Gahum: Ang Sikolohiyang Pilipino sa Usapan at Usaping Kapangyarihan
16-18 Nobyembre 2017
Silliman University
Lungsod ng Dumaguete, Negros Oriental
Sa mahigit 40 taon, ipinamalas ng Sikolohiyang Pilipino ang pagiging lunsaran nito ng samut-saring diskurso, isa na rito ay ang diskurso sa Kapangyarihan na madalas ay mababanaag sa daloy ng talakayan at sa tindig ng mga nakikibahagi. Bibigyang-tuon ng PSSP, sa ika-42 Pambansang Kumperensiya sa Sikolohiyang Pilipino ang anyo, pwersa, salik, hamon, at pagkilos ng/sa SP bilang lunsaran ng mga usapin at usapan sa kapangyarihan. Masasabi natin na ang SP ay naging bukas sa Usapang Kapangyarihan, sa kung papaano nito pinagtitibay ang lenteng maka-pilipino sa pamamagitan ng pagdalumat ng mga konseptong mula sa oryentasyon at perspektibong Pilipino ng kapangyarihan, mula rito ay lumikha ang SP ng bukal ng mga kaalaman na naging sandigan at pamamaraan upang tuklasin at maunawaan ang pagka-pilipino sa gitna ng mga mapaniil, di angkop, at di sapat na balangkas na ginamit/ginagamit upang unawain ang pagkapilino. Sa ganang ito, ang usapang kapangyarihan ay nagiging bahagi ng mga Usaping Kapangyarihan sa ibat-ibang konteksto o larangan, nariyan ang usapin sa pulitika at kung papaano umiiral ang daynamiko ng kapangyarihan sa pagpapatupad at pagpapanatili ng demokrasya, edukasyon at ang kapangyarihang magbago at magtakda ng bagong balangkas pang-edukasyon sa Pilipinas, mga likas na yaman at ang umiiral na kapangyarihang kontrolin, pangalagaan, abusuhin, at pagyamanin ang mga ito, gayundin sa usapin ng edad, kasarian at sekswalidad, etnisidad, at iba pa. Samakatuwid, malinaw ang pag-iral ng SP sa tunguhin na maging lunsaran ng mga usapan at usaping kapangyarihan habang ang maka-kapwang lapit sa pagpapairal at pagpapatibay nito sa pagnanais na maging unibersal na sikolohiya ay nagiging dalahikan upang kilatisin ang anyo ng kapangyarihan.
Mga Layunin ng Kumperensiya
1. Matalakay at masuri ang katayuan ng Sikolohiyang Pilipino bilang lunsaran ng mga usapin at usapan sa kapangyarihan, at ang papel nito sa akademya at sa lipunan;
2. Magsagawa ng interdisiplinaryong talakayan ukol sa iba’t ibang anyo at usapin sa kapangyarihan sa mga larangan (politika, identidad, edukasyon, pamamahayag, relihiyon, at iba pa);
