By | 08/31/2019

“Pinoy Netizen: Ang Papel ng Social Media at Digital Technology sa Kultura, Lipunan at Sikolohiyang Pilipino”
14-15 Nobyembre 2019
Unibersidad ng Pilipinas Diliman
Lungsod Quezon

CPD Credit Units para sa RPm, RPsy: 9
CPD Credit Units para sa LPT: 10.5
CPD Credit Units para sa RGC: 13

Panawagan sa Abstrak (Indibidwal na Paglalahad): bit.ly/pksp44indivabstract (Dedlayn: 15 Setyembre 2019)
Panawagan sa Abstrak (Panel o Symposium): bit.ly/pksp44panelabstract (Dedlayn: 15 Setyembre 2019)

Registration Form: bit.ly/pksp2019pagpapatala

Bayad sa Pagdalo

Early Registration (hanggang 21 Setyembre 2019)
• Delegadong Propesyonal (Kasapi) — Php3,500.00
• Delegadong Propesyonal (Di-kasapi) — Php3,700.00
• Tagapaglahad ng Papel — Php3,500.00
• Delegadong Mag-aaral — Php2,300.00
• International Delegate (Delegado mula sa Ibang Bansa) — Ph5,000.00

Regular Registration (simula 22 Setyembre hanggang 26 Oktubre 2019)
• Delegadong Propesyonal (Kasapi) — Php3,800.00
• Delegadong Propesyonal (Di-kasapi) – Php4,000.00
• Tagapaglahad ng Papel — Php3,500.00
• Delegadong Mag-aaral — Php2,500.00
• International Delegate (Delegado mula sa Ibang Bansa) — Ph5,000.00

Tungkol sa Kumperensiya

Malaking bahagi sa pang-araw-araw na buhay nating mga Pilipino sa kasalukuyan ang umiikot sa paggamit ng social media at digital technology tulad ng internet. Ngayong 2019, muling nanguna ang mga Pilipino pagdating sa dami ng oras na iginugugol sa iba’t ibang social media platforms, gaya ng Facebook, Twitter, Instagram, Youtube (may average na 4 oras at 17 minuto kada araw, halos doble ng global average na 2 oras at 16 minuto).  Tinatayang halos 60% ng kabuuang populasyon ay may access sa internet kumpara sa global average na 42% lamang.Sa kumperensiyang ito, itatampok ang mga kilalang eksperto at mananaliksik mula sa iba’t ibang larangan tulad ng sikolohiya, media, communication science at iba pang agham panlipunan, upang talakayin ang sikolohiya ng social media at digital technology.

Mga Layunin ng Kumperensiya

Sa pangkalahatan, nilalayon ng kumperensiya na:

  1. masuri ang papel ng social media at mga digital technology sa iba’t ibang aspekto ng buhay Pilipino;
  2. matalakay ang papel ng social media at mga digital technology sa pagsusuri ng lipunan, kultura at sikolohiyang Pilipino;
  3. magtampok ng mga bagong pananaliksik sa kultura, lipunan at sikolohiyang Pilipino; at
  4. magbahagi ng mga kaalaman at kasanayan sa Sikolohiyang Pilipino.

Mga Tagapagsalita at Abstrak ng Papel

Pangunahing Pananalita
Dr. Cherrie Joy F. Billedo
Department of Communication Science
University of Amsterdam

Si Dr. Cherrie Joy F. Billedo ay nagtapos ng Batsilyer ng Sining sa Sikolohiya sa Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman. Noong 2004 ay natapos niya ang kanyang MA sa Sikolohiya (pagdadalubhasa sa Sikolohiyang Panlipunan) sa parehong pamantasan.  Sa kanyang pag-aaral ng masterado, nagsilbi siyang research assistant sa joint project ng Social Science and Philosophy Research Foundation ng UP Diliman at Kagawaran ng Edukasyon na sumuri sa Revitalized Guidance Program sa mga pampublikong mataas na paaralan sa Pilipinas.  Pagkatapos ng proyektong ito, nagsilbi siyang research associate para sa Filipino WellBeing Project ng Center for Development and Integrative Studies ng UP Diliman.

Kalaunan, naging bahagi siya ng kaguruan ng UP Diliman Departamento ng Sikolohiya.  Bilang propesor, ginawaran siya ng  UP Diliman Interactive Learning Center bilang isa sa limang pinakamahusay na guro ng unibersidad noong 2010.  Sa taong ding ito, pinangunahan niya ang isang radio show project (Psych O’clock Habit) na umere isang beses kada linggo sa DZUP, ang istasyon ng radyo ng UP Diliman.

