By | 07/05/2018

Katinuan, Kalihisan, Kalusugan: Ang Mental Health sa Konteksto ng Kultura, Lipunan, at Sikolohiyang Pilipino
15-17 Nobyembre 2018
Ateneo de Manila University
Katipunan Avenue, Loyola Heights, Lungsod Quezon

Mga Layunin ng Kumperensiya:
1. Matalakay ang mga usapin na may kinalaman sa kalusugang pangkaisipan (mental health) sa konteksto ng kultura, lipunan, at sikolohiyang Pilipino;
2. Magtampok ng mga bagong pananaliksik sa kultura, lipunan at sikolohiyang Pilipino; at
3. Magbahagi ng mga kaalaman at kasanayan sa Sikolohiyang Pilipino.

Bayad sa Pagdalo:

 Kasapi   Di-Kasapi Di-Gradwadong Mag-aaral (Undergraduate Student)
Early Bird Registration (hanggang 15 Setyembre 2018) Php3,500.00 Php3,700.00 Php2,000.00
Regular Registration (mula 16 Setyembre hanggang 27 Oktubre 2018) Php3,800.00 Php4,000.00 Php2,200.00
Online Registration Form: bit.ly/pksp2018pagpapatala
Panawagan sa Papel: bit.ly/pksp2018papel (DEDLAYN: 31 HULYO 2018) (PINALAWIG NA DEDLAYN: 31 AGOSTO 2018)
.
Tungkol sa mga Tagapagsalita at mga Abstrak ng Sesyon
.
Kgg. Risa Hontiveros
Senador
Republika ng Pilipinas
*
Si  Akbayan  Senator  Risa  Hontiveros  ang tagapagtaguyod     ng karapatan ng mga kababaihan at kalusugan, gayundin ng iba pang    mga     sektor tulad   ng        paggawa at kalikasan.
Siya ang boses ng mga ordinaryong Filipino sa Senado. Ang kanyang pakikipaglaban ay nagsimula pa            noong kanyang kabataan. Bilang isang high-schooler sa St. Scholastica’s College Manila, bumuo siya ng grupo para labanan ang Bataan  Nuclear Power Plant (BNPP).

Noong panahon ng  kanyang   kolehiyo naman ay namuno siya bilang miyembro ng student  council at  pinangunahan  ang  kampanya  para  sa  kapayapaan  at katarungang panlipunan.

Noong 2001, nakuha ni Senador Risa ang Ten Outstanding Young Men (TOYM) Award for Peace and Advocacy para sa kanyang mga nagawa bilang bahagi ng peace talks sa National Democratic Front (NDF).

Isa rin siya sa 27 Filipina na kasama sa listahan ng 1,000 kababaihan sa mundo na nominado sa Nobel Peace Prize noong 2005.

Bilang representante ng Akbayan Partylist noong ika-13 at ika-14 na Kongreso, si dating Congresswoman Risa ay ipinaglaban at pinangunahan ang pagsasabatas ng Cheaper Medicines Law at ng Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms Law (CARPER).

Pinangunahan niya rin ang grupo ng civil society at iba pang mga organisasyon para maipasa ang Reproductive Health Law o RH Law, isang batas na nagbibigay daan sa ating mga kababaihan at ng kanilang pamilya para reproductive health at modern family planning.

Si Senador Risa ay nagsilbi ring miyembro ng Board of Directors ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth). Bilang board of director, itinulak niya ang pagpapalawak ng benepisyo at saklaw nito para sa mga mahihirap at mga senior citizens.

Bilang Chairperson ng Senate Committee on Women and Gender Equality, itinutulak niya ang iba’t ibang mga panukalang batas para protektahan ang mga kababaihan laban sa mapang-abusong lipunan lalong-lalo na sa kalusugan at kapakanan ng mga kababaihan.

Panata ni Senador Risa na makapagpasa ng pinalawig na maternity leave at magpataw ng mabigat ng parusa sa mga ospital na patuloy na nanghihingi ng deposito bilang requirement bago tanggapin o gamutin ang mga pasyenteng nasa emergency.

Bahagi rin ng kanyang adbokasiya ang magtulak ng benepisyo para sa mga Barangay Health Workers, ang mga frontliners sa paghahatid ng serbisyong medikal sa mga komunidad.