3. Magtampok ng mga bagong pananaliksik sa kultura, lipunan at sikolohiyang Pilipino; at
4. Magbahagi ng mga kaalaman at kasanayan sa Sikolohiyang Pilipino.
Mga Mungkahing Paksa (para sa mga nagnanais maglahad ng papel)
1. Usapan at Usaping Kapangyarihan sa Pamamahala at Pangangasiwa (Governance)
2. Usapan at Usaping Kapangyarihan sa Kapaligiran/Kalikasan (Environment/Nature)
3. Usapan at Usaping Kapangyarihan sa Edukasyon (Education)
4. Usapan at Usaping Kapangyarihan sa Sekswalidad (Sexuality)
5. Usapan at Usaping Kapangyarihan sa mga Katutubo (Indigenous Peoples)
6. Usapan at Usaping Kapangyarihan sa Kasaysayan (History)
7. Usapan at Usaping Kapangyarihan sa Kalusugan (Health)
8. Usapan at Usaping Kapangyarihan sa Sosyal at/o pang-komunidad na pag-unlad (Social and Community Development)
9. Katatagan sa panahon ng kalamidad at sakuna
10. Sikolohiyang Pilipino at ASEAN Integration
11. Sikolohiyang Pilipino at Teknolohiya
12. Sikolohiyang Pilipino at mga usapin ng Bata at Kabataan
13. Sikolohiyang Pilipino at mga usapang Pang-matatanda
14. Sikolohiyang Pilipino at mga isyu sa Panukat ng Pagkatao
15. Sikolohiyang Pilipino at Kapayaan at/o Seguridad
ONLINE SUBMISSION FORM: bit.ly/pksp2017papel (EXTENDED DEADLINE: 31 Agosto 2017)
Pagpapakilala sa mga Tagapagsalita
DR. ELIZABETH PROTACIO-DE CASTRO
Retiradong Propesor
Departamento ng Sikolohiya
Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya
Unibersidad ng Pilipinas Diliman
beth_pst@yahoo.com
Si Dr. Elizabeth Protacio-De Castro ay Retiradong Propesor sa Departamento ng Sikolohiya, Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya, Unibersidad ng Pilipinas Diliman, Lungsod Quezon. Siya rin ang Direktor ng Psychosocial Support and Children’s Rights Resource Center (PST CRRC), isang rehiyonal na institusyon na nagsasagawa ng pananaliksik, pagsasanay, at publikasyon tungkol sa mga karapatan at kapakanan ng mga bata, proteksyon ng bata, at suportang sikolohikal. Naglingkod siya para sa UNICEF East Asian and the Pacific Regional Office sa Bangkok, Thailand bilang child protection specialist sa loob ng dalawang taon. Sa kasalukuyan, si Dr. De Castro ay nagsisilbing Advisory Board Member ng Mental Health and Psychosocial Support Network (www.mhpss.net) at Tagapangulo ng Board of Trustees ng Child Rights Coalition Asia. Siya ay malawakang nakapaglathala at nagsilbing tagapagsalita sa mga isyung nakaaapekto sa karapatan ng mga bata at kabataan, katutubong sikolohiya at sikolohiyang pangkomunidad, sikolohiya ng kapaligiran at eco psychology, at iba pa.
Si Dr. De Castro ang lead researcher/principal investigator sa ilang kinomisyong pananaliksik gaya ng kasalukuyang pag-aaral na pinamagatang “Children and the Sex Trade in the Digital Age: A Study on the Commercial Sexual Exploitation of Children in Metro Manila”.
Ginawaran si Dr. De Castro ng mga pambansa at pandaigdigang parangal. Pangunahin sa mga ito ang The Outstanding Women in the Nations Service Award (TOWNS) dito sa Pilipinas at ang Leo and Liesl Eitinger Human Rights Award sa Oslo, Norway na kapwa ipinagkaloob noong 1992.
G. RAMON C. CASIPLE
Ehekutibong Direktor
Institute for Political and Electoral Reform (IPER)
moncasiple@gmail.com
Si G. Ramon C. Casiple ay kasalukuyang Ehekutibong Direktor ng Institute for Political and Electoral Reform (IPER). Siya rin ang Tagapangulo ng Consortium on Electoral Reforms (CER), ang pambansang koalisyon ng 48 civil society electoral reform stakeholder. Nagsisilbi rin siyang Bise-Presidente ng Novo Trends PH, isang survey at research company.
Pinangungunahan ni G. Casiple ang International Visitor Leadership Program-Philippines (IVLP-Phils.). Kasalukuyan siyang nakaupo sa Lupon ng Economic, Social, and Cultural Rights-Asia (ESCR-Asia) at ng Transparency and Accountability Network (TAN). Bahagi rin siya ng Lupon ng Philippine Political Science Association (PPSA), Association for Philippine-China Understanding (APCU), at Federal Council.
Nagsilbing katuwang na tagapamuno si G. Casiple ng 2002 GO-NGO National Electoral Reform Summit, 2003 GO-NGO National Voter Education Summit, 2007 Electoral Reform Summit on Election Modernization, at Stakeholders Summit para sa eleksiyon 2004, 2007, 2010, at 2016. Miyembro rin siya ng Commission on Elections Advisory Council on Election Automation (CAC) para sa eleksiyon 2010.
