By | 03/13/2014

Nakikiisa ang Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino (PSSP), isang pambansang organisasyon ng mga indibidwal at grupong nagsusulong sa isang maka-kapwa at maka-Pilipinong sikolohiya, sa pagsulong sa karapatan ng lahat ng Pilipino na maging malaya sa diskriminasyon, kasama ang diskriminasyong batay sa lahi, kasarian, edad, antas panlipunan, at oryentasyong sekswal at identidad bilang babae o lalake.

Binabatikos ng PSSP ang artikulong nalathala sa pahayagang Philippine Star noong ika-11 ng Marso 2013 pinamagatang “Being Gay” kung saan pinayuhan ng isang sikolohista ang mga magulang at mga pamilyang Pilipino na pagsabihan, pagbawalan, at “ayusin” ang kanilang mga anak na posibleng LGBT para sila “ituwid” at magbago ng asal at pagkatao tungo sa pagiging heterosekswal.

Ang payong ito, kasama ang mga alinsunod na kilos, ay di-makatao, di-propesyunal, at pawang nakakadagdag sa opresyon at diskriminasyon sa mga sekswal na minoridad sa Pilipinas. Ito ay taliwas sa isa sa mga batayang prinsipyo, pagpapahalaga at paninindigan ng PSSP:

“Naniniwala ang PSSP sa pagtataguyod ng makabuluhang pakikiisa sa mga isinagilid, sinasamantala, at walang kapangyarihang sektor ng lipunan tungo sa pagkamit ng karangalan, katarungan, at kalayaan ng sambayanang Pilipino” (Seksyon 5, Artikulo 2 ng Saligang Batas).

Hindi sakit o salot ang pagiging bakla o lesbyana; hindi ito kailangang gamutin o hanapan ng lunas. Bahagi ng karanasan at kulturang Pilipino ang mga LGBT — sila ay mga bata, matanda, kapamilya, kapit-bahay, kaeskwela, katrabaho, kasama sa pananampalataya, at kaisa sa ating paghahanap ng kalayaan, ginhawa, at magandang buhay.  Mahigit apat na dekada na ng pananaliksik sa sikolohiya ang nagpapatibay sa katotohanang ito.

Kaya alinsunod sa pagtataguyod ng Sikolohiyang Pilipino bilang mapagpalayang sikolohiya (Enriquez 1992), naniniwala ang PSSP na walang lugar sa isang marangal, makatarungan, at malayang lipunan ang mga kilos at kaisipang nagpapababa ng dangal at dumadagdag sa pagsasagilid ng mga minoridad tulad ng mga LGBT — lalo na kung ang mga kilos at kaisipang ito ay nagmumula sa mga sikolohista at iba pang propesyunal, walang basehan sa pananaliksik, at taliwas sa ating mga pagpapahalaga bilang disiplina at kilusan.

Hinihikayat ng PSSP ang lahat ng mga sikolohista at mag-aaral ng sikolohiya na makiisa sa pagsulong ng karapatan, kalayaan, at pagkakapantay-pantay ng lahat ng Pilipino, bata at matanda, LGBT man o heterosekswal.

Leave a Reply