Patuloy din niyang isinagawa ang mga pananaliksik sa ilalim ng iba’t ibang institusyon kagaya ng Council for the Welfare of Children, UP Center for Women’s Studies, United Nations Children’s Fund (UNICEF), and United Nations Population Fund (UNFPA).  Noong 2012,  nagpatuloy siya ng kanyang pag-aaral sa pagkuha ng kanyang PhD sa Communication Science sa Vrije Universiteit Amsterdam.  Natapos niya ang kanyang PhD ngayong 2019.

Sa pagitan ng 2016  at 2019, nagsilbi siya bilang lektyurer sa Department of Media and Communication ng Erasmus University Rotterdam. Noong Setyembre 2019, nagsimula siya bilang lektyurer sa Department of Communication Science ng University of Amsterdam.  Para maipagpatuloy ang kanyang personal at pampolitikang adbokasiya sa Pilipinas habang nasa Netherlands, nagboluntaryo siya bilang kasapi ng lupon at akademikong tagapayo para sa Filipino-LGBT Europe Foundation, pati na rin bilang kasapi ng Filipinos Against Corruption and Tyranny-NL (FACT).  Maliban sa pananaliksik, pagtuturo, at gawaing adbokasiya, si Dr. Billedo ay mahilig mag-scuba diving, umakyat ng bundok, mag-tour cycling, at sumayaw.  Mahilig din siyang komolekta ng mga librong pambata at umaasang balang araw ay makapagsusulat ng libro tungkol sa parental migration para sa mga anak na naiwan.

Cyber-SP? Ang Sikolohiya ng Social Media sa Konteksto ng Lipunang Pilipino

Ang papel na ito ay naglalayong magbahagi tungkol sa mga pag-aaral at karanasan sa pananaliksik sa social media gamit ang perspektibo ng mga disiplinang panglipunang sikolohiya at communication science. Ang papel ay magbibigay ng pangkalahatang kaalaman tungkol sa Cyberpsychology bilang isang larangan, kabilang na ang mga paksang kadalasan at pausbong na inaaral. Tatalakayin ang kasaysayan at pag-unlad ng Internet at ang kaakibat na computer-mediated communication na naging daan sa paglago ng anyo ng kasalukuyang social media. Pag-uusapan ang mga katangian ng social media at digital technology na batayan ng mga affordances sa komunikasyon at pakikipag-ugnayan. Layon din ng papel ang pagtalakay sa mga pagbabago sa komunikasyon at pakikipagrelayson kaugnay ng paggamit ng social media at digital technology. Pagtutuunan ng pansin sa mga naturang pagtalakay ang kahalagahan at saysay ng mga pagbabagong ito sa lipunang Pilipino, partikular na sa larangan ng close relationships, wellbeing, migration, at politika. Mahalagang bahagi din ng papel ang pagtalakay sa mga implikasyon at mga hamon kaakibat ng social media at digital technology sa Sikolohiyang Pilipino bilang disiplina (e.g., paksa at nilalaman, pamamaraan ng pananaliksik, pagbabahagi ng kaalaman), kilusan, at pakikibaka.

Unang Plenaryong Sesyon: Social Media at Mental Health
Dr. Divine Love A. Salvador
Departamento ng Sikolohiya
Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya
Unibersidad ng Pilipinas Diliman

Si Dr. Divine Love A. Salvador, R.Psy. ay isang sikolohistang pang-klinika at kawaksing propesor ng Departamento ng Sikolohiya sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman. Nagtuturo siya ng mga pang-gradwadong kurso sa Psychopathology, Psychotherapy, Cognitive-Behavioral Therapies, at Existential Therapy. Bahagi ng karanasan niya sa trabaho ang pagbibigay ng sikoterapi para sa mga indibiduwal, pamilya, at grupo; pagsasagawa ng clinical at corporate assessment; pagbibigay ng disaster mental health at psychosocial support services; at pagsusulat para sa print, screen, at educational media. Ang interes niya bilang researcher-practitioner ay tungo sa pagdebelop ng sikoteraping Pilipino at pagtukoy ng mga etikal at metodolohikal na hamon sa pagsasagawa ng sikoterapi sa mga marginalized clinical populations. Bilang guro, layunin niya ang gabayan ang kanyang mga mag-aaral sa paghubog ng diwang pang-etika kaakibat ng klinikal na pag-unawa.