Si G. Casiple ang namuno sa inisyatiba ng CER na Bantay-Eleksyon, ang unang lokal na monitoring mission para sa eleksiyon sa Pilipinas. Bahagi siya ng Pera at Pulitika Working Group (PAP-WG), ang pinakaunang proyekto kaugnay ng monitoring campaign financing. Nanguna rin siya sa mga inisyal na proyektong pang-adbokasiya laban sa karahasan sa eleksiyon, Vote for Peace noong 2010, at Payapang Bayan, Payapang Halalan (PAYAPA) para sa eleksiyon 2013. Kasalukuyan siyang miyembro ng Federalism Study Group sa ilalim ng PDP-Laban Federalism Institute.
Siya ay nagsilbing tagamasid sa eleksiyon sa Estados Unidos noong 2004 sa pamamagitan ng imbitasyon ng US State Department. Noong Nobyembre 2004, siya ay naging katuwang na punong-abala sa Asian Conference on Democracy and Electoral Reforms na dinaluhan ng mga Asyanong electoral manager, akademiko, at electoral reform stakeholder. Lumahok siya sa iba’t ibang pandaigdigang kumperensiya gaya ng UN World Conference on Human Rights (Vienna, 1993), Congress of Democrats from the Islamic World (Jakarta, 2005), at World Forum on Democracy in Asia (Taipei, 2005; Manila, 2007; Seoul, 2009). Dumalo rin siya sa ASEAN Election Management Bodies Forum (Jakarta, 2011), Workshop on Election-Related Challenges in Young Democracies (Ulaanbaatar, 2012), Asian Electoral Stakeholder Forum (Bangkok, 2012; Dili, 2015; Bali, 2016), UN Global Thematic Consultation on Governance and the Post-2015 Development Agenda (Johannesburg, 2013), at Regional Conference on Democracy in Southeast Asia (Kuala Lumpur, 2017).
Si G. Casiple ay nagsilbing resource person/consultant sa iba’t ibang kongresiyonal na komite, ahensiya ng gobyerno, embahada, internasyonal na samahang pampamahalaan, akademikong organisasyon, credit rating agency, grupong namumuhunan, pribadong kompanya, at non-governmental organization. Kaugnay ng usapin sa pambansang seguridad, nagsilbi siyang resource person sa mga forum gaya ng isinagawa ng National Security Council, Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP), National Defense College, at ng AFP Command and General Staff College (AFPCGSC). Kadalasan din siyang nagiging tagapanayam bilang political analyst, kapwa ng internasyonal at lokal na midya.
Nag-aral si G. Casiple sa Don Eugenio Ladrido Memorial Elementary School (DELMES) sa Iloilo, Philippine Science High School (PSHS), at Unibersidad ng Pilipinas.
ATTY. GOLDA BENJAMIN
Lecturer
Silliman University College of Law
goldabenjamin@gmail.com
Si Golda S. Benjamin ay kasalukuyang mananaliksik at kinatawan para sa Timog Silangang Asya ng Business & Human Rights Resource Centre, isang internasyonal na NGO na nakabase sa London at New York, na nakatuon sa mga usapin hinggil sa mahusay na kasanayan kaugnay ng pagnenegosyo at sa pang-aabuso sa karapatang pantao. Siya ay nagtapos ng kursong Sikolohiya at Batas sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman. Sa kolehiyo, nagsilbi siyang pangulo ng UP Bukluran sa Sikolohiyang Pilipino sa loob ng isang taon.
DR. JOSE ANTONIO R. CLEMENTE
Katuwang na Propesor
Departamento ng Sikolohiya
Unibersidad ng Pilipinas Diliman tonton.clemente@gmail.com
Kasalukuyang Katuwang na Propesor sa Departamento ng Sikolohiya, Unibersidad ng Pilipinas Diliman si Jose Antonio R. Clemente. Nagtapos siya ng kaniyang doktorado sa University of Macau nitong 2017. Nakuha naman niya ang kanyang masterado at batsilyer sa sikolohiya (magna cum laude) sa UP Diliman.
