Noong ika-26 ng Oktubre 2018 idinaos ng TATSULOK – Alyansa ng mga Mag-aaral sa Sikolohiyang Pilipino, at Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino, sa pakikipagtulungan ng PUP – Bukluran ng Sikolohiyang Pilipino ang SP Primer 2018: “Ito Ako! Sikolohiya Ko ‘To!” sa Bulwagang Balagtas, Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas, Sta. Mesa, Maynila. Humigit-kumulang na 900 delegado mula sa 32 pamantasan ang dumalo.
Pinangunahan ni Prop. Carl Dellomos ng Pamantasang Normal ng Pilipinas ang unang sesyon. Layunin ng talakayan na ipakilala sa mga delegado ang Sikolohiyang Pilipino. Ayon kay Prop. Dellomos, “Mahalagang tignan na ang Sikolohiyang Pilipino ay nag-uugat sa kultura. Ito ay sikolohiya natin kung kaya’t dapat natin itong pagyamanin.”
Nagkaroon ng pop talk si Dr. Jose Antonio Clemente ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman sa ikalawang sesyon. Naging pokus ng talakayan ang ilang negatibong karanasan ng mga miyembro ng LGBT community. Inanyayahan ni Dr. Clemente ang mga kalahok na maging mga ally o katuwang ng komunidad na ito. Wika niya, “Suriin ang gamit natin ng mga salita.” Dagdag pa niya, “Huwag i-invalidate ang nararamdaman ng taong posibleng masaktan. Dapat tayong makiramdam, umako ng pagkakamali at higit sa lahat ay matutong humingi ng tawad.”
Sa tulong ng inihandang ice breaker ng isponsor na RGO Review Center, mas naging buhay at interaktibo ang mga delegado.
Pagkatapos ng tanghalian ay sunod na nagpamalas ng galing ang mga kalahok sa patimpalak na ALPAS: Spoken Word Poetry. Ito ang unang pagkakataon na isinagawa ang patimpalak na ito. Nagsilbing mga hurado sina Prop. Jayson D. Petras ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman, G. Michael Thomas Nelmida ng Pamantasang Normal ng Pilipinas, G. Jacob Cezar ng Marikina Polytechnic College, at Prop. Ricardo A. Clores ng Pamantasang De La Salle-Dasmariñas.
Mula sa siyam na natatanging mga kalahok, tatlo ang ginawaran ng parangal. Ang nakakakamit ng ikatlong karangalan ay ang piyesang “Ang Maligayang Pagtatapos” ni Andrei Hesarza ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila. Si Joshua Mari Lumbera at ang kaniyang piyesang “Ang Aso naming Kumahol ng Gabing Yaong” mula sa Pamantasan ng Cabuyao ang nakakamit ng ikalawang karangalan. Mula naman sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas ang nagkamit ng unang karangalan na si Carlo Siongco na may piyesang “Sukdulan.”
Sa pagtatapos ng programa ay ipinakilala ang mga kinatawang bumubuo sa TATSULOK na naging abala sa matagumpay na gawain sa tulong at patnubay ng mga Lupon ng Kadiwa ng Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino. Pinangunahan ni G. Joshua Keith D. Magboo, Pangulo ng TATSULOK at Bb. Guada Mae R. Silvano, Pangalawang Pangulo ng TATSULOK ang pagpapakilala sa mga kinatawan. Nagbigay rin ng munting panapos na pananalita at pasasalamat si G. Magboo.
Lubos na nagpapasalamat ang TATSULOK sa PUP Bukluran ng Sikolohiyang Pilipino, RGO Review Center, mga tagapagsalita, tagapagtanghal, hurado, at sa Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino. Malaking pasasalamat din sa mga delegado at propesor na dumalo, mga kalahok sa patimpalak, at sa lahat ng mga patuloy na tumatangkilik sa mga gawain ng TATSULOK.
Magkita-kita tayo sa PSYnergy 13 sa 2019! –TATSULOK Execom/KCLR
Makikita ang ibang larawan ng SP Primer 2018 sa TATSULOK Facebook Page. Mga kuha ni G. Bon Jasper Taligatos.