Nais rin niyang maipasa ang Anti-Discrimination Bill para sa Sexual Orientation Gender Identity and Gender Expression (SOGIE), na sa unang pagkakataon matapos ang dalawang dekada ng pakikipaglaban ay nakarating na sa plenaryo ng Senado.

Si Senador Risa ay nakatapos bilang cum laude sa kursong Bachelor of Arts in Social Sciences mula sa Ateneo De Manila University. Bago siya naging mahusay na mambabatas, siya ay naging community organizer at peace advocate. Naging matagumpay rin siyang television journalist at news anchor sa ilang malalaking networks.

Si Senador Risa ay isang dedicated solo mother sa kanyang apat na anak kung saan ibinabahagi niya ang kanyang hilig sa musika, kultura at sining.

Ang Mental Health Law:  Tungo sa Pangkalahatang Kalusugan ng Pilipino

Ang bagong lagdang Mental Health Law ay isang makasaysayng okasyon, hindi lang dahil sa tagal ng panahon, kundi rin dahil sa nabibigyan ang pamahalaan ng kakayahang magbigay ng as matatag na suporta sa mga komunidad, pamilya, at mga indibidwal na matagal nang nagdurusa ng tahimik. At itong pong katahimikan na ito ang lubhang nakakabahala. Ayon sa World Health Organization, may itinatalang 300 milyong tao na apektado ng depresyon.1  Ayon rin sa nasabing organisasyon ang halagang pera na nawawala dahil sa pagbaba ng productivity mula sa depresyon ay umaabot sa US$ 1 trillion kada taon.2

Ayon naman sa datos mula sa National Center for Mental Health, ang suicide rate sa Pilipinas ay nasa 2.5 na lalake sa bawat 100,000 katao, at 1.7 na babae sa bawat 100,000 katao.3 Hindi pa po kasama rito ang mga kasong hindi naitatala o naiuulat. Ang matinding pagbabanta at diskriminasyon sa mga usaping mental health ay isa sa mga malaking dahilan kung bakit mahirap makakuha ng kompleto at tamang datos tungkol sa mental health sa Pilipinas.

Sinasabi ng WHO Mental Health Gap Action Programme na ang pagpapakamatay ay isa sa mga priority conditions ng WHO.4 Sa kanilang 2013-2020 Action Plan, nangako ang mga bansang miyembro ng WHO na bawasan ang suicide rate sa kanilang mga bansa ng sampung porsiyento pagdating ng 2020. 5 Klaro ang ebidensiya na ang mental health ay isang malubha at napakaimportanteng usapin. At ang pagtanggi rito ay isang napakalaking balakid sa kahit sinong bansang nagnanais umunlad. Kung kaya’t ang Mental Health Law ay napakaimportante para sa Pilipinas.

Nagbibigay daan ito para sa lalong malawak na pag-unawa at edukasyon, tamang suporta hindi lamang sa mga indibidwal kundi sa mas malawak na komunidad at sa bayan.

1 World Health Organization website. “Mental Disorders key facts”. (April 9, 2018). Accessed at url: http://www.who.int/news-room/fact-sheets/detail/mental-disorders

2 World Health Organization website “Mental Health in the workplace information sheet” (September2017). Accessed at url: http://www.who.int/mental_health/in_the_workplace/en/

3 National Center for Mental Health website “ASEAN countries mental health data bank.” Accessed at url: http://www.ncmh.gov.ph/index.php/mhdb#country-profile

4 Dr. Angie Carson-Arenas “What we should know about teen suicide.” (October 7, 2016). Accessed at url: http://globalnation.inquirer.net/146221/what-we-should-know-about-teen-suicide

5 ibid

Dr. Ronald T. Del Castillo
Department of Health Policy & Administration
College of Public Health
Unibersidad ng Pilipinas Maynila