Bilang isa sa mga kasaping panghabambuhay ng PSSP, nagsilbi si Dr. Clemente bilang Pangalawang Pangulo at Tagapangasiwang Direktong noong 2012 hanggang 2013. Pinamahalaan niya ang ika-36 na Pambansang Kumperensiya noong 2011. Naging tagapayo rin siya ng Tatsulok.
Ilan sa kanyang mga kasalukuyang pananaliksik ay nakatuon sa sikolohiya ng katayuan sa lipunan, eksplorasyon sa mga sikolohikal na epekto ng sahod, pag-aaral ng mga katangian ng iba’t ibang midya na nakakaimpluwensya sa mga saloobin, at imbestigasyon ng mga katutubong konsepto tulad ng hiya na nawa’y makatulong sa pagtaguyod ng mabuting tunguhan ng mga tao sa isa’t isa. Pangarap niyang maitatag sa lalong madaling panahon ang isang quality of life research lab na siyang magiging tahanan ng mga pananaliksik na kanyang isinasagawa at gusto pang gawin.
Abstrak ng mga Papel sa Plenaryong Sesyon
Iba’t Ibang Perspektiba sa Usapan at Usaping Kapangyarihan
Dr. Elizabeth Protacio-De Castro
Retiradong Propesor, Departamento ng Sikolohiya
Unibersidad ng Pilipinas Diliman
Anong unang pumapasok sa isip niyo kapag narinig niyo ang salitang “kapangyarihan”? Kadalasan ito ay inuugnay natin sa isang lider o autoridad na may kakayahan na mapasunod ang isang tao o groupo na gawin ang kanyang gustong mangyari. Ang magkaroon ng kapangyarihan sa isang tao o bagay ay ang pagkakaroon ng kakayahan na gumawa, utusan, pigilin o kontrolin ang isang tao o bagay. Tinatawag ang tao o grupo na “may kapangyarihan kung siya ay may kakayahang papangyarihin o impluwensyahan ang isang hindi inaasahang bagay o kaganapan. Ang pinag-uugatan ng salitang ito ay “yari na” o may kaugnayan sa pangyayari.
Ang “kapangyarihan” ay isang napakahalagang konsepto na may kinalaman sa pangkalahatang takbo ng lipunan at ang implwensya nito sa maraming aspeto ng buhay ng tao at pamayanan. Tatalakayin sa papel na ito ang mga konsepto ng kapangyarihan sa kontekstong Pilipino at.ilalatag ang larangang leksikal pati na ang mga kaugnay na konsepto – pwersa, bisa, lakas, tindi, etc. Bibigyan pansin din ang: 1) iba’t ibang anyo at porma ng kapangyarihan – positibo at negatibo, panlabas at panloob; 2) iba’t ibang klase ng kapangyarihan – kapangyarihan ng wika, kapangyarihan ng pag-ibig, kapangyarihan ng kalikasan at kapangyarihan ng Diyos at 3) iba’t ibang larangan nito – sosyal sikolohikal, cultural, pulitikal, espiritwal, ekolohikal.
Ang pinakamahalagang katanungan na sasagutin ng papel na ito ay: Ano ba talaga ang tunay na kapangyarihan? Saan ito nanggagaling? Sino ang nagtataglay ng nito? Paano at kailan ito ginagamit? Para saan at para kanino ito?
Ilalapat ang mga katanungang ito sa kasalukuyang kalagayan ng lipunang Pilipino at titingan kung ito ba ay ayon sa pamantayan ng tunay na kapangyarihan, Magmumungkahi rin na bumuo ng sariling pananaw, posisyon at mga panukula upang makaangkop tayo sa mga kaganapang nangyayari ngayon sa ating kapaligiran at pamayanan.
