[DIWA E-Journal Tomo 10, Nobyembre 2025] Talâ ukol sa mga Kontribyutor

Si KARINA ABOLA ay isang design strategist at mananaliksik na ginagabayan ng mithiing maging malaya at mapagpalaya ang design para sa mga Pilipino. Siya ay ang kasalukuyang Strategy Director sa Dapat, isang social impact design studio. Siya rin ay nakaraang Senior Promotions Officer sa DTI Design Center of the Philippines, kung saan kanyang isinulong ang kritikal na diskurso sa design pati na rin ang malalim at malawakang kahalagahan nito, sa pamamagitan ng mga programang pambansa at internasyonal kagaya ng Design Week Philippines at Asia Design Sharing Council. Siya ay nagtapos ng kanyang MA Psychology sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman, kung saan kanyang siniyasat ang papel ng design sa ginhawa ng mga Pilipino. Bilang mananaliksik, naging parte siya ng mga pambansang pag-aaral kagaya ng Crafting Futures: Sustaining Handloom Weaving in the Philippines at Making Design Count: The Value and Impact of Design on the Philippine Economy.

Si ISABEL ANNE ALANO ay nagtapos sa De La Salle University sa kursong Bachelor of Arts major in Psychology. Siya ay nag-aaral sa University of the Philippines-Diliman para sa kanyang masteradong pag-aaral sa programang Educational Psychology. Kabilang sa kanyang mga interes at adbokasiya ay ang edukasyon at mental health. Sa kasalukuyan, siya ay isang guro sa De La Salle University Senior High School.

Si ALJOHN PUZON ESTRELLA ay kasalukuyang katuwang na propesor ng Antropolohiya sa Unibersidad ng Pilipinas Los Baños. Nagtapos si Mx. Estrella sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas sa ilalim ng programang Batsilyer sa Pansekundaryang Edukasyon – Medyor sa Araling Panlipunan na may karangalan bilang magna cum laude, at sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman sa programang Masterado ng Artes sa Antropolohiya. Ang kanyang mga pananaliksik ay nakatuon sa pag-aaral ng sekswal na kultura sa mga birtwal na plataporma at iba pang alternatibong espasyo. Sa kabila ng kanyang mga tungkuling pang-akademiko, nananatiling aktibo si Mx. Estrella sa kanilang adbokasiya bilang tagapagtaguyod ng karapatan ng pangkasariang minorya at kaalaman ukol sa edukasyong sekswal. Sa kabuuan ng kanyang karera ay patuloy siyang nagbibigay ng mga libreng seminar at lektura tungkol sa mga usaping may kaugnayan sa kasarian at sekswalidad, na kanyang pinaniniwalaang mahalaga sa pagsusulong ng mas inklusibong lipunan.

Si JHOLYAN FRANCIS S. FORNILLOS ay Katuwang na Propesor ng Sikolohiya at Tagapangulo ng Dibisyon ng Sosyolohiya-Antropolohiya-Sikolohiya sa Departamento ng Agham Panlipunan, Unibersidad ng Pilipinas Los Baños. Natamo niya ang kanyang Batsilyer sa (Agham Panlipunan) Sikolohiya mula sa UP Tacloban at Masterado ng Sining sa Sikolohiya mula sa UP Diliman. Bilang isang lisensyadong sikolohista, siya ay may malawak na karanasan sa pagbibigay ng mental health at psychosocial support (MHPSS) sa mga sitwasyong may krisis at sakuna. Kabilang sa kanyang mga nailathalang artikulo ay hinggil sa sekswal na gawi ng mga nakatatanda, tugon ng komunidad sa emerhensya, at posttraumatic growth ng mga Pilipinong nakaligtas sa krisis. Bilang Pangulo ng Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino, patuloy niyang isinusulong ang pag-unlad ng Sikolohiyang Pilipino sa pamamagitan ng pananaliksik, praktika, at adbokasya.

Si VOLTAIRE CARLO T. GARCIA ay kasalukuyang katuwang na propesor sa Departamento ng Sikolohiya sa Trinity University of Asia (TUA) kung saan nagtuturo siya ng ilang asignatura sa Sikolohiya at General Education. Nagtapos siya ng Batsilyer ng Agham sa Sikolohiya sa parehong unibersidad at ng Masterado ng Artes sa Sikolohiya sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman. Nakatuon ang pananaliksik niya sa normatibong karanasan ng pagiging attached ng mga tao sa kanilang mga ari-arian, pagkatao ng mga Pilipino, epektibong pamamaraan sa pagtuturo ng Sikolohiya, karanasan ng mga taong itinuturing ang sarili bilang bisexual, at sikolohiya ng mga manlalaro (Gamer Psychology).

Si KEVIN PAUL “OSE” D. MARTIJA ay Katuwang na Propesor sa Departamento ng Agham Panlipunan, Unibersidad ng Pilipinas Los Baños. Natapos niya ang kursong Batsilyer sa Sekondaryong Edukasyon Medyor sa Kasaysayan sa Pamantasang Normal ng Pilipinas noong 2013, Masterado sa Araling Filipino Medyor sa Wika, Kultura, at Media sa Pamantasang La Salle noong 2017, at kasalukuyan namang kumukuha ng Doktorado sa Araling Pilipino sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman. Ang mga interes niya sa kanyang mga pananaliksik ay umiikot sa interseksyon ng Kasaysayan at Popular na Musikang Pilipino.