Si Dr. Ronald Del Castillo ay kawaksing propesor sa patakaran at pangangasiwang pangkalusugan at sa sikolohiyang pangklinika at mga agham pangkaasalan sa Unibersidad ng Pilipinas-Maynila. Nakamit niya ang kaniyang Ph.D. sa Clinical Psychology mula sa isang joint program kasama ang Stanford University School of Medicine.  Natapos niya ang kaniyang residensiyang pangklinika sa Harvard Medical School, at kalaunan ay nagpatuloy sa postdoctoral fellowship sa Tufts University sa Boston. Si Dr. Del Castillo ay nagkamit ng masterado sa Public Health mula sa University of California, Los Angeles.  Nakompleto niya kamakailan ang kaniyang pagsasanay sa epidemiolohikal na pananaliksik sa King’s College London.  Matapos ang 24 taon sa Estados Unidos, nagbalik siya sa Pilipinas at mula noon ay nagsilbing propesor, mananaliksik, at tagapagpatuguyod ng pampublikong kalusugang pangkaisipan.  Aktibo siyang lumahok, kapwa sa Senado at Kongreso, sa mga paunang debate hinggil sa bagong lagdang Philippine Mental Health Act at kasalukuyang umuupo sa mga konsultatibong pagpupulong kaugnay ng mga tuntunin at regulasyong pampatupad nito. Kamakailan, naging bahagi siya ng mga proyektong video ng United Nations Development Program Youth CoLab at ng serbisyo-publikong patalastas na ‘13 Reasons Why’ ng Netflix Philippines. Sir Dr. Del Castillo ang punong tagasiyasat ng Diwa Mental Health Survey, isang proyekto sa kalusugang pangkaisipan ng mga mag-aaral sa unibersidad.

Community-Based Mental Health at Sikolohiyang Pilipino: Mga Pagkakataon sa Paghubog ng Philippine Mental Health Act para sa mga Pilipino at Gawa ng mga Pilipino

Ito ay isang kapana-panabik na panahon para sa mental health sa bansa. Tinatayang mapapalakas ng Philippine Mental Health Act ang pamumuno, pagsasanay na klinikal, paghahatid ng health care service, at pananaliksik at paglulunsad ng adbokasiyang naka-angkla sa katibayan. Ang bagong pinirmahang batas ay dumating sa kasagsagan ng pagpapalawak sa propesyonalisasyon ng pagsasanay ng sikolohiya dito sa Pilipinas. Gayunman, mayroong dalawang mahahalagang isyung dapat pag-usapan. Una, ang batas ba ay naaayon sa mga pagpapahalaga ng community-based mental health base sa nakasaad sa mga probisyon nito? Maaaring magdulot ito ng panganib na maging ameliorative sa halip na transformative–na nilalayon nitong magkaroon ng pagbabago sa sistema ng mental health care ngunit ang mga pundasyon nito ay ipinapatupad pa rin ang curative model na nagmula sa tradisyonal na turing sa sakit. Ikalawa, paano kaya maaaring maisama ang Sikolohiyang Pilipino sa pagpapatupad ng mga patakaran at regulasyon nito? Bagama’t hindi maikakailang ang Kanluraning sikolohiya ay nakagawa ng mahahalagang kontribusyon sa larangan ng mental health sa pangkalahatan, isang hindi kinukwestyong pamamalagay ay kung ito ba ang tunay na paglalarawan sa Pilipino dahil mas pinagtutuunan ito ng pansin kaysa sa katutubong konsepto. May pagkakataon ang isang pambansang patakarang tulad nito na hamunin ang ganitong mga palagay at magbigay pokus sa isang pambansang identidad at kamalayan na batay sa karanasang Pilipino. Kung ang mental health care ng Pilipinas ay naglalayong matugunan ang mga pangangailangan ng mga mamamayan, nararapat na ito ay para sa Pilipino at gawa ng mga Pilipino. Narito na ang pagkakataon para sa paglago, pag-abot at pagdulot ng pagbabago sa mental health sa bansa.

Dr. Violeta V. Bautista
Departamento ng Sikolohiya
Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya
Unibersidad ng Pilipinas Diliman

Si Doc “Bolet” Bautista ay isang licensed psychologist, sikotherapist, mananaliksik, guro at advocacy worker.  Isa siya sa prime mover sa pagsusulat at pagsusulong ng National Guidelines on Mental Health and Psychosocial Support in Disasters and Emergencies na ngayo’y isa sa mahalagang gabay sa gawain ng DRRM.  Si Doc Bolet ay miyembro rin ngTask Force na nagsulat at nagsulong ng RA 11036.  Siya ay may higit sa 20 taong karanasan sa sikoterapi.  Tumatanggap sya ng mga kliyente sa kanyang mga klinika sa Care and Counsel Wholeness and Training Center, sa UP Health Service at Life Change Recovery Center.  Sya rin ang nagpasimula at kasalukuyang Direktor ng UP Diliman Psychosocial Services.  Siya rin ang Punong Abala ng Clinical Psychology Program ng Departamento ng Sikolohiya sa UP Diliman.  Siya ay naging iskolar ng First Citibank, Rockefeller, Medical College of Virginia at Gestalt International Education Network.

