Seminar sa Indigenization tampok sa PUP
Kenneth Rives, 11 Pebrero 2012
Apat na kasapi ng PSSP ang naging tagapagsalita sa isang seminar ukol sa pagsasakatutubo ng sikolohiya na ginanap noong nika-7 ng Pebrero 2012 sa Bulwagang Balagtas, Polytechnic University of the Philippines (PUP). Idinaos ang seminar sa okasyon ng pagkakatatag ng Departamento ng Sikolohiya ng PUP.
Bilang Pangunahing Tagapagsalita, inilahad ni Dr. Grace Aguiling-Dalisay, Board Member ng PSSP, ang pundasyon ng kilusang pagsasakatutubo ng sikolohiya hindi lamang sa Pilipinas kungdi maging sa buong mundo. Hinamon niya ang mga guro at estudyante na bigyan ng masusing pansin ang kahalagahan ng pagiging angkop ng sikolohiya sa ating kultura at kasaysayan. Samantala, binigyang linaw naman ni Prop. Jay A. Yacat, Pangalawang Pangulo at Tagapangasiwang Direktor ng PSSP, kung bakit kailangang isulong ang katutubong pananaliksik upang makabuo ng tunay na unibersal na sikolohiya.
Inilahad naman ni Bb. Lyra Verzosa, Kasaping Propesyunal ng PSSP, ang kaniyang karanasan sa paggamit ng katutubong konsepto ng ginhawa sa kaniyang pag-agapay sa mga biktima ng bagyong Sendong sa Iligan at Cagayan de Oro. Mahalaga, aniya, na gamay ng sikolohista at ninumang tutulong at aagapay sa mga tao ang lokal na kultura ng kanilang tinutulungan. Ikinuwento naman ni Dr. Victoria N. Apuan, Kasaping Panghabambuhay, ang kaniyang karanasan sa pakikipanuluyan sa isang komunidad ng mga Ayta sa Pampanga.