Si DANIELLE MARIE “DENDEN” A. PARREÑO ay lektyurer sa Departamento ng Sikolohiya, Unibersidad ng Pilipinas Diliman (UP Diliman). Tinapos niya ang kaniyang Batsilyer ng Artes sa Sikolohiya at Masterado ng Artes sa Sikolohiya (Sikolohiyang Pang-Klinika) sa UP Diliman. Pinag-aralan niya sa kaniyang tesis para sa masterado ang papel ng mga alagang hayop sa kalusugang pangkaisipan at kabuuang kapakanan ng mga Pilipinong mag-aaral sa unibersidad. Dahil din sa interes na ito, research consultant si Denden ng Communitails, Inc., isang komunidad ng mga tagapagtaguyod ng ugnayan ng tao at hayop dito sa Pilipinas na naniniwala na ang ginhawa ay maaaring makamit sa pagitan ng natatanging ugnayan ng tao at hayop.

Si JOHN ROBERT C. RILVERIA ay katuwang na propesor at rehistradong sikolohista sa Departamento ng Sikolohiya, Unibersidad ng Pilipinas Diliman. Nagtapos siya ng Batsilyer sa Arte ng Agham Dalub-Asal (Behavioral Sciences) sa Unibersidad ng Pilipinas Maynila at Masterado at Doktorado sa Sikolohiyang Pang-klinika (Clinical Psychology) sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman. Siya ay nagtuturo ng mga kurso sa sikopatolohiya, sikoterapiya, panukat sa sikolohiya, at teorya ng pagkatao. Siya rin ay may gampanin bilang isang clinical supervisor sa UPD PsycServ at Childfam Possibilities Psychosocial Services. Ang kanyang mga interes sa pananaliksik ay tungkol sa papel ng nakagiginhawang ugnayan sa sikoterapiya (therapeutic alliance) at mga salik nito, pakikibahagi ng loob (shared reality) sa pagitan ng kliyente at therapist, at mga klinikal na implikasyon ng pagtutugma (similarity), pagbabangga (incompatibility), at pagkakabagay (complementarity) ng mga dala-dalang katangian ng kliyente at therapist.

Si JHON MARK ROSALES ay isang dedikadong guro sa agham panlipunan at tagapagtaguyod ng service-learning sa De La Salle University Senior High School. May malasakit siya sa edukasyon at pakikilahok sa komunidad, itinataguyod ang etikal na pamumuno, at pinapalaganap ang positibong epekto sa pamamagitan ng Service-Learning. Kasalukuyan siyang kumukuha ng Master of Arts sa International Studies sa De La Salle University Manila.

Si KATHRINE ANN L. TAN ay nagtapos sa Far Eastern University, Manila, kung saan nakuha niya ang Batsilyer sa Sikolohiya noong 2015 at naging Rehistradong Sikometrista noong 2016. Natapos niya ang Teacher Certificate Program sa parehong unibersidad noong 2017 at naging Lisensyadong Propesyonal na Guro noong taon ding iyon. Nagsilbi si Kathrine bilang senior high school teacher sa loob ng walong taon. Ngayon, ginagamit niya ang kanyang mga kasanayan bilang isang instructional designer para sa isang training organization na nagbibigay ng edukasyon sa mga adult learners sa vocational education at training. Ang kanyang mga interes sa pananaliksik ay kinabibilangan ng sikolohiyang panlipunan, sikolohiyang pang-edukasyon, at sikolohiyang pang-klinika.

Si CLAUDINE FAYE M. TECSON ay lisensiyadong sikolohista at tumatayong tagapamahala sa administrasyon ng operasyong klinikal ng UP Diliman Psychosocial Services (UPD PsycServ). Sa kaniyang karanasan sa sikoterapi, siya ay nagbibigay-diin sa mga lapit na tumutuon sa trauma, pagiging queer affirmative at social justice-informed

Si ANNA CRISTINA A. TUAZON ay propesor ng sikolohiya sa Departamento ng Sikolohiya sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman. Siya ay isang klinikal na sikolohista na may espesyalisasyon sa mga bata at mga pamilya at nagtapos ng kanyang doktorado sa sikolohiyang klinikal sa Wright Institute sa California, USA. Ang kanyang pananaliksik ay nakapokus sa pang-komunidad na mental health at ginhawa.

Si ALAYA NEMENZO VILLAFLOR ay lisensyadong sikolohista at nagtapos ng kanyang masterado sa Departamento ng Sikolohiya sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman (UPD). Siya ay nagbibigay ng sikoterapiya para sa mga indibidwal na kabataan at nakatatanda. Naging kabilang rin siya sa isang grupo mula sa UPD na nanaliksik tungkol sa paggamit ng Mindfulness-Based Cognitive Therapy sa mga estudyante ng pamantasan. 

Si CHRIZELLE M. VILLANUEVA ay kasalukuyang guro sa Senior High School at nasa ikatlong taon ng kanyang panunungkulan sa De La Salle University, Manila. Siya ay nagtapos ng Batsilyer sa Sikolohiya sa Far Eastern University. Pagkaraan ng kanyang pagtatapos, naging isang Rehistradong Sikometrista siya noong 2016 at kalaunan ay naging Lisensyadong Propesyonal na Guro noong 2017. Sa kabuuan, siya ay may siyam na taong karanasan bilang guro sa Senior High School. Kabilang sa kanyang mga propesyonal na interes at larangan ng pananaliksik ang sikolohiyang panlipunan, sikolohiyang pang-edukasyon, sikolohiyang pang-klinika, at mas malawak na pananaliksik sa edukasyon, partikular na sa konteksto ng edukasyong pang-sekondarya.