Inilulunsad ng Tatsulok-Alyansa ng mga Mag-aaral sa Sikolohiyang Pilipino, sa patnubay ng Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino (PSSP), ang unang serye ng mga lektyur na tatalakay sa mga napapanahong paksa sa Sikolohiyang Pilipino noong 25 Oktubre 2014 sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman. Ito ay pinamagatang Sandaluyan: Serye ng Diskusyon, Daluyan ng Kaalaman. Ang serye ng diskusyon ay inihahandog ng mga kasaping organisasyong ng Tatsulok na siyang magsisilbing daluyan ng kaalaman na magpapalalim at magpapalawak ng kamalayan sa SP. Layunin ng Sandaluyan na mas lalong mapalaganap ang Sikolohiyang Pilipino sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga lektyur ng mga napapanahong isyu at paksang may kinalaman sa kultura, lipunan at sikolohiyang Pilipino.
Ang tema ng unang lektyur na pinamahalaan ng UP Bukluran sa Sikolohiyang Pilipino bilang host ay “Isang Usaping LGBT.” Nagsilbing tagapagsalita si Bb. Beatriz Torre, kasapi ng LGBT Psychology Special Interest Group ng Psychological Association of the Philippines. Tinalakay ni Bb. Torre ang ilang panimulang batayan at kaalaman ukol sa LGBT Psychology at ilan pang napapanahong isyung may kinalaman sa LGBT. Nagkaroon ng isang makulay na umaga ang higit-kumulang 100 na mag-aaral mula sa iba’t ibang unibersidad na dumalo sa nabanggit na aktibidad.
Lubos na nagpapasalamat ang lahat ng bumubuo ng Tatsulok at UP Buklod-Isip, kay Bb. Beatriz Torre at sa lahat ng dumalo sa unang serye ng Sandaluyan! Abangan ang susunod na serye na gaganapin sa Pamantasang Normal ng Pilipinas! —Jessica Catrina Sta. Isabel at Kenneth Carlo L. Rives
Para sa iba pang mga larawan, bisitahin lamang ang TATSULOK Facebook Page.