Usapan at Usaping Kapangyarihan sa Pamamahala sa Pilipinas ng Administrasyong Duterte
Ramon Casiple
Executive Director, Institute for Political and Electoral Reform (IPER)
Si Rodrigo Roa Duterte, Jr. , mayor ng Lungsod ng Davao, ay ipinroklamang ika-16 na presidente ng Republika ng Pilipinas noong Mayo 9, 2016. Tinalo niya ang isang bise-presidente, dalawang senador, isang dating senador, at isang miyembro ng gabinete ng administrasyong Aquino. Ibinoto siya ng 16.5 milyong botante o 39 porsyento ng kabuuang boto sa eleksyon.
Ang kanyang pag-akyat sa pagkapangulo ay nangyari eksaktong 30 taon pagkatapos ng rebolusyong “People Power” ng 1986. Ang huli, sa kasaysayan, ay nagbunsod ng isang elitistang demokrasya na, sa ubod, ay ang pagnakaw ng kapangyarihang publiko ng isang oligarkiyang uri sa bansa. Ang boto para kay Duterte ay maaaring ituring na botong protesta sa kalakarang ito na patuloy na naglulublob ng napakalaking bahagi ng gating kababayan sa kahirapan ang kawalan ng pampulitikang kapangyarihan. Ang kanyang islogan ng “Pagbabago” ay manipestasyon ng pagnanasa na lumaya mula sa kasalukuyang kumunoy ng kahirapan.
Gayunpaman, ang iba’t ibang grupo sa loob ng oligarkiya ay naghahabol na makuha ang administrasyong Duterte sa kanilang panig, labanan ang paghina ng mga kasalukuyang pribelihiyo, at makipag-bunong braso laban sa mga radikal na reporma na maaring gawin nito. Posible ring tanggapin nila ang isang makasaysayang kompromiso sa porma ng isang pagbabago ng kaayusang konstitusyunal tungo sa pederalismo.
Ang mga repormang sosyal na binabalak ng administrasyong Duterte, kagaya ng kapayapaan at kaayusang publiko, prosesong pangkapayapaan, karapatan sa kapaligiran, mga patakarang pabor sa mahihirap, at paglaban sa korupsyon ay nababahiran o nasasapawan ng mga usapin sa karapatang pantao, lalo na sa kampanyang anti-droga. Usapin na ngayon ang kakayahan niyang maisakatuparan ang kanyang pangako ng “Pagbabago.”
Ang penomenong Duterte ay nagsasalamin ng isang pandaigdigang tunguhin ng populismo, kagaya ng pagiging pangulo ng United States ni Donald Trump. Nakakonteksto din ito sa paghina ng Pax Americana, ang kaayusang pandaigdigan ng nakaraang 70 taon mula nang katapusan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Ang rehimeng Duterte ay isang rehimeng transisyon sa isang daigdig na dumadaan din sa saring transisyon.
Usapan at Usaping Kapangyarihan sa Katarungan at Karapatang Pantao sa Pilipinas
Atty. Golda S. Benjamin
Lecturer, Silliman University College of Law
Tinitingnan ng maraming Pilipino ang karapatang pantao ayon sa kung ano ang tama o mali — ang pananaw na ito ay ikinakabit nila sa pananagutan ng mga taong nagkasala at sa konsepto ng katarungan. Sa nakakarami, ang pananaw na ito ay hindi nakadepende sa kung ano ang pagtingin ng relihiyon o ng batas sa karapatang pantao. Dito, makikita natin kung bakit nahihirapan ang nakararami na maintindihan na may karapatang pantao din ang mga adik at drug lord. Mahalaga din na maintindihan ang mga pananaw na ito ayon sa mga konsepto ng: 1) Katarungan – ang pagpapataw ng naaayong parusa sa mga nagkakasala; 2) Hiya, mapapahiya, napasubo — mga konsepto na pwedeng tingnan upang maintindihan kung bakit ayaw ng nakararami na tingnan ang isyu ayon sa ibang batayan tulad ng batas at relihiyon.
