Sikolohiyang Pilipino: TUGON sa mga Hamon ng Panahon
Kenneth Rives, 18 Abril 2012
Pagbabahagi ni Bb. Lyra Verzosa sa mga mag-aaral ng sikolohiya ng University of Caloocan City noong 20 Marso 2012
Praxis. Ano ang saysay ng pinag-aaralan mo kung hindi mo alam kung paano isasabuhay ito?
Layunin ng University of Caloocan City na mapagsanib ang pagkatuto ng teorya sa sikolohiya at pagsasap raktika nito. Si Dr. Bernadette Enriquez, department chair, ang siyang nag-anyaya kay Bb. Verzosa na magbahagi sa 120 na mag-aaral ng UCC, pinagsanib ang mula Sangandaan at Camarin campus. Dahil sa kanyang oryentasyon mula sa Community Mental Health Module ng UP Open University, masugid niyang isinusulong ang Sikolohiyang Pilipino. Sinimulan niya noong nakaraang semestre ang pagkalap ng datos ukol sa mga psychosocial issues na kinakaharap ng Camarin upang masuri at maiugnay sa practicum ng kanilang mga mag-aaral. ForWebsite-1
Kaugnay nito, ibinahagi ni Bb. Verzosa ang modelo ng PAGDADALA ni Dr. Edwin Decenteceo at kung paano itong magagamit bilang proseso ng pagtukoy sa mga psychosocial isyu ng komunidad, sarili nilang pamamaraan para maigpawan ang mga pasanin ng kalooban at pagkilala sa angking lakas o resilience. Naging pampagising ang datos ng mga kaso ng pagpapatiwakal, paggamit ng bawal na gamot, karahasan sa mga kababaihan at kabataan at kaso ng torture sa Caloocan, mga hudyat ng kagyat na pangangailangan para sa sikolohikal na serbisyo para sa mga pamilyang apektado ng naturan.
Hindi pa man nagtatapos sa kolehiyo, may mga nauna ng mag-aaral ng UCC na nayakag niyang magboluntir at tumugon sa mga kabataang nasunugan ng bahay sa Navotas noong 2010. Matapos ang bagyong Pedring noong 2011, karagdagang 40 na boluntir ng UCC ang nagpadaloy ng gawaing psychosocial sa Catmon, Malabon kung saan 600 na kabataang nasa elementarya ang nakinabang. Ibinahagi ko ang mga kwento at larawan ng mga gawaing ito upang magsilbing insipirasyon sa kanila.
Harinawa ay patuloy na makapag-ambag ang UCC sa pagsulong ng Sikolohiyang Pilipino, lalo na sa layunin ng pagtataguyod ng makabuluhang pakikiisa sa mga isinagilid, sinasamantala, at walang kapangyarihang sektor ng lipunan tungo sa pagkamit ng karangalan, katarungan, at kalayaan ng sambayanang Pilipino.