Pagpaslang kay Kian delos Santos at ang Mas Lumalalang Bilang ng Extra-Judicial Killings sa Pilipinas, labag sa Pakikipagkapwa-Tao
Labis na ikinababahala ng Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino (PSSP), isang pambansang organisasyon ng mga indibidwal at grupong nagsusulong sa isang maka-kapwa at maka-Pilipinong sikolohiya, ang patuloy na pagtaas ng bilang ng walang habas na pamamaslang o extra-judicial killing dulot ng “digma kontra droga” sa bansa. Mariing kinukondena ng PSSP ang pagpaslang sa 17 taong gulang na estudyanteng si Kian Lloyd delos Santos, ang pinakahuling kaso sa madugong kampanyang ito ng administrasyong Duterte.
Ang extra-judicial killings ng mga hinihinalaang lumalabag sa batas ay isang malinaw at seryosong paglabag sa mga karapatang pantao at malinaw na salungat sa atas ng pakikipagkapwa-tao. Bilang isang organisasyong nagsusulong ng karangalan, katarungan at kalayaan ng bawat mamamayang Pilipino, maigting na tinutulan ng PSSP ang ganitong pagmamalabis ng kapulisan sa kanilang tangkang supilin ang lumalalang kriminalidad. Ang prinsipyong “Innocent until proven guilty” ay isa sa mga mahahalagang sandigan ng ating sistemang pangkatarungan na naisasawalang bahala sa mga kaso ng extrajudicial killings. Higit itong nakakabahala kung ang mismong mga alagad ng batas, na siyang inaatasang tagapagtanggol ng katarungan, ang siyang mangunguna sa ganitong uri ng mga paglabag.
Nakikiisa ang PSSP sa mga panawagang agarang magsagawa ng masusi at patas na imbestigasyon sa pagpatay kay Kian at iba pang katulad na kasong maituturing na pagmamalabis ng kapulisan.
Nananawagan din kami kay Pang. Rodrigo Duterte na maging maingat sa kaniyang mga pahayag na maaaring maghikayat sa mga tiwaling pulis na abusuhin ang kanilang kapangyarihan.
Hinihiling ng PSSP ang kooperasyon ng institusyon ng media at edukasyon na magsagawa ng mga kaukulang pagkilos upang maipaunawa sa sambayanan ang tunay na diwa ng karapatang pantao.
Hindi karahasan ang solusyon sa suliranin ukol sa ilegal na droga. Respeto sa karapatan ng bawat tao, pagpapahalaga sa dignidad at dangal ng kapwa, at makatarungang pagpapatupad ng batas ang higit na kinakailangan ng ating bansa sa ngayon.