Ang Hamon ng RA 11036 sa Sikolohiya:  Paglilinaw ng Halaga, Sakop, at mga Oportunidad para sa Disiplina

Ang bagong batas na tinatawag na Mental Health Law ay may dalang malawak at lapat sa realidad na pag-unawa sa konsepto ng mental health o lusog isip.  Sa pakahulugang ito ng bagong batas,  sinimulang himayin ng may akda ang halaga ng Sikolohiya bilang isang disiplina at propesyon sa pagbibigay buhay sa layunin ng nasabing batas.  Bilang kasapi sa Task Force na nagsulat at nagsulong ng RA 11036 at mula sa kanyang punto de bista bilang propesyonal na sikotherapist, guro, mananaliksik, at manggagawa sa komunidad, nilinaw ng may akda ang papel ng sikolohiya, ang sakop ng gawain nito, at ang matitinding pangangailangang kakaharapin ng mga propesyonal nito para sa mahusay na pagtugon sa layunin ng batas na isulong at protektahan ang lusog isip ng bawa’t Pilipino.  Lilinawin rin sa papel ang mga potensyal na hadlang at mga suliranin na kailangang malagpasan ng mga sikolohistang nagnanais na makibahagi sa paglalatag at pagsusulong ng mga panimulang palisi, proseso at mga programang uusbong mula sa pagbibigay bisa sa ispiritu at nilalaman ng RA 11036.

Dr. Raymond John S. Naguit
Tagapagtatag at Pambansang Tagapangulo
Youth for Mental Health Coalition

Si Raymond John ‘RJ’ Naguit ay isang Pilipinong aktibista, nars, doctor-in-training, at tagapagtaguyod ng kalusugang pangkaisipan. Nagtapos siya ng Batsilyer ng Agham sa Narsing noong 2012 at Doktor ng Medisina noong 2017 sa Unibersidad ng Santo Tomas-Maynila. Sa kasalukuyan, nagsisilbi siyang Tagapagtatag/Pambansang Tagapangulo ng Youth for Mental Health Coalition, Inc., isang NGO ng mga kabataan na masigasig na kumikilos para sa pagpapasa ng mental health bill at tungo sa pagpapahusay ng sitwasyon ng kalusugang pangkaisipan sa Pilipinas.

Nagsimula ang kaniyang politikal na gawain nang manilbihan siya nang dalawang termino bilang Pangalawang Tagapangulo ng UST Central Commission on Elections na siyang humahawak sa halalan sa unibersidad ng mahigit 40,000 mag-aaral.

Nakikitang ang mga usapin ng politika sa kampus ay sumasalamin sa mga pambansang isyu, pinamunuan niya ang AKTIBOTO, isang kampanyang pang-edukasyon para sa mga botante na pinangunahan ng mga kabataan noong pambansang halalan ng 2016. Nagsagawa sila ng mga batay-sa-komunidad na programang pang-edukasyon para sa mga botante, forum ng mga kandidato, at capacity building para sa kabataan. Dahil sa kaniyang partisipasyon sa mga halalang pang-mag-aaral at pambansa, nagkamit siya ng iskolarsyip mula sa Friedrich Ebert Stiftung Academy of Political Management, isang German funded program para sa pagsasanay ng mga second-line progressive leader.

Bilang mag-aaral sa UST, nagsilbi siyang kinatawan ng unibersidad sa iba’t ibang pambansa at pandaigdigang kumperensiya tulad ng ASEAN Young Leaders Association Info-Cultural Exchange Camp kung saan ginawaran siya ng Most Outstanding Delegate, at ng Harvard Project for Asia and International Relations Asia Conference kung saan naman nakamit ng kaniyang koponan ang unang gantimpala sa case study comptetition sa ilalim ng Health and Social Policy panel. Gayundin, pinagkalooban siya ng UST ng Pope Leo XIII Award for Community Development Award, Manuel L. Quezon Award for Outstanding Leadership, at ng Benavides Outstanding Achievement Award sa kaniyang taon ng pagtatapos.

