagay ang ayuda, ang ginhawang hatid ng katiyakan ng may makakain, bilang tugon sa krisis na idinulot ng pandemya sa mga mamamayang nawalan ng kabuhayan gaya ng pinakita sa danas ng mga tsuper sa saliksik na ito. Tunay ngang sinubok tayo ng panahon ng pandemya subalit ipinakita din nito ang karakter ng bawat isa at pagdadamayang mababanaag sa naratibo ng mga tsuper sa bahaging ito ng Lungsod ng Maynila.
PAGTATAPOS
Naipakita sa papel na ito ang mga salaysay ng tsuper sa konteksto ng ginhawa, pagdadamayan, at kapabayaan sa parte ng pamunuan na may sentral na tuon sa gampanin ng ayuda sa panahon ng pandemya. Mula sa salaysay na nalikom ay natukoy ang ugnayang namamagitan sa mga tsuper sa kanilang pamunuang pambaranggay, kapitbahay, at kani-kanilang mga sarili. Naipalitaw mula sa pagsusuri ng mga naratibong ito ang mga katutubong konsepto ng pagdadamayan at kapabayaan sa koneksyon nito sa kaluluwa at ginhawa bilang pangunahing katangian ng pagkataong Pilipino na naging batayan ng pagsusuri sa bawat personalidad sa salaysay ng mga tsuper.
Sa kabilang banda, limitado rin naman sa mikrokskopikong pagsusuri ng ugnayang panlipunan ang pag-aaral na ito sapagkat tumuon lamang ito sa ugnayan ng mga mamamayan sa kanilang baranggay. Maraming katanungan na maaari ring usisain mula sa naratibo ng mga tsuper, kung hindi man, sa pulso ng bayan hinggil sa pamunuang pambansa . Halimbawa, sa isang salaysay ng tusper, binabanggit nilang nakabantay sila mula sa mga anunsyo ng Pangulo sa telebisyon. Narito ang sipi:
“Sinabi po ng Pangulo nung una pa man siyang magsalita sa TV. Lahat bigyan ng kailangan. Pero ang aming barangay hindi po natupad.”
Maliwanag kung gayon na nakabatay sa mga talumpati ng Pangulo ang kanilang galit sa pamunuang pambaranggay. Dapat mabatid na mula noong Marso, halos linggo-linggong mapapanood sa telebisyon ang Pangulo ng Pilipinas. Minandato din ng Bayanihan Law na mag-ulat sa Kongreso at sa bayan ang Pangulo lunes sa bawat linggo hanggang epektibong pinatutupad ang community quarantine. Ang paulit-ulit halimbawang pangako na walang maiiwan ang siyang pinagkakapitan ng mga mamamayan sa pambansang pamahalaan sa harap ng pandemya. Ibig sabihin, mauugat sa mga talumpating ito kung bakit mas nakatutok sa pamahalaang pambaranggay ang mamamayan tulad ng ihinahalimbawa ng mga salaysay at pagsusuring ito. Subalit kailangang tandaan na maaaring ang mga talumpati ay pagkukunwari, pagbabalat-kayo, o pagbibilog-ulo (Taguibao, 2013).
Halimbawa, sa panukalang inirekomenda ng IATF na inaprubahan naman ng Presidente, pinayagang magkaroon ng operasyon ang mga taxi at modernong jeep sa pagbubukas ng Kamaynilaan sa General Community Quarantine o GCQ Hunyo taong 2020. Hindi kasama sa pinayagang makabyahe ang mga tradisyunal na jeepney. Sinasabi ngang kinasangkapan ng pamahalaan ang pandemya sa pagtulak nito ng modernisasyon ng transportasyon at pagtatwa sa milyong tsuper ng mga tradisyunal na jeep.
Sa kabilang banda, bagamat nakatakdang kasuhan ng pamahalaan ang mga opisyal ng baranggay na maaaring sangkot sa katiwalian hinggil sa pamamahagi ng ayuda, wala pa ring inilalabas na budget breakdown ang pambansang gobyerno hanggang sa kasalukuyan sa kung paano at saan nagasta ang emergency funds. Higit dito, tinataya din ng mga eksperto na may malaking kakulangan ang pambansang pamahalaan sa pagresponde sa mga pangangailangan ng taumbayan (Beltran, 2020). May pagmamaliit sa umpisa pa lang sa maaaring idulot ng Wuhan virus sa ating lipunan.
Pansinin din halimbawa na sa naratibo ng mga tsuper at sa lahat halos ng naratibong nakalap ko sa proyektong Kwentong Buhay, wala halos tala hinggil sa panawagan para sa mass testing. Lahat ng naratibo’y nakasentro sa ayuda. May pagtuturing din naman marahil sa kaginhawaan ng katawan bilang panukat ng maayos na pamamahala. Subalit bakit hindi nakatagos sa popular na kamalayan ang ukol sa mass testing? Bakit hindi tumagos sa kamalayan ng ilan ang posibleng kapabayaan din ng pambansang pamahalaan? ‘Yan ay mga katanungang sumilip sa saliksik na ito subalit mas marapat talakayin sa iba pang papel.