Ang Etika ng Pakikitungo, Pamamatnubay, at Diskurso: Nakagiginhawang Pagtugon sa Magkabilang Talim ng Social Media

Isang mahalagang larangan ng pamumuhay ngayon ang social media. Nagsasalubong ang ebidensya mula sa pananaliksik at obserbasyon mula sa pagsasagawa ng counseling at psychotherapy na ang social media ay may tanging kapangyarihan sa kalusugang pangkaisipan ng mga gumagamit nito. Makakabuting tingnan ang impluwensiya ng social media sa kalusugang pangkaisipan bilang double edged sword o espadang may magkabilang talim. Sa isang banda, may ebidensiyang nagpapakita ng mga negatibong kahihinatnan sa mental health ng sobra at reaktibong paggamit ng social media. Sa kabilang banda, may ebidensiyang tumutukoy sa posibleng nakagiginhawang paggamit nito.

Mahalaga ang usapin ng nakagiginhawang paggamit ng social media para sa: 1) mga indibiduwal na may mental health problems, 2) kanilang mga mahal sa buhay at tigapangalaga, 3) mga propesyunal na may tungkulin ng pangangalaga’t pamamatnubay, at 4) sinumang nakikisali o nasasama sa mga diskurso tungkol sa mental health. Tatlong aktibidad ang nasasaklaw sa paggamit ng social media na may kinalaman sa mental health: pakikitungo, pamamatnubay, at pakikipagdiskurso. Ang nakagiginhawang paggamit ng social media ay naka-angkla sa etika ng pagsasagawa ng tatlong aktibidad na ito.

Ikalawang Plenaryong Sesyon: Pakikipagkapwa sa Social Media
Dr. Ma. Rosel S. San Pascual
Departamento ng Pananaliksik sa Komunikasyon
Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla
Unibersidad ng Pilipinas Diliman

Si Dr. Ma. Rosel S. San Pascual ay kasalukung Tagapangulo ng Departamento ng Graduwadong Programa ng Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla. Siya ay may PhD sa Komunikasyon mula sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman, MA sa Communications and New Media mula sa National University Singapore, at Masterado sa Development Economics mula sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman.  Ang kaniyang mga interes sa pananaliksik ay sumasaklaw sa makabagong midya, online discourse, transnational migration, at komunikasyong pampamilya.

Si Dr. San Pascual ay pangunahing nagtuturo ng kuwantitatibong metodo ng pananaliksik, measurement at sampling, at kuwantitabibong pagsusuri ng datos kapwa sa di-gradwado at gradwadong antas.

Aktibo rin siya sa pagsasagawa ng akademikong pag-aaral sa komunikasyon at makabagong midya, online discourse, mga epekto ng midya, ICT & development, transnational migration, at komunikasyong pampamilya.  Ang kaniyang mga pinakabagong publikasyon ay kinabibilangan ng tatlong kabanata ng libro na internasyonal na nailathala (Harnessing the Potential of Communication for the Well-Being of Transnational Families in Communicating for Social Change: Meaning, Power, and Resistance, Palgrave Macmillan, 2019; The Paradoxes in the Mobile Parenting Experiences of Filipino Mothers in Diaspora in Mobile Communication and the Family – Asian Experiences in Technology Domestication, Dodrecht, Springer, 2016; Mobile Parenting and Global Mobility: The Case of Filipino Migrant Mothers in Interdisciplinary Mobile Media and Communications: Social, Political and Economic Implications, IGI Global, 2014) at dalawang artikulong nailathala sa lokal na dyornal (Scoping the Literature on the Influence Potential of Celebrity Political Endorsers, PCS Review Journal, 2015; Living Through the Parameters of Technology: Filipino Mothers in Diaspora and Their Mediated Parenting Experiences, Plaridel Journal, 2014).   Kasamang may-akda siya ng isang kalalathalang libro (International Migration, Remittances, and Economic Development, with E.M. Pernia, E.E. Pernia, and J.M. Ubias, De La Salle University Press, 2014), kasamang may-akda ng isang kabanata ng libro (Who votes for dynastic candidates? Philippine Senatorial Elections in Building Inclusive Democracies in ASEAN, with C.C. David, Anvil, 2015), at kasamang may-akda ng mga artikulo sa dyornal (Reliance on Facebook for news and its influence on political engagement, with C.C. David and M.E.S. Torres, PLoS ONE, 2019; Predicting vote choice for celebrity and political dynasty candidates in Philippine national elections, with C.C. David, Philippine Political Science Journal, Taylor and Francis Group).   Nag-aambag din siya ng mga popular na bersiyon ng kaniyang saliksik sa Rappler.

Ang kaniyang pag-aaral sa online civility at incivility ay naipresenta niya sa ilang pambansa at pandaigdigang kumperensiya (i.e., Annual International Communication Association Conference 2019; Pinoy Media Congress 2019; National Communication Research Conference 2018; Philippine Studies Association National Conference 2018; Philippine College Radio Congress 2018; HappyNews).