May mga Umaasenso at May mga Nananatiling Agrabyado:
Mga Perspektibo, Panukala, at Paanyaya tungkol sa Pag-aaral ng Kapangyarihan at Katayuan sa Lipunan
Dr. Jose Antonio R. Clemente
Katuwang na Propesor, Departamento ng Sikolohiya
Unibersidad ng Pilipinas-Diliman
Makapangyarihan ang isang grupo kung may kontrol sila sa mga pinahahalagahang resources, may respeto sa kanila ang mga tao bunga ng kanilang estado, at may impluwensya sila sa magiging takbo ng buhay ng mga mas nakabababa sa kanila (Fiske, 2010). Batay sa depinisyong ito, ang mga mayayaman o nakaaangat sa buhay (middle to upper class) ay isang halimbawa ng grupong makapangyarihan. Dahil sa mga benepisyo at pribilehiyong tinatamasa ng mga may-kaya, hindi nakapagtataka na pangarap ng madami sa atin ang umasenso at umangat sa kanilang kasalukuyang estado (social mobility) (Clemente et al., 2017; Tuason, 2008). Pero bakit kaya tila ilan lang ang umaasenso samantalang ang iba ay nananatiling agrabyado? Bakit kaya nagpapatuloy at mahirap wakasan ang kawalan ng pagkakapantay-pantay sa lipunan (social inequality)? May kawalan ng pagkakapantay-pantay kung iilang grupo o sektor lang ang makapangyarihan. Para sa sesyong ito, sisikapin kong sagutin ang tanong na: Anu-ano ang mga posibleng sikolohikal na kahihinatnan ng pag-angat ng estado sa buhay ng isang tao? Ang aking pangunahing argumento: kaakibat ng pag-asenso ng isang tao ang ilang hindi positibong pagbabago tulad halimbawa ng pag-endorso niya ng mga paniniwalang magpapanatili ng status quo dahil may ganansya na siya rito.
Hahatiin ko sa tatlong bahagi ang pagsagot sa tanong na ito. Una, ilalatag ko muna ang mga pananaliksik at perspektibo tungkol sa sikolohiya ng katayuan sa buhay (psychology of social class). Tatalakayin ko ang mga paniniwalang kakabit ng pag-asenso o pag-angat sa buhay (e.g., meritocracy), ang mga kilos na madalas iugnay sa mga nakaaangat sa buhay (e.g., pagiging makasarili), at ang pananaw na ang katayuan sa buhay ay isang kultura na humuhubog sa mga paniniwala at kilos ng isang tao (i.e., social class as culture).
Pangalawa, magbabahagi ako ng isang panukalang pananaliksik sa kung paano posibleng pag-aralan ang siklo ng di pagkakapantay-pantay sa lipunan na maaaring bunga ng pag-asenso. Gagamitin kong balangkas ang proseso ng acculturation (Berry, 1997), na nagsasabing nagbabago ang isang tao bunga ng kanyang kontak sa mga grupong iba ang kultura kaysa sa kanya.
Bilang pangwakas, magbibigay ako ng paalala at paanyaya na pagtuunan ng pansin ng Sikolohiyang Pilipino ang pag-aaral ng katayuan sa lipunan. Bukod sa pasok ito sa layunin ng SP na pag-aralan ang kultura, makakatulong din ito upang makaiwas sa pag-essentialize ng katangian ng mga Pilipino. Dagdag dito, akma din ito sa layunin ng SP bilang isang kilusan na nagsisikap magbigay ng evidence-based na mga solusyon sa mga suliraning panlipunan.
