By | 04/09/2021

Isang mapagpalayang araw!
 
Ang Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino (PSSP) ay isang panlipunan at propesyonal na organisasyong itinatag noong 1975 sa layuning isulong at itaguyod ang Sikolohiyang Pilipino (SP) bilang disiplina at kilusan para sa makabuluhan at makatuturang pag-aaral, pagsusuri, at pag-unawa ng diwa at pagkataong Pilipino mula sa oryentasyon at perspektibong Pilipino tungo sa pagpapalawak ng pambansang kamalayan at kamulatan ng sambayanang Pilipino.

Sa patuloy na pagtataguyod ng Sikolohiyang Pilipino ay malugod po naming ipinapaalam na bukas na ang pagsusumite sa aplikasyon para sa TATAK SP 2021.  Ang gawad na ito ay ipagkakaloob sa mga institusyon at organisasyong tumatalima at sumasalamin sa mga prinsipyo, paniniwala, at gawain ng PSSP.

Kaugnay nito, iniimbatahan namin ang inyong mga institusyon/organisasyon na lumahok sa gawad na ito.   Ang mga institusyon/organisasyon na magsusumite ng aplikasyon ay tatasahin ng mga piling hurado batay sa apat na kategorya: (1) pagsusulong ng SP; (2) pagtataguyod sa sariling wika; (3) pananaliksik; at, (4) pagpapaunlad ng pamayanan. Hiling po naming magsumite kayo ng mga kaukulang dokumento na siyang kahingian sa gagawing ebalwasyon.  Pakisumite po ang inyong aplikasyon sa online form.  Ang dedlayn para sa pagsusumite ng mga dokumento ay sa 30 Mayo 2021.

Sa pagkakataong maitanghal ang inyong institusyon/organisasyon na may Tatak SP, bukod sa pagkilalang nasyonal, bibigyan ng diskwento at prioritization ang mga propesor na kabilang sa inyong institusyon na nais lumahok sa Kumperensya, Linangan at iba pang mga gawain ng PSSP.

Para sa iba pang detalye, maaari po kayong tumawag sa (02) 7255-7483 o mag-email sa pssponline@gmail.com.

Umaasa kami sa inyong positibong paglahok sa mahalagang gawaing ito.

Maraming salamat po.

Lubos na gumagalang,


Prop. Carl O. Dellomos
Pamantasang Normal ng Pilipinas
Tagapag-ugnay, Tatak-SP 2021


Dr. Jose Antonio R. Clemente
Unibersidad ng Pilipinas Diliman
Pangulo, PSSP