Noong 2017, nakatanggap siya ng special citation sa Benito and Catalina Yap Foundation Corporate Social Responsibility Youth Awards, hinirang na Youth Champion for SDG 3: Good Health and Well Being ng The 2030 Project, at kinilala bilang isa sa Ten Outstanding Students of the Philippines sa NCR. Kamakailan, nahirang siya bilang isa sa mga youth fellow ng Future Bridging Leaders Program ng Asian Institute of Management.

Sa kasalukuyan, patuloy siyang nagsisilbing tagapagtaguyod ng kalusugang pangkaisipan, konstruktibong aktibismo, at pakikisangkot ng kabataan sa iba’t ibang isyung panlipunan.

Ang Kapangyarihan ng Kabataan sa Pagtataguyod ng Kalusugang Pangkaisipan

Ang usapin ukol sa kalusugang pangkaisipan ay isang isyu na hindi gaano kinikilala o kung pinaguusapan man, ito’y pabulong na ipinagkukwentuhan.  Sa nakaraang dalawang taon, lumakas ang kampanya para sa kalusugang pangkaisipan kasama ang iba’t ibang mga sektor. Ang kolektibong pagkilos ng mga kabataan at mga propesyonal ang isang malaking bahagi ng pagkakapasa ng RA 11036 o ang Philippine Mental Health Law of 2018, ang unang batas para sa kalusugang pangkaisipan. Ang sesyong ito ay naglalayong magbahagi ng mga praktikal na aral ukol sa adbokasiya, ang iba’t ibang anyo ng konkretong pagtugon ng mga kabataan sa nasabing paksa, at kung bakit natin kailangang palakasin at palalimin pa lalo ang usapin ng kalusugang pangkaisipan.

Dr. Ma. Regina M. Hechanova
Kagawaran ng Sikolohiya
Paaralan ng mga Agham Panlipunan
Pamantasang Ateneo de Manila

Si Ma. Regina ‘Gina’ M. Hechanova ay isang ganap na propesor sa Kagawaran ng Sikolohiya ng Pamantasang Ateneo de Manila. Nakamit ni Gina ang kaniyang Ph.D. sa Industrial/Organizational Psychology mula sa Central Michigan University at mga digring M.A. at B.S. sa Sikolohiya mula sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman. Tangan niya ang mahigit 25 taong karanasan bilang HR practitioner at consultant ng iba’t ibang organisasyon, kapwa sa Pilipinas at sa Estados Unidos. Siya ang Ehekutibong Direktor ng Ateneo Center for Organization Research and Development (Ateneo CORD) at ang pinuno ng PAP Special Interest Group on Substance Use Prevention and Treatment.  Nagsilbing Pangulo si Gina ng Psychological Association of the Philippines mula 2012 hanggang 2014 at Tagapangulo ng ADMU Kagawaran ng Sikolohiya mula 2013 hanggang 2016. Kamakailan ay nailathala ang kaniyang mga librong Understanding and Managing Filipino Worker and Organization (ikalawang edisyon) at Rebirth and Reinvention: Transforming Philippine Organizations. Naging patnugot din siya ng librong For the People, With the People: Developing Social Enterprises in the Philippines na ginawaran ng Cardinal Sin Catholic Best Book in Ministry sa Catholic Mass Media Awards noong 2010. Noong 1996, nakamit ni Gina ang UP Chancellor’s Award for Most Outstanding Faculty at hinirang na Outstanding Young Scientist noong 2005 ng National Academy of Science and Technology. Kinilala siya bilang isa sa The Outstanding Women in the Nation’s Service (TOWNS) noong 2010. Noong 2016, siya ay naging fellow sa Rockefeller Foundation Bellagio program para sa kaniyang proyektong “Resistance, Resilience, Recovery: The Southeast Asia perspective.”

Pampublikong Kalusugan Pangkaisipan: Bagong Hamon at Tungkulin para sa mga Sikolohista

Sa sesyong ito, tatalakayin kung ano ang pampublikong kalusugang pangakisiapn: ano ito, bakit ito mahalaga at ang MHPSS pyramid. Tatalakayin din ang bagong hamon at tungkulin sa mga sikolohista gamit ang perspekitbong ito. Ikukuwento rin ang naging karanasan sa pagbuo ng mga programang tulad ng Katatagan Kontra Droga sa Komunidad.

Leave a Reply