Abstrak ng mga Learning Session
Tungo sa Mapagpalayang Psychotherapy: Workshop sa Social Justice Model of Clinical Supervision
Anna Cristina A. Tuazon
Unibersidad ng Pilipinas Diliman
aatuazon@up.edu.ph
Tatalakayin sa workshop na ito ang paggamit ng social justice na perspektibo sa pagsagawa ng clinical supervision. Ang clinical supervision ay isang mahalagang bahagi ng pagsasanay ng isang nagnanais maging psychotherapist. Sa ilalim ng mainam na supervision sa clinical practicum, magkakaroon ng pagbubuo sa kaalaman at kahusayan na hindi magagawa sa simpleng akademikong kurso o sa simpleng pagsunod sa mga therapy protocols na walang kritikal na pagsusuri. Maraming modelo o perspektibo sa pagsasagawa ng clinical supervision. Ang pinakamadalas na gamit sa Pilipinas, halimbawa, ay ang didactic approach. Subalit, ang ganitong modelo ay nagbibigay ng total na kapangyarihan sa supervisor at hindi binibigyang lakas ang trainee at ang kanyang mga tinutulungan. Ito ay nagdudulot ng dependency ng trainee sa supervisor at dependency ng client sa therapist. Layunin ng workshop na ipahalaga ang dimension ng social justice sa clinical supervision para sa isang etikal, epektibo, at tunay na mapagpalayang psychotherapy.
Pagiging Kampeon: Ang Kapangyarihan ng Isip bilang Susi sa Tagumpay o Kabiguan sa Laro
Marissa Guinto-Adviento
Unibersidad ng Pilipinas Diliman
Michele Joan Valbuena
Silliman University
bingvalbuena@yahoo.com
Marcus Jarwin Manalo
Unibersidad ng Pilipinas Diliman
Ang pagsungkit ng gintong medalya ay unang naipapanalo sa isip kasunod lamang ang pagkamit nito sa isang paligsahan. Ang pagkakaroon ng champion mindset ang nakakapagdulot ng isang kakaibang pagganap sa pang-araw-araw na hirap ng ensayo at mahigpit na kompetisyon (high-pressure competition). Ang pagkamit sa kampeonato sa anumang larangan ay nangangailangan ng katulad na panloob na lakas na isang katangian ng taong laging mahusay ang performance. Ang champion mindset ay nakikita sa pagganap ng tungkulin at responsibilidad, mula sa pinakapayak na gawain sa araw-araw hanggang sa pinakamahirap na pagsubok sa buhay. Mula sa malawak na pananaliksik at praktis sa sport, exercise and performance psychology, ang learning session na ito ay magbibigay ng panloob na paningin kung paano gumagana ang isip ng isang kampeon at ang mga sikolohikal na kasanayan na nagsisilbing gabay sa pagbubuo ng isang champion mindset. Matututo ang mga guro, mentor, at coach ng mga istratehiya kung paano malilinang ang ganitong uri ng pag-iisip sa paaralan, tahanan, at sa buhay ng kabataaang Pilipino.
Pananaliksik at Paglalathala tungo sa Paglilinang ng Terminolohiyang Filipino sa Sikolohiyang Pilipino
Jayson D. Petras
Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino at UP Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas
jaysonpetras_upd@yahoo.com
Matibay nang saligan ng Sikolohiyang Pilipino (SP) ang wikang Filipino at mga wika sa Pilipinas sa ganap na pag-unawa sa karanasan, pananaw, damdamin, at oryentasyon ng mga Pilipino. Pinatunayan sa paglipas ng panahon ang sigasig ng SP sa pagdadalumat, pagbubuo, at pagsasalin ng mga materyales sikolohikal sa pambansang wika, kasabay ng pagtataguyod din ng mga konseptong hango sa mga lokal na wika at danas. Mahalagang mapalakas pa ang ugnayan at tunguhing ito sa pamamagitan ng patuloy na pananaliksik at paglalathala sa Filipino. Tatalakayin sa sesyong ito ang mga naging pagpupunyagi ng mga saliksik sa SP sa layunin ng paglilinang ng terminolohiyang Filipino sa sikolohiya. Magbabahagi rin ng ilang karanasan at kaparaanan na maaaring makatulong sa pagbubuo ng pananaliksik na nalilinya sa nabanggit na layunin. Kaugnay nito, ilalatag ang mga gabay at adyenda sa pananaliksik sa SP at ang mga tuntunin sa paglalathala na ipinatutupad ng DIWA E-Journal at ng iba pang akademikong dyornal na nasa wikang Filipino. Bukas at angkop ang sesyon na ito sa mga guro, mananaliksik, at mag-aaral sa sikolohiya at sa wika.