Si Dr. San Pascual ay kasalukuyang Ingat-Yaman ng Lupon ng Pi Gamma Mu International Honor Society–Philippine Alpha Chapter, Auditor ng Lupon ng Philippines Communication Society (PCS), at Ingat-Yaman ng Philippine Association for Communication and Media Research Inc. (PACMRI).  Siya ay co-host din ng Trending Na!, isang lingguhang programa sa radyo na mapapakinggan tuwing Martes ng 10-11 n.u. sa DZUP at dzup.org.

Detoksipikasyon ng mga Espasyo ng Social Media: Maaari Ba Tayong Sumang-ayon sa Di-pagsang-ayon?

Nakapundasyon ang deliberatibong demokrasya sa kalayaan ng magkakaibang hanay ng publiko na makilahok sa diskursibong interaksiyon, na ang nagkakaiba-ibang pananaw ay maaaring maipahayag, mapakinggan, at malimi. Binuksan ng social media ang isang panibagong espasyo kung saan ito maaaring mangyari.

Gayunman, sa mga kasalukuyang nagaganap, tila napahihina ang bisa ng social media bilang lunan kung saan teoretikal na maaaring maisakatuparan ang deliberatibong demokrasya. Sa halip na isang demokratikong espasyong kumikilala sa multiplisidad ng nagtatalabang tinig, nagsilbing arena ang social media ng kawalan ng pagpaparaya at paggalang. Tila bumabalikwas ang kumbensiyon ng ugnayan at napagmumukhang normal ang kagaspangan.

May pag-asa pa ba para sa isang magalang na di-pagkakasundo sa social media?  Ano ang maaari nating gawin para malinis ang espasyong ito?

Ilalatag ko ang isang panukala na nakabase sa teorya at ebidensiya sa kung paano tayo puwedeng magtulungan na gawing buhay at hindi nakapipinsala ang espasyo ng social media.

Ikatlong Plenaryong Sesyon: Social Media at Demokrasya
Dr. Jason Vincent A. Cabañes
Departmento ng Komunikasyon
Kolehiyo ng Malalayang Sining
Pamantasang De La Salle

Si Dr. Jason Vincent A. Cabañes ay Kawaksing Propesor sa Komunikasyon at Research Fellow sa Pamantasang De La Salle – Maynila. Kasama ng kaniyang pangunahing interes sa pananaliksik  sa pamagitan ng  kros-kultural na pagkakaisa at ugnayan, may pananaliksik din siya sa kalagayan ng digital labour sa  Katimugan ng Daigdig.  Kaugnay nito, kasalukuyan niyang isinasagawa ang isang proyektong pinondohan ng United Nations Development Programme (UNDP) tungkol sa ‘The digital hijacking of deep stories: On the narratives of disinformation in Philippines society’.  Bago nito, kasama niyang pinamunuan ang digital labour stream ng Newton Tech4Dev Network na sinuportahan ng British Council.  Sa mga panahong ito, naging kasamang may-akda siya ng isang public report na “The Architects of Networked Disinformation: Behind the Scenes of Troll Accounts and Fake News Production in the Philippines”, maging ng mga kabanata na ‘Fake news and scandal’ sa The Routledge Companion to Media and Scandal at ‘The rise of trolls in the Philippines (and what we can do about it)’ sa A Duterte Reader.  Ang iba pa niyang mga artikulo ay nailathala sa mga nangungunang publikasyon kagaya ng New Media and Society, Media, Culture, and Society, Visual Studies, Popular Communication, at International Journal of Cultural Studies.

Dis-Impormasyong Dihital sa Pilipinas: Inobasyong Konseptuwal, Pag-unawang Resosyalisado

Binabalangkas sa presentasyong ito ang apat na susing kaparaanan upang mas maunawaan ang panlipunang kalidad ng kontemporaryong dis-impormasyong dihital (digital disinformation), partikular sa konteksto ng Pilipinas. Binibigyang-diin nito ang halaga ng pagtingin sa dis-impormasyong dihital (1) hindi lamang mula sa maka-Kanluraning balangkas kundi pati na rin sa isang global at komparatibong perspektiba, (2) hindi lamang bilang nilalaman kundi isang representasyon ng produksiyong kultural, (3) hindi lamang tekstuwal kundi isang bahagi ng kulturang biswal, at (4) hindi lamang tiyak na set ng impormasyon kundi kapaloob sa mas malawak na naratibong panlipunan. Tinatalakay rin sa panayam na ito ang mga implikasyon ng mga inobasyong konseptuwal sa kung paano maaaring makabuo ng tiyak at lokal na mga solusyon sa nakapipinsalang penomenong ito.

 

I-download: Liham Paanyaya, Tentatibong Programa, CHED Endorsement, DepEd Advisory

 

 

 

 

 

 

 

Leave a Reply