Ang Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino (PSSP), isang pambansang organisasyon ng mga indibidwal at grupong nagsusulong sa isang maka-kapwa at maka-Pilipinong sikolohiya at tumitindig bilang samahang may malinaw na patakarang pangwika, ay mahigpit na kinokondena ang pagmamaliit ni G. Teodoro “Teddy Boy” Locsin Jr. sa paggamit ng wikang Filipino, na tinawag niyang wikang Tagalog, sa Pilipinas Debates ng Commission on Elections (COMELEC) noong ika-20 ng Marso, 2016.
Sa naging pahayag ni G. Locsin, sa pamamagitan ng kaniyang Twitter account, kaniyang binatikos ang paggamit ng wikang Filipino/Tagalog ng mga tumatakbong pangulo na aniya’y “so long, so bullshitty, so useless a tongue for debate.” Kasabay nito, itinatampok ni G. Locsin ang wikang Ingles na ayon sa kaniya ay ang “language of men.”
Ang mga binitawang salita ni G. Locsin ay malinaw na pagsasawalang-bahala at paglapastangan sa naging pag-iral at pagpupunyagi ng wikang Filipino bilang wikang pambansa sa loob ng maraming taon. Gayundin, ang payong paggamit sa wikang Ingles sa nasabing pambansang okasyon ay pagsasaisantabi sa maraming mamamayang Pilipino na maunawaan ang mga usapin at tindig ng mga tumatakbong pangulo para sa mas kritikal at matalinong pagpapasya. Ito ay taliwas sa isa sa mga batayang prinsipyo, pagpapahalaga, at paninindigan ng PSSP, na nakasaad din sa Patakarang Pangwika ng samahan:
“Naniniwala ang PSSP sa pagtataguyod ng sariling wika sa pag-aaral ng kultura, lipunan, at sikolohiyang Pilipino.” (Seksyon 3, Artikulo II ng Saligang Batas)
Hindi kailanman nararapat ituring na mas mababa ang wikang Filipino at mga lokal na wika sa Pilipinas kumpara sa wikang Ingles. Ang pag-iral ng mga wikang ito ay nagsisilbing lunsaran ng mga kamalayan, paniniwala, at halagahing lubog sa karanasang lokal at rehiyonal. Napagbibigkis ang mga ito ng kaisipang nasyonal na siyang dinadaluyan ng wikang Filipino bilang umiiral na wika ng interkomunikasyon sa larang at bilang alinsunod sa itinatakda ng Konstitusyong 1987.
Alinsunod sa pagtataguyod ng Sikolohiyang Pilipino bilang mapagpalayang sikolohiya (Enriquez, 1992), naniniwala ang PSSP sa bisa ng wikang Filipino bilang intelektwalisadong wika na magagamit bilang daluyan ng mga isyung pambansa at bilang instrumento ng higit na nakararaming Pilipino sa paglahok sa mga usaping may kinalaman sa kinabukasan ng Pilipinas. Kaya naman, hinihikayat ng PSSP ang lahat ng mga sikolohista at mag-aaral ng sikolohiya, kultura at lipunan na patuloy na makiisa at manindigan sa pagtataguyod ng intelektuwalisasyon ng wikang Filipino.