Mga Sanggunian
Baldo, E. (2020, Mayo 30). PISTON: DOTr using COVID pandemic to push for jeepney modernization. Advocates. Retrieved Hunyo 2020, from https://www.advocatesomi.com/piston-dotr-using-covid19-pandemic-to-push-for-jeepney-modernization
Beltran, M. (2020, Mayo 12). The Philippines’ Pandemic Response: A Tragedy of Errors. https://thediplomat.com/2020/05/the-philippines-pandemic-response-a-tragedy-of-errors/. Retrieved Hunyo 2020, from https://thediplomat.com/2020/05/the-philippines-pandemic-response-a-tragedy-of-errors/
Covar, P. (2015). Kaalamang Bayan Dalumat ng Pagkataong Pilipino. Daluyan , 79-90.
DBM releases P199.975-Billion for DSWD Social Amelioration Program. (2020, Abril 18). Department of Budget and Management. Retrieved Hunyo 2020, from https://www.dbm.gov.ph/index.php/secretary-s-corner/press-releases/list-of-press-releases/1647-dbm-releases-p199-975-billion-for-dswd-social-amelioration-program#:~:text=975%2DBillion%20for%20DSWD%20Social%20Amelioration%20Program,-Print&text=Consistent%2
Ducharme, J. (2020, Marso 11). World Health Organization Declares COVID-19 a ‘Pandemic.’ Here’s What That Means. Time. Retrieved Hunyo 2020, from https://time.com/5791661/who-coronavirus-pandemic-declaration/
Dumaop, D. E. (2013). Pamumuno sa Pilipinong Pagtingin: Ang Pagkalider Batay sa Pagtataglay ng mga Katangian. Diwa E-Journal, 180-195.
Escudero, M. (2020, Abril 29). Walang natatanggap na ayuda, magreklamo Duterte. Pangmasa. Retrieved Hunyo 2020, from https://www.philstar.com/pang-masa/police-metro/2020/04/29/2010519/walang-natatanggap-na-ayuda-magreklamo-duterte
Gita-Carlos, R. A. (2020, Mayo 12). DSWD to ‘solely’ take charge of SAP distribution: Duterte. Philippine News Agency. https://www.pna.gov.ph/articles/1102552
Guillermo, R. G. (2015). Ang Dalawang Piging ng Kapitalistang Modernidad. In A. M. Navarro, M. J. Rodriguez-Tatel, & V. C. Villan (Eds.), Pantayong Pananaw: Pagyabong ng Talastasan, Pagbubunyi kay Zeus A. Salazar (pp. 183-223). Quezon City: Bagong Kasaysayan Inc.
Kimuell-Gabriel, N. (2012). Kung Maay Timawa, May Ginhawa: Ang Mga Timawa Sa Pamumunong Bayan. Saliksik E-Journal, 82-98.
Lalu, G. P. (2020, Mayo 21). Number of hungry Filipinos almost doubles as pandemic rages — SWS. Inquirer.Net. Retrieved Hunyo 2020, from https://newsinfo.inquirer.net/1279086/number-of-hungry-filipinos-almost-doubles-covid-19-pandemic-rages-sws
Luna, F. (2020, Abril 1). 58% of Filipinos unable to buy essential items amid COVID-19 outbreak — survey. Philippine Star. Retrieved Hunyo 2020, from 58% of Filipinos unable to buy essential items amid COVID-19 outbreak — survey
Magay, M. P. (2002). Pahiwatig: Kagawiang Pangkomunikasyon ng Filipino. Quezon City: Ateneo De Manila University Press.
Marquez, C. (2020, Mayo 21). About 680k families in Manila to get 2nd tranche of P1k cash aid. Inquirer.Net. Retrieved Hunyo 2020, from https://newsinfo.inquirer.net/1279100/about-680k-families-in-manila-to-get-2nd-tranche-of-p1k-cash-aid
Paris, J. (2020, Enero 30). Philippines confirms 1st case of novel coronavirus. Retrieved Hunyo 2020, from https://www.rappler.com/nation/186633-philippines-confirms-case-novel-coronavirus
Patinio, F. (2020, Marso 10). Gov’t asked to give cash aid to workers amid Covid-19 threat. Philippine News Agency. Retrieved Hunyo 2020, from https://www.pna.gov.ph/articles/1096127
Paz, C. J. (2008). Ginhawa: Well-being as Expressed in Philippine Languages. In C. J. Paz (Ed.), Ginhawa, Kapalaran, Dalamhati” Essays on Well-Being, Opportunity/Destiny, and Anguish (pp. 3-12). Quezon City: UP Press.