Natanggap ang Papel Ko, Tapos, Ano? Workshop sa Pagsasagawa ng Mabisang Paglalahad ng Papel sa Kumperensiya
Darren E. Dumaop
Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino at Pamantasang De La Salle
darren.dumaop@dlsu.edu.ph
Isang malaking hakbang sa pagiging akademiko ang paglalahad ng papel. Subalit, hindi ito ganoon kadali. Paano mapagkakasya sa 10 minuto ang isang buong tesis? Paano mahihikayat ang mga dumalo na makipagtalakayan? Paano sasagutin ang mga wirdong tanong? Layunin ng workshop na ito na likhaing mabisang tagapaglahad ang mga dadalong kalahok, pangunahin sa mga pambansang kumperensiya. Kasama rito ang paghahanda ng paglalahad, pagpapaliwanag ng datos, at pagpapanatiling kapana-panabik ng presentasyon.
Lingkod Aral (Service-Learning)
Deborah Mae C. Salem
Institute of Service-Learning, Silliman University
deborahcsalem@su.edu.ph
Ang lingkod aral (service-learning) ay isa sa pinakaepektibong pedagohiyang ginagamit sa edukasyon. Nagdudulot ito ng makabuluhang pagbabago sa mag-aaral kaugnay ng pagnanais na matuto, kahinatnan ng pag-aaral, at pagtatagumpay (Kinzie, 2010). Gumagamit ang lingkod aral ng istratehiyang eksperyensyal sa pagkatuto.
Ang presentasyong ito ay magtatampok sa mga kalahok ng mga batayang kaalaman hinggil sa lingkod aral: ano ito, ano ang hindi ito, natatanging katangian nito, at ang kaibahan nito sa internship, on-the-job training, boluntaryong gawain, at pagseserbisyo sa komunidad.
Tatalakayin din ang mga hakbang para sa isang matagumpay na programa gamit ang metodong PARC (preparation-paghanda, action-pagtupad, reflection-pagmuni-muni, at celebration-pagdiwang). Bibigyan ng maikling gawain ang mga kalahok na magtatampok ng panahon ng paghahanda.
Dagdag pa rito, tatalakayin din sa presentasyon ang dalawang mahalagang katangian ng lingkod aral: pagsusulat ng dyornal at pagmuni-muni. Panghuli, ibabahagi rin ang pinakamahuhusay na kasanayan sa lingkod aral ng Silliman University.
Ang SP at si Doc E: Panimulang Kurso sa SP
Miriam Aquino-Malabanan
Lyceum of the Philippines University-Batangas at Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino
mamir_27@yahoo.com
Michael David Tan Lopez
Unibersidad ng Santo Tomas at Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino
mikeyan7@yahoo.com
Ang workshop na ito ay nakadisenyo para sa mga mag-aaral na nagsisimula pa lamang aralin ang SP o mga mag-aaral na may layuning ma ‘refresh’ sa ilang konsepto ng SP.
Tatalakin ang kasaysayan ng SP at ng mga nagpasimula nito tulad nina Dr. Virgilio Enriquez, Prospero Covar, Zeus Salazar atbp.
Bahagi rin ng workshop ang pagpapaliwanag ng ilang mga konsepto sa SP tulad ng Anyo ng Sikolohiya sa Pilipinas, Kapwa at Values System, Kulelat Syndrome, Loob at Labas, Katutubong Pananaliksik sa SP.
Magbabahagi ng ilang ‘Interactive Activities’ na magpapatingkad sa mga konsepto ng SP.
Bayad sa Pagdalo sa Kumperensiya
ONLINE REGISTRATION FORM: bit.ly/pksp2017pagpapatala
I-download ang : Liham-Paanyaya
Listahan ng mga Hotel sa Dumaguete
Minor Sponsor
Mga Donor